You are on page 1of 11

Republic of the Philippines

LAGUNA STATE POLYTECHNIC UNIVERSITY


Lopez Satellite Campus
Hondagua Lopez, Quezon

BANGHAY ARALIN SA ARALING PANLIPUNAN V

I. LAYUNIN
Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
A. Matutukoy ang pagbabagong pangkultura ng mga Pilipino sa ilalim ng
kolonyalismong Espanyol,
B. Maipaghahambing ang antas ng mga Pilipino sa sinaunang panahon at sa panahon
ng kolonyalismo, at
C. Makagagawa ng pangkatang gawain
II. PAKSANG ARALIN
A. Paksa: Pagbabagong Pangkultura sa Ilalim ng Kolonyalismong Espanyol
B. Sanggunian: Araling Panlipunan: Pilipinas Bilang Isang Bansa, Batayang Aklat
sa Ikalimang baitang, pahina 192-198
C. Kagamitan: laptop at mga larawan
III. PAMAMARAAN
A. Panimulang Gawain
1. Panalangin
2. Pagbati
3. Pagtitsek ng dumalo sa klase
4. Balik Aral
Ilagay sa limang guhit na nasa labas ng bilog ang mga institusyon sa pananalapi na
itinatag sa Pilipinas sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol.

_______________________________________________

_________________________________________

PAGTATATAG
_______________________________________
NG MGA
BANGKO

_________________________________________

___________________________________________________
B. PANLINANG NA GAWAIN

1. Pagganyak
Ang mga mag-aaral ay hahatiin sa limang grupo at papahanayin ng guro ang
bawat grupo. Magbibigay ang guro ng Jumbled Letters sa batang nasa huling pila.
Bubuuin ng nasa pinakang likod ang salita at ipapasa sa kagrupo ang salitang nabuo
hanggang mapunta sa unahan. Isusulat ng nasa unahan ang salitang kanyang nakalap sa
pisara, kailangang tama ang salitang kanyang maisusulat, ang mauunang grupo ay siyang
panalo.
Group 1 - Espanyol
Group 2 - Filipino
Group 3 - Kolonyalismo
Group 4 - Pilipinas
Group 5 - Kultura

2. Gawain
Magsasama-sama ang dating limang magkakagrupo at gagawa ng talahanayan
kung saan isusulat nila ang mga katangian ng bawat aspektong nasa ibaba ang nais mong
taglayin nila.
1. Antas sa Lipunan 4. Pananamit
2. Edukasyon 5. Pananamit
3. Relihiyon

3. Pagsusuri

1. Ano ang napansin niyo sa ating ginawang aktibidad?


2. Batay sa inyong ginawa, ano ang mabuting maidudulot ng mga katangiang
iyong inilarawan sa mga taong naninirahan dito?
3. Anong uri ng mga mamamayan ang nais mong manirahan sa pamayanan
batay sa iyong ginawang talahanayan?

4. Talakayan

Isa sa mga patakarang panlipunan na ipinatupad ng mga Espanyol sa Pilipinas ay ang reduccion
kung saan ang mga Filipinong naninirahan sa malalayo at liblib na lugar ay sapilitang inilipat sa
mga nayon at bayan tulad ng nasa larawan.

Makikita sa itaas ang larawan ng pamayanan ng mga Filipino noong panahon ng Espanyol.
Malaking pagbabago ang naganap sa kultura ng mga Filipino mula sa kanilang kinagisnan at
kinasanayang pamumuhay noong sinaunang panahon. Gaya ng nasa larawan, nag-ibaanganyong
panahanan ng mga Filipino sa ilalim ng mga Espanyol-naging simbolo ,ng estadong panlipunan
ang bahay na bato. Ang kanilang kasuotan ay binago at itinulad sa kasuotan ng mga Espanyol at
iba pang kolonya nito sa daigdig. Nilapatan ng musikang Kanluranin ang mga tradisyonal na awitin
at sayaw ng Filipino. Sa kabila ng mga ito, nanatiling natatangi at buhay ang sinaunang kultura at
tradisyon ng mga Filipino habang iniaangkop dito ang dalang kultura ng mga mananakop.
Bibigyang-pansin sa araling ito kung paano binago ng mga Espanyol ang kalagayang
panlipunan ng mga Filipino sa aspekto ng panahanan, lipunan, edukasyon, at katayuan ng
kababaihan.
Kasabay sa pagpapalaganap ng kapangyarihang Espanyol noong panahon ng pananakop
ay inimpluwesiyahan din ng mga Espanyol ang kultura at kalagayang panlipunan ng mga Filipino.

