You are on page 1of 3

Filipino sa Piling Larang

Aralin
3 Replektibong Sanaysay  

May mga pangyayari sa buhay ng tao na nagsisilbing pangmulat ng mga mata upang makita ang reyalidad ng buhay. Mahalagang
magkaroon ng malalim na pagninilay mula sa mga karanasan at pangyayaring iyon. Sa sulating ito masasalamin ang saloobin ng
isang tao.

Alamin

Ang araling ito ay ginawa at isinulat para sa iyo bilang isang mag-aaral. Ito ay makatutulong upang matutuhan ang tungkol sa
panimulang pananaliksik kaugnay sa kahulugan, katangian at kalikasan ng replektibong sanaysay. Ang sakop ng araling ay
magamit sa ano mang kalagayan ng mag-aaral. Ang mga salitang ginamit dito ay angkop sa lebel ng pang-unawa ng mag-aaral na
naaayon sa pamantayan nito.

 
Subukin
Basahin at unawain ang replektibong sanaysay mula sa isang aktibong kabataan sa simbahan. Pagkatapos, mamili ng
isang pagsasanay sa ibaba. Maari mo ring sagutan ang lahat ng tatlong pagsasanay upang mas lalo pang mahasa ang iyong pag-
unawa.
 
Replektibong Sanaysay
Akda ni J.M. Constancio
 
Isang malaking akala ng mga nakararami na ang paglilingkod sa simbahan ay para lamang sa mga may mabubuting
kalooban. Sinasabi ng iba na kapag ikaw ay palaging nasa simbahan, ibigsabihin ay lahat ng maaari mong maging karanasan ay
masaya at walang kalungkutan. Subalit sa katunayan, ang simbahan ay para sa mga makasalanan, sa mga taong nagnanais na
makatagpo ng tunay na kaligtasan sa piling ng Diyos. Bilang kabataan, danas ito ng isang katulad ko na hinamon na ng panahon,
ng pagdududa at sariling mga paniniwala. Ako, bilang isang kabataan na naglilingkod sa simbahan, hindi na mabibilang ang mga
bagay na aking napagtagumapayan at natutunan. Dito ko unti-unting nakikilala ang aking sarili, mga kakayahan na hindi ko
akalain na magagawa ko. Sa akin ding paglagi sa simbahan, masasabi ko rin na dito ko namalas ang kamalayan sa mga bagay-
bagay.

Natutunan ko na ang tunay na tagumpay sa lahat ng bagay ay ang pagdama ng tunay na kasiyahan sa likod ng mga
dinaranas nating pagsubok sa buhay paglilingkod. Hindi natin kailangan na maapektuhan ng ibang mga tao para lamang tumigil
sa ating paglilingkod. Ito naman ang mga bagay na masasabi kong naging pagsubok at pagkabigo sa mga panahon na naririto ako
sa simbahan. Bagaman hindi kaila sa atin na ang katotohanan ng ating buhay hindi lamang puro katagumpayan at kasiyahan.
Nariyan din ang mga bagay na dudurog sa isang kabataan na tulad ko ngunit sa pamamagitan din ng mga pinagdadaanan nating
ito, dito rin tayo mahuhulma sa mas pinalakas na kabataang naglilingkod sa Kanya. Sa kabila ng lahat ng ito, masasabi ko na ang
paglilingkod o ang pagiging miyembro ng mga komunidad na naglilingkod sa simbahan ay hindi nangangahulugan na hindi na
tayo makararanas ng sakit at lungkot. Bagkus, dito pa tayo sinusubok at susubukin lalo na at alam ng Diyos na kaya natin lahat ng
mga pagbabata na ipinaparanas Niya sa atin. Isang bagay na tumanim sa aking puso at isip ay ang paniniwala na lahat ng bagay
na nararanasan natin ay may dahilan. Ito man ay sa ating pang-araw-araw na buhay o sa ating paglilingkod, lahat ito ay may
kabuluhan. Natutunan ko na hindi man natin nakikita kaagad ang kinahihinatnan ng lahat ng ipinagdarasal natin, ang pagkapit sa
Kanya pa rin ang bubuhay sa ating pananampalataya na lahat ng ating panalangin ay bibigyan Niya ng katuparan basta tayo ay
magtitiwala sa Kanya

Pagbabasa A:
Panuto: Umisip ng kanta na nahahawig o umaakma sa tema sa halimbawang sulatin na ibinigay. Ilagay ang pinakaakmang linya
ng kanta at ipaliwanag kung bakit ito ang napili.

