You are on page 1of 7

Huwag mo akong lilimutin

Isang kilalang pamilya na naninirahan sa mataas na kabundukan ng Yama ang kilala sa


paglilingkod sa emperador sa loob ng 300 taon. Sila ang pamilyang Legarda, kilala sa kanilang
kahusayan sa pagpapanday. Ang pinuno ng pamilyang ito at maharlikang pamilya ay may
malalim na samahan na dumaan na sa maraming henerasyon. Iniaalay ng pamilya Legarda
ang kagalingan nila sa pagpapanday para sa kabutihan ng kanilang bansa at ng maharlikang
pamilya. Ang pinuno ng pamilya ay Manolo Legarda, ang ika-12 henerasyon ng lider. Siya ay
may anak na babae na nagngangalang Mayumi Legarda, ang prinsesa ng kasalukuyang
henerasyon.

Ayon sa isang mahiwagang kwento na naganap sa panahon ng tag-lamig, may isang lagusan
na nagbubukas ng landas papunta sa Kaharian ng mga Diwata at lupa sa ilalim ng
kabundukan ng Yama. Kapag ikaw raw ay mapalad, mapupunta ka sa lugar kung saan
naninirahan ang mga duwende at diwata. Napapaligiran ng makukulay na bulaklak ng
myosotis ang nasabing lugar dahil ito ang kanilang proteksiyon sa nakatatakot na
kapangyarihan ng hari. May kapangyarihan siyang alisin ang alaala ng sinomang may limang
talampakan ang lapit. Sinasabi rin na walang may gustong lumapit sa hari dahil sa takot na
mawala ang kanilang mga alaala.

Nababalutan ng niyebe ang kabundukan ng Yama ngayong panahon ng tag-lamig. Walang


may gustong lumabas ng kanilang mga tahanan sa takot na baka mabalutan ng niyebe at
mamatay sa lamig. Ikinulong nila ang kanilang mga sarili at pinagmamasdan ang pagbagsak
ng niyebe sa kalangitan sa kani-kanilang mga bintana. Iniisip ni Mayumi kung kailan
matatapos ang tag-lamig upang makalabas sa kaniyang kwarto. Siya ang prinsesa sa
kasalukuyang henerasyon at magiging sunod na pinuno ng kaniyang pamilya. Nanatili siya sa
pag-aalaga ng kaniyang ama nang iwanan siya ng kaniyang ina labingwalong taon na ang
nakalilipas. Siya ay may mala-porselanang kutis at mapupulang pisngi, siya rin ang kilala na
pinakamagandang dilag sa kanilang lugar.

Tinitigan niya ang kaniyang porselas nang may paghihinagpis at inalala ang mga masasayang
alaala na kasama niya pa ang kaniyang ina. Ang nagsabi sa kaniya ng mahiwagang kwento
tungkol sa Kaharian ng mga Diwata ay walang iba kundi ang kaniyang ina. Bata pa lang ay nais
na ni Mayumi na pumunta sa kabundukan at hanapin ang nasabing lagusan upang makilala
ang hari ng mga duwende at diwata.

“Kapag dumating ang araw na matagpuan ko ang hari, nais kong ipabatid sa kaniya ang
kagustuhan kong manatili sa kaniyang tabi. Matapos kong mapakinggan ang kuwento, hindi
ko napigilang maging malungkot sapagkat alam ko na mag-isa lamang ngayon ang hari.
Walang may gustong lumapit, walang may gustong kumausap ni isa. Hindi ba’t nakalulungkot
iyon, ina? Gusto ko maging unang nilalang na mananatili sa kaniyang tabi!”
Napahinto si Mayumi sa pag-alala at biglaang ninais na pumunta sa kabundukan.
Pinagpaplanuhan niyang bagtasin ang malakas na pagbagsak ng niyebe at maglakbay tungo
sa kabundukan ng Yama at hanapin ang mahiwagang lagusan.

