You are on page 1of 9

Buod ng Bawat Kabanata

Narito ang maikling buod ng bawat kabanata na pinagsama-sama upang makatulong ng malaki
sa madaling pag-unawa ng bawat taludtod.

Pag-aalay kay Selya


Nagugunita ni Francisco ang masasaya at malulungkot na sandali ng kanilang lumipas na
panahon ni Selya. Kinatatakutan ni Francisco na baka makalimot si Selya sa kanilang pag-
iibigan sapagkat noong mga panahong iyon siya ay nakakulong, samantalang si Selya naman ay
malaya. Ayon kay Balagtas kailanman ay di niya malilimot ang masasayang araw nila ni Selya na
naging daan ng kanilang pagmamahalan. At ngayong siya ay namimighati sa bilangguan ang
tangi lamang nakaaaliw sa kanya ay ang paggunita sa larawan ni Selya sa inilimbag niya sa
kanyang puso, isip at damdamin.

Naaalala rin ni Francisco ang mga lugar sa kanilang pinagtatagpuan noong sila ay matamis na
nagsusuyuan, gaya ng ilog Beata, puno ng mangga at ilog Makati, dito ay sinasariwa niya ang
matamis nilang suyuan. Kaya siya ay nagsisisi kung bakit di pa niya naitanan si Selya noong
panahong iyon. Sana’y din na naagaw ni Mariano Kapule. At siya ay napapaiyak kung
nagugunita niya ang nangyari sa kanyang buhay, lagi niyang hinahanap si Selya na nagdulot sa
kanya ng libong kaligayahan, sana daw ay din na sila nagkahiwalay. At dahil sa kanyang mga
kasawian ay naisip niyang sulatin ang “Florante at Laura” na si Selya ang naging inspirasyon at
dito ay inilarawan niya ang tinamong kasawian kay Selya.

Sa Babasa Nito
Isang pasasalamat ni Francisco sa sino mang babasa ng tula at magpapahalaga nito. Hinihiling
niyang subukang unawain ang malalim na wikang ginamit dito dahil kung susuriin ng husto ay
malalamang ito ay malinaw at wasto.

Kabanata 1: Ang Gubat (saknong 1-7)


Sa labas ng Reynong Albanya, may isang gubat na madilim at masukal, dahil sa malalaking
punongkahoy at makapal, na dawag ng araw ay di makasikat, kaya ang kapanglawan ay laganap
sa loob ng gubat, ang mga hayop na dito ay gumagala, karamiha’y sierpe, hyena, leon at tigre.

Kabanata 2: Ang Binatang Nakagapos (saknong 8-24)


Isang binatang nakagapos sa isang puno ng higera sa gitna ng malawak na gubat sa labas ng
kahariang Albanya. Ang binatang ito ay si Florante. Tiyak na kamatayan ang kinabibingitan ng
kanyang buhay sa dahilang hindi niya maipagtanggol ang kanyang sarili.
Sa Albanya mayroong masasamang-loob ang iniluklok sa trono. Dahil sa pag-iimbot ni Konde
Adolfo sa korona ni Haring Linseo at sa kayamanan ng ama ni Florante na si Duke Briseo,
sinabugan niya ng kasamaan ang kaharian.

Kabanata 3: Alaala ni Laura (saknong 25-32)


Sinabi ni Florante sa kanyang sarili na kaya niyang tiisin ang pagdurusa, kung ito ang gustong
mangyari ng Maykapal. Iisa lamang ang tangi niyang hiling, ang maalala siya ng kanyang
minamahal sa si Laura. Di niya maiwasang maalala ang kanilang suyuan, at iniisip niya na baka
agawin si Laura ng kanyang karibal na si Adolfo.

Kabanata 4: Daing ng Pusong Nagdurusa (saknong 33-


54)
Hinimatay si Florante dahil sa sama ng loob. Nang siya ay mahimasmasan, nagpatuloy pa rin
ang kanyang paghihimutok.

