You are on page 1of 13

ANG NAWAWALANG DIYOS

Sinasabi ng teacher nina Carlo na noong unang mga panahon daw, nagpapakita ang
Diyos sa tao bilang haligi ng apoy, o kaya ay madagundong na boses. Pero mga
piling tao lang ang pinagpapakitaan. At sa panahon ngayon ay halos wala na.
Na-imagine ni Carlo ang haligi ng apoy sa harapan niya.
Wow!
Mula noon ay di na siya nakatulog. Maski nasa eskuwelahan, o nasa playground, o
sa bahay, iyon lagi ang nasa isip niya.
Dumating ang bakasyon at nagpunta sa Cebu ang mga magulang niya. Isang
umaga ay nilapitan niya ang mga alagang asong si kano at pusang si betsy. Aalis
tayo, sabi niya. Hahanapin natin ang Diyos.
Akala ko hindi nagpapakita ang Diyos? Tanong ng pusa, na laging mapagduda.
Hindi gaya ng aso na abutan mo lang ng buto ay sasama na sa`yo maski sa dulo ng
mundo. Kaya nga hahanapin natin siya, sagot ni Carlo.
Paano kung hindi siya magpakita sa atin? Tanong uli ng pusa.
Sigurado ako, sabi ni Carlo, magpapakita siya.
Alam ng aso at pusa na kapag sigurado si Carlo, walang makakapigil dito, at
magagawa nito ang lahat. Noon, nang sinabi nito na lagi itong magiging first honor
sa klase, naging first honor nga ito.
At isa pa, kahit kailan ay di naman sila puwedeng sumuway kay Carlo. Isang beses
nga noon, nang mabanggit ng pusa kay Carlo na bakit hindi puwedeng minsan ay
ang tao naman ang sumunod sa mga hayop nagalit si Carlo at maghapong hindi
pinapasok sa kuwarto niya ang pusa.
Kaya naghanda na rin silang umalis.
Pero di pa rin matahimik ang pusa. Saan natin siya hahanapin? Tanong niya.
Di ba nasa lahat siya ng lugar? sagot ng aso. Kung nasa lahat siya ng lugar eh ba`t
pa natin siya hahanapin? Tanong uli ng pusa.
Napaisip ang aso. Saka para huwag isiping bobo siya, kasi lagi nalang siyang
kinakantyawan ng pusa na bobo, ay nagmungkahi uli. Lagi kong naririnig na
sinasabi ng ibang tao, ang Diyos daw ay nasa puso.
Bobo! Sabi ng pusa. E paano kung may sakit sa puso? Napaisip uli ang aso. Saka
sumubok uli. Nasa kamalayan? Paano kapag natutulog? Sagot agad ng pusa. Saka
napailing.
Di ka lang bobo, Istupido kapa!
Magkaiba ba `yun?
Hay naku, walang lugar ang mga bobo at istupido dito sa mundo!
Hindi na nakasagot ang aso, nakalaylay ang dila na napatingin nalang sa pusa.
Napangiti si Carlo. Sanay na siyang laging nag-aaway sina Kano at Betsy.
Napatingin siya sa sarili sa salamin. Kapag nakangiti ay lumalabas ang dimples
niya. Sana kasingdali ng dimples ang Diyos, kapag ngumingiti ka ay lumamabas.
Naghanda sila ng baong pan de sal na may palamang keso. Sumagot ang pusa.
Keso nanaman, pagkain ng daga `yan!
Diyos ko naman, sabi ng aso, ang arte mo talaga sa pagkain!
Don’t use the name of God in vain, sabi ng pusa, na sa kapapanuod ng TV ay
nahihilig mag-ingles.
Diyos ko po! Sabi ng aso, nang-iinis. OMG, Diyos ko Day, My God!
Sige, sabi ng pusa, magsalita ka ng magsalita nang ganyan.
Kaya ka ginagawang asosena!
Tumahimik ang aso.
Saan kaya tayo magsimula? Tanong ni Carlo.
Alam ko na, sabi ng aso. Kung saan pinakamadalas binabanggit ng tao ang
pangalan ng Diyos, naroroon siguro siya.