Dahan-dahan siyang lumabas sa malaking binata ng kaniyang kwarto na walang ibang dala
maging sapin sa paa at tumakbo nang mabilis hanggang sa kaniyang makakaya.

At sa paglingon niya, siya’y nakalampas na sa nasasakupang lugar ng kanilang pamilya.


Ipinagpatuloy niya ang paglalakbay tungo sa mahiwagang lagusan papuntang Kaharian ng
mga Diwata kahit walang kasiguraduhan na siya’y may patutunguhan.

Namamayani ang malakas na ugong ng mga lobo ngunit hindi nito napatinag ang kagustuhan
ni Mayumi na mahanap ang mahiwagang lagusan. Sa kaniyang paglalakbay ay natagpuan
siyang luma at abandonadong bahay na maaari niyang tuluyan pansamantala. Nagsindi siya
ng kandila at walang takot na nilibot ang bahay. Sa kaniyang paglilibot ay aksidente niyang
natamaan ang isang lamesa. May narinig siyang bagay na nahulog matapos niyang
matamaan ito at dali-dali niyang tinignan kung ano ito. Isang libro ang kaniyang natagpuan.
Masayang binasa ni Mayumi ang nilalaman ng libro, siya’y mapalad sapagkat ito ay ang
kumpleto at detalyadong kopya na tungkol sa Kaharian ng mga Diwata.

“Kung ikaw ay maglalakbay sa kailaliman ng gabi sa tag-lamig,

Gagabayan ka ng mga nakamamanghang asul na myosotis.

Sundan ito at iyong malalaman,

Lagusan papuntang Kaharian ng mga Diwata ay iyo ng nasa harapan.”

Hindi mapigilan ni Mayumi na mapatalon sa tuwa. Dali-dali siyang umalis sa abandonadong


bahay at nagsimulang maghanap ng palatandaan ng mga asul na myosotis.

Limang oras na ang nakalilipas ngunit hindi niya pa rin alam kung may patutunguhan pa ba
ang kaniyang paglalakbay. Nasa kalagitnaan na siya ng pagsuko sa kaniyang nais nang biglang
magpakita ang asul na myosotis sa kaniyang mga mata. Dahan-dahan siyang naglakad at
sinundan ang mga ito sa pag-asang ito ang magtuturo sa kaniya sa mahiwagang lagusan.
Nang maabutan niya ang huling bulaklak, tumumbad sa kaniyang harapan ang isang lumang
pinto. Huminga siya nang malalim at nag-iwan ng matamis na ngiti bago buksan ang nasabing
pinto.

Sa pagbukas niya ng pinto, dali-dali siyang nahulog sa kailaliman ng bundok. Hindi niya
alintana ang mga sugat na natamo sa pagkahulog sapagkat nasasabik na siyang makilala ang
hari. Namangha siya sa kagandahang taglay ng kaharian. Naglalakihang mga puno,
makukulay na bulalak ng myosotis, at naggagandahang mga paru-paro ang kaniyang
nasaksihan. May nakita siyang asul na harang na naghihiwalay sa dalawang panig ng
kaharian. Makikitang naiiba ang kulay ng mga myosotis sa likod ng harang kumpara
sa kaniyang mga nasaksihan nang siya ay mahulog.
“Bakit ka naparito, taga-lupa?” May isang diwata ang nagpakita sa kaniya,
“Naparito ako upang makita ang hari. Siya ba’y naninirahan sa loob ng harang?”
“Ipinagbabawal kaming mga diwata at duwende na pumasok. Ikaw din na isang
taga-lupa ay hindi maaaring makapasok. Bumalik ka na sa mundo niyo. Hindi mo
nanaising masaksihan ang kapangyarihan ng hari!” Pagbabanta ng diwata.
“Totoo ba?” Walang pag-aalinlangang sagot ng dalaga.

