Professional Documents
Culture Documents
Ayon sa sinulat ni Feliciano R. Fajardo, inilahad niya ang pagkakaiba ng pagsulong at pag-unlad. Ang
pag-unlad ay isang progresibo at aktibong proseso. Ang pagsulong ay nakikita at nasusukat tulad halimbawa
ng daan, sasakyan, kabahayan, gusali, pagamutan, bangko, paaralan at marami pang iba. Sa kabilang banda,
ayon naman kina Michael P. Todaro at Stephene C. Smith sa tradisyunal na pananaw, binigyang diin ang pag-
unlad bilang pagtamo ng patuloy na pagtaas ng income per capita nang sa gayon ay mapabibilis ang pagdami
ng awtput ng bawat bansa kaysa sa bilis ng pag-unlad ng populasyon. Sa makabagong pananaw naman ang
pagsulong ay kumakatawan sa malawakang pagbabago sa buong sistemang panlipunan. Dapat ituon ang
pansin sa iba’t ibang pangangailangan at nagbabagong hangarin ng mga tao upang masiguro ang paglayo
mula sa di- kaaya-ayang kondisyon ng pamumuhay tungo sa kondisyon na mas kasiya-siya.
Humigit kumulang sa 7,100 isla ang bumubuo sa Pilipinas. Dahil sa lawak at dami ng mga lupain,
napabilang ang Pilipinas sa bansang agrikultural dahil malaking bahagi nito ang ginagamit sa mga gawaing
pang-agrikultura. Mahalagang bahagi ng ekonomiya ay nakadepende sa agrikultura. Sinasabing ito ang
nagtataguyod sa malaking bahagdan ng ekonomiya dahil ang lahat ng sektor ay umaasa sa agrikultura upang
matugunan ang pangangailangan sa pagkain at mga hilaw na sangkap na kailangan sa produksiyon. Nahahati
ang sektor ng agrikultura sa paghahalaman, paghahayupan, pangingisda at paggugubat. Ang may
pinakamalaking porsyentong ambag sa kabuuang GDP ng Pilipinas noong 2020 ay ang sub-sektor ng
paghahalaman na mayroong 53.7%, sumunod naman ang paghahayupan na may 17.3% para sa livestock at
13% naman sa poultry. Mayroon namang 16% and pangingisda.
• PAGHAHALAMAN
Maraming pangunahing pananim ang ating bansa tulad ng palay, mais, niyog, tubo, saging, pinya,
kape, mangga, tabako, at abaka. Ang mga pananim na ito ay karaniwang kinokonsumo sa loob at labas ng
bansa. Tinatayang umabot ang kabuuang kita ng sekondaryang sektor na ito sa Php797.731 bilyon noong
2012. Ito ay nagmula sa mga produktong palay, mais, at iba pang pangunahing pananim ng Pilipinas. Kasama
rin dito ang mga produktong gulay.
• PAGHAHAYUPAN
Ang paghahayupan naman ay binubuo ng pagaalaga ng kalabaw, baka, kambing, baboy, manok, pato
at iba pa. Ang paghahayupan ay nakatutulong sa pagsuplay ng ating mga pangangailangan sa karne at iba
pang pagkain. Ang paghahayupan ay gawaing pangkabuhayang kinabibilangan ng ating mga tagapag-alaga ng
hayop. Mayroon ding mga pribadong korporasyon na nasa ganitong hanapbuhay.
• PANGINGISDA
Itinuturing ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamalaking tagatustos ng isda sa buong mundo. Isa sa
pinakamalalaking daungan ng mga huling isda ay matatagpuan sa ating bansa. Samantala, ang pangingisda
ay nauuri sa tatlo - komersiyal, munisipal at aquaculture.
