You are on page 1of 25

TIMAWA

ni Agustin C. Fabian

Isang Pagsusuri

Pamanahong Papel

Iniharap kay Dr. Madeline S. Golez

La Consolacion College Bacolod

Iniharap ni

Lovelee T. Tupas

Unang Semester, 2012-2013


I: Buod

Araw ng Sabado pagkatapos ni Andres sa kanyang gawain sa kusina ng

dormitory ay inusisa siya ni Alice at Bill ukol sa kanyang karanasan sa buhay.

Naitanong sa kanya kung anu-ano ang kanyang naging trabaho sa at ang kanyang

tugon ay siya ay naging tagahugas ng pinggan, nagging tagapitas ng mansanas at

dalanghita, tagatanim ng kamatis, letsugas at reployo, naging serbedor, utusan at iba’t-

iba pang mga trabaho. Isa pang tanong sa kanya ay kung bakit hindi na lang niya

ipinagpatuloy ang kanyang pagtatrabaho at nagpasya pa siyang mag-aral. Ang kanyang

sagot ay sapagkat ito ay naipangako niya sa kanyang ama. Naikwento rin ni Andres na

isang magsasaka ang kanyang ama at tuwing fiesta ay nagtitipon ang mag-anak upang

tumulong sa pag-aayos. Sabay-sabay rin silang kumakain subalit sila ay minata ng

isang Donya at sinabihang mga timawa na hindi pa raw tapos makakain ang mga bisita

ay ayun sila at kumakain na. Sinabi rin ng kanyang ama na kung ayaw ni Andres na

matulad sa kanya ay dapat itong mag-aral. Napag-usapan rin nila na dapat ay subukan

ring mag-aliw ni Andres dahil tila maabot naman nito ang kanyang mga pangarap.

Natapos ang usapan ng lumalalim ang gabi at inihatid ni Andres si Alice sa kanyang

tinituluyan.

Habang patungo sina Bill at Andres sa kanilang tinutuluyan ay tinukso ni Bill si

Andres kay Alice dahil sa kanyang pakiwari ay may gusto ito roon. Panay ang udyok ni

Bill na ligawan na ni Andres si Alice dahil sa tingin rin niya ay may gusto rin si Alice sa

Pilipinong kaibigan. Nagpatuloy sa pag-uudyok si Bill at sinabi rin nito na maraming

pagkakatulad ang dalawa. Nakatulog na si Bill ngunit hindi pa rin makatulog si Andres

sa kakaisip sa sinambit ng Amerikanong kaibigan. Kinaumagahan ay pumasok na sila


sa kanilang trabaho sa dormitory at nangantyaw si Bill na kunyari ay sinabi ni Andres na

bagay sila ni Alice. Tinanong ni Alice si Andres malapit sa tenga nito kung totoo iyon at

nakita sila ni Mrs. Grey.

Nilapitan sila at tinanong si Mrs. Grey kung anu ang nangyayari, sa pag-iisip nito

na sina Andres at Alice ay nagkakaigi. Sinabi rin nito na hindi alam ng dalawa ang

kanilang ginagawa at hindi raw magkabalat ang mga ito sapagkat lubhang pinapansin

roon ang pag-uugnay ng di magkabalat. Umalis na si Mrs. Grey at dahil sa hinagpis ay

napayakap si Alice kay Andres na tila pinipigil naman ang kanyang nararamdaman para

sa dalaga. Sumabat na si Bill at sinabi na kung totoo ang kanilang nararamdaman

dapat nilang ipaglaban ang kanilang kaligayahan kahit pa maging tutol ang buong

daigdig. Di ito sinang-ayunan ni Andres at sabing sa nobela lamang nangyayari ang

mga iyon. Samantala patuloy pa rin si Andres sa pang-araw-araw niyang gawain. Bilang

kabayaran sa pagtatrabaho sa Ladies’ Dormitory ay doon siya kumakain. Ang ginagamit

naman niya na pang matrikula ay ang naimpok niyang pera bunga ng kanyang

pagtatrabaho noon. Nagkakaroon naman siya ng kaunting kita sa tuwing siya ay

nagpapaupa sa pagmamekinilya ng report ng kanyang mga kaklase sa unibersidad at

isa narito ang mayamang Pilipino na si Alfredo. Nung araw ring iyon ay pumunta si

Alfredo sa pinagtatrabahuhan ni Andres upang magpagawa ng report ngunit ayaw

nitong pumasok. Nagalit si Andres sa pag-iisip na ikinahihiya ni Alfredo na may

makakita sa kanya na nakikipag-usap siya sa isang tagapaghugas lang ng pinggan.

Upang makaganti ay siningil nito si Alfredo ng isang daang dolyar para sa pinagagawa

nito. Ngunit nakita ni Bill at Alice ang ginawang iyon ni Andres kaya nagalit si Alice.
Nagkaroon ng pagtatalo ang tatlo dahil sa palagay nina Alice at Bill ay mali ang

ginawa ni Andres sakababayan nito. Ipinaliwanag ng maayos nina Alice at Bill na mali

ang kanyang ginawa at pagkatapos ay nagpasya si Andres na ipabalik na lang kay

Alice ang pera ni Alfredo. Sa pamamagitan ng sulat ay naibalik ni Alice ang pitumpu’t

limang dolyar kay Alfredo at may kalakip itong sulat na nagsasaad na dinamdam ni

Andres ang hindi nito pagpasok. Dahil sa sulat ay naisip ni Alfredo na may katwiran si

Andres ngunit higit na nasa isip niya ay si Alice na maaring dumagdag sa mga kakilala

niyang dalaga at maaring maging katipan. Sabado ng gabi nang pumunta si Alfredo sa

Ladies’ Dormitory hindi lamang upang makipag-unawaan kay Andres kundi pati ang

makipagkilala kay Alice. Nagtaka ang tatlo sa pagpasok nito sa kusina. Sa huli ay

humingi ng paumanhin si Andres kay Alfredo at ang lahat ay naging masaya ng gabing

iyon. Mag-isang umuwi si Andres habang nagmumuni-muni sa daan nang may

malaking kasiyahan. Malalim na ang gabi nang umuwing duguan si Bill.

