You are on page 1of 5

SEND MY LOVE TO HEAVEN

Paano ko nga ba mailalarawan ang babaeng pinakamamahal ko simula pa


noong ako’y sampung taon pa lang... na gusto ko kung paano niya ako pagtawanan sa
tuwing ako’y makagagawa ng pagkakamali, kung paano siya ma-badtrip sa walang
kwentang bagay at kahit na kung paano siya umiyak sa isang simpleng late night show.
Siya ang matalik kong kaibigan at kilala ko na siya simula nang kami’y maliliit pa. Alam
niya lahat nang aking sikreto at gayon din siya sa akin. Mahal ko siya hindi lamang dahil
maganda siya at matalino kundi pati kung paano niya pagtawanan ang lahat ng bagay
at kung paano niya tingnan ang buhay ng may pagmamahal. Natatandaan ko pa noong
unang pagkakataon na kami’y nagkakilala; limang taon pa lang ako noon. Isang
maaliwalas at mahanging hapon at wala akong makalaro. Ang kaisa isa kong kaibigang
si Troy ay lumipat ng tirahan sa kabilang bayan dahil na - promote ang kanyang Tttay.
Umakyat ako sa aming tree house at doon ay napansin ko ang isang malaking truck na
paparating kasunod ang isang kotse. Tumigil iyon sa isang bakanteng bahay sa tapat
namin at doon ay bumaba ang isang pamilya. Ilalayo ko na sana ang aking tingin ng
biglang lumabas ang isang magandang babae para sa aking paningin. Limang taon pa
lang din siya noon subalit kahit sa ganong edad ay maganda na siya. Mahaba ang kulot
niyang buhok na umaabot hanggang sa bewang. Maputi siya at mapungay ang mga
mata at mahahaba ang mga pilik mata. Patuloy ko silang pinagmamasdan ng biglang
napatingin siya sa aming tree house at nakita niya akong nakatingin sa kanya.
Magtatago na sana ako ng bigla siyang ngumiti at kumaway. Gumanti ako ng kaway at
nagulat nang bigla siyang tumakbo patungo sa aming tree house. Kaya naman tinungo
ko ang hagdanan at sinabi. “Gusto mo umakyat?” sumagot siya ng... “Pwede?”
Tinulungan ko siyang umakyat at nang marating niya ang itaas ay tumingin siya sa akin
sabay sabi nang. “Ako si Sam. Ano pangalan mo?” Sumagot ako. “Ako si Christopher,
Chris tawag sa akin ni nanay.” Ngumiti siya at sinabing “Gusto ko ang pangalan mo...”
sabi niya at nilingon ang loob ng tree house at sinabing “Ang linis naman nitong tree
house mo.” Sumagot ako ng. “Salamat! Ginawa ko ito para tambayan namin ni Troy,
dito kami naglalaro, madalas din kami mag bike, siya ang bestfriend ko kaso lumipat na
sila ng tirahan.” Ngumiti siya at sinabing, “Andito naman ako, pwede mo rin akong
maging best friend, pwede tayong maglaro tulad ng ginagawa nyo ni Troy. Wala pa kasi
akong nagiging kaibigan na lalaki kaya gusto kong magkaroon. Matututo akong mag
basketball at meron akong bike, pwede tayong mag bike ng maghapon. Okey lang ba
sayo yon?” Ngumiti ako at sinabi kong, “Oo, okey sa akin iyon.” Pagkatapos ay
hinawakan niya ang kamay ko at sinabi. “Ikaw na ngayon ang bago kung bestfriend.” At
iyon na ang simula nang lahat.
