You are on page 1of 4

Ikalawang Markahan – Modyul 4:

Epekto ng Globalisasyon
sa Mamamayan
Ang Globalisasyon sa Makabagong Panahon

Habang tumatagal ay ipinakita ng globalisasyon ang mga epekto nito sa usaping


pang-ekonomiya, pampulitika, panlipunan, at pangkapaligiran. Ipinakita nito ang isang
sistematikong pandaigdigang penomenon na may malaking implikasyon sa pamumuhay ng
tao. Napag-aralan natin sa naunang modyul ang pagsusuri ni Karl Marx, na ang lakas
paggawa na nagmumula sa mga manggagawa ay ang pinakamahalagang salik ng
produksyon. Sinabi naman ni Joseph Schumpeter sa kanyang aklat na pinamagatang
Capitalism, Socialism, and Democracy, na ang luma at hindi episyenteng produkto at
serbisyo ay maaaring palitan ng bagong uri. Makikita sa kanilang mga teorya ang
tunggalian ng ideolohiya na ginamit nila sa pagsusuri ng mga patakarang pang-ekonomiya
na syang batayan ng globalisasyon at anti-globalisasyon.

Sa ngalan ng globalisasyon, ang Pilipinas ay naging bahagi ng Asia Pacific


Economic Cooperation (APEC) simula pa ng pagkakatatag nito noong 1989. Sa ilalim ng
APEC, may dalawang program na prayoridad nilang isulong. Una ay ang Trans-Pacific
Partnership na pinamumunuan ng US kasama ang lahat maliban sa China. Pangalawa ay
ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) pinamumunuan ng China
kasama ang lahat maliban sa US. Ang mga organisasyong ito ay nagsusulong ng
papaigting na globalisasyon na layuning palawakin at palalimin ang integrasyon ng bawat
bansa sa lahat ng aspeto lalo na ng pang-ekonomiya (About Us: APEC, 2020).

Halina’t ating unawain ang mga bagong konsepto na sumibol sa sistematikong


paglaganap ng globalisasyon sa buong mundo.

Neoliberalismo Bilang Bagong Sibol Na Globalisasyon

Ang neoliberalismo ay resulta ng papaigting na globalisasyon. Ito ay ang


monopolyo kapitalismo sa imahe ng malayang kalakalan. Ito ay ang pagbibigay sa mga
malalaking korporasyon ng lahat ng kontrol at oportunidad para makapagpalitaw ng
rekursong kapital at kumita ng malalaking tubo habang nakikinabang sa pagkuha ng mga
tax exemptions upang diumano’y makalikha ng maraming trabaho at paunlarin ang
ekonomya.

Ang implikasyon nito sa buhay ng mamamayan ay maisusuma sa tatlong patakaran.


1. Liberalisasyon- Ang liberalisasyon ay patakarang pang-ekonomya na nagbabawas
o nag-aalis ng buwis o taripa sa mga produkto at kapital na nagmumula sa ibang
bansa sa ilalim ng patakarang “malayang kalakalan” o ang neoliberalismo bunsod ng
globalisasyon. Ang halimbawa nito ay ang pagdagsa ng mga imported na bigas at
gulay na ibinebenta sa mas murang halaga kumpara sa mga produktong
matatagpuan sa ating bansa. Dahil dito, bumabagsak ang kita at kabuhayan ng mga
magsasakang Pilipino.

2. Pribatisasyon- Ang pribatisasyon ay patakarang pang-ekonomiya kung saan ang


mga industriyang naghahatid ng pampublikong serbisyo ay ibinebenta ng
pamahalaan sa pribadong sektor. Ang epekto nito ay ang pagtaas ng singil kapalit
ng pagkonsumo ng mamamayan. Ang halimbawa nito ay ang pagbebenta ng
industriya ng tubig at transportasyon sa pribadong sektor. Ang ilan sa konkretong
halimbawa nito ay ang Manila Waterworks Sewerage System (MWSS), at Light Rail
Transit (LRT). Bagaman may mga bagong teknolohiya na ipinalit sa mga lumang
industriya, hindi ito naging sapat upang panatilihing episyente ang operasyon ng
mga ito. Naging matingkad din ang labis na pagtaas ng singil kapalit ng produkto at
serbisyo.

