You are on page 1of 8

ASSH2003

Ang Tekstong Naratibo


Sa bawat araw sa buhay ng isang tao ay laging may mga pangyayaring naibabahagi o
naikukuwento niya sa iba. Maaaring mga simpleng pangyayaring nasaksihan sa kanyang pagpasok o
kaya nama'y ang mga ipinagpapalagay niyang pinakamahahalaga o pinakamalalaking kaganapan sa
kanyang maghapon. Ang pagsasalaysay o pagkukuwento ay karaniwang nangyayari kapag nagkita-
kita o nagsalo na ang mag-anak o maging ang magkakaibigan subalit minsan, ang salaysay ay hindi
lang basta naibabahagi nang pasalita. Sa halip, naitatala rin sa mga pahina ng isang talaarawan. Hindi
halos nararamdaman ng nagsusulat na siya'y bumubuo na pala ng isang kuwento, amg kanyang sariling
kuwentong bahagi ng isang uri ng teksto, ang tekstong naratibo.
Ang tekstong naratibo ay pagsasalaysay o pagkukuwento ng mga pangyayari sa isang tao o
mga tauhan, nangyari sa isang lugar at panahon, o sa isang tagpuan nang may maayos na
pagkakasunod-sunod mula simula hanggang katapusan. Pangunahing layunin ng ganitong uri ng teksto
ang makapagsalaysay ng mga pangyayaring nakapanlilibang o nakapagbibigay-aliw o saya. Gayundin
naman, ang naratibo ay nakapagtuturo ng kabutihang asal, mahahalagang aral, at mga
pagpapahalagang pangkatauhang tulad ng kahalagahan ng pagiging mabuti at tapat, na ang kasamaan
ay hindi nagtatagumpay laban sa kabutihan, ang kasipagan at pagtitiyaga ay nagdudulot ng tagumpay,
at iba pa.
Ang mga mambabasa ay direktang isinasama ng manunulat sa isang tekstong naratibo at
nagiging saksi sa mga pangyayaring kanyang sinasalaysay. Maraming iba't ibang uri ng naratibo tulad
ng maikling kuwento, nobela, kuwentong-bayan, mitolohiya, alamat, tulang pa alaysay tulad ng epiko,
dula, mga kuwento ng kababalaghan, anekdota, parabula, science fiction, at iba pa. lba't ibang uri
subalit may iisang pagkakapareho; ang bawat isa'y nagkukuwento.

May lba't ibang Pananaw o Paningin (Point of View) sa Tekstong Naratibo


Sa pagsasalaysay o pagkukuwento ay may mga matang tumutunghay sa mga pangyayari. Ito ang
ginamit ng manunulat na paningin o pananaw sa pagsasalaysay. Ang pinakakaraniwang ginagamit para
sa naratibo ay ang una at ikatlong panauhan. Bihirang-bihirang magamit ang ikalawang panauhan. Sa
mas mahababang naratibo tulad ng nobela ay hindi lang iisa kundi nagbabago-bago aug ginagamit na
pananaw.
1. Unang Panauhan - sa pananaw na ito, isa sa mga tauhan ang nagsasalaysay ng mga bagay na
kanyang nararanasan, naalala, o naririnig kaya gumagamit ng panghalip na "ako”.
2. Ikalawang Panauhan - dito mistulang kinakausap ng manunulat ang tauhang pinagagalaw niya
sa kuwento kaya 't gumagamit siya ng mga panghalip na "ka" o "ikaw" subalit tulad ng unang
nasabi, hindi ito gaanong ginagamit ng mga manunulat a kanilang pagsasalaysay.
3. Ikatlong Panauhan - ang mga pangyayari sa pananaw na ito ay isinasalaysay ng isang taong
walang relasyon sa tauhan kaya ang panghalip na ginagamit niya sa pagsasalaysay ay "siya". Ang
tagapagsalaysay ay tagapag-obserba lang at nasa labas siya ng mga pangyayari. May tatlong (3)
uri ang ganitong uri ng pananaw:
• Maladiyos na panauhan - Nababatid niya ang galaw at iniisip ng lahat ng mga tauhan.
Napapasok niya ang isipan ng bawat tauhan at naihahayag niya ang iniisip, damdamin, at
paniniwala ng mga ito sa mga mambabasa.
• Limitadong panauhan- Nababatid niya ang iniisip at ikinikilos ng isa sa mga tauhan. Subalit
hindi ang sa iba pang tauhan.

