You are on page 1of 36

ANG PAGKUKUMPIL

SA LOOB NG BANAL NA MISA


San Teresita Parish
Ika-14 ng Marso, 2022
2 STA. TERESITA PARISH

PASIMULA
Kapag natitipon na ang sambayanan, ang Kardinal at mga tagapaglingkod ay lalakad patungo sa
altar, samantalang ang awiting pambungad ay ginaganap.

Pagsapit sa dambana, ang Kardinal at mga tagapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa


hinihinging paraan. Magbibigay-galang ang Kardinal sa dambana sa pamamagitan ng paghalik
sa ibabaw ng altar. Kung minamabuti niya, maiinsensuhan niya ito. Pagkatapos, ang Kardinal ay
paroroon sa kanyang upuan.

Matapos ang awiting pambungad, habang nakatayo ang lahat, ang Kardinal at ang mga tao ay
magkukrus. Ipahahayag ng Kardinal nakaharap sa mga tao:

S a ngalan ng Ama
at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Sasagot ang mga tao:

Amen.
Ilalahad ng Kardinal ang kanyang mga kamay bilang pagbati sa mga tao, habang ipinahahayag:

Sumainyo ang kapayapaan.

Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.
Ang Kardinal ay makapagbibigay ng maikling paliwag tungkol sa buod ng Misang ipagdiriwang.

M ga minamahal na kapatid,
tayo ngayon ay natitipon sa hapag ng Panginoon
upang magpasalamat sa Diyos at manalangin ng buong galak
para sa mga kapatid nating kukumpilan.
Hilingin natin sa Diyos
na isugo nawa niya ang Espiritu Santo
sa mga kapatid nating naririto.
Ang pagkakaloob ng Espiritu Santo sa mga kukumpilan
ay magiging isang espirituwal na tanda at tatak.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 3

Tutulungan tayo nitong maging higit na katulad


ni Hesukristong ating Panginoon.

Kaya’t sa pasimula ng ating pagdiriwang,


bilang mga kaanib ng angkan ng Diyos,
aminin natin ngayon ang ating mga kasalanan
at dumulog tayo sa maawaing Panginoon
na nagpapatawad ng lubos
Magkakaroon ng saglit na katahimikan. Pagkatapos nito, lahat ay sabay-sabay na aamin sa
nagawang kasalanan:

Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos


at sa inyo, mga kapatid,
na lubha akong nagkasala
Ang lahat ay dadagok sa dibdib.

sa isip, sa salita, sa gawa


at sa aking pagkukulang.
Kaya isinasamo ko
sa Mahal na Birheng Maria,
sa lahat ng mga anghel at mga banal
at sa inyo, mga kapatid,
na ako’y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.
Ipahahayag ng Kardinal ang pagpapatawad:

Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,


patawarin tayo sa ating mga kasalanan,
at patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.
Sasagot ang mga tao:

Amen.
4 STA. TERESITA PARISH

KYRIE
Isusunod ang mga pagluhog na ”Panginoon, kaawaan mo kami,” maliban kapag naganap na ito
kaugnay ng ibang paraan ng pagsisisi sa kasalanan:

P. Panginoon, kaawaan mo kami.


B. Panginoon, kaawaan mo kami.

P. Kristo, kaawaan mo kami.


B. Kristo, kaawaan mo kami.

P. Panginoon, kaawaan mo kami.


B. Panginoon, kaawaan mo kami.

PAPURI SA DIYOS
Kapag nakatakdang ganapin, aawitin o darasalin ang awit:

Papuri sa Diyos sa kaitaasan


at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.
Pinupuri ka namin,
dinarangal ka namin,
sinasamba ka namin,
ipinagbubunyi ka namin,
pinasasalamatan ka namin,
dahil sa dakila mong angking kapurihan.
Panginoong Diyos, Hari ng langit,
Diyos, Amang makapangyarihan sa lahat.
Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak,
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
tanggapin mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama,
maawa ka sa amin.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 5

Sapagka’t ikaw lamang ang banal,


ikaw lamang ang Panginoon,
ikaw lamang, O Hesukristo, ang Kataas-taasan,
kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama.
Amen.