Ngumiti siya sa sabay takbo nang napakabilis at tumawid sa kabilang bahagi, iniwan
niya ang galit na galit na diwata. Bago pumasok ay kaniyang inasar muna ang diwata.
Nang makita niyang hindi niya na matanaw ang kinaroroonan ng diwata, nagsimula
siyang maglakad nang mahinahon at naglibot-libot. Napansin niyang walang ibang
nilalang na may buhay ang naninirahan dito maliban sa hari at naiibang kulay ng
myosotis. Nang biglang may dumating na ahas at umakmang aatakihin siya.
“Aya, halika rito!” Isang boses lalaki ang namayani sa kaharian ng hari.
Namutla sa takot ang dalaga nang makita niyang muntik na makagat ng ahas ang
kaniyang paa.
“Ano ang iyong pangalan at bakit ka naparito, taga-lupa?” Hindi nakapagsalita nang
maayos dahil sa malamig at nakapangingilabot na tono.
“Ako si Mayumi Tamaki at naparito ako upang makita ang hari.” Nanginginig niyang
sinagot ang tanong ng binata.
“Naparito ka upang makita ako? Sa anong dahilan?” Mas lalong namangha ang
dalaga nang malaman niyang ang matagal niya ng hinahanap ay sa wakas kaniya ng
nasisilayan. Kaniyang pinagmasdan mula ulo hanggang paa ang binata. Inaasahan
niyang isang matandang lalaki ang hari na kaniyang madadatnan.
“Nalaman ko ang kalagayan mo dito sa Kaharian ng mga Diwata sa aking ina noong
bata pa lang ako. Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito upang maipabatid
sa’yo ang nararamdaman ko. Nais ko sanang maging unang kaibigan mo, mahal na
hari! Ipinapangako kong kailanman ay hindi na ako aalis sa’yong tabi. Tanggapin mo
ang aking hiling at pahintulutan mo akong manirahan na kasama ka. Maniwala ka,
alam ko ang pakiramdam ng nag-iisa.” Napaluha sa sobrang tuwa si Mayumi dahil sa
wakas ay nasambit niya na ang matagal na niyang kinikimkim na mga salita.
“Iniwan ako ng aking ina nang walang paalam sa aking ama at sa akin ngayon
ibinabaling ng aking ama ang galit niya kay ina. Ipakakasal niya rin ako sa isang
lalaking hindi ko naman lubos na kilala. Wala na akong dahilan para bumalik pa.”
Pagpapaliwanag ng dalaga.
Napansin ng hari ang suot na polseras ng dalaga. Malakas ang kaniyang kutob na ito
ang matagal nang nawawalang porselas na gawa ng kaniyang ina. Dahan-dahan
niyang nilapitan si Mayumi upang ikumpirma kung ito nga ba ang nawawalang
porselas o hindi. Ikinagulat ng dalaga ang paglapit ng hari sa kaniya kung kaya’t
naipinta niya sa kaniyang mukha ang takot na mawala ang kaniyang mga alaala.
“Saan mo nakuha ang porselas na iyong suot? Bakit sa aki’y ikaw ay lumalayo? Hindi
ba’t naparito ka upang manatili sa piling ko? Handa ka dapat na malimutan ang iyong
mga alaala kapalit ng pananatili mo sa tabi ko.” Nagalit ang hari nang makita niyang
natakot ang dalaga sa kaniyang kapangyarihan.
“Hindi lang sila mga alaala! Lahat ng mga alaala ay mahalaga. Napagpasyahan kong
dalhin ang lahat ng aking mga alaala, maging masaya o malungkot man na mga alaala
na nais kong malimutan. Naniniwala ako na kapag kinaya kong tanggapin ang mga
ito…Isang araw…”
“Bakit ka nga naparito kung takot ka namang mawala ang mga alaalang
pinakaiingat-ingatan mo?” Napagtaasan na ng boses ng hari ang dalaga,
“Dahil ayaw ko ng maramdaman mo na nag-iisa ka. Gusto kong manatili kahit limang
talampakan ang aking layo mula sa’yo. Hangga’t nasisilayan kita, hangga’t naririnig ko
ang malamig mong tinig, ayun ang sa aki’y pinakamahalaga. Ayaw kong maranasan
pa ng iba ang pag-iisa.”
Gulat na gulat ang hari sa mga sinambit na salita ng dalaga. At sa mga oras din na
iyon niya naramdamang hindi na siya nag-iisa.
“Naniniwala ako na isang araw ay hindi na ako mabibigo kung dalawin man nila ako
sa aking panaginip, kung yakapin man nila ako sa gabing malamig. Kaya ko na silang
buong tapang na harapin at tanggapin.”

