You are on page 1of 10

Kabanata 2

METODOLOHIYA

Ang metodolohiya ay sistematikong kalipunan ng mga metodo o pamamaraan at proseso


ng imbestigasyong ginagamit sa pangangalap ng mga datos sa isang pananaliksik. Nagmula ito sa
mga katagang Latin na methodus na nangangahulugang ‘patakaran o alituntunin’ at logia na
nangangahulugang ‘larangan ng pag-aaral’. Samakatuwid, ang metodolohiya ay tumutukoy sa
isang organisadong larangan ng pag-aaral ng mga metodo at tuntuning ginagamit sa pagtuklas
ng bagong kaalaman. Ang metodo ay tumutukoy sa pamamaran ng pagtuklas; ang metodolohiya
naman ay kalipunan at pagkakaayos ng mga kaalamang ito. Bukod sa disenyo at pamamaraan,
nilalaman din ng bahaging ito ang hakbang-hakbang na pangangalap ng datos, pagsusuri ng
datos, paglalarawan ng lunan ng pananaliksik at populasyon o magiging tagasagot o
respondente, at plano para sa presentasyon ng mga datos. Nahahati sa apat na mahahalagang
bahagi ang nilalaman ng metodolohiya ng pananaliksik.

Disenyo ng Pananaliksik
Ang disenyo sa pananaliksik ay tumutukoy sa kabuoang balangkas ng pananaliksik sa
maayos at lohikal na paraan. Ito ang nagtitiyak na masasagot ng pananaliksik ang suliranin at
matutupad ang layuning itinakda nito. Ang suliranin ng pananaliksik ang nagtatakda sa uri ng
disenyong gagamitin ng mananaliksik. Kailangang tiyakin na ang kabuoang disenyo ay lohikal na
sasagot sa mahahalagang tanong ng pananaliksik. Ang pangangalap ng impormasyong tutugon
sa suliranin ng pananaliksik ay nangangailangan ng pagtitiyak ng uri ng ebidensiya at
impormasyon upang subukin ang mga teorya, tasahin ang programa, o kaya’y ilarawan ang
ugnayan ng mga kalahok sa pananaliksik. Madalas na nagiging pagkakamali ng mga mananaliksik
ang agad na paglusong sa imbestigasyon at pangangalap ng datos, bago pa man kritikal na pag-
isipan kung anong mga tiyak na impormasyon ang kailangan upang tugunan ang suliranin ng
pananaliksik. Kung hindi magawa ang batayang pangangailangang ito bago gawin ang
pananaliksik, kadalasang hindi sapat na nasasagot ang itinakdang tanong ng pag-aaral o kaya’y
mahina at hindi akma ang nagiging kongklusyon nito. Ayon kay David de Vaus (2011), kung
mailalatag nang maayos ng isang mananaliksik ang sistema at disenyo ng pananaliksik, tiyak na
makakamit nito ang sumusunod:
• Matutukoy nang malinaw ang suliranin ng pananaliksik at mapangangatuwiranan ang
pagkakapili nito;
• Madaling makabubuo ng rebyu at sintesis ng mga naunang pag-aaral na may kinalaman sa
paksa at suliranin ng ginagawang pananaliksik;
• Malinaw at tiyak na matutukoy ang mga haypotesis na pinakasentral sa pag-aaral;
• Epektibong matutukoy at mailalarawan ang datos na kailangan sa pagsubok ng mga
haypotesis
at maipaliliwanag kung paanong makakalap ang mga datos na ito; at
• Mailalarawan ang mga pamamaraan ng pagsusuri ng gagamitin upang alamin kung tama o
mali
ang mga haypotesis.
Nahahati sa iba’t ibang paraan at kategorya ang disenyo ng pananaliksik batay na rin kung sa
anong disiplina ito nakalinya. Madalas na ginagamit bilang pangkalahatang distinksyon ng disenyo ang
pagiging kuwantitatibo (quantative) o kuwalitatibong pananaliksik (qualitative).