Balikan
Pagsasanay A:
Panuto: Pakinggan ang kantang “Kanlungan” ni Noel Cabangon. Maaaring gamitin ang video na ito:
https://www.youtube.com/watch?v=gFDuZ_xs7AE. Sagutin ang mga tanong katanungan sa ibaba.
1. Tulad ng nabanggit sa kanta, “Maibabalik ba ang kahapon?”, mayroon din ba kayong gustong balikan mula sa inyong
nakaraan? Ano ito?
Tuklasin
Kahulugan ng Replektibong Sanaysay
Ang replektibong sanaysay ay pumapaksa sa mga pangkaraniwang isyu, pangyayari, o karanasan na hindi na nangangailangan
pa ng mahabang pag-aaral. May kalayaan ang pagtalakay sa mga puntong nilalaman nito na karaniwan ay mula sa karanasan ng
manunulat o pangyayaring kanyang nasaksihan (Baello, Garcia, Valmonte 1997). Kaiba sa pagsulat ng talambuhay na
tumatalakay sa buhay ng isang tao, ang pagsulat ng replektibong sanaysay ay naglalayong bigyang-katwiran, ipaliwanag, o suriin
ang partikular na salaysay at palutangin ang halaga nito o ang maidudulot nito, depende sa layon ng manunulat, sa buhay ng tao,
at sa lipunan (Arrogante, Golla, Honor-Ballena 2010). Sa puntong ito, maaari nang sabihin na ang tahas na katangian ng
karaniwang sanaysay ay tinataglay rin ng replektibong uri nito dahil ang pagsasalaysay ng subhetibong paksa ay dumadaan sa
masusing pagsusuri upang makita ang kahulugan at kahalagahan sa obhetibong pamamaraan.
 
Ang replektibong sanaysay ay isang anyo ng sulating pasalaysay na hindi Iamang nakatuon sa husay ng paggamit ng estilo sa
pagsulat bagkus ay sa pagsusuri ng salaysay na inilatag ng manunulat para sa mambabasa. Maaaring sabihing isa itong
akademikong paraan ng pagbuo ng bagong kaalaman patungkol sa pagkatao, lipunan, at mga isyu o paksa sa pagitan. Ito ay sa
kadahilanang inaasahan na ang mambabasa ay nagsusuri din at humuhusga sa halaga, bigat, at katotohanan ng paksang
inilalatag ng manunulat sa piyesa.
Taliwas sa sinasabi ng karamihan, hindi madali ang pagsulat ng replektibong sanaysay o ang mismong replektibong pagsulat.
Bilang manunulat at indibidwal, may mga pagkakataong nais mo na lamang itago sa iyong kalooban ang ilang mga personal na
salaysay at hindi na paabutin ang mga ito sa iyong panulat (University of Reading). Sa mga ganitong pagkakataon, kinakailangan
ang tibay ng kalooban, maging matalino sa pagpili ng mga salita, at piliing maging obhetibo sa pagsasalaysay.
Ang replektibong sanaysay ay isang akademikong sulatin na nagsasalaysay ng mga personal na karanasan at sinusuri ang naging
epekto ng mga karanasang iyon sa manunulat. Maaaring lamanin nito ang kalakasan ng manunulat at maging ang kanyang mga
kahinaan. Isinasalaysay at inilalarawan din ng manunulat kung paano napaunlad ang kanyang mga kalakasan at kung paano niya
naman napagtagumpayan o balak pagtagumpayan ang kanyang mga kahinaan.
Layunin ng Replektibong Sanaysay
Nais iparating ng replektibong sanaysayn ang pansariling karanasan at natuklasan sa pananaliksik. Naglalayon din ito na
maipabatid ang mga nakalap na mga impormasyon at mailahad ang mga pilosopiya at karanasan ukol dito at kung maaari ay
ilalagay ang mga batayan o talasanggunian.
Katangian ng Replektibong Sanaysay
Isang replektib na karanasang personal sa buhay o sa mga binasa at napanood.
Sa pagbubuod, ano ang kahulugan ng replektibong sanaysay?
Paaano makakatulong ang repleksiyon o pagninilay sa pagn-araw araw nating pamumuhay?
 Pagyamanin

  Pagsasanay

A:Panuto: Humingi ng tulong sa pagbasa ng mga sumusunod na pahayag. Isulat ang TAMA kung tama ang mga ito at MALI
naman kung hindi.
1. Masasalamin dito ang mga sinasabi ng iyong puso at isipan.
2. Kinakailangan ng matibay na ebidensya sa pagsulat ng replektibong sanaysay.
3. Isinasalaysay ng manunulat ang naging kalakasan at katagumapayan ng isang karanasan.
4. Katulad ng pagsulat ng talambuhay ang isang replektibong sanaysay.
5. Naglalaman ito ng natutunan mula sa karanasan. 
Pagsasanay B:
Panuto: Gumuhit ng isang maaaring maging simbolo ng replektibong sanaysay. Ipaliwanag ang iyong sagot.
 Isaisip
TANDAAN: Sa isang replektibong sanaysay nakapaloob ang tatlong pundamental na bahagi ng tao; isip, puso at kamay at paa.
Nag-uusap ang puso at isip upang makabuo ng kaisipan at realisasyon patungkol sa isang karanasan. Ang paa at mga kamay
naman ay sumusimbolo ng pagkilos. Sa mga realisasyon mo sa iyong karanasan, ano ang magiging aksyon mo dito? Sa gayo’y
makabubuo ka ng radikal na replektibong sanaysay.

