You are on page 1of 39

Paunang Salita

Isang taon na rin ang lumipas nang maranasan ng lahat ang pandemyang dulot ng

Covid-19. Marami ang lubhang nahirapan sa biglaang pagbago at paghirap ng sitwasyon na

malayo sa nakasanayan ng lahat. Lahat ng sektor ay naapektuhan nang sobra, lalo’t higit ang

sektor ng edukasyon. Kaya’t ang buong pamunuan ng pamantasan ay lumikha ng iba’t ibang

pamamaraan upang maabot ang bawat mag-aaral na patuloy na tumuklas ng iba’t ibang

kaalaman sa kabila ng hindi normal na sitwasyon. Isa sa pamamaraang ito ay online teaching.

Ayon sa mga eksperto, matagumpay na maisasagawa ito sa tulong ng mga kagamitang

pampagtuturo tulad ng worktext, modyul, sanayang aklat at iba pa.

Nilinaw ni Tomlinson (2001) na kapag sinabing kagamitang pampagtuturo, ito ay

tumutukoy sa anumang bagay na ginagamit ng guro upang mabisang mapangunahan at

mapangasiwaan ang pagtalakay ng aralin. Isang halimbawa nito ay workteks. Ito ay isang

sistematikong paglalahad ng mga gawaing makatutulong upang matamo ang mga tunguhin

ng aralin.

May dalawang yunit ang workteks na ito: Yunit 1 – Ang Kasaysayan ng Dulang

Filipino at Yunit 2 – Mga Salik at Sining ng Drama at Teatro. Ang Yunit 1 ay

kinapapalooban ng sumusunod na paksa: Dulaang Filipino; Kasaysayan ng Dulang Filipino

sa Iba’t ibang Panahon; at Kasaysayan ng Balagtasan at Batutian.

Samantalang ang Yunit 2 ay binubuo naman ng sumusunod: Mga Sangkap o

Elemento ng Teatro (Pagsulat ng Dula; Pagiging Director; Pag-arte; Panonood; at Pagpuna );

at Mga Dulang Pantanghalan (Dulang Embayoka/Kambayoka; PETA; Theaters Guild;

Community Theaters Guild; Dulaang Sibol; at Broadway).


YUNIT 1: Ang Kasaysayan ng Dulang Filipino

Aralin 1: Ang Dulang Filipino

Layunin:

Sa pagtatapos ng aralin, ang mag-aaral ay inaasahang:

A. Matutukoy ang iba’t ibang katangian ng dula;

B. Nakikilala ang mga dula batay sa panahon; at

C. Napupunan ang iba’t ibang sangkap, elemento, pag-arte, at galaw na bumubuo sa

isang dula.
ANG MAKULAY NA MUNDO NG DULA

Ang dula ay isang uri ng panitikang ang pinakalayunin ay itanghal sa tanghalan.

Mauunawaan at matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang ukol sa isang dula sa

pamamagitan ng panonood.

Gaya ng ibang panitikan, ang karamihan sa mga dulang itinatanghal ay hango sa

totoong buhay maliban na lamang sa iilang dulang likha ng malikhain at malayang kaisipan.

DULANG PILIPINO

KASAYSAYAN NG DULANG PILIPINO

Bago natin talakayin ang kasaysayan ng dulang Pilipino, makabubuti sigurong alamin

muna natin ang kahulugan ng dula o drama. Ito ay nag- ugat sa salitang Griyego na ayon sa

diksyonaryo, ang ibig sabihin ay pampanitikang komposisyon na nagkukuwento sa

pamamagitan ng wika at galaw ng mga aktor. Ayon sa mga mananalaysay, ang dula o drama

ay maaaring ipaliwanag sa dalawang paraan.

Sa isang dako, ang tunay na drama ayon kay Sebastian ay nagsimula noong mga

unang taon ng pangungupkop ng mga Amerikano. Idinagdag pa ni Tiongson na ang drama ay

binubuo ng tanghalan, iba’t ibang kasuotan, skripto, “characterization”, at “internal conflict.”

Ito ang pangunahing sangkap ng tunay na drama ayon sa banyagang kahulugan. Sa kabilang

dako, ayon sa mga aklat, ang drama ay drama kahit wala ang mga sangkap na nabanggit. Ito

ang dramang Pilipino. Ayon pa rin kay Tiongson, memises ang pangunahing sangkap ng

dulang Pilipino. Memises ay ang pagbibigay buhay ng aktor sa mga pang-araw-araw na

pangyayari sa buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang malaking pagkakaiba ng banyaga sa

Pilipinong dula.

Inilalarawan sa tunay na Pilipinong dula, ang mga pangarap ng bansa. Dito ipinakikita

ang mga katutubong kultura, paniniwala, at tradisyon. Ikinukuwento rin ang paghihirap at
pagpupunyagi sa buhay ng mga katutubong Pilipino. Dito rin mamamalas ang iba’t ibang

anyo ng kanilang pamahalaan at uri ng lipunan. Samakatuwid, ang tunay na dulang Pilipino

ay nagbibigay ng mas malawak na pang-unawa sa kulturang Pilipino at nagbibigay ng

kasagutan sa mga pangangailangan ng mga Pilipino. Higit sa lahat, ito’y nagsisilbing gabay

para sa kabutihan ng mga mamamayang Pilipino.

Ang kasaysayan ng dulang Pilipino ay isinilang sa lipunan ng mga katutubong

Pilipino bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop. Ayon kay Casanova, ang mga

katutubo’y likas na mahiligin sa mga awit, sayaw at tula na siyang pinag-ugatan ng mga

unang anyo ng dula. Ang mga unang awitin ay nasa anyo ng tula. Ang mga katutubo rin ay

mayaman sa epikong bayan na kalimita’y isinasalaysay sa pamammagitan ng pag-awit. Ang

mga awit, sayaw, at ritwal ay karaniwang ginaganap para sa pagdiriwang ng kaarawan,

binyag, pagtutuli, ligawan, kasalan, kamatayan, pakikipagdigmaan, kasawian,

pananagumpay, pagtatanim, pag-aani, pangingisda, atbp. Bago dumating ang mga dayuhang

mananakop, ay mayroon ng ilang anyo ng dula ang mga katutubong Pilipino.

MGA URI NG DULANG PILIPINO

Mga Katutubong Dula Mga Dula sa Panahon ng Dula sa Panahon ng mga


Kastila Amerikano
Moro-Moro
Senakulo
Karagatan
Duplo
Salubong
Paglakad ng Estrella ng
Birhen
Pinetencia
Carillo
Puteje
Juego de Prenda
Bikal at Balak Bulaklakan Sarsuwela
Karilyo Pananapatan Dula sa Makabagong
Panahon
Bayok at Embayoka Moriones
Kasayatan Dalit Alay (Flores de Mayo)

Dallot Pangangaluwa Dulang Pantanghalan na


may iba’t ibang tema

Pamanhikan Panunuluyan
Dung-aw Tibag Dulang Musikal
Dalling-daling Papuri/Putong

Ayon sa mga manunulat, ang matatawag na tunay na uri ng dula ay nagsisimula sa

mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Bagaman may mga dulang napanood at

pinaglibangan ang mga katutubong Pilipino bago sumapit ang panahong ito, ang mga tunay

na dulang sinasabing nagtataglay ng pinakamalalim na pangarap ng isang bansa,

naglalarawan ng sariling kaugalian, naglalahad ng buhay ng katutubong tulad ng nasa lona at

nagpapakilala ng papupunyagi ng mga tao ng isang bayan upang mabuhay, ay wala noon.