• PAGGUGUBAT
Ang paggugubat ay isang pangunahing pangekonomikong gawain sa sektor ng agrikultura. Patuloy
na nililinang ang ating mga kagubatan bagamat tayo ay nahaharap sa suliranin ng pagkaubos ng mga yaman
nito. Mahalaga itong pinagkukunan ng plywood, tabla, troso, at veneer. Bukod sa mga nabanggit na produkto,
pinagkakakitaan din ang rattan, nipa, anahaw, kawayan, pulot-pukyutan at dagta ng almaciga.
KAHALAGAHAN NG AGRIKULTURA
Ang pag-unlad ng isang bansa ay nakabatay sa laki at taas ng kita ng mga sektor ng ekonomiya,
mahalagang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang lahat ng sektor partikular ang agrikultura sapagkat dito
KARANIWANG nagmumula ang pagkain na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan. Ang
agrikultura ay nararapat na bigyang pansin upang mapalakas at maging katuwang ng pamahalaan sa pagkamit
ng kaunlaran ayon sa sumusunod na kahalagahan:
● Pinagmumulan ng mga hilaw na materyal.
● Pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng mga mamamayan
● Nagkakaloob ng hanapbuhay
● Pinanggagalingan ng dolyar.
Sa kasaysayan ng Pilipinas ay marami nang patakaran ang nalikha upang tulungan at palaguin ang
sektor ng agrikultura. Ang halimbawa ng mga patakarang ito ay ang mga batas ukol sa pagmamay-ari ng lupa,
agrarian reform, pag-aangkat ng bigas, at pag-aangkat ng produktong agrikultural. Ang ilan sa mga batas na
nangangalaga sa Sektor ng agrikultura ay ang sumusunod:
● Republic Act 1400 o Land Reform Act of 1955: Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ramon
Magsaysay naisabatas ang repormang ito. Inatasan ng batas ang Land Tenure Administration na bumili ng
mga pribadong lupang sakahan upang maibenta sa mga nananakahan dito.
● Republic Act 3844 o Agricultural Land Reform Code: Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Diosdado
Macapagal, pinalawig nito ang batas sa reporma sa lupa. Ang bagong patakarang ito ay naglalayong tuluyang
matanggal ang sistema ng pananakahan. Isinabatas ang pagbili ng pamahalaan ng mga pribadong lupaing
pansakahan upang ilipat ang pagmamay-ari nito sa mga magsasakang umookupa rito sa pamamagitan ng
mahabang installment plan.
● Code of Agrarian Reform o Presidential Decree 2: Binuo naman ni Pangulong Ferdinand Marcos
ang Department of Agrarian Reform sa pamamagitan ng Decree na ito. Inatasan ng batas na ito na ang bawat
magsasakang nangungupahan sa mga pribadong sakahan ng bigas at mais ay dapat magkaroon ng limang
ektaryang parte sa lupang kanilang sinasaka.
● Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law: Ang pinalawak na agrarian reform ay
isinabatas sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino. Ang batas ay nag-uutos na ipamahagi ang lahat ng
pampubliko at malalaking pribadong sakahan sa mga magsasakang walang sariling sakahan.
● Philippine Development Plan 2011-2016: Ang development plan na ito ay naglalaman ng balangkas
ng estratehiya ng pamahalaan para sa paglago ng iba’t ibang bahagi ng ekonomiya, ito ay nabuo sa ilalim ng
pamumuno ni Pangulong Noynoy Aquino. Isa na rito ang estratehiya para sa agrikultura. Nakapaloob sa PDP
2011-2016 ang ilang pangunahing tunguhin para sa sektor ng agrikultura:
1) Pinagbuting seguridad sa pagkain at pinataas na kita ng manggagawang nasa sektor,
2) pinaigting na kakayahang malabanan ang masasamang epekto ng mga sakuna at
3) pinahusay na pamamalakad sa mga programa at pamumuno sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Ang Sektor ng Industriya ay tumutukoy sa iba’t ibang uri ng gawaing pangkabuhayan. Pangunahing
layunin nito ay maiproseso ang mga hilaw na materyal o sangkap na materyal upang makabuo ng mga
produktong ginagamit ng tao. Karaniwang nagmumula sa agrikultura ang mga hilaw na materyal upang
mabuo ang mga produktong maaaring ipagbili sa mga mamimili o gamitin bilang bahagi ng isang produkto.