Kaya naman naging magkaibigan kami. Pero parang kakaiba noong una dahil isa
siyang babae at maraming bagay na nag-aalangan akong gawin, tulad ng panghuhuli
ng palaka, maligo sa lawa at umakyat sa puno, pero ginawa niya ang lahat para lang
mapasaya ako. May pagkakataong nahulog siya sa Bisekleta dahil sa paghabol sa akin
noong kami ay nagkakarera at ako ang gumamot sa nasugatan niyang tuhod. Naalala
ko pa noong matamaan niya ang bintana ng aming kapitbahay nang naglalaro kami ng
baseball at ako ang kumausap kay Mang Lito at nangakong babayaran ang nasira,
kahit na ang kapalit nito ay ang isang linggo kung baon sa eskwela. Naaalala ko pa ang
mga sandaling nahulog ako sa puno nang subukan kong sagipin ang isang kuting dahil
umiiyak si Sam nang makita itong nakasabit sa isang sanga. Nakipag suntukan na rin
ako sa mga malalaking bata nang lokohin nila si Sam at paiyakin nila ito at nagkaroon
ako ng malaking black eye at pasang pisngi. Naalala ko pa noong umiiyak si Sam
habang nilalagyan niya ng Yelo ang pasa ko sa mukha at mata pagkatapos ay binigyan
niya ako ng get-well-kiss. Ginawa ko ang lahat para mapasaya siya at ibinigay ko sa
kanya ang lahat ng kanyang maibigan at gustuhin.
Ang lawa ang aming paboritong tambayan. Madalas kaming maligo tuwing
sabado at iyon ang aming nakagawian na. Nagbabalot kami ng pagkain at kinakain
namin iyon sa ilalim ng puno ng akasya. Merong nakatumbang puno roon na ginawa
naming upuan. Doon ay madalas kaming nagkukwentuhan ng aming mga pangarap.
Gusto niyang maging ballerina at alam niyang pangarap kong maging Doktor. Hindi niya
ako pinagtatawanan sa pangarap ko bagkus ay sinasabi nya pang abutin ko ito. Iyon
ang dahilan kong bakit higit ko pa siyang nagustuhan. Sa pagdaan ng mga taon,
napapansin kong ang pagtingin ko sa kanya ay untiuunting nagbabago. Akala ko noon
iyon ay isang simpleng paghanga lang. Subalit nang mag-umpisa nang maisip ko siya
tuwing gabi at mapanaginipan tuwing pagtulog at gusto kong lagi siyang makasama,
inisip kong iyong ay kakaiba. isang pakiramdam na hindi maipaliwanag subalit
nagbibigay sa akin ng isang masayang pakiramdam. Nagagawa nitong akoy sumigla sa
bawat pagkakataong nagdidikit ang aming mga kamay, nararamdaman ko ang
kakaibang sensasyon sa aking gulugod. Minsan pag kami’y naliligo sa lawa at pasan ko
siya sa aking likod patungo sa pampang ay tila ayaw ko na siyang bitawan. Nais kong
magpatuloy ang ganung sandali at hinahangad kong huwag nang matapos. Hanggang
sa ma-realize kong unti unti na akong umiibig sa aking bestfriend.
Maraming beses na pilit kong ikinakaila ang nararamdaman ko sa kanya,
natatakot ako sa tuwing maiisip ko ang kahihinatanan kung aaminin ko ang
nararamdaman ko sa kanya. Natatakot ako dahil baka isipin niyang
pinagsasamantalahan ko ang aming pagkakaibigan. Natatakot akong mawala siya kaya
itinago ko ang aking nararamdaman. Tumuntong kami sa edad na labing anim at
napansin kong araw araw ay lalo siyang gumaganda. Nasasaktan ang puso ko sa
tuwing napapansin ko ang mga lalaking nakatitig sa kanya. Gusto ko silang suntukin sa
ilong habang pinagmamasadan silang nakikipag-usap sa kanya at nireregaluhan siya
ng bulaklak at tsokolate. May pagkakataong pinagmamasadan ko siya sa malayo
habang magkahalo ang galit at sakit. Masakit sa akin na marami akong gustong sabihin
subalit hindi ko pwedeng gawin. Maraming regalo ang gusto kong ibigay sa kanya
subalit hindi ko magawa dahil maaring kaibigan lang ako para sa kanya.
