You are on page 1of 6

DIYOSESIS NG IMUS

ST. JUDE THE APOSTLE PARISH


Vista Verde Executive Village, Mambog 4, Bacoor City

ST. AUGUSTINE PASTORAL COMMUNITY


Greentown Villas 1, Extension, Annex
Mambog 3, Bacoor City

PAGSISIYAM KAY SAN AGUSTIN NG HIPPO


Banal na Patron, Obispo, Pantas at Ama ng Simbahan
Kapistahan: Agosto 28

Sa ngalan ng Ama+, at ng Anak+, at ng Espiritu Santo+. AMEN.

PAMBUNGAD NA PANALANGIN
LIDER : Panginoong Diyos ng walang hanggang karunungan, hinirang Mo ang tagapagtangkilik naming si San
Agustin upang gamitin sa pagpapahayag ng mga katotohanan ng aming pananampalataya. Sa kanyang mga
isinulat ay nahahayag ang mga katotohanan tungkol sa Iyo, kung ano ang patutunguhan namin at kung ano ang
dapat naming maging tugon sa Iyo. Itinanghal namin siyang Pantas ng Simbahan sapagkat ang kanyang mga aral
ay magpapatatag sa pananampalatayang Kristiyano at nagpapalinaw sa buhay namin bilang Iyong mga nilikha at
anak. Itinuturo niya na kami ay nauukol lamang sa Iyo at sa Iyo dapat na isuko at italaga ang aming sarili sapagkat
hindi mapapanatag ang aming kalooban kung hindi kami sasandig sa Iyo. Kaya, Ama, sa aming pagpaparangal kay
San Agustin, kami ay lumalapit sa Iyo upang humingi ng kapatawaran sa mga pagkakataong kami ay nagkasala,
lumihis ng landas ng kabanalan, namumuhay sa kalayawan at pinawalang-halaga ang mga itinuturo ng aming
pananampalataya. Tulad ng ginagawa mo kay San Agustin, patuloy Mo nawa kaming tawagin tungo sa
pagbabagong-buhay at mag-alab nawa ang aming puso sa pag-ibig sa Iyo at sa paglilingkod sa Iyong sambayanan.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan.
LAHAT : AMEN.

PANALANGIN KAY SAN AGUSTIN


LAHAT : Minamahal naming San Agustin, taglay ang lubos na pananalig at pagtawag sa Diyos Ama na
pinagbubuhatan ng lahat ng pagka-ama sa lupa, kami ay napaaampon sa iyo bilang isang ama. Dala ng mahabang
kasaysayan ng pakikipag-ugnayan ng aming bayan sa iyo at sa iyong pagtugon sa aming mga kahilingan na
nagpapahayag ng iyong maka-amang pagtangkilik, ikaw ay naging malapit sa amin. Ito rin ay nagmula sa iyong
kabantugan sa pangangasiwa bilang obispo sa sambayanan ng Diyos, inalagaan mo ang noon ay munti pa at
lumalaking simbahan sa pagbibigay-linaw sa kanyang mga aral kaya ikaw ay tinagurian bilang isa sa mga ama ng
simbahan. Ngayon, aming ama, patuloy mong ipamalas ang iyong maka-amang pangangalaga sa amin. Ang iyo
nawang pagpapamalas na ito ay maghatid sa aming pagkilala sa Diyos Ama na Maylalang sa ating lahat at tunay
na pinagmumulan ng bawat biyayang ipinakikiusap namin sa iyo. Idalangin mo sa Diyos na makamit namin sa
buhay na ito ang mga kinakailangan namin, lalung-lalo na ang kahilingang ito ... (ILAHAD ANG KAHILINGAN).
Pagkalooban nawa kami ng Diyos ng banal na karunungan na patuloy na magsasaliksik sa kanya at sa kanyang
kalooban upang si Kristo ang Katotohanan at Karunungan ng Diyos ay maghari sa amin ngayon at
magpakailanman. AMEN.
PANALANGIN PARA SA UNANG ARAW (Agosto 19)
LIDER : (Ilagay natin ang ating mga sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin).
Dakila ka, O Panginoon at karapat-dapat na purihin. Dakila ang Iyong kapangyarihan at walang hanggan ang iyong
karunungan. Ang tao na bahagi ng Iyong sangnilikha ay nagnanais na Ikaw ay papurihan. Ang tao na nagtataglay
sa sarili ng tanda ng kanyang kasalanan at patunay na nilalayuan Mo ang mga palalo. Gayunpaman, sa kabila nito,
ang tao ang bahaging ito ng Iyong sangnilikha ay nagnanasang magpuri sa Iyo. Pinag-aalab Mo siya upang
malugod na makapagpupuri sa Iyo, sapagkat nilikha Mo kami para sa Iyo at ang puso namin ay walang
kapanatagan hanggang hindi tumatahan sa Iyo.
LAHAT : SIYA NAWA.

