You are on page 1of 6

Ibong Adarna Buod

Si Haring Don Fernando ng Kahariang Berbanya ay napamahal sa kaniyang nasasakupan dahil sa kanyang
matalino at mahusay na pamamahala. Siya ay may tatlong magigiting na anak. Si Don Pedro ang pinakamatanda
sa lahat, si Don Diego ang pangalawa at ang bunso ay si Don Juan. Mahal na mahal ng hari ang bunso niyang
anak.
Nagkasakit ang hari dahil sa masama niyang panaginip. Isang manggagamot ang nagsabi na ang tanging lunas sa
sakit ng hari ay ang awit ng Ibong Adarna na matatagpuan lamang sa bundok ng Tabor.
Inutusan ng hari si Don Pedro na hanapin ang ibong Adarna. Nang hindi nakabalik si Don Pedro, sumunod si Don
Diego sa kanya. Nang hindi nakabalik ang dalawang nakatatandang kapatid ay humingi naman ng pahintulot si Don
Juan sa ama na siya na ang hahanap sa Ibong Adarna at sa kanyang dalawang kapatid. Bagama't labag sa
kalooban, pinayagan ng hari si Don Juan.
Dahil sa matapat at malinis na kalooban ni Don Juan, nahuli niya ang Ibong Adarna. Ang dalawa niyang kapatid ay
natuklasan niyang naging bato dahil naiputan ng Ibong Adarna. Parehong nakatulog sa ilalim ng puno ang
magkapatid dahil sa nakakaantok na tinig ng Ibong Adarna. Subalit nabuhay ni Don Juan ang dalawang kapatid
nang buhusan niya ng mahiwagang tubig na ipinakuha ng ermitanyo. Habang naglalakbay ang tatlo pabalik sa
kanilang kaharian, nakaisip ng kataksilan si Don Pedro. Naisip niyang kahiya-hiya siya sa amang hari kung hindi
siya ang makapag-uuwi ng Ibong Adarna kaya hinikayat si Don Diego na patayin ang kanilang kapatid. Sa pakiusap
ni Don Diego na huwag patayin ang kapatid ay binugbog na lamang nila si Don Juan at iniwan sa kaparangan,
Umuwi ang dalawang nakatatandang magkapatid na sina Don Pedro at Don Diego na dala ang Ibong Adarna ngunit
matamlay ang ibon at ayaw umawit nang dumating ito sa palasyo. Sa tulong ng matandang ermitanyo ay gumaling
si Don Juan hanggang sa siya ay makauwi sa kanilang kaharian. Pinatawad ng hari sina Don Pedro at Don Diego
dahil na rin sa kahilingan ni Don Juan.
Mahigpit na pinabantayan ng hari ang Ibong Adarna sa kaniyang tatlong anak. Sa pagkakataong ito ay nakaisip na
naman ng kabuktutan si Don Pedro. Binalak ni Don Pedro na pakawalan ang Ibong Adarna sa oras ng pagbabantay
ni Don Juan. Nakatulog si Don Juan kaya't napakawalan ang Ibong Adarna. Sa takot ni Don Juan na mapagalitan
ng hari umalis siya ng palasyo upang hanaping muli ang Ibong Adarna. Sa utos ng hari ay hinanap nina Don Pedro
at Don Diego si Don Juan, Nang magkita-kita ang magkakapatid, natagpuan nila ang isang balong malalim. Sa loob
nito ay may kaharian. Nailigtas ni Don Juan ang magkapatid na sina Donya Leonora at Donya Juana sa kamay ng
higante at ahas na may pitong ulo. Humanga ang magkapatid na Don Pedro at Don Diego sa kagandahan ng
dalawang prinsesa. Nang balikan ni Don Juan ang singsing na naiwan ni Leonora sa ilalim ng balon, may pumutol
sa lubid na gamit ni Don Juan sa paglusong sa balon. Pinakawalan ni Leonora ang kanyang lobo na siyang
gumamot at nag-ahon kay Don Juan.