Nang makita ni Andres na may dugo ang kaibigan sa mukha ay tinanong niya ito

kung ano ang nangyari. Sumagot lang ito na siya ay nabunggo sa poste ngunit hindi

naniwala rito si Andres. Hindi sinabi ni Bill ang totoo na siya ay napaaway sapagkat

ipinagtanggol niya ang mga hindi puti sa kanyang mga kamag-aral, dahil alam niyang

magdaramdam ito. Alam ni Andres na napaaway ang kaibigan kaya tinuruan niya ito ng

boksing upang makaganti. Lumipas ang ilang buwan at naging mahusay sa

pagboboksing ang dalawa at marami na rin ang nais magpaturo kay Andres. Dumating

ang isa sa dating nakaaway ni Bill at hinamon si Andres sa isang laban at nagpaunlak

naman si Andres. Umabot sila ng maraming rounds ngunit alam naman ni Andres na

wala itong laban sa kanya at pinagbibigyan lamang niya ito. Nang makitang hindi na
makakalaban ang katunggali ay pinatigil na niya ang laban sa referee at inalalayan ang

kalaban. Dahil sa ginawang iyon ni Andres ay maraming humanga sa kanya at siya rin

ay inanyayahang sumali sa koponan ng boksing sa kanilang unibersidad. Di naglaon ay

naging kampeon si Andres sa kanyang timbang. Dahil sa kasikatan nito ay marami ng

bumabati at nakakakilala sa kanya ngunit hindi natutuwa rito si Alice. Tingin ni Alice ay

nagbago na si Andres at hindi na ito namamansin dahil sa ito ay bigatin na. Upang

makabawi kay Alice ay ipinasya ni Andres na ibigay dito ang kanyang medalya ngunit

nang sumunod na gabi ay bumisita si Alfredo at magiliw itong sinalubong ni Alice.

Umalis si Andres at itinapon na lang niya ang kanyang medalya sa basurahan.

Tuloy ang pag-aanyaya ni Alfredo kay Alice ngunit hindi niya ito pinaunlakan.

Samantala nakita naman ni Bill ang itinapong kohetilyong may medalya ni Andres at

ibinigay ito kay Alice pagkaalis ni Alfredo. Nang makita ni Alice ang alay na medalya ni

Andres sa kanya ay bigla itong naluha at natiyak niya na siya ay tunay na iniibig ng

binata. Gumawa rin ng sulat si Alice na ipinabibigay niya kay Andres. Pagkauwi ni Bill

ay ibinigay niya kay Andres ang sulat. Lumipas ang ilang sandali nang binasa niya ito at

nalamang mahal rin siya ni Alice. Dito nagsimula ang pagkakaunawaan ng dalawa at di

naglaon ay naging magkasintahan. Nalaman ito ni Alfredo at siya’y nagalit at sinuntok si

Andres ngunit umiwas at yumakap lang si Andres upang mapigil ang galit ng

kababayan. Subalit tinuhod siya nito at iniwang nakahandusay.

Natagpuang nakahandusay si Andres at dinala sa University Hospital. Tinanong

si Andres kung ano ang nangyari ngunit hindi nito sinabi ang totoo. Batid niyang

maaring mapaailis sa unibersidad ang gumawa noon sa kanya kaya hindi niya ito

sinabi. Sa Ladies Dormitory, maging sina Alice at Bill ay hindi makapaniwala na hindi
kakilala ni Andres ang gumawa nuon sa kanya. Si Alice ay naniniwala na si Andres ay

maghihiganti sa tamang panahon kung kaya’y humingi siya ng tulong kay Mrs. Grey

upang pangaralan ang binata. Sa kabilang banda ay balisa si Alfredo dahil alam niya

ang kaparusahan sa kanyang ginawa. Hinintay niya si Andres upang malaman ang

balak nitong gawin at natuwa siya ng sinabi nitong wala siyang balak na magsumbong o

maghiganti rito. Bilang pagtanaw ng utang na loob ay inalok niya ng pera si Andres at

nagkasundo sila sa halagang limang libong dolyar na gagastusin ni Andres hindi para

sa sarili. Lumipas ang ilang taong at habang bakasyon ay may bagong dating sa

dormitory at ito ay ang Pilipinang si Estrella.

Si Estrella ay gaya ng uri ng tao na tumawag na timawa sa ama ni Andres kung

kaya’t pinakitaan niya ito ng magaspang na ugali. Si Estrella naman ay gustong

maghiganti sa ginawang iyon ni Andres sa pamamagitan ng pagpapakita na hindi

naman pala siya suplada at kung sakaling lumigaw ito sa kanya ay doon nito matatanto

ang malupit na higanti ng dalagang kababayan. Upang makuha ang simpatya ni Andres

ay laging nagpupunta sa kusina si Estrella ngunit hindi ito naging matagumpay. Inaya

rin niya sina Alice, Bill at Andres na manuod ng sine at doon ay napansin niya na

magalang at malaki ang ipinagbago ng binata. Pag-uwi galing sa sine ay binalaan ni

Alice si Andres na siya rin ay panibughuin. Sumagot naman si Andres na kung si

Estrella ang tinutukoy nito ay kinakwartahan lang niya ito. Dahil sa sagot na iyon ni

Andres ay nasampal siya ni Alice.

Alam ni Bill na pag si Andres ay walang kibo ay mas mabuti na lamang na ito ay

huwag kausapin. Ngunit pagkarating ay nagkwento naman ito na siya ay nasampal

dahil sa pabirong sagot nito. Kinabukasan ay gabi na ng pumasok si Andres ng trabaho


na may dalang walis na may putting panyo bilang pagsuko sa tagisan nila ni Estrella

dahil ito ay hindi makabubuti sa relasyon nila ng katipan. Samantala, pagkabalik ni

Alfredo galing bakasyon ay ipinakilala agad ni Andres si Estrella rito. Si Alfredo naman

ay nakahahalata na laging si Andres ang hadlang sa lahat ng natitipuhan niyang babae.

Sagabal kay Estrella dahil lagi itong nakadikit kay Andres. Sa pakiwari rin niya ay si

Andres rin ang dahilan kung bakit hindi sumasama sa kanyang paanyaya si Alice.