PAGBABAGO SA PANAHANAN
Sa kabila ng pagtutol ng mga Filipino, sapilitang inilipat ng mga Espanyol ang kanilang
mga tirahan. Pinaglapit ang mga ito at isinaayos sa mga poblacion. Sa panahong ito, nabuo ang
pamayanang naaayon sa pamantayan ng mga mananakop.

Sapilitang Paglipat ng Tirahan


Dalawang pangkat ng mga Espanyol ang nanguna sa pagtatag ng mga bagong pamayanan
sa kolonya. Ito ay ang hukbong militar at ang mga misyonerong Espanyol.
Sa bisa ng kautusang ipinalabas ni Haring Philip II noong Abril 1594, ipinatupad ni
Gobernador-Heneral Luis Perez Dasmariñas ang sistemang reduccion. Ito ay ang sapilitang
paglipat ng tirahan ng mga katutubong Filipino sa mga kabayanan. Sapilitang pinababa mula sa
kabundukan at inilikas mula sa mga tabing-ilog ang mga mamamayan upang manirahan sa
itinayong pamayanan ng mga Espanyol. Ito ay ipinatupad sa ilalim ng kondisyong "bajo de
compana" o paninirahan saan mang bahagi ng reduccion na nadidinig pa rin ang tunog ng kampana
ng simbahan. Isinagawa ang sistemang ito upang mas madaling mapangasiwaan ang mga Filipino
at maipalaganap ang Kristiyanismo.

Isang halimbawa ng pueblo noong


panahon ng kolonyal

Sa pagpapatupad ng reduccion, isinaayos ang mga pamayanan batay sa modelo ng isang


lungsod sa Spain. Ang itinayong pamayanan ng mga Espanyol sa Pilipinas ay tinawag na pueblo.
Ang sentro ng pueblo ay ang simbahan at ang poblacion ay sentro ngmunisipalidad.
Matatagpuan sa paligid ng simbahan at kumbento ang munisipyo, himpilan ng polisya, hukuman,
paaralan, at pamilihang bayan. Ang layo ng isang tahanan mula sa plaza ay nagpapahiwatig ng
katayuan sa lipunan ng pamilyang nanirahan dito. Higit na nakaaangat sa buhay ang pamilyang
nakatira malapit sa sentro.
Iba't Ibang Uri ng Tirahan
Sa pagdating ng mga Espanyol nagbago rin ang estruktura ng tirahan ng mga Filipino.
Mahalagang konsiderasyon sa pagpapatayo ng mga tirahan ang mga lokal na salik tulad ng mainit
na klima, malimit na paglindol at pagbagyo, at ang mga materyales na likas na matatagpuan sa
Pilipinas. Kalimitang ginamit ang adobe, tisa, kahoy, buhangin, at mga korales sa pagpapatayo ng
mga tirahan.
Ipinakilala ng mga Espanyol ang bahay na bato. Malaki at matibay ang bahay na bato.
Gawa ang unang palapag nito sa bato. Ang ikalawang palapag naman ay yari sa matigas na kahoy.
Ladrilyo o kogon ang ginamit na bubong.
Ang unang palapag ang nagsilbing imbakan ng bigas at mga gamit sa pagsasaka. Tinawag
itong entresuelo. Ang ikalawang palapag naman ay hinati sa mga silid tulad ng kusina, silid-
tulugan, at hapag-kainan.
Lumaganap ang konstruksiyon ng bahay na bato noong ika-19 na siglo. Ang pagpapatayo
ng ganitong uri ng tirahan ay naging simbolo ng antas ng pamumuhay ng isang pamilya.

Mga bahay na bato sa Vigan, Ilocos Sur.

PAGBABAGONG PANLIPUNAN

Sa ilalim ng pamahalaang kolonyal, nahati sa tatlong antas ang lipunang kolonyal sa


Pilipinas.

Matatandaan na sa sinaunang panahon, ang lipunang Filipino ay nahati sa tatlong antas:


maginoo at datu, maharlika at timawa, at alipin at oripun. Sila ay may kani-kaniyang gampanin sa
lipunan at ari-arian (maging ang mga alipin). Nagbago ang katayuan at pribilehiyo ng mga Filipino
sa pagdating ng mga Espanyol.

