You are on page 1of 5

FILIPINO-11 LEARNING MODULE - 4 th QUARTER

Subject Teacher Hana Janina E. Sana Date of Distribution April. 22, 2022
Contact Number 09265280563 Date of Submission MAY 6, 2022
Fb Account. Hana All Grade &Section 11 ALL STRANDS

Pagsulat sa Kabanata 4

PAGLALAHAD NG RESULTA NG PANANALIKSIK


Maituturing na isa sa pinakamahalagang bahagi ng pananaliksik ang paglalahad ng resulta at pagtalakay nito. Ito ang
nagpapakita ng kontribusyon ng mananaliksik sa pagunlad ng kaalaman sapagkat binibigyan niya ng panibagong pagsusuri
ang mga orihinal na datos na nalikom sa pananaliksik.

Ayon kina Catherine Marshall at Gretchen Rossman (1990) sa aklat na "Designing Qualitative Research," ang pagsusuri ng
datos ay binubuo ng pagsasaayos, kategorisasyon, at pagsisiyasat ng mga ebidensiya upang mapatunayan o
mapasubalian ang inisyal na mga proposisyon ng pag-aaral. Ito ay proseso ng pagbibigay ng kaayusan o estruktura sa
napakaraming datos na nakolekta sa mga naunang bahagi ng pananaliksik. Makikita sa bahaging ito ang kinalabasan ng
pag-aaral, pagsusuri, at ang interpretasyon nito. Bahagi rin ng diskusyon ang iba't ibang pamamaraan ng presentasyon ng
datos gaya ng chart, talahanayan, at dayagram.

Presentasyon ng Datos
Bago ang presentasyon ng datos, mahalagang gawin muna ang proseso ng tabulasyon o pagsasaayos ng impormasyong
nakalap. Pangunahing hakbang dito ang paglikom at pagbilang ng mga bumalik na datos mula sa ipinamahaging
talatanungan, transkripsiyon ng naganap na pakikipanayam, o pag-aayos ng mga tala mula sa obserbasyon. Mula sa pag-
aayos, kailangang alisin ang mga talatanungan na hindi maayos o may kulang na sagot ng kalahok. Sa mga tala at
transkripsiyon, maaari nang alisin ang mga tugon na walang kabuluhan sa magiging pagsusuri. Kailangang itala ng
mananaliksik ang mga hakbang na ito. Kapag nasala na, maaari nang simulan ang tallying sa pamamagitan ng paglalapat
ng datos sa working tables o iba pang paraan ng organisasyon batay sa pagsusuring gagawin. Pagkatapos nito ay
ginagawa ang pinal na talahanayan, chart o anomang uri ng presentasyon ng datos.

Magkaiba ang pamamaraan sa presentasyon ng datos para sa kuwantitatibo at kuwalitatibong uri ng pananaliksik. Sa
kuwantitatibong pananaliksik, ang dalawang pangunahing paraan ng presentasyon ay sa pamamagitan ng graph,
talahanayan, o chart.

Ang talahanayan ay ang pinakasimpleng paraan ng pagbubuod ng mga obserbasyon. ito ng mga tiyak na datos gaya ng
mga numero, bahagdan, at iba pa na maaaring ng kalakaran o paghahambing.
Pagsusuri at Interpretasyon ng Datos

Kapag naiayos na ang mga datos at nakabuo ng mahahalagang impormasyon sa pamamagitan ng sistematikong
presentasyon, tutuloy na ang proseso sa interpretasyon ng datos. Ayon kina Graham Hitchcock at David Hughes (1995) sa
aklat na "Research and the Teacher: A Qualitative Introduction to School-Based Research" ang interpretasyon ay isang
paraan kung saan ang mananaliksik ay umuusad mula sa deskripsiyon ng kung ano ang kaso tungo sa pagpapaliwanag
kung bakit naging kaso ito. Ibig sabihin, kung sa presentasyon ay sinasagot ng mananaliksik ang tanong na "ano" mas
binibigyang-diin naman niya sa intepretasyon ang tanong na "bakit." Sa bahaging ito, kailangang isaalang-alang ang
kabuluhan ng mga impormasyong natuklasan-potensiyal na mga dahilan na nagbunsod sa impormasyon at mga posibleng
susunod na hakbang o rekomendasyon. Binibigyan ng kahulugan ang impormasyon, bumubuo ng mga ugnayan at
paghahambing, at tinutukoy ang mga sanhi at posibleng kahihinatnan.