Good boy, kano. Sabi ni Carlo. Saka hinaplos sa ulo ang aso. Hmmp, sabi ng pusa.
Tamang-tama, sabi pa ng aso, dahil ako ang may pinakamatalas na pandinig sa
atin. Hmmp uli, sabi ng pusa.
Anong oras kaya pinakamadalas mabanggit ang pangalan ng Diyos? Tanong ng
pusa, sa pagtatangka na magkaroon din ng magandang maimumungkahi. At ilang
beses sa isang araw?
Hindi na natin kailangan malaman `yan, sabi ng aso.
Umirap ang pusa saka nauna nang naglakad. Sumunod sina Carlo at ang aso.
Eto ang nasa listahang ginawa nila ng mga lugar kung saan pinakamadalas
mabanggit ang Diyos:
SARADO ANG UNANG SIMBAHANG NAPUNTAHAN NILA. Di ba dapat
bukas lagi ang simbahan? Tanong ni Carlo sa bantay.
Marami kasing nagde-date sa loob ng simbahan, paliwanag ng bantay. Ginagawa
nilang motel. Kaya kapag walang misa ay pinapasara nalang.
Pag nabuntis `yun, sabi ng aso, iyon ag tunay na anak ng Diyos! Napatanga ang
pusa sa aso.
Naghahanap sila ng ibang simbahan. May isang bukas sa malapit lang. Maraming
nagtitinda ng kandila at bulaklak. May mga pulubing may kargang sanggol, kalabit
ng kalabit na nanghihingi ng limos. May mga nakatambay lang, naniningil sa mga
nagpa-park.
At may isnatser. Nagsisisigaw ang babaing naisnatsan ng cellphone. Nagkatinginan
ang aso at pusa, iniisip kung sino sa kanila ang mauunang tumulong. Hindi tuloy
sila nakatulong.
Pumasok sila. May mga naghuhulog ng pera sa donation box. May isa na
nagdadalawang-isip pa kung maglalagay. Tapos nagpasyang huwag na lang.
Nakapila ang mga taong hahaplos sa rebulto ng Black Nazarene. May isang nanay
na karga ang sanggol na may sakit. Matagal niyang hinaplos ang rebulto, saka
inihilamos ang kamay sa mukha ng anak.
Aso: Bakit iba-iba ang kulay ni Jesus? Minsan itim, minsan puti?
Pusa: E kayong mga aso, di ba iba-iba din ang kulay n’yo?
Aso: Aso ba ang Diyos?
Nakatingin si Carlo sa isang natutulog sa loob ng simbahan. At sa pari na enjoy na
enjoy sa napakahaba niyang sermon tungkol sa mga makasalanan na hindi
makakapunta sa langit. May mga nagte-text habang nagsisimba.
Walang maramdaman o makitang Diyos si Carlo. Kaya lumalabas na sila.
Sa ospital ay nakaratay ang mga may sakit. Isa ay galit na galit sa Diyos. Ang isa
naman ay nagmamakaawa. What a shame! Sabi ng pusa. Kailangan nila ang Diyos
ngayon, samantalang noon siguro ni minsan di nila ito naalala.
E ikaw ba naaalala mo ang Diyos? Tanong ang aso. Wala ka na doon, sagot ng
pusa. Naiisip ko lang… sabi ng aso pero binara siya ng pusa. Kelan ka pa natutong
mag-isip? Mula nang makilala kita, mabilis na sagot ng aso. Tse! Sabi ng pusa,
sabay talikod, napaisip.
Pero si Carlo na nakatingin sa mga may sakit, ay wala pa ring maramdaman na
naroroon nga ang Diyos.
Kaya sunod-sunod nilang pinuntahan ang iba pang nasa listahan. Sa mga casino
kung saan sa bawat pagtaya ng mga nagsusugal ay nakikiusap sila sa Diyos. Sa
mga contest kung saan binabanggit ng mga kinkabahang contestant ang Diyos. Sa
mga awards night kung saan lagi na lang unang pinasasalamatan ang Diyos.