Isang araw nalaman ko na lang sa isang kaibigan na meron na siyang
kasintahan. Nung una’y pinilit kong paniwalain ang aking sarili na iyon ay isang bali-
balita lang. Ang kanyang kasintahan, si Mark, isang sikat na senior at isang heartthrob
sa aming campus. Siya bilang isang Cheerleader ay malapit sa Basketball team na
kung saan Kapitan si Mark. Nang makita ko sila isang hapon habang naglalakad sa
parking lot ay naramdaman ko ang unti unting pagdurog ng puso ko. Gusto kong
sumigaw, gusto kong umiyak. Ang bigat sa pakiramdam na tila pasan ko ang lahat ng
problema ng daigdig. Nakita ko siyang kumaway sa akin subalit nagkunwari akong hindi
ko sila napansin sapagkat natatakot akong makita niya sa aking mga mata ang sakit at
pagseselos na nararamdaman ko sa loob. Ang mga sumunod na araw ang ang
pinakamalungkot na araw sa aking buhay. Nagdurugo ang puso ko sa tuwing sasabay
siya sa akin sa paglalakad pauwi na nasa tabi niya si Mark. May pagkakataong gustong
kong hablutin siya palayo dito sa tuwing makikita ko silang magkasama sa hallway.
Masakit na makita ang babaeng gustong gusto mong makamit na ngayon ay pag-aari
na ng iba. Ang natatanging ngiti na kinasasabikan kong ipukol sa akin, ngayon ay para
na sa kanya. Subalit isang araw bigla silang naghiwalay. Pinuntahan niya ako isang
gabi at umiyak siya sa aking balikat. Nag-away sila at humantong sa kanilang
paghihiwalay. Magkahalong emosyon ang nararamdaman ko sa loob. Masaya ako dahil
malaya na siya at maaring magkaroon na ako ng pagkakataon na sabihin sa kanya ang
aking tunay na nararamdaman. Subalit naiinis rin akong isiping maaring
nagdadalamhati ito dahil sa pagmamahal niya kay Mark. Sa mga oras na iyon ay hindi
ako sigurado kung ano ang gusto kong gawin. Hinayaan ko na lamang siyang umiyak.
Natagpuan na lamang namin ang aming sarili na ginagawa ang mga dati naming
nakagawain. Swimming tuwing sabado, nagpapalipas ng oras sa tree house,
nagkukuwentuhan sa ilalim ng puno ng akasya at ginagawa ang mga walang
kabuluhang kalokohang pambata. Maraming beses na nagkaroon ako ng pagkakataong
ipagtapat sa kanya ang aking nararamdaman subalit hindi ko magawa dahil natatakot
akong muli siyang mawala sa ikalawang pagkakataon. Nawala na siya sa akin noon at
hindi ko makakaya pang mawala uli siya kaya naman pilit kong itinago ang aking
nararamdaman. Ilang linggo na lang bago ang aming JS Prom, nakaupo kami sa isang
nakatumbang puno habang pinatatuyo ang aming sarili mula sa paliligo sa batis ng
bigla niyang sabihin na, “Iniisip ko Chris, kung gusto mo kaya ako maging partner sa
prom?” Tila bigla akong nawala sa sarili pakiramdam ko ay nananaginip ako, hindi ko
akalain na ito’y mangyayari. Ilang sandali bago ako nakatugon. “Akala ko ba maraming
lalaki na mamamatay para sayo, para lang maka partner ka?” Tumalikod siya at
mahinang nagsalita. “Naisip ko, mas gusto kong gugulin ang gabing iyon kasama ang
aking bestfriend.” Bago muli siyang nagpatuloy sa mahinang boses na halos hindi ko na
marinig. “Ikaw ba, gugustuhin mo rin bang mamatay tulad nila para makasama ako
Chris?” Sandaling namayani ang katahimikan sa aming paligid bago ako nakasagot.