3. Deregulasyon – Ang deregulasyon ay patakarang pang-ekonomiya kung saan ang


pamahalaan ay inaalis ang kanyang kontrol sa operasyon ng mga pampublikong
yutilidad tulad ng industriya ng langis at elektrisidad. Ang konkretong halimbawa nito
ay ang dominasyon ng Shell at Caltex sa industriya ng langis at petrolyo. Dahil dito,
higit na naaapektuhan ang kabuhayan ng mamamayan dahil sa pagtaas ng mga
pangunahing bilihin bunsod ng “paggalaw” ng pamilihan sa industriya ng langis.
Habang sa industriya ng elektrisidad naman ay ang Meralco kung saan pinapasan
ng mamamayan ang mga gastusin sa pagkukumpuni at modernisasyon ng mga
pasilidad nito, at ang mga buwis na kaakibat ng patuloy na operasyon ng pribadong
korporasyon.

EPEKTO NG GLOBALISASYON SA MAMAMAYAN

Ang mga sumusunod ay karagdagang impormasyon tungkol sa positibong epekto ng


globalisasyon sa mamamayan:

1. Pagdagsa ng dayuhang pamumuhunan – Dumagsa ang iba’t ibang dayuhang


mamumuhunan sa bansa dahil sa malayang kalakalan. Nagtayo sila ng mga
Negosyo at imprastraktura na nagagamit ng mga tao upang makabili ng produkto o
serbisyo.
2. Pagkakaisa ng mga bansa – Dumami ang mga organisasyon at mga kasapi nito sa
bawat rehiyon at buong mundo upang makipag-ugnayan sa mga usaping pang-
ekonomya, edukasyon, at sosyo-kultura. Ang United Nations bilang pandaigdigang
organisasyon ng mga bansa ay lumaki ang bilang mula 51 tungong 193 bansang
kasapi.
3. Pagsigla ng Pandaigdigang Pamilihan – Lumaganap ang pandaigdigang
pamilihan kung saan bumilis ang pag-aangkat at paglalabas ng mga produkto upang
makonsumo ng mga tao. Ang mga korporasyon ay kumita ng higit pa sa kanilang
inaasahan.
4. Interaksyon ng mga kultura – Lumawak ang pagkilala at pang-unawa ng mga tao
sa ibang kultura dahil sa panonood at pakikinig sa mga palabas at balita sa bawat
bansa. Naging maunlad ang teknolohiya at nagamit ang iba’t ibang uri ng midya
upang ipalaganap ang natatanging kultura ng bawat bansa upang makaakit ng
turista at mamumuhunan para sa ekonomya.
5. Mabilis na komunikasyon – Lumaganap ang mabilis at malawak na komunikasyon
sa pamamagitan ng iba’t ibang plataporma ng social media tulad ng Facebook,
Twitter, Instagram, viber, google, LinkedIn, Pinterest, Snapchat, at marami pang iba.
6. Paglikha ng mga programa at polisiya kaugnay ng globalisasyon – Ang mga
programa sa ilalim ng USAID, AUSAID, Bologna Process, at Washington Accord,
atbp. ay nagbukas sa mga oportunidad ng inobasyon sa larangan ng pampublikong
serbisyo. Maraming mga metodolohiya ng paglutas ng suliranin ang natutunan ng
mga propesyunal upang mapahusay ang kanilang pagharap sa mga hamon at
oportunidad sa empleyo. Naipasa ang Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal
as One Act na naglalayong pigilin ang pagkalat ng COVID19 at kung saan nilalaman
din nito ang social amelioration program (SAP) upang matulungan ang lahat ng
apektadong sector.