Hindi malaman ni Don Juan kung siya ay uuwi o hahanap ng bagong kapalaran. Sa kaniyang pagod at hirap ay
nakatulog siya sa ilalim ng isang punongkahoy. Nagising si Don Juan sa awit ng Ibong Adarna. Sinabi ng ibon na
may magandang kapalarang naghihintay sa kanya sa Reyno ng de los Cristales. Doon daw niya makikita si Donya
Maria, isa sa tatlong anak ni Haring Salermo.
Nilakbay niya ang malayong lugar na patungo sa Cristales sa tulong ng mga ermitanyo Sa tulong ng isang malaking
agila ay nakarating siya sa hardin nina Donya Maria, Naliligo noon ang tatlong prinsesa. Ninakaw ni Don Juan ang
kasuotan ni Donya Maria. Nauwi ito sa pagmamahalan nina Don Juan at Donya Maria.
Pinagbilinan ni Donya Maria si Don Juan na huwag haharap sa kanyang amang hari sakaling siya ay ipatawag sa
palasyo. Ginagawang bato ng hari ang sinumang pangahas na pumasok sa kanilang kaharian. Sinunod ni Don
Juan ang bilin ni Donya Maria. Sinabi ni Don Juan sa sugo na hindi siya makahaharap sa hari subalit handa siyang
gumalang at sumunod sa ipag-uutos nito. Humanga ang hari kaya binigyan siya ng maraming pagsubok Si Donya
Maria ang gumagawa sa lahat ng ipag-utos ng hari kay Don Juan. Mas malakas ang agimat o karunungan (mahika
blanka) kaysa mahika negra ng hari. Nang hindi matalo ng hari si Don Juan, naisip ng hari na ipatapon o ipapatay
siya. Subalit tumakas sina Donya Maria at Don Juan nang malaman nila ang balak ng hari.
Iniwan ni Don Juan si Donya Maria sa isang kubo na malayo-layo sa kanilang kaharian. Nalimutan ni Don Juan si
Donya Maria nang dumating siya sa palasyo. Hindi kasi niya sinunod ang bilin ni Donya Maria. Nagalit si Donya
Maria nang mabalitaang ikakasal sa Don Juan kay Donya Leonora. Dali-dali siyang nagpunta sa palasyo sakay ng
isang magarang karwahe. Nakabihis si Donya Maria ng magarang damit na tulad ng isang emperatris.
Nagkaroon ng palabas si Donya Maria sa pamamagitan ng Negrita at Negrito sa loob ng isang parasko.
Pagkatapos ng tugtog ng musiko ay magsasalita ang Negrita. Pinaalalahanan ng Negrita ang Negrito tungkol sa
nakaraang buhay ni Don Juan kay Donya Maria. Papaluin ng Negrita ang Negrito kapag hindi naalala ng Negrito
ang Negrita. Ang nasasaktan ay si Don Juan. Sa galit ni Donya Maria ay babasagin na ang parasko ng tubig upang
pabahain at palalimin ang tubig sa palasyo subalit pinigilan siya ni Don Juan at humingi ng tawad kay Donya Maria.
Ikinasal sina Donya Maria at Don Juan. Umuwi sila sa kaharian nina Donya Maria. Silang mag-asawa ang
namahala sa kaharian nang malaman nilang patay na ang amang hari ni Donya Maria. Ikinasal si Don Pedro kay
Donya Leonora. Ang mag-asawang Don Diego at Donya Juana ay naging maligaya rin sa kaharian.
"ANG KWENTO NG IBONG ADARNA"

Sa isang mapayapang kaharian ng Berbanya, may isang hari na ang pangalan ay si Don Fernando, ang kanyang
asawa ay si Donya Valeriana. Sila ay may tatlong anak na lalaki. Ang pinakamatanda ay si Don Pedro, ang ikalawa
ay si Don Diego at ang bunso ay si Don Juan.