PANALANGING PAMBUNGAD
Pagkaraan, magkadaop ang mga kamay na ipahahayag ng Kardinal:

Manalangin tayo.
Ang lahat kaisa ng Kardinal ay tahimik na mananalangin nang saglit. Pagkalipas ng ilang sandali,
ilalahad ng Kardinal ang kanyang kamay at ipahahayag:

A ma naming makapangyarihan,
ipagkaloob mong ang Espiritu Santong sumasaamin
ay siya nawang magpagindapat na kami’y gawing tahanan
ng kapangyarihan sa aming piling
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Sasagot ang mga tao ng pagbubunyi:

Amen.
6 STA. TERESITA PARISH

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

UNANG PAGBASA
Isaias 61:1-3. 6. 8-9
Hinirang ako ng Panginoon upang ang magandang balita’y dalhin sa mahihirap
at idulot ang langis na nagbibigay-kagalakan.

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

P inuspos ako ng Panginoon ng kanyang Espiritu.


Hinirang niya ako
upang ang magandang balita’y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo n’ya ako,
upang ibalitang ngayo’y panahon nang
iligtas ng Panginoon yaong mga tao na hinirang niya,
at upang lupigin lahat ang mga kaaway;
ako ay sinugo upang aliwin ang nangungulila,
upang ang tumatangis
na mga taga-Sion ay paligayahin,
sa halip ng lungkot,
awit ng pagpuri yaong aawitin;

Ang Diyos na Panginoon


iingatan sila at kakalingain.
Ngunit kayo nama’y
siyang maglilingkod sa Diyos na Panginoon,
kayo ay gagawin niyang saserdote.
Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 7

Itong lahi nila


ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.
Upang ipahiwatig ang katapusan ng pagbasa, ihahayag ng tagapaglahad:

Ang Salita ng Diyos.


Sasagot ang lahat:

Salamat sa Diyos.
8 STA. TERESITA PARISH

SALMONG TUGUNAN
Salmo 103:1. 24. 27-28. 30-31. 33-34

T. Espiritu mo’y suguin,


Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Pinupuri ka Poong Diyos, nitong aking kaluluwa,


O Panginoong aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Sa daigdig, ikaw Poon, kay rami ng iyong likha,
pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa.
Sa dami ng nilikha mo’y nakalatan itong lupa. T.

Lahat sila’y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,


umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro’n silang kasiyahan pagkat bukas ang ‘yong palad. T.

Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,


bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
Sana ang ‘yong karangala’y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama’y kagalakan. T.

Aawitan ko ang Poon, palagi kong aawitan,


Siya’y aking pupurihin habang ako’y nabubuhay.
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal. T.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 9

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8:14-17
Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu,
na tayo’y mga anak ng Diyos.

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

M ga kapatid,
ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos
ay mga anak ng Diyos.
Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin
upang muling matakot.
Ang tinanggap ninyo ay espiritu ng pagiging anak,
at ito ang nagbibigay sa atin
ng karapatang tumawag ng “Ama! Ama ko!”
Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo,
kasama ng ating espiritu,
na tayo’y mga anak ng Diyos.
At yamang mga anak,
tayo’y mga tagapagmana ng Diyos
at kasamang tagapagmana ni Kristo.
Sapagkat kung tayo’y nakikipagtiis sa kanya,
tayo’y dadakilain ding kasama niya.
Upang ipahiwatig ang katapusan ng pagbasa, ihahayag ng tagapaglahad:

Ang Salita ng Diyos.


Sasagot ang lahat:

Salamat sa Diyos.
10 STA. TERESITA PARISH

ALELUYA
Juan 14:16

T. Aleluya! Aleluya!
Hihilingin ko sa Ama
Espiritu’y isugo n’ya
upang sumainyo t’wina
T. Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 4:16-22
Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon

P. Sumainyo ang Panginoon.


B. At sumainyo rin.

P. X Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


B. Papuri sa iyo, Panginoon.

N oong panahong iyon,


umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan.
Gaya ng kanyang kinagawian,
pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga.
Tumindig siya upang bumasa;
at ibinigay sa kanya ang aklat ng Propeta Isaias.
Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon.