LITANYA KAY SAN AGUSTIN


Panginoon, kaawaan Mo kami. Panginoon, kaawaan Mo kami.
Kristo, kaawaan Mo kami. Kristo, kaawaan Mo kami.
Panginoon, kaawaan Mo kami. Panginoon, kaawaan Mo kami.
Kristo, pakinggan Mo kami. Kristo, pakinggan Mo kami.
Kristo, paka-pakinggan Mo kami. Kristo, paka-pakinggan Mo kami.
Diyos Ama sa langit. Kaawaan Mo kami.
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan. Kaawaan Mo kami.
Diyos Espiritu Santo. Kaawaan Mo kami.
Banal na Santatlo, tatlong persona sa iisang Diyos. Kaawaan Mo kami.
Banal na Amang San Agustin, **ipanalangin mo kami.
San Agustin, huwaran ng mga nagsisising kaluluwa,**
San Agustin, anak ng mga luha ni Sta. Monica,**
San Agustin, liwanag ng mga tagapagturo,**
San Agustin, tagapuksa ng maling aral,**
San Agustin, bantog na tagapagtanggol laban sa kaaway ng simbahan,**
San Agustin, haligi ng tunay na pananampalataya,**
San Agustin, sisidlan ng Banal na Karunungan,**
San Agustin, gabay sa pamamatnugot ng buhay-paglilingkod,**
San Agustin, na ang puso ay pinag-aalab ng apoy ng pag-ibig ng Diyos,**
San Agustin, mapagkumbaba at maawaing ama,**
San Agustin, masigasig na tagapagpahayag ng Salita ng Diyos,**
San Agustin, natatanging tagapagpaliwanag ng Banal na Kasulatan,**
San Agustin, dangal ng mga obispo,** San Agustin, tanglaw ng tunay na pananampalataya,**
San Agustin, marangal na tagapagtanggol ng Santa Iglesia,**
San Agustin, liwanag mula sa kaluwalhatiaan ng Diyos,**
San Agustin, namumukadkad na punong olibo sa tahanan ng Diyos,**
San Agustin, masugid na mananamba ng Banal na Santatlo,**
San Agustin, di masaid na bukal ng mahusay na Kristiyanong pananalita,**
San Agustin, maningning na salamin ng kabanalan,**
San Agustin, huwaran ng lahat ng kabutihan,**
San Agustin, mapang-aliw sa mga namimighati,**
San Agustin, mapagbigay-ginhawa sa mga nauulila,**
San Agustin, kaibigan at kaagapay ng mga dukha,**
San Agustin, aming ama,**
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Iligtas Mo kami, Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Paka-pakinggan Mo kami, Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Kaawaan Mo kami, Panginoon.

LIDER : Manalangin tayo.+ O Diyos, isiniwalat mo kay San Agustin ang mga natatagong hiwaga ng Iyong
karunungan at pinag-alab Mo sa Iyong simbahan ang haligi ng ulap at apoy. Magiliw Mong ipagkaloob na kami ay
iligtas at makalampas sa mga pagsubok sa daigdig na ito at makarating sa buhay na walang hanggan na
ipinangako Mo sa amin. Sa pamamagitan ni Kristong, aming Panginoon.
LAHAT : AMEN.