Sa mga nanganganak. Sa mga sementeryo. Sa mga namamalimos. Pati ang sanggol
na bagong panganak at hindi pa nababahiran ng anumang kasalanan ay tinanong
nila. Umuha lang ito nang umuha, saka umihi.
Ang iba ay pinagtawanan sila. Paano mo makikita ang Diyos, hindi ‘yun nakikita?
Ang iba ay naawa, umuwi na kayo, totoy.
Ang iba ay nagalit, ba’t n’yo ginagawang laro ang Diyos?
May isa, kinuha ang kamay ni Carlo, idinutdot sa dibdib ni Carlo, saka sinabi,
and’yan , and’yan ang Diyos.
Pusa: Galit ba ang diyos sa atin?
Aso: Bakit ayaw niyang magpakita?
Pusa: Paano kung wala palang Diyos?
Aso: Meron. Minamalas lang tayo sa paghahanap dahil lagi kang nakaismid. Dapat
ipangalan sa’yo, Ismeralda!
Pusa: Ikaw naman si Arfredo. Dahil arf ka nang arf maski wala namang dapat
kahulan!
Aso: Ako ‘ata ang nagbabantay para sa seguridad ng amo ko.
Pusa: Ikaw rin ang nagbibigay sa kanila ng rabies!
Aso: E ano, cute naman ako. Ikaw, pangit ka, wala kang kilay!
Pusa: Ikaw, laging naglalaway. Ang dila mo laging nakalaylay!
Tumigil nga kayo! Sigaw ni Carlo. Baka kaya din natin makita ang Diyos dahil
away kayo nang ayaw!
Magkatalikurang di na lang kumibo ang dalawa.
Kinagabihan ay nilapitan ng aso si Carlo, nagpapaalam. Di na raw niya kayang
tiisin si pusa.
Lumabas ang iba pang mga hinanakit ng aso, hindi lang sa puso kundi sa buhay na
mismo. Ba’t daw labinglimang taon lang ang itinokang buhay nilang mga aso,
samantalang ang mga pusa, siyam ang buhay? (Di totoo ‘yan, sabi ni carlo). Ba’t
daw apat ang paa nila, samantalang gusto nilang maging kagaya ng mga tao, na
nakakalakad nang dalawa lang ang paa? At tama naman ang pusa, ba’t daw laging
nakalaylay ang dila nila, ang sagwang tignan.
Kaya nga mas lalong kailangang makita natin ang Diyos, sabi ni Carlo, para sa
kanya ka magreklamo.
Hindi ka puwedeng umalis, patuloy ni Carlo. H’wag mo na lang pansinin ni Betsy.
Ang totoo, naiinggit ang aso sa pusa. Bukod sa matalino ang pusa, marami itong
silbi. Sa gabi ay ito ang may pinakamatalas na paningin. Malaking tulong lalo na
pag nagpupunta sila sa mga eskinita, sa mga bar, at sa mga pasiyam.
Kaya ring tumalon ng pusa at tumayo sa matataas na bakod, kaya maski di sila
nakakapasok sa loob ng ilang gusali ay nasasabi na nito sa kanila na huwag na
silang magpagod, wala sa loob ang Diyos.
Minsan, para ipakita na may silbi din siya gaya ng pusa, nagtangka ang aso na
tumalon sa pader. Nahulog ito at nagkasugat-sugat. Ayan! Sabi ng pusa.
Nagkunwari ang aso na hindi nasaktan. Naglakad nang tuwid maski gustong-gusto
nang umiyak.
Lumipas ang mga araw. Hindi tumitigil sa pag-aaway ang aso at ang pusa. Minsan
ay nahuli ni Carlo ang aso na kagatkagat ang pusa. Noong sumunod ay ang aso
naman ang kagat-kagat ng pusa.
Pag di kayo tumigil kakaaway ay di ko kayo pakakainin! Banta ni Carlo. Ay,
madaya! Sabi ng aso. Ay, di hindi! Sabi ng pusa.
