You are on page 1of 32

PAGDIRIWANG NG BANAL NA MISA

IKADALAWAMPU’T DALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON


Pagtatalaga at Pagpapanibago ng mga Tagapaglingkod sa Dambana
ng Parokya ni San Jose, Manggagawa
PASIMULA

Kapag natitipon na ang sambayanan, ang pari at mga tagapaglingkod ay lalakad patungo sa dambana
samantalang ang awiting pambungad ay ginaganap.

Pagsapit sa dambana, ang pari at mga tagapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa


hinihinging paraan. Magbibigay-galang ang pari sa dambana sa pamamagitan ng paghalik sa ibabaw. Kung
minamabuti niya, maiinsensuhan niya ito. Pagkatapos, ang pari ay paroroon sa kanyang upuan.

Matapos ang awiting pambungad, habang nakatayo ang lahat, ang pari at ang mga tao ay magkukrus.
Ipahahayag ng paring nakaharap sa mga tao:

+ Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Sasagot ang mga tao:

Amen.

Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay bilang pagbati sa mga tao, habang ipinahahayag:

Ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo,


ang pag-ibig ng Diyos Ama,
at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo ay sumainyong lahat.

Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.

Ang pari ay makapagbibigay ng maikling paliwanag tungkol sa buod ng Misang ipagdiriwang:

Mga kapatid, idalangin natin sa misang ito


na ang itatalaga nating mga tagapaglingkod sa Dambana
gayundin ang mga magpapanibago ng kanilang paglilingkod
ay tunay na magkaloob ng kanilang sarili nang may kababaang loob.
At upang tayo’y maging marapat gumanap sa banal na pagdiriwang,
aminin nati’t pagsisihan ang ating mga nagawang kasalanan.
PAGSISISI SA KASALANAN

Magkakaroon ng saglit na katahimikan. Pagkatapos nito, lahat ay sabay-sabay na aamin sa nagawang


kasalanan.

Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos,


at sa inyo, mga kapatid,
na lubha akong nagkasala

Ang lahat ay dadagok sa dibdib.

sa isip, sa salita, sa gawa


at sa aking pagkukulang.
Kaya isinasamo ko
sa Mahal na Birheng Maria,
sa lahat ng mga anghel at mga banal
at sa inyo, mga kapatid,
na ako’y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.

Ipahahayag ng pari ang pagpapatawad:

Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,


patawarin tayo sa ating mga kasalanan,
at patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.

Sasagot ang mga tao:

Amen.

PANGINOON, KAAWAAN MO KAMI (Aawitin)

Pari: Panginoon, kaawaan mo kami.


Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.

Pari: Kristo, kaawaan mo kami.


Bayan: Kristo, kaawaan mo kami.

Pari: Panginoon, kaawaan mo kami.


Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.
PAPURI SA DIYOS SA KAITAASAN (Aawitin)

Pasisimulan ng Pari ang pag-awit ng Papuri sa Diyos.

Papuri sa Diyos sa kaitaasan


at sa lupa’y kapayapaan
sa mga taong kinalulugdan niya.
Pinupuri ka namin, dinarangal ka namin,
sinasamba ka namin, ipinagbubunyi ka namin,
pinasasalamatan ka namin,
dahil sa dakila mong angking kapurihan.
Panginoong Diyos, Hari ng langit,
Diyos, Amang makapangyarihan sa lahat.
Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak,
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
tanggapin mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama,
maawa ka sa amin.
Sapagkat ikaw lamang ang banal,
ikaw lamang ang Panginoon,
ikaw lamang, O Hesukristo,
ang Kataas-taasan,
kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen.
PANALANGING PAMBUNGAD

Pari: Manalangin tayo.

