You are on page 1of 20

BULWAGAN

Ako si Makoy, Macky ang tunay kong pangalan. Labing-dalawang taong gulang na ako at
kasalukuyang nag-aaral sa mababang paaralan ng Montalban. Maliit ang espasyo ng aming
paaralan na nagkasya lamang ang pitong silid-aralan. Sa isang silid ay para kaming mga bolateng
nagsisiksikan at kung minsan pa ay walang maupuan. Sa madaling salita kulang sa mga
kagamitang pampagtuturo ang aming munting paaralan. Katatapos palang ng panuruan
ngayong taon at sa susunod na pagbubukas ay nasa ika-anim na baitang na ako. Isang gabi,
habang masarap kaming kumakain ng hapunan ay naisingit ni nanay ang napag-usapang plano
nila ni tatay.

"Nak, napagkasunduan na pala namin ng tatay mo na ilipat ka sa ibang paaralan, doon sa bayan
na malapit sa pinagtratrabahuan niya," sambit ni nanay.

"Po?! Ah eh sige po nay kayong bahala," pag-aanlinlangang tugon ko kay nanay.

Nagulat ako sa biglaang desisyon nila ng tatay. Siguro ay nag-aalala lang din sila sa kalagayan ng
edukasyon dito sa amin. Gayunpaman ay magdodoble kayod nalang daw sila upang matugunan
ang gastos sa aking pag-aaral. Isang tanyag na paaralan pala ang aking papasukan pero sa totoo
lang ay hindi ko nais na mag-aral doon dahil malayo sa kinatitirikan ng bahay namin.
Nakakapagod kasing sumabay sa pakikipagpatintero ng mga sasakyan sa daan kahit pa ihatid-
sundo ako ng tatay Nardo ko. Subalit pinilit parin akong pag-aralin doon ni nanay. Maganda raw
kasi ang paaralan ng San Andres. Maraming mga studyante na mula roon na naging
propesyonal na ngayon. Magagaling din daw magturo ang mga titser at siguradong maraming
oportunidad ang nag-aabang sa akin. Sabi ng kapitbahay namin na si ate Carla ay malawak daw
ang paaralan ng San Andres. Doon din pala siya nag-aral noong elementarya. Dagdag pa niya ay
mapapamangha raw ako sa ganda ng pagkakayari ng mga gusali ng paaralan. Pinaghalong
makaluma at makabagong mga disenyo. Mayroon din daw palaruan, malaking silid-aklatan at
puno ng mga sari-saring pagkain ang canteen. Sa pagkakalarawan ni ate Carla ay napaibig narin
akong mag-aral doon at hindi na ako makapaghintay na makita ang mababang paaralan ng San
Andres lalo na ang kanilang palaruan.
Sa ika-9 ng Hunyo taong 2022 ay ang unang araw ng pasukan. Sa wakas ay dumating narin yung
araw na pinakahihintay ko. Alas kuwatro ng umaga ay gising na ako. Dali-dali akong lumabas sa
aking kuwarto at tinungo kaagad ang kusina ng bahay upang maghilamos. Mas maaga palang
nagising si nanay kaysa sa akin. Nakahanda na sa mesa ang mga pagkain at ang baon namin ni
tatay. Hindi ko namalayan, sumikat na pala ang araw. Natagalan kasi ako sa pagligo at pag-ayos
ng mga dadalhin ko.

"Makoy! Halika na anak, mahuhuli na tayo," sigaw ni tatay sa labas na nagpapaandar na ng


kanyang motorsiklo.

"Opo tay andiyan na!"

30 minuto ang byenahe namin ni tatay para makarating sa mababang paaralan ng San Andres.
Pumasok na kami ni tatay sa loob kasabay ang iba pang mga studyante na nakasuot na ng
kanilang mga uniporme.

"Wowwwww! Nagtugma nga lahat ng sinabi ni ate Carla! Ang mga naggagandahang gusali ng
paaralan na gawa sa luma at bagong desinyo, silid-aklatan, palaruan at ang kanilang canteen na
may samo't saring pagkain!"

"Nak, alam mo na ba kung anong section ka? Baka kasi ma late na ako sa trabaho ko," tanong
ng itay.

"Ah opo tay, ako na pong bahala maghanap ng silid-aralan namin, basta mamayang uwian ay sa
labas ng gate nalang ako maghihintay sayo," sagot ko kay tatay.

"Okay sige anak alis na ako, mag-ingat ka at pagbutihin mo pag-aaral mo," bilin sakin ni tatay.