A. Batay sa Pagsusuri ng mga Datos


1. Kuwantitatibo – Ang kuwantitatibong pananaliksik ay tumutukoy sa sistematiko
at empirikal na imbestigasyon ng iba’t ibang paksa at penomenang panlipunan sa pamamagitan
ng matematikal, estadistikal, at mga teknik na pamamaraan na gumagamit ng kompyutasyon.
Kadalasang ginagamitan din ito ng mga nasusukat at nakabalangkas na pamamaraan sa
pananaliksik gaya ng sarbey, eksperimentasyon, at pagsusuring estadistikal (statistical
treatment). Kapaki-pakinabang ang kuwantitatibong pananaliksik sa mga mananaliksik na nais
mag-aral at mag-imbestiga ng mga malakihan at pangkalahatang padron ng pagkilos at pag-
uugali ng tao. Kadalasang tiyak, mapanlahat, at deskriptibo ang kongklusyon ng mga
pananaliksik na nasa ganitong disenyo. Ang mga halimbawa nito ay mga pag-aaral na
pinopondohan ng gobyerno gaya ng sensus sa populasyon, mga panlipunang indikasyon gaya ng
antas ng kawalan ng trabaho, dami ng naghihirap, o kaya ay mga impormasyong pang-
ekonomiya gaya ng paraan ng paggastos ng mga mamamayan ng isang bansa.

2. Kuwalitatibo – Ang kuwalitatibong pananaliksik naman ay kinapalolooban ng mga


uri ng pagsisiyasat na ang layunin ay malalimang unawain ang paguugali at ugnayan ng mga tao
at ang dahilang gumagabay rito. Ang disenyong ito ay pinapatnubayan ng paniniwalang ang pag-
uugali ng tao ay laging nakabatay sa mas malawak na kontekstong pinangyayarihan nito at ang
mga panlipunang realidad gaya ng kultura, institusyon, at ugnayang pantao na hindi maaaring
mabilang o masukat. Kung ang kuwantitatibong pananaliksik ay ideal sa pag-aaral ng mga
malakihan at pangkalahatang padron, ang kuwalitatibong pagdulog naman ay labis na personal
sapagkat ninanais nitong malalimang unawain ang pag-uugali, katangian ng pakikipagrelasyon,
at partikularidad na ugnayan ng mga kalahok sa pananaliksik. Layunin nitong magpakita ng
malinaw at detalyadong salaysay ng karanasan ng tao. Kabilang sa mga metodong madalas
gamitin sa ganitong uri ng pananaliksik ang pakikisalamuhang obserbasyon (participatory
observation), pakikipanayam, panggrupong talastasan (focus group discussion) at pagsusuri sa
nilalaman (content analysis). Ang kagamitang ginagamit sa pangangalap ng datos sa ganitong uri
ng pananaliksik ay walang tiyak na estruktura o kakikitaan lamang ng bahagyang estruktura at
hindi ginagamitan ng pagsusuring estadistikal ang datos na nakakalap. Kung deskriptibo at
depinitibo ang kuwantitatibong pananaliksik, ang kuwalitatibo naman ay nag-uusisa at
eksploratori. Hindi ito makapagbibigay ng tiyak at mapanlahat na kongklusyon, bagkus ay
layunin lamang nitong magpaliwanag at magbigay ng inisyal na pagkaunawa tungo sa pagbuo ng
desisyon. Bagama’t minsan ay gumagamit ito ng estadistika galing sa questionnaire, madalas
namang ginagamit dito ang lohika ng katwiran at interpretasyon.

