You are on page 1of 46

1|STA.

ELENA CHAPEL MISSION STATION - NAGTAHAN

INTRODUKSYON:
Tagapagdaloy:

Magandang araw po sa inyong lahat mga kapatid!

Ipinagdiriwang po natin ngayon


ang Dakilang Kapistahan
ng Kalinis-linisang Paglilihi
sa Mahal na Birheng Maria.

Ang ating Punong Tagapagdiwang


ay ang Mission Station Priest
na si Rdo. Pd. Rodolfo Abanes, Jr.

Magsitayo po ang lahat


at sumabay sa pambungad na awit.
2 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

PASIMULA
Kapag natitipon na ang sambayanan, ang Tagapagdiwang at mga
tagapaglingkod ay lalakad patungo sa altar, samantalang ang awiting
pambungad ay ginaganap.

Pagsapit sa dambana, ang Tagapagdiwang at mga ta


gapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa hinihinging paraan.
Magbibigay-galang ang pari sa dambana sa pamamagitan ng paghalik sa
ibabaw ng altar. Kung minamabuti niya, maiinsensuhan niya ito. Pagkatapos,
ang pari ay paroroon sa kanyang upuan.

Matapos ang awiting pambungad, habang nakatayo ang lahat, ang pari at ang
mga tao ay magkukrus. Ipahahayag ng Tagapagdiwang nakaharap sa mga tao:

Tagapagdiwang:

Sa ngalan ng Ama 
at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Sasagot ang mga tao:

Amen.
Tagapagdiwang:

Sumainyo ang Panginoon.


Bayan:

At sumaiyo rin.
3|STA. ELENA CHAPEL MISSION STATION - NAGTAHAN

Ang tagapagdiwang o ang diyakono o sinumang angkop na tagapaglingkod ay


makapagbibigay ng maikling paliwanag tungkol sa buod ng Misang
ipagdiriwang.

Tagapagdiwang:

Mga minamahal na kapatid kay Kristo,


tayo ngayon ay natitipon bilang isang
sambayanan na nagpupuri
at nagpapasalamat sa Diyos.

Isang mahalagang saglit


sa planong pang-kaligtasan ng Diyos
ang Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria
sapagkat siya ang kauna-unahang nakalasap
ng mapagpalayang kapangyarihan
ng kanyang Anak na si Hesus.
Maaaring magdagdag ng paliwanag.

Kaya naman,
4 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

sa pagpapatuloy ng ating pagdiriwang,


aminin natin ang ating mga kasalanan
upang tayo’y maging marapat gumanap
sa banal na pagdiriwang.
Magkakaroon ng saglit na katahimikan.

Pagkatapos nito, lahat ay sabay-sabay na aamin sa nagawang kasalanan:

Tagapagdiwang:

Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos


at sa inyo, mga kapatid,
na lubha akong nagkasala
Ang lahat ay dadagok sa dibdib.

sa isip, sa salita, sa gawa


at sa aking pagkukulang.
Kaya isinasamo ko
sa Mahal na Birheng Maria,
sa lahat ng mga anghel at mga banal
at sa inyo, mga kapatid,
na ako’y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.

Tagapagdiwang:
5|STA. ELENA CHAPEL MISSION STATION - NAGTAHAN

Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,


patawarin tayo sa ating mga kasalanan,
at patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.
Sasagot ang mga tao:

Amen.

KYRIE

Panginoon, kaawaan mo kami.


Kristo, kaawaan mo kami.
Panginoon, kaawaan mo kami.

PAPURI SA DIYOS
Aawitin ang Papuri sa Diyos.
6 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Papuri sa Diyos sa kaitaasan


at sa lupa’y kapayapaan
sa mga taong kinalulugdan niya.
Pinupuri ka namin, dinarangal ka namin,
sinasamba ka namin, ipinagbubunyi ka namin,
pinasasalamatan ka namin,
dahil sa dakila mong angking kapurihan.
Panginoong Diyos, Hari ng langit,
Diyos, Amang makapangyarihan sa lahat.
Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak,
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
tanggapin mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama,
maawa ka sa amin.
Sapagka’t ikaw lamang ang banal,
ikaw lamang ang Panginoon,
ikaw lamang, O Hesukristo, ang Kataas-taasan,
kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama.
Amen.