Ang Pilipinas, ayon kay Norio Usui ng Asian Development Bank (ADB), ay may malusog na sektor ng
paglilingkod na sandigan ng ating ekonomiya.
Ayon sa tsart, ito ay nagsasaad na may lubos o ganap na kalamangan ang bansang A sa paglikha ng
produkto o serbisyo kumpara sa bansang B, at ito ay may kakayahang lumikha ng produkto mula sa kaunting
sangkap at mababang halaga ng salik ng produksiyon. Samakatuwid, ang pagiging produktibo ng isang bansa
ang siyang magsasabi na kung gaano karami ang maaaring magawang produkto.
Comparative advantage naman kapag ang isang bansa ay kayang gumawa ng isang produkto o
serbisyo nang mas episyente kompara sa ibang uri ng produkto o serbisyo sa larangan ng kanyang
paghahambing sa ibang bansa. Tunghayan ang tsart sa ibaba.
Ayon sa tsart ang bansang Pilipinas at Japan ay maaaring parehong makagawa ng sasakyan, ngunit
ang Japan ay maaaring makagawa ng mga kotse sa palakasan na may mataas na kalidad at sa isang mabilis
na rate na may mas malaking kita. Kung gayon ang Japan ay sinasabing magkaroon ng isang ganap na
kalamangan sa partikular na industriya. Sa halimbawang ito ang Pilipinas ay maaaring mas mahusay sa ibang
industriya tulad ng agrikultural na produkto, na kung saan ay mas mataas ang kanyang produksiyon sa bigas.
Ang Balance of Payment o BOP ang siyang sinusuri tungkol sa kalakalang panlabas ng isang bansa.
Dito makikita ang lahat ng mga talaan ng transaksyon ng isang bansa sa iba’t ibang sulok ng mundo. Ito kase
ang basehan ng pandaigdigang ekonomiya. Export ay ang tawag sa mga produktong iniluwas ng bansa.
Import naman ang tawag sa produktong aangkatin ng bansa mula sa ibang dako ng daigdig.
Ang Balance of Trade ay makukuha lamang sa pamamagitan ng pagbawas ng halaga ng kalakal na
inaangkat sa halaga ng kalakal na iniluluwas.
Ilan sa mga samahang pandaigdigang pang-ekonomiko na kabilang ang ating bansa ay ang
sumusunod:
• WORLD TRADE ORGANIZATION (WTO) – ang pandaigdigang samahang ito ay pormal na pinasinayaan
at nabuo noong Enero 1, 1995. Ito ang naging kapalit ng General Agreement of Tariffs and Trade. Ito
ay kilala bilang samahang namamahala sa pandaigdigang patakaran ng sistema ng kalakalan o global
trading system sa pagitan ng mga kasaping estado o member states. Maliban pa rito, ito rin ang siyang
nagbibigay ng solusyon sa mga problema, usapin, sigalot, o pagtatalo ng mga kasaping estado. Sa
kasalukuyan ito ay binubuo ng 160 kasapi.
Ang pangunahing misyon ng World Trade Organization ay ang sumusunod:
- Pagsusulong ng isang maayos at malayang kalakalan sa pamamagitan ng pagpapababa sa
mga hadlang sa kalakalan (trade barriers);
- Pagkakaloob ng mga plataporma para sa negosasyon at nakahandang magbigay tulong
teknikal at pagsasanay para sa mga papaunlad na bansa (developing countries);
- Mamagitan sa mga pagtatalo ng mga kasaping bansa kaugnay sa mga patakaran o
magpataw ng trade sanction laban sa isang kasaping hindi umaayon sa desisyon o pasya
ng samahan.