B. Batay sa Disenyo at Metodolohiya


1. Deskriptibong Pananaliksik – Pinag-aaralan sa mga palarawang pananaliksik
ang pangkasalukuyang ginagawa, pamantayan, at kalagayan. Nagbibigay ito ng tugon sa mga
tanong na “sino, ano, kailan, saan, at paano” na may kinalaman sa paksa ng pag-aaral. Hindi ito
makatutugon sa mga tanong na “bakit” sapagkat naglalarawan lamang ito ng tiyak at
kasalukuyang kondisyon ng pangyayari at hindi ng nakalipas o hinaharap. Maaaring maging
kongkreto o abstrakto ang deskripsyon sa ganitong uri ng pananaliksik. Ang halimbawa ng
kongkretong paglalarawan ay maaring magpakita ng etnikong pagkakahati ng isang komunidad
o kaya ay nagbabagong katangian ng populasyon. Abstrakto naman ang paglalarawan kung
tinatangka nang sagutin ang mga tanong gaya ng “bumaba o tumataas ba ang hindi
pagkakapantay-pantay sa lipunan?” o kaya ay “Ano ang antas ng kahirapan sa isang tiyak na
komunidad?”
Kadalasang nagiging tuntungan ng iba pang disenyo ng pag-aaral ang deskriptibong
pananaliksik. Maaari din itong pagsimulan ng mas detalyado at malalimang pag-aaral. Mayaman
din ang datos na nakukuha rito upang maging batayan ng mga rekomendasyon para sa
malakihang populasyon.
Halimbawa:
o Persepsiyon ng mga mag-aaral sa Divorce Bill o Antas ng paggamit ng apat na core values ng
UST ng mga guro sa kanilang pagtuturo.

2. Aksiyong Pananaliksik (Action Research) – Inilalarawan at tinatasa ng


isang mananaliksik ang isang tiyak na kalagayan, pamamaraan, modelo, polisiya, at iba pa sa
layuning palitan ito ng mas epektibong pamamaraan. Habang isinasagawa ang pananaliksik ay
bumubuo rin ng mga plano at estratehiya ang mananaliksik kung paanong makapagbibigay ng
makabuluhang rekomendasyon. Kailangan din ang mga serye ng ebalwasyon kung nakakamit o
hindi ang ideal na awtput. Angkop na gamitin ang Action Research sa larangan ng edukasyon
upang mapabuti ang mga programa o pamamaraan sa pagtuturo. Makabuluhan at
napapanahon ito upang paghusayin pa ang nakasanayang praktika at baguhin kung may
kahinaan o pagkukulang.

Halimbawa:
o Paglinang sa pagkatuto ng mga mag-aaral ng Arkitektura gamit ang modelong
Outcome-Based Education (OBE).
3. Eksperimental na Pananaliksik – Kadalasan itong ginagamit kapag ang tema
ng sinasaliksik ay nangangailangan ng siyentipikong pamamaraan ng obserbasyon ng mga
pangyayari sa loob ng isang laboratoryo o iba pang lugar. Sa pagpapalagay ni Gav (1976),
ito ang disenyong tiyak na nakasusubok sa mga binuong palagay o haypotesis at ugnayan
ng mga dahilan sa mga binuong haypotesis at ugnayan ng mga dahilan at kinalabasan.

Nahahati sa dalawang pangkat ang mga kalahok ng paraang ito:


• Kontrol – ito ang pangkat na hindi sumasailalim sa sinusubok na tritment
• Eksperimental – ito ang pangkat na pinaglalaanan ng tritment o pagsubok upang
makilala ang kaibahan ng mga kaisipang matutukoy. Halimbawa: o E-Filipino: Ang
Pagtuturo at Pagkatuto ng/sa Wikang Filipino Sa Sistemang Open and Distance Learning
4. Komparatibong Pananaliksik – Ang komparatibong pananaliksik ay naglalayong
maghambing ng anomang konsepto, kultura, bagay, pangyayari, at iba pa. Madalas na gamitin sa
mga cross-national na pag-aaral ang ganitong uri ng disenyo upang mailatag ang mga
pagkakaiba at pagkakatulad sa pagitan ng mga lipunan, kultura, at institusyon. Ang madalas na
nagiging hamon para sa mga mananaliksik na gumagamit ng ganitong disenyo ay ang pagtatakda
ng parametro ng pananaliksik sapagkat maaaring hindi gumagamit ng magkatulad na kategorya
ang dalawang lipunan o kulturang pinaghahambing o kaya naman ay may ibang
pagpapakahulugan sa isang kategorya. Halimbawa, maaaring magkaiba ang depinisyon ng
kabayanihan, kaligayahan, o kaya ay pagluluksa sa iba’t ibang kultura o relihiyon.