Nagguhit ng matamis na ngiti ang hari sa kaniyang labi. Ito ang unang beses na masaksihan
ng dalaga ang nakapanlalambot na ngiti ng hari. Lumapit ang binata at mahigpit na niyakap si
Mayumi.

“Ako si Makisig. Ikinagagalak kitang makilala, Mayumi.”

“M-Makisig?” Nawalan ng malay ang dalaga sa pag-aalala na mawala ang kaniyang mga
alaala.

“Narinig mo ba ‘yon, Aya? Natagpuan ko na siya.” Tumango ang kaibigang ahas ni Makisig sa
pag-tugon.

Nang magising si Mayumi ay ikinuwento ng binata kung bakit hindi nawala ang kaniyang mga
alaala kahit pa sila ay magkalapit sa isa’t isa. “Tatlong daang taon na ang nakararaan, ang
aking ina ang dating reyna ng mga diwata. Mahilig siyang pumunta sa mundo ng mga
taga-lupa upang pagmasdan ang mga tala sa langit ang paglubog ng araw. Sa kaniyang
pag-uwi ay may nakilala siyang isang lalaki na gumagawa at nagbebenta ng mga alahas. Kahit
limang talampakan ang layo nila sa isa’t isa ay hindi nagtaka ang lalaki. Pagkadating na
pagkadating ni ina galing sa mundo ng mga taga-lupa ay naisipan niyang gumawa ng polseras
na magiging proteksiyon ng alaala ng may suot at inilalayo rin ito sa kapahamakan. Ibinigay
niya ito sa lalaki at magmula no’n ay parati na silang magkasama sa lupa. Ang nasabing lalaki
na ito ay walang iba kundi ang aking ama. Sila’y nahulog sa isa’t isa, masayang ikinasal,
ngunit bago ang kanilang kasal ay umamin ang aking ina sa kapangyarihan na mayroon siya.
Sa kabila ng lahat, malugod pa ring tinanggap ng aking ama si ina at sila’y ikinasal dito sa
Kaharian ng mga Diwata. Sa ikalawang buwan na kanilang pagiging mag-asawa, bigla na
lamang hindi umuwi ang aking ama sa kaharian. Nagkataon ding nagdadalang-tao na si ina sa
akin at hinintay niya na lamang na umuwi ang aking ama upang sabihin niya ang magandang
balita. Hinintay niya ang aking ama sa loob ng 6 na buwan, ngunit napagdesisyunan na rin ni
ina na surpresahin ang aking ama at kaniya itong sinundan sa lupa. Sa kasawiang palad,
nakita niya ang aking ama na nakasuot ng damit pang-kasal. Sa matinding galit na
naramdaman niya, ang lahat ng mga alaala ng mga taong nasa seremonya ay kaniyang
binura. Kahit ang alaala ng aking ama ay kaniya ring inalis, “Patawarin mo ako” ang huling
sambit ng aking ama. Hindi na kinuha pa ng aking ina ang ginawa niyang porselas kay ama.
Matapos ang masakit na pangyayaring iyon sa lupa, isinilang ako at ako ang kauna-unahang
kalahating tao at kalahating diwata. Siya’y binawian ng buhay pagkatapos niya akong isilang.
Ang sabi ng Matandang Diwata, kapag ginamit raw namin nang husto ang kapangyarihan
namin, ito ay magdudulot ng kamatayan. Sampung taong gulang ako nang magkaroon ako ng
kapangyarihan na katulad ng sa aking ina. Ipinagbawal ko ang kahit na sino na lumapit sa akin
kung pinahahalagahan nila ang mga alaala nila. Iniwan nila sa akin si Aya nang sa gayon ay
hindi ako tuluyang mapag-isa. Noong dalawampung taon gulang naman ako tumigil sa
pagtanda, isang katangian na tanging mga diwata lang ang nagtataglay.”