Isang gabi, samantalang natutulog si Don Fernando, nagkaroon sya ng isang masamang panaginip at sya ay
nagkasakit. Ang kanyang panaginip ay tungkol kay Don Juan na sya daw ay inihagis sa isang balong malalim ng
dalawang lalaki. Kinabukasan, ipinatawag ang lahat ng manggagamot sa Berbanya upang gamutin ang hari, ngunit
walang makapagpagaling sa kanya. Hangga't isang ermitanyo ang dumating at nagsabi na ang tanging
makapagpapagaling sa kanya ay ang pitong awit ng Ibong Adarna. Ang Ibong Adarna ay matatagpuan sa puno ng
Piedras Platas sa Bundok ng Tabor.
Isinugo ng hari ang kanyang dalawang anak na lalaki upang hanapin ang Ibong Adarna, ang una ay si Don Pedro at
sumunod ay si Don Diego, ngunit sila ay nabigo sa paghahanap sa Ibong Adarna. Dahil sa Labis na pagod, sila ay
nakatulog sa ilalim ng isang puno na kumikislap ang mga dahon na parang diamante. Kapag dumapo ang Ibong
Adarna sa kalaliman ng gabi ito ay umaawit at pagkatapos ay umiipot. Nang mapatakan ng ipot ng ibong Adarna
ang dalawang prinsipe, sila'y naging bato.
Lumipas ang tatlong taon ngunit hindi na nakabalik ang dalawang prinsipe, dahil dito natakot si Don Fernando na
isugo ang kanyang bunsong anak na si Don Juan dahil baka magkatotoo ang kanyang panaginip. Ngunit nagpumilit
si Don Juan na hanapin ang Ibong Adarna.
Samantalang si Don Juan ay naglalakbay upang hanapin ang ibon, nakita nya ang isang ketongin na humingi sa
kanya ng pagkain. Dahil si Don Juan ay may magandang kalooban, ibinigay nya ang kanyang kahuli-hulihang baon
na tinapay sa matandang lalaki na ketongin. Dahil dito, tinulungan sya ng ketongin kung papaano matatagpuan ang
Ibong Adarna. Sinabi nito na mayroon isang maliit na bahay malapit sa bundok kung saan nakatira ang isang
ermitanyo na magbibigay sa kanya ng kaalaman kung papano mahuhuli ang Ibong Adarna. At ibinilin din ng
matanda na huwag syang hihimlay sa isang puno na kaiga-igaya ang anyo.
At nagtungo si Don Juan sa bahay ng ermitanyo, pinatuloy naman si Don Juan sa bahay ng ermitanyo at
inanyayahang kumain. Nagulat si Don Juan nang makita nya na ang pagkain na inaalok sa kanya ay ang kanyang
tinapay na ibinigay sa isang ketongin. Kaya't inisip ni Don Juan na ang ermitanyo at ang ketongin ay iisa. Binigyan
ng ermitanyo si Don Juan ng pitong dayap, matalim na labaha, at gintong sintas. At kanyang sinabi na tuwing
kakanta ang Ibong Adarna, kailangan sugatan nya ang kanyang katawan at patakan ng katas ng dayap ang sugat
upang hindi sya makatulog. Kailangan din nyang umiwas kung ang ibon ay umipot pagkatapos umawit ng pitong
awit. At kapag nahuli na nya ang Ibong Adarna, dapat talian nya ito ng gintong sintas na ibinigay sa kanya ng
ermintanyo.
Naging matagumpay si Don Juan na makita at mahuli ang Ibong Adarna ayon sa bilin ng matanda. Dinala nya ang
Ibong Adarna sa bahay ng ermitanyo na doon ay inilagay sa isang hawla ang ibon. Kanya ring nailigtas ang
kanyang dalawang kapatid nang buhusan nya ito ng tubig ayon s autos ng ermitanyo. Ngunit sa kabila ng mga ito,
naiingit si Don Pedro kay Don Juan at sinabi nya kay Don Diego ang kanyang masamang balak kay Don Juan.
