Professional Documents
Culture Documents
PAGTALAKAY
Basahin ang sumusunod na tekstong naratibo.
Restawran sa Cubao
Rene O. Villanueva
Minsan, sakay ng bus papuntang Cubao, may kung anong nag-udyok sa akin na bumaba
sa tapat ng Ramon Magsaysay (Cubao) High School at pumasok sa restawrang nasa tapat ng
bus stop.
Nakailang hakbang ako papalapit sa restawrang iyon. Pero pinigil ako ng ingay, amoy at mga
bagay na namalas ko para tuluyang pumasok. Sa loob, may mga kumakain ng pananghaliang
ulam at kanin. May nagmemeryenda ng sopdrink at mamon. May mga empleyado. May mga
estudyanteng nakaputing polo at kaking pantalon na uniporme ng katabing hayskul. May mga
negosyanteng nasa kalagitnaan ng transaksiyon. Kanya-kanyang mesa ang mga parukyano.
Kanya-kanyang usapan, bulungan at tawanan. Nasa ilalim ng nanlalabong estante ang mga
pagkain; sa isang tabi, may dispenser ng sopdrink.
Sa puwestong iyon dati akong isinama ni Tatay kung araw ng suweldo. Nasa elementari pa
ako noon. Sa tapat ng lugar na iyon dating nakatayo ang lumang city hall ng Quezon City.
Espesyal ang araw ng suweldo para sa Tatay ko. Para siyang nagiging ibang tao; iba sa
araw-araw niyang anyo. Araw-araw, ang suot niya’y lumang pantalon, kupas na polo, at pudpod
na de-gomang sapatos. Minsa’y nakakamiseta siya. Bago pa mag-alas otso’y aalis na siyan ng
bahay matapos mag-almusal ng pandesal na isinasawsaw sa kapeng walang gatas. Lalakarin
niya kung saang kalye siya nakadestino sa araw na iyon; laging nasa paligid-ligid lamang ng
La Loma mula sa boundary nito sa Cavite, malapit sa Cementerio del Norte, hanggang sa mga
tahimik na kalye ng malalaking bahay sa Sta. Mesa Heights. Kabisado niya ang lahat ng kalye sa
La Loma dahil lahat ng kalye dito’y naespaltohan niya ang daan o nalusong ang kanal.
Kaminero ang Tatay ko. Maghapon siya sa kalsada. Noong nag-aaral ako, tuwing may form
na kailangang sagutin kung ano ang trabaho ng magulang, laging ang isinusulat koy’ government
employee para sa trabaho ng Tatay ko. Para sa akin, mas marangal ang tawag na iyon kaysa
kaminero, kahit alam kong marami sa mga kaklase ko ang hindi nakakaalam kung ano ang ibig
sabihin niyon.
Naiinggit ako sa mga kaklase kong ang trabaho ng tatay ay abogado, doctor, businessman,
o engineer. Nakalimutan kong may mga kaklase rin akong ang mga magulang ay labourer o
vendor.
1
Naglalakad kaming magkakaklase pauwi mula Ramon Magsaysay Elementary School.
Kapag mula malayo’y natatanaw kong may kalsadang inaayos, bigla akong kakabahan. Nawawala
ako sa kahit anong bagay na pinag-uusapan o pinagtatawanan ng mga kasabay kong naglalakad.
Habang papalapit sa mga nagtatrabaho sa daan ay nagsisimulang gumagapang sa dibdib ko ang
takot at hiya. Natatakot akong baka isa sa mga nagwawalis sa daan, nagbubuhos ng alkitran,
o nagpapala ng bara sa kanal ang Tatay ko. Nahihiya akong matuklasan ng mga kaklase ko na
ang sinasabi kong government employee ay empleyado nga ng gobyerno pero wala sa opisina
at hindi nakaupo sa mesa habang nasa trabaho, kundi kasa-kasama ng mga piko, pala, walis-
tingting at pandakot at kaulayaw ng alikabok, aspalto at burak sa imburnal.
Isang araw, papalagpas na kami sa kahabaan ng kalsadang tinutungkab ang lumang aspalto
nang bigla akong may narinig na sutsot mula sa tindahang may puwesto ng halo-halo sa tabi.
Humakbang ako ng ilang hakbang nang di lumilingon.
“Reny! Reny!” Mas lumakas ang tawag.
“Mauna na kayo,” sabi ko sa mga kaklase ko. Pinasaya ko ang boses ko. Mabilis ko silang
tinalikuran para hindi na sila maghintay. Maliksi akong pumunta sa tindahang puno ng mga
kaminero. Gusto kong mawala sa umupukang iyon ng mga trabahador sa daan. Gusto kong
lamunin ng masangsang na amoy ng naghalong pawis at alikabok.
Nakadukot na ng pera ang Tatay ko nang lumapit ako sa kanya. Pawisan ang kamiseta
niyang kulay-abo na sa dumi. Ipinapaypay niya ang sumbrerong tastas ang dulo. Nangingintab
ang buong mukha niya. Butil-butil ang pawis sa noo at patilyang nagsisimula nang sungawan ng
ilang puting buhok. Mabilis niyang inabot sa bantulot kong kamay ang pera.
“Pangmeryenda n’yo. Sige na, sundan mo na ‘yung mga kaklase mo.”