“Ikasasaya ko ang maka-partner ka Sam.” Ngumiti siya at biglang hinalikan ang aking
pisngi. Hindi ko na maitago ang kasiyahang nararamdaman ko ng oras na iyon.
Napansin kong mapula ang kanyang pisngi at napayuko siya, bigla tumayo siya at
tumakbo papuntang tubig sabay sabi ng, “Ang huling makarating sa tubig manlilibre ng
sundae fudge!” 
Dumating ang gabi ng prom night. Bumili ako ng bagong tuxedo, halos ibuhos ko
na ang lahat ng laman ng pabango. Tinungo ko ang kanilang bahay upang sunduin
siya. Binati ako ng kanyang ina at pinaupo ako sa sala upang hintayin ang kanyang
pagbaba. Kausap ko ang kanyang ama nang marinig ko siyang nagsabi nang, “How do
I look?” Natingin ako sa itaas at doon ay nakita siya napakaganda sa suot niyang
strapless na puting damit at ang kanyang buhok ay nakalugay at tila hinihipan ng
hangin sa kanyang mukha. Napatayo ako at ibinuka ang aking bibig subalit walang
katagang lumabas. Tapos kinuha ko ang kanyang mga kamay at nanginginig na
inilagay ang corsage sa kanyang braso. “Para sa pinakamagandang babae sa buong
mundo.” Tumugon siya nang “Totoo ba yan?” Tumango ako at napangiti siya, gumanti
ako ng ngiti bago ko siya inalalayan patungo sa pinto. Nang dumating kami sa
Gymnasium ay muntik ko nang hindi makilala ang aming mga kaklase. Wala na ang
mga maong at t-shirts at napalitan na nang mga Tuxedo at Gowns. Hinawakan ko ang
kanyang kamay sabay sabi nang, “Will you give me the honor of your first dance?"
napatawa siya at napatango. Saka inalalayan ko siya patungo sa dance floor. Parang
isang panaginip na nagkatotoo, parang fairy tales, parang magic, isang mahiwagang
sandali. Naroon ako kasayaw ang kaisa isang babaeng mahal ko, nakangiti siya sa akin
habang dahan dahan kaming sumasabay sa himig ng malamyos na tugtog. Natagpuan
ko na lamang ang aking sarili na nakatitig sa kanyang maningning na mata. Ang kulot
niyang mahabang buhok at tila alon na lalong nagpatingkad sa kagandahan ng kanyang
mukha.
Maraming bagay na gusto kong sabihin sa kanya sa pagkakataong iyon. Gusto
kong sabihin sa kanya na siya ang pinakamagandang babae sa gabing iyon. Gusto
kong sabihin sa kanya na siya lamang ang tagapagdala ng liwanag sa aking
kalungkutan at higit sa lahat, gusto kong sabihin na mahal na mahal ko siya. Nilakasan
ko ang aking loob at yumuko upang bumulong sa kanyang tainga ng biglang huminto
ang musika at biglang naglaho ang Magic. Muntikan ko nang mabigkas subalit hindi ko
pa rin nagawa. Muli ay inalalayan ko siya pabalik sa aming mesa at natagpuan ang
aming sarili na napapalibutan ng aming mga kaibigan. Tinanong ko siya kung gusto
niya ng maiinom at tumango siya kaya umalis ako upang kumuha ng isa. Natagalan ako
bago nakakuha at nang bumalik ako sa aming lamesa ay wala na siya. Tinanong ko
ang kaibigan niyang si Katie kung nasaan siya subalit sinabi nitong hindi niya alam.
Kaya nag-ikot ako upang hanapain siya. Hinanap ko siya hanggang sa marating ko ang
hardin. Doon ay nakita ko ang dalawang aninong naaaninagan ng liwanag ng bilog na
buwan. Magkalapit sila sa isat isa. Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman nang
makilala ko ang puting damit na suot ni Sam nang gabing iyon. Pumihit ako at nilisan
ang Gymnasium nang may luha sa aking mga mata.