Hindi naiwasang maging malungkot ng dalaga sa kaniyang nalaman. Napatingin siya sa


porselas na kaniyang suot at inalalang muli ang kaniyang ina.

“Paano naman napunta sa’yo ang porselas?” Hindi na naiwasan ng binata na magtanong
tungkol sa porselas.

“Bigay ito ng aking ina noong ako ay bata pa. Kuwento niya, ang porselas na ito ay ipinapasa
sa susunod magiging pinuno upang proteksiyon sa kapahamakan. Noong panahon ng unang
pinuno ng aming pamilya, mayroon daw isang lalaki na may malaking utang sa kaniya. Bilang
kabayaran sa lahat ng kaniyang utang, ibinigay ng lalaki ang kaniyang porselas na sinasabing
nagprotekta raw sa kaniya sa maraming kapahamakan. Hindi nga lang daw maalala ng lalaki
kung saan niya nabili o nahanap ang porselas kaya’t nag-iisa lamang ito. Magmula noon, ang
lahat ng nagmamay-ari ng porselas na ito ay namamatay lamang sa katandaan. Bilang sunod
na pinuno ng aming pamilya, ipinamana ito sa akin ni ina. At ngayon, wala na akong ibang
naaalala sa tuwing tinitignan ko ang porselas kundi ang matamis na ngiti ng aking ina habang
isinusuot niya sa akin ang porselas.” Magmula no’n ay nanatili si Mayumi sa Kaharian ng mga
Diwata. Masaya nilang nilibot ang kaharian nang magkasama at bumuo ng mga masasayang
alaala.

Apat na buwan na ang nakalilipas magmula noong unang pagpunta ni Mayumi sa Kaharian
ng mga Diwata. Napagdesisyunan niyang bumalik sa kaniyang tahanan sa lupa upang kunin
sana ang libro na naglalaman ng mga litrato nila ng kaniyang ina. Walang pag-aalilangang
pumayag si Makisig dahil naniniwala siyang babalik ang dalaga. Pagkadating ng dalaga sa
kaniyang tahanan ay walang awa siyang pinagsasasaktan ng kaniyang ama. Sa kalagitnaan ng
pananakit sa dalaga ay napigtal ang porselas na nagpoprotekta sa kaniya. Pinagbawalan itong
lumabas ng kanilang tahanan sapagkat nakatakda siyang ipakasal sa anak ng pinuno ng
maharlikang pamilya sa susunod na linggo. Kahit nagugulumihanan, pinilit pa rin ng dalaga
na tumakas at magtungo sa lugar ng kaniyang sinisinta.
Gulat na gulat ang binata nang makita sa malayuan ang kaawa-awang dalaga. Walang
humpay na paghingi ng tawad ang namutawi sa labi ng dalaga. Kahit ano pang sabihin ng
binata ay walang tigil na umiiyak lamang ang dalaga.

Kung hindi lang sana kami nagkakilala. Walang ibang naiisip na paraan si Makisig kundi
palayain na lamang si Mayumi sa sakit na nararamdaman niya.

“Patawad, dahil wala akong nagawa. Patawad, Makisig.” Walang tigil ang pagpatak ng mga
luha ng binata at walang pag-aalinlangan niyang niyakap ang dalaga.