Sapagkat hinirang niya ako
upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon. “
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 11

Binalumbon niya ang kasulatan,


at matapos isauli sa tagapaglingkod,
siya’y naupo.
Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga.
At sinabi niya sa kanila:
“Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan
samantalang nakikinig kayo.”
Pinuri siya ng lahat,
at namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita.
Sa katapusan, ihahayag niya:

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Magbubunyi ang lahat:

Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

HOMILIYA
12 STA. TERESITA PARISH

PAGSARIWA SA MGA PANGAKO SA BINYAG


Pagkatapos ng homilya, ang mga kukumpilan ay tatayo at tatanungin sila ng Kardinal:

I tinatakwil ba ninyo si Satanas


at ang kanyang mga gawain
at panghihikayat sa masama?
Sabay-sabay na sasagot ang mga kukumpilan:

Itinatakwil namin.
Kardinal:

Sumasampalataya ba kayo
sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat
na may likha ng langit at lupa?
Mga kukumpilan:

Sumasampalataya kami.
Kardinal:

Sumasampalataya ba kayo kay Hesukristo,


iisang Anak ng Diyos, Panginoon natin,
ipinanganak ni Santa Mariang Birhen,
ipinako sa krus, namatay, inilibing,
muling nabuhay at naluluklok sa kanan ng Ama?
Mga kukumpilan:

Sumasampalataya kami.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 13

Kardinal:

Sumasampalataya ba kayo sa Espiritu Santo,


Panginoon at nagbibigay-buhay,
na bumaba sa mga Apostol noong Pentekostes,
at ngayon ay inyong tatanggapin
sa Sakramento ng Kumpil?
Mga kukumpilan:

Sumasampalataya kami.
Kardinal:

Sumasampalataya ba kayo sa Banal na Simbahang Katolika,


sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa muling pagkabuhay ng mga namatay,
at sa buhay na walang hanggan.
Mga kukumpilan:

Sumasampalataya kami.
Ipahahayag ng Kardinal ang kanyang pagsang-ayon sa kanilang pananampalataya sa
pamamagitan ng pagbigkas ng pananampalataya ng Simbahan:

Ito ang ating pananampalataya.


Ito ang ang pananampalataya ng Banal na Simbahan.
Ito ang ikinararangal nating ipahayag
kaisa ni Kristo Hesus na ating Panginoon.
Sasagot ang lahat:

Amen.
Sa halip na “Ito ang ating pananampalataya…” maaaring gumamit ng ibang pangungusap o
umawit ng anumang naaangkop bilang pagpapahayag ng pananampalataya, katulad ng “Isang
pananampalataya, isang pagbibinyag, isang Panginoon – angkinin nating lahat’.
14 STA. TERESITA PARISH

PAGPAPATONG NG MGA KAMAY


Ang mga paring tutulong sa pagkukumpil ay tatayo ng malapit sa Kardinal. Ang Kardinal nama’y
haharap sa mga tao at magkadaop-palad niyang aawitin o bibigkasin ang sumusunod:

M ga kapatid,
noong binyagan ang mga kukumpilan ngayon.
Sila’y muling isinilang:
ipinagkaloob sa kanila ng Diyos
ang kanyang sariling buhay
kaya’t sila’y naging mga anak niya.
Idalangin natin ngayon sa Diyos Ama
na ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo
upang sila’y mapuspos ng kanyang lakas
at bunga ng pagpapahid ng banal na langis
ay maging higit silang katulad ni Kristo,
ang anak ng Diyos.
Tahimik na dadalangin ang lahat.

Ipapatong ng Kardinal at ng mga paring tumutulong ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga
kukumpilan. Ang Kardinal lamang ang aawit o bibigkas ng sumusunod:

O Diyos na makapangyarihan sa lahat


Ama ni Hesukristo na aming Panginoon,
sa pamamagitan ng tubig ng Espiritu Santo,
hinango mo sa kasalanan ang mga anak mong ito
at binigyan mo sila ng pakikihati sa iyong buhay.
Suguin mo sa kanila ngayon
ang Espiritu Santo, ang Mang-aaliw,
upang siyang maging lakas nila at patnubay.
Ipagkaloob mo
na sila’y mapuspos ng karunungan at pang-unawa,
na sila’y maging makatwiran sa pagpapasya
at manatiling matibay ang loob sa lahat ng pagkakataon.
Puspusin mo sila ng kaalaman at pamimitagan
at ng banal na pagkatakot sa harap ng iyong kadakilaan.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 15

Hinihiling namin ito sa iyo


sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon
magpasawalang hanggan.
Sasagot ang lahat:

Amen.