Mula nang gabing iyon ay iniwasan ko siya. Maraming beses na pinilit niya akong
kausapin subalit hindi ko na siya binigyan ng pagkakataon. Ayokong marinig mula sa
kanya na si Mark ang mahal niya at hindi ako. Mas gugustuhin ko pang hindi malaman
kung ano ang kanyang tunay na nararamdaman kaysa sa marinig ang nakakatakot na
mga salita at tuluyang maramdaman ang pagkawasak ng aking pag-asa at puso. Hindi
ko sinasagot ang kanyang mga tawag, hindi ko siya kinakausap sa tuwing pupunta siya
sa aming bahay, iniiwasan ko siya sa tuwing magkakasalubong kami ng daan. Masakit
para sa akin ang gawin iyon subalit iyon ang makabubuting paraan para makalimutan
ko siya at maibsan ang sakit na nararamdaman.
Dumating ang araw ng aming pagtatapos. Pinaplano kung kumuha ng medisina
sa Manila at kailangan kong umalis kinabukasan. Nang matapos ang programa ay
lumapit siya sa akin at iniabot ang isang Rosas. Tinitigan niya ako at napansin kong
may kakaiba sa kanyang mata na hindi ko maipaliwanag. Tila may kalungkutan sa loob
nito at nang siya ay ngumiti at hindi iyon ang ngiting nakikita ko sa kanya noon. Gusto
ko siyang yakapin na oras na iyon at sabihin sa kanyang mahal ko siya subalit
tumalikod siya at naglakad palayo sa akin. Kaya naman kinabukasan ay lumuwas ako
ng Manila tulad ng nasa plano. Maswerte akong agad namang natanggap sa
unibersidad na napili ko. Itinuon ko ang aking atensyon sa pag-aaral subalit naiisip ko
pa rin siya sa gabi. Lagi kong tinatanong kong naiisip rin ba niya ako. Sinubukan kong
kalimutan siya subalit hindi ko mapigilan ang sariling mahalin siya. Bawat bagay na
aking nagawa ay para sa kanya. Iniisip kong kung ako’y magiging matagumpay ay
magagawa ko nang magtapat sa kanya at sa pagkakataong iyon ay karapat dapat na
ako para sa kanya.
Isang taon pagkalipas nang aming Graduation nang magdesisyon akong umuwi
upang makita siyang muli. Palagay ko ay sapat na ang isang taon para sa akin na hindi
ko siya makita. Sa loob ng taong iyon ay para akong isang taong naliligaw sa Disyerto
at tanging ang makita siya ang nakakapawi ng aking uhaw. Sumakay ako ng bus pauwi,
desperadong makarating agad sa kanilang bahay upang makita siya, mayakap, tapos
sasabihin kong nami-miss ko siya at minamahal ko siya noon pa. Sa pagkakataong ito
ay disidido akong ipaalam sa kanya na mahal ko siya. Narating ko ang kanilang bahay
at nakita ko ang kanyang nakakatandang kapatid. Nginitian ko siya at napansin kong
malungkot ito. Naguluhan ako, alam kong masiyahan siya at palangiti katulad ng mahal
kong si Sam. Tapos tinanong ko siya. “Hi Jen. Alam kong nagulat ka kung bakit ako
nandito. Well, gusto ko lang bisitahin ka at umaasa akong makita si Sam... Nami-miss
ko na kasi siya…. Ahhhhh… nasaan ba siya?” tanging nakita ko sa kanyang mata ay
kalungkutan bago siya nagsalita nang. “Halika, sumunod ka sa akin.”