Sumang-ayon si Don Diego sa masamang balak ng kanyang kapatid. Kanilang sinaktan si Don Juan hanggang sya
ay mawalan ng malay. Kinuha nina Pedro at Diego ang Ibong Adarna at dinala ito sa hari. Gayunpaman, pagdating
nila sa hari hindi humuni at umawit ang ibon.
Samantala, nagdasal si Don Juan dahil sa hindi sya halos makagapang sa bugbog na tinanggap mula sa dalawang
kapatid. Isang matanda ang tumulong sa kanya at sya'y hinilot hanggang gumaling. Dagli-dagli syang umuwi at sa
kanyang pag-dating sa kaharian nagpalit agad ng balahibo ang ibon at bigla itong umawit. Ang kanyang pitong mga
awit ay patungkol sa ginawa ng dalawang prinsipe kay Don Juan, na doon din gumaling ang hari.
Nais ni Don Fernando na parusahan ang kanyang dalawang anak dahil sa kanilang ginawa kay Don Juan, nguni't
paglao'y nagbago din ang kanyang isip dahil sa paki-usap na rin ni Don Juan.
Ngunit isang gabi na nagbabantay si Juan sa ibong Adarna, siya ay nakatulog at hindi namalayan na pinakawalan
nina Pedro at Diego ang Ibon at lumipad ang ibon papalayo sa kaharian ng Berbanya. Ipinasya ni Juan na umalis at
magpunta sa bundok ng Armenia dahil sa takot na sya ang pagbintangan na nagpalaya sa ibon. Ngunit sya ay
ipinahanap ng hari sa kaniyang dalawang kapatid. Natagpuan ni Don Pedro at Don Diego si Don Juan sa Armenia.
Sa kanilang paglalakbay pabalik, isang araw nakakita sila ng isang balon, sila'y bumaba doon ngunit tanging si Juan
lang ang nakaabot sa pondo ng balon at sa ibaba nito nakita nya ang isang napakagandang ginintuang palasyo.
Doon nakita din niya ang mga magagandang prinsesa na si Juana at Leonora, nguni't sila ay binabantayan ng
serpente na may pitong ulo at higante. Napatay ni Juan ang higante at ang serpente. Dahil doon, sumama sila
Prinsesa Juana at Leonora kay Juan palabas ng balon, nguni't naiwan ni Leonora ang kanyang singsing sa isang
mesa. Dagling binalikan ni Juan ang singsing, nguni't sampung dipa pa lamang si Juan patungo sa ilalim ng balon
ay dagling pinutol ni Pedro ang lubid. Nahulog si Juan sa ibaba ng balon at sya'y labis na nasaktan. Subalit inutusan
ni Leonora ang kanyang alagang lobo upang tulungan si Juan at sila ay umalis na patungo ng Berbanya.
Nang makarating sa Berbanya, Si Diego ay ikinasal kay Juana, ngunit si Prinsesa Leonora ay humingi ng pitong
taon bago magpakasal kay Pedro. Si Don Juan naman ay nakaligtas na rin mula sa balon sa tulong ng lobong alaga
ni Leonora, nakuha na rin nya ang singsing nito. Samantalang sya'y pabalik na sa Berbanya, nakatulog sya sa ilalim
ng isang puno na sya'ng pagdating ng Ibong Adarna. Nguni't sya ay nagising at nirinig ang awit ng ibon tungkol sa
isang mas magandang prinsesa na si Maria Blanca na anak ni Haring Salermo ng kaharian ng Delos Cristal. Nang
marinig nya ito, sya ay nagpasya na hanapin ang kaharian ng Delos Crsital. Nguni't hindi nya ito matagpuan
hanggang maglakbay sya sa ikapitong bundok upang hanapin ang isang ermitanyo na may edad na 500 sunbalit
hindi rin alam ng ermitanyong ito ang Delos Cristal, kaya ipinasya ng ermitanyo na sya'y papuntahin sa ikapitong
bundok upang hanapin ang isang ermitanyo na may edad na 800, sa tulong ng isang agila na sinakyan ni Juan,
siya'y nakarating sa kaharian. Nguni't ang bilin ng agila, sya'y dapat magtago kung ang tatlong prinsesa ay maliligo
tuwing ikaapat. Pagkagayon itinago ni Juan ang damit ni Donya Maria at pagkatapos maligo nito hinanap ni Maria
ang kanyang damit ngunit paglipas ng isang oras ay nagpakita na rin si Juan at ipinahayag ang kanyang malinis na
layunin sa prinsesa. Gayunpaman, hindi nagalit ang prinsesa at ibinilin nya ang kanyang gagawin kapag sya ay
makita ni Haring Salermo.