Minsan ay nakalunok ng malaking tinik ang pusa. hagok ito ng hagok, hindi
makahinga. Buti nalang nailuwa din ito.
Di bale, sabi ng aso sa pusa. Di ba siyam naman ang buhay mo? Sana mamatay
kana! sigaw ng pusa.
Sana ikaw!
E di ba sabi mo nga, siyam ang buhay ko?
Kuwento-kuwento lang ‘yon, naniniwala ka naman!
Akala ko ba sabi mo totoo? Why don’t you make up your mind?
Anong make up ang sinasabi mo? Sagot ng aso. Di ko kailangan ‘yan!
Basta pag namatay ako, iiyak si Carlo, sabi ng pusa.
Mas iiyak siya pag ako ang namatay. Ako ‘ ata ang man's best friend.
Wish mo lang!
Gusto mo subukan natin na pareho mamatay?
Mauna ka! Sabi ng pusa. Saka tumalikod. Feeling superior.
Naupo siya sa ibabaw ng isang mataas na almohadon, parang reyna. Ang aso tuloy
ay naging parang alila niyang nakatanghod sa ibaba.
Di na nakatiis ang aso. Tumayo at nag lakad papunta sa kalsada. Doon ay nahiga.
Nahagip tuloy ng isang rumaragasang kotse. Buti na lang nakatayo pa rin. Ang
bobo mo kasi! Sabi ng pusa . Alam mo namang daanan ng sasakyan, diyan mo pa
rin hilig humiga!
Inggit ka lang, sabi ng aso. Saka humakbang. Nahilo. Tumulo ang dugo. Natumba.
Dinaluhan siya ni Carlo. Ayaw tumulong ng pusa. Pero lumapit na rin. Tatanga-
tanga kasi, sabi ng pusa. Sinaway ito ni Carlo. Tama na. Nanganganib na ang
buhay ni Bruno.
Akala ako ba Kano? Tanong ng pusa. Pinapalitan na niya, hindi naman daw siya
imported, paliwanag ni carlo.
Nilagnat buong gabi ang aso. Bantayan mo siya, bilin ni Carlo sa pusa.
Maghahanap ako ng gamot.
Habang wala si Carlo ay ayaw lapitan ng pusa ang aso. Nakatingin lang siya dito.
Hirap na hirap itong huminga. Diyos ko! Diyos ko! Bulong nito, mamamatay na
yata ako!
Bumuntong hininga ang pusa. Saka lumapit. Tatanga-tanga kasi, bulong niya.
Bobo talaga! Saka para mapanatag ang aso at kumalma ay sinimulan niya itong
dila-dilaan sa mukha.
Napanatag ang aso. Buong pasasalamat na nakatingin ang mga mata nito sa pusa.
Hmmp, sabi ng pusa, saka tumalikod.
Nang makabalik si Carlo nakita niyang magaling na ang aso, at masayang
nagbubulungan ito at ang pusa sa may tabi. Napangiti si Carlo. Ganito ba ang ibig
sabihin ng pari noon sa simbahan, na ang Diyos daw ay nasa ating pagmamahalan
sa isa't isa?
Pero kinaumagahan ay nag-aaway ulit ang aso at ang pusa. May nakita kasi silang
nagtitinda ng popsicle, at gusto ng aso. Pero ipinaalala ng pusa kay Carlo na
sumumpa ito na di kakain ng popsicle hangga't di nahahanap ang Diyos.
Aso: E siya naman ang gumawa noong sumpa kaya pwede rin niyang suwayin!
Pusa: Wala ka talagang prinsipyo!
Aso: Nakakain ba ang prinsipyo?
Nagpatuloy sila sa paghahanap. Ngayon naman ay doon sa kung saan laging
binabanggit ng mga tao ang Diyos dahil sa kanilang mga paghihirap.
Yung mga namatayan, mga nabulag, mga nawalan ng katarungan sa buhay, mga
hindi nakakaunawa, bakit, Diyos ko, bakit ako pa?
Pinagmasdan nila ang mga nagpepenitensya kapag mahal na araw. Panay ang ilang
ng aso, takot matilamsikan ng dugo.
