You are on page 1of 9

Dakilang Kapistahan ng

Birhen ng Kapayapaan at
Mabuting Paglalakbay
PAMBUNGAD NA PANALANGIN

Ama naming makapangyarihan,


loobin Mong kami’y tuwangan
ng banal na panalangin ng Mahal na Birhen
ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay,
upang kami ay lumaya sa lahat ng panganib
at makapanatili sa iyong kapayapaan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS


UNANG PAGBASA
Pahayag 21, 1-5a

Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Akong si Juan ay nakakita ng isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na
ang dating langit at lupa: wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na
lungsod, ang bagong Jerusalem, bumababang galing sa langit buhat sa Diyos,
gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking
mapapangasawa niya. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono,
“Ngayon, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao. Mananahan
siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Makakapiling nila nang
palagian ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang
kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag- iyak, at sakit
sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo
sa trono. “Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!”

Ang Salita ng Diyos


SALMO
Judith 13, 18bkde. 19

Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.

Anak, sumasainyo ang pagpapala ng Diyos na Kataastaasan.


Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.

Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.

Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo


ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao
habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.

Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8 29-30

Pagbasa mula sa sulat ni Apostolo San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ang gumagawang
kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang
panukala, sa kanilang ikabubuti. Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos
kung sino ang sa kanya; ang mga taong ito’y itinalaga niyang maging tulad ng
kanyang Anak, at gayun, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya
noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring
pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang sala ay kanya namang
binigyan ng karangalan.

Ang Salita ng Diyos


ALELUYA
Lucas 1, 28

Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
Diyos ay kapiling mo t’wina

MABUTING BALITA
Juan 2, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni
Hesus. Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng
alak kaya't sinabi ng ina ni Hesus sa kanya, "Naubusan sila ng alak. Sinabi
ni Hesus, "Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang
panahon ko." Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, "Gawin ninyo
ang anumang sabihin niya sa inyo."

Doo'y may anim na tapayan, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu


hanggang tatlumpung galon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon
sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Hesus sa mga katulong,
"Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan." At pinuno nga nila hanggang sa
labi.

Pagkatapos, sinabi niya, "Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa


namamahala ng handaan." Dinalhan nga nila ang namamahala ng
handaan. Tinikman naman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam
kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng
tubig, kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal.

Sinabi niya rito, "Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag
marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri.
Ngunit ipinagpahuli ninyo ang masarap na alak." Ang nangyaring ito sa
Cana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni Hesus. Sa
pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa
kanya ang mga alagad.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon


PANALANGIN NG BAYAN

Pari: Mga kapatid, manalangin tayo sa makapangyarihan at


mapagmahal na Ama, na pumili kay Maria upang maging
huwaran natin sa pagsunod sa Kanyang kalooban at nakiisa sa
misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita na siyang
hamon sa ating lahat. Ang ating itutugon sa bawat kahilingan:
DIYOS NG KAPAYAPAAN AT KAGALINGAN, DINGGIN MO KAMI.

Para sa lahat ng mga namumuno sa ating Simbahan, sa Santo Papa, mga Obispo,
Pari, at Diyakono, upang patuloy silang magsilbing daluyan ng biyaya ng Diyos
para sa pagsasakatuparan ng misyong ipalaganap ang Mabuting Balita sa lahat
ng tao. Manalangin tayo sa Panginoon:

DIYOS NG KAPAYAPAAN AT KAGALINGAN, DINGGIN MO KAMI.

Para sa mga pinuno ng ating bayan, upang makiisa sila sa pagpapatupad ng mga
batas na siyang tulay tungo sa ikauunlad at ikapapayapa ng ating bansa.
Manalangin tayo sa Panginoon:

DIYOS NG KAPAYAPAAN AT KAGALINGAN, DINGGIN MO KAMI.

Para sa lahat ng mga nangangailangan at naaapi, upang kanilang maranasan na


ang kanilang paghihirap ay daan upang makita ang mukha ng Panginoon sa
gitna ng kanilang mga pagdurusa at suliranin. Manalangin tayo sa Panginoon:

DIYOS NG KAPAYAPAAN AT KAGALINGAN, DINGGIN MO KAMI.

Para sa ating lahat na nakikibahagi sa pagdiriwang ng ating Misa para sa


karangalan ng Birhen ng Antipolo at lahat ng mga may sakit at karamdaman,
upang sa ating pagsamba sa Panginoon ay makaranas tayo ng tunay na
kapayapaan at kagalingan sa ating mga sarili nang sa gayon ay sama-sama
nating matahak ang banal na paglalakbay tungo sa Kanyang kaharian.
Manalangin tayo sa Panginoon:

DIYOS NG KAPAYAPAAN AT KAGALINGAN, DINGGIN MO KAMI.