Ama naming makapangyarihan,


tanang pinakamabuti'y iyong tinataglay.
Gawin mong sa aming kalooba'y manuot
ang pag-ibig sa iyong ngalang dakila at bantog
upang sa pag-unlad ng aming pagsunod
sa pananampalatayang iyong ipinagkaloob
mapagyaman mo ang kabutihang iyong inihandog
at ang iyong pinagyaman ay mapanatili mong lubos
sa iyong pagsubaybay sa amin at pagkupkop
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

UNANG PAGBASA Sirak 3, 17-18. 20. 28-29

Lektor: Ang Salita ng Diyos mula sa Aklat ni Sirak.

Anak ko, maging mapagkumbaba ka


sa pagtupad ng tungkulin,
at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.
Habang ika'y dumadakila,
lalo ka namang magpakumbaba;
Sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon.
Huwag mong hangaring maunawaan
ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,
huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.
Nililimi ng matinong tao ang mga talinghaga;
Nawiwili silang makinig pagkat nais nilang matuto.
Kung ang tubig ay nakamamatay ng apoy,
ang paglilimos ay nakapapawi ng kasalanan.

Ang Salita ng Diyos.

Bayan: Salamat sa Diyos.


SALMONG TUGUNAN Salmo 67, 4-5ak. 6-7ab. 10-11

R. POON, BIYAYA MO'Y BIGAY


SA MAHIRAP NAMING BUHAY.

Ang lahat ay nagagalak, natutuwa ang matuwid;


Sa harapan nitong Diyos, galak nila’y di malirip.
Awitan ang Panginoon, purihin ang kanyang ngalan,
Ang pangalan niyang banal, magalak na papurihan. R.

Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,


Tumitingin sa ulila’t sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
Ang bilanggo’y hinahango upang sila ay malugod. R.

Dahil sa ’yo, yaong ulang masagana ay pumatak,


Lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
Ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos. R.
IKALAWANG PAGBASA Hebreo 12, 18-19. 22-24a

Lektor: Ang Salita ng Diyos mula sa Sulat sa mga Hebreo.

Mga kapatid,
Hindi kayo lumapit, gaya ng paglapit ng mga Israelita,
sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai
na may nagliliyab na apoy,
balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin,
may tunog ng trompeta, at tinig na nagsasalita.
Nang ang tinig na ito’y marinig ng mga tao,
isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila.
Ang nilapitan ninyo’y ang Bundok ng Sion
at ang lunsod ng Diyos na buhay,
ang Jerusalem sa langit,
na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel.
Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon
ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit.
Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat,
at sa mga espiritu ng mga taong banal
na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos.
Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.

Ang Salita ng Diyos.

Bayan: Salamat sa Diyos.


ALELUYA Mateo 11, 29ab

Aleluya, Aleluya
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin ninyo ang aking pasan;
Kaamuan ko'y tularan.
Aleluya, Aleluya

MABUTING BALITA Lucas 14, 1. 7-14

Pari: Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: + Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas.


Bayan: Papuri sa Iyo, Panginoon.

Pari: Isang Araw ng Pamamahinga,


si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay
ng isang pinuno ng mga Pariseo;
at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.

Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga inanyayahan


ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin.
Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito:
“Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan,
huwag mong pipiliin ang tanging upuan.
Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo.
At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo,
‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’
Sa gayo’y mapapahiya ka
at doon malalagay sa pinakaabang upuan.
Ang mabuti, kapag naanyayahan ka,
doon ka maupo sa pinakaabang upuan,
sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin,
‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’
Sa gayon, nabigyan ka ng malaking karangalan
sa harapan ng mga panauhin.
Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa,
at ang nagpapakababa ay itataas.”

Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya:


“Kapag naghahanda ka,
huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak
o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo,
sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka na.
Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo,
ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay,
at mga bulag ang anyayahan mo.
Hindi sila makagaganti sa iyo
at sa gayo’y magiging mapalad ka.
Gagantihin ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Bayan: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

HOMILIYA

Matapos ang Homiliya, maglalaan ng ilang sandaling katahimikan upang magnilay.