Ang pagdating ng mga Kastila sa Pilipinas nagbigay panibagong sangkap sa mga katutubong

dula. Ang mga dulang kagaya ng komedya ay kinasangkapan ng mga Kastila upang

mapalaganap ang Katolisismo sa kapuluan.

Ang dula sa ating bansa ay kasintanda ng kasaysayan ng Pilipinas. Bahagi na ito ng

ating tradisyon. Mga tradisyong nagbibigay ng katauhan sa mga Pilipino. Sa paglipas ng mga

taon, nagbabago ang anyo ng mga dulang Pilipino. Ngunit iisa ang layunin ng mga

mandudula: ang aliwin ang mga mamamayang Pilipino at higit sa lahat, bigyang buhay ang

mga pangyayari sa buhay Pilipino.

Lahat ng itinatanghal na dula ay naaayon sa isang nakasulat na dula na tinatawag

na iskrip. Ang iskrip ng isang dula ay iskrip lamang at hindi dula, sapagkat ang tunay na dula

ay yaong pinanonood na sa isang tanghalan na pinaghahandaan at batay sa isang iskrip.


SANGKAP NG DULA

 Tagpuan – panahon at pook kung saan naganap ang mga pangyayaring isinaad sa

dula

 Tauhan – ang mga kumikilos at nagbibigay-buhay sa dula; sa tauhan umiikot ang

mga pangyayari; ang mga tauhan ang bumibigkas ng dayalogo at nagpapadama sa

dula

 Sulyap sa suliranin – bawat dula ay may suliranin, walang dulang walang suliranin;

mawawalan ng saysay ang dula kung wala itong suliranin; maaaring mabatid ito sa

simula o kalagitnaan ng dula na  nagsasadya sa mga pangyayari; maaaring magkaroon

ng higit na isang suliranin ang isang dula

 Saglit na kasiglahan – saglit na paglayo o pagtakas ng mga tauhan sa suliraning

nararanasan

 Tunggalian – ang tunggalian ay maaaring sa pagitan ng mga tauhan, tauhan laban sa

kanyang paligid, at tauhan laban sa kanyang sarili; maaaring magkaroon ng higit sa

isa o patung-patong na tunggalian ang isang dula

 Kasukdulan – climax sa Ingles; dito nasusubok ang katatagan ng tauhan; sa sangkap

na ito ng dula tunay na pinakamatindi o pinakamabugso ang damdamin o kaya’y sa

pinakakasukdulan ang tunggalian

 Kakalasan – ang unti-unting pagtukoy sa kalutasan sa mga suliranin at pag-ayos sa

mga tunggalian

 Kalutasan – sa sangkap na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin at

tunggalian sa dula; ngunit maaari ring magpakilala ng panibagong mga suliranin at

tunggalian sa panig ng mga manonood

ELEMENTO NG DULA
1. Iskrip o nakasulat na dula/Banghay (Plot) – ito ang pinakakaluluwa ng isang dula;

lahat ng bagay na isinasaalang-alang sa dula ay naaayon sa isang iskrip; walang dula

kapag walang iskrip. Sa iskrip nakikita ang banghay ng isang dula. Ito ay ang

pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari at sitwasyon sa pamamagitan ng mga

karakter (aktor) na gumagalaw sa tanghalan.

2. Gumaganap o aktor/ Karakter – ang mga aktor o gumaganap ang nagsasabuhay sa

mga tauhan sa iskrip; sila ang nagbibigkas ng dayalogo; sila ang nagpapakita ng iba’t

ibang damdamin; sila ang pinanonood na tauhan sa dula. Ang mga kumikilos at

nagbibigay-buhay sa dula; sa tauhan umiikot ang mga pangyayari; ang mga tauhan

ang bumibigkas ng dayalogo at nagpapadama sa dula.

3. Dayalogo –  ang mga bitaw na linya ng mga aktor na siyang sandata upang maipakita

at maipadama ang mga emosyon. Nagiging mas maganda at makapangyarihan ang

dula kung may mga malalakas at nakatatagos na mga linyang binibitiwan ng mga

aktor.

4. Tanghalan – anumang pook na pinagpasyahang pagtanghalan ng isang dula ay

tinatawag na tanghalan; tanghalan ang tawag sa kalsadang pinagtanghalan ng isang

dula, tanghalan ang silid na pinagtanghalan ng mga mag-aaral sa kanilang klase.

5. Tagadirehe o direktor – ang direktor ang nagpapakahulugan sa isang iskrip; siya ang

nag-i-interpret sa iskrip mula sa pagpasya sa itsura ng tagpuan, ng damit ng mga

tauhan hanggang sa paraan ng pagganap at pagbigkas ng mga tauhan ay dumidipende

sa interpretasyon ng direktor sa iskrip

6. Manonood – hindi maituturing na dula ang isang binansagang pagtanghal kung hindi

ito napanood ng    ibang tao; hindi ito maituturing na dula sapagkat ang layunin ng

dula’y maitanghal; at kapag sinasabing maitanghal dapat mayroong makasaksi o

makanood.
7. Tema – ang pinakapaksa ng isang dula. Naiintindihan ng mga manonood ang palabas

base na rin sa tulong ng pagtatagpi-tagpi ng mga sitwasyon at pagkakasunud-sunod ng

mga pangyayari at pag-aarte ng mga aktor sa tanghalan. Naililitaw ang tunay na

emosyon ng mga aktor sa tulong ng paglinaw ng tema ng dula.

EKSENA AT TAGPO

Ang eksena ay ang paglabas-masok sa tanghalan ng mga tauhan samantalang

ang tagpo  nama’y ang pagpapalit o ang iba’t ibang tagpuan na pinangyarihan ng mga

pangyayari sa dula.

PAGTATANGHAL NG DULA

AKROSTIK na pinakabatayan habang ika’y nasa tanghalan.

S  –  seen before heard ( makita muna bago marinig)

T  –  talk in projection ( magsalita na may tamang tindig)

A  –  act realistically ( Umarte nang totoo)

G  –  give your all ( Ibigay ang lahat)

E  – exaggerate ( Eksaherado)

PAG-ARTE

Pagpasok – dito kailangang maipakita ng aktor na siya ay mula sa tiyak na lugar na

may tiyak na layunin at nasa tiyak na pag-iisip dahil ang unang impresyon na kanyang

ibibigay sa mga manonood ay ang kanyang susi sa papel na kanyang gagampanan.

Kailangang maisaisip at maisapuso niya ang kanyang katauhan bago pa man siya papasok.

Mahalaga ring mapagplanuhang mabuti ang paraan kung paano niya gustong lumantad lalo

na ang kanyang tindig. Dapat na nasisigurong ang lahat ay maayos tulad ng make-up,
kasuotan at mga kagamitan upang hindi mabagabag. Habang hinihintay ang pagpasok,

tiyaking hindi lumalabas ang anino sa entablado at huwag ding harangan ang labasan.

Kapag dalawa o mahigit ang papasok, dapat ang isa ay nagsasalita at iyon ang ang

taong huling lalabas upang hindi na niya kailangan pang lumingon sa kanyang mga kausap.