Sinubok ni Haring Salermo si Juan, naging mahigpit ang mga pagsubok na ibinigay ni Haring Salermo kay Juan.
Ang unang pagsubok ay ang pagtibag ng bundok, pagpapatag nito at pagtatanim ng trigo na kinakailangan
kinabukasan ay may mainit na tinapay na magagawa kaagad si Juan at maibibigay sa hari. Ang ikalawa ay ang
paghuli sa 12 negrito na pinakawalan sa karagatan. Ang ikatlo ay ang paglalagay ng bundok sa gitna ng dagat at
gagawing kastilyo, na banding huli ay kanya ring pina- alis ang kastilyong ito upang makita ang nahulog na singsing
ng hari sa karagatan. Ang pinakamahirap ay ang paghahanap nito ng singsing ng hari na kanyang pinaghati-hati
ang katawan ni Maria upang hanapin ang singsing ng hari, dahil dito nawala ang isa sa mga daliri ni Maria.
Gayunpaman, lagi nitong napagtatagumpayan ang lahat ng pagsubok ng hari sa tulong na rin ng Mahika Blanka ni
Donya Maria. Dahil doon napilitan si Haring Salermo na ipakasal ang isa sa kanyang mga prinsesa Ang napili ni
Juan ay si Maria kahit hindi ipinakita sa kanya ang mukha ng prinsesa. Dahil na rin sa naputol na daliri ni Maria
bilang naging palatandaan ni Juan sa kanya. Nang malaman ni Haring Salermo na matagal ng magkakilala sila
Juan at Maria nagalit sya at kanyang isinumpa ang anak na si Donya Maria. Ang sumpa ay, sya ay makakalimutan
ni Juan at pakakasal sa iba.
Dagling umalis sila Juan at Maria patungo sa Berbanya. Nang malapit na sila Juan at Maria sa kaharian ng
Berbanya pansamantalang iniwan ni Juan si Maria sa labas ng kaharian. Nguni't ng malaman ni Leonora na
dumating na si Juan, sya'y lumapit kay Juan at nakalimutan ni Juan si Maria. Doon itinakda ang kasal nila Leonora
at Juan, nguni't nang dumating si Maria, namangha sya sa napipintong kasal ng dalawa kaya sya ay humiling ng
isang palaro na naging dahilan upang maalala ni Juan ang kanilang nakaraan ni Maria. Isang negrito at negrita ang
inilabas ni Maria. Sa tuwing papalo ang negrita, hindi nasasaktan sng negrito. Ang nasasaktan ay si Don Juan. Unti-
unting nagbalik ang ala-ala ni Juan at sila ay nagpakasal ni Maria. Samantalng si Leonora naman ay nagpakasal
kay Pedro.
Pagkaraan nito umuwi sila Don Juan at Donya Maria sa Delos Cristal at sila ang tinanghal na Hari at Reyna sa
kaharian. Pinamunuan nila ang kaharian na makatao, makatarungan at makaDiyos na pamumuno. Dahil dito sila'y
minahal ng taong-bayan.