RITUWAL NG PAGTANGGAP AT PAGKAKALOOB NG KASUOTAN
SA PAGLILINGKOD NG MGA TAGAPAGLINGKOD SA DAMBANA
SA LOOB NG PAGDIRIWANG NG BANAL NA MISA

Ito ay maaaring gawin matapos ang homilya. Sisimulan ito sa pamamagitan ng pagtawag ng
Diyakono o ng Pangulo (o sinumang naatasan) sa mga itatalaga. Pupunta ang mga tinawag sa may
santuwaryo.

Pagtawag sa mga tatanggaping Tagapaglingkod sa Dambana

Diyakono/Pangulo:

Lumapit ang mga tatanggapin


at aatasang Tagapaglingkod sa Dambana.

Lalapit ang mga tatanggaping Tagapaglingkod sa Dambana sa may gawi ng santuwaryo.

Pangulo:

Minamahal naming Padre N.,


narito po ang mga nagnanais magtalaga ng kanilang sarili
sa paglilingkod sa dambana ng Panginoon.
Sumailalim na po sila sa paghubog,
at nakapasa sa mga pagsusulit na nararapat
sa mga nais maging Tagapaglingkod sa Dambana.

Pagpapahayag ng Pananampalataya

Pari: Mga kapatid,


ikinagagalak ng Panginoon at maging ng Kanyang sambayanan
ang inyong pagkakaloob ng sarili
sa paglilingkod sa Kanyang Dambana.
Bilang patunay ng inyong kagustuhan at kahandaan sa paglilingkod,
ipahahayag ninyo ang inyong maging dapat na panuntunan
bilang mga Kristiyano,
lalo na bilang mga lingkod ng Kanyang Dambana.
Sumasampalataya ba kayo
sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa?

Mga itinatalaga:

Opo, sumasampalataya kami.

Pari: Sumasampalataya ba kayo kay Jesukristo,


iisang anak ng Diyos na ating Panginoon,
nagkatawang-tao sa kapangyarihan ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Birheng Maria,
ipinako sa krus, namatay at inilibing,
nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao,
nabuhay muli sa ikatlong araw,
umakyat sa langit,
naluklok sa kanan ng Diyos na makapangyarihan sa lahat,
at mula roon ay paririto
upang hukuman ang mga nabubuhay at namatay?

Mga itinatalaga:

Opo, sumasampalataya kami.

Pari: Sumasampalataya ba kayo sa Diyos Espiritu Santo,


sa Banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa muling pagkabuhay ng mga namatay
at sa buhay na walang hanggan?

Mga itinatalaga:

Opo, sumasampalataya kami.


Pari: Ito ang ating sinasampalatayanan,
ang misteryo ng ating pananampalataya
na ipinagdarasal ng Inang Simbahan sa lahat ng tao,
sa lahat ng panahon at dako,
sa ngalan ni Jesukristong ating Panginoon.

Lahat:

Amen.

Pagbabasbas at Pagtatalaga

Pari: Manalangin tayo.

Iuunat ng pari ang kanyang mga kamay sa mga itinatalaga. Samantala, tatayo ang lahat at luluhod
naman ang mga itinatalaga (kung kakayaning lumuhod. Kung hindi, mananatili silang nakatayo.)

Tagapagpaliwanag:

Magsitayo ang lahat.

Darasalin ng pari ang mga sumusunod na panalangin:

Amang mapagmahal,
Ikaw ang tumatawag sa mga anak Mong ito
upang magtalaga ng sarili sa paglilingkod sa Iyo.
Ikaw ang humihirang at nagpapagindapat sa kanila
upang maging mga Tagapaglingkod sa iyong dambana.
Basbasan mo + ang mga lingkod Mong ito
upang sila ay maging mabubuting tagapakinig ng Iyong salita
nang sa gayon, maging mahusay din sila
sa pagsasabuhay ng Iyong mga aral.

Liwanagan Mo ang kanilang isip


at pag-alabin sa pag-ibig ang kanilang puso sa pagsunod sa Iyo,
at nawa'y maganap nilaang kanilang gampanin ng buong katapatan.
Maging magalang nawa sila sa Iyong harapan,
at magsumikap na tumulad sa Iyong kabanalan.
Patuloy nawa silang maging halimbawa
ng tunay na buhay panalangin,
masikap na pagkilala sa Iyo,
at puspusang paglilingkod sa kapwa.
Pagsikapan nawa nilang mamuhay lagi
nang ayon sa Iyong kalooban.

Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesukristo


kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Lahat:

Amen.

Kung lumuhod ang mga bagong Tagapaglingkod sa Dambana, tatayo sila. Wiwisikan ng pari ng
banal na tubig ang mga itinalaga. Samantala, dito rin maaaring ganapin ang pagbabasbas at pagbibigay ng
kasuotan sa paglilingkod, o anumang itinalaga bilang tanda ng pagtatalaga.

Sa mga pagkakataong may nakalaan at nakahandang kasuotan, dadalhin ito sa harapan ng iba pang
tagapaglingkod (o ng mga magulang o sponsor), at sasambitin ng pari ang sumusunod na panalangin:

Ama naming makapangyarihan,


sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag,
nilinis mo kami mula sa aming karumihan
at sinuotan kami ng damit ng kadalisayan.
Bilang pag-aalaala sa biyaya ng Binyag,
sa pananampalatayang aming pinananaligan at ipinamumuhay,
hinihiling naming basbasan mo +
ang mga kasuotang ito ng mga Tagapaglingkod Mo
sa dambana ng Iyong Kabanalan.
Nawa, sa pagsusuot ng mga ito,
mabatid nila ang dakilang karangalang dapat nilang pangalagaan,
at matanto nila ang dakilang pagtawag
na dapat nilang tugunan nang buong katapatan.
Hinihiling namin ito
sa pamamagitan ni Jesukristong
aming Dakilang Pari.
Lahat:

Amen.

Wiwisikan ng banal na tubig ang mga kasuotan. Pagkatapos, isusuot ng mga bagong tagapaglingkod
ang mga kasuotan sa paglilingkod. Maaaring tumulong ang mga magulang o sponsor ng mga bagong
Tagapaglingkod sa Dambana.

Pagkilala sa mga Itinalaga

Pari: Bilang pagtanggap at pagbati sa kanila,


pasalubungan natin sila ng masigabong palakpakan.

Babalik sa kanilang mga upuan ang mga itinalagang tagapaglingkod o ang ilan ay maghahanda para
sa prusisyon ng mga alay.

RITUWAL NG PAGPAPANIBAGO NG PAGTATALAGA NG SARILI


SA MULING PAGHIRANG AT PAGKAKALOOB NG ATAS NA GAWAIN
SA MGA DATIHANG TAGAPAGLINGKOD SA DAMBANA
SA LOOB NG PAGDIRIWANG NG BANAL NA MISA

Sisimulan ito sa pamamagitan ng pagtawag ng Diyakono o ng Pangulo (o sinumang naatasan) sa


mga muling itatalaga. Pupunta ang mga tinawag sa may santuwaryo.

Pagtawag sa mga Tagapaglingkod sa Dambana

Diyakono/Pangulo:

Ngayon po ay ating gaganapin


ang Pagpapanibago ng mga Datihang Tagapaglingkod sa Dambana.
Hinihiling sa mga magpapanibagong tagapaglingkod
na lumapit sa may harapan ng dambana.

Lalapit ang mga magpapanibagong Tagapaglingkod sa Dambana sa may gawi ng santuwaryo.

Pagpapanibago ng Pagtatalaga bilang mga Tagapaglingkod sa Dambana

Pari: Mga minamahal na Tagapaglingkod sa Dambana ng Diyos,


hinihiling ko ngayong sama-sama kayong muling magtalaga ng sarili
sa paglilingkod sa Panginoon.
Mga Tagapaglingkod:

Panginoon naming Diyos,


muli ay itinatalaga ko ang aking sarili
upang maging natatanging lingkod ni Kristo,
bilang Tagapaglingkod sa Kanyang Dambana.