Para sa lahat ng mga yumao na, lalo na yaong mga dinapuan ng Covid-19,
makatagpo nawa sila ng kapayapaan sa piling ng Panginoon at samahan nawa
ng Mahal na Ina ang kanilang mga naiwang mahal sa buhay. Manalangin tayo sa
Panginoon.

DIYOS NG KAPAYAPAAN AT KAGALINGAN, DINGGIN MO KAMI.

Pari: O Diyos na mapagmahal at bukal ng pagkakaisa, pakinggan


Mo ang aming mga panalangin. Pagkaisahin Mo kami sa iyong
pag-ibig upang ang kapayapaang aming minimithi ay tunay na
Manahan sa amin at sa aming bayan sa tulong ni Maria.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristong aming
Panginoon.
Bayan: Amen

PANALANGING UKOL SA MGA ALAY

Ama naming lumikha,


sa paggunita namin sa Mahal na Birhen ng Antipolo,
hinihiling naming ang aming paghahain
ay lakipan Mo ng kapupunan
upang kami ay maging handog na ikinalulugod Mo kailanman
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

PREPASYO TUNGKOL SA MAHAL NA BIRHENG MARIA

Pari: Sumainyo ang Panginoon


Bayan: at sumainyo rin

Pari: Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa


Bayan: Itinaas na namin sa Panginoon

Pari: Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos


Bayan: Marampat na siya ay pasalamatan

Ama naming makapangyarihan


tunay ngang marapat na ikaw ay aming pasalamatan
ngayong aming ginugunita si Maria,
Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay

Bukod mong pinagpala sa babaing lahat


ang Mahal na Birheng totoong mapalad
na iyong piniling maging Ina ng iyong Anak
noong isugo mo siya bilang aming Mesiyas.
Sa kapangyarihan ng Espiritung Banal
ang Birheng Maria ay naging Inang tunay ng iyong Anak
na kanyang isinilang bilang liwanag nitong sanlibutan.

Kaya kaisa ng mga anghel na nagsisiawit ng papuri sa iyo


nang walang humpay sa kalangitan,
kami’y nagbubunyi sa iyong kadakilaan.

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG

Ama naming mapagmahal,


ang aming pagsasalo sa haing nagbibigay buhay
sa paggunita namin sa Dakilang Kapistahan
ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay,
Ina ng Iyong Anak,
ay magdulot nawa sa amin ng Iyong kagandahang-loob
upang lagi naming madama ang Iyong paglingap
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
PANALANGIN SA BIRHEN NG ANTIPOLO

Masintahing Ina, sumasamo at dumudulog kami sa iyo. Tulungan mo


kaming magpasalamat sa Panginoon sa lahat ng mga grasya at pagpapalang
ipinagkaloob Niya sa amin.

Sa tulong at awa mo, lingapin mo po ang mga naglalakbay, lalo na ang


mangingibang bansa, upang maluwalhating makarating sa kanilang
paroroonan.

Kami rin pong lahat ay iyong gabayan at akayin sa aming paglalakbay sa


buhay. Sa aming pagtahak sa buhay na puno ng pag-aalinlangan at
pangamba, pagkalooban po ninyo kami ng lakas at tapang na tahakin ang
landas ng iyong Mahal na Anak.

Mahal na Ina, lumalapit po kami sa iyo na dulutan mo ng mapayapang


kalinga ang aming tahanan. Tulungan mo po kami na maitaguyod ng
maayos at matuwid ang aming pamilya.

Sa aming paglalayag sa buhay, palakasin at patatagin mo ang bawat isa sa


amin na makabuo ng isang pamayanang pinaghaharian ng iyong Mahal na
Anak.

Nawa'y sa tulong at biyaya mo Mahal naming Ina, kami ay kupkupin ng


iyong Mahal na Anak at ilagay Niya kami sa ilalim ng Kanyang
pagkakandili at huwag kaning iwanan sa paglalakbay sa buhay, lalung-lalo
na sa oras ng kagipitan.

Sa pamamagitan mo Inang Mahal, pagpalain at tangkilikin mo po ang aming


paglalakbay upang mabuhay kami sa kapayapaan at marating namin ang
kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan.

Amen.

Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay, ipanalangin mo


kami.

You might also like