PAGPAPAHID NG LANGIS
Ang krisma ay dadalhin sa Kardinal ng diyakono. Ang mga kukumpilan ay isaisang lalapit sa
Kardinal, o kaya ang Kardinal ang lalapit sa kanila. Ipapatong ng ninong o ninang o ng magulang
na naghaharap sa kukumpilan ang kanyang kanang kamay sa aanakin o anak at sasabihin niya
ang ngalan nito sa Kardinal. Maaari ring ang kukumpilan ang magsabi ng kanyang ngalan.

Ilulubog ng Kardinal ang kanyang hinlalaki sa lalagyan ng krisma at sa pamamagitan nito’y


kukrusan niya sa noo ang kinukumpilan samantalang sinasabi ito:

N., TANGGAPIN MO ANG TATAK


NG KALOOB NG ESPIRITU SANTO.
Kinukumpilan:

Amen.
Igagawad ang pagbati ng kapayapaan:

Sumaiyo ang kapayapaan.


Sasagot ang kinumpilan:

At sumaiyo rin.
Kung may mga paring tumutulong sa Kardinal, sila ay isa-isang bibigyan ng Kardinal ng lalagyan
ng banal na langis na kanilang gagamitin.

Ang mga kukumpilan ay lalapit sa Kardinal o sa mga pari, o kaya ang Kardinal at mga pari
ang lalapit sa kukumpilan. Gagawin ng mga pari ang pagpapahid ng langis at pagbibigay ng
kapayapaan.

Samantalang ginagawa ang pagkukumpil, maaaring umawit ang mga tao ng anumang naaangkop
sa pagkakataong ito. Pagkatapos ng pagpapahid ng langis, maghuhugas ng kamay ang Kardinal
at ang mga tumulong na pari.
16 STA. TERESITA PARISH

PANALANGIN NG BAYAN
Ang panalanging pangkalahatan ay isusunod alinsunod sa paraang naririto o anumang katulad
nito na pinahihintulutan.

Kardinal:

Mga kapatid,
taimtim tayong manalangin
sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat.
Pag-isahin natin ang ating pagsamo sa Kanya
tulad ng pagkakaisa sa pananampalataya,
pag-asa at pag-ibig na kaloob ng Espiritu Santo.

T. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Para sa mga kapatid nating bagong Kumpil,


upang ang kanilang buhay ay mapuspos
ng pananampalataya at pag-ibig
at maging tapat silang saksi ni Kristo.
Manalangin tayo sa Panginoon.

T. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Para sa kanilang mga magulang, ninong at ninang


na umaakay sa kanila sa pananampalataya,
upang mapatnubayan ng kanilang magagandang payo
at mabubuting halimbawa
ang pamumuhay ng mga bagong Kumpil
na naaayon sa landas ng Panginoong Hesukristo.
Manalangin tayo sa Panginoon.

T. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 17

Para sa banal na Simbahan ng Diyos,


para sa ating Papa, Francisco, para sa ating obispo, Jose,
at para sa lahat ng mga obispo’t pari,
upang itaguyod nila ang pagkakaisa’t pagmamahalan
ng mga taong pinagbubuklod ng Espiritu Santo
hanggang sa maningning na pagbabalik ng Diyos Anak.
Manalangin tayo sa Panginoon.

T. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Para sa lahat ng mga tao, lipi, at bansa,


upang magmahalan ang lahat bilang magkapatid
at mga anak ng iisang Diyos Ama
at upang totohanang hanapin ng lahat
ang kaharian ng kapayapaan at kaningningan ng Espiritu Santo.
Manalangin tayo sa Panginoon.

T. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Sa katahimikan ng ating mga puso’t isipan,


idalangin natin ang ating sariling kahilingan.
(Sandaling katahimikan) Manalangin tayo sa Panginoon.

T. Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


18 STA. TERESITA PARISH

Kardinal:

O Diyos na aming Ama,


isinugo mo ang Espiritu Santo sa mga Apostol.
Sa pamamagitan nila at ng kanilang mga kahalili,
patuloy mong isinusugo ang Espiritu Santo sa amin.
Ang aral na sinimulang ipahayag noong Pentekostes
ay patuloy nawang maihatid sa kabatiran ng lahat.
Hinihiling namin ito
sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon
magpasawalang hanggan.
Sasagot ang mga tao:

Amen.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 19

PAGDIRIWANG
NG HULING HAPUNAN
Pagkatapos, sisimulan ang awit ng pag-aalay. Samantalang ito’y ginaganap, ilalagay ng mga
tagapaglingkod ang telang patungan ng Katawan ni Kristo, ang pamahiran, ang kalis, at ang
Aklat ng Pagmimisa sa ibabaw ng dambana.