Ipinangangako ko pong sa aking salita at gawa


ay maisabuhay ang panananalig kay Kristo,
at maging huwaran sa kapwa kabataan,
na may pag-ibig at paggalang sa Diyos,
sa magulang at sa kapwa.

Kasihan nawa ako ng Iyong Banal na Espiritu,


at kalugdan Mo nawa ang aking paglilingkod.

Pagbabasbas at Pagtatalaga

Pari: Manalangin tayo.

Iuunat ng pari ang kanyang mga kamay sa mga muling itinatalaga. Samantala, tatayo ang lahat at
luluhod naman ang mga itinatalaga (kung kakayaning lumuhod. Kung hindi, mananatili silang nakatayo.)

Tagapagpaliwanag:

Magsitayo ang lahat.

Darasalin ng pari ang mga sumusunod na panalangin:

Amang mapagmahal,
sinugo mo ang Iyong anak na si Jesukristo
upang maturuan kami ng pagsambang
lubos na nakalulugod sa iyong harapan.

Hinihiling naming basbasan mo +


ang mga lingkod mong ito.
Patuloy mo silang samahan at gabayan
upang higit pa nilang pagsikapang
mapabuti ang tapat na paglilingkod sa iyo.
Hinihiling namin ito sa iyo sa pamamagitan ni Jesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Lahat:

Amen.

Kung lumuhod ang mga muling itinalagang Tagapaglingkod sa Dambana, tatayo sila. Wiwisikan ng
pari ng banal na tubig ang mga muling itinalaga. Samantala, dito rin maaaring ganapin ang pagbabasbas at
pagbibigay ng anumang itinalaga bilang tanda ng muling pagtatalaga (kung mayroon).

Pagkilala sa mga Itinalaga

Pari: Bilang pagtanggap at pagbati sa kanila,


pasalubungan natin sila ng masigabong palakpakan.

Matapos ito ay gaganapin ang Panalangin ng Bayan. Dito, makabubuting magdagdag ng kahilingang
patungkol sa mga muling itinalagang Tagapaglingkod sa Dambana. Sa pag-aalay, maaari rin namang sila
na rin ang magdala ng mga handog na nakatalagang ialay sa Banal na Misa.
PANALANGIN NG BAYAN

Pari: Dumalangin tayo, mga kapatid,


sa Panginoong lubos ang pagmamahal at pagtitiwala sa atin,
Siya na tumatawag sa atin upang higit pang makapaglingkod
sa Kanyang Simbahan. Ang ating itutugon:

R. PANGINOON, TURUAN MO KAMING MAGLINGKOD TULAD MO.

1. Para sa buong Simbahan, ang makaparing sambayanan ng mga binyagan, upang


palagian niyang pagsikapang makapagparangal sa ngalang banal ng ating Poong
mahal, manalangin tayo sa Panginoon. R.

2. Para sa mga namumuno sa pamahalaan, upang mabatid nilang ang paglilingkod sa


bayan nang buong katapatan ay kalugod-lugod na handog sa Kanyang kadakilaan,
manalangin tayo sa Panginoon. R.

3. Para sa mga hindi tuwirang makapaglingkod sa Simbahan dahil sa kagipitang sanhi


ng kapansanan o kahirapan, upang sa abot ng kanilang kakayahan ay magawa nilang
magpadama ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon. R.

4. Para sa ating lahat, lalo na sa mga tinanggap bilang mga Tagapaglingkod sa Dambana,
upang maialay natin sa Diyos ang handog na kaaya-aya sa kanyang harapan: ang ating
pagmamahal na hindi matatawaran, manalangin tayo sa Panginoon. R.

(Sandaling Katahimikan)

Pari: Amang mapagmahal,


lubos ang pagkakaloob mo ng mga pagpapala
sa Iyong bayang hinirang.
Pag-alabin Mo ang aming mga puso
upang higit pang magnasang makapaglingkod
at makapagbigay-parangal sa Iyong kadakilaan.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan
ni Jesukristong aming Dakilang Pari.