Halimbawa:
o Komparatibong pagsusuri ng mga panitikang pambata ng mga Tagalog at Ilocano
o Komparatibong pagsusuri ng mga editorial cartoon ng Philippine Star at Philippine Daily
Inquirer sa
pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas
5. Disenyong Eksploratori – Isinasagawa ang disenyong eksploratori kung wala pang
gaanong pag-aaral na naisagawa tungkol sa isang paksa o suliranin. Ang pokus nito ay upang
magkaroon ng mas malawak na kaalaman sa isang paksa na maaaring magbigay daan sa mas
malawak at komprehensibong pananaliksik. Layunin nitong makapaglatag ng mga bagong idea
at palagay o kaya ay makabuo ng mga tentatibong teorya o haypotesis tungo sa mas malalim na
pagkaunawa sa paksa.

Halimbawa:
o Panimulang Pag-unawa sa Masaker sa Mamasapano Kaugnay ng Usapang
Pangkapayapaansa Mindanao.

6. Pamamaraang Nakabatay sa Pamantayan (Normative Studies) –


Madalas na inihahanay sa deskriptibong uri ng pananaliksik ang disenyong normative dahil
naglalayon itong maglarawan ng anomang paksa. Gayonpaman, naiiba ang disenyong ito
sapagkat hindi lamang simpleng deskripsyon ang layunin nito, kundi nagbibigay-diin sa
pagpapabuti o pagpapaunlad ng populasyong pinag-aaralan batay sa mga tanggap na modelo o
pamantayan. Madalas na bahagi ng rekomendasyon ng ganitong pananaliksik ang proyekto o
pagpaplano upang makasapat o makasunod sa hinihinging batayan ng sinomang kalahok sa
pananaliksik.

Halimbawa:
o Pagsusuri ng Kakayahan sa Matematika ng mga Mag-aaral Batay sa Itinatakdang
Kompetensi ng DepEd
o Bumababang kakayahan ng mga guro sa Ingles sa pagsasalita at pagtuturo ng wikang
Ingles

C. Batay sa Disiplina o Larangan


1. Historikal – Ito ay gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng pangangalap ng mga datos
upang makabuo ng mga kongklusyon hinggil sa nakaraan. Batay sa mga datos at ebidensiya,
pinalalalim ang pag-unawa sa nakaraan, kung paano at bakit nangyari ang mga bagay-bagay, at
ang pinagdaanang proseso kung paanong ang nakaraan ay naging kasalukuyan. Mabuting
gamitin ang historikal na disenyo upang maglatag ng konteksto ng isang tiyak na bagay o
pangyayari. Nagagamit din ito sa pagsusuri ng kalakaran o trend analysis.

Halimbawa:
o Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas
o Kasaysayang Pasalita: Ang Kulturang Filipino at Karanasan ng mga Filipinong Mananaliksik
sa Larangang Pasalita

2. Etnograpiko – Ito ay isang uri ng pananaliksik sa agham panlipunan na nagiimbestiga sa


kaugalian, pamumuhay, at iba’t ibang gawi ng isang komunidad sa pamamagitan ng
pakikisalamuha rito. Nakabatay ito sa pagtuklas ng isang panlipunang konteksto at ng mga taong
naninirahan dito sa pamamagitan ng pag-unawa sa kanilang mga pagpapahalaga,
pangangailangan, wika, kultura, at iba pa. Nangangailangan ng matapat na pag-uulat ng
naranasan o naobserbahan ng isang mananaliksik. Madalas na ginagamit na pamamaraan ang
partisipasyong etnograpiko o mas kilala bilang participant observation (Reich 1998; sa
pagbanggit nina Tatel 2011). Nangangailangan ito ng field study na isang pamamaraan ng
pagtatala ng mga datos at pangyayari sa pamamagitan ng mga pandama (pagmamasid, pang-
amoy, pandinig, o panlasa). Binibigyang-diin sa obserbasyon ang lunan o setting (para sa
konteksto), mga gawain at kilos ng mga kasangkot, impormal na interaksyon, hindi nakaplano ng
gawain, berbal at di-berbal na komunikasyon, at iba’t ibang proseso.