Paglisan ni tatay ay nagsimula na akong mag-ikot para hanapin ang silid-aralan namin.
Nakakapagod din palang maghanap sa malawak na paaralang ito. Ilang minuto na ang lumipas
ay hindi ko parin mahagilap ang aming silid hanggang sa nakarating ako sa pinakadulong bahagi
ng paaralan. Nakakita ako ng isang abandunadong malaking silid-aralan. Sa pagkakatantsa ko ay
sakto dito ang 50-60 na mga studyante sa loob. May nakasulat sa taas na "BULWAGAN" habang
sa pader naman nito ay may pinturang pula na ang nakalagay ay "Danger Zone."
"Bulwagan? Ano kaya ito at bakit may nakasulat pang danger zone?" Pagtataka kong tanong sa
aking isip.

Walang nabanggit sa akin si ate Carla na mayroon palang lumang bulwagan ang San Andres.
Nagtangka akong pumasok sa loob dala narin ng kyoryosidad. Malapit na ako sa pintuan ng
biglang may humawak sa aking bag nang mahigpit.

"Saan ka pupunta bata? Bawal pumasok diyan!" galit na tanong ng isang matandang babae.

Hinawi ko kaagad ang kanyang kamay at tumakbo papalayo sa takot ko. Sa pagtatatakbo ko ay
napunta ako sa isang gusali. Sa wakas ay nakita ko rin 'yung silid-aralan namin. Nasa ikalawang
palapag pala ito. Pag-akyat ko ay tanaw ko ang lumang bulwagan. Wala na ang matanda kanina.
Pumasok ako sa loob ng silid-aralan at pumuwesto sa likoran. Yumuko muna ako dahil sa
pagod. Maya-maya pa ay biglang tumahimik ang lahat.

"Tak..tak..tak..tak.." ang tanging naririnig kong tunog. Yabag ng takong ng isang guro.

Pagbungad ko ng aking ulo ay nagulat ako sa nakita ko. Ang matandang babae na tinakbohan ko
kanina ang siyang guro namin.

"Naku lagot ako, ang malas naman ng first day of school ko"

Nanlilisik ang mga mata nito na parang lalamonin kami ng buo. Napakawerdo niyang tingnan
dahil sa suot niyang lumang salamin sa mata, maraming borloloy sa kamay at mayroong isang
kwentas na tila galing sa albularyo. Mala misteryosa ang dating ni ma'am.

"Magandang umaga sa inyong lahat, hindi na ako magpapakilala dahil alam niyo naman ang
pangalan ko," pagbati ng Ginang.

"Ma'am may bagong transfereee po tayo," sigaw ng katabi ko.

"Asan? Tumayo at magpakilala sa klase," pautos na sabi ng bago kong guro.

Sa loob ko, kinakabahan ako kasi siguradong maalala niya ako kanina, dagdag pa ay
nakakahiyang magsalita sa harap ng mga bago kong kaklase. Basta bahala na.
"Ahhh.. magandang umaga po sa inyong lahat, ako po si Macky Abellar. 13 years old na po ako
ahh... at nakatira sa brgy. Montalban," pautal-utal kong pagpapakilala.

"Ahhh ikaw pala yung bata kanina na tinakbohan ako. Ako nga pala si Gng. Martha Santisima
sana ay maging maganda ang mga araw mo sa paaralang ito," werdo na tugon sa akin ni ma'am.

"Opo ma'am, pasensya na po at nabigla lang ako," magalang na sagot ko habang nakayoko.

Pinaupo na ako ni Gng. Martha at nagsimula na siyang magbanggit ng mga bagay na ayaw niya
na dapat ay sundin namin sa loob ng paaralan. Unang-una ay ayaw niya daw ng pasaway at
maingay na bata. Hindi rin niya gusto na basta basta nalang kumuha ng gamit ng silid-aralan ng
walang pahintulot sa kanya at maraming pang iba siyang itinugon. Sa lahat ng kanyang sinabi ay
ito ang pinakabawal sa kanya.

"Higit sa lahat, tulad ng dati kong babala sa inyo na wag na wag kayong papasok oo sisilip man
lang sa lumang bulwagan ng paaralan!"

Hindi ko lubos maisip kung bakit ayaw na ayaw ni ma'am Martha na pumunta kami doon sa
bulwagan. Siguro dahil baka mahulugan kami ng mga sirang kahoy o di kaya'y mabagsakan ng
pader dahil sa sobrang luma na ng pasilidad na ito. Alas nuebe na ng matapos si ma'am sa klase
namin. Sakto recess na pala at nagugutom na ako.