Ayon sa kanya, bago siya tumungo sa digmaan, may pabaon sa kanya si Laura ng luhaang
bandang may letrang L, dahil natatakot si Laura na masugatan siya. Nang dumating siya na may
munting galos, agad ginamot ni Laura. Kaya’t ngayo’y tinatanong niya sa kanyang sarili, kung
nasaan na ang lahat ng pag-aaruga ni Laura sa kanya.

Kabanata 5: Halina, Laura (saknong 55-68)


Tanging hiling ni Florante ay makita muli si Laura at siya'y arugain at damayan sa kanyang mga
sakit tulad ng nakaraan. Halos sumuko ang puso ni Florante sa dahas ng panibugho lalo na kung
naguguniguni niya sa si Laura ay humilig na sa kandungan ni Konde Adolfo. Para kay Florante
ay matamis pa ang mamatay kaysa makita niyang si Laura ay nasa ibang kamay.

Hindi makapaniwala si Florante na si Laura ay magtataksil sa kanya dahil ang kagandahan ni


Laura ay itinulad niya sa Langit. Kaya ang paniwala niya ang pag-ibig nito ay kasingtibay din ng
Langit. Kailan man ay di pumasok sa kanyang gunita na ang kagandanhan ay malapit sa tukso
at hindi kataka-taka na madaling mahulog sa tukso. Para kay Florante ay higit niyang nanaisin
na ipagkaloob sa kanya ni Adolfo ang lahat ng kahirapan sa mundo kaysa inagaw sa kanya si
Laura na kanyang irog. At dahil sa paghihirap ng kalooban ni Florante, siya ay nawalan ng
malay, siya ay napayukayok sa punongkahoy na kinagagapusan at siya ay nagmistulang
bangkay.

Kabanata 6: Ang Gererong Taga Persia (saknong 69-


82)
Nagkataon namang sa gubat ding iyon ay napadako ang isang Morong taga-Persya na umalis sa
sariling bayan dahil sa sobrang sama ng loob sa kanyang ama sa pagkakaagaw sa kanyang
kasintahan. Sa lilim ng punong kahoy siya'y umupo at lumuluha habang binabanggit ang
pangalan ng kanyang mahal na si Flerida.

Sinambit ni Aladin laman ng kanyang puso at diwa: "O pagsintang labis ng


kapangyarihan,sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamakin lahat masunod ka lamang!"

Kabanata 7: Pag-aalaala sa Ama (saknong 83-97)


Ang mga panaghoy ng nakagapos na tungkol sa mga kasamaang nangyari sa kanyang bayan: ang
pagkawala ng kanilang mga karapatan, ang pangingibabaw ng katiwalian laban sa kabutihan;
ang akala niyang pagtataksil ni Laura; ang pagpatay sa hari at mga kabig nito kasama na ang
kanyang ama; ay nadinig lahat ng gererong Moro kaya tinunton niya ang boses na
pinanggagalingan ng panaghoy.

Kabanata 8: Paghahambing sa Dalawang Ama (saknong


98-107)
Sandaling tumigil sa pag-iyak si Florante dahilan sa isang Morong na nakikinig sa kanya.
Nabatid niyang napaiyak ang Moro dahil sa ang kanyang sinisinta ay inagaw ng sariling ama.
Samantalang si Florante naman ay namaalam na kay Laura at pinagdasal na sana ay maging
masaya ito sa piling ng iba.

Kabanata 9: Sa Harap ng Dalawang Leon (saknong


108-125)
Samantala, mayroong palapit na dalawang leon, na sa pagkakita pa lamang ay parang nais nang
kainin si Florante. Tila napatigil ang mga leon at nakalimutan ng mga ito ang kanilang tangkang
pagkain sa kanya.