Kinalaunan ay hindi na sumasama si Andres sa panunuod at pamamasyal nila

kaya tinungo ni Alice ang katipan upang tanungin. Sumagot naman itong abala lamang

siya sa laboratory. Subalit ang totoo ay binabayaran siya ni Alfredo ng isang daan kada

buwan kung siya ay hindi sasama sa pamamasyal upang masolo ni Alfredo si Estrella.

Sa kanilang pamamasyal ay napansin ni Alfredo na ang tanging bukambibig ng dalaga

ay si Andres. Kinagabihan ay tinungo ni Alfredro si Estrella upang tiyakin ang kanyang

maasahan rito at tumugon ito na sila ay hanggang magkaibigan lamang. Natalos ni

Alfredo na si Andres ang dahilan kaya sinabi niya na walang mapapala ang dalaga kay

Andres sapagkat binabayaran niya ito upang hindi sumama sa kanila. Ilang araw ang

lumipas ay tinungo ni Estrella si Andres upang tiyakin kung totoo na binabayaran ito ni

Alfredo. Nagkasagutan ang dalawa. Patuloy pa ng binata na kung gusto ni Estrella na

makasama siya sa pamamasyal ay dapat bigyan siya nito ng higit sa binabayad ni

Alfredo.

Natuwa si Alice dahil sumasama na ulit sa kanila si Andres ngunit lingid sa

kaalaman nito na binabayaran ni Estrella si Andres. Napansin rin ni Alice na madalas

lumalabas sina Andres at Estrella na silang dalawa lang samantalang hindi pa nila

nagagawa iyon. Ilang araw ang lumipas ay lumabas rin sila ni Alice ng silang dalawa
lang ngunit marami ang nagpaparinig ng pangit na pananalita sa kanila. Sa kabila ng

hindi pagtanggap ay bumuo pa rin ng pangarap ang dalawa. Nalaman ni Estrella ang

nangyari. Sa isip niya ay may relasyon ang dalawa sapagkat sumama si Andres kay

Alice ng kusa samantalang binabayaran pa niya ito sumama lang sa kanya. Sa

panibugho ay pinuntahan ni Estrella si Alice at ipinagtapat na binabayaran niya si

Andres para sumama sa kanya at binayaran din ito ni Alfredo upang huwag sumama

noon sa kanila. Nagalit si Alice kaya tinungo niya si Andres at sila ay nag-away. Nais ni

Alice na mangako si Andres nahindi na nito uulitin ang ginawa, ngunit hindi pumayag si

Andres. At nauwi sa hiwalayan ang pagtatalo nila ng gabing iyon.

Pauwi na galing sa konsyerto sina Andres at Estrella nang tawanan nito ang

dalaga. Sa tagal na raw kasing sumasama siya rito ay hindi pa rin siya napapatiklop

nito. Hindi nagustuhan ni Estrella ang mga sinambit ni Andres ngunit hindi niya ito

pinahalata. Naging mahaba ang usapan nila. Sobrang nasaktan si Estrella sa mga

sinabi ni Andres at muntik na itong maluha. Nang gabing iyon ay inihinto na rin ni

Estrella ang pagbabayad kay Andres upang makasama.

Lumipas ang maraming araw, bumagsak ang negosyo ng pamilya ni Estrella

kaya pinapaghanap na itong trabaho o umuwi na sa Pilipinas. Nakahanap naman ito ng

trabaho bilang katulong rin sa kusina at nakatanggap rin siya ng scholarship mula sa

director ng konsyerto. Dumating ang araw ng pagtatapos nina Andres, Alice, Bill at

Alfredo. Dumalo roon sina Mrs. Grey at Estella. Masayang-masaya ang lahat noon at

iyon na rin ang huling nakahalubilo ni Andres ang mga kaibigan. Ang lagi na lang

magkakasama ay sina Alice at Alfredo, at Bill at Estrella. Ang mga nagsipagtapos ay

dapat munang magsanay sa hospital ng kanilang eskwelahan at iisa ang


pansamantalang inuuwian. Isang gabi ay narinig ni Andres ang ibang kasamahan na

may masamang sinasabi sa mga Pilipino, ang Pilipino raw ay may lahing unggoy, dahil

doon ay sinuntok ni Andres ang nagsambit at nagkaroon ng malaking kaguluhan sa

Interno.

Naayos na ang gulo sa Interno pero iwas pa rin si Andres sa mga kaibigan niya.

Sa isip niya ay mas mabuti na iyon dahil wala na siyang iilagang Alice, hindi na

magagambala ni Estrella, wala na ring Bill na magpapangaral, at walang katunggaling

Alfredo. May isang Ginang na higit apatnapung anyos na ang pinapapunta lagi si

Andres sa bahay nito kahit wala naman itong karamdaman. Tinanong nito si Andres

kung sapat na ba ang naipon nito para sa klinika at sumagot naman si Andres ng hindi.

Upang makumpleto ang pondo, si Andres ay nakipagtalik sa Ginang na iyon. Ang

nangyaring iyon ay kumalat sa buong Interno. Ilang araw ang lumipas ay sinalakay ng

mga Hapon ang Pearl Harbor at sa isang kisap ay nagbago ang buhay ng mga

mamamayan ng Amerika. Si Andres ay boluntaryong tumulong na sasama bilang doktor

sa mga maaaring sugatang mandirigma sa Pasipiko.

Pumunta si Andres sa Dormitoryo upang magpaalam kay Mrs. Grey ngunit ang

dinatnan niya ay si Alice na luhaan at kapit na kapit sa kanyang bisig. Dumating na si

Mrs. Grey at doon nga ay nagpaalam na si Andres sa maaaring huling pagkikita dahil

tutungo ito sa digmaan. Dumating ang araw ng pag-alis, habang nasa eroplano ay

naalala ni Andres ang alaala niya sa Amerika. Naisip niya si Estrella na minahal siya

ngunit pagmamahal kapatid lamang ang naramdaman niya. Si Alice natanging babaeng

minahal niya at naghihintay sa pagbabalik niya. Habang nasa gitna ng biyahe ay

inatake sila ng eroplano ng kalaban.