Nalilito ako sa inaasal niya subalit sumunod pa rin ako sa kanya. Sinubukan
kong makipag-usap sa kanya subalit hindi siya umiimik. Napansin kong patungo kami
sa direksyon ng lawa. Katulad pa rin ito ng dati, ang matandang puno na inaakyatan
namin ni Sam. Ang nakatumbang puno ng Narra na inupuan namin noon nang halikan
niya ako sa pisngi ng ayain niya ako sa Prom. Napangiti ako at lalo kong naramdaman
ang pananabik sa kanya. Bigla tumigil si Jen sa ilalim ng puno at may itinuro bago
bumulong ng. “Andon si Sam.” Tumingin ako kung saan siya nakaturo at napansin ko
ang bagong hukay na libingan na nakasulat ang pangalan ng kaisa isang babaeng
minahal ko. Hindi ko mapaniwalaan ang aking nakita at pilit kong pinapaniwala ang
aking sarili na isa lamang iyong masamang biro, isang masamang panaginip at
mamaya lang ay magigising din ako.
Tila pinagsakluban ako ng langit at lupa at napatingin ako kay Jenny, humihingi
ng paliwanag. Huminga siya ng malalim at kasabay ng pagtulo ng kanyang luha ay
sinabi nitong, “Ilang linggo pa lang ng mamatay siya. Namatay siya sa Leukemia, pero
kahit na maysakit siya ay hindi siya tumigil sa pag-iisip sayo. Hiniling niyang ilibing siya
sa lugar na ito dahil lagi niyang sinasabing ang lugar na ito ay lugar ng pagibig.”
Tuluyang nang bumigay ang aking damdamin, nangingig ang aking buong katawan at
nangatal ang aking mga labi, hindi ko na mapigilan ang pagdaloy ng luha sa aking mga
mata. “Sabi niya, dito niya ginugol ang pinakamasasayang araw niya at iyon ay noong
kasama mo siya. Pinabibigay nga pala niya ito.” Iniabot niya sa akin ang isang sulat
saby na tumalikod ito at lumayo. Dahan dahan kong binuksan ang sulat at nakita ko ang
laman nitong tuyong Corsage na ibinigay ko sa kanya noon sa prom. At sa ilalim ay
napansin ko ang isang sulat. Nakapetsa iyon noong nakaraang buwan. Binuksan ko
iyon at sa nanlalabo kong matang tigib ng luha ay binasa ang nakasulat. 
"Alam ko na sa oras na mabasa mo ang sulat na ito ay wala na ako. Gusto ko
lang sabihin sayo na mapalad ako at lubos na nagpapasalamat sa Diyos dahil ibinigay
nya sa akin ang isang kaibigang tulad mo. Gusto ko din ipaalam sayo na merong
naiwan dito sa puso ko, isang bagay na matagal kong itinago sayo sa loob ng matagal
na panahon. Mahal kita Chris, hindi bilang kaibigan but as one who would feel like
spending the rest of my life with. Minahal kita mula pa sa simula. Alam mo bang lalo
itong lumalago sa bawat araw at oras na magkasama tayo. Ang pinakamasayang
sandali ay sa tuwing magkasama tayo. Hindi mo lang alam kung paano kita
mapanaginipan tuwing gabi at magising sa umagang ang hangad ay laging nasa tabi
kita. Pag nasa malayo ka, hindi ko mapigilan ang umiyak dahil natatakot akong baka
may kasama kang iba. Hindi ko kayang makita kang may kasamang iba. Gusto ko akin
ka lang sa buong buhay ko. I may sound selfish but that's how I feel. Sa tuwing akoy
iyong yayakapin ay parang isang katuparan ng panaginip na mapalapit sayo at madama
ang tibok ng iyong puso kasabay ng pagtibok ng akin. Marami akong ginawa upang
matutunan mo din akong mahalin pero hindi ko sayo pinahalata. Ginawa ko ang lahat
para mapasaya ka dahil mahal na mahal kita na pilit ko ding pinaniwala ang sarili kong
mahal mo din ako. Maraming gabing ako’y umiiyak sa tuwing maiisip kong hindi mo ako
kayang mahalin. Palagay ko’y iisipin mong ang lahat ng sinasabi ko ay kasinungalingan,
pero nais kung sabihing ang puso ko ay nagsasabi ng totoo dahil hindi ko kayang
magsabi ng kasinungalingan sa isang taong lubos kong minamahal. Alam kong iniisip
mo si Mark, pero ginawa ko lang iyon para pagselosin ka, para makita mo ako bilang
isang dalaga na kayang magmahal hindi bilang isang batang babae na kalaro mo.