PANALANGING PAMBUNGAD
Tagapagdiwang:
7|STA. ELENA CHAPEL MISSION STATION - NAGTAHAN

Manalangin tayo.
Ang lahat kaisa ng Tagapagdiwang ay tahimik na mananalangin ng saglit.

Ama naming makapangyarihan,


para sa iyong Anak
ay inilaan mong maging marapat na tahanan
ang Mahal na Birheng ipinaglihing
walang minanang kasalanan
at siya’y ibinukod mo para huwag madamay
sa pagkamasuwayin ng lahat
pakundangan sa kamatayang
aakuin ng iyong Anak.
Bilang tugon sa kanyang pagdalangin,
loobin mong kami’y maging dalisay
upang kami’y maging dapat
na makadulog sa iyong harapan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Ang sambayanan ay tutugon:

Amen.

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS


8 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

UNANG PAGBASA
Genesis 3, 9-15. 20

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Pagkakain ni Adan sa bunga ng puno, tinawag


siya ng Panginoon at tinanong,
“Saan ka naroon?”
“Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa
hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,”
tugon ng lalaki.
“Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng
Diyos. “Bakit kumain ka ba ng bungang
ipinagbabawal ko?”
“Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo
sa akin,” tugon ng lalaki.
“Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos
sa babae.
“Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako
natuksong kumain,” tugon naman niya.

At sinabi ng Panginoon sa ahas:


“Sa iyong ginawa’y may parusang dapat, na
tanging ikaw lang yaong magdaranas; ikaw ay
gagapang, ang hatol kong gawad, at alikabok ang
pagkaing dapat. Kayo ng babae’y laging mag-
aaway, binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban.
Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong
9|STA. ELENA CHAPEL MISSION STATION - NAGTAHAN

niya’y ikaw ang tutuklaw.” Eva ang itinawag ni


Adan sa kanyang asawa, sapagkat ito ang ina ng
sangkatauhan.

Ang Salita ng Diyos.


Bayan:

Salamat sa Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Umawit sa D’yos ng awa,


10 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

ang gawain n’ya’y dakila.


Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya
ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo
yaong hangad na tagumpay.

Ang tagumpay niyang ito’y


siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinupad.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.


Ang tagumpay ng ating Diyos
kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-6. 11-12

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa


mga taga-Efeso
11 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating


Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo
ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa
ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang
pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago
pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at
walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-
ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang
maging mga anak niya sa pamamagitan ni
Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at
kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang
kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa
pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

At dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos


na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang
panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y
hirangin niya noon pang una – kaming mga
unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila
niya.

Ang Salita ng Diyos.


Bayan:

Salamat sa Diyos.
12 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA


Lucas 1, 28

Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay


13 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

San Lucas

Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay


sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang
dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y
nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat
sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa
kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito.
“Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,”
wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!”
Nagulumihanan si Maria sa gayong
pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano
ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng
anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat
kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay
maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at
siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila
siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan.
Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono
ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa
angkan ni Jacob magpakailanman, at ang
kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?”


tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa
sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng
kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal
14 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng


Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak
na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog,
ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang
katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng
kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi
mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon.


Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan
siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Bayan:

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

HOMILIYA

PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA
Sumasampalataya ako
sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat,
15 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

na may gawa ng langit at lupa.


Sumasampalataya ako kay Hesukristo,
iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat.
Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Santa Mariang Birhen.
Pinagpakasakit ni Poncio Pilato,
ipinako sa krus, namatay, inilibing.
Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao.
Nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli.
Umakyat sa langit.
Naluluklok sa kanan ng Diyos
Amang makapangyarihan sa lahat.
Doon magmumulang paririto
at huhukom sa nangabubuhay
at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako
sa Diyos Espiritu Santo,
sa banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao
at sa buhay na walang hanggan. Amen.
PANALANGIN NG BAYAN
Tagapagdiwang:

Puspos tayo ngayon ng kagalakan


sapagka’t mahal na mahal tayo
16 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

ng ating Kalinis-linisang Inang


laging handang tumulong sa atin.
Idulog natin sa Panginoon
ang ating mga kahilingan
sa pamamagitan ni Mariang Kabanal-banalan.
Manalangin tayo:

Sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, pakinggan


mo kami, Panginoon!