Nakarating na sila sa Australia kasama ang isa pang doktor na si Dr. Dick Morris

ngunit hindi agad sila pinadala sa larangan upang makapagsanay. Lumipas ang ilang

buwan ay pinadala na sila sa ospital sa New Guinea. Maraming sugatang sundalo ang

di na umabot ng buhay sa ospital. Nagpresinta si Andres na sumama sa labanan at

doon na manggamot. Sa labanan ay maraming Hapones ang sumugod kaya’t maging si

Andres ay humawak ng Machine Gun upang lumaban.

Halos dalawang taon na ang nakalipas nang pumunta sila Andres sa larangan.

Nakakatanggap siya ng mga sulat mula sa mga kaibigan. Sina Alfredo at Bill ay

tenyente na sa Africa sa magkaibang ospital. Si Estrella ay naglalakbay upang tugtugan

ang mga kawal sa labanan. At si Alice na naglilingkod sa medical corps. 1944, ang

pinakamabangis na pagsalakay ng mga Hapon at maging ang ospital ay

pinasasabugan ng mga ito. Maraming pagsabog ang yumanig at nang matapos ay

maraming namatay. Ang mga nakaligtas ay lumipat ng lugar ngunit si Andres ay

kasama sa listahan ng mga namatay. Nabalita at nalaman na ng mga kaibigan ni

Andres na ito ay nasawi. Pinapunta ng director ng University Hospital ang mga kaibigan

ni Andres kasama na ni Mrs. Grey at sinabi nito ang testament. Ibinigay ng Direktor kay

Alice ang $50,000 na pinahawak ni Andres para sa pagpapatayo ng klinika. Sinabi rin

ng propesora ni Estrella na ang nagbigay ng scholarship nito ay si Andres.

Kinagabihan sa binombang hospital nang namulat si Andres at nakita niyang

mga Hapon ang nakapalibot sa hospital kaya siya ay nanatili sa pagkakahiga na tila

patay. Kinabukasan paggising ni Andres ay wala na ang mga Hapon. Nakita siya ng

isang patrol na Amerikano at isinama sa bagong kampo. Naging Major naman si Andres

dahil sa pagpapatuloy sa panggagamot habang binobomba ang hospital. Ilang buwan


ang lumipas at nasa Pilipinas na ang labanan. Ang hospital unit ni Andres ay kasama

sa Pangasinan. Maraming labanan ang naganap, meron sa Leyte, Zambales, Bataan at

sa marami pang probinsya ng Pilipinas. Naging mabangis ang labanan sa Luzon at sa

huli ay natalo at namundok ang mga Hapon. Nanghumuhupa na ang labanan ay umuwi

muna si Andres sa kanyang bayan. Nagtungo si Andres sa puntod ng kanyang ama at

doon ay nakita niya ang di na niya nakikilalang kababata na si Igme. Kinabukasan ay

sinama siya ni Igme sa handaan at doon ay nakilala niya si Mercedes na anak ng

Donya na nanghamak sa kanyang ama.

Inanyayahan ni Mercedes si Andres na umakyat sa kanilang bahay at doon

pinakilala niya si Andres bilang isang Pilipinong sundalo mula sa Amerika. Hangang

hanga kay Andres ang lahat maging ang mga magulang ni Mercedes. Lumapit sa kanya

ang isang matanda na si Don Marcos at sinama si Andres sa asawa nito. Ang mga

matanda ay nangungulila sa anak na nasa Amerika na wala ng koneksiyon simula ng

sumiklab ang giyera. Ang anak na tinutukoy ay si Estrella. Lumipas ang mga araw at

napansin ni Andres na ang mga sundalong Amerikano ay nahihilig sa mga dalagang

Pilipina at sinasabi ng mga ito na delata lamang ang kapalit ng mga ito. Bilang ganti ay

kinakasintahan at nakikipagtalik naman si Andres sa mga nars na Amerikana. Isang

araw, sumama si Andres sa isang handaan sa Maynila. Nagtaka si Andres na merong

isang marangyang bahay pagkatapos ng giyera. Ang nakita roon ay si Lily na

kinasangkapan ang magandang katawan upang yumaman. Una sa mananakop na

Hapon at sumunod sa isang sundalong Amerikano.

Inakit ni Lily si Andres at sa tingin niya ay nagtagumpay siya. Ngunit hindi alam

ni Lily nakakailanganin lang siya ni Andres at ang mga pag-aari niya. Nakakakuha
naman ng malaking halaga dito si Andres na ginagamit niya sa pagtulong sa mga

mahihirap. Nagkitang muli sina Mercedes at Andres, at inanyayahan ng dalaga si

Andres sa darating na sayawan. Naging malamig ang pagtanggap kay Andres ng mga

bisita at maging ang pamilya ni Mercedes. Nagbago ang pagtingin sa kanya ng lahat ng

sabihin na siya ay isang doctor at isa ring major.

Hangang-hanga at nakipagkamay ang lahat kay Andres. Matapos ang kamayan

ay tumungo si Andres kasama si Mercedes sa balkon. Ayaw niyang saktan ang dalaga

ngunit sinabi pa rin niya na siya ay nagbalik upang maghiganti sa malalakas para sa

mahihina, kabilang ang mga magulang ng dalaga. Bumalik sila sa loob at si Andres ay

pinagsalita. Nang matapos at makaalis na sina Andres at ang mga Amerikano ay sari-

saring paksa ukol kay Andres ang nabuo. Si Anita, kapatid ni Mercedes, ay humahanga

at bumubuo ng pangarap sa piling ni Andres. Samantala, pinaghandaan naman ni Lily

ang pag-uwi ni Andres upang ito’y lubusang akitin.

May nangyari kay Andres at Lily kahit walang pagmamahalan. Ang tanging

pakay lamang ng dalawa ay para sa sariling kapakanan upang makamit ang kanilang

layunin. Madalas kung pumunta si Andres sa kanilang bayan at siya ay naglilingkod ng

walang bayad at nagbibigay ng libreng gamot. Ang mga iyon ay para lang dapat sa mga

mahihirap ngunit pati ang mga may pambayad ay sinasamantala ito. Marami ang

nagpapatawag kay Andres sa kanilang bahay upang magpagamot ngunit lagpas sa

kalahati rito ay mga dalagang wala namang karamdaman at ang nais lang ay maging

katipan si Andres. Kabilang na roon si Anita.