PANGWAKAS NA PANALANGIN
LAHAT : Ama naming mapagmahal, pinupuri ka namin at ipinagdarangal sa Iyong walang hanggang karunungan
na laganap at nababanaag sa buong sanlibutan. Sa bawat bagay at buhay na nilikha, nakikita ang mga tanda ng
karunungan at panukala ng kanilang manlilikha. Ito, Panginoon, ang katotohanang sinasaliksik at natagpuan ni
San Agustin. Hindi Mo pinatigil ang kanyang puso at isip sa paghahanap ng kanyang pinagmulan. Gayundin, ang
ginagawa Mo ay ipinadarama sa bawat tao ang hindi manatili sa mga bagay na Iyong nilikha upang hanapin namin
ang higit at tunay na bukal ng kaligayahan, na kami ay hindi nauukol para sa daigdig na ito, sa mga lumilipas na
bagay rito. Sapagkat nilikha Mo kami para sa Iyo at ang puso namin ay walang kapanatagan hanggang hindi
tumatahan sa Iyo. Kaya, Panginoon, lubos kaming nagpapasalamat sa Iyo sa biyayang ipinunla mo sa puso ng
aming tagapagtangkilik na si San Agustin at sa karunungang ibinigay Mo sa kanya. Katulad niya, sa Iyo nawa
namin matagpuan ang katiwasayan ng aming puso. Itulot Mong huwag mapayapa ang aming sarili kung kami ay
mapawalay sa Iyo. Kaisa ni San Agustin, sama-sama nawa kaming maghanap tuwina sa Iyo, makamit ang mga
biyayang kailangan namin at mabatid ang Iyong kalooban para sa bawat isa sa amin at sa aming bayan. Alang-
alang kay Hesukristo na tangi naming Tagapamagitan sa Iyo, kasama ng Espiritu Santo, iisang Diyos,
magpasawalang-hanggan. AMEN.

LIDER : IPANALANGIN MO KAMI, O MAHAL NA SAN AGUSTIN.


LAHAT : UPANG LAGING MAG-ALAB ANG AMING PUSO SA DIYOS AT MADAMA ANG KANYANG PANANAHAN SA
AMIN.

Sa ngalan ng Ama+, at ng Anak+, at ng Espiritu Santo+. AMEN.

PANALANGIN SA IKALAWANG ARAW (Agosto 20)


LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin ay dasalin ang kanyang panalangin).
Panginoong Hesus, itulot Mong makilala ko ang aking sarili. Itulot Mong makilala Kita at walang hangarin kung
hindi Ikaw lamang. Loobin Mong kamuhian ko ang aking sarili upang mahalin Ka at gawin ang lahat ng bagay
alang-alang sa Iyo. Pakaabahon ko nawa ang aking sarili at Ikaw ang aking itanghal at walang isipin kundi Ikaw.
Loobin Mong mamatay ako sa aking sarili upang mabuhay sa Iyo at tanggapin ang lahat ng mga nangyayari
bilang kaloob Mo. Loobin Mong limutin ko ang aking sarili at lumakad sa likuran Mo at laging magnanasang
sumunod sa Iyo.
LAHAT: SIYA NAWA.
PANALANGIN SA IKATLONG ARAW (Agosto 21)
LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin).
Banal na Espiritu, makapangyarihang Patnubay, Banal na Tagapag-ugnay ng Ama at Anak, Pag-asa ng mga
nagdurusa, Mahal na Pananahan. Itanim mo sa mga nanghihinawa naming kaluluwa ang apoy ng Iyong pag-
ibig upang lubusan kaming magpailalim sa Iyo. Nananalig kami na sa sandaling manahan Ka sa amin ay
ipaghahanda Mo rin ng isang tahanan sa amin ang Ama at ang Anak. Kaya nakikiusap kami, halina sa aming
piling. Halina at kami ay dalisayin. Wala nawang masamang pagnanasa ang makapangyayari sa amin.
Minamahal Mo ang aba at tinatanggihan ang palalo. Halina sa amin, Luwalhati ng mga buhay, Pag-asa ng mga
namamatay. Patnubayan Mo kami ng Iyong biyaya upang lagi kaming maging kalugod-lugod sa Iyo.
LAHAT: SIYA NAWA.