02 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 1 of 4
ASSH2003

• Tagapag-obserbang panauhan - Hindi niya napapasok o nababatid ang nilalaman ng isip at


damdamin ng mga tauhan. Tanging ang mga nakikita o naririnig niyang mga pangyayari, kilos,
o sinasabi lang ang kanyang isinasalaysay.
4. Kombinasyong Pananaw o Paningin- Dito, hindi lang iisa ang tagapagsalaysay kaya't iba't ibang
pananaw o paningin ang nagagamit sa pagsasalaysay. Karaniwan itong nangyayari sa isang nobela
kung saan ang mga pangyayari ay sumasakop sa mas mahabang panahon at mas maraming tauhan
ang naipakikilala sa bawat kabanata.

Mga Paraan ng Pagpapahayag ng Dayalogo, Saloobin, o Damdamin sa Tekstong Naratibo


May dalawang paraan kung paano inilalahad o ipinahahayag ng mga tauhan ang kanilang dayalogo
saloobin, at damdamin:
1. Direkta o Tuwirang Pagpapahayag
Sa ganitong uri ng pagpapahayag, ang tauhan ay direkta o tuwirang nagsasaad o nagsasabi ng
kanyang dayalogo, saloobin, o damdamin. Ito ay ginagamitan ng panipi. Sa ganitong paraan
ng pagpapahayag ay nagiging natural at lalong lumulutang ang katangiang taglay ng mga
tauhan. Higit din nitong naaakit ang mga mambabasa sapagkat nagiging mas malinaw sa kanya
ang eksaktong mensahe o sinabi ng tauhan at ang paraan ng pagkakasabi'y naghuhudyat din sa
uri ng damdaming taglay kaysa kung lalagumin o hindi direktang sasabihin ng tagapagsalaysay.

Halimbawa:
''Donato, kakain na, Anak,” tawag ni Aling Guada sa anak na noo'y abalang-abala sa
ginagawa at hindi halos napansing nakalapit na pala ang ina sa kanyang kinalalagyan.
"Aba'y kayganda naman nireng ginagawa mo, Anak! Ay ano ba talaga ang balak mo,
ha?''
Natatawang inakbayan ni Donato ang ina at inakay papasok sa munti nilang kusina.
-Mula sa "Ang Kariton ni Donato
2. Di direkta o Di tuwirang Pagpapahayag
Ang tagapagsalaysay ang naglalahad sa sinasabi, iniisip, o nararamdaman ng tauhan sa
ganitong uri ng pagpapabayag. Hindi na ito ginaganlitan ng panipi.

Halimbawa:
Tinawag ni Aling Guada ang anak dahil kakain habang ito'y abalang-abala sa
ginagawa at hindi halos napansing nakalapit na pala ang ina sa kanyang kinalalagyan.
Sinabi niyang kayganda ng ginagawa ng anak at tinanong din niya kung ano ba talaga
ang balak niya.
Natatawang inakbayan ni Donato ang ina at inaki ay papasok sa munti nilang kusina.

May mga Elemento ang mga Tekstong Naratibo


Ang isang katangiang taglay ng lahat ng tekstong naratibo ay ang pagkukuwento kaya naman taglay
ng mga ito ang mahahalagangg elementong lalong magbibigay daan sa nakalilibang, nakaaaliw, at
nakapagbibigay-aral na pagsasalaysay. Sa mga elementong ito makikita natin kung paano naihahabi o
pumapasok ang mga tekstong deskriptibo.
1. Tauhan
Lahat ng tekstong naratibo ay nagtataglay ng mga tauhan. Ang dami o bilang ng tauhan ay dapat
umayon sa pangangailangan. Mahirap itakda ang bilang ng tauhang magpapagalaw sa tekstong
naratibo ang pangangailangan lamang ang maaaring magtakda nito. May dalawang paraan sa