Diin at Balanse sa Entablado – ang direktor ang magtuturo sa tamang posisyon sa

entablado ngunit ang actor ay maaring tumulong sa pamamagitan ng pagtatanda sa kanyang

dapat na posisyon. Kapag natatakpan ang ibang tauhan, ang taong nasa likod ang kikilos

upang isaayos ang posisyon. Iwasan na matakpan ang iba.  Bawat tauhan ay mahalaga at

bahagi ng kabuuang larawan ng entablado gaano man ka liit ng linyang bibitawan o kahit na

“extra” lamang.

Posisyon at Paggalaw – walang kilos  o galaw ang dapat na gawin na walang

dahilan. Ang bawat kilos o galaw ay may kahulugan. Ang pag-upo o pagtayo ay dapat

naaayon pa rin sa papel na ginagampanan. Ang dalawang mag-uusap ay kailangang

magtinginan paminsan-minsan. Tingnan nang diretso ang bagay na pupulutin, ang lugar na

pupuntahan o ang taong kakausapin. Huwag na huwag tumalikod sa mga manonood.

Linya at Palatandaan – Dapat kabisado o saulado ang linyang bibigkasin. Kailangan

ding malinaw, buo at malakas ang boses ng mga actor sa pag-uusap. Ang “pag-aadlib” ay

para lamang sa kagipitan upang maiwasan ang katahimikan. Kapag nakalimutan ng isang

aktor ang linya at nawawala ang ibang impormasyon, ang ibang aktor ay mag-aadlib na hindi

pinahahalata ang pagkakamali sa pamamagitan ng pagpapakita pa rin ng pagkanatural ng

usapan.Kailangang magkaroon ng palatandaan kung saan papasok o magsisimula sa

pagsasalita at huwag itong kalimutan.

GALAW NG KATAWAN AT MGA ALITUNTUNIN

Tindig – Ito ay mahalaga hindi lamang sa kalusugan kundi pati sa personal na hitsura.
Paglakad – panatilihin ang magandang tindig sa paglalakad. Kailangang nakataas ang

balikat, diretso ang katawan at diretso rin ang pagtingin.

Pag-upo – panatilihin ang tuwid na pag-upo. Ang mga kamay ay nakalukbay (relax).

Ang kamay na naka gapos ay nagpapahirap sa paghinga at ito ay nagpapamukhang kabado.

Tandaan na ikaw ay unang huhusgahan sa iyong katauhan sa entablado, susunod na lamang

ang sa kung ano ang iyong sasabihin.

Pagtawid at Pagbalik – Ang gitnang bahagi na entablado ay tinatawag na “center”,

ang harapan ay “downstage” at ang likurang bahagi ay “upstage”

Pagtawid – ibig sabihin ay ang paggalaw mula sa isang posisyon tungo sa ibang

posisyon.

(A) (B) (C)

Up Right Stage Up Center Stage Up Left Stage

(D) (E) (F)

Right Center Stage Center Stage Left Center Stage

(G) (H) (I)

Down Right Stage Down Center Stage Left Center Stage

Pagbagsak – ang pagbagsak ng aktor tulad ng pagkamatay o pagkahimatay ng

tauhan.

Kumpas – ito ang paggalaw ng anumang bahagi ng katawan to naghahatid ng

mensahe tulad ng pagtaas o pagbaba ng kilay. Ang pagbabago ng ugali ay unang maipapakita

ng mata pagkatapos ay ng bibig, sunod ay sa mukha, pagkatapos ay sa katawan at ang huli ay

sa pamamagitan ng kilos ng barso, kamay at mga daliri.

MGA KAWANI NG PRODUKSYON


Direktor: Ang kanyang pangunahing layunin ay makabuo ng magandang

pagtatanghal. Kailangan niyang madiskubri ang saysay ay kahulugan ng buong dula. Siya rin

ang magpapaliwanag ang dulang isinulat ng tagabuo ng iskrip at ang pipili ng babagay na

artistang gaganap sa papel ng mga tauhan sa dula. Sa kanya nakasalalay ang tagumpay at

kabiguan ng dula.

Katulong ng Direktor: Siya ay papalit sa direktor kung ito ay wala at magsisilbing

tagapag – ugnay sa iba pang kawani ng produksyon.

Tagapagdikta – Siya ay hahawak ng isang “prompt book” at mamarkahan niya ang

mga bagay na kailangang tandaan ng mga actor tulad ng kumpas, mga tunog, pagbukas o

pagpatay ng ilaw at iba pa.

Tagadisenyo ng Tanghalan – magdidisenyo ng lugar na gaganapan ng dula, ng mga

kasuotan at mga mga ilaw sa tanghalan.

Direktor Teknikal – siya ang magmanipula sa lahat ng mga ilaw, musika, mga

espesyal na tunog at iba pang may kaugnayan sa kuryente. Siya ay makikipagtulungan din sa

mga paghahandang ginagawa ng tagadisenyo ng Tagpuan.

Tagapamahala ng Entablado – Sinisiguro niya na maayos ang buong entablado na

pagtatanghalan. Siya rin ang mamamahala sa likod ng entablado sa posibleng kagipitang

mangyayari.

Tagapamahala ng Tanghalan – Ang mag-aayos ng mga upuan ng mga manonood.

A. Sa pamamagitan ng Web, isulat ang iba’t ibang katangian ng Dula.


Dula

B. Buoin ang talaan ng mga uri ng dula.

Katutubo
Dula Amerikano

Kastila

C. Punan ang tsart sa pamamagitan ng pagtatala ng mga bumubuo sa sangkap,

elemento, pag-arte, at galaw sa dula.

Sangkap

Elemento

Pag-arte

Galaw
Aralin 2: Kasaysayan ng Dulang Filipino

sa Iba’t ibang Panahon

Layunin:

Sa pagtatapos ng aralin, ang mag-aaral ay inaasahang:

A. Nakabubuo ng Timeline ng kasaysayan ng Dulang Filipino;

B. Nakapagbibigay ng iba’t ibang halimbawa ng dula batay sa panahon;

C. Naitatala ang mga katangian ng isang dula batay sa panahon.


ANG DULA SA IBA’T IBANG PANAHON

A. PANAHON NG MGA KATUTUBO

Ang kasaysayan ng dulang Pilipino ay isinilang sa lipunan ng mga katutubong

Pilipino bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop. Ayon kay Casanova, ang mga

katutubo’y likas na mahiligin sa mga awit, sayaw at tula na siyang pinag-ugatan ng mga

unang anyo ng dula. Ang mga unang awitin ay nasa anyo ng tula. Ang mga katutubo rin ay

mayaman sa epikong bayan na kalimita’y isinasalaysay sa pamammagitan ng pag-awit. Ang

mga awit, sayaw, at ritwal ay karaniwang ginaganap para sa pagdiriwang ng kaarawan,

binyag, pagtutuli, ligawan, kasalan, kamatayan, pakikipagdigmaan, kasawian,

pananagumpay, pagtatanim, pag-aani, pangingisda, atbp. Bago dumating ang mga dayuhang

mananakop, ay mayroon ng ilang anyo ng dula ang mga katutubong pilipino.

MGA KATUTUBONG DULA

1. Bikal at Balak - Ang bikal ay maaaring awitin ng dalawang babae o dalawang lalaki.

ang mga mang-aawit ay magkahiwalay na nakaupo sa magkabilang panig ng silid, habang

nasa gitna ang mga manonood. Sa mga berso ng awit ay nagtatalo ang dalawa at

hinahalungkat ang mga kasiraan o kapangitan ng bawat isa. Sa ganitong pagkakataon, lalong

nag-iinit ang pagtatalo dahil ang mga manonood ay may kanya-kanyang kakampi.