Minsan iniimadyin kong nagseselos ka at pinapaniwala ko ang aking sarili na isa iyong
senyales na merong ka ring nararamdaman sa akin. Noong maghiwalay kami ni Mark at
nagpunta ako sa iyong umiiyak, ginawa ko iyon upang malaman ko kung ano ang iyong
magiging reaksyon dahil gusto kung malaman kong mahal mo din ako. Pero nabigo ako
dahil hindi ka manlang nagpakita ng anumang senyales.
Nang dumating ang ating prom night, hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya
nang ibigay mo sa akin ang corsage at sabihing ako na yata ang pinakamagandang
babae sa buong mundo. Noong tayo ay sumasayaw ay gustong gusto ko nang marinig
sayo ang mga katagang matagal ko nang gustong marinig mula sayo. Ang sabihin
mong mahal mo din ako, pero hindi mo ginawa. Nang lapitan ako ni Mark at
magmakaawang bigyang ko pa siya ng isa pang pagkakataon ay natakot akong makita
mo kami. Hindi ko gustong na magisip ka ng maling empresyon sa akin kaya sinabi
kong sa hardin na lang kami mag-usap. Doon ay pinagtapat ko sa kanyang ikaw ang
mahal ko. Hinanap kita pagkatapos pero hindi kita matagpuan, nalaman ko na lang na
hinahanap mo din pala ako at palagay ko ay nakita mo kaming nag-uusap. Nang mga
sumunod na araw ay gusto kong magpaliwanag sayo pero hindi mo ako binigyan ng
pagkakataong gawin iyon. Patuloy mo akong iniwasan at hindi mo lang alam ang sakit
na naranasan ko ng mga oras na iyon. Pakiramdam ko’y gumuho ang mundo ko. Sa
ating Graduation day, noong lapitan kita gustong gusto kong ipagtapat sayo kung gaano
kita kamahal pero hindi ko kaya. Hindi ko kayang marinig mula sa iyo na sabihin na ang
tanging nararamdaman mo ay pagmamahal ng isang kapatid. Dahil gusto kung mahalin
mo ako bilang isang Babae at hindi isang dalaga o kalaro. Kaya akoy tumalikod at
lumayo.
Now that saying I LOVE YOU might be too late, still I want you to know that I will
always love you and my heart has always been and will be yours alone. 
P.S.
Think of me sometimes.... and always remember that loving you was the best
thing that ever happened in my life.”
Hindi ko mapigilan ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata habang tinutupi ang
sulat. Gusto kong sumigaw at sabihin sa kanya kung gaano ko din siya kamahal, higit
pa sa pagmamahal niya sa akin. Mahal na mahal ko siya higit pa sa kung ano pa mang
bagay sa mundo. Tila nauupos na kandilang napaluhod ako sa lupa. Humagulgol na
hinawakan ang lupang nakatabon sa puntod ng babaeng aking pinakamamahal. Tila
naman nakisama ang panahon sa aking pagdadalamhati at pumatak ang ulan. Patuloy
ako sa mahinang paghagugul. Itiningala ko ang aking mukha sa langit habang ang mga
luha ay sumasabay sa agos ng ulan sa aking mukha, ipinikit ko ang aking mata sabay
usal ng…

"Oh God, send my love to heaven."

You might also like