Maraming dalaga ang nahumaling kay Andres. Dumating ang araw ng parangal

para kay Andres at sinama niya si Lily. Sa isip ni Mercedes ay ito ang paraan ni Andres
upang matigil na ang mga dalaga sa pang-aakit. Para naman kay Andres ay ito na ang

higanti niya sa mga dalagang mapagmataas at maging sa mga magulang nito. May

araw na nanghihina si Andres dahil sa kawalan ng pahinga. Umuwi siya kay Lily ng

lumong-lumo nang bigla itong nabagok at pagkagising ay nawalan ng alaala.

Nawala nga ang alaala ni Andres at ang pakilala ni Lily sa kanya ay asawa nito.

Lumipat sila ni Lily sa isang liblib na lugar upang walang makakilala sa kanila. Napansin

na sa ospital na si Andres ay ilang araw ng wala. Hinanap nila si Andres ngunit hindi

nila ito nakita. Ang kanilang hinala ay tumakas ito. Dumating na rin sina Alfredo at Bill

sa Pilipinas upang tumulong dahil tapos na ang labanan sa Europa. Dumating na rin si

Estrella isang lingo bago dumating ang dalawa at nakauwi na sa kanyang mga

magulang. Hinanap at pinuntahan agad nina Bill at Alfredo ang bahay ni Estrella. Doon

ay nakita nila ang magulang nito at maging ang dalaga. Tila nawala ang galak ni Bill kay

Estrella.

Nagbago nga ang pakikitungo ni Bill kay Estrella dahil sa kanyang tingin ay hindi

na siya karapat dapat para rito. Itutuloy na lang raw niya ang pagliligaw kay Estrella

kapag siya ay maipagmamalaki na rito. Napansin naman ni Bill na si Alfredo ay mahilig

sa layaw at alam niyang hindi iyon gusto ni Alice. Samantala, wala pa rin ang alaala ni

Andres. Nauuubos na rin ang pera ni Lily, kaya si Lily ay naghanap ng isang kapitang

Amerikano upang perahan. Nakaklimutan niya si Andres , na hindi niya alam ay wala na

pala sa kanilang bahay. Si Andres naman ay palakad lakad sa iba’t ibang bayan, at ang

minsan ay may aksidente at nakakita itong dugo ay naalala nito na siya ay doctor ngunit

hindi pa rin niya maalala ang kanyang pangalan.


Nakilala na si Andres at dinala sa ospital na pinaglilingkuran. Hindi alam ng mga

doctor doon na ito ay may amnesia, sa tingin nila ito ay nagpapanggap na walang alam

dahil may nagawa itong kasalanan sa isip nila siya ang may kagagawan sa mga

nawawalang mga gamot. Umabot ang kaso ni Andres sa paglilitis. Tanging si Dr. Dick

Morris lamang ang nasa kanyang panig. Kumalat ang balita ukol sa Pilipinong

nasasakdal at nalaman rin ito nina Bill at Alfredo. Samantala sa bahay ni Estrella ay

may pinanapakita itong larawan nilang magkakaibigan sa kanyang mga magulang.

Nakilala ng magulang niya si Andres, na kasama nila sa piging at tumulong upang

mahanap si Estrella. Nagtaka ang tatlo sa narinig.

Umusad ang paglilitis kay Andres, at sa tulong na rin ni Dr. Dick Morris kasama

nila Bill at Alfredo, ay napatunayan na si Andres ay may amnesia. Napawalang sala rin

sya ukol sa bintang tungkol sa nawawalang gamot. Habang di pa gumagaling si Andres

ay doon siya kanila Estrella tutuloy. Nakaramdam naman ng panibugho si Bill sa

kaibigang si Andres dahil ito ay inaalagaan ni Estrella at sa tingin niya ay mahal pa rin

ito ng dalaga. Si Alfredo naman ay tanggap na hindi na maaaring maging sila ni Alice

sapagkat buhay nga si Andres.

Si Alice ay abala sa pang-araw-araw niyang gawain sa Amerika. Nang sumapit

ang gabi ay napansin niya na may telegrama sa kanyang kwarto. Nakasaad dito ang

sulat nina Alfredo, Bill at Estrella na si Andres ay buhay pa ngunit may sakit itong

amnesia. Sinabi ni Alice ang nalamang balita kay Mrs. Grey at sa Direktor ng State

University. Kinagabihan ay inayos na ni Alice ang kanyang gamit na dadalhin niya

patungong Pilipinas na nasasabik ng makita si Andres. Sa kabilang banda ay nawawala


naman si Andres at ito ay hindi nasabi ng mga kaibigan kay Alice. Laking pagtataka ni

Alice pagdating na nawawala pala si Andres.

Isang buwan ng nawawala si Andres ngunit wala pa ring balita. Si Alice, sa

tulong ng mga kaibigan at magulang ni Estrella, ay nais ng maipatayo ang klinikang

nais ni Andres. Agad namang humingi ng tulong si Don Marcos sa mga magulang ni

Mercedes. Sa kanilang pagpunta sa bahay nila Mercedes, sa bayang sinilangan ni

Andres, ay napansin agad ni Estrella na iba ang tingin ni Mercedes kay Bill. Si Alfredo

nama’y panay pasikat kay Mercedes at sa dalagang kapatid nito. Isang buwan ay tapos

na ang pinapatayong klinika at kumpleto na sa kagamitan. Marami ang nagpapagamot

kaya sina Bill at Alfredo ay tumulong din, ngunit simula noon ay nadadalas sa pagdalaw

si Mercedes na ikinapanibugho ni Estrella.

Hindi na nalihim kay Bill ang paninibugho ni Estrella kaya nagpaliwanag ito.