Halimbawa:
o Tubong Marinduque: Isang etnograpikong lapit sa pag-aaral ng kasaysayan at sosyolohiya
ng tubong bilang dulambayang Marinduqueño
o Pagpapakahulugan kay Rizal ng mga Milinaryong Kilusan sa Banahaw

3. Pag-aaral ng Kaso/Karanasan (Case Study) – Ang mga pananaliksik na nasa


ganitong disenyo ay naglalayong malalimang unawain ang isang partikular na kaso kaysa
magbigay ng pangkalahatang kongklusyon sa iba’t ibang paksa ng pag-aaral. Ginagamit ito
upang paliitin, maging mas espesipiko, o kaya’y pumili lamang ng isang tiyak na halimbawa mula
sa isang napakalawak na paksa. Mahusay ang disenyong ito upang ipaunawa ang isang
masalimuot na paksa sa pamamagitan ng detalyadong pagsusuri ng konteksto ng mga
pangyayari at ugnayan ng mga ito. Angkop ding gamitin ito upang malalimang unawain ang mga
espesipiko at pambihirang kaso. Maaaring gumamit ng iba’t ibang paraan ng pagkalap ng datos
at iba’t ibang batis ng impormasyon ang disenyong ito. Hindi lamang limitado sa pag-aaral ng
indibidwal ang uri ng pananaliksik na ito, kundi maaari ding maging pokus ang mga komunidad,
institusyon, at organisasyon. Madalas na nagiging paksa ang mga institusyon gaya ng simbahan,
paaralan, iba’t ibang uri ng negosyo, mga kapatiran, o kaya ay mga grupo ng homoseksuwal,
adik sa droga, delingkuwenteng kabataan, gang, OFWs, guro, at iba pa.

Halimbawa:
o Kaso ng isang doktor na piniling maging caregiver sa Estados Unidos
o Kahirapan sa Pagkatuto ng Ikalawang Wika: Kaso ng Ilang Magaaral ng UST na may
Dalawang Pagkamamamaya

4. Sosyolohikal – Nakapokus ito sa mga gawain, kilos ng mga tao sa loob ng lipunan, sa
relasyon ng mga tao at lipunan, sa mga pangyayari, sitwasyon at kapwa tao. Madalas gamitan ng
sarbey, interbyu, mga obserbasyon at partisipasyon para sa datos.

Halimbawa:
o Wikang Lokal at Filipino sa Pananaliksik: Isang Naratibong Sosyolohikal
o Pagwiwikang Kultural ng Panitikang Ikalahan / Kalanguya sa Nueva Viscaya: Isang
Pagdalumat Dokumental

5. Sikolohikal – Uri ng saliksik na naglalayong maunawaan ang mga asal, pagkilos, atityud,
preperensya, pag-iisip ng mga tao sa mga bagay-bagay, tao, lugar, pangyayari at mga ideya.

Halimbawa:
o Tungo sa Sikolohikal na Pananaliksik ng Espiritwalidad at Relihiyon sa Sikolohiyang
Pilipino
o Tungo sa isang mas Mapagbuong Sikolohiya: Hamon sa Makabagong Sikolohiyang
Pilipino