Sa pagkakataong iyon, nagpaalam na si Florante sa Albanya, na puno na ngayon ng kasamaan at


kanyang minamahal na si Laura. Wala siyang naisip kundi ipagtanggol ang kanyang bayan
subalit di niya inaasahang ganoon na lamang ang kahihinatnan ng kanyang pagsasakripisyo sa
bansa dahil ipapakain lang pala siya sa dalawang leon.

Kabanata 10: Ang Pagsaklolo (saknong 126-135)


Hindi nagdalawang-isip si Aladin na sagipin si Florante, na nakatali sa puno at nawalan ng
malay. Bagama’t magkaaway ang kanilang bayan at hindi sila magkarelihiyon, agad niyang
pinatay ang dalawang leon na nakaabang lapain si Florante.
Kabanata 11: Mabuting Kaibigan (saknong 136-145)
Pagkatapos patayin ang mga leon, agad kinalagan ni Aladin si Florante na sa sandaling iyon ay
wala pang ulirat. Nang magkamalay, ang naging bukambibig ay ang kanyang sinisintang si
Laura.

Kabanata 12: Batas ng Lahat ng Relihiyon (saknong


146-155)
Nang matauhan si Florante, sinabi ni Aladin na huwag siyang mag-alala dahil ligtas na siya. Sa
di inaasahan, sinabi niya sa gererong Moro na sana ay hinayaan na lamang siyang
mamatay. Hindi akalain ni Aladin na ganito ang sasabihin ng binata sa kanya.

Kabanata 13: Ang Magkaibigan (saknong 156-172)


Inalagaan ni Aladin si Florante ng magdamag. Pinakain ng kanyang baon ang dalawang araw na

nakagapos sa gubat, bago dinatnan ng saklolo o tulong. Ito'y binantayan ng Moro habang
natutulog dahil sa laki ng panghihina ng katawan. Sa pagkagising ni Florante ay pinagsaulian ng
kaunting lakas. Lubos na nagpasalamat sa Maykapal at sa kanyang tagapagligtas na butihing
kalaban. Tinanong ng Morong si Aladin kung ano ang suliranin o problema sa buhay ni
Florante. Hangad daw ng Moro na makatulong siya.

Kabanata 14: Ang Kabataan ni Florante (saknong 173-


196)
Isinalaysay ni Florante ang kanyang buhay. Na sanggol pa lamang siya sa bakasyunang malapit
sa bundok ng kanyang mga magulang na Duke Briseo at Prinsesa Floresca (sa Albanya) ay
muntik sa siyang dagitin ng isang buwitre na mabuti na lamang ay napana ng pinsan niyang si
Menalipo na taga-Epiro. Ang kanyang ama ay tagapagpayo ni Haring Linseo ng Albanya. Kaya’t
kahit na siya ay anak ng prinsesa sa Krotona, siya ay isinilang sa Albanya. Sa bulwagan naman
ng kanilang palasyo ay sinambilat ng isang alkon ang kwintas niyang may palawit na diyamante
o kupidong diyamante. Noo’y bago pa lamang siyang lumalakad (ang alkon ay isang uri ng ibon
na nahahaling o naaakit sa makikintab o kumikinang na mga bagay). Nang siyam na taong
gulang siya’y pamana ng ibon at ibang mga hayop ang kanyang libangan.

Kabanata 15: Pangaral sa Magulang (saknong 197-


204)
Sinabi ni Florante na hindi dapat palakihin ang mga bata sa saya dahil kapag ito'y namihasa,
kapag lumaki na ay mahihirapan. Madalas, ang mga taong ganito ay masakitin at maramdamin.

Ipinadala sa Atenas si Florante upang mag-aral nang siya’y 11 taong gulang upang doon ay
mamulat ang kanyang kaisipan.

Kabanata 16: Sa Atenas. Si Adolfo (saknong 205-


214)
Ang guro ni Florante sa Atenas ay si Antenor, isang mabait at matalinong guro doon.
Sa Atenas niya nakilala ang kababayang si Adolfo, anak ni Konde Sileno, na tampulan ng
paghanga ng kanyang mga guro, at ng kanyang mga kamag-aral dahil sa katalinuhan at
kagandahang-asal nitong pinapakita.