Ang balak naman ay ang pagsusuyuan ng isang dalaga’t binata sa pamamagitan ng

awit na umiindayog at matalinghaga. May mga pagkakataong gumagamit ang dalawa ng

kudyapi. Sa pamamagitan ng tugtugin ng kudyapi ay naipararating ng bawat isa ang kani-

kanilang niloloob at damdamin.


2. Bayok o Embayoka - Ito’y isang pagtatalong patula ng mga Maranaw na nilalahukan

ng isang lalaki at isang babae na binabayaran ng salapi o kasangkapan pagkatapos ng palabas.

Ang mga kasali rito ay dapat na mahusay sa berso sapagkat ang kunting pagkakamali sa

pagkakamit o pagpili ng salita ay maaaring humantong sa mainitang sagutan. Sa ganitong

pagkakataon, ito ay maaaring maging dahilan ng pag-aaway ng mga pami-pamilya.

3. Kasayatan - Kadalasan, ang bayok ay sinusundan ng isang laro ng panyo na

tinatawag na kasayatan. Ito ay sinasalihan ng mga dalaga’t binata at nahahati sa dalawang

pangkat. Magkahiwalay ang mga babae’t lalaki sa magkabilang dulo ng tanghalan.

Magsisimula ang sayaw pagkatapos ng talumpati ng Sultan ng lugar o dili kaya’y ng may-ari

ng bahay na pinagdarausan ng pagdiriwang. Magkahiwalay ang mga babae’t lalaki sa

magkabilang dulo ng tanghalan. Magsisimula ang sayaw pagkatapos ng talumpati ng Sultan

ng lugar o dili kaya’y ng may-ari ng bahay na pinagdarausan ng pagdiriwang.

Ang maybahay ay hihingi ng pahintulot na pasimulan na ang sayaw. Ito ay ginagawa

sa pamamagitan ng patula. Pagkatapos sumagot ng mga panauhin ay sisimulan niya ang

pakikipag-usap sa mga binata habang sumasayaw sa paligid ng mga iyon. Ipapatong niya sa

balikat ng isang binata ang isang panyo. Pagkatapos ay tutungo naman siya sa grupo ng mga

babae at ipapatong ang isa pang panyo sa isa sa kanila. Ang sayaw ay sinasaliwan ng mga

instrumentong kudyapi, kulintang, agong at kubing. Ang kanilang mga kilos ay waring

naglalarawan ng kanilang mga ninuno.

4. Dallot - Sa mga Ilokano ito’y awit ng pag-ibig. Ang lalaki ay tutula at nagpapahayag

ng pag-ibig at ito’y sasagutin ng babae nang patula. Pagkatapos ay aawitin nila ang tula sa

saliw ng kutibeng, gitara ng mga Ilokano. Ito’y itinatanghal kapag may binyag, kasalan o

handaan.
Habang nag-aawitan ang dalaga’t binata ay pinapasa ang oasi, isang uri ng alak.

Kapag ang babae ay tinanggap ang pag-ibig na iniluluhog ay ihahayag at itatakda ng mga

magulang ang kasal.

Ang pagbabayo ng palay ay mahalagang bahagi habang itinatakda ang kasal. Ito ay

ginagawa sa saliw ng awit na Pamulinawen habang ang mga tao’y nagsasayawan.

Gayundin, ang pagbibigay ng datos (dowry) ay bahagi ng kasalan.

5. Dung-Aw - Ang tradisyong Dung-aw ng mga Ilokano ay isang tulang panambitan na

binibigkas sa piling ng bangkay ng anak, asawa o magulang. Ang berso ay nagsasalaysay ng

paghihinagpis ng naulila at paghingi ng kapatawaran sa nagawang kasalanan o pagkakamali

sa namatay.

Ang sumusunod ay halimbawa ng Dung-aw na sipi sa aklat nina Natividad, Simbulan

at Academia.

Ako’y kaawaan o aking kapatid

ako’y kaawaan o aking asawa

ikaw namatay o aking kapatid

ikaw namatay o aking asawa

ano ang natira’t sa akin naiwan

sa abang buhay kong walang kapalaran?

Ang lahat sa akin ay nakalilimot

pagkat parang sanggol sa iyo umiirog

ang mga mata ko pugto sa luha

ang abang puso ko babad sa luha.


6. Hugas-Kalawang - Isang tradisyon ng mga taga-gitnang Luzon. Isinasagawa ito

pagkaraan ng pagtatanim ng palay, ang mga magsasaka ay gumawa ng damara sa tumana o sa

taniman. Naghahandog ng premyo ang may-ari ng lupa para sa pinakamabilis magtanim.

Pagkatapos ng pagtatanim, sila ay naghuhugas ng kamay at susundan ito ng kainan at

magkakasayahan habang nagkakantahan, nagsasayawan, nagkukuwentuhan at nagtutuk-

suhan. Ang hugas-kalawang ay nagtataglay rin ng mimesis sapagkat ang mga gumaganap

dito ay mga magsasaka at may-ari ng lupa.

7. Dalling-Dalling - Ang dalling-daliing ay isang tradisyonal na anyo ng dula ng mga

Tausug sa Sulu. Nangangahulugang “Mahal Ko”, ang dalling-dalling ay isang ritwal na nag-

aanyaya sa mga manonood na umawit habang ang magsing-irog ay sumasayaw. Ang lalaki’t

babae ay nagliligawan sa pamamagitan ng pag-awit ng kanilang mga niloloob. Kadalasan,

ang mga manonood ay kumakanta rin nang may himig na panunudyo.

B. PANAHON NG PANANAKOP NG MGA ESPANYOL (1565-1872)

Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong 3Gs. Dumating sila na ang

pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong

mapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop. Napakaraming dulang

panlibangan ang ginanap ng ating mga kalahi noong panahon ng kastila. Halos lahat ng mga

dulang ito ay patula. Narito ang mga sumusunod:

1. Tibag - ipinapakita at ipinapaalala sa dulang ito ang paghahanap ni Sta. Elena sa

kinamatayang krus ni Hesus sa pamamagitan ng pagtitibag ng bunduk-bundukan.

2. Lagaylay - sa mga Pilarenos ng Sorsogon, isang pagkakataon at pagtitipon-tipon

kung buwan ng Mayo ang pagtatanghal na ito. Abril pa lamang ay namimili na si Kikay, ang

anak ng sakristan mayos ng mga dalagang sasali rito para sa panata na ginagawa dahil sa

pagkakasakit o sa isang pabor na nais makamtan. Layunin nitong magbigay paggalang,


papuri, at pag-aalay ng pagmamahal sa mahal na krus na nakuha ni Santa Elena sa bundok na

tinibag.

3. Panunuluyan - prusisyong ginaganap tuwing bisperas ng Pasko. Ito ay tungkol sa

paghahanap ng bahay na matutuluyan ng Mahal na Birhen sa pagsilang kay Hesukristo.

4. Panubong - isang mahabang tulang nagpaparangal sa isang may kaarawan o

kapistahan na kung tawagin ay panubong ay ginaganap bilang parangal sa isang panauhin o

may kaarawan.

5. Karilyo - dulang ang mga nagsisiganap ay mga tau-tauhang karton. Pinapagalaw ang

mga ito sa pamamagitan ng mga nakataling pising hawak ng mga tao sa itaas ng tanghalan.

Ang mga taong nagsasalita ay nasa likod ng telon. Madilim kung palabasin ito sapagkat ang

nakikita lamang ng mga tao ay kanilang mga anino.