Sa lipunang kolonyal, ang mga Espanyol ang may pinakamataas na katayuan. Nauri sa
dalawang pangkat ang mga Espanyol na nanirahan sa Pilipinas-ang peninsulares o mga Espanyol
na isinilang sa Spain, at ang insulares o creole na mga Espanyol na isinilang sa Pilipinas. Hawak
nila ang kapangyarihang pampolitika, pang-ekonomiya, at panrelihiyon, na dati ay nasa kamay ng
mga Filipino.
Kung noong sinaunang panahon, ang antas ng tao ay batay sa lawak ng kaniyang
impluwensiya sa lipunan o sa laki ng yaman na kaniyang pag-aari, sa panahon ng kolonyalismo,
ang pagpapangkat ay ibinatay sa lahi. Sa ganitong sistema, nanatiling sekondarya ang mga
katutubo sa mga Espanyol.

Ang mga Filipino, sa kabilang banda,


ay nauri sa pangkat ng mga principalia,
inquilino, at karaniwang tao. Kabilang sa
pangkat ng principalia ang mga inapo ng
mga datu at maharlika, mayayamang
hacendero, o may-ari ng lupa, at mga pinuno
at dating pinuno ngpamahalaang lokal.
Pinagkalooban ang pangkat na ito ng mga
karapatang panlipunan at pampolitika
kabilang ang mga karapatang bumoto sa
halalan, humawak ng tungkulin sa
pamahalaang lokal, at malibre sa polo y
servicio.
Mga Espanyol at Filipinong nabuhay sa panahong kolonyal

Ang pangkat ng inquilino ay binuo ng mga tagapangasiwa ng lupa ng mga panginoong


maylupa. Ang pangkat ng karaniwang tao naman ay kinabilangan ng mga manggagawa at
magbubukid. Limitado ang kanilang mga karapatan at pribilehiyo. Hindi rin sila maaaring mahalal
sa katungkulan sa pamahalaan.

Antas sa Lipunang Espanyol

Peninsulares
ESPANYOL
Insulares

Principalia

PILIPINO Inquilino

Karaniwang tao

Pagbabago sa Katayuan ng Kababaihan


Nagkaroon ng malaking pagbabago sa katayuan ng kababaihan noong panahon ng
kolonyalismo. Mapupuna ito sa kaniyang gampanin sa tahanan at pamayanan, gayundin sa
aspekto ng pamamahala at pagmamay-ari-ang tradisyonal at di-tradisyonal niyang papel sa
lipunan.
Sa sinaunang panahon, ang ina ang sentro ng pamilya. Pinahahalagahan ang kanilang kakayahang
magpanatili ng kaayusan sa kanilang pamilya. Sa pagdating ng mga Espanyol at sa impluwensiya
ng Kristiyanismo, nalihis ito sa ama na itinuring na haligi ng tahanan. Ang mahahalagang desisyon
ay sa kaniya na nagmumula sa halip na sa ina o sa pinakamatandang babae sa pamilya. Sa kabila
nito, hindi siya itinuring na tagasunod lamang sa kaniyang asawa at nanatiling unang guro ng
kaniyang mga anak.
Kung sa sinaunang panahon ay nagsilbing pinunong espirituwal ang kababaihan sa
katauhan ng mga katalonan at babaylan, sa ilalim ng mga Espanyol ay pinawalang bisa ito at
itinuring ang kanilang gawain bilang makasalanan at mula sa mga demonyo. Dahil sa paglaganap
ng Kristiyanismo, ang mga pari at prayle ang naging pinunong panrelihiyon ng mga parokya at
simbahan. Hinikayat ang mga katutubo na iwan ang. sinaunang paniniwala at yakapin ang
relihiyong banyaga. Dahil sa Kristiyanismo, bumaba ang antas ng kababaihan mula sa pagiging
pinuno ay naging tagalingkod sa mga parokya, pasyon, at iba pang katekismo.
Sa mga alamat ay nakilala ang pamumuno nina Reyna Maniwantiwan at Reyna Sima,
gayondin ang mataas na antas ng kababaihan ng Kalinga. Nabigyan sila ng katungkulan sa
kanilang pamayanan. Ngunit sa pagsapit ng mga Espanyol, ang kababaihan ay hindi na
pinahintulutang makilahok sa mga gawaing politikal at pansibiko. Ang pantay at malaya nilang
karapatan sa pagmamay-ari ay binawasan kung hindi man tuluyang inalis. Ang naging
pangunahing gampanin nila ay ang pagiging ina sa kanilang mga anak at kabiyak sa asawa. Sa
kabila ng mga ito, nabigyan naman ang kababaihan ng karapatan sa edukasyon. Sa katunayan, sa
Education Decree of 1863, ipinag-utos ni Reyna Isabel II ang pagpapatayo ng dalawang paaralan-
isang panlalaki at isang pambabae-sa bawat munisipalidad ng Pilipinas. Maaari din silang mag-
aral sa mga colegio (kolehiyo) kung saan ay tinuturuan sila ng kabutihang-asal, wastong pagkilos,
at ibang gawain tulad ng pagluluto, pananahi, at musika, sa ilalim ng mga madre.
Hindi man itinuring bilang mga alipin, sa ilalim ng mga Espanyol at sa impluwensiya ng
Kristiyanismo, bumaba ang katayuan ng mga babae sa lipunang kolonyal ng Pilipinas.