Kabanata 17: Kataksilan ni Adolfo (saknong 215-231)


Sa loob ng anim na taong pagkakapag-aral ni Florante ay nahigitan niya si Adolfo kaya’t
lumabas ang tunay na pagkatao nito. Lalo itong nahalata nang minsang nagkaroon sila ng dula
sa palatuntunan ng kanilang eskwela. Ito’y tungkol sa magkakapatid na sina Etiocles (ginanap ni
Florante) at Polinese (bahagi ni Adolfo) na naglaban ng espadahan upang mapasiyahan kung
sino sa dalawang prinsipeng mga anak ni Reyna Yocasta (papel ni Menandro) ang papalit sa
namatay nilang ama na si Haring Edipo. Sa kunwaring ispadahan na ito, talagang matitinding
taga ang hinandulong kay Florante ng may masamang balak na si Adolfo. Mabuti na lamang at
sa kaliksihan ni Menandro ay napailandang

ang espada ni Adolfo at ang kataksilan niya’y nabigo. Kinabukasan ay lumisan sa Atenas at


umuwi sa Albanya ang napahiyang si Adolfo. May hangad pala itong maagaw si Laura kay
Florante na siyang iniibig ng dalaga upang maging hari kung maging reyna na si Prinsesa Laura,
sakaling yumao o mamatay si Haring Linseo.

Kabanata 18: Kamatayan ng Isang Ina (saknong 232-


239)
Namalagi pa si Florante ng isang taon sa Atenas hanggang tumanggap siya ng isang liham mula
sa Albanya. Ibinalita ng kanyang ama na pumanaw na ang kanyang ina. Laking sama ng loob
ang idinulot nito kay Florante.

Kabanata 19: Paalaman at Habilin (saknong 240-253)


Pagkaraan pa nang dalawang buwan, may sasakyang lumunsad sa pantalan ng Atenas na may
pahatid-liham mula sa ama ni Florante na nagsasabing siya daw ay umuwi agad sa kanyang
bayang Albanya. Nagpaalam siya sa kanyang gurong si Antenor at ito nama’y nagpaalalang
siya’y mag-ingat sa banta sa kanyang buhay. Pinayagan ni Antenor na sumama si Menandro kay
Florante na yumayakap sa kanya ng mahigpit nang siya’y magpaalam sa kanyang amain.

Kabanata 20: Pagdating sa Albanya at Paghingi ng Tulong


ng Krotona (saknong 254-263)
Pagdating sa Albanya ay sinalubong sila ng kanyang ama. Kapwa sila namighati sa nangyari sa
kanyang ina. Siya namang pagdating ng sugo mula sa lolo ni Florante na hari ng Krotona,
nanghihingi ng saklolo sapagkat ang bayan nila ay sinalakay ng hukbo ng Persyanong si Heneral
Osmalik.

Kabanata 21: Heneral ng Hukbo (saknong 264-274)


Ipinakilala ni Duke Briseo si Florante kay Haring Linseo at sa pagpupulong ng mga pinuno ay
napagpasiyahang si Florante ang mamumuno sa hukbo ng Krotona.

Kabanata 22: Si Laura (saknong 275-287)


Nakilala at naakit si Florante sa kagandahan ni Laura, anak ni Haring Linseo.

Kabanata 23: Isang Pusong Sumisinta (saknong 288-


295)
Nagkaroon ng tatlong araw na piging para kay Florante. Sa piging na iyon ay sandali lamang
silang nagkasarilinan ni Laura at ipinahayag ang kanyang damdamin sa dalaga. Nang pupunta
na si Florante upang makidigma, nagbaon ng luha si Laura sa kanyang pag-alis.