Sinabi nito na sumasama sa kanya si Mercedes upang matiyak kung sino sa kanilang

magkakapatid ang gusto ni Alfredo. Napatunayan din ni Bill at Mercedes ng gabing iyon

na si Mercedes nga ang itinatangi ni Alfredo. Napatunayan rin ni Bill na siya ay mahal

rin ni Estrella dahil ito’y natatakot kapag may kasama siyang iba. Samantala, masaya

naman si Alice sa nalalapit na pagpapakasal ng kanyang mga kaibigan, ngunit siya ay

malungkot rin dahil hindi pa nakikita si Andres. Tinuon na lang niya ang atensiyon sa

pagkakawanggawa, at di nagtagal ay nakilala siya di lang sa nayon ni Andres kundi pati

sa mga kalapit lugar. Hindi naman niya napansin na nakadaupang palad na niya si

Andres sa isang kalapit nayon dahil sa kapal ng tao

Isang araw, nakita ni Tandang Pedro ang walang malay na tao, si Andres,

kinupkop niya ito at naging katulong-tulong sa bahay. Kasama niya ito sa pagtitinda ng
gulay sa iba’t-ibang lugar. Samantala dumating na ang araw ng kasal nina Alfredo at

Mercedes, at nina Bill at Estrella. Abay naman si Alice. Nagkataon naman na napadaan

doon sina Tandang Pedro at Andres. Nakita naman siya ni Alice ngunit hindi nito

natiyak na si Andres nga ang nakita sa bilis ng pangyayari. Pagkauwi ni Alice ay hindi

ito mapakali, iniisip niya na baka si Andres ang kanyang nakita, kaya umalisito upang

maghanap.

Nagpunta si Alice sa palengke upang hanapin si Andres, naroon din si Andres

ngunit hindi sila nagkita. Naghanap pa si Alice sa ibang lugar pero wala siyang nakita.

Pag-uwi niya sa klinika ay nalulungkot siya, wala siyang kasama sapagkat nasa

honeymoon ang mg kaibigan. Isang gabi ay may dalang may sakit ang isang matanda,

na balot na balot ng kumot upang ito raw ay pagpawisan. Malala na ang sakit ng

pasyente at ito raw ay pulmonya dahil ito ay napabayaan. Kakain na silang almusal

nang sabihin ni Bill na si Andres ang dinalang pasyente. Agad naman napaluha ang

dalawa sa narinig.

Tumutulong na rin si Alfredo kay Bill sa panggagamot kay Andres. Ilang araw

lamang ang dumaan ay magaling na ito sa pulmunya ngunit hindi sa sakit na limot.

Isang tanghali pagkagising ni Andres ay may naririnig siyang mga tinig, at alam niya na

ang tinig naiyon ay kay Bill at Alfredo. Unti-unti na ngang nanunumbalik ang alaala ni

Andres. Magaling na si Andres sa limot, ngunit hindi pa nito sinasabi sa mga kaibigan.

Gusto pa niyang matiyak at maalala ang iba pang karansan.

Hindi pinahahalata ni Andres kahit kanino na nagbalik na ang kanyang alaala.

Pinagmamasdan muna niya si Alice kung ito ay nasisiyahan sa Pilipinas at sa nayon

niya. Si Andres rin ay naiinggit sa mag-aasawa at gusto ng pakasal kay Alice ngunit
pinipigil pa nito. Nalathala na sa pahayagan na si Andres ay nakita na at nabasa iyon ni

Lily. Ang Amerikanong kapitan na asawa ni Lily nang pabayaan niya si Andres ay patay

na. At nang malamang si Andres ay nakita na ay pumunta ito sa klinika upang kunin ito.

Nagpakilalang asawa ni Andres si Lily. Nagulat si Alice sa narinig.

Hindi alam ni Andres kung totoong nagpakasal sila ni Lily, ngunit sumama na

lang ito upang malaman ang totoo. Hindi naman alam ni Lily na bumalik na ang alaala

ni Andres. Palihim na pinaimbestigahan ni Andres ang testamento ng kasal at

napatunayan niyang iyon ay peke. Nang malaman iyon ni Andres ay ipinakiusap niya na

magpatawaran na lang sila ni Lily.

Hindi naging madali ang pag-alis ni Andres dahil maraming hadlang na ginawa

si Lily. Sa huli ay nanaig pa rin si Andres at hindi na mapipigilan pa. Si Andres ay

nagpalipas ng gabi sa bahay ni Tandang Pedro, ngunit wala doon ang ama-amahan.

Kinaumagahan ay nagtungo agad siya sa klinika. Nagulat siya at maraming tao sa

labas, aalis na raw kasi ang misyonerang si Alice dahil ito raw ay pinagpalit ni Andres

sa isang mayamang babae na si Lily. Nagmamadali si Andres na makalapit sa klinika.

Samantala sa loob ng klinika ay, naroon sina Bill, Estrella, Alfredo, Mercedes, maging si

Tandang Pedro, pinipigilang umalis si Alice. Hindi naman nagpapatinag ang dalaga

hanggang marinig niya ang tinig ni Andres na nakapagpabago ng kanyang desisyon.

Naging masaya ang lahat sa pagdating ni Andres. Hinalikan nito ang dalaga. Hindi na

aalis ang mahal niyang si Alice.


II: Pagsusuri

A. Tauhan

1. Andres (Andres)- Isang matangkad, matipuno at kayumangging Pilipino. Siya

ay isang mahirap na Pilipino, anak ng isang magbubukid, na nagsumikap

upang maabot ang kanyang pangarap. Siya ay naging isang Doktor at isang

Major. Siya ay may layunin na tumulong sa mga mahihirap at turuan ng

leksyon ang mga mayayamang mapang-api.

2. Alice- Isang maganda at maputing Amerikana. Siya ay isang mabuti ngunit

mahirap na Amerikana. Nagtatrabaho siya upang makapag-tapos ng pag-

aaral. Siya ay kasintahan ni Andres na ipinaglaban ang kanilang

pagmamahalan sa kabila ng pagtutuligsa ng kanyang mga kadugo.

3. Bill- Isang mahirap na Amerikano. Si Bill ay kaibigan ni Andres na naging

katuwang niya sa mga problema. Siya ay mabuti at magaling magpayong

kaibigan. Siya ay nagkagusto kay Estrella at sa huli ay naging asawa ito.