Gayak ng isang Filipina noong panahong


kolonyalismo

PAGBABAGONG KULTURAL
Sa huling bahagi ng ika-16 na siglo, maraming aspekto ng pamumuhay ng mga Filipino
ang kinakitaan ng bahid ng kulturang Espanyol. Malaki ang impluwensiya ng Kristiyanismo sa
mga pagbabagong naganap sa kulturang Filipino.

Pananamit at Palamuti
Ipinakikilala ng mga Espanyol ang pagsusuot ng camisa chino, pantalon, sombrero,
tsinelas, ropilla, at sapatos para sa kalalakihan. Ito ang pumalit sa bahag at kanggan na dating
isinusuot ng mga katutubo.
Ang kababaihan naman ay patuloy na nagsuot ng baro't saya na kalaunan ay naging
kimona. Nagsuot din sila ng mantilla o itim na balabal, at panuelo o malaking panyo na
ipinapatong sa balikat. Pati ang pagsusuot ng palamuti ng mga Filipino ay naimpluwensiyahan din
ng mga Espanyol tulad ng pagsusuot ng peineta o panggayak na suklay sa buhok, at iba't ibang
hugis at laki ng hikaw.

Ang kasuotan ng mga Filipino noong panahon ng Espanyol ayon sa mga pinta ni Damian Domingo

Pagpapangalan
Nagbago rin ang paraan ng pagpapangalan ng mga Filipino. Batay FE sa kautusan ni
Gobernador-Heneral Narciso Claveria Bautista-ang Claveria Decree of 1849-binigyan ng
apelyidong Espanyol ang mga Filipino tulad ng dela Cruz, del Rosario, de los Santos, at Santiago.
Nakatala ang mga ito at mahigit 61,000 mapagpipiliang apelyido sa Catalogo alfabetico de
apellidos.
Binago rin ng mga Espanyol ang pangalan ng mga pook, pueblo, at alcaldia na kalimitan
ay hinango sa pangalan ng mga patron at santo.