02 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 2 of 4
ASSH2003

pagpapakilala ng tauhan ang expository at dramatiko. Expository kung ang tagapagsalaysay ang
magpapakilala o maglalarawan sa pagkatao ng tauhan at dramatiko naman kung kusang
mabubunyag ang karakter dahil sa kanyang pagkilos o pagpapahayag.
Ang karaniwang tauhan sa mga akdang naratibo ay ang sumusunod:
A. Pangunahing Tauhan - Sa pangunahing tauhan o bida umiikot ang mga pangyayari sa
kuwento mula simula hanggang sa katapusan. Karaniwang iisa lamang ang pangunahing
tauhan. Ang kanyang mga katangian ay ibinabatay sa tungkulin o papel na kanyang
gagampanan sa kabuuan ng akda.
B. Katunggaling Tauhan - Ang katunggaling tauhan o kontrabida ay siyang sumasalungat o
kalaban ng pangunahlng tauhan. Mahalaga ang papel ng tauhang ito sapagkat sa mga
tunggaliang na nangyayari sa pagitan nila nabubuhay ang mga pangyayari sa kuwento at higit
na napatitingkad ang mga katangian ng pangunahing tauhan.
C. Kasamang Tauhan - Gaya ng ipinahihiwatig ng katawagan, ang kasamang tauhan ay
karaniwang kasama o kasangga ng pangunahin:g tauhan. Ang pangunahing papel o tungkulin
niya ay sumuporta, hingahan, o kapalagayang-loob ng pangunahing tauhan.
D. Ang May-akda - Sinasabing ang pangunahing tauhan at ang may-akda ay lagi nang
magkasama sa kabuooan ng akda. Bagama't ang namamayani lamang ay ang kilos at tinig ng
tauhan, sa likod ay laging nakasubaybay ang kamalayan ng makapangyarihang awtor.
Ayon kay E.M. Forster, may dalawang (2) uri ng tauhan ang maaaring makita sa isang tekstong
naratibo tulad ng:
o Tauhang bilog (round character) - lsang tauhang may multidimensiyonal o maraming
saklaw ang personalidad. Tulad ng isang tunay na katauhan, nagbabago ang kanyang
pananaw, katangian, at damdamin ayon sa pangangailangan. Ang isang tahimik at
mapagtimping tauhan halimbawa ay maaaring magalit at sumambulat kapag hinihingi ng
sitwasyon o pangyayari sa kuwento at pangangailangang magbago ang taglay niyang
katangian at lumutang ang nararapat na emosyon o damdamin.
o Tauhang lapad (flat character) - Ito ang tauhang nagtataglay ng iisa o dadalawang
katangiang madaling matukoy o predictable. Madaling mahulaan at maiugnay sa kanyang
katauhan ang kanyang mga ikinikilos at maituturing na stereotype tulad ng mapang-aping
madrasta, mapagmahal na ina, tinedyer na hindi sumusunod sa magulang, at iba pa.
Karaniwang hindi nagbabago o nag-iiba ang katangian ng tauhang lapad sa kabuuan ng
kuwento.
Sinasabi rin ni Forster na kinakailangang makita ang dalawang (2) uring ito ng tauhan sa
tekstong naratibo. Bagama't madaling matukoy o predictable ang tauhang lapad ay hindi niya
iminumungkahi ang pagtatangal sa ganitong uri ng tauhan sa pagsulat ng akda upang
manalamin pa rin nito ang tunay na kalakaran ng mga tauhan sa ating mundo.
2. Tagpuan at Panahon
Ang tagpuan ay tumutukoy hindi lang ang lugar kung saan naganap ang mga pangyayari sa akda
kundi gayundin ang panahon (oras, petsa, taon) at maging ang damdaming umiiral sa kapaligiran
nang maganap ang mga pangyayari tulad ng kasayahang dala ng pagdiriwang sa isang kaarawan,
takot na umiiral dahil sa malakas na hampas ng hangin at ulang data ng bagyo, romantikong paligid
sanhi ng maliwanag buwang nakatunghay sa magkasintahang naghahapunan sa isang hardin,
matinding pagod ng magsasakang nag-aararo sa ilalim ng tirik na tirik na sikat ng araw,