Nababagay na ang pakikiisa ng mga nagsisimba ay ipahayag sa pamamagitan ng prusisyon ng


pag-aalay ng tinapay at alak at ng iba pang handog para sa Simbahan at para sa mga dukha.

Ngayon nama’y tatayo ang Kardinal sa gawing gitna ng dambana, hahawakan niya ang pinggan
ng tinapay nang bahagyang nakaangat sa dambana, habang dinarasal niya nang pabulong:

K apuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa
ang tinapay na ito para maging pagkaing nagbibigay-buhay.
Ilalapag niya ang pinggan ng tinapay sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.

Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal nang
malakas ng Kardinal at sa katapusan makapagbubunyi ang mga tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!


Ang Kardinal ay magbubuhos ng alak at kaunting tubig sa kalis habang dinarasal nang pabulong:

Sa paghahalong ito ng alak at tubig


kami nawa’y makasalo sa pagka-Diyos ni Kristo
na nagpagindapat makihati sa aming pagkatao.
20 STA. TERESITA PARISH

Pagbalik sa gawing gitna ng dambana, hahawakan ng Kardinal ang kalis nang bahagyang
nakaangat sa dambana habang dinarasal niya nang pabulong:

K apuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob,
narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas
at bunga ng aming paggawa ang alak na ito
para maging inuming nagbibigay ng iyong Espiritu.
Illapag niya ang kalis sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!


Pagkatapos, yuyuko ang Kardinal habang dinarasal niya nang pabulong:

Diyos Amang Lumikha,


nakikiusap kaming mga makasalanan.
Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
Kung minamabuting gawin, iinsensuhan ng Kardinal ang mga alay at ang dambana pagkaraa’y
iinsensuhan ng tagapaglingkod ang Kardinal at ang mga nagsisimba.

Pagkatapos, ang Kardinal ay pupunta sa gilid ng dambana, maghuhugas siya ng mga kamay
samantalang pabulong niyang dinarasal:

O Diyos kong minamahal,


kasalanan ko‘y hugasan
at linisin mong lubusan
ang nagawa kong pagsuway.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 21

Pagbalik ng Kardinal sa gawing gitna ng dambana, ilalahad niya ang kanyang mga kamay sa mga
tao at muli niyang pagdaraupin habang kanyang ipinahahayag:

Manalangin kayo, mga kapatid,


upang ang paghahain natin
ay kalugdan ng Diyos Amang makapangyarihan.
Sasagot ang mga tao:

Tanggapin nawa ng Panginoon


itong paghahain sa iyong mga kamay
sa kapurihan niya at karangalan
sa ating kapakinabangan
at sa buong Sambayanan niyang banal.

PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY


Pagkaraa’y, ilalahad ng Kardinal ang kanyang mga kamay at darasalin:

A ma naming Lumikha,
noong kami ay tubusin ng iyong Anak,
nakamit niya para sa amin ang iyong Espiritu.
Sa pagdiriwang naming ito
ng alaala ng aming katubusan,
tanggapin mo ang aming mga handog.
Isugo mo ang iyong Espiritu
upang kami’y lalong maging katulad ni Hesukristo.
Saan man kami naroroon, maging saksi nawa niya kami
sapagka’t siya ang aming Panginoon magpasawalang hanggan.
Sasagot ang mga tao ng pagbubunyi:

Amen.
22 STA. TERESITA PARISH

UNANG PAGBUBUNYI O PREPASYO SA ESPIRITU SANTO


Ang ginagampanan ng Espiritu sa sambayanan

P. Sumainyo ang Panginoon.


B. At sumainyo rin.

P. Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.


B. Itinaas na namin sa Panginoon.

P. Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.


B. Marapat na siya ay pasalamatan.
Kardinal:

A ma naming makapangyarihan,
tunay ngang marapat
na ikaw ay aming pasalamatan.