PANALANGIN SA IKAAPAT NA ARAW (Agosto 22)


LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin).
Ipagkaloob Mo ang Iyong sarili sa akin, O Diyos. Ibalik na muli ang Iyong sarili sa akin. Iniibig kita at kung ito ay
kulang pa, bayaan Mong ibigin kita ng lalo at higit. Hindi ko kayang sukatin at alamin kung gaano ang kulang
na pag-ibig upang ang aking buhay ay tumalima sa Iyong pagkandili sa halip na lumayo hanggang maitago sa
likod ng Iyong mukha. Ito lamang ang aking nababatid, na sa sandaling mawalay ako sa Iyo, ito ay magdudulot
ng masama sa akin, hindi lamang sa aking kapaligiran kundi gayon din sa loob ng aking pagkatao at para sa
akin ang lahat ng kasaganaan ay kakulangan kung Ikaw ay wala.
LAHAT: SIYA NAWA.
PANALANGIN SA IKALIMANG ARAW (Agosto 23)
LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin).
Tumatawag ako sa Iyo, aking Diyos, aking pag-ibig. Ikaw ang lumikha sa akin at hindi lumimot sa akin bagaman
nilimot kita. Tinatawag kita sa aking kaluluwa na inihanda Mo upang tanggapin Ka sa pamamagitan ng
pagnanasang ipinunla Mo dito. Huwag Mo akong pabayaan ngayong ako ay dumudulog sa Iyo. Sapagkat bago
pa man ako tumatawag sa Iyo, ako ay inuudyukan ng marami at iba't ibang salita upang mula sa kalayuan,
Ikaw ay marinig at ako ay makapagbabagong-loob at manawagan sa Iyo, gaya ng panawagan Mo sa akin.
LAHAT: SIYA NAWA.
PANALANGIN SA IKAANIM NA ARAW (Agosto 24)
LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin).
Panginoon, nagsusumamo ako sa Iyo. Sumilang nawa ang katotohanan mula sa daigdig at manaog ang
katarungan mula sa kalangitan. Ibahagi nawa namin ang aming pagkain sa mga nagugutom at patuluyin ang
mga nangangailangan at walang masilungan sa aming tahanan. Damitan nawa namin ang mga hubad at
huwag lapastanganin ang aming kapwa. Sa sandaling mangyari ang ganitong gawain sa daigdig, anong buti
nito. Itulot Mong magningas ang ilaw namin na panandalian lamang. At sa pagdaan namin sa ganitong uri ng
pagkilos tungo sa kaligayahan ng pagninilay sa Iyo at makamit ang salita ng buhay mula sa langit, magsilbi
nawa kaming mga tanglaw sa daigdig na humahawak sa katotohanan ng Iyong Salita.
LAHAT: SIYA NAWA.
PANALANGIN SA IKAPITONG ARAW (Agosto 25)
LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin st dasalin ang kanyang panalangin).
O Panginoong aking Diyos, pakinggan Mo ang aking panalangin at sa Iyong habag ay magiliw Mong dinggin
ang aking hinahangad. Sapagkat, nag-alab ito hindi lamang para sa aking sarili kundi alang-alang din sa
kapakanan ng aking kapwa. Nakikita Mo ito sa aking puso. Ihahandog ko sa Iyo ang paglilingkod ng aking diwa
at dila. Ipagkaloob Mo sa akin ang anumang maiaalay ko sa Iyo. Sapagkat, ako ay salat at mahirap at ikaw ay
sagana sa lahat ng tumatawag sa Iyo. Ikaw na malaya sa alalahanin ay nangangalaga sa amin. Sa lahat ng
kapalaluan at kasinungalingan, ilayo Mo ang aking mga labi. Ang Iyo nawang Banal na Kasulatan ang maging
dalisay kong kasiyahan. Huwag nawa akong mahulog sa pagkalamali sa pagbasa nito at huwag ko nawang
ilihis ang iba sa maling paggamit nito.
LAHAT: SIYA NAWA.
PANALANGIN SA IKAWALONG ARAW (Agosto 26)
LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin).
O Diyos, itulot Mong makilala at maibig Kita upang matagpuan ko amg kaligayahan sa Iyo. Dahilan sa hindi ko
ito lubusang maisasatuparan sa mundong ito, tulungan Mo akong umunlad araw-araw hanggang sa
maisagawa ko ito ng ganap. Loobin Mong makilala kita ng lubos at higit sa daigdig na ito, upang mahalin kita
ng ganap. Sa ganitong paraan, maging dakila ang aking kaligayahan sa daigdig at maging ganap sa piling Mo sa
kalangitan. LAHAT: SIYA NAWA.