Para sa Inang Simbahan: Nawa’y tuwinang


masalamin sa kanya ang kabanalan ni Mariang
Kalinis-linisan sa mundong nababalot pa ng
kasalanan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Para sa lahat ng nagmamahal kay Mariang Kabanal-


banalan: Nawa’y ang pagpaparangal nila sa kanya ay
lakipan nila ng pagsasabuhay sa kanyang kabutihan.
Manalangin tayo sa Panginoon.

Para sa mga Kristiyanong di tumatanggap sa dogma


ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria: Nawa’y
maunawaan din nila balang araw na ang turo ng
Simbahan tungkol kay Maria ay pagpapahayag ng
pananampal- ataya sa lubusang pagmamahal ng
Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.
17 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Para sa ating kabataan: Nawa’y ang halimbawa ng


ating Mahal na Ina ay maging gabay nila sa malinis
na pamumuhay at inspirasyon nila upang tumawag
sa Kanya sa mga oras ng panganib. Manalangin tayo
sa Panginoon.

Para sa bawat isa sa atin: Nawa’y akayin tayo ng ating


debosyon kay Mariang Kalinis-linisan sa lubos na
kahandaang tumupad sa balak ng Diyos sa ating
buhay. Manalangin tayo sa Panginoon.

Para sa lahat ng taong may kapansanan: Maging


sentro nawa sila ng atensyon ng buong mundo at
maitatag nawa ang mga institusyong may
pagmamalasakit sa kanila. Manalangin tayo sa
Panginoon.

Sa ilang sandali ng katahimikan itaas natin sa Diyos


ang ating personal na kahilingan gayundin ang mga
taong lubos na nangangailangan ng ating
panalangin. Manalangin tayo sa Panginoon.
Tagapagdiwang:

Panginoong Diyos,
hilumin Mo kami ng Iyong pagmamahal,
palakasin Mo kami ng Iyong biyaya,
at akayin Mo kami kay Maria,
ngayon at magpakailanman.
18 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Bayan:

Amen.

PAGDIRIWANG NG HULING HAPUNAN


Pagkatapos, sisimulan ang awit ng pag-aalay. Samantalang ito’y ginaganap,
ilalagay ng mga tagapaglingkod ang telang patungan ng Katawan ni Kristo,
ang pamahiran, ang kalis, at ang Aklat ng Pagmimisa sa ibabaw ng dambana.

Nababagay na ang pakikiisa ng mga nagsisimba ay ipahayag sa pamamagitan


ng prusisyon ng pag-aalay ng tinapay at alak at ng iba pang handog para sa
Simbahan at para sa mga dukha.
19 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Ngayon nama’y tatayo ang Tagapagdiwang sa gawing gitna ng dambana,


hahawakan niya ang pinggan ng tinapay nang bahagyang nakaangat sa
dambana, habang dinarasal niya nang pabulong:

Kapuri-puri ka,
Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.
Sa iyong kagandahang-loob,
narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa
ang tinapay na ito para maging pagkaing
nagbibigay-buhay.
Ilalapag niya ang pinggan ng tinapay sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.

Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay
madarasal nang malakas ng pari at sa katapusan makapagbubunyi ang mga
tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal


ngayon at kailanman!
Ang Tagapagdiwang ay magbubuhos ng alak at kaunting tubig sa kalis habang
dinarasal nang pabulong:
20 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Sa paghahalong ito ng alak at tubig


kami nawa’y makasalo sa pagka-Diyos ni Kristo
na nagpagindapat makihati sa aming pagkatao.
Pagbalik sa gawing gitna ng dambana, hahawakan ng Tagapagdiwang ang
kalis nang bahagyang nakaangat sa dambana habang dinarasal niya nang
pabulong:

Kapuri-puri ka,
Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.
Sa iyong kagandahang-loob,
narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas at bunga ng aming
paggawa ang alak na ito para maging inuming
nagbibigay ng iyong Espiritu.
Ilalapag niya ang kalis sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.

Kapuri-puri ang Poong Maykapal


ngayon at kailanman!

Pagkatapos, yuyuko ang Tagapagdiwang habang dinarasal niya nang


pabulong:

Diyos Amang Lumikha,


nakikiusap kaming mga makasalanan.
21 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog


upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang
buong puso.
Kung minamabuting gawin, iinsensuhan ng Tagapagdiwang ang mga alay at
ang dambana pagkaraa’y iinsensuhan ng diyakono o ng tagapaglingkod ang
pari at ang mga nagsisimba.