"Pssst classmate, bibili kaba ng pagkain sa canteen?" Tanong ng katabi ko.

"Ah oo sana eh," matipid kong sagot.

"Sige sabay nalang tayo at maituro ko sayo kung saan makakabili ng masarap na pang snack,"
masayang alok niya sakin.

"Ayos sige para may kasama ako, teka anong pangalan mo?" Tanong ko.

"Ah ako nga pala si Ryan, Ryan Dela Cruz," wika niya.

"Ah Ryan, ako naman pala si..."


"Makoy" hindi paman ako natapos sa aking sasabihin ay siningitan niya agad ako. Nagngitian
nalang kami.

Pagdating namin sa canteen ay mayroong matandang nagtitinda ng mga kakanin, babananaque,


turon at lumpia. Doon ako dinala ni Ryan dahil siguradong mabubusog daw kami.

"Aling Paseng, anong atin diyan?" Tanong ni Ryan sa ali.

"Uy Ryan, tulad parin ng dati. Heto tinda ko parin yung paborito mong bibingka," saad ni aling
Paseng.

"Abay ayos ho, bibili ako ng dalawa," sabi ni Ryan.

Ipinakilala ako ni Ryan kay aling Paseng pagkatapos ay bumuli narin ako ng turon na tinda niya.
Masarap naman pala ang mga pagkain na niluluto ng matanda, sulit na sulit. Nagkaroon ng
kaunting pag-uusap at nalaman ko na matagal na pala sa pagtitinda dito si aling Paseng. Alam
niya siguro lahat ng kaganapan dito sa loob ng paaralan sa mga nakalipas na taon. Masasagot
niya siguro kung bakit ayaw kami papuntahin ni ma'am sa lumang bulwagan.

Natapos na ang unang araw ko dito sa San Andres. Nakatagpo ako ng bagong kaibigan walang
iba kundi si Ryan at humingi pa siya ng cellphone number ko, si aling Paseng na tindira sa
canteen at si Ma'am Martha na kakaiba. Pag-uwi ko ay hindi parin mawaglit sa isip ko ang
lumang bulwagan nayon. Tila ba ay may nakatagong misteryo sa loob na nais ko talagang
malaman. Pakialamero kasi akong bata eh.

Kinaumagahan ay pumunta ako kaagad sa canteen.

"Aling Paseng magandang umaga ho"

"Magandang umaga rin sayo Makoy, bibili kaba?" Bati at tanong ni aling Paseng sa akin.

"Ah hindi ho mamaya pa ho, ang totoo po ay ikaw po talaga yung sadya ko. May itatanong lang
ho sana ako," saad ko sa matanda.

"Eh ano naman yun iho?" sabi niya.


"Alam niyo ho ba bakit nasira at napabayaan na ang bulwagan doon sa dulo?" Saglit na natulala
sa akin si aling paseng at hindi makapagsalita. Maya-maya pa ay...

"Nako mahirap yang tanong mo, baka makulong ako kung sasagutin ko iyan," sabi ni aling
Paseng.

"Atin-atin lang naman ho, promise hindi ko ipagsasabi kahit kanino," tugon ko.

Napa sagot ko si aling Paseng sa aking pagpupumilit. Isinalaysay niya sa akin ang mga
pangyayari noon. Nalaman ko na may nangyari palang sunog dito sa San Andres, 30 taon na ang
nakalilipas. Ang nasunog ay ang lumang bulwagan sa dulo ng paaralan. Habang sumisiklab daw
ang apoy ay andoon sa loob ang mga bata na studyante ni ma'am Martha. Kasama na nasunog
ang mga bata sa loob. Saksi raw si aling Paseng kung papano nilamon ng malaking apoy ang
bulwagan at kaawa-awang mga bata. Wala na raw silang magawa dahil mabilis na sumiklab ang
apoy. Hinihinila raw ng karamihan lalo na ang mga magulang ng mga bata na pinadluckan daw
ni ma'am Martha ang pintuan ng silid dahil sa galit nito sa sobrang pasaway ng mga bata.
Subalit na abswelto si ma'am sapagkat walang matibay na ebidensiya ang mga magulang ng
biktima. Pagkatapos ng aksidenteng iyon ay nagsimula na ang mga nakakapangilabot na
pangyayari sa loob ng bulwagan. Ang mga studyante raw dito noon ay sinasaniban sa tuwing
pumupunta sa lumang bulwagan. Sa likod lang ng bulwagan ang bahay ni aling Paseng. Sa
tuwing sasapit daw ang alas 12 ng gabi ay may narinig siyang umiiyak at humihingi ng tulong na
nanggagaling mismo doon. Mayroon din daw nagpapakita. Simula noon ay nakita nila na may
suot ng mga panangga si ma'am Martha sa mga espiritu. Sabi-sabi nga na baka raw ay hindi
pinapatahimik ng mga batang namatay si ma'am. Ang malaking katangunan sa aking isip
ngayon, kung ginagambala siya ng mga espiritung ito, bakit mas pinilit niya paring magturo dito
at malapit pa sa bulwagan ang kanyang silid-aralan? Hindi ko na ito naitanong sa matanda dahil
magsisimula na ang klase. Pagdating ko sa room namin ay wala sa upuan si Ryan.