Sa simbahan ay nakatalukbong ang nakahigang Kristo. Sinilip ng aso. Andito pa
naman a sabi niya. Erehe! Sigaw dito ng pusa.
Sa isang gusali ay sinabi ng isang may kanser na nagbibigay ng testimonya na I
found God! Sa isa namang kapilya ay sinabi ng isang pastor na you don't have to
look God, he will look for you.
Pagod na pagod sila at sa gabi'y tatlong anino silang halos matumba sa kalsada. Sa
sulok ay mauupo si Carlo at mamasahehin ng aso at pusa ang kanyang mga paa.
Lumipas ang apat, limang araw. Bawat taong makahanap ay tinatanong nila. Guro,
artista, magician, karpintero, madre, pulubi. Maski iyong ang mga dinidiyos ay
pera, tagumpay, karangalan, sarli.
Nakausap nila ang isang hindi naniniwala sa Diyos. Kung may Diyos ba’t may
namamatay na mga inosenteng bata? Sabi nito. Ba’t naghihirap ang mga walang
kasalanan? Ba’t napakaraming dumi at kapangitan sa puso ng tao?
Pero hindi naniwala si Carlo doon sa lalaki. Naniniwala naman siya sa Diyos.
Gusto lang niya itong makita.
Ang sumunod na kinausap nila ay isang lalaking nagsasabing nakatatlo na daw
itong reincarnation. Noong una daw ay isa itong butiki, hindi nito pinapansin ang
Diyos maski na ang mga kapwa nito butiki ay laging nagdadasal tuwing orasyon.
Tapos ay naging isa itong bilanggo, na ayaw magsisi maski na napakaraming
napatay. Pero ngayon ay isa na itong janitor, at nagbalik-loob na ito sa Diyos.
Bawat pagwawalis nito ng tingting sa sahig ay iniaalay nito sa Diyos. To God be
the glory!
Hindi mo siya kailangang makita, sabi ng janitor kay Carlo.
Ang kailangan mo lang ay ang matagpuan siya.
Napakamot lang sa ulo si Carlo, walang naintindihan. Iniwan nila ang janitor at
ang pinuntahan naman nila ay ang mga hayop. Ang nga ibon, mga ahas, mga
buwaya. Maski pinakapamaliliit na insekto ay tinanong nila. Sinipat lang sila ng
pulgas saka nagpatuloy sa kinakagat na tao, may dugo-dugo pa sa gilid ng labi.
Hindi mo ba siya nararamdaman sa ihip ng hangin? Tanong ng kabundukan kay
Carlo. Sa lagaslas ng tubig? Tanong ng isda. Sa kislap ng liwanag? Tanong ng
alitaptap.
Sa huling araw nila ang paghahanap ay nakatagpo sila sa wakas ng isang paham.
Napakahaba ng balbas nito, na gaya ng dapat lang sa lahat ng mga paham. Hindi
ito nakakakita at hindi nakakarinig, pero ang sabi ng mga tao ay marami itong alam
na hiwaga.
Saan po namin makikita ang Diyos? Tanong nila dito.
Pinagmasdan sila nito. Lumipas ang buong araw pero pinagmamasdan lang sila
nito. Wala itong sinasabi at walang naririnig. Pinipiglan ng pusa ang maghikab.
Gusto nang tumae ng aso. Limipas ang buong magdamag at sumisikat na uli ang
araw pero di pa rin nagsasalita ang paham.
Anong ibig niyang sabihin? Tanong ng aso. Kung gusto mo daw makita ang Diyos
ay tumahimik ka, sagot ng pusa.
Diyos ko, ito na nga ba ang sagot? Tanong ng aso na mula nang muntik nang
mamatay ay naging madasalin na, at laging nababanggit ang pangalan ng Diyos.
Pero lalo lang nalito si Carlo.
Kaya iniwan nila ang paham at nagpahinga sila sa paanan ng ilang bundok. Iyon na
ang huling gabi nila. Kinabukasan ay uuwi na sila.