6. Moro-moro - itinatanghal sa pinasadyang entablado. Itinatanghal tuwing araw ng

pista ng bayan o ng nayon upang magdulot ng aliw sa tao at lagging ipaalala sa mga ito ang

kabutihan ng relihiyong Kristiyano. Ang mga moro-moro ay may hari’t reyna at mga

mandirigmang kawal. Pinaniniwalaang nag-ugat ito sa sagupaan ng mga Kristiyano at

Pilipinong Muslim noong ika-16 siglo.

7. Karagatan - uri ng sinaunang panitikang larong patula na kadalasang ginagawa sa

lamayan. Ang paksa ng karagatan ay tungkol sa isang prisesa na nawala ang singsing sa

karagatan. Nagpapasikatan ang mga binata sa kanilang mga husay at talento (na isinasagawa

sa pamamagitan ng pagtula). Kung sino man sa kanila ang makakakuha ng singsing ay

magiging asawa ng prinsesa.

8. Duplo - ito ang humalili sa karagatan. Isang paligsahan ng husay sa pagbigkas at

pangangatwiranan patula. Hango sa Bibliya, sa mga sawikain, at mga kasabihan. Karaniwang

nilalaro ito sa paglalamay sa gunita ng isang namatay.


9. Saynete - itinuturing na dulang panlibangan nang mga huling taon ng pananakop ng

mga Espanyol. Ito ay paglalahad ng kaugalian ng isang lahi o katutubo, sa kaniyang

pamumuhay, pangingibig, at pakikipagkapwa. Hal. La India Elegante Y El Negrito Amante

ni Francisco Balagtas.

10. Sarsuela -isang melodrama o dulang musical na tatatluhing yugto. Ito ay tungkol sap

ag-ibig, paghihiganti, panibugho, pagkasuklam, at iba pang masisidhing damdamin.

Karaniwang nagpapakita ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Upang lalong

magustuhan ng manonood ay nilalahukan ito ng katatawan na laging ginagampanan ng mga

katulong sa dula. Sinasabing ito ang nagsilbing libangan sa mga huling taon ng pananakop ng

mga Espanyol. Hal. Walang Sugat ni Severino Reyes.

C. PANAHON NG PAGBABAGONG ISIP (PROPAGANDA) AT HIMAGSIKAN

(1872)

Nagising pagkatapos nang higit sa tatlong daang taong pagkahimlay ang mga

natutulog na damdamin ng mga Pilipino nang isangkot sa digmaan sa Cavite ang tatlong

paring sin Gomez, Burgos, at Zamorra at patayin sa pamamagitan ng garrote nang walang

matibay na katibayan ng pagkakasala. Dahil ditto nabuo ang Kilusang Propaganda na

binubuo ng pangkat ng mga intelektwal sa gitnang uri tulad nina Jose Rizal, Marcelo H. Del

Pilar, Graciano Lopez Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Jose Ma. Panganiban, Pedro

Paterno at iba pa.

Ilan sa mga dulang naisulat sa panahong ito ay ang sumusunod:

1. “El Consejo De Los Dioses” (Ang Kapulungan ng mga Bathala) ni Jose Rizal- Ito ay

isang dulang pantanghalang nagpapahayag ng paghanga kay Cervantes.

2. Pagpugot kay Longino ni Mariano Ponce - isang dulang tagalog na itinaghal sa

liwasan ng Malolos, Bulacan.


D. PANAHON NG MGA AMERIKANO (1898)

Ayon sa mga manunulat, ang matatawag na tunay na uri ng dula ay nagsisimula sa

mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Bagaman may mga dulang napanood at

pinaglibangan ang mga katutubong Pilipino bago sumapit ang panahong ito, ang mga tunay

na dulang sinasabing nagtataglay ng pinakamalalim na pangarap ng isang bansa,

naglalarawan ng sariling kaugalian, naglalahad ng buhay ng katutubong tulad ng nasa lona at

nagpapakilala ng papupunyagi ng mga tao ng isang bayan upang mabuhay, ay wala noon.

Sa pagpasok ng mga Amerikano, sina Severino Reyes at Hermogenes Ilagan ay

nagsimula ng kilusan laban sa moro-moro at nagpilit na magpakilala sa mga tao ng mga

lalong kapakinabangang matatamo sa sarsuela at tahasang dula. Narito ang ilan sa mga

akdang dula ba nakilala sa panahong ito:

1. Severino Reyes - ang tinagurian “Ama ng Dulang Tagalog,” ang tanyag may-akda

ng walang kamatayang dulang “Walang Sugat”

2. Aurelio Tolentino - ang ipinagmamalaking mandudula ng mga Kapampangan.

Kabilang sa kaniyang mga dulang isnulat ay ang “Luhang Tagalog” na itinuturing

niyang obra maestra, at ang “Kahapon, Ngayon at Bukas” na siya niyang

ikinabilanggo.

3. Hermogenes Ilagan - nagtayo ng isang samahang ‘Companya Ilagan” na nagtanghal

ng maraming dula sa kalagitnaang Luzon.

Nakilala rin si Atang de La Rama bilang Ina ng Sarsuela, Reyna ng Kundiman sa

kaniyang paglabas sa mga sarsuela sa wikang Espanyol tulad ng “Mascota”, “Sueno de un

Vals” at “Marina” at sa edad 15 nga ay lumabas siya sa pelikulang Dalagang Bukid, na

sinundan ng iba pang pelikula katulad ng La Venganza de Don Silvestre, Oriental Blood, Ang
Kiri, at iba pa. Bukod sa pagiging artista at mang-aawit, naging prodyuser din siya sa teatro,

manunulat at talent manager. Ilan sa kanyang ginawang dulang pang-teatro ay ang “Anak Ni

Eva”, “Aking Ina”, “Puri at Buhay” at “Bulaklak Ng Kabundukan”.

Hindi lamang sa mga sikat na teatro gaya ng Teatro Libertad at Teatro Zorilla siya

lumalabas, kundi maging sa mga plaza ng iba’t ibang lugar sa kapuluan, mula Luzon

hanggang Visayas at Mindanao, sapagkat naniniwala siya na ang arte ay Sining ay para sa

lahat, kaya’t ipinakilala niya ang sarswela at kundiman sa mga katutubo at maging sa ibang

bansa ay ipinakilala niya ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pag-awit ng

mga kundiman sa mga concerts sa iba-ibang siyudad sa mundo gaya ng Hawaii, San

Francisco, Los Angeles, New York City, Hong Kong, Shanghai at Tokyo.

E. PANAHON NG MGA HAPON (1941-1945)

Nagkaroon ng puwang ang dulang tagalog nang Panahon ng Hapon dahil napinid ang

mga sinehang nagpapalabas ng mga pelikulang Amerikano. Ang mga malalaking sinehan ay

ginawa na lamang tanghalan ng mga dula. Karamihan sa mga dulang pinalabas ay salin sa

Tagalog mula sa Ingles. Ang mga nagsipagsalin ay sina Francisco Soc Rodrigo, Alberto

Cacnio, at Narciso Pimentel. Sila rin ay nagtatag ng isang samahan ng mga mandudulang

Pilipino na pinangalanan nilang “Dramatic Philippines”. Ilan sa mga nagsisulat ay ang

sumusunod:

1. Jose Ma. Hernandez - sumulat ng “Panday Pira”

2. Francisco Soc. Rodrigo - sumulat ng “Sa Pula sa Puti”

3. Clodualdo del Mundo - sumulat ng “Bulaga”

4. Julian Cruz Balmaceda - sumulat ng “Sino ba Kayo?,” “Dahil sa Anak” at “Higanti

ng Patay”
F. PANAHON NG ISINAULING KALAYAAN (1946)

Muling sumigla ang panitik ng mga Pilipino sa panahong ito. Ang halos nagging

paksa ng mga akda ay tungkol sa kalupitan ng mga Hapon, ang kahirapan ng pamumuhay sa

ilalim ng pamamahala ng mga Hapon, ang kabayanihan ng mga gerilya at iba pa.