"Absent kaya siya?"

Ilang sandali pa ay nakatanggap ako ng text mula kay Ryan.


"Mak si Ryan ito, nandito ako sa computer shop malapit lang sa paaralan natin. Maglaro nalang
tayo ng dota, ang boring kasing magturo ni ma'am Martha" text niya.

"Ano eh pano ako lalabas? Hindi ako palalabasin ng guard" reply ko sa kanya.

"Basta ikaw na gumawa ng paraan, hihintayin kita dito" huling text niya sakin.

"Hays kung may ibang kakilala lang ako dito ay hindi na ako pupunta diyan"

Pinagbigyan ko si Ryan at lumabas kaagad ako ng room habang wala pa si ma'am Martha.
Paglabas ko ay tanaw ko ang maliit na pader ng bulwagan na kayang-kaya kong akyatin. Iyon
lamang ang posibleng daan upang makalabas sa paaralan. Subalit naalala ko ang mahigpit na
bilin ni ma'am at ang kwento ni aling Paseng. Pero hindi naman ako natatakot sa multo at hindi
rin ako naniniwala sa mga sabi-sabi. Kaya sinuway ko ang bilin ni ma'am, pagdating ko sa loob
ng bulwagan ay nakakabibingi ang katahimikan, bigla akong nanlamig at tumayo ang mga
balahibo ko. Iba ang pakiramdam kapag nakikita ko ito sa taas at habang nandito na ako. Bilang
ang bawat lakad ko papunta sa maliit na pader. Aakyat na ako ngunit nahihirapan ako dahil sa
bigat ng bag ko.

"Gusto mo ba ng tulong?"

Kinilabutan ako sa narinig ko. Pagtingin ko sa likuran ay isang batang sunog ang balat na
nakauniporme ang aking nasilayan. Sa una ay isa lamang siya, hanggang sa dumami sila at
sabay-sabay na nagsalita..

"Gusto mo ba tulungan ka namin?"

Ang lamig ng paligid, tumalon ako sa sobrang takot. Nauna ang ulo ko sa pagbagsak at dahan-
dahan ay nawalan ako ng malay. Huling rinig ko lang ay ang tawanan ng mga batang namatay.
Pagmulat ko ng aking mga mata ay nasa bahay na ako. Sabi ni nanay buti nalang daw at nagising
na ako. Alalang-alala raw sila dahil nakita nalang daw ako ni ma'am Martha at mga kaklase ko
na nakahandusay sa labas ng pintuan ng bulwagan ng walang malay.
"Sa labas? Hindi ba't bumagsak ako sa likuran ng pader. Paano ako napunta sa labas mismo ng
pintuan?" Tanong ko sa isip ko.

Pinilit kong tumayo subalit napakabigat ng katawan ko. Hirap akong iahon ang sarili ko sa
pagkahiga.

"Magpahinga ka nalang anak," mahinahong sabi ni nanay.

Pagsapit ng dilim ay hindi ako makatulog. Napakabigat sa pakiramdam na para bang may
nakadagan sa ibabaw ng katawan ko.

"Pssssssssst....psssst...pssst makoy" tinig na tumatawag sa akin sa may bintana ng kuwatro ko.

Ipinikit ko ang aking mga mata sa takot. Nang mawala na ang tinig ay hinay-hinay kong binuklat
ang aking mga mata. Pagmulat ko ay nakita ko ang bata sa ibabaw ng katawan ko. Nakangiti ito
sa akin. Pagtingin ko sa paligid ng kuwarto ay napakarami nila.

"Nayyyyyyyyyy!!!!!!!!!! Tayyy!!!" Malakas kong sigaw sa sobrang takot.

Dali-daling bumangon sina nanay at tatay. Binuksan nila ang ilaw ngunit bigla nalang nawala
ang mga bata.

"Nakk bakit? Anong nangyari sayo?" nag-aalalang sabi ni tatay.