Ikaw ang nagtataguyod sa tanan


at sa maraming paraa’y iyong pinapatnubayan
ang iyong tinipong sambayanan.
Ang iyong Espiritu Santo ay laging kapiling
ng sambayanang kinabibilangan namin
upang ikaw ay sundin namin at mahalin.
Siya ang dumadalangin sa iyo upang
ang dasal nami’y dinggin mo
sa paghiling namin sa iyong saklolo.
Siya rin ang naglalahad nang lubos
sa pasasalamat namin at utang na loob
sa ligaya naming kinamit sa iyong tulong
sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 23

Kaya kaisa ng mga anghel


na nagsisiawit ng papuri sa iyo
nang walang humpay sa kalangitan,
kami’y nagbubunyi sa iyong kadakilaan.

SANTO

Santo, Santo, Santo


Panginoong Diyos ng mga hukbo!
Napupuno ang langit at lupa
ng kadakilaan mo! Osana sa kaitaasan!
Pinagpala ang mga naparirito
sa ngalan ng Panginoon!
Osana sa kaitaasan!
24 STA. TERESITA PARISH

IKALAWANG PANALANGIN
NG PAGPUPURI AT PAGPAPASALAMAT

Nakalahad ang mga kamay ng Kardinal sa pagdarasal.

A ma naming banal,
ikaw ang bukal ng tanang kabanalan.
Pagdaraupin ng Kardinal ang kanyang mga kamay at lulukuban ng mga kamay niya ang mga
alay habang siya’y nagdarasal.

Kaya’t sa pamamagitan ng iyong Espiritu


gawin mong banal ang mga kaloob na ito
Pagdaraupin ng Kardinal ang kanyang mga kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis,
samantalang kanyang dinarasal:

upang para sa ami’y maging Katawan at Dugo X


ng aming Panginoong Hesukristo.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na pangungusap ay ipahahayag nang malinaw
at nauunawaan ng tanan ayon sa hinihingi ng kahulugan ng mga ito.

Bago niya pinagtiisang kusang loob


na maging handog,
Hahawakan ng Kardinal ang tinapay nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang
kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay,


pinasalamatan ka niya,
pinaghati-hati niya iyon,
iniabot sa kanyang mga alagad at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Kardinal.

T ANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 25

Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan at Dugo ni Kristo, ipapatong niya ito
sa pinggan, at luluhod siya bilang pagsamba.

Magpapatuloy ang Kardinal.

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,


Hahawakan ng Kardinal ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang
kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis,


muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad
at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Kardinal.

T ANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.

GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.


Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan ni Kristo, at
luluhod siya bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipahahayag ng Kardinal:

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.


Ang mga tao ay magbubunyi:

Aming ipinahahayag
na namatay ang ‘yong Anak,
nabuhay bilang Mesiyas
at magbabalik sa wakas
para mahayag sa lahat.
26 STA. TERESITA PARISH

Ilalahad ng Kardinal ang kanyang mga kamay samantalang siya ay nagdarasal:

A ma,
ginagawa namin ngayon ang pag-alala
sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Anak
kaya’t iniaalay namin sa iyo
ang tinapay na nagbibigay-buhay
at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan.
Kami’y nagpapasalamat
dahil kami’y iyong minarapat
na tumayo sa harap mo
para maglingkod sa iyo.

Isinasamo naming kaming magsasalu-salo


sa Katawan at Dugo ni Kristo
ay mabuklod sa pagkakaisa
sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Isa sa mga nakikipagmisa:

A ma,
lingapin mo ang iyong Simbahang
laganap sa buong daigdig.
Puspusin mo kami sa pag-ibig
kaisa ni Francisco, na aming Papa
at ni Jose, na aming Obispo
at ng tanang kaparian.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 27

Isa sa mga nakikipagmisa:

A lalahanin mo rin
ang mga kapatid naming nahimlay
nang may pag-asang sila’y muling mabubuhay
gayun din ang lahat ng mga pumanaw.
Kaawaan mo sila at patuluyin sa iyong kaliwanagan.
Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat
na makasalo sa iyong buhay na walang wakas.

Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos,


ng kanyang Kabiyak ng puso, si San Jose,
kaisa ng mga apostol at ng lahat ng mga banal
na namuhay dito sa daigdig nang kalugud-lugod sa iyo,
maipagdiwang nawa namin ang pagpupuri sa ikararangal mo.
Pagdaraupin ng Kardinal ang kanyang mga kamay.

sa pamamagitan ng iyong Anak


na aming Panginoong Hesukristo.
Hahawakan ng Kardinal ang pinggang may ostiya at ang kalis na kapwa niya itataas habang
kanyang ipinahahayag.