Inilunsad sa panahong ito ang Timpalak-Palanca o Palanca Memorial Awards for

Literature na siyang nagpasigla sa ating mga manunulat sa Pilipino. Ang ilan sa mga akda at

manunulat na nakilala rito ay ang “Hulyo 4, 1954 A.D.” ni Dionisio Salazar ang kauna-

unahang nagwagi sa larangan ng pagsulat ng dula. Ang dulang ito ay naglalahad ng

pagsasagawa ng isang mapanganib at madugong misyon ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan

(HMB) na ibagsak ang pamahalaang Pilipino noong panahon ni Pangulong Magsaysay.

G. PANAHON NG AKTIBISMO (1970-1972)

Nagsimulang mapanood ang mga pelikulang malalaswa na nakasisira sa kaugaliang

silanganin-ang tinatawag na mga Pelikulang Bomba. Dito rin dumagsa ang mag komiks at iba

pang babasahin na ang mga larawang iginuhit at walang mga saplot sa katawan.

H. PANAHON NG BAGONG LIPUNAN (IKA-21 NG SETYEMBRE 1972)

Nanguna sa pagpapanibagong-buhay ng ating mga sinaunang dula ang naging Unang

Ginang ng bansa na si Gng. Imelda Romualdes Marcos. Binuhay niya ang sarsuela ng mga

Tagalog, Sinakulo, at Embayoka ng mga Muslim na pawing itinaghal sa ipinakumpuning

Metropolitan Theater at ipinatayong Folk Arts Theater at Cultural Center of the Philippines.

Marami ring mga paaralan ang at samahan ang nagtanghal ng naiibang dula. Ang

Mindanao State University ay nagtanghal sa CCP ng isang dulang pinamagatang “Sining

Kambayoka”.
Ang “Tales of Manuvu” ni Bienvenido Lumpera na isang makabago o istilong rock na

operang ballet ay nakadagdag din sa dulang Pilipino noong 1977. Tinampukan ito nina

Celeste Legaspi, Leah Navarro, Haji Alejandro, Boy Camara, Anthony Castelo, Rey Dizon,

Gina Mariano, at iba pa. Isinulat ito ni Bienvinido Lumpera at ang koryograpi ay kay Alice

Reyes.

Maging si Imee Marcos ay nagging artista ng dulaan sa kaniyang pagkakaganap

bilang pangunahing papel sa “Santa Juana ng Koral” at “The Diary of Anne Frank.”

Lalong nakapagpasigla sa dula nang panahong iyon at maging sa kasalukuyang

panahon ang sumusunod na samahang pandulaan:

1. PETA- nina Cecille Guidote at Lino Brocka

2. Repertory Philippines- nina Rebecca Godines at Zenaida Amador

3. UP Repertory-ni Behn Cervantes

4. Teatro Filipino-ni Rolando Tinio

Ang Radiyo ay patuloy pa ring tinatangkilik nang panahong ito. Ang kaniyang mag

dutungang dula tulad ng “Si Matar”, “Dahlia”, “Ito ang Palad Ko” “Mr. Lonely,” at iba pa ay

siyang pampalipas oras o libangang pakinggan ng mga wala pang telebisyon. Samantala ang

mga dula sa Telebisyon nang panahong ito ay labis na tinangkilik ng marami ay ang Gulong

ng Palad, Flor De Luna, Anna Liza, at iba pa.

Nagkaroon naman ng taunag pista ng mga Pelikulang Pilipino. Nagsilabas sa

panahong ito hanggang 1979 ang mga pelikulang walang romansa o seks subalit tinangkilik

dahil sa kakaibang kayarian nito tulad ng:

1. “Maynila…Sa mga Kuko ng Liwanag”- Sinulat ni Edgardo Reyes. Isinapelikula

sa direksyon ni Lino Brocka at sa pangunguna ni Bembol Roco.

2. “Minsa’y Isang Gamu-gamo” ang pangunahing bituin dito ay si Nora Aunor.


3. “Ganito Kami Noon… Pano Kayo Ngayon”-pinangunahan nina Christopher De

Leon at Gloria Diaz.

4. “Insiang”-pinangunahan ni Gilda Coronel.

5. “Aguila”-pinangunahan nina Fernando Poe Jr., Jay Ilagan, at Christopher de

Leon.

I. PANAHON NG IKATLONG REPUBLIKA

Nagpatuloy pa rin ang pagdiriwang ng taunang Pista ng mga Pelikulang Filipino nang

panahong ito.

Lalong di napigil ang pagkagiliw ng mga tao sa mga pelikulang nahihinggil sa sex.

Kaya naman sinamantala ng mga ganitong uri kahit na ito ay nakapagpapababa sa moralidad

ng mga Pilipino.

Sa larangan ng dula, tanging ang unang gantimpala noong 1983 ang dula ni Reanto O.

Villanueva na pinamagatang “Ang Huling Gabi sa Magondon”

J. PANAHON NG KASALUKUYAN

Maririnig na sa kasalukuyan na nakapagpapahayag na ng mga tunay na niloloob nang

walang takot o pangamba ang mga tagapagsalita sa radio o lumalabas sa telebisyon. May ilan

sa mga dulang katatawanang ipinalalabas sa telebisyon ang nagsasadula ng mga nakaraan at

kasalukuyang pangyayari sa ating abnsa. Kabilang sa mga ito ang Chicks to Chicks, Eh Kasi

Babae, Sa Baryo Balimbing, at marami pang iba.

Sa Gawad Palanca ay unang gantimpala ang “Bayan Ko” ni Bienvenido Noriega Jr.

na tumanggap ng Php12,000.00. At ikalawang gantimpala naman ang “Ang mga Tatoo ni

Emmanuel Ressureccion” ni Reynaldo Duque na nakatanggap ng Php7,000.00


Gawain:

A. Bumuo ng Timeline ng Kasaysayan ng Dula sa Pilipinas.

Kasaysayan ng Dula

B. Magtala ng mga kilalang dula mula sa mga tiyak na panahon sa bawat bilog.

Ikatlong
Katutubo
Republika
Hapon Espanyol

C. Maghanay ng mga katangian at halimbawang dula mula sa mga hinihingi ng bawat

kahon.

Bagong Lipunan Kasalukuyan

Katangian Halimbawa Katangian Halimbawa

Amerikano Katutubo

Katangian Halimbawa Katangian Halimbawa


Aralin 3: Kasaysayan ng Balagtasan at Batutian

Layunin:

Sa pagtatapos ng aralin, ang mag-aaral ay inaasahang:

A. Nakikilala ang gampanin ng mga bumubuo sa isang balagtasan;

B. Natutukoy ang mga katangian ng balagtasan; at

C. Nakasusulat ng sariling piyesa ng balagtasan.

BALAGATASAN

Ang balagtasan ay uri ng pagtatalo ng dalawang magkaibang panig ukol sa isang

paksa. Hinango mula sa pangalan ni Francisco Balagtas, inilalahad ang sining na ito ang

isang uri ng panitikan na kung saan ipinahahayag ang mga saloobin o pangangatwiran sa

pamamagitan ng pananalitang may mga tugma sa huli.