Musika, Sayaw, at mga Pagdiriwang


Sa pagdating ng mga Espanyol sa bansa, napuna nila ang likas na husay at hilig ng mga
sinaunang Filipino sa musika. Nakita nila ito sa mga rituwal at lokal na pagdiriwang. Para sa mga
Espanyol, ang tradisyong ito ay isang malaking balakid para sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo.
Dahil dito ay ipinagbawal ang tradisyonal na sayaw at musika ng mga Filipino. Kalaunan, dahil sa
paglaganap ng Kristiyanismo ay ipinakilala ang iba't ibang kapistahan para sa mga santo.
Madaling natutuhan ng mga Filipino ang pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika
tulad ng pluta, biyolin, harpa, at piano, na dala ng mga Espanyol sapagkat kahalintulad ito ng mga
instrumentong katutubo sa kanila.
May ilang relihiyosong tradisyon sa musika na nabuo sa labas ng simbahan. Sa paghahalo
ng sinaunang tradisyon at mga bagong natutuhang musika mula sa mga Espanyol ay sumibol ang
mga tradisyon sa pabasa, Flores de Mayo, santacruzan, panunuluyan, at salubong.
Sa panahon ng Espanyol ay napatanyag din ang harana. Isa itong uri ng kundiman o awit
ng pagsinta na inaawit sa harap ng tahanan ng dalagang nililigawan.
Nahaluan din ng impluwensiyang Kanluranin ang mga katutubong sayaw ng mga Filipino.
Sinayaw ang Itik-Itik at Tinikling sa indayog at tempo ng la jota at polka. Ang dinala nilang sayaw
na jota ay nagkaroon ng magkakaibang bersiyon sa iba't ibang rehiyon ng Pilipinas. Ang sayaw
nilang fandango ay kinilala sa bansa na pandanggo sa ilaw. Kapuwa naging sikat na sayaw sa mga
pista at pagdiriwang sa panahong iyon ang la jota at pandanggo.
Ang ilang galaw naman sa cariñosa, sayaw Santa Isabel, at iba pang sayaw ng pag-ibig at
pananampalataya sa mga santo ay hango sa waltz. Maliban sa mga ito, nakilala rin ang mga sayaw
na rigodon, pasakat, lanceros, mazurka, at surtido.

Hinaharana (itaas na larawan) ng mga kalalakihang


Filipino ang babaeng kanilang napupusuan upang suyuin
noong panahon ng Espanyol. Ang tinikling (kaliwang
larawan) ay isang sayaw ng gumagaya sa paggalaw ng
ibong tikling.

Lutuin
Kasabay ng pagdating ng iba't ibang prutas at gulay mula sa Kanluran ay ang pagpapakilala
ng sari-saring lutuing Espanyol sa mga Filipino. Halimbawa nito ay menudo, afritada, relleno,
mechado, paella, pochero, caldereta, callos, at leche flan. Nadagdag din sa hapag-kainan ng mga
Filipino ang mga nakapreserbang pagkain tulad ng hamon, sardinas, longganisa, at mga pagkaing
de-lata. Umiinom na rin sila ng kape at tsokolate.
Natuto ang mga Filipino na gumamit ng kutsara, tinidor, at kutsilyo sa pagkain. Naging
bahagi na rin ng kanilang hapag-kainan ang mga kasangkapang tulad ng plato, tasa, baso,
mangkok, at platito na impluwensiya kapuwa ng mga Espanyol at Tsino.

Makikita sa larawan ang ilang lutuing Filipino na may impluwensiya ng kulturang Espanyol.

Panitikan
Upang mapabilis ang pagpapalaganap ng mga aral ng Kristiyanismo, dinala ng mga
Espanyol sa Pilipinas ang sistema ng palimbagan. Ipinasunog ang ilang nasulat na katutubong
panitikan at napalitan ng mga kuwento ng pagpapakasakit ni Kristo at ang pangako niyang buhay
na walang hanggan.
Noong 1593, nalimbag ang Doctrina Christiana, ang unang aklat sa Pilipinas na
naglalaman ng mga dasal. Isinalin ito sa wikang Tagalog. Ang mga tagapagsalin na Filipino ang
siyang naging mga unang manunulat sa wikang Espanyol. Tinawag silang ladino.
Ipinakilala rin ng mga Espanyol ang dasal, nobena, talambuhay ng mga santo at santa, mga
awit, korido, tula, kuwento, at sarsuwela.
Sining
Dala ng impluwensiyang Kristiyano ay lumaganap at naging limitado sa temang
panrelihiyon ang mga likhang pinta at eskultura sa Pilipinas noong panahon ng kolonyalismo.
Kalimitang ipininta at inukit ang wangis ng mga santo, Birheng Maria, ang Banal na
Santatlo, at ilang mahahalagang tagpo sa Bibliya. Nag-ukit din sila ng mga disenyo sa pintuan,
haligi, sulok, at pulpito ng simbahan, gayundin sa carroza o sasakyan ng mga imahen ng santo
tuwing may prusisyon.
Mula sa paglililok ng anito ay naging imahen ng mga santo at retablo o altar ng simbahan
ang kanilang ginawa. Isang halimbawa ng retablo ay matatagpuan sa Simbahan ng San Agustin
na inukit ni Juan de los Santos noong 1617.