 Tayahin
Sa panibagong replektibong sanaysay na ito, sukatin natin ang iyong kaalaman tungkol sa paunang pananaliksik sa kahulugan,
kalikasan at katangian ng halimbawa sa ibaba. Basahin ang sanaysay at pumili ng isang pagsasanay na iyong sasagutan na
naaayon sa iyong kakayahan.
Panahon ng Pandemya
Akda ni A. Baybayon
 
Pagpasok pa lamang ng taong 2020 ay naging sunod-sunod ang mga kalamidad at trahedyang naranasan ng mga tao
hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Sunod-sunod ang mga pagyanig ng lupa, pagsabog ng bulkan, mga malalakas na
bagyo, pagkasunog ng mga kagubatan, pagkatuyot ng mga lupa at unti-unting pagkaubos ng inuming tubig. Dahil din sa sobrang
bilis na pag-unlad ng siyensiya at teknolohiya ay naging sobra rin ang naidulot nitong pagkasira sa ating mundo. Napakabilis ng
panahon. Naging abala ang lahat. May kaniya-kaniyang inaasikaso ang lahat, mapabata man o matanda. Wala na halos panahon
para sa pamamahinga. Sa sobrang bilis ay hindi na napapansin si Inang Kalikasan na unti-unti ng nalulugmok at hirap na hirap ng
huminga dahil sa polusyon sa mundo na naiipon sa dagat, sa mga lansangan, lupain, kabukiran at maging sa kalawakan. Hindi pa
rin naghihilom ang sugat na ating idinulot sa kaniya sapagkat nakatuon lamang tayo sa ating mga sarili. Hanggang sa dumating
ang isang pandemiya na tinawag na NCov o novel corona virus. Bagong tuklas na sakit. Kaya wala pang pangalan hanggang sa
hindi kalaunan ito ay tinawag na CoViD19 o Corona Virus Disease 2019. Ito ay isang bagong sakit na kapamilya ng mga corona
virus na naapektuhan ang respiratory system ng isang natamaan ng sakit na ito. Nahihirapang huminga ang maysakit katulad din
ng ating mundo. Tinatawag itong pandemiya sapagkat buong mundo ang apektado, mayaman at mahirap na bansa ay hindi
pinalampas. Lahat ay nagulat at hindi nakapaghanda. Bagama’t may ilan na nakabawi agad sa pagkagulat na ito at unti-unting
nalabanan ang sakit na ito. Sa mabilis na pagkalat ng sakit ay nagpatupad ang mga gobyerno ng bawat bansang apektado ng
malawakang lockdowns kung saaan nilimitahan ang pagkilos ng mga tao. Nilimitahan o hindi kaya ay itinigil ang lahat ng uri ng
transportasyon: sa dagat, sa lupa at sa himpapawid. Nagsara ang mga negosyo, mga mall, mga bahay-dalanginan at mga
pamilihan. Itinigil ang mga malawakang pagtitipon katulad ng pagpasok sa eskwelahan ng mga estudyante at ng mga
relihiyosong pagsamba. Sa isang iglap, tila naging mabagal ang lahat. Ang buong mundo ay unti-unting nabawasan ang liwanag
dala ng mga artipisyal na ilaw. Natahimik halos ang buong mundo. Tila baga napakamalas ng 2020, ang sabi ng ilan. Nasira ang
maraming plano. Naapektuhan ang maraming kabuhayan. Nawalan ng trababo ang marami. Naabutan ng lockdown ang marami
at hindi nakauwi sa pamilya. Ngunit ang masakit, marami ang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa sakit na ito.
 