Pagmumulan ng mga Datos


Sa bahaging ito ng metodolohiya, nakasaad ang mga batayang impormasyon tungkol sa
kalahok ng pananaliksik – ang lokal at populasyon. Kabilang sa mga ito ay kung sino, tagasaan, o
kaya ay kung sa anong institusyon o organisasyon may kaugnayan ang kalahok. Ibinibigay ang
batayang impormasyon gaya ng propesyon, edad, at kasarian depende sa pangangailangan ng
pananaliksik. Ipinapaliwanag sa bahaging ito ang proseso ng sampling na pinagdaanan at kung
ano ang dahilan o pinagbatayan ng pamimili ng kalahok. Sample ang tawag sa kumakatawan sa
kabuoang populasyon samantalang sampling naman ang pagkuha ng bahagi mula sa isang
malaking populasyon. Ang pagkuha ng sample ay karaniwang ginagawa dahil sa lubhang
magastos ang pagkuha ng buong populasyon, maraming oras ang nagagamit para maabot ang
sinasabing target na populasyon, at ang mga mananaliksik ay nakapaghihinuha at
nakapaglahahat tungkol sa target na populasyon. Mayroong iba’t ibang uri ng sampling, ito ay
ang random, systematic, convenience, cluster, stratified purposive, snowball, quota at iba pa.

Ilalagay rin sa bahaging ito kung saan gagawin ang pananaliksik. Sa mga pananaliksik na
walang kalahok at dokumento ang pangunahing pagkukunan ng datos, maaaring hindi na isama
ang bahaging ito. Maaaring sa halip na batayang impormasyon ng kalahok ang gamitin, ay
talakayin na lamang sa bahaging ito kung anong uri ng dokumento, panitikan, o anomang
pagmumulan ng pagsusuri ang gagamitin sa pananaliksik.

Instrumentasyon at Pangangalap ng mga Datos


Sa bahaging ito ng metodolohiya, ilalahad ang uri ng kasangkapan o instrumentong
gagamitin sa pagkuha ng kinakailangan mga datos at upang maisagawa ang pamamaraan ng
pananaliksik. Nakabatay sa disenyo at pamamaraan ang instrumento. Halimbawa, kung
magsasagawa ng pakikipanayam, kailangan ang gabay sa panayam o talaan ng mga tanong.
Kung obserbasyon, kailangan din ang isang talaan o checklist na magsisilbing gabay sa mga
dapat bigyang-pansin sa obserbasyon, o kung sarbey naman ay questionnaire o talatanungan.
Kailangang laging nasa isip ng mananaliksik kung masasagot ng instrumento ang mga suliranin
ng pananaliksik.
Binubuo ang instrumento bago ang aktuwal na pangangalap ng datos. Nagsisilbing
bahagi ng apendiks ng pananaliksik ang mismong talatanungan, checklist, o anomang gabay. Sa
mismong pananaliksik kung saan tinatalakay ang metodolohiya, kailangang ipaliwanag ng
mananaliksik ang pangkalahatang nilalaman, pagkakahati, at balangkas ng instrumento ng mga
datos. Bago magamit ang instrumento gaya ng talatanungan, dadaan muna ito sa reliability at
validity tests sa pamamagitan ng pagpa-pilot testing nito sa piling mga kalahok.
Sa bahagi ring ito ilalahad kasabay ng instrumento ang pamamaraan ng pangangalap ng
mga datos at kung paanong mabibigyang-katuparan ang disenyo ng pananaliksik. Iba’t ibang
pamamaraan ang maaaring isagawa ng isang mananaliksik batay sa itinakdang suliranin ng
pananaliksik. Narito ang ilang batayang pamamaraan:
1. Sarbey – Isang metodong ginagamit upang mangalap ng datos sa sistematikong
pamamaraan sa isang tiyak na populasyon o sampol ng pananaliksik. Pamilyar na sa atin ang
mga mga sarbey sa opinyon. Ang sarbey ay ginagamit din sa mga siyentipikong layunin tulad ng
marketing research, sikolohiya, kalusugan at medisina, at sosyolohiya. Ang tagumpay nito ay
batay sa husay ng pagpili ng representatibo ng buong populasyon (sampling). Kadalasang
ginagamitan ng payak na questionnaire ang sarbey na hinahayaang sagutan ng mga kalahok
(kadalasan sa sarili nila ngunit sa ilang pagkakataon ay ginagabayan). Madalas itong ginagamit
sa mga deskriptibong pananaliksik na karaniwang nangangailangan ng mas malaking bilang ng
mga tagasagot. Sinusuri ang sarbey sa pamamagitan ng iba’t ibang estadistikal na pamamaraan.
Bagama’t simple ang pagkakaayos ng estruktura ng mga tanong sa sarbey upang
masagutan ng mga kalahok kahit walang gabay mula sa mananaliksik, makabubuting personal
pa ring pangasiwaan ng mananaliksik ang pamamahagi at pagpapasagot sa talatanungan upang
matulungan ang kalahok sa anomang magiging suliranin. Tiyakin ding may maikling sulat o note
sa unahan ng talatanungan bago ang mismong mga tanong upang ipaliwanag sa mga sasagot
kung tungkol saan ang pananaliksik at kung ano ang mga pangunahing layunin nito. Tukuyin din
ang pagiging kompidensiyal ng anomang impormasyong ibabahagi ng mga kalahok.