S A PAMAMAGITAN NI KRISTO, KASAMA NIYA, AT SA KANYA


ANG LAHAT NG PARANGAL AT PAPURI AY SA IYO,
DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN,
KASAMA NG ESPIRITU SANTO
MAGPASAWALANG HANGGAN.
Ang mga tao ay magbubunyi:

Amen.
28 STA. TERESITA PARISH

ANG PAKIKINABANG
Pagkalapag ng kalis at pinggan sa dambana, ipahahayag ng Kardinal nang may magkadaop na
mga kamay:

S a tagubilin ng mga nakagagaling na utos


at turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos
ipahayag natin nang lakas-loob:
Illalahad ng Kardinal ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat

Ama namin, sumasalangit ka.


Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon


ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.
Nakalahad ang mga kamay ng Kardinal sa pagdarasal:

Hinihiling naming
kami’y iadya sa lahat ng masama,
pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iIigtas sa kasalanan
at ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 29

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay. Wawakasan ng sambayanan ang panalangin sa
ganitong pagbubunyi:

Sapagkat iyo ang kaharian


at ang kapangyarihan at ang kapurihan
magpakailanman! Amen.
Pagkatapos, malakas na darasalin ng Kardinal nakalahad ang mga kamay:

P anginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming mga pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.


Sasagot ang mga tao:

Amen.
Ang Kardinal ay paharap sa sambayanang maglalahad at magdaraop ng mga kamay sa
pagpapahayag.

Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.


Sasagot ant mga tao:

At sumaiyo rin.
Maidaragdag, kung minabuti, ang paanyayang ipahahayag ng Kardinal:

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.


At, alinsunod sa kaugalian ng iba’t-ibang pook, ang mga nagsisimba ay mabigbigyan ng
kapayapaan. Ang Kardinal at ang mga tagapaglingkod ay makapagbibigayan ng kapayapaan.
30 STA. TERESITA PARISH

Pagkatapos, hahawakan ng Kardinal ang ostiya at hahati-hatiin niya ito sa ibabaw ng pinggan at
isasawak niya ang kaputol sa kalis habang pabulong niyang dinarasal:

Sa pagsasawak na ito
ng Katawan sa Dugo ng aming Panginoong Hesukristo
tanggapin nawa namin sa pakikinabang
ang buhay na walang hanggan.

Samantalang ginaganap ang paghahati-hati sa ostiya, aawitin o darasalin ang pagluhog na ito.

Kordero ng Diyos,
na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos,
na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.
Ito ay mauulit-ulit habang ginaganap ang paghahati-hati sa tinapay. Sa huling, pag-uulit saka pa
lamang idurugtong ang “ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.”

Magkadaop ang mga kamay ng Kardinal sa pabulong na pagdarasal.

Panginoong Hesukristo,
Anak ng Diyos na buhay,
sa kalooban ng Ama kasama ng Espiritu Santo,
binuhay mo sa iyong pagkamatay ang sanlibutan.
Pakundangan sa iyong banal na Katawan at Dugo,
iadya mo ako sa tanang aking kasalanan
at lahat ng masama,
gawin mong ako’y makasunod lagi sa iyong mga utos,
at huwag mong ipahintulot
na ako’y mawalay sa iyo kailanman.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 31

o kaya:

Ang pakikinabang sa Katawan at Dugo mo,


Panginoong Hesukristo,
ay huwag nawang magdulot ng paghuhukom
at parusa sa kasalanan ko.
Alang-alang sa iyong dakilang pag-ibig
nawa’y aking matanggap
ang pagkupkop mo sa akin at kaloob mong lunas.
Luluhod ang Kardinal at pagtayo niya’y kanyang hahawakan ang ostiya na itataas sa ibabaw ng
pinggan. Paharap sa mga tao siyang magsasabi ng malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.
Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo


ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.
Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang pabulong na nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo.

Pagkatapos, hahawakan ng Kardinal ang kalis at pabulong na magdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo.
32 STA. TERESITA PARISH

Hahawakan niya ang pinggan o lalagyan ng ostiya at lalapitan niya ang mga nakikinabang,
bahagyang itataas ang ostiya para sa bawat nakikinabang habang sinasabi:

Katawan ni Kristo.
Ang nakikinabang ay tutugon:

Amen.
Samantalang nakikinabang ang Kardinal, sisimulan ang awit sa pakikinabang.