Bayan: Amen.
PAGDIRIWANG NG HULING HAPUNAN

Pagkatapos, sisimulan ang awit ng pag-aalay. Samantalang ito’y ginaganap, ilalagay ng mga
tagapaglingkod ang telang patungan ng Katawan ni Kristo, ang pamahiran, ang kalis at ang Aklat ng
Pagmimisa sa ibabaw ng dambana.
Nababagay na ang pakikiisa ng mga nagsisimba ay ipahayag sa pamamagitan ng prusisyon ng pag-
aalay ng tinapay at alak at ng iba pang handog para sa Simbahan at para sa mga dukha.
Ngayon nama’y tatayo ang pari sa gawing gitna ng dambana, hahawakan niya ang pinggan ng
tinapay nang bahagyang nakaangat sa dambana, habang dinarasal niya nang pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa ang tinapay na ito
para maging pagkaing nagbibigay-buhay.

Ilalapag niya ang pinggan ng tinapay sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.


Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal nang
malakas ng pari at sa katapusan makapagbubunyi ang mga tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Ang diyakono o ang pari ay magbubuhos ng alak at kaunting tubig sa kalis habang dinarasal nang
pabulong:

Sa paghahalong ito ng alak at tubig


kami nawa’y makasalo sa pagka-Diyos ni Kristo
na nagpagindapat makihati sa aming pagkatao.

Pagbalik sa gawing gitna ng dambana, hahawakan ng pari ang kalis ng bahagyang nakaangat sa
dambana habang dinarasal niya ng pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas at bunga ng aming paggawa ang alak na ito
para maging inuming nagbibigay ng iyong Espiritu.

Ilalapag niya ang kalis sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.


Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal nang
malakas ng pari at sa katapusan makapagbubunyi ang mga tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Pagkatapos, yuyuko ang pari habang dinarasal niya nang pabulong:


Diyos Amang Lumikha, nakikiusap kaming mga makasalanan.
Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.

Kung minamabuting gawin, iinsensuhan ng pari ang mga alay at ang dambana; pagkaraa’y
iinsensuhan ng diyakono o ng tagapaglingkod ang pari at ang mga nagsisimba.
Pagkatapos, ang pari’y pupunta sa gilid ng dambana, maghuhugas siya ng mga kamay samantalang
pabulong niyang dinarasal:

O Diyos kong minamahal,


kasalanan ko’y hugasan
at linisin mong lubusan
ang nagawa kong pagsuway.

Pagbalik ng pari sa gawing gitna ng dambana, ilalahad niya ang kanyang kamay sa mga tao at muli
niyang pagdaraupin habang kanyang ipinahahayag:

Manalangin kayo, mga kapatid,


upang ang paghahain natin ay kalugdan
ng Diyos Amang makapangyarihan.

Sasagot ang mga tao:

Tanggapin nawa ng Panginoon


itong paghahain sa iyong mga kamay
sa kapurihan niya at karangalan
sa ating kapakinabangan at sa buong Sambayanan niyang banal.

Pagkaraa’y ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at darasalin niya ang panalangin ukol sa mga
alay.

PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY

Pari: Ama naming Lumikha,


ang banal na paghahain ay lagi nawang magdulot
ng iyong pagbabasbas na sa ami'y tumutubos
upang ang ginaganap mo sa aming pagdiriwang
ay maging lubos na pagkakaloob ng iyong pagmamahal
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
IKAANIM NA PAGBUBUNYI O PREPASYO
SA MGA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON:
Ang katiyakan ng Pagkabuhay kailanman

Pari: Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.


Bayan: Itinaas na namin sa Panginoon.

Pari: Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.


Bayan: Marapat na siya ay Pasalamatan.

Pari: Ama naming makapangyarihan,


tunay ngang marapat
na ikaw ay aming pasalamatan.

Nasa iyo ang aming buhay,


pagkilos at pag-iral.
Sa pamumuhay namin araw-araw,
tinatamasa namin ang iyong pagmamahal.
Sa pag-ibig mong ipinunla sa sangkatauhan,
ang Espiritu Santo'y unang aning bigay
ng Anak mong naglagak sa amin ng katiyakang
nakalaan kaming mabuhay sa piling mo kailanman.