Pagkatapos, ang Tagapagdiwang ay pupunta sa gilid ng dambana,


maghuhugas siya ng mga kamay samantalang pabulong niyang dinarasal:

O Diyos kong minamahal, kasalanan ko‘y hugasan

at linisin mong lubusan ang nagawa kong


pagsuway.

Pagbalik ng Tagapagdiwang sa gawing gitna ng dambana, ilalahad niya ang


kanyang mga kamay sa mga tao at muli niyang pagdaraupin habang kanyang
ipinahahayag:

Manalangin kayo, mga kapatid


22 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

upang ang paghahain natin ay kalugdan


ng Diyos Amang makapangyarihan.
Sasagot ang mga tao:

Tanggapin nawa ng Panginoon


itong paghahain sa iyong mga kamay
sa kapurihan niya at karangalan
sa ating kapakinabangan
at sa buong Sambayanan niyang banal.

PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY


Tagapagdiwang:
23 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Ama naming lumikha,


ang handog na nagliligtas
ay aming inihahain sa iyong dambana
ngayong dakilang kapistahan
ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birhen.
Tanggapin mo ito at ipagkaloob mo
pakundangan sa kanyang kahilingan
na katulad ng pagkasagip mo sa kanya
sa pagkasangkot sa pagsuway ng tanan
kaming mga sumasampalataya
sa iyong kaloob sa kanya
ay mahango sa tanang kasalanan.
Iniluluhog namin ito
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Ang sambayanan ay tutugon:

Amen.

PAGBUBUNYI O PREPASYO
V. Sumainyo ang Panginoon.
24 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

R. At sumainyo rin.
V. Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.
R. Itinaas na namin sa Panginoon.
V. Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.
R. Marapat na siya ay pasalamatan.
Tagapagdiwang:

Ama naming makapangyarihan,


tunay ngang marapat
na ikaw ay aming pasalamatan.
Di mo itinulot masangkot sa dating pagsuway
ang Mahal na Birheng kabanal-banalan
na iyong lubos na kinalulugdan
upang sa Anak mo’y siya ang magluwal.
Sa kanya’y mababanaag
ang Sambayanang kabiyak na dalisay
at walang bahid-kataksilan laang magbigay
nang puspos kalinisan sa mga nananabik
sa Anak mong mahal na Korderong nag-aalis
sa aming kasalanan.
Ang Mahal na Birhen nga’y iyong inilaang
maging katuwang at huwaran sa katapatan.

Kaya kaisa ng mga anghel


na nagsisiawit ng papuri sa iyo
25 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

nang walang humpay sa kalangitan,


kami’y nagbubunyi sa iyong kadakilaan:

SANTO

Santo, Santo, Santo


Panginoong Diyos ng mga hukbo!
Napupuno ang langit at lupa ng kadakilaan mo!
Osana sa kaitaasan!
Pinagpala ang mga naparirito sa ngalan ng Panginoon!
Osana sa kaitaasan!
26 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

IKALAWANG PANALANGIN NG PAGPUPURI

AT PAGPAPASALAMAT

Nakalahad ang mga kamay ng Tagapagdiwang sa pagdarasal.

Ama naming banal,


ikaw ang bukal ng tanang kabanalan.
Pagdaraupin ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay at lulukuban ng
mga kamay niya ang mga alay habang siya’y nagdarasal.

Kaya’t sa pamamagitan ng iyong Espiritu


gawin mong banal ang mga kaloob ng ito
Pagdaraupin ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay at kukrusan niya
ang tinapay at kalis, samantalang kanyang dinarasal:

upang para sa ami’y maging Katawan at Dugo 


ng aming Panginoong Hesukristo.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.
27 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na pangungusap ay


ipahahayag ng malinaw at nauunawaan ng tanan ayon sa hinihingi ng
kahulugan ng mga ito.

Bago niya pinagtiisang kusang loob na maging


handog,
Hahawakan ng Tagapagdiwang ang tinapay nang bahagyang nakaangat sa
ibabaw ng dambana habang kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay,


pinasalamatan ka niya,
pinaghati-hati niya iyon,
iniabot sa kanyang mga alagad
at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Tagapagdiwang.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan at Dugo ni Kristo,
ipapatong niya ito sa pinggan, at luluhod siya bilang pagsamba.

Magpapatuloy ang Tagapagdiwang.