Hindi inaasahan ng binata na sa kaniyang mga kamay mawawala ang mga


pinakainiingat-ingatan niyang mga alaala. Bago alisin ng binata ang mga alaala, kaniya
munang ipinakita ang buhay na kaniyang pinapangarap kasama ang dalaga. Ngumiti si
Mayumi at sinabing ito rin daw ang buhay na pinangarap niya para sa kanilang dalawa ni
Makisig.

“Patawarin mo ako’t hindi ko na kaya pang tuparin ang pangako kong manatili sa’yong tabi.”
Nawalan ng malay ang dalaga matapos niyang sambitin ang huli niyang mga salita para sa
binata.

“Ako ang marapat na humingi sa’yo ng tawad, Mayumi. Patawad dahil nabigo akong
protektahan ka. Huwag ka ng mag-alala, maayos na ang lahat. Hindi mo na kailangan pang
manatili sa aking tabi dahil pinalalaya na kita.” Ang sambit ng binata sa walang malay na
katawan ng dalaga.

“Inalis mo ba ang lahat ng kaniyang mga alaala?” Pagtatanong ng Matandang Diwata sa


binata,

“Hindi. Mga alaala lamang namin na magkasama ang aking binura. Ginamit ko ang
ipinagbabawal na kapangyarihan na iyong sinabi.” Ang ipinagbabawal na kapangyarihan ang
nagbigay sa kaniya ng pagkakataon na ipakita kay Mayumi ang pinapangarap niyang buhay
para sa kanilang dalawa. Ngunit dalawang araw matapos gamitin ang kapangyarihan na ito,
mamatay din ito pagkatapos.

“Alagaan mo po ang kaharian para sa akin.”

“Makaaasa ka.” Pilit na ngumiti ang Matandang Diwata sa binata.

Ang Kaharian ng mga Diwata ay nagdalamhati sa pagpanaw ng kanilang hari.

Pagmulat ng mga mata ni Mayumi, hindi niya maalala ang dahilan kung paano siya napadpad
sa labas ng kaniyang tahanan. Dali-dali siyang umuwi pabalik at habang naglalakad ay may
nakapa siyang papel sa kaniyang bulsa. Agad-agad niyang binuksan ang isang liham at
tumumbad sa kaniya ang isang bulaklak na ngayon niya pa lang nakita sa buong buhay niya.

Ito ang nakapaloob sa liham:


“Mayumi,

Alam kong sa pagkakataon na mabasa mo itong aking liham ay wala ka ng naalala. Gusto ko
lamang magpasalamat sa maikling panahon na pananatili mo sa aking tabi at sa pagbuo ng
mga mumunting alaala. Alam kong magiging makasarili ako kung hihilingin kong ikaw ay
manatili. Pangakong babaunin ko hanggang sa kabilang buhay ang mga ngiti mong
nagbigay pag-asa sa akin. Kung mayroon man akong pinagsisisihan, marahil ito ay ang hindi
ko pagsambit sa’yo nang harap-harapan na minamahal kita.

Minahal kita.

Mahal kita.

Minamahal kita.

Pinakamamahal kita.

Hindi man ako maalala ng iyong isip,

Ngunit ang puso’t kaluluwa mo’y hindi ako kayang limutin.

Naaalala ng puso ang anomang alaala na nalimutan ng isip.

Kaya sinta, huwag mo akong lilimutin.”

Ang pangalang nakasulat sa liham ay para bang sinadyang babuyin. Naramdaman ni Mayumi
na para bang may yumayakap sa kaniya habang siya’y nakatalikod. Hindi niya mapigilan ang
pagbuhos ng kaniyang mga luha ngunit hindi niya rin mapagtanto kung bakit. Para bang may
binabaon na punyal sa kaniyang dibdib, hindi niya mapigilang mapapikit sa sakit.
Pinagmasdan niya nang may pagmamahal ang asul na bulaklak ng myosotis at hinalikan ng
walang pag-aalinlangan.

“Wala akong maalala.” Ang tanging mga salitang namutawi sa kaniyang labi.

You might also like