Ang sumusunod ay karagdagang impormasyon tungkol sa negatibong epekto ng


globalisasyon sa mamamayan:
1. Pagbagsak ng maliliit na negosyo – Maraming mga industriyang pagmamay-ari ng
malilit na negosyante ang bumagsak dahil hindi makakumpetensya ang maliliit na
negosyo sa mga malalaking negosyo. Hindi kinaya ng mga maliliit na negosyo na
ibaba ang kanilang presyo dahil sa mataas na gastusin kaakibat ng kanilang
pamumuhunan. Gayundin ang pagpapasahod ng mas maraming manggagawa
upang makaagapay sa dami ng produktong dapat likhain at serbisyong dapat ihatid
sa mamimili upang makakumpetensya sa malalaking Negosyo. Dahil dito, nagsara
ang maliliit na Negosyo kung kaya’t may mga manggagawang nawalan din ng
hanapbuhay.
2. Paglobo ng utang panlabas ng bansa – Itinala ang pinakamalaking utang
panlabas noong Agosto 2020 sa halagang PhP 9.615 Trilyon pesos sa gitna ng
Covid19 pandemya. Inaasahan na gagamitin ito upang makabangon ang ekonomya
sa krisis na dulot ng pandemya at ang patuloy na paglobo ng mga gastusin ng
pamahalaan (Guzman, 2020).
3. Edukasyong komersyalisado – Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay pinasok
na ng komersyalisasyon, korporatisasyon, at pribatisasyon. Makikitang lumaganap
ang mga pribadong eskwelahan na nagtuturo ng Senior High School subalit salat sa
pasilidad at ginagamit ang voucher system upang mapakinabangan ang pondo ng
pamahalaan. Ang hamon sa mga pribadong eskwelahan na ito ay itaas ang kalidad
ng pasilidad at mga kagamitang pampaaralan upang maturuan ng mhusto ang mga
mag-aaral. Nagiging komersyalisado ang edukasyon dahil nakabatay ito sa
pangangailangan o demand ng lakas-paggawa ng isang bansa. Nagreresulta rin ito
sa pagkakaroon ng mga magsisipagtapos na maaring maging unemployed,
underemployed, at job o skill mismatched (Riep, 2016).
4. Laganap na kahirapan – Maraming Pilipino ang lalong humihirap ang katayuang
panlipunan dahil sa mataas na presyo ng bilihin ng mga produkto at serbisyo,
kawalan ng trabaho at oportunidad. Dagdag pa rito ang kakulangan ng pagtugon sa
mga batayang pangangailangan ng mamamayan tulad ng serbisyong
pangkalusugan, edukasyon, maayos at murang transportasyon, at komunikasyon.
5. Gentleman’s Agreement – Ito ay ang usapan sa pagitan ng mga pinuno na
humahantong sa mga desisyong hindi kasama ang opinion ng mamamayan higit lalo
pa at sila ang naaapektuhan ng mga polisiya at patakaran.
6. Diskriminasyon – Ang mga migranteng manggagawa at kadalasang nakararanas
ng diskriminasyon at paglabag sa karapatang pantao dahil sa pagkakaiba ng kultura
at paniniwala.
7. Karahasan – Maraming mga migranteng manggagawa ang nakaranas ng iba’t ibang
klase ng karahasan sa lugar ng kanilang trabaho at panirahan. Kasama rin dito ang
mga pang-aabusong pisikal, sekswal, at sikolohikal. Higit na naapektuhan ang
kanilang damdamin lalo pa at sila ay napilitang lumayo sa kanilang mahal sa buhay
upang makapaghanapbuhay.
8. Paglikha ng mga programa at polisiya kaugnay ng globalisasyon – Maraming
mga programa at polisiya ang ipinatupad sa bansa upang maging gabay sa
pagpapatupad ng gobalisasyon. Ilan dito ay ang mga polisiyang naging hadlang sa
pagpapataas ng sweldo ng mga manggagawa at kawani, pagpapahusay ng
kalagayan sa trabaho, karapatan at seguridad sa trabaho, pag-uunyon, mga
benepisyong panlipunan tulad ng serbisyo at segurong medical (insurance benefits),
benepisyong pang-edukasyon, at serbisyong panlipunan tulad ng murang singil sa
tubig, kuryente, komunikasyon, at transportasyon (Guzman, 2020). Nagpapatuloy
din ang labor export policy at ang pagpapadala ng mga OFW dahil sa lakas ng kita
ng pamahalaan sa padalang dolyar ng mga migranteng manggagawa habang may
ilang hindi mabisang napoprotektahan ang kanilang seguridad sa trabaho.
Napapahintulutan din ang pagpasok ng offshore gambling sa bansa na nagiging
sentro ng bisyo, prostitusyon, at karahasan.
KAHALAGAHAN NG PAG-ANGKOP SA MGA HAMON NG GLOBALISASYON

Sa gitna ng mga benepisyo at hamon na hatid ng globalisasyon sa mamamayan,


marapat na makagawa ng angkop na hakbangin ang taong bayan upang makaagapay sa
pang-araw araw na buhay. Mahalagang maging mapanuri at siyentipikong suriin ang bawat
isyu na kinakaharap upang matutong umangkop sa mga sitwasyon at mabilis na
makatugon dito. Ang panonood at pagbabasa ng mga balita sa pang-araw araw na
kaganapan sa loob at labas ng bansa ay makatutulong sa pagiging mulat sa mga
pangyayari. Dapat ring matalas na suriin at sumangguni sa mga kagalang-galang na
mapagkukunan ng impormasyon upang matulungan ang sarili na makabuo ng konkretong
pagsusuri sa konkretong kalagayan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng matalas na
pagsusuring ito ay maaari nang makabuo ng matalinong pagdedesisyon. Makatutulong din
ang pagpapatibay ng relasyon ng pamilya, kaibigan, at mga kasapi sa organisasyon ng
mga kabataan upang kolektibong harapin ang mga hamon ng buhay at makatulong sa
pamayanan.

You might also like