Kabanata 24: Pakikipaglaban Kay Osmalik (saknong


296-313)
Sa digmaan, halos masira na ang kuta nila. Si Florante at Menandro ang kapwa nagtulong
mamuno sa hukbo. Naglaban si Florante at Heneral Osmalik at sa loob ng limang oras na
paglalaban ay nagapi niyaito. Nabawi nila ang kaharian ni Haring Linseo.
Kabanata 25: Pagbabalik sa Albanya at Pagsagip Kay
Laura (saknong
314-323)
Limang buwan pa siyang nanatili sa Krotona. Nais niyang bumalik agad sa kanyang bayan
sapagkat sabik na sabik na siyang makita si Laura. Pagdating nila sa Albanya ay namangha siya
sapagkat ang bandilang nakawagayway sa kanilang bayan ay bandila ng mga Moro. Niligtas ni
Florante si Laura sa kamay ng isang pangkat ng mga Moro na magpaparusa at pupugot ng ulo sa
kanyang kasintahang si Laura dahilan sa pagtanggi nito sa pagsuyo ng Emir o gobernador ng
mga Morong sumasakop sa kanilang bayan.

Kabanata 26: Ang Pagtataksil ni Adolfo (saknong 324-


343)
Nilusob nila Florante ang reynong Albanya, nasakop ito at nailabas sa piitan ang hari, ang
kanyang ama at si Adolfo, na ikinulong sa karsel ng palasyo kasama ng ibang kaginoohan sa
Albanya. Labis ang kagalakan ng hari at si Adolfo lamang ang nagdadalamhati sa kapurihang
tinanggap ni Florante. Muling sinalakay ng pangkat ni Miramolin ang Albanya at nagaping muli
ni Florante ang mga kalaban. Labimpitong kaharian pa ng mga Moro ang pinagtagumpayan nila
ni Menandro. Sa Etolya, may sulat na nagtatagubilin kay Florante ang Haring Linceo na iwanan
ang hukbo kay Menandro at umuwing nag-iisa sa palasyo nito. Hindi niya akalain na pagdating
niya ay dinakip agad siya ng may 30,000 sandatahan ni Adolfo at dali-dali siyang ikinulong sa
bilangguan. Ang lahat pala ng naganap sa palasyo, ang pagpatay sa hari at Duke Briseo ay
pakana ni Adolfo. Nalaman din niyang malapit nang ikasal si Laura kay Adolfo. Dahil dito,
ninais na niyang mawalan ng sariling buhay.

Kabanata 27: Ang Salaysay ni Aladin (saknong 344-


360)
Nabilanggo si Florante ng labingwalong araw at saka dinala siya sa nakalulunos na gubat at
iginapos sa punong kinatagpuan sa kanya ng Morong si Aladin. (Dito nagwakas ang salaysay ni
Florante.)

Pagkatapos ni Florante sa kanyang kuwento ay si Aladin naman ang nagsalaysay ng kaniyang


naging karanasan sa buhay. Anak siya ni Sultan Ali-adab ng Persya, at siya ang namuno sa
hukbong Persyano na kumupkop sa Albanya. Ngunit pagkatapos ay nilisan niya ang bayan ni
Florante upang umuwi sa kaharian ng kanyang ama. Ipinakulong siya sa karsel ng palasyo nang
malamang siya’y lumisan sa kanyang hukbo. Nang mabalitaan sa Persya na nailigtas ni Florante
ang Albanya, ay isinisi ito sa kanyang pagkakalisan sa kanyang hukbo, kaya’t hinatulan siyang
papugutan ng ulo ng kanyang sariling ama. Nguni’t isang heneral ang nagdala ng patawad kay
Aladin pero may pasubaling siya’y umalis na sa Persya kung hindi siya susunod sa bagong utos
na ito, buhay niya ang magiging kapalit. Mabigat ang loob na tumupad si Aladin sa
pagpapalisang ipinarusa sa kanya. May anim na taon na siyang naglalagalag sa iba’t-ibang lugar.
Hanggang sa masapit ang gubat na kinasasapitan ni Florante at siya’y iniligtas sa dalawang leon
na sa kanya’y sasagpang. Sa kanilang paglalakad papalabas ng gubat ay may nadinig silang
dalawang tinig ng babaeng nagsasalaysay.