 Natanong tuloy ng marami, “Nasaan ang Diyos sa mga panahong ito? Pinarurusahan ba niya tayo? Kailan ba matatapos
lahat ng ito?” kung dati sinasabi na “Always be positive” sa panahon ngayon ay tila ito ay isang masamang biro. Marami sa atin
ang higit na tinitingnan ang madilim na bahagi ng mga pangyayaring ito at hindi natin napapansin ang mas maliwanag na bahagi.
Sabi nga, “Everyday may not be good, but always find the good in every day.” Kung paanong sinisira ng virus ang baga ng isang
taong positibo sa sakit at tila hinihigop nito ang hanging nagbibigay buhay sa kaniya, ang malawakang lockdown naman ay tila
nagbigay ng bagong buhay at hininga kay Inang Kalikasan. Dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga pabrika at mga makinang
naglalabas ng maruming usok, nabawasan ang polusyon sa hangin. Naging mas asul at maaliwalas ang kalangitan. Dahil sa
pansamatalang pagkatigil ng mga travel destination, kapansin-pansin din ang paglinis ng mga ilog at karagatan maging ng mga
kanal. Dahil sa iilang sasakyan na bumibiyahe, nabawasan ang noise pollution at kapansin-pansin na malinaw na gigisingin tayo
ng masayang awitan ng mga ibon, ng mga huni ng kuliglig, tilaok ng manok, at tahol ng mga aso. Dahil sa ating pagkatigil sa ating
mga tahanan, hindi lamang tayo ang nakapagpapahinga kasama ng ating mga pamilya kundi maging si Inang Kalikasan. Dahil
tahimik ang lahat, nagkaroon ng pagkakataon ang mundo na makapagpahinga, na mapaghilom ang mga sugat na dulot ng
kapabayaan at pang-aabuso ng mga tao at gayundin ay ang pagkakataon upang sumibol ang mga bagong buhay sa kalikasan.
Dahil sa lockdown, natutong magtanim kahit paano ang mga tao ng mga halamang namumulaklak o kaya naman ay mga gulay at
prutas na maaring kainin. Natutong magrecycle ang marami na makatutulong upang mapigilan ang pagkasira ng mundo. Dahil sa
CoVid19, nabigyan tayo ng pagkakataon na magdahan-dahan at mapansin ang mga bagay na dati’y hindi natin binibigyang
halaga. Nabigyan tayo ng mahabang pahinga at pagkakataong makasama ang ating mga pamilya. Bagama’t ipinatutupad ang
social o physical distancing sa pampublikong lugar, naging dahilan naman ito upang maging mas malapit tayo sa ating pamilya.
Dahil sa pandemyang ito, nakita ang pagtutulungan at pagmamalasakit sa bawat isa lalo na sa mga nangangailangan. Bagama’t
hindi natin pansin, ngunit ang ating mga ginagawa sa panahong ito ay may magandang epekto sa ating mundo.
Masasabi nating nagsara ang mga paaralan ngunit ito ay oportunidad upang ang tahanan ay maging tunay na unang
paaralan. Maaaring nagsara ang mga bahay-dalanginan ngunit ito dahil dito ang ating mga tahanan ay naging isang munting
simbahan. At napagtanto nating ang Diyos ay hindi lamang sa simbahan matatagpuan kundi kahit saan at sa ating mga
panalangin sa panahong ito tayo ay nakakonekta sa bawat isang tao sa buong undo na nagdarasal. Katulad ng kung paanong
tayo ay nakakonekta kay Inang Kalikasan. Maaring dasal ng marami sa atin ay mahinto na ang lahat ng ito at masugpo na ang
pandemya. Ngunit ito ay hindi madali katulad ng ang paghilom ng ating mundo ay nangangailangan ng mahabang panahon.
Ngunit habang hindi pa ito nangyayari, tayo ay tinatawagan na mamuhay sa tinatwag na “new normal” katulad ng pagsusuot ng
face masks tuwing lalabas ng bahay, ugaliin ang paghuhugas ng kamay, panatalihin ang social distancing, online education at
marami pang iba. Bagama’t marami ang namatay na dahil sa CoVid19, huwag nating kalimutan na marami rin ang gumaling sa
kanila. Kung paanong ang mag maysakit na ito ay gumaling dahil sa pagmamalasakit sa kanila ng mga medical frontliner at
pagkakaroon ng sapat na pahinga, umasa tayong ang ating mundo’y makababawi rin sa tunay niyang ganda at ng sa gayon tayo
ay makapamuhay pa ng masaya. Tandaan natin na ang pangyayaring ito ay hindi parusa ng Diyos kundi resulta ng ating mga
kapabayaan. Ngunit sa kabila ng lahat, umasa tayong may plano ang Diyos at hindi Niya tayo pababayaan. May dahilan ang lahat
ng ito. Magtiwala tayo sa Kaniya. Sabi sa Bibliya, “At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala ng
kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang mga dating bagay…Pagmasdan ninyo, binabago ko na
ang lahat ng bagay” (Aklat ng Pahayag 21: 4-5)

Pagsasanay A:
Panuto: Sumulat ng maikling repleksiyon tungkol sa SUMISIBOL NA HALAMAN. Maaaring iugnay rin ito sa
sanaysay na ibinigay kanina.

You might also like