2. Pakikipanayam o Interbyu – Ito ay pagkuha ng impormasyon sa isang kalahok na


may awtoridad o ‘di kaya ay may personal na pagkaunawa sa paksa ng pananaliksik. Kaiba sa
sarbey na naglalaman ng mga simpleng tanong, naglalayon ang pakikipanayam na kumuha ng
malalim at malawak na impormasyon mula sa taong kakapanayamin. Narito ang ilan sa uri ng
panayam na maaaring gamitin:

a. Structured Interview o nakabalangkas na pakikipanayam – isang panayam kung


saan halos eksakto o tiyak ang pagtatanong gaya ng mga nasa talatanungan na ginagamit sa
sarbey. Ang kaibahan lamang ay pasalita ang pamamaraan nito at binabasa ng mananaliksik ang
mga tanong sa tagasagot. Layunin nitong gawing mas malinaw sa tagasagot ang mga tanong na
may kalabuan sa kaniya.

b. Semi-structured Interview o pakikipanayam na bahagyang nakabalangkas – Ito


ay mas nagbibigay ng kontrol sa mananaliksik o tagatanong sa magiging daloy ng panayam.
Ginagamitan lamang ito ng mga gabay na tanong upang maging maayos at sistematiko ang
daloy ng panayam ngunit hindi istrikto ang pagsunod dito at nagpapaubaya sa pagpapalalim at
pagpapalawak ng tanong na nagmumula sa impormasyong ibinibigay ng kinapanayam.
Mahalaga sa ganitong uri ng pakikipanayam ang husay sa pagbuo ng mga kasunod at kaugnay
na tanong (follow-up question) upang mapalalim ang panayam.

c. Unstructured Interview o walang estruktura ang pakikipanayan – Ang layunin


nito ay upang galugarin ang nararamdaman ng kalahok tungkol sa paksa ng panayam. Maaari
ding maging paksa ng panayam ang kuwentong buhay o partikular na karanasan ng kalahok.
Kadalasang impormal ang paraan ng pagtatanong sa ganitong uri ng panayam. Madalas na
ginagamit sa mga kuwalitatibong pananaliksik ang pamamaraang ito sapagkat hindi nasusuri
pamamagitan ng estadistika ang datos na nagmumula rito.
3. Dokumentaryong Pagsusuri (Documentary Review) – Ito ay isang
pamamaraan sa pananaliksik na ginagamit upang kumalap ng impormasyong susuporta at
magpapatibay sa mga datos ng pananaliksik sa pamamagitan ng analitikal na pagbasa sa mga
nasusulat na komunikasyon at mga dokumento upang malutas ang mga suliranin. Madalas na
ginagamit ito bilang sekondaryang pamamaraan sa pagsusuri ng mga kaugnay na literatura o
kaya ay pangunahing pinagmumulan ng resulta ng pananaliksik. Ang mga uri ng dokumentong
maaaring pagmulan ng pagsusuri ay mga pampublikong tala, iba’t ibang uri ng media,
biyograpiya, katitikan ng mga pulong o tala ng mga pangyayari sa isang komperensiya o
kongreso, mga ulat at plano, iba’t ibang uri o genre ng panitikan at maging mga biswal na
dokumento gaya ng sining biswal at iba pa.