-
• ASIA PACIFIC ECONOMIC-COOPERATION (APEC) – itinatag ito noong Nobyembre 1989 at ang punong
himpilan nito ay matatagpuan sa Singapore. Ito ay may layuning isulong ang kaunlarang pang-
ekonomiya at katiwasayan sa rehiyong Asia-Pacific kaugnay na rin ng pagpapalakas sa mga bansa at
pamayanan nito. Ang samahang ito ay nagsasagawa ng taunang pagpupulong o economic forum
upang pag-usapan ang iba’t ibang isyu partikular na ang kalakalan at pamumuhunan.
Ang APEC ay kaiba sa WTO sapagkat walang kasunduan itong pinipilit sa mga kasapi o sa mga
member economy. Ang desisyon ng samahan sa mga isyu o usapin ay ibinabatay ayon sa concensus.
Ang bansang Pilipinas ay isa sa mga orihinal na kasapi nito.
Ayon sa aklat na “Ekonomiks; Konsepto at Aplikasyon” nina Balitao, et al, ang samahang ito ay
mayroong tinatawag na Three Pillars na siyang sinusunod ng mga kasapi.
Liberalisasyon ng pakikipagkalakalan at pamumuhunan – ito ay nakapokus sa pagpapalawak ng
pamabansang pamilihan.
Pagpapabilis at pagpapadali ng pagnenegosyo – sa pamamagitan ng itatayong imprastrakturang
kailangan sa pagnenegosyo at mga kapital o puhunang ilalaan sa operasyon.
Pagtutulungang pang – ekonomiya at teknikal – ito ay may layuning maglunsad ng mga pagsasanay
upang malinang, mapahusay, at mapalawig ang kaalamang teknikal ng lahat ng kasaping bansa.
• ASSOCIATION OF SOUTHEAST ASIAN NATIONS (ASEAN) – nagsimula ang asosasyong ito (ASEAN)
noong August 8, 1967. Ang samahang ito ay naglalayong pagbuklurin at magkaroon ng pagkakaisa
ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya at labanan ang komunismo sa Asya at magkaroon ng
kaunlarang pangekonomiko. Ang punong-himpilan nito ay matatagpuan sa Jakarta, Indonesia.
Ito ay nagtatag ng tatlong community na binubuo ng ASEAN POLITIKAL-SECURITY
COMMUNITY, ASEAN ECONOMIC COMMUNITY AT ASEAN SOCIO-CULTURAL COMMUNITY.
Kung pagbabatayan ang mga programa at patakaran na ippinatutupad ng pamahalaan, ayon sa aklat
na Ekonomiks: Mga Konsepto at Aplikasyon nina Balitao, et.al. ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
Liberalisasyon sa Sektor ng Pagbabangko (R.A. 7721) – ito ay isinasabatas upang mapalawak ang
operasyon ng mga dayuhang bangko sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga sangay nito.
- Foreign Trade Service Corps (FTSC) – ahensiyang naglulunsad ng iba’t ibang estratehiyang
pamilihan upang lubusang makilala at mapatanyag ang produktong gawa sa sariling bansa.
Ang pangunahing layunin nito ay maglunsad ng kaalaman o impormasyon tungkol sa
kalakarang pang negosyo sa bansa at sa imprastraktura at pakinabang na dulot nito sa mga
nais mamuhunan o investors.
- Trade and Industry Information Center (TIIC) – Ito ang nangangasiwa sa operasyon ng
Bureau Research Center na nagpapalaganap ng mga datos, statistics, impormasyon
tungkol sa ekonomiya, kalakalan, industriya, pamahalaan, at kapakanan ng mga mamimili.
- Center for Industrial Competitiveness – naglulunsad ng mga programang magtataas sa
antas o kalidad at produktibidad ng mga manggagawa upang sila ay maging kompetitibo
sa pandaigdigang pamilihan ng manggagawa, produkto, at serbisyo.