28 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,


Hahawakan ng Tagapagdiwang ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw
ng dambana habang kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis,


muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad
at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Tagapagdiwang.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.

GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.


Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan
ni Kristo, at luluhod siya bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipahahayag ng Tagapagdiwang:


29 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Ipagbunyi natin ang misteryo ng


pananampalataya.
Ang mga tao ay magbubunyi:

Si Kristo’y namatay!
Si Kristo’y nabuhay!
Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon.
Ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay samantalang siya ay
nagdarasal:

Ama,
ginagawa namin ngayon ang pag-alala
sa pagkamatay at muling pagkabuhay
ng iyong Anak
kaya’t iniaalay namin sa iyo
ang tinapay na nagbibigay-buhay
at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan.
Kami’y nagpapasalamat
dahil kami’y iyong minarapat
na tumayo sa harap mo
para maglingkod sa iyo.

Isinasamo naming kaming magsasalu-salo


30 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

sa Katawan at Dugo ni Kristo


ay mabuklod sa pagkakaisa
sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ama,
lingapin mo ang iyong Simbahang
laganap sa buong daigdig.
Puspusin mo kami sa pag-ibig
kaisa ni Francisco, na aming Papa
at ni Jose, na aming Obispo,
at ng tanang kaparian.
Alalahanin mo rin
ang mga kapatid naming nahimlay
nang may pag-asang sila’y muling mabubuhay
gayundin ang lahat ng mga pumanaw.
Kaawaan mo sila at patuluyin sa iyong kaliwanagan.
Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat
na makasalo sa iyong buhay na walang wakas.
Kaisa ng Mahal na Birheng Maria
na Ina ng Diyos,
ng kanyang Kabiyak ng puso, si San Jose,
kaisa ng mga apostol at ng lahat ng mga banal

na namuhay dito sa daigdig nang kalugud-


lugod sa iyo, maipagdiwang nawa namin ang
pagpupuri sa ikararangal mo
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.
31 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

sa pamamagitan ng iyong Anak


na aming Panginoong Hesukristo.
Hahawakan ng Tagapagdiwang ang pinggang may ostiya at ang kalis na
kapwa niya itataas habang kanyang ipinahahayag.

SA PAMAMAGITAN NI KRISTO,
KASAMA NIYA, AT SA KANYA
ANG LAHAT NG PARANGAL AT PAPURI AY SA IYO,
DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN,
KASAMA NG ESPIRITU SANTO
MAGPASAWALANG HANGGAN.
Ang mga tao ay magbubunyi:

Amen.

ANG PAKIKINABANG
32 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Pagkalapag ng kalis at pinggan sa dambana, ipahahayag ng Tagapagdiwang


nang may magkadaop na mga kamay:

Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos


at turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos
ipahayag natin nang lakas-loob:
Ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa
ng lahat.

Ama namin, sumasalangit ka.


Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.

Nakalahad ang mga kamay ng Tagapagdiwang sa pagdarasal:


33 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Hinihiling naming
kami’y iadya sa lahat ng masama,
pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iligtas sa kasalanan at ilayo sa lahat
ng kapahamakan samantalang aming
pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay. Wawakasan ng sambayanan ang
panalangin sa ganitong pagbubunyi:

Sapagkat iyo ang kaharian at ang kapangyarihan

at ang kapurihan magpakailanman! Amen.

Pagkatapos, malakas na darasalin ng paring nakalahad ang mga kamay:

Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming mga pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban
34 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang


hanggan.
Sasagot ang mga tao:

Amen.
Ang Tagapagdiwang ay paharap sa sambayanang maglalahad at magdaraop
ng mga kamay sa pagpapahayag.

Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging


sumainyo.
Sasagot ant mga tao:

At sumaiyo rin.
Maidaragdag, kung minabuti, ang paanyayang ipahahayag ng diyakono o
Tagapagdiwang:

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.


At, alinsunod sa kaugalian ng iba’t-ibang pook, ang mga nagsisimba ay
mabigbigyan ng kapayapaan. Ang Tagapagdiwang at ang mga tagapaglingkod
ay makapagbibigayan ng kapayapaan.
35 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Pagkatapos, hahawakan ng Tagapagdiwang ang ostiya at hahati-hatiin niya ito


sa ibabaw ng pinggan at isasawak niya ang kaputol sa kalis habang pabulong
niyang dinarasal:

Sa pagsasawak na ito
ng Katawan sa Dugo
ng aming Panginoong Hesukristo
tanggapin nawa namin sa pakikinabang
ang buhay na walang hanggan.
Samantalang ginaganap ang paghahati-hati sa ostiya, aawitin o darasalin ang
pagluhog na ito.