Unang nagsimula ang balagtasan sa Pilipinas noong Abril 6, 1924 na nilikha ng mga

pangkat na manunulat para alalahanin ang kapanganakan ni Francisco Balagtas. Ginawa nila

ang unang balagtasan na may tatlong hanay ng mga makata na ipinahahayag ng isang naka-
iskrip na pagtatanggol. Binatay nila ang anyo sa mas naunang mga uri ng pagtatalo na

gumagamit din ng elemento ng tula katulad ng karagatan, huwego de prenda at duplo.

Kadalasan itong binubuo ng tatlong magtatanghal na may dalawang magtatalo na

magkasalungat ang pananaw at isang tagapamagitan na tinatawag na lakandiwa (lalaki) o

lakambini (babae). Mayroon din mga hurado na siyang maghuhusga kung sino ang mananalo.

Inaasahan ang panitikang ito na patalinuhan ng pagpapahayag ng mga patulang argumento

ngunit maaari din itong magbigay libangan sa pamamagitan ng katatawanan, anghang ng

pang-aasar, pambihirang talas ng isip, at mala-teatrikong at dramatikong pagpapahayag.

KASAYSAYAN

Noong Marso 28, 1924, limang araw bago ang kaarawan ni Balagtas, nagpulong ang

ilang mga nangungunang manunulat sa Instituto de Mujeres, (Women's Institution) kalye ng

Tayuman, Tondo, Maynila, Pilipinas para maghanda sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas sa

Abril 2, 1925. Tanggapan ni Rosa Sevilla, isang kilalang manunulat, ang gusaling iyon. Dito

nila nalikha ang konsepto ng balagtasan nang may mga ilang nagmungkahi ng makabagong

duplo.

Noong Abril 6, 1924, tatlong magkatambal ang lumahok sa unang balagtasan sa

Instituto de Mujeres, ito ay sina Rafael Olay laban kay Tomas de Jesus, Amado V. Hernandez

laban kay Guillermo Holandez. Sa mga lumahok, sina Jose Corazon de Jesus (Huseng

Batute), at Florentino Collantes (Kuntil Butil), isang rin manunula sa Bulacan ang

nakatanggap ng pinakasiglang tugon mula sa madla. "Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan"

ang pamagat ng kanilang paksang kanilang pinagtalunan na sinulat nilang pareho. Ang

dalawang ito ang nanomina sa panglawang paghaharap.

Dahil sa matagumpay na pagtanggap ng publiko kina De Jesus at Collantes, naghanda

ang nag-organisa ng mga ilang pang mga balagtasan na kinakasangkutan ng dalawa. Dahil sa
talino ng dalawa naghanda sila ng balagtasan na walang iskrip noong Oktubre 18, 1925 sa

Olimpikong Istadyum sa Maynila upang lalo pa silang masubok. Ang naging paksa nila ay

"Ang Dalagang Filipina: Noon at Ngayon." Kinuha ni De Jesus ang panig ng kababaihan

noon samantalang pinili ni Collantes naman ang kababaihan ngayon. Sa katapusan ng

balagtasan, nanalo si De Jesus at tinanghal na Unang Hari ng Balagtasan.

Pagkatapos ng pagtatanghal nila De Jesus at Collantes noong 1925 hanggang lumipas

ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging sikat ang balagtasan sa Pilipinas at ninanais ng

mga manunula ang titulong Hari ng Balagtasan. Dahil sa kasikatan ng ganitong anyo ng

panitikan, nagkaroon ng ibang kahintulad na patulang pagtatalo sa ibang wika mula sa

Pilipinas katulad ng Ilokano at Kampampangan maging wikang Ingles o Kastila. Naimbento

ng mga Ilokano ang bukanegan bilang pagkilala kay Pedro Bukaneg, isang Ilokanong makata.

Samantalan, nagkaroon naman ng crisotan ang mga Pampango na hinango nila mula sa

manunula at dramatistang si Juan Crisostomo Soto.

TUNGKULIN NG BALAGTASAN

Maliban sa tagisan ng talino at pagbibigay ng aliw sa mga manonood, nagkaroon ang

balagtasan ng isang mas mataas na pampolitika at panlipunang tungkulin. Binibigay ng mga

sumasali sa balagtasan ang kanilang saloobin tungkol sa kasalukuyang pangyayari at

suliranin katulad ng ginagawa ng mga kolumnista at patnugot ng isang pahayagan. Ilan sa

mga balagtasan nina De Jesus at Collantes ang mga pampolitikang paksa katulad ng

"Koalisyon at Kontra Koalisyon" na tumutukoy sa masiglang kampanya ng noong

Pangulong Manuel Quezon upang pag-isahin ang lahat ng partidong pampolitika sa ilalim ng

Partido Nacionalista na siyang partido na pamahalaan noon.

HALIMBAWA NG BALAGTASAN
Paksa: “Aling Kaugalian ang Dapat na Panatilihin, ang Makaluma o ang Makabago?”

Ni Patrocinio V. Villafuerte

LAKANDIWA:

Bago pasimulan itong Balagtasan

Ako’y bumabati ng magandang araw;

Itong paksa ngayon na pag-uusapan,

Nauukol lahat sa kaugalian.

Sa kaugaliang tatak-Pilipino

Ay alin nga ba ang pipiliin mo;

Ang makaluma ba o ang makabago,

Halina’t pakinggan dalawang magtatalo.

Panig-makaluma ang unang titindig

Upang ipagtanggol ang napiling panig;

Ang hiling ko lamang sa tagapakinig,

Palakpakan sila nang buong pag-ibig

PANIG-MAKALUMA:

Magandang umaga, mga kababayan,

Sa inyong harapan ako’y nagpupugay;

Ang aking pagbati’y isang kaugalian,

Kung makaluma ma’t tanda ng paggalang.

Maging makaluma’y hindi kapintasan

Bagkus ang katumbas nito’y karangalan;

Sa kasangkapan man antigo’y mahusay


Habang naluluma’y lalong namamahal.

LAKANDIWA:

Ang titindig naman ay ang tumututol

Sa mga sinabi ng unang nagtanggol;

Panig-makabago’y nabibigyang layon

Lalo’t palakpakan ang isasalubong.

PANIG-MAKABAGO:

Ang alinmang bansang hangad ay pag-unlad,

Mga pagbabago ang lagi nang hangad;

Di ba’t mga luma yaong winawasak

Upang ang ipalit ay ang bagong hiyas?

Binabago ngayon ang lahat ng bagay

Magmula sa damit hanggang sa sasakyan;

Ang mga bahagi ating katawan,

Binabago na rin … aba, pag-unlad ‘yan!

Ang kaugalian dapat makabago

Para makasunod sa tawag na uso;

Kilos at ugali ng lola at lolo

Dapat nang palitan nang umunlad tayo.

PANIG-MAKALUMA:

Winawasak nating mga lumang bagay

Ay ‘yong masasama’t hindi kailangan;


Ang kaugalian habang nagtatagal

Lalong kailangan nating kabataan.

Lahat ng sinabing mga pagbabago

Ay pawang materyal na gawa ng tao;

Ang kaugalian ang isapuso mo

At ang kabanala’y mapapasaiyo.