02 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 3 of 4
ASSH2003

kalungkutan ng pamilyang nakatunghay habang, ibinababa sa kanyang huling hantungan ang isang
minamahal, at iba pa.
3. Banghay
Ito ang tawag sa maayos na daloy o pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa mga tekstong
naratibo upang mabigyang-linaw ang temang taglay ng akda.
Makikita sa ibaba ang karaniwang banghay o balangkas ng isang naratibo:
• Pagkakaroon ng isang epektibong simula kung saan maipakikilala ang mga tauban, tagpuan at
tema (orientation or introduction)
• Pagpapakilala sa suliraning ihahanap ng kalutasan ng mga tauhan partikular ang pangunahing
tauhan (problem)
• Pagkakaroon ng saglit na kasiglahang hahantong sa pagpapakita ng aksyong gagawin ng tauhan
tungo sa paglutas sa suliranin (rising action).
• Patuloy sa pagtaas ang pangyayaring humahantong sa isang kasukdulan (climax)
• Pababang pangyayari na humahantong sa isang resolusyon o kakalasan (falling action)
• Pagkakaroon ng isang makabuluhang wakas (ending)
Hindi lahat ng banghay ay sumusunod sa kumbensiyonal na simula-gitna-wakas. May mga akdang
hindi sumusunod sa ganitong kalakaran at tinatawag na anachrony o mga pagsasalaysay na hindi
nakaayos sa tamang pagkakasunod-sunod. Mauuri ito sa tatlo:
• Analepsis (Flashback) - dito ipinapasok ang mga pangyayaring naganap sa nakalipas.
• Prolepsis (Flash-forward) - dito nama'y ipinapasok ang mga pangyayaring magaganap pa lang
sa hinaharap.
• Ellipsis - may mga puwang o patlang sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na
nagpapakitang may bahagi sa pagsasalaysay na tinanggal o hindi isinama.
4. Paksa o Tema
Ito ang sentral na ideya kung saan umiikot ang mga pangyayari sa kuwento. Mahalagang malinang
ito ng husto sa kabuuan ng akda upang mapalutang ng may-akda ang pinakamahalagang
mensaheng nais niyang maparating sa kanyang mambabasa.

Sanggunian:
Dayag, Alma M. & Del Rosario, Mary Grace G. (2016). Pinagyamang pluma: Pagbasa at pagsususri
ng iba’t ibang teksto tungo sa pananaliksik. Quezon City: Phoenix Publishing House

02 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 4 of 4
ASSH2003

Ang Tekstong Impormatibo

Ito ay isang uri ng babasahing di piksyon. Ito ay naglalayong magbigay ng impormasyon o


magpaliwanag nang malinaw at walang pagkiling tungkol sa iba't ibang paksa tulad ng sa mga hayop,
isports, agham o siyensiya, kasaysayan, gawain, paglalakbay, heograpiya, kalawakan, panahon, at iba
pa.
Di tulad ng ibang uri ng teksto, ang mga impormasyon o kabatirang inilahad ng may-akda ay
hindi nakabase sa kanyang sariling opinyon kundi sa katotohanan at mga datos kaya't hindi nito
masasalamin ang kanyang pagpabor o pagkontra sa paksa. Karaniwang may malawak na kaalaman
tungkol sa paksa ang manunulat o kaya'y nagsagawa siya ng pananaliksik at pag-aaral ukol dito. Ang
mga tekstong impormatibo ay karaniwang makikita sa mga pahayagan o balita, sa mga maga in,
textbook, sa mge reference book tulad ng encyclopedia, gayundin sa mga iba't ibang website sa Internet.
Dahil sa mga katangiang ito ng tekstong impormatibo, laging may nadadagdag na
bagongkaalaman o kaya'y napagyayaman ang datingkaalaman ng taong nagbabasa nito. Bagama'thindi
ito anguri ng tekstong madalas ipinababasa sa mga mag-aaral sa silid-aralan, nakatutulong ito sa
pagkakaroon nang mas malawak na pag-unawa ang mga karaniwang paraang pagsulat na ginagamit
ng manunulat tulad ng paglalagay ng pamagat sa bawat bahagi, pagbibigay-diin sa mahahalagang
talasalitaan,paglalagayng larawang may paliwanag o caption, at paggamitng dayagram.

Elemento ng Tekstong Impormatibo

Kung ang tekstong naratibo ay may elementong kinabibilangan ng tauhan, tagpuan, suliraninn, at
mahahalagang pangyayaring tulad ng simula, kasukdulan, kakalasan, at wakas, ang tekstong
imormatibo ay mayroon ding mga elemento. Ang mga ito’y sumusunod.

