You are on page 1of 11

Maaaring umawit ng akmang awit para sa pagtitipon.

Matapos ang pag-awit, mag-aatanda ng


krus ang bawat kasapi ng mag-anak.

Sisimulan ng pinuno ng pamilya ang pagdiriwang sa pamamagitan ng mga pag-awit nito:

Purihin at ipagdangal
ang ating Poong Maykapal
Ama ng Bukal ng Buhay
Anak na Siya nating Daan
Espiritung ating Tanglaw.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Sapagkat karapat-dapat
tayong magpuri’t magdiwang
sa Diyos na ating Mapagmahal
na siyang nagtipon sa tanan
upang sa kanya ay sumamba!
Pinuno ng tahanan:

Tayo ay nagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pentekostes.


Ito ang ikalimampung araw ng Muling Pagkabuhay. Ito ang
araw ng pagbubuhos ng Diyos sa sangkatauhan ng Kanyang
pinakamahalagang handog – ang Espiritu Santo.

Ang Espiritu Santo ang Panginoon at Nagbibigay-buhay.


Ipinahahayag natin sa pagdarasal ng Sumasampalataya ang ating
pananalig sa katotohanang ito hinggil sa Diyos Espiritu Santo.
Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga tao ay nagbubukas ng
kanilang mga kalooban sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya.
Sa pamamagitan ng Espiritu Santo natatamo
ng mga tao ang buhay na ganap.

Sa pamamagitan ng Espiritu Santo nabuo ang mga alagad sa iisang


Simbahang tunay na nagkakaisa. Mamalas nawa natin sa ating
panahon ang paglaganap ng lakas ng Espiritu Santo sa
sandaigdigan.

Sa ating pagtitipon sa Pampamilyang Pagdiriwang


ng Dakilang Kapistahan ng Pentekostes,
kaisa ng Espiritu Santo,
atin ngayong papurihan ang Diyos sa kaitaasan,
at ang Kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo,
ang Kordero ng Diyos na pumawi sa ating mga kasalanan.
Lahat ng kasapi ng pamilya:

Papuri sa Diyos sa kaitaasan


at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.
Pinupuri ka namin,
dinarangal ka namin,
sinasamba ka namin,
ipinagbubunyi ka namin,
pinasasalamatan ka
namin,
dahil sa dakila mong angking kapurihan.
Panginoong Diyos, Hari ng langit,
Diyos, Amang makapangyarihan sa lahat.
Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak,
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
tanggapin mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama,
maawa ka sa amin.
Sapagka’t ikaw lamang ang banal,
ikaw lamang ang Panginoon,
ikaw lamang, O Hesukristo, ang Kataas-taasan,
kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen.
PANALANGIN

Manalangin tayo.

Ama naming makapangyarihan,


pinababanal mo ang iyong pandaigdig na Sambayanan
sa ipinahahayag mo ngayon sa dakilang kapistahan.
Gawin mong ang buong daigdig
ay mapuspos nang ganap
sa mga kaloob ng Espiritu Santong
bigay mo sa lahat para puspusin
ang kalooban ng tanan
noong ang Mabuting Balita ay simulang ipangaral
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.
Pinuno ng pamilya:

Mga kapatid,
tulad ng mga alagad na patungong Emaus,
pagningasin natin ang ating mga puso
habang tayo’y nakikinig sa Salita ng Diyos.

SEQUENCIA

Halina, Espiritu, Kapag di ka nanahan


sa sinag buhat sa ‘yo ay walang kaganapan
kami’y liwanagan mo. ang buhay nami’t dangal.

Ama ng maralita, Marumi’y palinisin,


dulot mo’y pagpapala lanta’y panariwain,
upang kami’y magkusa. sakit nami’y gamutin.

Kaibiga’t Patnubay, Kami’y gawing matapat,


sa amin mananahan sa pag-ibig mag-alab,
ang tamis ng ‘yong buhay. lagi sa tamang landas.

Ginhawang ninanais, Tugunin aming luhog,


lilim namin sa init, kami’y bigyang malugod
kapiling bawat saglit. ng ‘yong pitong kaloob.

Lubhang banal na ilaw, Gantimpala’y ibigay,


kami’y iyong silayan sa hantungan ng buhay
ngayon at araw-araw. ligayang walang hanggan.

ALELUYA
MABUTING BALITA Juan 20, 19-23

Mga kapatid halina’t pakinggan


ang pagbasa ng Mabuting Balita ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay


nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na
kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio.
Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang
kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang
kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran.
Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon.
Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan!
Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman,
sinusugo ko kayo.”
Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin
ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang
mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo
patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Sa katapusan, ihahayag niya:

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Magbubunyi ang lahat:

Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PAGNINILAY
PANALANGIN PANGKALAHATAN

Pinuno ng pamilya:

Dumalangin tayo sa Ama nating Diyos upang ibuhos niya


ang biyaya ng Espiritu Santo, ang ating gabay at lakas. Buong
tiwala tayong manalangin:

T- Panginoon, dinggin mo kami!