Mahahanap pa kaya natin ang Diyos? Tanong ng pusa. Katahimikan ang sumagot
sa kanila. Ang naalala ni Carlo ay ang popsicle na gusto na niyang bilhin agad
pagkauwi.
Hindi nagtagal, sa gabing iyon ng paglalamay nila, magsimulang nag kuwento ang
aso. Dumidila-dila sa mukha nito ang liwanag ng ginawa nilang apoy.
Lima daw silang magkakapatid, sabi ng aso. Lahat sila pare-parehong may batik-
batik na itim. Isa sa kanila ay ginawang asusena ng mga lasing sa kanto. Ang iba
pa sa kanila ay di na niya nakita. Ang ina nila ay hindi na rin niya nakita.
Oo gumagala sila kalsada at naghahanap ng makakain sa mga basurahan nang
mapulot siya ni Carlo at iniuwi. Binigyan agad siya nito ng buto. Iyon ang
pinakamaligayang araw sa buhay niya.
Ang pusa naman ang nagkuwento. Sa pet shop siya nabili ni Carlo. Dalawa lang
silang magkapatid. Kinain ng ina niya ang kapatid niya pagkapanganak dahil
mahina daw ang katawan nito, di rin naman tatagal.
Takot na takot siya, na baka kainin din siya ng ina, kaya ipinapakita niya lagi na
malakas siya. Maski nanghihina ay pinipilit niya lagi na tumayo. Pero mahal na
mahal siya ng ina. Gustong-gusto niyang natutulog sa tabi ng kulot nitong buntot.
Lagi siya nitong dinidilaan. Masarap itong dumila. Kapag dinidilaan siya nito
habang nakatabi siya sa kulot nitong buntot, pakiramdam niya ay maayos lahat sa
buong mundo.
Isang araw ay binila siya si Carlo. At di na niya nakita ang ina. Sa tuwing may
nakakasalubong silang pusa na kulot ang buntot ay lagi niyang sinisipat, baka ito
ang ina niya.
Hindi nagtagal ay nakatulog ang aso at pusa. Buong pagmamahal na pinagmasdan
sila ni Carlo. Pinipilit niyang maintindihan ang lahat. Mahal na mahal siya ng aso
at pusa. Maski ano ay gagawin ng mga ito para sa kanya. At nakakaramdam siyang
sobrang katahimikan. Andito na kaya sa mga sandaling ito ang Diyos?
Pero hindi, sila lang ito. Nasa langit ang mga bituin, nasa lupa ang apoy, at andito
sila. Pero wala pa rin ang Diyos.
Nang umuwi sila kinabukasan ay hindi na sila nagkikibuan, na para bang dala-dala
nila sa kanilang mga dibdib ang kanilang pagkabigo.
Bumalik si Carlo sa dating ginagawa araw-araw, pumapasok sa eskuwela,
pinapakain ang aso't pusa pag -uwi, natutulog matapos gawin ang mga assignment
sa school.
Nakatanghod lagi ang aso sa may tarangkahan, na parang may hinihintay na
bisitang hindi dumarating. Ang pusa ay laging natutulog. Bihira na nilang
nakausap si Carlo dahil lagi itong nakasimangot at mainit ang ulo. Ngayon lamg
kasi hindi natupad ang gusto nito.
Balak ni Carlo tanungin ang kanyang teacher, na kung tutuusin ay siya naman
talagang pinagmulan ng lahat ng ito. Pero nalaman na lang niyang nalipat na ito sa
ibang eskuwelahan at may iba nang pumalit.
Dumating ang ikalabinlimang taon ng aso at isang araw ay hindi ito na
makabangon. Nilalagnat at pinagpapawisan. Hirap huming. At may maputing
lambong sa mga mata kaya wala nanag nakikita. Taas nang taas ang isang paa nito,
na parang may pilit hinahawakan.
Nang maramdaman nitong lumipat si Carlo ay tumingala ang bulag nitong mga
mata. Nagpipilit itong magsalita, paputol-putol na sinasabi kay carlo na salamat,
pinayagan niya ito na magpalit ng pangalan. Napakagandang pangalan ng Bruno.