o Layunin ng may-akda – Maaaring magkaiba-iba ang layunin ng may-akda sa pagsulat niya ng


isang tekstong impormatibo. Maaaring layunin niyang mapalawak pa ang kaalaman ukol sa
isang paksa; maunawaan ang mga pangyayaring mahirap ipaliwanag; matuto ng maraming
bagay ukol sa ating mundo; magsaliksik; at mailahad ang mga yugto; at iba pa. Gayunpaman,
anuman ang layunin ay mapapansing kaugnay ito lagi ng pagbibigay o paglalahad ng
impormasyon.
o Pangunahing Ideya – Di tulad ng tekstong naratibo na hindi agad inihahayag ng manunulat ang
mga mangyayarii upang mapaabot ang interes ng mambabasa sa kasukdulan ng akda, sa
tekstong impormatibo naman ay dagliang inilalahad ang mga pangunahing ideya sa
mambabasa. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng pamagat sa bawat bahagi –
tinatawag din itong organization markers na nakatutulong upang agad makita at malaman ng
mambabasa ang pangunahing ideya ng babasahin.
o Pantulong na Kaisipan – Mahalaga rin ang paglalagay ng angkop na mga pantulong na kaisipan
o mga detalye upang makatulong upang agad makita at malaman ng mambabasa ang
pangunahing ideya ng babasahin.
o Mga estilo sa pagsulat, kagamitan/sangguniang magtatampok sa mga bagay na binibigyang-
diin – Makatutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mas malawak na pag-unawa sa
binabasang tekstong impormatibo ang paggamit ng mga estilo o kagamitan/sangguniang
magbibigay-diin sa mahahalagang bahagi tulad ng sumusunod:

03 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 1 of 3
ASSH2003

• Paggamit ng mga nakalarawang representasyon – makatutulong ang paggamit ng mga


larawan, guhit, dayagram, tsart, talahanayan, timeline, at iba pang higit na mapalalim
ang pag-unawa ng mga mambabasa sa mga tekstong impormatibo.
• Pagbibigay-diin sa mahahalagang salita sa teksto – nagagamit dito ang mga estilong
tulad ng pagsulat nang nakadiin, nakalihis, nakasalungguhit, o nalagyan ng panipi
upang higit na madaling makita o mapansin ang mga salitang binibigyang-diin sa
babasahin.
• Pagsulat ng mga talasanggunian – karaniwang inilalagay ng mga manunulat ng tekstong
impormatibo ang mga aklat, kagamitan, at iba pang sangguniang ginamit upang higit
na mabigyang-diin ang katotohanang naging basehan sa mga impormasyong taglay
nito.

Mga Uri ng Tekstong Impormatibo

Ang pangunahing layunin ng tekstong impormatibo ay makapaghahatid ng impormasyong hindi


nababahiran ng personal na pananaw o opinyon ng may-akda. Makikita ang layuning ito sa ilang uri
ng tekstong impormatibo tulad ng sumusunod:

1. Paglalahad ng Totoong Pangyayari/Kasaysayan – Sa uring ito ng teksto inilalahad ang mga


totoong pangyayaring naganap sa isang panahon o pagkakataon. Maaaring ang pangyayaring
isasalaysay ay personal na nasaksihan ng manunulat tulad ng mga balitang isinusulat ng mga
reporter ng mga pahayagan o maaari ding hindi direktang nasaksihan ng manunulat kundi mula
sa katotohanang nasaksihan, pinatunayan ng iba tulad ng sulating pangkasaysayan o historical
account. Ang uring ito ng teksto ay karaniwang sinisimulan ng manunulat sa isang mabisang
panimula o introduksiyon. Kung ito ay isang balita, mababasa sa bahaging ito ang
pinakamahalagang impormasyon tulad ng kung “sino,” “ano,” “saan,” “kailan,” at “paano”
nangyari ang inilalahad. Sinusundan ito ng iba pang detalyeng nasa bahagi naman ng katawan,
at karaniwang nagtatapos sa isang kongklusyon.

2. Pag-uulat Pang-impormasyon – Sa uring ito nakalalahad ang mahahalagang kaalaman o


impormasyon patungkol sa tao, hayop, iba pang bagay na nabubuhay at di nabubuhay,
gayundin sa mga pangyayari sa paligid. Ang ilang halimbawa ay mga paksang kaugnay ng
teknolohiya, global warming, cyberbullying, mga hayop na malapit ng maubos, impormasyon
kaugnay ng mga halaman, at iba pa. Ang pagsulat ng ganitong uri ng teksto ay nangangailangan
ng masusing pananaliksik sapagkat sang mga impormasyon at detalyeng taglay nito ay
naglalahad ng katotohanan ukol sa paksa at hindi dapat samahan ng personal na pananaw o
opinyon ng manunulat.