Kordero ng Diyos,
na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos,
na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng
sanlibutan, ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.
Ito ay mauulit-ulit habang ginaganap ang paghahati-hati sa tinapay. Sa
huling, pag-uulit saka pa lamang idurugtong ang “ipagkaloob mo sa amin ang
kapayapaan.”

Magkadaop ang mga kamay ng Tagapagdiwang sa pabulong na pagdarasal.


36 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos na buhay,


sa kalooban ng Ama kasama ng Espiritu Santo,
binuhay mo sa iyong pagkamatay ang sanlibutan.

Pakundangan sa iyong banal na Katawan at Dugo,

iadya mo ako sa tanang aking kasalanan


at lahat ng masama,
gawin mong ako’y makasunod lagi
sa iyong mga utos,
at huwag mong ipahintulot
na ako’y mawalay sa iyo kailanman.
Luluhod ang Tagapagdiwang at pagtayo niya’y kanyang hahawakan ang ostiya
na itataas sa ibabaw ng pinggan. Paharap sa mga tao siyang magsasabi ng
malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan
sa kanyang piging.
Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:

Panginoon,
hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo
ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.
37 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang


pabulong na nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo.

Pagkatapos, hahawakan ng Tagapagdiwang ang kalis at pabulong na


magdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo.

Hahawakan niya ang pinggan o lalagyan ng ostiya at lalapitan niya ang mga
nakikinabang, bahagyang itataas ang ostiya para sa bawat nakikinabang
habang sinasabi:

Katawan ni Kristo.
Ang nakikinabang ay tutugon:

Amen.
Samantalang nakikinabang ang Tagapagdiwang, sisimulan ang awit sa
pakikinabang.
38 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Pagkapakinabang, ang mga mumo ng ostiya na nasa pinggan ay titipunin sa


kalis na huhugasan ng pari o diyakono o tagapaglingkod. Habang ito ay
ginaganap ng Tagapagdiwang, pabulong siyang magdarasal:

Ama naming mapagmahal,


ang aming tinanggap
ngayon ay amin nawang mapakinabangan
at ang iyong ipinagkaloob ay magdulot nawa sa
amin ng kagalingang pangmagpakailanman.
Makababalik ngayon sa upuan ang Tagapagdiwang. Makapag-uukol ng ilang
saglit na katahimikan o makaaawit ng papuri o salmo.

Pagkaraan, ang Tagapagdiwang ay titindig sa harap ng upuan o sa gawi ng


dambana paharap sa mga nagsisimbang magpapahayag:
39 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

PAGTATALAGA NG SAMBAYANANG PILIPINO SA


INMACULADA CONCEPCION,
PATRONA NG BANSANG PILIPINAS

"O mahal na Ina ng Diyos,


lumalapit kami sa iyong kalinga.”
Habang sinasambit namin
ang bawat kataga ng awiting ito
na daang taon nang dinarasal
ng Simbahan ni Kristo,
humaharap kami sa iyo,
aming Kalinis-linisang Ina.
Kami na bumubuo ng “Katawan ni Kristo”
sa bayang ito
ay naghahayag sa mga salitang ito
ng aming Pagtatalaga at Paghahabilin,
kung saan napapaloob, una sa lahat,
ang pag-asa at agam-agam
ng sambayanang Pilipino sa kasalukuyan.

O Ina ng sambayanang nagagalak na tawaging


“pueblo amante de Maria,”
bayang sumisinta kay Maria,
batid mo ang lahat ng aming mga pagdurusa
at pag-asa.

Natatanto mo bilang Ina ang mga tunggalian


40 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

sa pagitan ng kabutihan at kasamaan,


ng liwanag at kadiliman,
na ngayon ay hinaharap ng daigdig.
O Ina ng aming bansa,
dinggin mo ang aming hibik
na tahasan naming inihahatid sa iyong puso
bunsod ng Banal na Espiritu.
Yapusin mo nang may pagmamahal ng Ina
at Lingkod ng Panginoon,
ang aming sambayanan at bansa,
na ngayon ay ipinagkakatiwala
at itinatalaga namin sa iyo,
dahil hangad namin sa bawat isa
at sa buong sambayanan
ang isang mabuting buhay sa kasalukuyan
at ang pagkakamit ng buhay na walang hanggan.
“O Mahal na Ina ng Diyos,
lumalapit kami sa iyong kalinga;
huwag mo nawang tanggihan
ang aming mga kahilingan
sa aming pangangailangan.”