Isang kasapi ng pamilya:

Mapuspos nawa ang Simbahan ng biyaya ng Banal na


Espiritu upang maging huwaran siya ng pagkakaisa sa kabila ng
pagkakaiba-iba, manalangin tayo sa Panginoon!

T- Panginoon, dinggin mo kami!

Nawa ang Santo Papa Francisco, mga obispo, mga pari,


at mga diyakono ay makapaglingkod nang buong katapatan at
pagmamahal sa mga mahihirap at maysakit, manalangin tayo sa
Panginoon!

T- Panginoon, dinggin mo kami!

Maging tapat at mahusay nawa ang mga pinuno ng


ating bansa sa paggamit ng kanilang kapangyarihan
para sa kapakanan ng mga dukha at mga inaapi, manalangin tayo sa
Panginoon!

T- Panginoon, dinggin mo kami!

Maging masigasig nawa ang mga relihiyoso at relihiyosa sa kanilang


misyon na ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng tao at
panahon, manalangin tayo sa Panginoon!

T- Panginoon, dinggin mo kami!


Makamit nawa ang lahat ng mga yumao ng tunay na
kapayapaan sa tulong ng Espiritu Santo,
manalangin tayo sa Panginoon!

T- Panginoon, dinggin mo kami!

Sa ilang sandali ng katahimikan,


amin ding dalangin ang iba pang mga pangangailangan
ng aming pamayanan pati na rin ang aming pansariling kahilingan
(tahimik sandali) Manalangin tayo:

T- Panginoon, dinggin mo kami!

Pinuno ng pamilya:

Ama naming mapagmahal,


ipagkaloob mo ang mga kahilingan
sa kapangyarihan ng Espiritu Santo
alang-alang kay Kristong aming Panginoon.

Amen.
AMA NAMIN
Pangungunahan ng pinuno ng pamilya ang Ama Namin.

Pinuno ng pamilya:

Hilingin natin sa ating Ama


na patawarin niya tayo
sa ating mga kasalanan
at tulungan niya tayong magpatawad
sa mga nagkasala sa atin.

Ama namin, sumasalangit


ka.Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa
lupapara nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa
tukso.At iadya mo kami sa lahat ng
masama.

Matapos ang Ama Namin, aanyayahan ng pinuno ng pamilya ang lahat na magbatian ng
kapayapaan sa isa’t isa.

Pinuno ng pamilya:

Sumaatin nawa ang kapayapaan


ng Panginoong Muling
Nabuhay!
ESPIRITUWAL NA PAKIKINABANG
Aanyayahan ng pinuno ng pamilya ang lahat:

Mga kapatid,
ipinagkatiwala sa atin ang Banal na Eukaristiya
bilang sakramento ng pag-ibig,
tanda ng pagkakaisa, at dugo ng pagkawanggawa.
Halina’t naisin nating tanggapin ang Panginoon
sa pamamaraang espirituwal.
Sasabay ang mga kasapi ng pamilya sa pananalangin.

Aking Hesus, nananalig akong ikaw ay nananahan


sa Pinakabanal na Sakramento.
Mahal kita nang higit sa lahat ng bagay,
at nais kong tanggapin ka sa aking kaluluwa.
Subalit sa sandaling ito ikaw ay hindi ko
matatanggap sa Banal na Komunyon.
Nawa’y tanggapin kita nang espirituwal
sa aking pagnanais na ito at pumasok ka sa aking puso.
Niyayakap kita na parang naririto ka na sa akin,
at pinagkakaisa ko ang aking sarili sa iyo.
Huwag mong hayaang ako ay mawalay sa iyo.
Amen.
Pagkatapos, sasambitin ng pinuno ng pamilya sa lahat ng kasapi ng pamilya ang mga
sumusunod:

Ama naming mapagmahal,


pinapapakinabang mo ang iyong Sambayanan
sa iyong mga bigay buhat sa kalangitan.
Ang iyong pagpapalang kaloob sa amin
ay iyong panatilihin upang laging masaganang dumaloy
ang Espiritu Santo at ang aming pinagsaluhan
sa pagdiriwang na ito
ay magdulot ng pag-unlad
sa pamamagitan ni Jesukristo
magpasawalang hanggan.

Ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

Pagkatapos, sasambitin ng pinuno ng pamilya sa lahat ng kasapi ng pamilya ang mga


sumusunod:

Mga kapatid,
ngayong natapos na natin ang Pampamilyang Pagdiriwang
ng Dakilang Kapistahan ng Pentekostes,
humayo tayo at ipahayag ang Salitang
ating napakinggan, at mamuhay nang naaayon sa diwa
ng sakramentong ating tinanggap.

At nawa’y pagpalain tayo ng makapangyarihang Diyos,


Ama, at Anak, at Espiritu Santo.

Ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

You might also like