Sa bahaging ito binibigyang-diin ng mananaliksik ang mahahalagang impormasyon na ipinakikita ng mga ebidensiyang
nakalap at ipinapaliwanag ang mga pagkakaugnay nito. Kailangang ipaliwanag ang sinasabi ng datos at hindi basta na
lamang uulitin ang nakalagay sa talahanayan. Kailangan din na idagdag ang mga dahilan at epekto at kung kinukumpirma
nito o hindi ang haypotesis ng pag-aaral. Ginagamit sa bahaging ito ang teoretikal na gabay at mahahalagang kaisipan
mula sa konseptuwal na balangkas upan gabayan sa pagsusuri ang mananaliksik. Mahalaga ring iugnay ito ng
mananaliksik sa iba pang naisagawang pagaaral at ang kinalabasan nito upang suportahan o kaya ay pasubalian ang
kinalabasan ng pananaliksik. Iwasan ang mapanlahat na pahayag o sweeping statements. Ito ay ang mga pahayag na
walang basehan. Mahalaga ang cross-referencing o pag-uugnay-ugnay ng mga resulta mula sa iba't ibang bahagi ng
pagtalakay.
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

REBISYON NG PAPEL-PANANALIKSIK
Rebisyon ang pinakahuling proseso sa produksiyon ng papel-pananaliksik. Kailangang maunawaan ng isang mananaliksik
na ang pananaliksik at pagsulat ay nagpapatuloy na proseso. Sa rebisyon, mulat na tinatanggap ng isang mananaliksik ang
posibilidad na ang isang bahagi ng papel o maaaring ang buong papel-pananaliksik ay kailangang muling pag-isipan,
baguhin, at isulat. Mahirap kamtin ang ganitong uri ng kamalayan para sa isang mananaliksik. Madalas na nahihirapan ang
isang mananaliksik na tanggaping may kahinaan sa kaniyang pananaliksik o kaya'y talagang nagkakaproblema siya na
tukuyin sa pamamagitan ng sariling pagtatasa lamang ang mga kahinaan o pagkakamali ng papel. llan pang mga praktikal
na suliranin ang kakulangan ng oras para sa rebisyon o kaya'y pagsasawa sa paulit-ulit na proseso ng rebisyon at editing.
Upang igpawan ang ganitong uri ng mga pag-iisip hinggil sa rebisyon, kadalasang mas mataas na grado ang nagtutulak sa
isang mag-aaral na rebisahin ang papel-pananaliksik. Ngunit bukod pa sa grado, ang rebisyon ay maraming
kapakinabangang dulot sa pananaliksik at mismong sa mananaliksik. Hinahasa ng prosesong ito ang isang manunulat na
maging mas mahusay at matalas sa pagsulat. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pinakamabuting paraan upang lubos na
matutuhan ang pagsulat, ay ang proseso ng muling pagsulat. Ibig sabihin, pumapasok na ito sa kakayahan ng
metakognisyon kung saan natututuhan ng isang mananaliksik ang pinakamahusay na paraan ng pagsulat mula sa sariling
karanasan at estilo ng pagsulat. Sa pamamagitan nito, natutuklasan ng mananaliksik ang mga kahinaan sa kaniyang
pagsulat at nakadidiskubre ng mga padron ng pagkakamali sa gramatika o kaya'y sistematisasyon ng ideya. Kung
matutukoy ito ng isang mananaliksik, mababago niya ang mga pagkakamaling ito sa susunod na pagkakaton at sa proseso
ay mas magiging mahusay at episyenteng manunulat. Gayundin, sa rebisyon, nahahasa ang analitikal na kakayahan sa
pagbasa ng isang mananaliksik. Natututuhan sa proseso ang kinakailangang pagpapalit ng ilang ideya na nagpapalakas at
nagpapalalim sa mga argumento ng pananaliksik.