Mula sa pagkamuhi, karahasan,


mga paglalaban-labang naghahati
at sumisira sa aming bayan, ipag-adya mo kami.

Mula sa paglabag sa buhay ng tao,


41 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

lalo na sa buhay sa sinapupunan,


ipag-adya mo kami.
Mula sa paglapastangan sa karangalan
ng mga anak ng Diyos,
ipag-adya mo kami.
Mula sa lahat ng uri ng kawalan
ng katarungan sa lipunan,
ipag-adya mo kami.
Mula sa kahandaang labagin
ang mga Utos ng Diyos,
ipag-adya mo kami.
Mula sa kawalan ng pang-unawa
sa mabuti at masama,
ipag-adya mo kami.
Mula sa kasalanan laban sa banal na Espiritu,
ipag-adya mo kami.

Hibik nami’y pakinggan, O Mahal na Ina ni Kristo,


lakip nito ang aming pag-asa at mga pasanin,
ang mga paghihirap ng bawat isa
at ng buong bayan.
Ipakita mong muli sa amin,
sa kasaysayan namin bilang isang bayan,
ang walang hanggang kapangyarihan
ng Pagliligtas,
ang kapangyarihan ng maawaing pag-ibig.

Puksain nawa nito ang kapangyarihan


42 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

ng kasalanan at kasamaan sa amin!


Baguhin nawa nito ang mga budhi ng bawat isa.
O Maria, Ina ni Hesus at aming ina,
ikaw ang aming buhay, aming katamisan
at aming pag-asa.

Amen.
43 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
Tagapagdiwang:

Manalangin tayo.
Ang lahat kaisa ng Tagapagdiwang ay tahimik na mananalangin nang saglit.

Ama naming mapagmahal,


ang tinanggap namin
ngayong banal na pakikinabang
ay lumunas nawa sa mga sugat na likha
ng kasalanan na ‘di mo itinulot manahin
ni Mariang Birheng mahal
na ipinaglihing may tanging kadalisayan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Ang sambayanan ay tutugon:

Amen.
44 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

PAGHAYO SA PAGWAWAKAS
Tagapagdiwang:

Sumainyo ang Panginoon.


Ang sambayanan ay tutugon:

At sumaiyo rin.
Tagapagdiwang:

Yumuko kayo habang iginagawad ang


pagbabasbas.

Tulutan nawa ng Panginoong


kayo’y maging bukas sa Kanyang Salita
at pagkalooban kayo ng biyayang
mapagbunga ninyo ito sa inyong buhay
ngayon at magpasawalang hanggan.
Bayan:

Amen.
45 | S T A . E L E N A C H A P E L M I S S I O N S T A T I O N - N A G T A H A N

Tagapagdiwang:

Gantimpalaan nawa kayo ng Panginoon


sa inyong pakikipagtulungan
sa pagpapalaganap ng Kanyang Salita
at sa pag-akay sa iba
upang tanggapin ito sa kanilang mga puso
ngayon at magpasawalang hanggan.
Bayan:

Amen.
Tagapagdiwang:

Lagi nawa kayong maging bukas


sa inspirasyon ng Espiritu Santo
at pagsikapan itong tupdin
ngayon at magpasawalang hanggan.
Bayan:

Amen.
46 | ANG MISA NG SAMBAYANANG PILIPINO

Tagapagdiwang:

Pagpalain nawa kayo


ng makapangyarihang Diyos
 Ama, Anak at Espiritu Santo.
Ang sambayanan ay tutugon:

Amen.
Ang Tagapagdiwang na magkadaop ang mga kamay ay magpapahayag ng
paghayo sa sambayanan:

Humayo kayong taglay ang kapayapaan,


upang ang Panginoon at ang kapwa
ay mahalin at paglingkuran.
Sasagot ang mga tao:

Salamat sa Diyos.
Kakantahin ang Pangwakas na Awit.

You might also like