3. Pagpapaliwanag – Ito ang uri ng tekstong impormatibong nagbibigay paliwanag kung paano o
bakit naganap ang isang bagay o pangyayari. Layunin nitong makita ng mambabasa mula sa
mga impormasyong nagsasaad kung paano humantong ang paksa sa ganitong kalagayan.
Karaniwan itong ginagamitan ng mga larawan, dayagram, o flow chart na may kasamang mga
paliwanag. Halimbawa nito’y ang siklo ng buhay ng mga hayop at insekto tulad ng paruparo,
palaka, at iba pa.

03 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 2 of 3
ASSH2003

Sanggunian:
Dayag, A. & Del Rosario, M. (2016). Pinagyamang pluma: Pagbasa at pagsususri ng iba’t ibang
teksto tungo sa pananaliksik. Quezon City: Phoenix Publishing House

03 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 3 of 3
ASSH2003

Ang Tekstong Deskriptibo

Ang tekstog deskriptibo ay isang pagpapahayag ng mga impresyon o kakintalang likha ng pandama.
Sa pamamagitan ng pang-amoy, panlasa, pandinig, paningin, at pansalat, itinatala ng sumulat ang
paglalarawan ng mga detalye na kanyang nararanasan. Ito naman ay naglalayong magsaad ng
kabuoang larawan ng isang bagay, pangyayari, o kaya naman ay magbigay ng isang konseptong biswal
ng mga bagay-bagay, pook, tao, o pangyayari. Mauuri ang paglalarawan sa dalawa: karaniwan at
masining.

Karaniwan ang paglalarawan kung nagbibigay ng impormasyon ayon sa pangkalahatang pagtingin o


pangmalas. Halimbawa:

Maganda si Matet. Maamo ang mukha na lalo pang pinatingkad ng mamula-mula niyang mga pisngi.
Mahaba ang kanyang buhok na umaabot hanggang baywang. Balingkinitan ang kanyang katawan na
binagayan naman ng kanyang taas.

Masining naman kung ito ay nagpapahayag ng isang buhay na larawan batay sa damdamin at
pangmalas ng may-akda. Karaniwang pili ang mga ginagamit na salita sa paglalarwang, kabilang na
ang paggamit ng mga pang-uri, pang-abay, tayutay, at idyoma. Halimbawa:

Muling nagkabuhay si Venus sa katauhan ni Matet. Ang maamo niyang mukhang tila anghel ay
sadyang kinahuhumalingan ng mga anak ni Adan. Alon-alon ang kanyang buhok na bumagay naman
sa kainggit-inggit niyang katawan at taas.

Gayundin, may apat na mahalagang kasangkapan na ginagamit sa malinaw na paglalarawan.


1. Wika
Kung ang isang pintor ay pinsel ang ginagamit upang mailarawan niya ang kagandahan ng kanyang
modelo, ang isang manunulat naman ay wika ang gamit upang makabuo ng isang malinaw at mabisang
paglalarawan. Karaniwang ginagamit dito ang pang-uri at pang-abay.
2. Maayos na detalye
Dapat magkaroon ng masistemang pananaw sa paglalahad ng mga bagay na makatutulong upang
mailarawang ganap ang isang tao, bagay, pook, o pangyayari. Kapag maayos ang pagkakalahad ng
mga detalye, ang mga bumabasa o nakikinig ay nagkakaroon ng pagkakataon na pakilusin ang kanilang
imahinasyon upang mailarawan sa isip ang mga bagay-bagay na inilalarawan.
3. Pananaw ng paglalarawan
Maaaring makaiba-iba ang paglalarawan ng isang tao, bagay, pook, o pangyayari salig na rin sa
karanasan at saloobin ng taong naglalarawan. Ang isang pook, halimbawa, ay maaaring maganda sa
isang naglalarawan habang sa isa naman ay hindi kung ito ay nagdulot sa kanya ng isang magandang
karanasan.
4. Isang kabuoan o impresiyon
Dahil ang layunin ng paglalarawan ay makabuo ng malinaw na larawan sa imahinasyon ng mga
mambabasa, mahalaga sa isang naglalarawan na mahikayat ang kanyang mga mambabasa o
tagapakining nang sa gayon ay makabuo sila ng impresyon hinggil sa inilalarawan. Dito ay sama-sama
na ang bisa ng wika, maayos na paglalahad ng mga detalye, at ang pananaw ng paglalarawan.

Pinagkuhanan:
Marquez, S. (2016). Pintig: pagbasa at pagsusuri ng iba’t ibang teksto tungo sa pananaliksik. Sibs Publishing House.

04 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 1 of 1

You might also like