Tumutulo ang luha ni Carlo. H' wag kang mamatay, please, sabi niya sa aso.
Pinilit ng aso ang kumahol pero maski ito ay di na niya magawa. Bumaling siya sa
kinatatayuan ng pusa. Alam niyang nakatingin ito sa kanya kaya nginitian niya.
Hindi kumibo ang pusa.
Tumingala ang bulag nang paningin ng aso sa langit. Diyos ko! Sabi niya. Saka
siya nawalan ng hininga.
Hmmp, sabi ng pusa. Saka lumapit. Malungkot na dinilaan ang bulag na mga mata
ng aso.
Inilibing nila si Brunosa bakuran ng bahay. Araw-araw ay naglalagay si Carlo ng
buto at stick ng popsicle sa lupa. Saka nagkulong siya sa kwarto ay ayaw nang
pumasok sa eskuwelahan.
Hindi nagtagal ay ang pusa naman ang naghingalo. Natatarantang pinipilit itong
gamutin ni Carlo pero pinigilan niti si Carlo, na parang sinasabing oras ko na.
Tumulo ang luha ni carlo.
Umalis ka muna, sabi ng pusa. Ayokong makita mo ako. Maski hindi sanay na
inuutusan ay sumunod si Carlo.
Nang magbalik siya ay patay na ang pusa. Buobg pagmamahal na niyakap niya ito.
Saka inilibing katabi mg aso.
Sa paglipas ng panahon at sa pagtanda ni Carlo ay natatawa sila lagi kapag naiisip
niya kung paanong noong bata pa siya ay naisipan niyang hanapin ang Diyos. Para
bang napakatagal nang panahon iyon.
Sa palibot niya ay patuloy pa rin niyang naririnig ang pagbanggit ng mga tao sa
pangalan ng Diyos. Diyos na ang bahala sa ginawa mong panloloko sa akin, sabi
ng mommy ni Carlo sa daddy niya nang hiwalayan ito. Oh my God, sabi ng
matronang nakatagpo kay Carlo nang maglayas ito, nanginginig sa ulan. God is
good! Sabi bg adviser niya, sabay bati kay Carlo dahil cum laude siya nang
magtapos sa college. In the name of God I pronounce you man and wife, sabi ng
pari sa kanila ng napangasawa niya, na di siya sigurado kung totoo ngang mahal
niya. Only God knows, naisagot niya sa kaibigan nang tanungin kung bakit
makalipas lang ang isang taon ay hiniwalayan na siya ng asawa. God will provide,
sabi ng pastor, habang nakaupo si Carlo sa isangmadilim na sulok ng simbahan.
God loves you, sabi ng mga billboard. God saves.
Sa pagsisikap at sa angking katalinuhan ay napuno niya ng mga plake at tropeo ang
opisina niya, at nagawa niyang yumaman hanggang sa kayana niyang bilhin maski
anong mga bagay, maski iyong mga hindi niya kailangan.
Pero sa puso niya ay nanatili ang pait. Nakikita ito sa mukha niya, at sa mga
pagkilos. Kapag tinignang mabuti ang mga mata niya, parang doon ay laging may
mga tanong na walang kasagutan. Kapag naglalakad siya, ang mga hakbang ay
nagbabantulot, papunta sa hindi malamang kung saan.
Madalas niyang pagtawanan ang mga empleyado niya kapag nakikita niyang
nakatinalang nagdarasal, nangunguros sa tuwing may madadaanang simbahan,
nananampalataya sa hindi nakikita.
Siya, totoo lang ang isang bagay kapag nakikita at nahahawakan. Pag sinabi ng
isang empleyado na inosente ito, hindi siya naniniwala. Kailangang patunayan nito.
Pag sinabi ng isang tao na mahal siya nito, hindi siya naniniwala. Kailangang
mapatunayan nito. Pag sinabi ng doktor na gagaling siya sa sakit niya, hindi siya
naniniwala. Iniisip niya na ayaw lang sabihin ng doktor ang totoo.