Kabanata 28: Si Flerida (saknong 361-369)


Ang sabi ng isang babae, nang malaman niyang pupugutan ang kanyang
kasintahang nasa bilangguan ay pumayag na siyang pakasal sa sultan kapalit ng paglaya ng
kanyang kasintahan. Pinawalan naman agad ito, subalit nang gabi ding iyon ay nagbalat-kayo
ang babae ng isang gerero at tumakas sa Persya upang hanapin ang minamahal niyang si Aladin.
May ilang taon ding siyang naglilibot hanggang sa sumapit sa gubat at nasaklolohan ang kausap
niyang babae.

Kabanata 29: Ang Sinapit ni Laura (saknong 370-


392)
Anong laking tuwa nina Florante at Aladin nang malamang ang nagsisipag-usap pala ay sina
Laura at Flerida.

Isinalaysay naman ni Laura ang nangyari sa Albanya na samantalang nasa ibang bayan si


Florante – ang pagkakaagaw ni Adolfo sa trono, ang pagpugot sa ulo ng hari at sa mga kabig
nito. Sinabi niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante upang ipahatid ang nangyari sa Albanya
subalit ang natanggap ni Florante ay isang sulat na huwad sa ngalan ng haring ama ni Laura na
mahigpit na nagbibiling umuwi siyang nag-iisa sa Albanya. Dumating naman si Florante
pagkaraan ng isang buwan. Ito ang naging paraan kung paano nadakip si Florante ng mga kawal
ni Adolfo. Ikinulong sa piitan at pagkalipas ng ilang araw ay ipinadala sa gubat at doon ay
ipinagapos. Samantala, humingi ng limang buwang taning si Laura upang isaalang-alang ang
mungkahing pagpapakasal ni Adolfo sa kanya. Sa katunayan ay inaantala lamang ni Laura ang
mga panahon upang makabalik si Florante. Kaya nang wala ng paraan upang mahimok si Laura
ay dinala ito sa gubat upang sana’y pagsamantalahan kundi lamang ito naipagtanggol ni Flerida.
Sa pagkakapana ni Flerida kay Adolfo, naging isa siyang bangkay.

Sa nadinig ni Florante at Aladin na kwento ni Laura at Flerida, nalinawagang hindi nagtaksil si


Laura kay Florante at hindi natuloy ang hanagrin ni Sultan Ali-adab kay Flerida.

Kabanata 30: Masayang Wakas (saknong 393-399)


Habang nag-uusap ang magkakasintahang pinagtagpu-tagpo ng mahiwagang kapalaran, siya
namang pagdating ng hukbo ni Menandro na ang hanap ay si Adolfo. Nangagsigawan sa tuwa
ang hukbo nang makitang buhay si Florante at Laura. Nagsibalik ang lahat sa palasyo. Hindi
nagtagal at nakasal ang dalawa at naging hari at reyna ng Albanya. Samantala, sina Aladin at
Flerida, matapos magpabinyag ay pinag-isang dibdib din at umuwi sa Persya upang doon
mamuno sa sariling bayan dahil sa kumalat na balitang patay na si Sultan Ali-adab. Mula noon
ay natigil na ang pagdirigmaan ng Albanya at Persya. Naging kapuwa matiwasay at maunlad ang
kanilang nasasakupan.

Halaw mula sa:


https://www.kapitbisig.com/philippines/florante- at-laura-ni-francisco-baltazar-a-complete-
modern-tagalog-version-buod-ng-bawat-kabanata_1230.html

You might also like