Arkitektura
Noong simula ay yari lamang sa kawayan, pawid, at nipa ang mga simbahang ipinagawa
ng mga prayle. Sa pangambang madali itong masira ng sunog, lindol, at ulan, at bilang paraan na
rin ng panindak sa mga Filipino, ay gumamit sila ng higit na matibay at matatag na mga materyales.
Ang San Agustin Church at Manila Cathedral sa Intramuros ay dalawa lamang sa maraming
simbahang Katoliko na itinayo ng mga Espanyol sa Pilipinas.
Ang mga estrukturang tulad ng simbahan, gusaling pampubliko, at bahay na bato noong
panahon ng kolonyalismo ay ipinatayo batay sa estilong Antillean. Ang estilong ito ay buhat sa
Antilles sa Central America at hindi mula sa Spain. Pinagsama nito ang impluwensiyang
arkitekturang Byzantine, Baroque, Gothic, at Moro.
Wika at Sistema ng Pagsulat
Bago ang ika-19 na siglo, hindi itinuturo sa mga paaralan ang wikang Spanish. Hindi ito
pinahintulutan ng Simbahan bagkus ay hinikayat ang mga prayle na aralin ang wikang katutubo.
Noong 1593 ay inilimbag ang kauna-unahang aklat sa Pilipinas, ang Doctrina Christiana-isang
aklat-dasalan na nasusulat sa Spanish at may kasamang pagsasalinnitosawikang Tagalog-na para
lamang sa mga prayleng Espanyol. Mula rito ay binibigkas nila nang paulit-ulit ang mga dasal sa
wikang katutubo. Kalaunan ay nagdesisyon ang mga misyonerong Espanyol na umupa ng mga
katutubong gagawa ng trabahong ito. Dito nagsimula ang pagkatuto ng ilang katutubo na magsulat
sa Spanish at katutubong wika. Sila ay tinaguriang mga ladino. Isa sa pinakatanyag na ladino ay
si Gaspar Aquino de Belen, ang manunulat ng Mahal na Pasion ni Hesu Cristo, isang patulang
salaysay sa pasyon, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesus.
Samalaking pagkakatulad ng tunog ng Spanish at mga katutubong wika
tulad ng Tagalog, Ilokano, at Bisaya, naging madali para sa mga Filipino na
matutuhan ang wika ng mga Espanyol. Idagdag pa rito ang paglaganap ng mga
babasahin sa wikang Spanish at katutubo. Hindi nagtagal, pormal nang naging
bahagi ng mga asignatura at kurso sa mga paaralan ang pagtuturo ng Spanish.
Natutuhan din ng mga Filipino ang wikang banyagang ito mula sa pagdalo sa
misa, pag-aaral ng mga dasal, katekismo, at pakikipag-usap sa mga Espanyol.
Kinalaunan, ang ilang salitang Spanish ay naging bahagi na rin ng
wikang Filipino tulad ng mesa, silya, litrato, pamilya, at kumusta. Samantala, pagsulat.ipinagbawal
din ng mga Espanyol ang paggamit ng baybayin sa pagsulat.

Sistemang Pang-edukasyon
Ang mga pari ang nangasiwa sa sistema ng edukasyong pinairal ng mga Espanyol sa
Pilipinas. Layunin ng Spain na turuan ang mga Filipino na mamuhay ayon sa pamamaraang
Kristiyano. Malaking bahagi ng edukasyon ng mga Filipino noon ang Spanish. Nagtayo ng iba't
ibang paaralan at kolehiyo ang mga ordeng panrelihiyon sa mga pook kung saan sila nakatalaga.
Ang unang paaralang itinayo ay ang mga paaralang pamparokya kung saan itinuturo ang
mga asignaturang tulad ng relihiyon, Spanish, pagsulat, pagbasa, aritmetika, musika, sining, at
mga kasanayang pangkabuhayan. Sumunod na itinayo ang mga kolehiyo para sa kalalakihan. Dito
itinuro ang mga wikang Spanish, Greek, at Latin, gayundin ang pilosopiya, matematika, agham,
at sining.
Nagtayo rin ng kolehiyo para sa kababaihan. Layunin ng mga kolehiyong ito na ihanda ang
kababaihan sa pag-aasawa o sa pagpasok sa kumbento. Kabilang sa mga asignaturang itinuro dito
ang kagandahang asal, musika, pananahi, at pag-aayos ng tahanan.
May mga paaralan ding itinayo upang magturo ng edukasyong bokasyonal. Itinuro dito ang
mga kasanayan tulad ng sa agrikultura, pag-iimprenta, pagkakarpintero, at pagkukulay ng tela.

