You are on page 1of 5

Ikalawang Markahan – Modyul 2:

Mga Isyu sa Paggawa


Ang globalisasyon ay nagdulot ng malaking pagbabago sa buong mundo. Ito ang
nagsilbing hamon sa bawat bansa upang tuklasin ang potensyal ng mga mamamayan
upang makipagsabayan sa galaw o kilos ng mundo sa iba’t ibang larangan. Nagbukas ito
ng mga oportunidad kung saan maaaring maipamalas ang husay at galing ng bawat
indibidwal.
Kasabay nang mabilis na pagbabagong dulot ng globalisasyon ay ang hamon sa
pamahalaan kung paano matutugunan ang mga suliraning kaakibat nito. Mabilis na
pagbabago, mabilis din na pagkilos ang inaasahan sa iba’t ibang aspeto ng lipunan. Kung
hindi ito makasasabay, mas magiging malala ang maidudulot na suliranin lalo na sa
larangan ng paggawa.
Ikaw, kaya mo bang sumabay? 
Halina at ating alamin ang mga isyu sa paggawa.
Ang Globalisasyon at ang mga Isyu sa Paggawa
KALAGAYAN NG PAGGAWA SA BANSA
Ang mga sumusunod ay mga suliranin na kinakaharap ng mga manggagawang
Pilipino sa kasalukuyan:
 mababang pasahod,
 kawalan ng seguridad sa kompanyang pinapasukan,
 job- mismatch/job skills mismatch,
 kontraktuwalisasyon,
 mura at flexible labor, at
 mahirap na kalagayan ng mga manggagawa sa panahon ng pandemya (COVID-19)
Maliban pa rito, ang sektor ng paggawa ay naapektuhan rin ng mabilis na pagdating
at paglabas ng mga dayuhang namumuhunan na nagdulot ng kompetisyon sa pagitan
nito at mga korporasyong lokal. Nahikayat nito ang mga dayuhang pagnenegosyo sa
bansa na nagdulot ng ibat ibang isyu sa paggawa.
Ang WTO (World Trade Organization), bilang isang pandaigdigang organisasyon sa
pakikipagkalakalan ay nagtakda ng mga pamantayang global sa iba’t ibang kasanayan at
kakayahan sa paggawa. Bunga ito ng globalisasyon na nagdulot ng mataas na demand sa
paggawa. Nabigyan din ng pagkakataon ang mga produktong lokal na makilala sa
pandaigdigang pamilihan dahil sa globalisasyon.
Ang kaayusan sa pagawaan at ang salik ng produksyon, katulad ng mga gadgets,
mga makinaryang kumplikado at iba pang makabagong kagamitan sa paggawa ay
nagbago rin dulot ng globalisasyon. Ang kumpetisyon sa pagitan ng dayuhan at lokal na
negosyante ay nagbunsod naman ng pagbaba sa presyo ng mga dayuhang produkto at
serbisyo na may kahalintulad na kalidad sa mga lokal na produkto at serbisyo dahil sa
mababang pasahod sa mga manggagawa sa bansa.
Nakuha mo ba? Kung nais mo pang palawakin ang iyong kaalaman sa paksang
globalisasyon ay maaaring ipagpatuloy ang pagbabasa ukol dito sa tulong ng internet.

KAKAYAHANG MAKAANGKOP SA PANDAIGDIGANG PAMANTAYAN SA


PAGGAWA
Nabanggit sa itaas na ang pandaigdigang pamantayan (gobal standard) sa
paggawa ay itinakda ng World Trade Organization (WTO) kung saan kasapi ang Pilipinas. 
Maliban sa WTO, ang Pilipinas ay kasapi din ng ASEAN.  Sa ilalim ng ASEAN Integration
2015 ay may mga pinagtibay na kasunduang bilateral at multilateral ukol sa pagbubukas
ng mga pamilihan sa kalakalang pandaigdig. Bilang pagtugon sa kasunduang ito,
nagsagawa ang Pilipinas ng mga polisiya na may kaugnayan dito.
Ano- ano nga ba ang naaangkop na kasanayan ng isang manggagawa para sa ika-
21 siglo?
Sa pagpapatupad ng bagong kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon noong 2012,
ang mga kasanayang lilinangin sa mga mag-aaral upang maging globally competitive ay
gaya ng mga sumusunod:
1. Media at Technology Skills
2. Learning and Innovation Skills
3. Communication Skills
4. Life and Career Skills
Source: (Philippine Qualifications Framework- Basic Education, Technological-
Vocational Education and Higher Education DepEd, 2012)