Pagkapakinabang, ang mga mumo ng ostiya na nasa pinggan ay titipunin sa kalis na huhugasan
ng Kardinal o ng tagapaglingkod. Habang ito ay ginaganap ng Kardinal, pabulong siyang
magdarasal:

Ama naming mapagmahal,


ang aming tinanggap ngayon ay amin nawang mapakinabangan
at ang iyong ipinagkaloob ay magdulot nawa sa amin
ng kagalingang pangmagpakailanman.

Makababalik ngayon sa upuan ang Kardinal. Makapag-uukol ng ilang saglit na katahimikan o


makaaawit ng papuri o salmo.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 33

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
Pagkaraan, ang Kardinal ay titindig sa harap ng upuan o sa gawi ng dambana paharap sa mga
nagsisimbang magpapahayag:

Manalangin tayo.
Kung di pa nagaganap ang tahimik na pagdalangin, ito ay gagawin ngayon, at pagkaraan, ang
panalangin pagkapakinabang ay ipahahayag ng Kardinal nakalahad ang mga kamay.

A ma naming mapagmahal,
patuloy mong pagpalain ang mga bagong kumpil
na tumanggap ng Katawa’t Dugo ni Kristo.
Tulungan mo silang magtagumpay sa panahon ng pagsubok.
Makapagdulot nawa ng lugod sa iyong Simbahan
ang kanilang mga mabubuting ginagawa.
Ang kanilang pagmamahalan at pagtutulungan
ay makapagpalaganap nawa sa iyong Simbahan sa sanlibutan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Sasagot ang mga tao ng pagbubunyi:

Amen.
34 STA. TERESITA PARISH

PAGHAYO SA PAGWAWAKAS
Maisusunod, kapag may ipagbibigay-alam, ang mga maikling patalastas na sasabihin sa mga tao.

Pagkatapos, gaganapin ang paghayo. Ang Kardinal nakalahad ng mga kamay sa mga tao ay
magpapahayag:

Sumainyo ang Panginoon.


Sasagot ang lahat:

At sumaiyo rin.
Ang diyakono o ang Kardinal na rin kapag walang diyakono ang magpapahayag ng paanyaya:

Magsiyuko tayo habang iginagawad ang pagbabasbas.


Pagkaraan, itataas ng Kardinal ang kanyang mga kamay na lumulukob sa lahat, samantalang
inaawit o ipinahahayag niya ang mga pagbabasbas.

Isinilang kayo ng Diyos Ama bilang kanyang mga anak


sa pamamagitan ng tubig at Espiritu Santo.
Sumainyo nawa ang kanyang pagpapala
at patnubayan kayo ng kanyang maka-Amang pagmamahal
magpasawalang hanggan.
Sasagot ang lahat:

Amen.

Kardinal:

Ipinangako ni Hesukristo na Diyos Anak sa kanyang Simbahan


ang pananatili ng Espiritu Santo ng katotohanan.
Sumainyo nawa ang pagpapala ni Hesukristo
at patatagin nawa kayo sa pamumuhay
ayon sa tunay na pananampalataya
magpasawalang hanggan.
ANG PAGKUKUMPIL SA LOOB NG BANAL NA MISA 35

Sasagot ang lahat:

Amen.
Kardinal:

Pinag-alab ng Espiritu Santo


ang apoy ng pag-ibig sa puso ng mga alagad
noong siya’y bumaba sa mga ito.
Sumainyo nawa ang kanyang pagpapala,
pagbuklurin kayo sa isang pananampalataya at pag-ibig,
at akayin kayo sa kaligtasan ng paghahari ng Diyos
magpasawalang hanggan.
Sasagot ang lahat:

Amen.
Babasbasan ng Kardinal ang mga tao habang kanyang ipinahahayag.

P agpalain kayo ng makapangyarihang Diyos,


Ama X at Anak X at Espiritu X Santo.
Sasagot ang lahat:

Amen.
Ang Diyakono o ang Kardinal na magkadaop ang mga kamay ay magpapahayag ng paghayo sa
sambayanan:

Humayo kayong taglay ang kapayapaan


upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran.
Sasagot ang mga tao:

Salamat sa Diyos.

Karaniwan, ang dambana ay bibigyang-paggalang sa paghalik dito ng Kardinal at matapos


makapagbigaypitagan kaisa ng mga tagapaglingkod, siya ay hahayo.
Archdiocesan Liturgical Commission
Manila

You might also like