Isa sa mga kolehiyong itinayo sa


Intramuros noong panahon ng Espanyol ay
ang University of Sto. Tomas na
matatagpuan sa España, Sampaloc,
Maynila sa kasalukuyan.

5. Paglalahat
Itatanong ang mga sumusunod:
1. Ano-ano ang pagbabagong panlipunan at kultural noong panahon ng
Espanyol?
2. Nakatulong ba sa mga Pilipino ang mga pagbabagong panlipunan at
pangkultura upang maging mabuti ang kanilang pamumuhay? Sa paanong
paraan?
3. Makatarungan ba ang ginawa ng mga Espanyol na sapilitang palipatin ang
mga katutubong Pilipino na manirahan sa isang kabahayan na inilaan para sa
kanila? Bakit?
4. Ano ang masasabi mo sa impluwensiya ng Kristiyanismo sa pamumuhay ng
mga sinaunang Pilipino sa panahon ng Kolonyalismo? Nakatulong ba ito?
Bakit oo? Bakit hindi?
5. Para sa iyo, ano ang pinakamahalagang impluwensiyang Espanyol sa
kulturang Pilipino? Bakit mo ito nasabi?

6. Paglalapat
Hahatiin ang klase sa dalawang grupo. Sa gabay ng guro, magsasagawa ng debate
ang klase tungkol sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol, nakabuti ba ang
pagbabagong ito o nakasama? Bibigyan kayo ng inyong guro ng sapat na oras
upang maipaglaban ang inyong saloobin.
IV. PAGTATAYA
Gawain A.
Pagbuo ng salita.
Panuto: Tukuyin ang inilalarawan sa bawat bilang. Isulat sa kuwaderno ang iyong mga sagot.
1. Sapilitang paglipat ng tirahan ng mga katutubong Pilipino sa kabayanan.
R___C___N
2. Unang aklat sa Pilipinas na naglalaman ng mga dasal na isinalin sa wikang Tagalog.
__C____A _H__S___N_
3. Antas ng mga Pilipino na kinabibilangan ng mga inapo ng mga datu at maharlika,
mayayamang hacendero, o may-ari ng lupa, at mga pinuno at dating pinuno ng
pamahalaang local.
____C___L__
4. Unang paaralang itinayo ng mga prayle kung saan itinuturo ang mga asignaturang tulad
ng relihiyon, pagsulat, pagbasa, aritmetika, musika, sining, at mga kasanayang
pangkabuhayan. Paaralang _____________
P__P__O___
5. Isang uri ng tirahan na malaki at matibay na naging simbolo ng antas ng pamumuhay ng
isang pamilya.
B____ __ B__O

Gawain B.
Pagtukoy sa konsepto.
Panuto: Punan ang patlang ng wastong sagot. Isulat ang iyong sagot sa iyong kuwaderno.
1. Isa sa mga patakarang panlipunan na ipinatupad ng mga Espanyol sa Pilipinas ay ang
__________ kung saan ang mga Pilipinong naninirahan sa malalayo at liblib na lugar ay
sapilitang inilipat sa nayon at bayan.
2. Ang itinayong pamayanan ng mga Espanyol sa Pilipinas ay tinawag na ___________.
3. Ang pangkat ng __________ ay binuo ng mga tagapangasiwa ng lupa ng mga
panginoong maylupa.
4. Nagkaroon ng malaking pagbabago sa katayuan ng kababaihan noong panahon ng
_____________.
5. Ang mga estrukturang tulad ng simbahan, gusaling pampubliko, at bahay na bato noong
panahon ng kolonyalismo ay ipinatayo batay sa estilong _______________.

V. TAKDANG ARALIN
Gumuhit o kumuha ng mga larawan ng isang aspektong panlipunan o pangkultura ng mga
Pilipino noong panahon ng Espanyol. Gumawa ng collage na nagpapakita ng mga pagbabago
sa lipunan at kultura ng mga Pilipino.

Isinulit ni:
Lovely M. Peñaflor
BEED 1B

Isinulit kay:
Bb. Ingrid Jell Erandio
Guro

You might also like