Hindi na bagong bagay na kadalasang naririnig natin na karamihan sa mga bagong


tapos ng kolehiyo ay sa mga Business Process Outsourcing (BPO) ang bagsak bilang mga
call center agents. Ito ay sa dahilang maraming nangangailangan ng mga call center
agents, may magaganda itong benepisyo at mataas ang sahod. Ayon sa GMA News
online, isang kumpanyang BPO na nakabase sa Singapore ang nagpahayag ng
pangangailangan sa halos dalawang libong (2,000) manggagawa sa ilalim ng iskemang
work from home mula sa Pilipinas. Ang Department of Labor and Employment (DOLE)
naman ay nakapagtala ng anim na libong (6,000) na kailangang manggagawa sa mga BPO
na nasa bansa. (GMA, June 22, 2020) 

Ano nga ba ito?


Ang BPO o Busines Process Outsourcing ay ang sistema kung saan kumukuha ng
serbisyo ang pribadong kompanya na ang tanggapan ay nasa ibang bansa. Ang mga call
center agents ang tumutugon sa ilang aspeto ng operasyon ng mga kumpanyang
nakabase sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan ang Pilipinas ay patuloy sa pagtanggap ng mga kumpanyang BPO
dahil sa mataas na pangangailangan sa mga manggagawa. Maraming BPO ang
tumatanggap ng mga Pilipinong manggagawa dahil sa mataas na antas ng English
Proficiency ng mga Pilipino. Ang pamahalaan naman bilang pagsuporta sa larangang ito
ay nagsasagawa ng mga polisiya at programa ukol dito. Ang  Technical Education and
Skills Development Authority (TESDA) ay nag-aalok ng mga kursong may kinalaman din
dito. Bumuo din ang Department of Information and Communications Technology (DICT)
ng National Cybersecurity Plan and Digital Transformation Strategy 2022 upang tugunan
ang ukol sa seguridad ng komunikasyon.
Ang Department of Labor and Employment (DOLE) na may layuning maiangat pa
ang antas ng kalagayan ng mga manggagawa para sa pantay na oportunidad ng mga
Pilipino anuman ang kasarian ay nagbahagi ng apat na haligi para sa isang disente at
marangal na paggawa (DOLE 2016). Ito ay ang mga sumusunod:
1. Employment Pillar  - Tiyakin ang paglikha ng mga sustenableng trabaho,
malaya at pantay na oportunidad sa paggawa, at maayos na workplace para sa
mga manggagawa
2. Worker’s Right Pillar - Naglalayong palakasin at siguruhin ang paglikha ng
mga batas para sa paggawa at matapat na pagpapatupad ng mga karapatan ng
mga manggagawa
3. Social Protection Pillar - Hikayatin ang mga kompanya, pamahalaan at mga
sangkot sa paggawa na lumikha ng mga mekanismo para sa proteksyon ng
manggagawa, katanggap tanggap na pasahod at oportunidad
4. Social Dialogue Pillar - Palakasin ang laging bukas na pagpupulong sa pagitan
ng pamahalaan at mga manggagawa
KALAGAYAN NG MGA MANGGAGAWA SA IBA’T IBANG SEKTOR
Malaki ang ginampanang papel ng globalisasyon sa kasalukuyang kalagayan ng
mga manggagawa. Habang ang sektor ng serbisyo ay lumalaki, lumiliit naman ang sektor
ng industriya at agrikultura (PSA 2016). Sa lokal na merkado, mapapansin ang mas
mababang presyo ng mga dayuhang kalakal kumpara sa mga produktong lokal dahil sa
mas mababang gastusin sa produksyon ng mga dayuhang produkto. 
0. SEKTOR NG AGRIKULTURA
Ang pagbalanse sa pag-aangkat at pagluluwas ng mga produkto ang isa sa
mga hamon ng globalisasyon. Malaki ang naging epekto ng pagdagsa ng mga
dayuhang produkto sa mga lokal na magsasaka dahil sa mas mababa nitong
presyo dulot ng mga insentibong ibinigay ng pamahalaan sa mga dayuhang
kompanya. Naging isang malaking suliranin ito sa mga produktong agrikultural ng
bansa dahil sa pagdami nito sa ating merkado. Ngunit may mga lokal na produkto
naman na itinatanim sa ating bansa pero ito ay nakalaan lamang sa pagluluwas sa
ibang bansa tulad ng saging, mangga, pinya, guyabano at iba pa.
Mga suliraning kinakaharap ng mga lokal na magsasaka:
a. kakulangan sa patubig
b. suporta ng pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa panahon ng
sakuna (bagyo, tagtuyot, pandemya)
c. pagsalin ng mga lupang sakahan (land conversion) upang gawing
subdibisyon, malls, pabrika at iba pa na nagdulot ng:
1. pagliit ng lupaing agrikultural
2. pagkawasak ng kabundukan at kagubatan
3. pagkasira ng biodiversity
4. pagkawala ng hanapbuhay sa mga pook rural
B. SEKTOR NG INDUSTRIYA
Ang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya at ng TNCs ay nakaapekto sa sektor ng
industriya. Bahagi ito ng naging kasunduan sa pagitan ng International Monetary Fund –
World Bank (IMF-WB) na isang pandaigdigang institusyong pinansyal at ng Pilipinas kung
saan naging kapalit ng kanilang pagpapautang sa bansa ay ang pagbubukas ng ating
pamilihan sa mga dayuhang kumpanya. Ipinatupad ang import liberalizations o