Bukod sa mga nabanggit na kabutihang dulot ng rebisyon para sa mananaliksik, mahalaga rin ang rebisyon para sa
mismong pananaliksik at sa kabuuang produksiyon ng kaalaman. Kung may malasakit ang isang mananaliksik sa
katumpakan ng impormasyon mula sa pananaliksik at kabisaan nito na makaimpluwensiya o lumikha ng pagbabago,
mahalaga ang rebisyon sa layuning ito. Sa pamamagitan ng rebisyon, matutukoy kung may mga pagkakamali sa datos na
inilahad o kaya'y makatutuklas ang mananaliksik ng mas mabisang paraan ng presentasyon ng mga ito kung muli't muling
babalikan at babasahin ang pananaliksik.
Mahalagang proseso rin sa rebisyon ang editing at proofreading. Kadalasang ipinagkakamali ng mga mag-aaral na ang
rebisyon ay editing lamang, ngunit hindi ito iisang proseso sapagkat isang maliit na bahagi lamang ng rebisyon ang editing.
Ang editing ay ang paghahanap ng maliliit na suliranin sa teksto na madaling masolusyonan gaya ng pag-aalis o
pagdaragdag ng salita o pangungusap, pag-aalis o paglilipat ng talata, at iba pa. Sa bahagi ring ito nirerebisa ang wika ng
papel upang mas maging malinaw, maikli ngunit malaman, at madaling basahin para sa mga mambabasa. Kadalasang
ginagawa ito kung ipapasa ang pananaliksik sa isang journal na may tiyak na mga kahingian sa pormat. Halos gaya rin ng
editing, ang proofreading naman ay may kinalaman sa mga pagkakamaling gramatikal, tipograpikal, at pagbabantas.
Kailangang maging maingat sa pagbasa ang mananaliksik sa bahaging ito dahil tinitingnan ang baybay at tamang gamit ng
bawat salita. Kadalasang nagkakamali ang mga mag-aaral sa gamit ng "ng at nang,""rito at dito""doon at roon" at iba pa.
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Narito ang ilang gabay sa mananaliksik sa pagsasagawa ng rebisyon. Maaaring gamitin ang sumusunod upang bigyang
ebalwasyon ng mananaliksik ang burador.

1.Tukuyin ang pangunahing punto ng papel-pananaliksik. Ano ang pangunahing nais sabihin ng inyong papel? Subuking
ibuod ang pangunahing tesis ng papel at ang mga ebidensiyang ginamit upang mapatunayan ito. Malinaw ba ang tesis ng
papel at may tiyak ba itong pinatutunguhan?

2.Tukuyin kung sino ang mga magbabasa ng pananaliksik at kung ano ang mga layunin nito. Nakamit ba ng papel-
pananaliksik ang mga tinukoy na layunin? Kung para ito sa tiyak na populasyon o grupo ng kalahok, magbibigay linaw ba
ang pananaliksik sa paksang tinalakay?

3. Tasahin ang iyong mga ebidensiya. Sinusuportahan ba ng kabuuang papel ang tesis ng iyong pag-aaral? May sapat
bang mga ebidensiya at datos upang mapanindigan ang mga argumento ng papel? Kung gumamit ka ng mga sipi mula sa
kaugnay na literatura at pag-aaral, maayos mo bang natukoy at kinilala ang pinagmulan nito?

4. Panatilihin lamang ang mahahalagang punto ng pananaliksik. Lahat bang ideya ay may kinalaman sa pangunahing tesis
ng papel? May mga ideya bang walang kinalaman sa paksa o tesis ng pag-aaral? Kung mayroon man, kailangan mo bang
baguhin ang tesis ng pag-aaral o alisin na lamang ang ideya?

5.Pakinisin ang gamit ng wika sa kabuuan ng papel-pananaliksik. May mga malabong ideya at pangungusap ba dahil sa
hindi maayos na gamit ng wika? Basahin nang malakas ang iyong papel at pakinggan kung may hindiakmang mga salita at
malabong ideya. Alisin ang mga salitang may malabong kahulugan at maling paggamit.

6.Alisin ang mga pagkakamaling gramatikal. May mga pagkakamali ba sa gramatika, pagbabantas, at pagbaybay? Kung
may pagkakamali, tiyakin ang maayos na pagtatala ng mga ito, at kung hindi tiyak sa tamang gamit, maaaring komunsulta
sa mga dalubhasa sa wika.

7.Baguhin ang punto de bista mula sa pagiging mananaliksik tungong mambabasa. Magkunwang binabasa mo ang
pananaliksik ng ibang tao. Ano sa tingin mo ang mga punto ng kalakasan at kahinaan ng papel? Bakit? Ano sa tingin mo
ang mga magagawa upang mapabuti pa ang iba't ibang bahagi ng papel? Madali bang maunawaan ang kabuuan ng
pananaliksik?