Nakatira siyang mag isa sa isang mansyon at sa gabi, pagkatapos uminom ng wine
at patayin ang TV, ay nauupo lang siya, mga isang oras. Saka matutulog na siya.
Paminsan- minsan ay naalala niya ang kanyang aso at pusa, noong bata pa siya, at
sa gayon sa bihirang pagkakataon ay mapapangiti siya. Lalabas ang kanyang
dimples. Maririnig niya uli ang mga bangayan ng dalawa. Malalasahan niya uli sa
kanyang dila ang popsicle.
Tumahimik kayo, Bruno, Betsy! Di ko kayo papakainin!
Isang hapon, noong magsisitenta na siya, habang nakahiga sa sofa, hindi niya alam
kung nakatulog siya o naalimpungatan lang. Pero napanaginipan niya sina Bruno at
Betsy.
Napaupo siya at tutok ng tutok na nakatingin sa harapan niya, takot na baka
mawala ang imahe nina Betsy at Bruno.
May sinasabi ang dalawa sa kanya, pero laging magkasabay magsalita kaya di niya
maintindihan. Ang nakukuha lang niya ay parang may sinasabi ang dalawa tungkol
sa Diyos.
Nasa langit na ba kayo? Gusto niyang itanonh sa dalawa.
Nakita n'yo na ba ang Diyos?
Pero agad ging naglaho ang imahe ng dalawa, at nanatili siya naka upo sa sofa,
nakatingin pa rin sa harapan niyana para bang bigla siyang pinagsarhan ng
pinanonood na sine.
Kinagabihan ay hindi pa rin mawala sa isipan niya ang panaginip. Maski noong
nakatingin lang siya sa mga taong nagkakasayahan sa lobby ng malaking hotel,
nagka-count down para sa bagong taon, nagpapasalamat para sa isa nanamang
maluwalhating taong nagdaan at isang manigong bagong taon na darating.
Nagyayakapan ang mga mag-aasawa at mag-anak.
Happy New Year, sir! Sabi sakanya ng mga ito. Noon niya naisipang hanapin uli
ang Diyos.
Binili niya ang pinakamahal na eroplano at umupa siya ng pinakamahal na mga
tauhan. Pinuntahan niya lahat ng mga sagradong lugar sa buong mundo, kinausap
ang lahat ng mga pinakabanal na tao para sagutin sa kahuli-hulihang pagkakataon
ang nag-iisang tanongsa buong buhay niya.
Sa isang templo ay napaupo siyasa pagod sa tabi ng madilim na pader habang ang
amoy ng insenso ay nasa hangin at ang ibang pilgrims ay nakapikit at daop-palad
sa dibdib na nakatingala sa altar.
Umuwi siyang bigo, tanggap nang kailanman ay di na makikita ang Diyos.
Isang hapon ay naglalakad siya sa isang ilang na lugar. Malayo sa mga tao, malayo
sa mga ingay, iyon ang lagi niyang gusto. Malapit ito sa isang gubat. Iniwan niya
ang kotseng minamaneho ng kanyang driver at naglakad siya. Halos hukot na at
nakukuba ang matanda niyang katawan. Mainit pa rin ang papalubog sa araw at sa
lupa sa harapan niya ay kita niya ang baluktot niyang anino.
Makalipas ang may kalahating oras ay iikot sana siya para bumalik sa kanyang
kotse, para umuwi na sa kanyang opisina, nang may tumawag sa kanya mula sa
kanyang likuran.
Parang tumigil ang mundo. Maski ang hangin. Alam niya kung ano, kung kanino,
ang boses na iyon. Sa lupa ay walang anino ang taong tumawag sa kanya.
Tinawag siya uli.
Dahan- dahan siyang lumingon. Humarap. Malamlam na ang sinag ng araw sa
mukha niya. Inaninag niya ang nasa harapan niya.
At umiyak siya. Umiyak siya nang umiyak dahil nakaharap na sa kanya ang Diyos
ay wala pa rin siyang nakikita. Dahil hindi pa rin siya naniniwala. Dahil hindi na
niya kayang maniwala.

You might also like