PANALANGIN SA IKASIYAM NA ARAW (Agosto 27)


LIDER: (Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin).
O Panginoon naming Diyos, sumasampalataya ako sa Iyo - Ama, Anak at Espiritu Santo. Sa abot ng aking
makakaya at sa pagkakaloob Mo sa akin ng kspangyarihan ay hinahanap kita. Nagpagal ako at nagsumikap. O
Panginoon kong Diyos, tangi kong pag-asa. Tulungan Mo akong sumampalataya at huwag tumigil sa
paghahanap sa Iyo. Loobin Mong lagi na masigasig kong hanapin ang Iyong mukha. Dulutan Mo ako ng lakas
upang hangarin ka, sapagkat tinutulungan Mo akong matagpuan Ka at pinagkalooban Mo ako ng malaking
pag-asa upang ikaw ay matagpuan. Narito ako sa Iyong harapan, taglay ang aking katatagan at aking kahinaan.
Pag-ingatan Mo ang una at paghilumin ang pangalawa. Narito ako sa Iyong harapan taglay ang aking lakas at
kamangmangan. Kung saan Mo binuksan ang pinto para sa akin, papasukin Mo ako. Kung saan Mo ipininid,
buksan Mo sa aking pagmamakaawa. Loobin Mong alalahanin kita, maunawaan at mahalin.
LAHAT: SIYA NAWA.

(Sa ikasiyam na araw, babasahin ang Panalangin sa Pagtatapos ng Nobena, pagkatapos ng


Pangwakas na Panalangin bago ang antanda ng Krus).

PANALANGIN SA PAGTATAPOS NG NOBENA


LAHAT: Makapangyarihan at mahabaging Diyos, lubos kaming nagpupuri at nagpapasalamat sa Iyo sa mga
dakilang pangyayari na ginagawa Mo sa kasaysayan ng Iyong simbahan. Sa paghirang at pagtawag Mo sa mga
taong mangangasiwa sa Iyong sambayanan ay magpapatunay ng Iyong pananatili sa daigdig. Pinasasalamatan
ka namin sa paghirang Mo sa aming tagapagtangkilik na si San Agustin. Sa ginawa Mong pagbabago sa
kanyang kalooban at pamumuhay, bilang Iyong pagtugon sa mga pagsusumamo ng kanyang inang si Sta.
Monica. Gayundin, maraming salamat, Ama, sa patuloy Mong pagtawag sa amin tungo sa pagbabago at sa
pagbibigay Mo sa amin ng sapat na lakas at biyaya upang maisakatuparan ang hinahangad naming pagbabago
sa aming buhay. Nananalig kami sa Iyo na sa pagpaparangal namin kay San Agustin ay matularan namin siya
sa kanyang panalangin lalo't higit ng Iyong biyaya, kami ay sasapit sa ganap na pakikipamuhay sa Iyo.
Maraming salamat po, Panginoon. AMEN.

LIDER : IPANALANGIN MO KAMI, O MAHAL NA SAN AGUSTIN.


LAHAT : UPANG LAGING MAG-ALAB ANG AMING PUSO SA DIYOS AT MADAMA ANG KANYANG PANANAHAN SA
AMIN.

Sa ngalan ng Ama+, at ng Anak+, at ng Espiritu Santo+. AMEN.


Prepared by:
DTV / Aug. 7, 2021

You might also like