pagluluwag sa pagpasok ng mga kalakal mula sa ibang bansa, mga tax incentives sa mga
TNCs, deregularisasyon sa patakaran ng pamahalaan at pagsasapribado ng mga
pampublikong serbisyo. 
Ang mga halimbawa ng mga industriyang ito na karamihan ay pagmamay -ari ng
mga dayuhan kung saan ang pamantayang kasanayan at kakayahan, pagpili at
pagtanggap at pasahod ay naayon sa kanilang mga pamantayan at patakaran ay ang
mga: industriya ng konstruksyon, telekomunikasyon, beverages, minahan, at enerhiya.
Kaalinsabay nito ang pagkakaroon ng pag-abuso sa karapatan ng mga
manggagawa tulad ng:
a. mahabang oras ng pagpasok sa trabaho,
b. mababang pasahod,
c. hindi pantay na oportunidad sa pagpili ng mga empleyado, at
d. kawalan ng sapat na seguridad kung may maaksidente o masawi
C. SEKTOR NG SERBISYO
Mahalaga ang sektor ng serbisyo sa daloy ng kalakalan dahil ito ang tumitiyak na
makararating sa mga mamimili ang mga produkto. Saklaw ng sektor ng serbisyo ay ang
subsektor ng pananalapi, komersyo, seguro (insurance), kalakalang pakyawan at
pagtitingi, transportasyon, pag-iimbak, komunikasyon, libangan, medikal, turismo, BPO,
at edukasyon. 
Noong 2016, tinataya na mahigit 56.3 bahagdan ng mga manggagawa ay kabilang
sa sektor ng serbisyo (NEDA, 2016). Ang patuloy na pagpasok ng mga dayuhang
kompanya sa bansa (APEC 2016) ay nangangailangan ng higit na prayoridad mula sa
pamahalaan kung paano matutugunan ang kapakanan ng mga manggagawa sa sektor ng
serbisyo upang makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Maliban sa mababang pasahod sa mga manggagawang Pilipino, sila ay
nakararanas din ng iba’t ibang suliranin tulad ng:
a. over-worked
b. mga sakit na nakukuha ng mga nasa BPO dahil sa hindi normal na oras
ng pagtatrabaho
c. patuloy na pagbaba ng bilang ng mga Small Medium Enterprises (SMEs)
dahil sa pagpasok ng mga supermalls
MGA SULIRANIN SA PAGGAWA SA BANSA
A. ISKEMANG SUBCONTRACTING
Lumaganap ang pagkakaroon ng subkontrakting dahil sa mabilis na pagdating ng
mga dayuhang namumuhunan sa bansa bunsod ng globalisasyon. May mga maririnig
tayo sa mga manggagawang Pilipino na sila ay “endo” na o end of contract na.
Ang subcontracting ay ang tawag sa sistema na kung saan ang isang kumpanya ay
kumukuha ng empleyado o ahensya sa labas ng kumpanya upang tapusin o tumulong sa
isang proyekto na kadalasan ay may hanggang anim na buwan lang ang termino ng
pagtatrabaho. Ito ay may dalawang anyo: 
1. Labor Only Contracting - kung saan ang mga manggagawa ng subkontraktor ay
mayroong sapat na kaalaman o kasanayan sa gawain ng kumpanya pero walang sapat na
kapital para sa trabaho o serbisyo ang subkontraktor,
2. Job Contracting - kung saan ang isang kumpanya ay kumukuha ng
subkontraktor na may sapat na puhunan upang gawin ang trabaho o serbisyo para sa
kanila (hindi ito pinahihintulutan ng batas dahil sa epekto nito sa seguridad ng mga
manggagawa).
B. UNEMPLOYMENT AT UNDEREMPLOYMENT
Ang pagpapatupad ng pandaigdigang pamantayan sa paggawa ay bunsod ng
mataas na demand sa manggagawa dulot ng globalisasyon. Sa huling ulat, tinataya ng
DOLE na mayroong humigit kumulang na 7.3 milyon ang nawalan ng trabaho dahil sa
pandemya ng COVID 19 (Manila Bulletin, June 05, 2020). Nangangahulugan ito ng 17.7%
na antas ng unemployment na maaari pang madagdagan dahil sa pagsasara ng ibang
mga negosyo dahil sa pagpapatupad ng tinatawag na new normal at social distancing.  
Nagkakaroon ng job mismatch dahil hindi nakasasabay ang bilang ng mga
nakatapos ng kolehiyo sa demand ng kasanayan at kakayahan na hinahanap ng mga
kumpanya bilang entry requirement. Nangangahulugan ito na ang mga Higher Education
Institutions (HEIs) at mga kolehiyo ay hindi nakatutugon sa pangangailangan ng mga
pribadong kompanya sa itinakda nilang pamantayan sa pagpili ng empleyado at
manggagawa.
Sa ngayon marami ang pumapasok sa tinatawag na online selling kung saan sila ay
maaaring bahagi ng tinatawag na self-employed without any paid employees. Ang mga
ambulant at sidewalk vendors na nagbebenta ng iba’t ibang produkto tulad ng kendi,
street foods, prutas at iba pa ay mga mala-mangagawa sa mga trabahong masasabing
“para-paraan”. 
Tumutukoy ang underemployment sa manggagawa na ang hanapbuhay ay hindi
angkop sa kaniyang natapos na pinag-aralan o kakayahan at kasanayan. Subalit
tinanggap nya ang trabahong ito dahil wala na siyang ibang mapapasukan. Ang mga
underemployed ay nangangailangan ng dagdag na hanapbuhay o bagong trabaho na may
mas mahabang oras sa pagtatrabaho o karagdagang oras sa pagtatrabaho. Mas laganap
ito sa mahihirap na rehiyon na ang pangunahing hanapbuhay ay nasa sektor ng
agrikultura.