Mga Tauhan sa Ibong Adarna

1. Ibong Adarna
Isang engkantada; ibon na may magandang tinig na nakakapagpagaling ng may sakit
2. Don Juan
Bunsong prinsipe na may mabuting pag-uugali; nakahuli sa Ibong Adarna; napangasawa ni
Prinsesa Maria Blanca
3. Don Fernando
Hari ng Berbanya na may makatarungang pamumuno; asawa ni Donya Valeriana; ama nina
Don Pedro, Don Diego at Don Juan
4. Don Pedro
Panganay sa tatlong prinsipe; mainggitin; mahilig magtaksil at maghiganti; napangasawa ni
Prinsesa Leonora
5. Don Diego
Pangalawang prinsipe na madaling napapasunod ni Don Pedro; napangasawa ni Prinsesa
Juana na kapatid ni Prinsesa Leonora
6. Prinsesa Juana
Prinsesang iniligtas ni Don Juan mula sa higante; kapatid ni Donya Leonara; unang inibig ni
Don Juan
7. Prinsesa Leonora
Muntik nang mapangasawa ni Don Juan; kapatid ni Donya Juana; ikalawang inibig ni Don
Juan; napangasawa ni Don Pedro at naging reyna sa Berbanya
8. Maria Blanca
Prinsesa ng Reyno delos Cristales; may taglay na mahika blanka na tumulong kay Don Juan
para mapagtagumpayan ang mga pagsubok ni Haring Salermo; siya ang pinakamaganda sa
tatlong anak ni Haring Salermo; ikatlo at huling inibig ni Don Juan; siya rin ang nakatuluyan ni
Don Juan sa dulo ng kwento
9. Haring Salermo
Hari ng Reyno delos Cristales; tusong ama ni Maria Blanca; may taglay na itim na mahika na
kanyang ginagamit upang subukin ang mga nagtatangkang manligaw sa kanyang anak
10. Donya Valeriana
Reyna ng Berbanya; asawa ni Don Fernando; ina nina Don Pedro, Don Diego at Don Juan
11. Manggagamot
Ang gumagamot sa sakit ni Haring Fernando; siya rin ang nagsabi na ang tanging lunas sa
sakit ng hari ay ang awit ng Ibong Adarna
12. Matandang Leproso
Minsang natulungan ni Don Juan na nagpayo sa binata na dumaan muna sa ermitanyo bago
hulihin ang Ibong Adarna
13. Unang Ermitanyo
Nagpayo kay Don Juan kung paano mahuhuli ang Ibong Adarna
14. Ikalawang Ermitanyo
Siya ang nagsabi kay Don Juan na pumunta pa sa isang ermitanyo dahil hindi niya alam ang
daan patungong Reyno delos Cristales
15. Ikatlong Ermitanyo
Hindi rin niya alam ang daan patungong Reyno delos Cristales ngunit nang tawagin niya ang
lahat ng ibon ay naituro ng agila kung saan iyon. Dahil dito, ipinag-utos niya sa agila na
dalhin si Don Juan doon.
16. Malaking agila
Ang nagturo ng daan at naghatid kay Don Juan patungong Reyno delos Cristales
17. Higante
Pinaslang nio Don Juan upang mailigtas si Prinsesa Juana na kapatid ni Prinsesa Leonora
18. Serpyenteng may pitong ulo
Ang nagbabantay kay Prinsesa Leonora; pinaslang din ni Don Juan upang mailigtas ang
dalaga
19. Lobo
Alaga ni Prinsesa Leonora na initusan niya upang hanapin at iligtas si Don Juan ng siya ay
makalawang ulit na pinagtaksilan nina Don Pedro at Don Diego
20-21. Prinsesa Isabel at Prinsesa Juana
Mga kapatid ni Prinsesa Maria Blanca
22. Arsobispo
Ang nagsabi na dapat piliin ni Don Juan si Prinsesa Leonora dahil ito ang mas nauna kaysa kay
Prinsesa Maria Blanca

You might also like