Kaya kaisa ng mga anghel


na nagsisiawit ng papuri sa iyo
ng walang humpay sa kalangitan,
kami'y nagbubunyi sa iyong kadakilaan:
Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos ng mga hukbo!
Napupuno ang langit at lupa
ng kadakilaan mo!
Osana sa kaitaasan!
Pinagpala ang naparirito
sa ngalan ng Panginoon!
Osana sa kaitaasan!
IKALAWANG PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PAGPAPASALAMAT

Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal.

Ama naming banal,


ikaw ang bukal ng tanang kabanalan.

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay at lulukuban ng mga kamay niya ang mga alay habang
siya’y nagdarasal.

Kaya’t sa pamamagitan ng iyong Espiritu


gawin mong banal ang kaloob na ito

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis, samantalang
kanyang dinarasal:

upang para sa ami’y maging Katawan at Dugo +


ng aming Panginoong Hesukristo.

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na pangungusap ay ipahahayag ng malinaw at


nauunawaan ng tanan ayon sa hinihingi ng kahulugan ng mga ito.

Bago niya pinagtiisang kusang loob na maging handog,

Hahawakan ng pari ang tinapay nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang kanyang
patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay,


pinasalamatan ka niya,
pinaghati-hati niya iyon,
iniabot sa kanyang mga alagad
at sinabi:

Bahagyang yuyuko ang pari.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan ni Kristo, ipapatong niya ito sa pinggan,
at luluhod siya bilang pagsamba.

Ang pari ay magpapatuloy.

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,

Hahawakan ng pari ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang kanyang
patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis


muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad
at sinabi:

Bahagyang yuyuko ang pari.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.

GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.

Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan ni Kristo, at luluhod
siya bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipahahayag ng pari:

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.

Ang mga tao ay magbubunyi:

(Aawitin)
Aming ipinahahayag
na namatay ang iyong Anak
nabuhay bilang Mesiyas
at magbabalik sa wakas
para mahayag sa lahat.
Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay samantalang siya ay nagdarasal:

Ama,
ginagawa namin ngayon ang pag-alala
sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Anak
kaya’t iniaalay namin sa iyo
ang tinapay na nagbibigay-buhay
at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan.
Kami’y nagpapasalamat
dahil kami’y iyong minarapat
na tumayo sa harap mo
para maglingkod sa iyo.

Isinasamo naming kaming magsasalu-salo


sa Katawan at Dugo ni Kristo
ay mabuklod sa pagkakaisa
sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ama,
lingapin mo ang iyong Simbahang
laganap sa buong daigdig.
Puspusin mo kami sa pag-ibig
kaisa ni FRANCISCO, na aming Papa
at ni DENNIS na aming Obispo,
at ng tanang kaparian.

Alalahanin mo rin ang mga kapatid naming nahimlay


nang may pag-asang sila’y muling mabubuhay
gayun din ang lahat ng mga pumanaw.
Kaawaan mo sila at patuluyin sa iyong kaliwanagan.
Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat
na makasalo sa iyong buhay na walang wakas.

Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos,


ng kabiyak ng puso niyang si San Jose,
kaisa ng mga apostol at ng lahat ng mga banal
na namuhay dito sa daigdig nang kalugud-lugod sa iyo,
maipagdiwang nawa namin ang pagpupuri sa ikararangal mo

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay.

sa pamamagitan ng iyong Anak


na aming Panginoong Hesukristo.

Hahawakan ng pari ang pinggang may ostiya at ang kalis na kapwa niya itataas habang kanyang
ipinahahayag:

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama niya, at sa kanya


ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo,
Diyos Amang makapangyarihan,
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Ang mga tao ay magbubunyi:

Amen.

Susunod ang yugto ng pakikinabang.