Maraming mga batas ang pinagtibay na pinagmulan ng flexible labor kung saan sa
pamamagitan ng probisyon ng mga batas na ito ay madaling naipataw ng mga kapitalista
ang mura at flexible labor o kontraktuwalisasyon.
Ang Omnibus Investment Act of 1987 at Foreign Investment Act of 1991 ay ilan
lamang sa mga batas na nagbigay pahintulot sa mga namumuhunan ng paglipat lipat ng
produkyson sa ibang sangay ng kompanya kung mayroong labor dispute na kinahaharap
ang kompanya. Sa pamamagitan nito, hindi naaantala ang produksyon ng kumpanya
kahit ito ay mga mga legal impediments o sagabal. 
Ang Department Order 10 ng DOLE ay naglatag ng probisyon na pinapayagan ang
pagpapakontrata ng mga trabahong hindi kayang gampanan ng mga  regular na
manggagawa, pamalit sa mga absent o liban na manggagawa at mga gawain na kailangan
ng espesyal na kasanayan at makinarya. Naging malaking usapin ito kaya napalitan ng
Department Order 18-02 kung saan ipinagbawal ang pagpapakontrata ng mga trabaho at
gawaing makaaapekto sa mga regular na manggagawa.
EPEKTO NG KONTRAKTUWALISASYON SA MGA MANGGAGAWA
Sa mga nakaraang dekada, may mga pagawaan na sa bansa ang gumagawa ng
flexible working arrangements. Sa sektor ng industriya, kadalasan na sa bawat isang
manggagawang regular na empleyado, lima rito ang kontraktuwal o kaswal. Isa sa mga
dahilan ng mga kumpanya sa pagkakaroon ng mga kaswal na empleyado ay ang pabago
bago sa job orders o purchase orders o ang pagbaba ng presyo ng kanilang produkto sa
pandaigdigang merkado.
Ang mga kaswal na manggagawa ay hindi nababayaran nang sapat na pasahod at
hindi nagtatamasa ng mga benepisyo na mayroon ang isang regular na manggagawa
katulad ng pagbabayad ng separation pay, SSS, PhilHealth at iba pa. Maging sa
bargaining unit ay hindi rin kasama ang mga kontraktwal. Hindi rin sila pwedeng
sumapi sa mga unyon dahil hindi tiyak ang kanilang security of tenure. 
Ginagawa ito ng mga negosyante at may ari ng TNCs dahil sa kumpetensya sa
ibang bansa kung saan may mataas na demand sa paggawa pero mas mura at flexible
ang paggawa katulad ng sa China.

You might also like