Mahinang “opo” lang ang nasabi ko. Mabilis akong naglakad palayo sa tindahan ng halo-
halo. Pero pagdating sa daan, kusa kong binagalan ang aking mga hakbang. Natatanaw ko
pa ang aking mga kaklase. May nagbiro siguro kaya ang isa’y nanghahampas ng bag habang
malulutong ang lumulutang na tawanan. Ilang ulit nila akong nilingon at kinawayang humabol sa
kanila. Pero ang mga paa ko’y pinipigil ang aking utak. Baka magtanong sila. Baka kailangan
kong magpaliwanag sa aking mga kamag-aral.
Pero noong hindi pa ako nag-aaral, wala akong pinakahihintay kundi ang araw ng suweldo
ng Tatay ko. Makapananghalian, makikita ko siyang namumustura. Balat ang sapatos. Mahaba
ang manggas ng polo. Malambot at makintab ang pantalong may piston. El Presidente ang tawag.
Bibihisan din ako ng Nanay ko. Polo shirt din. Pantalong mahaba at sapatos na balat.
Isasama ako ng tatay ko sa pagkuha ng suweldo niya sa city hall.
Pero hindi ang pagbibihis ang pinananabikan ko. Pinagtitiisan ko pati ang mahabang
biyahe na lagi kong nakakatulugan. Ang pinakahihintay ko ay ang pagdaan namin ng Tatay ko
sa panciteria sa tapat ng city hall matapos siyang sumuweldo. Oorder si Tatay ng pancit canton
at Choco-vim. Nangingintab sa mantika ang pancit canton. Pipigaan niya ng kalamansi, saka
hahaluin sa pamamagitan ng kutsara at tinidor. Isasalin niya sa punggok at makapal na basong
may yelo ang Choco-vim. Di niya nalilimutang alugin muna ang sopdrink bago isalin, para walang
maiwang latak ang tsokolate sa bote.
PAGSASANAY B
Sa Pagitan
Crizel Sicat-De Laza
Sabi ko sa isang kaibigan: Hintay lang, malapit na ako. Malapit na ako sa istasyon kung
saan kami magkikita. Habang naghihintay na lumapag ang mga paa sa susunod na istasyon,
kinasanayan ko ang magmasid sa mga nakikita, tumutunghay sa nakahihilo at mabilis na paglilipat
ng mga tanawin sa labas ng malabong salamin. Saka kung mainip, igagala ang mga mata para
panoorin ang mga kasakay na kampante sa kanilang pagkakaupo, nagmamadaling patingin-
tingin sa kanilang relo, nagkukuwentuhan, walang pakealam na nakikinig ng musika at sari-saring
paraan ng pagpatay sa oras, mga kapwa ko naghihintay.
Natitiyak kong may kanya-kanya kaming hinihintay sa buhay, parang itong lalaking disente sa
harapan ko, sa porma niya at bitbit na brown envelope, posibleng maghahanap ito ng trabaho. May
alinlangan akong nababasa sa kanyang mukha na posibleng nasibak sa trabaho lalo sa panahong
ito na uso ang kontraktwalisasyon. Parang hindi nalalayo sa alinlangang nararamdaman ko sa
tuwing magtatapos na lang ang semestre sa pinagtuturuan o ang mas matagal na alinlangan sa
pagdating ng full-implementation ng malabong K to 12 sa 2016. Ah basta, hindi ko na iniisip. Gaya
nitong babae sa tabi ko na walang ibang inaalala at inaatupag kundi ang ngumiti at pasimpleng
kiligin habang sumasagot sa text, malamang na jowa ang nasa kabilang linya o isang manliligaw
na ayaw pang sagutin, kasi may alinlangan din? Marahil, dahil kakabit ‘yun ng paghihintay para sa
tamang tao, sa tamang iibigin? Siguro. Hindi ko alam, kaya nga, isa ito sa ibubukas kong usapan
mamaya kapag nagkita kami ni Jonats.
Malamig ang kinatatayuan ng mga oras na ito, masakit na rin ang paa sa pagkakatayo,
kaya kailangang maghintay ng bakante o nang mag-aalok ng upuan. Kahit pa, may alinlangan
akong tumanggap ng upuan mula sa isang lalaki at hindi mabalikwas ang ganung konsepto para
sa babaeng gaya ko. Kunsabagay, kababawan nga kung sa ganyan lang susukatin ang papel sa
pagpapalaya ng isang babae. Sige, magtitiis akong nakatayo sa ngayon, dalawang istasyon na
lang naman. Masyadong maingay ang barkadang nagkukuwentuhan at walang konsiderasyon
sa mga umiidlip at nagrorosaryo sa bandang kaliwa ko, balak kong sawayin pero may alinlangan
ako: Baka lumabas akong isang dakilang epal o pakielamerang ewan kaya? Pero wala naman
sigurong masama kung sawayin ko sila. Teacher ang peg ni Mam. Pero magsasabi ako sa maayos
na paraan. Sa gaan kung paano mambasted ng isang makulit na manliligaw na wala naman
talagang pag-asa pero balak kong pagbigyan kasi matiyaga, sasawayin ko na at baka hindi talaga
sila nakakaramdam o sasabihan ko na para hindi na umasa pa? At biglang bumukas ang kanina’y