4. Estrella- Isang mayamang dalagang Filipina.Sa simula ay mapagmataas at

isa sa naging mapang mata kay Andres, ngunit pagtagal ay isasa mga

babaeng nahumaling kay Andres. Sa huli ay nagbago ito at naging isang

mabuti at mapagmahalna asawa kay Bill.

5. Alfredo (Fred)- Isang matangkad at mayamang Filipino.Siya ay isang

mayamang Filipino na kamag-aral ni Andres sa isang unibersidad sa

Amerika. Sauna ito ay mapagmataas sa mga mahihirap ngunit sa huli ay


naging mabuti at naging kaibigan ni Andres. Si Alfredo ang napang-asawa ni

Mercedes.

6. Mercedes(Edeng)- Isang maganda at maputing Filipina.Siya ay anak ng isang

mayamang pamilya. Ang kanyang ina ang nang-mata kay Andres atsa ama

nito, ngunit kaiba si Mercedes. Siya ay mabuti at kinagigiliwan ng mga

kasamahan nilangmagsasaka. Siya rin ay nagkaroon ng pagtingin kay Andres

ngunit sa huli ay napang-asawa ni Alfredo.

7. Lily- Isang Filipinang may magandang mukha at pangangatawan.Isang

Filipinang sinangkalan ang kanyang pangangatawan sa mga mananakop na

Hapon at sa mgasundalong Amerikano. Nang-akit kay Andres at naging

dahilan ng matagal na pagkawala ng binata. Nagpanggap na asawa ni

Andres.

8. Mrs. Grey- Isang Amerikanang tagapangasiwa sa dormitoryong

pinagtrabahuhan ni Andres.Tumayong ina ni Andres.

9. Tandang Pedro- Isang matandang Filipino na kilala sa pagiging madamot.

Ang tumayong ama kayAndres sa panahong wala itong maalala sa kanyang

nakaraan.

10. Dr. Dick Morris- Isang Doktor na Amerikanong kaibigan ni Andres.

11. Don. Marcos- Ang ama ni Estrella na tumulong sa pagpapagamot kay

Andres.

12. Igme- Pilipinong kababata ni Andres.

13. Anita- Isang mapagmataas na dalaga na kapatid ni Mercedes. Nahumaling

kanila Andres, Bill atAlfredo nang malaman ang mga narating ng mga ito.
B. Tagpuan

1. Amerika

Sa bansang ito nakipagsapalaran ang pangunahing tauhan na si Andres

Talon. Dito niya naranasan ang hagupit ng buhay. Naranasan niyang

makipag-away dahil sa pang-aalipusta ng ibang lahi sa lahing kayumanggi.

Dito niya rin nakilala ang mga kaibigang nagbago sa kanyang buhay pati na

ang magiging karamay niya panghabang buhay, si Alice. Dahil nga rito

ipinakita rin na hindi lahat ng mga Amerikano ay masama ang tingin sa mga

Pilipino. Kahit magkakaiba sila ng kulay ay pareho sila sa maraming bagay.

Ang kultura sa Amerika ay malayong-malayo sa Pilipinas. Halos ang mga

babae rito ay liberated na umasta. May mga diskriminasyon rin dito sa

pagitan ng mga puti at itim. Naniniwala sila na mas may karapatan ang mga

Amerikanong puti kaysa mga Amerikanong itim.

2. Pilipinas

Di kinalaunan nang makamit na ni Andres ang pangarap niya na

magtagumpay sa buhay ay nakabalik ito sa Pilipinas dala na rin nang

sumama ito sa digmaan upang manggamot. Ngunit hindi niya inaasahan na

ang pagbabalik niyang ito ay siya namang pagharap niya sa iba’t-ibang

klaseng laro ng tandahan. Dito nawala ang kanyang memory, na nagpahirap

sa kanya ng labis ngunit may maganda namang na idulot. Ang pagbabalik din

niyang ito ang pagsiklab ng kanyang pusong mapaghigante. Ang mga Pilipino

ay katulad pa rin ng dati, magiliw sa mga bisitang taga ibang bansa. May mga
mata pa ring mapang-alipusta. May mga sakim sa pera at may roon pa ring

busilak ang puso sa pagtulong.

C. Banghay

 Ikinuwento ni Andres ang naging buhay niya sa Pilipinas sa mga kaibigang

sina Alice at Bill.

 Tinukso ni Bill si Andres kay Alice. Marami daw silang pagkakatulad ng

dalaga.

 Nainsulto si Andres nang hindi pumasok sa kusina si Alfredo nang ito’y

magpapagawa sana ng report sa klase. Bilang ganti siningil siya no Andres

ng $100. Nagalit sina Bill at Alice.

 May bagong dating na taga- Pilipinas, si Estrella. Sumiklab ang labanang

pag-ibig nina Alfredo at Andres laban sa dalawang babae na sina Estrella at

Alice.

 Nagtapos ang magkakaibigan sa kanilang pag-aaral. Sumama si Andres sa

digmaan upang manggamot. Nabalitaan na lamang ng mga kaibigan niya na

siya ay nasawi.

 Naisama si Andres sa ibang kupunan ng mga Amerikanong mandirigma at

tumungo sa Pilipinas. Bumalik sa sariling nayon so Andres.

 Nawala ang memorya. Napaglaruan ng tandahan.

 Dumating ang mga kaibigan na sina Bill, Alfredo at Estrella. Di kinalaunan ay

sumunod si Alice ng malaman nito na buhay ang minamahal na si Andres.

 Bumalik ang ala-ala ni Andres. Nagkatuluyan ang dalawa.


D. Mga Pahiwatig

Ang kwento sa nobela ay nahahango sa makatotohanang pangyayari sa

buhay ng isang mangagagawang Pilipino sa ibang bansa partikular sa Estados

Unidos. Hindi mapagkakaila na dumadaan sa maraming diskriminasyon ang

isang lahing kayumanggi lalo na ito’y nasa bansang malaki ang pinagkaiba sa

kulturang Pilipino. Ang kwento ay nangyari bago at hanggang matapos ang

ikalawang pandaigdigang digmaan. Ang kwento ay tungkol sa kabutikan

kakambal ang kasamaan. Hindi mawawala sa taong nagdaan sa kahirapan ang

magtanim ng hinanakit lalo na sa mga taong nang-api sa kanya. Ang paggamit

ng katawan bilang puhunan para kumita ng pera ay isa rin sa mga

makatotohanan pangyayari. Nakakalungkot mang isipin ngunit magpahanggang

ngayon ay ito’y laganap pa rin. At ang huli, ang pag-ibig pa ring totoo ang

nangingibabaw sa anumang dagok ng buhay. Kahit ano mang pigil ng daigdig sa

magkaibang taong nagmamahalan ay gagawa’t gagawa pa rin ng paraan ang

tadhana upang sila ay magkita, ika nga “Love will find a way.”