ANG PAKIKINABANG

Pagkalapag ng kalis at pinggan sa dambana, ipahahayag ng pari nang may magkadaop na mga
kamay:

Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos


at turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos
ipahayag natin nang lakas-loob:

Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat:

(Aawitin)
Ama namin, sumasalangit ka.
Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon


ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.

Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal:

Hinihiling naming
kami’y iadya sa lahat ng masama,
pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iligtas sa kasalanan
at ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay. Wawakasan ng sambayanan ang panalangin sa ganitong
pagbubunyi:
(Aawitin)
Sapagka’t iyo ang kaharian
at ang kapangyarihan at ang kapurihan
magpakailanman! Amen.

Pagkatapos, malakas na darasalin ng paring nakalahad ang mga kamay:

Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay.

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Sasagot ang mga tao:

Amen.

Ang pari’y paharap sa sambayanang maglalahad at magdaraop ng mga kamay sa pagpapahayag.

Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.

Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.

Maidaragdag, kung minamabuti, ang paanyayang ipahahayag ng diyakono o pari:

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.

At, alinsunod sa kaugalian ng iba’t ibang pook, ang mga nagsisimba ay magbibigayan ng
kapayapaan. Ang pari at mga tagapaglingkod ay makapagbibigayan ng kapayapaan.
Pagkatapos, hahawakan ng pari ang ostiya at hahati-hatiin niya ito sa ibabaw ng pinggan at isasawak
niya ang kaputol sa kalis habang pabulong niyang dinarasal:

Sa pagsasawak na ito
ng Katawan sa Dugo ng aming Panginoong Hesukristo
tanggapin nawa namin sa pakikinabang
ang buhay na walang hanggan.

Samantalang ginaganap ang paghahati-hati sa ostiya, aawitin o darasalin ang pagluhog na ito:

(Aawitin)
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.

Ito ay mauulit-ulit habang ginaganap ang paghahati-hati sa tinapay. Sa huling pag-uulit saka pa
lamang idurugtong ang “ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.”

Magkadaop ang mga kamay ng pari sa pabulong na pagdarasal:

Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos na buhay,


sa kalooban ng Ama kasama ng Espiritu Santo,
binuhay mo sa iyong pagkamatay ang sanlibutan.
Pakundangan sa iyong banal na Katawan at Dugo,
iadya mo ako sa tanang aking kasalanan at lahat ng masama,
gawin mong ako’y makasunod lagi sa iyong mga utos,
at huwag mong ipahintulot na ako’y mawalay sa iyo kailanman.

Luluhod ang pari at pagtayo niya’y kanyang hahawakan ang ostiya na itataas sa ibabaw ng
pinggan. Paharap sa mga tao siyang magsasabi nang malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.

Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo


nguni’t sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.
Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang pabulong na nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.

Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo.

Pagkatapos, hahawakan ng pari ang kalis at pabulong na magdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.

Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo.

PAKIKINABANG

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG

Pari: Manalangin tayo.

Ama naming mapagmahal,


kaming nagsalu-salo sa pagkain mong bigay
ay humihiling ng lakas mong inilalaan
uoang ang kagandahang-loob nami'y madagdagan
sa paglilingkod namin sa iyong kadakilaan
na nagpapaalab sa pag-ibig namin sa kapwa-tao
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
MARINGAL NA PAGBABASBAS

Pari: Sumainyo ang Panginoon.

Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: Iyuko ang inyong ulo upang tanggapin ang pagbabasbas.

Ang di malirip na kapayapaan ng Diyos Ama


ang lumingap sa inyong puso at pag-iisip
sa pamamagitan ng pagkakilala at pag-ibig niya
at ng kanyang Anak na si Hesukristo na ating Panginoon
ngayon at magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Pari: Pagpalain kayo ng makapagyarihang Diyos,


Ama at Anak + At Espiritu Santo.

Bayan: Amen.

Pari: Humayo kayo sa kapayapaan


at manatiling naglilingkod nang may kababang loob.

Bayan: Salamat sa Diyos!

PANGWAKAS NA AWIT

You might also like