Ang iba’t ibang uri ng dokumentaryong pagsusuri ay: pagsusuri sa nilalaman (content
analysis), pagsusuring semyotiko (semiotics), pagsusuring diskorsal (discourse analysis), at
interpretatibong pagsusuri (interpretative analysis).

4. Nakabalangkas na Obserbasyon at Pakikisalamuhang Obserbasyon –


Ginagamit ito sa mga uri ng pananaliksik na nangangailangan ng field study gaya ng
etnograpiya. Ang nakabalangkas na obserbasyon ay pagmamasid ng mananaliksik sa mga
kalahok na pokus ng pag-aaral habang sistematikong itinatala ang kanilang pagkilos,
interaksiyon, at pag-uugali sa pamamagitan ng gabay sa obserbasyon. Maaaring maging bahagi
ng tala ang lahat ng pangyayaring namamasid sa pamamagitan ng mga pandama (pagmamasid,
pang-amoy, pandinig, panlasa, at pandamdam). Bago pa man gawin ang obserbasyon,
ipinaplano na ang gabay kung saan nakalagay kung ano ang mga tiyak na detalyeng hahanapin
ng mananaliksik at kung paano itatala ang mga obserbasyon.

Ang pakikisalamuhang obserbasyon naman ay pag-aaral sa kilos, paguugali, at


interaksiyon ng mga kalahok sa isang likas na kapaligiran. Kasabay ng sistematikong
obserbasyon, ang mananaliksik ay nakikisalamuha at nakikisali sa karaniwang mga proseso o
pamumuhay ng mga tao sa isang komunidad. Makikinig at makikibahagi siya sa mga
kombersasyon at maaariding magtanong sa mga kalahok. Ayon sa sikolohistang si Virgilio
Enriquez, mahalagang isaalang-alang ang taal na kultura at sikolohiya ng mga Pilipino sa
pagsasagawa ng ganitong metodo kung kaya’t iminungkahi niya ang mga pamamaraang pakapa-
kapa, pakikisalamuha, at pakikipagpalagayang-loob upang makakuha ng makatotohanan at
makabuluhang datos mula sa mga kalahok.

5. Panggrupong Talastasan (Focus Group Discussion)


Ang FGD ay katulad din ng pag-iinterbyu. Kung sa interbyu ay isa lamang ang
kinapapanayam sa bawat pagkakataon, sa FGD ay dalawa o higit pa ang kinapapanayam.
Isinasagawa ito upang higit na maging maayos at magaan ang interbyu, sapagkat karaniwang
mas makapagpapahayag ng saloobin ang mga tao kung may mga kasama sila na mula sa
kanilang pangkat at kagaya rin nila sa karanasan at iba pang aspekto.
Pagsusuri ng mga Datos
Kung kuwantitatibo ang pananaliksik, nakapaloob sa bahaging ito ang iba’t ibang
estadistikal na pamamaraan para sa kompyutasyon at pagsusuri ng datos. Gaya ng Mean,
Standard Deviation, Regression, Comparison Test (t-test, ANOVA), Correlation Test (Pearson’s r,
Spearman’s r, Chi square test of independence atbp.) Kung kuwalitatibo naman, madalas na
tinutukoy rito kung paanong isasaayos at bubuoin ang mga kategorya o maliliit na paksa na
magpapaliwanag sa mga datos na nakalap. Ilalagay rin sa bahaging ito kung paano gagawing
sistematiko ang presentasyon ng datos para sa mas madaling interpretasyon at pagsusuri. Sa
kabuoan ay tinalakay sa araling ito ang iba’t ibang nilalaman at bahagi ng metodolohiyang
pananaliksik.

You might also like