Pagkatapos maunawaan kung bakit mahalagang proseso ng pananaliksik ang rebisyon at matutuhan ang ilang gabay
upang mapadali ito, handa ka na ba ngayong simulan ang rebisyon ng sariling pananaliksik? Muling basahin bilang grupo
ang papel-pananaliksik at tasahin ito batay sa sumusunod na checklist. Pagkatapos ay ibahagi ninyo sa klase ang
ginawang checklist na magiging gabay sa rebisyon ng papel-pananaliksik.

Mga Preliminaryong Bahagi ng Pananaliksik

*Naisakonteksto ba ang pananaliksik sa introduksiyon at kaligiran ng paksa?


*Naipakita ba ang halaga ng pananaliksik?
*Ipinaliwanag ba ang pangunahing tesis ng pag-aaral?
*Natukoy ba ang mahahalagang terminolohiyang gagamitin sa pag-aaral upang lubos itong maunawaan?
*Malinaw bang natukoy ang mga pangkalahatan at ispesipikong layunin ng pagaaral at nakahanay ba ito sa suliranin ng
pananaliksik?
*Naitakda ba nang maayos ang saklaw at delimitasyon ng pag-aaral?
*May maayos na estruktura ba ang pagtalakay ng mga kaugnay na literatura at pagaaral?
*Nagkakaisa ba ang mga teorya at konsepto sa kabuuang balangkas na ginawa?

Metodolohiya at Pamamaraan ng Pananaliksik


*Naipaliwanag ba nang maayos ang kaangkupan ng disenyo at pamamaraan na gagamitin sa pananaliksik?
*Sapat ba ang impormasyong ibinigay hinggil sa mga kalahok at lokal ng pananaliksik? Nailarawan ba ang kasangkapan sa
panangangalap ng datos at tutugon ba ito sa mga tanong ng pananaliksik?
*Maayos bang nailahad ang hakbang-hakbang na proseso ng pangangalap ng datos?
*Naipaliwanag ba ang mga paraan sa pagsusuri ng datos?

Kongklusyon at Rekomendasyon
*Maikli ngunit malaman ba ang naging paglalagom ng mga naging resulta ng pananaliksik?
*Angkop ba ang mga kongklusyon batay sa kinalabasan ng pananaliksik?
*Naayon ba ang rekomendasyon sa mga kongklusyon ng pananaliksik?
*Nagbigay ba ng mga makabuluhang suhestiyon sa mga susunod na mananaliksik sa katulad na paksa?

Kabuuang Estruktura ng Pananaliksik


*Gumawa ng balangkas ng kabuuang pananaliksik. Makikita ba sa kabuuang balangkas ang layunin ng pananaliksik?
*Maayos ba ang ideyang inilalahad ng balangkas?
*May mga kakulangan ba sa bawat bahagi ng pananaliksik?
*Maayos bang napaunlad ang bawat bahagi ng pananaliksik?
*Makabuluhan at nagtutulungan ba ang bawat bahagi ng pananaliksik?
*Tumungo ba ang bawat bahagi ng pananaliksik sa pagsagot sa inilahad na suliranin?

Pagbuo ng mga Talata

*May paksang pangungusap ba ang bawat talata na nagbibigay ng direksiyon sa kabuuang talata?
*May pagkakaugnay-ugnay at pagkakaisa ba ang mga pangungusap sa loob ng talata?
*May pagkakaugnay-ugnay at pagkakaisa ba ang mga talata sa bawat bahagi ng papel-pananaliksik?

Gamit ng Wika
*Epektibo ba ang paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik?
*Naiwasan ba ang code switching at gumamit lamang ng Ingles sa mga salitang hindi maaaring isalin?
*Angkop ba ang paggamit ng mga salita at hindi mabulaklak ang mga pahayag?
* Malinaw ba ang pagbuo ng mga pangungusap at hindi nakalilito ang kahulugan?
*Maayos ba ang pagbaybay ng bawat salita?
*Gumamit ba ng mga angkop na pagbabantas?
__________________________________________________________________________________________________

GAWAIN 1

Panuto: Gawin na ang KABANATA 4 ng inyong pananaliksik.

*Buod
*Konklusyon
*Rekomendasyon
______________________________________________________________________________
Gawin din ang mga sumusunod:
 Dahon ng Pagpapatibay
 Pasasalamat
 Paghahandog
 Talaan ng Nilalaman
 Curriculum Vitae
______________________________________________________________________________

----wakas---

You might also like