E. Simbolo

Ang timawa ay nangangahulugang mahirap. Kung hindi narinig ni Andres

ang sinabi nang Donya, sa kanyang ama na Timawa, ay hindi siya magsisikap

na matapos ang kanyang pag-aaral. Marahil ay naging katulad na lang siya ni

Igme na isa na ring magsasasaka.


F. Magagandang Pahayag

Ang kwento ay nababalot ng kwentong pag-ibig. Inaamin ko na talaga

namang nakakapanabik ang mga susunod na pangyayari bawat kabanata na

aking nababasa. Nakakakilig ako sa kwento nina Alice at Andres. Isang tipong

pag-ibig na kahit anong pigil ay kusang lalabas at uusbong.

Isang henyo si A.C. Fabian. Ang kwentong Timawa ay maraming

sangkap na nakakaaliw sa isang mambabasang tulad ko. Pinagsamang poot at

galit hinaluan pa ng nag-iinit na pagmamahalan ng mga tauhan sa kwento. May

nakakatuwang mga pangyayari at meron namang nagpaluha sa akin.

Ipinabatid ng manunulat ang isang sakit ng lipunan ang diskriminasyon

ng mayayaman laban sa mga mahihirap. Ito ay naipakita ng Donyang may ari ng

lupain noong araw ng kapistahan. Kanyang minaliit ang mga magsasaka at halos

pagdamutan ng pagkakataong kumain. Ito ay isa sa mga sakit ng lipunan na

mula noon hanggang ngayon ay nararamdaman pa ng karamihan. Noong araw,

ang mga kastila at mga prayle ay madalas apihin ang mga Pilipino dahil sila ay

nasa ilalim ng pamahalaan ng Espanya. Sa panahon ngayon, hindi man mga

dayuhan ang nangaapi ngunit mas masakit ito dahil kapwa Pilipino madalas ang

gumagawa nito. Madalas mapagkaitan ng karapatan ang mga mahihirap dahil

karaniwa'y hindi nila alam ang kanilang mga karapatan bilang mamamayan.

Sinasamantala naman ng mga mayayaman ang pagkakataong ito. Nararapat na

magtulungan ang bawat isa, mayaman man o mahirap na maintindihan ang

karapatan ng bawat isa kasabay ng pagtutulungan sa ikakaunlad ng bayan.


III. Reaksyon

Ito na ata ang kauna-unahang nobelang nabasa ko maliban sa dalawang

nobela ni Rizal. Hindi ako nagkamali sa pagpili ng nobelang ito. Isa sa mga aral

na natutunan ko ay hindi hadlang ang kahirapan upang maabot ang ating mga

pangarap. Ipinakita sa kwento na si Andres, isang mahirap, ang nagsumikap

upang maabot ang kanyang pangarap. Naabot niya ito sa pamamagitan nang

kanyang sipag, tiyaga at diskarte.

Ilang ulit ipinakita sa kwento ang pagiging bayani ng isang tao (Andres).

Una nang siya, isang doktor, ay sumama sa gitna ng labanan. Ikalawa, nang sa

gitna ng pagpapasabog ng mga kalaban sa kanilang kanilang hospital ay

pautuloy pa rin siya sa panggagamot. At ang pinakamahalaga sa lahat, ay ang

pagpapatayo niya ng klinika upang makatulong sa mga nangangailangang

kababayan.

Ipinakita sa kwento na si Andres, bagamat naging isang bayani, ay may

parteng mabuti at masama. Inilahad sa kwento ang mga kabutihan na kanyang

nagawa. Inilarawan rin naman nito ang kanyang kasamahan, na kayang gawin

ang lahat maging mabuti o masama kapalit ng pera na kanyang ginamit sa

pagpapatayo ng klinika.

Katulad ng naipakita sa nobela, ang diskriminasyon ay nararamdaman

parin ng karamihan sa atin ngayon. Mayaman man laban sa mahirap,

makapangyarihan man laban sa mahina at iba't iba pang klase ng diskriminasyon

ang nararamdaman ngayon. Maihahantulad natin si Andres sa isang Overseas

Filipino Worker o OFW kung tawagin. Katulad ng OFW, si Andres ay nagtrabaho


sa ibang bansa upang matakasan ang kalupitan at hirap na nararanasan ng mga

Pilipino sa bansa. Nais niyang makatikim ng ginhawa ng buhay kaya siya

nagbalak pumuntang Amerika. Hindi rin naiwasan ni Andres na magpabago bago

ng hanapbuhay dahil hindi rin madali ang maghanap ng trabaho na malaki ang

sweldo lalo na kung galing ka sa hirap at onti lang ang iyong naging edukasyon.

Katulad ng OFW ay naranasan rin niya ang hirap ng buhay sa ibang bansa.

Nanibago rin siya at kailangang maaral rin niya ang takbo ng buhay sa Amerika

at matangap ang bagong kultura. Ibang iba ang Pilipinas sa Amerika ngunit dito

pinili ni Andres na mamuhay dahil malaki ang kanyang tiwala sa sarili na

magiging maayos rin ang kanyang buhay.

Si Andres ay isang International Working Student din dahil katulad ng isang

Pilipinong nag-aaral sa ibang bansa ay naghahanapbuhay rin siya para

matugunan ang mga pangangailangan sa araw araw lalo na ang pambayad sa

paaralan at mga kagamitan na kakailanganin dito. Isang kahanga hangang tao

si Andres dahil iba ang kanyang naging karanasan sa kanyang buhay at marami

siyang napulot na gintong aral dito.

You might also like