Kaya marami ng mga kabataan

Ang nakalilimot sa magandang asal;

Ang kaugalian kasing natutuhan

Binabale wala’t kinalilimutan.

Kapag sumasapit itong angelus time,

Tingnan mo’t iilan ‘yaong nagdarasal;

Paghalik sa noo at pagmamano man

Di na ginagawa nitong kabataan.

Bakit aasahan itong pagmamano

Gayong ito naman ay hindi na uso;

Mga pistang-baya’y unang punahin mo,

Kaugalian ‘yang dapat nang magbago.

Pag may pistang bayan tao’y gumagastos,

Pati ang naimpok kanyang inuubos;

Sa araw ng bukas ay namamaluktot,

Sa dami ng utang ay yamot na yamot.

Kaya’t makabagong kaugalian na

Ang ating isipin sa tuwi-tuwina;

Ugaling luma na ay limutin na sana


Nasa makabago ang ating pag-asa.

PANIG-MAKABAGO:

Ang kaugaliang makabagong tunay,

Larawan ng lahing may patutunguhan.

PANIG-MAKALUMA:

Kaugaliang makaluma ang dapat panatilihin!

PANIG-MAKABAGO:

Makabagong kaugalian!

PANIG-MAKALUMA:

Makalumang kaugalian!

LAKANDIWA:

At bago mag-init itong pagtatalo,

Ang kahatulan ko ay pakinggan ninyo;

Ang kaugalian maging luma’t bago,

Kapwa mahalaga sa ‘ting Pilipino.

Kaya ang pasya ko bilang lakandiwa,

Panig ng dalawa ay mahalaga kapwa;

Maging makabago’t maging makaluma

Ang kaugalia’y may hatid-biyaya.


BATUTIAN

Malaki ang naging impluwensiya ng balagtasan sa buhay ng mga Filipino noon, dahil

sa unang pagkakataon ay nasilayan sa entablado ang paligsahan sa pagtula at pangangatwiran

ng dalawang makata. Ang balagtasan, na hango sa pangalan ni Francisco Balagtas, ay

lumitaw noong 1924, at lumunsad sa dating popular na duplo. Pinakatanyag sa lahat ang

pares na Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes, na walang makahihigit hangga

ngayon. Ngunit hindi magtatagal ang balagtasan, dahil na rin sa pagsulpot ng radyo at

telebisyon, na pawang pumatay sa halina ng entablado.

Ang mahika ng balagtasan ay malilipat sa mga magasin o pahayagan, at ilalathala

noong 1940 sa magasing Mabuhay Extra ang balagtasan nina De Jesus at Amado V.

Hernandez, kahit may walong taon na ang nakalilipas nang yumao si Batute. Samantala,

lilitaw ang isa pang uri ng balagtasan, na tatawagin noong “batutian” na hinango naman sa

pangalan ni “Huseng Batute,” ang alyas ni De Jesus.

Kabilang sa mga katangian ng Batutian na lumabas sa mga magasin noon ang

pagtataglay ng siste, ang pagtalakay sa kasalukuyang isyung pampolitika o pangkultura, ang

pag-antig sa damdamin ng mambabasa, ang pagpapalitan ng katwirang maaaring taglayin ng

magkatunggaling sektor. Ang daloy ng pangangatwiran ay maluwag ang lohika, at hindi tulad

sa mga tekstong prosa. Heto ang halimbawa ng Batutian na nalathala sa Sinag-Tala noong

1946, at isinulat ng di-nagpakilalang awtor, na makikilala pagkaraan na si Manuel Principe

Bautista na noon ay katuwang na editor sa naturang magasin.

HALIMBAWA NG BATUTIAN

Bambu Inglis vs. Wikang Pambansa

Lakambini (kay Huwan):
Namamanaag na sa dakong silangan

Ang kulay ng iyong magandang liwayway;

Bukas, sa pagsikat ng palalong araw,

Isa kang watawat na mamamagayway!

Mula sa Kanluran: dinala ng alon

Sa iyong pasigan ang tapat na layon;

Sa buton ng abo: ikaw ay babangon

Na malayang bayan sa habang panahon.

Paulo:

Huwan,tanggapin mo ang pakikilugod

Ng isang kasama sa tuwa at lungkot,

Binabati kita: ang tapat na loob

Ay madarama mong laging naglilingkod.

Huwan:

Tapat na dibdib ay iyong damahin

At pasasalamat ang tibok na angkin

Ako’y sasaiyong gunita’t panimdim

Habang ang silangan ay silangan pa rin.

Paulo:

Kaya, nang malubos ang pagkabanas mo,

Ako ay may isang mungkahi sa iyo:

Tagolog na ingles ang panukala ko

Na wikang gamitin-du yu get mi ako?


Huwan:

Ano, mister Paul, nalalaman mo ba

Kung ano ang iyong tinuran kanina?

Paulo:

Wat is rong may pren Wan, sa nasyonal langweds

Kung ito’y gagawing Pilipinais Ingles?

Huwan:

Sa iyong sarili’y manainga ka nga,

Kung ano ang iyong dinalit na wika;

Kung ganyan, katoto, ang wikang pambansa:

Anong wika iyan-mestisong baluga?

Paulo:

Huwag kang magtawa-do yu nat anderstan

Ang ingles na wika ay pangyunibersal;

Bilang isang nesyon: kinakailangan

Na maanderstan ka ng iba pang bayan.

Ang Tagalog langweds ay pang Pi Ay lamang,

Di maikukumper sa Ingles, mister Wan;

At sa diplomatik na mga usapan,

Magagamit mo ba ang langweds mong iyan?


Huwan:

Dapat mong mabatid na ang pagkabansa

Ay makikilala sa sariling wika,

Bakit pipiliting ako’y magsalita

Ng wikang di akin-hiram at banyaga?

Paulo:

Tingnan mo nga kami-bakit ang inadap

Ay wikang mula pa sa ibayong dagat?

Tulad ng Bretanya: kami ay umunlad

Gayong wikang hiram ang aming binigkas!

Huwan:

Kung iyan ang iyong wikang sinasabi,

Wikang pinagmula’y higit na mabuti.

Paulo:

Tingnan ang Hapon sa klos dor palisi

Ang ginamit lamang ay wikang sarili;

En wat is di risolt op dat pangyayari,

Natutong sulatin ay magulong kandyi.

Huwan:

Nakakatawa ka, hindi naging hadlang

Sa bayan ng Hapon ang wikang minahal;


Ang simula”t dulo ng ganyang dahilan

Ay dala ng kanyang mga kaimbutan.

Paulo:

Kaya tingnan natin kung saan hahantong

Ang nasyonal langweds na onli por pinoy.

Huwan:

Ang nakakatulad nitong pagtatalo:

Pork tsap at hambardyer ang wikang Ingles mo;

Ang wikang Tagalog naman ay adobong

Masarap sa akin nguni’t di mo gusto.

Dapat mong malamang ang wikang pambansa

Ay kinamulatan mulang pagkabata;

Ito ay ang buhay, kaluluwa at diwa. . .

Ng pagkalahi ko sa balat ng lupa!

(Wakas)

Gawain

A. Ilarawan ang gampanin ng mga bumubuo sa isang balagtasan.

Balagtasan

Unang Panig Lakandiwa Ikalawang Panig


B. Ibigay ang katangian ng Balagtasan

Balagtasan

C. Bumuo ng maikling bahagi ng balagtasan.

Panig 1

Lakandiwa
PaPaksa

Panig 2

You might also like