"Nandito ho yung mga bata sa loob ng kuwarto"

"Ha sinong mga bata anak" nagtatakang tanong ni nanay.

"Yung mga batang multo po na nakita ko sa lumang bulwagan nay"

Namumutla ako habang sinasalaysay kina nanay at tatay ang mga nangyari sa akin sa paaralan.
Kaya naman ay hindi muna nila ako pinapasok at binantayan mo na ako ni nanay. Mag-iisang
linggo na akong hindi pumapasok sapagkat napakabigat parin ng aking katawan at gabi-gabi
akong pinapakitaan ng mga bata sa bulwagan.

"Magandang umaga po, magandang umaga po"


pamilyar sa akin ang tinig na iyon. Parang kay ma'am Martha.

Tiningnan ni nanay kung sino ang tao sa labas. Si ma'am Martha nga.

"Ma'am kayo pala pasok ho kayo," magalang na alok ng inay kay ma'am.

Nagpasalamat si ma'am kay nanay. Sa una palang ay alam ko na ang pakay ni ma'am sa bahay.
Iyon ay kamustahin ako at pangaralan sa pagsuway ko sa bilin niya.

"Macky kumusta kana? Hindi ba kabilin-bilinan ko sa inyo na bawal ang pumunta sa lumang
bulwagan?" Mahinahong tanong sa akin ni ma'am.

Nahiya ako kay ma'am at kay inay.

"Pasensya na po ma'am hindi ko naman po alam na totoo ang kuwento ni aling Paseng,"
maiyak-iyak kong tugon kay ma'am.

"Oo tunay lahat ng sinabi ni aling Paseng sayo. Nasunog ang bulwagan na iyon 30 taon na ang
nakalilipas. Kasama sa mga nasunog ay ang mga estudyante ko, at totoo rin na galit ako sa mga
araw na iyon dahil sa sobra nilang pasaway. Ngunit ang hindi totoo ay ang pag luck ko ng
pintuan ng silid. Hindi ako ang nag luck kundi ang gwardiya ng paaralan, si manong Keri.
Nagtapat siya sa akin. Ngunit kinabukasan ng aksidente ay hindi na nagpakita si manong.
Nagawa ni manong ang bagay na iyon dahil hindi raw siya nirerespeto ng mga bata. Subalit
hindi niya alam na masusunog pala ang bulwagan dahil sa isang electric fan na tumirik at
nagliyab. Hindi niya inaasahan ang pangyayari. Hindi ko siya isinumbong, hinayaan ko ang tao
na husgahan ako. Tiniis ko ito ng mahabang panahon para sa propesyon ko subalit nagkamali
rin ako. Kapalit pala nito ay ang kalagayan ng mga bagong studyante ng paaralan dahil sa hindi
matahimik na mga kaluluwang namatay na sumisigaw ng hustisya at isa ka sa biktima Macky.
Kaya andito ako para humingi sayo ng tawad at itama na ang mga mali ko," pagapahayag ni
ma'am sa amin ng nanay.

Naliwanagan narin ako sa lahat sa pagsasalaysay ni ma'am habang si nanay ay hindi


makapagsalita dahil walang alam sa mga nangyayari.
"Ehh ma'am mawalang galang na ho, wala akong alam sa nangyayari, ang gusto ko lang po ay
gumaling na ang anak ko," sambit ni nanay kay ma'am.

"Wag kayong mag-alala misis, ipinasundo ko nay kay aling Paseng si nay Soling, isang magaling
na albularyo. Alam kong hindi normal ang pananakit ng katawan ni Macky."

Hapon na nang makarating si aling Paseng at si nay Soling sa bahay namin. Bulag pala ang
matandang albularyo pero magaling daw itong manggagamot sabi ni ma'am. Pumasok siya sa
aking silid kung saan ako ay nakahiga.

"Ang dami niyo palang bisita" nakakapangilabot na bungad ng matanda pagpasok.

Nalaman kaagad ni nay Soling na dinalaw ako ng mga bata sa bulwagan. Binigyan niya ako ng
pangotra upang hindi na makalapit pa ang mga batang namatay. Pinainom niya ako ng tubig na
may orasyon niya. Subalit tila wala paring nagbabago sa pakiramdam ko. Mabigat parin ang
aking katawan.

"Parang hindi naman ho tumalab ang pangotra. Mabigat parin ho ang katawan ko."

"Kung gayon, iisa nalang ang natatanging paraan upang masalba ang buhay mo Makoy. Iyon ay
kung papayag si ma'am Martha bilang alay kapalit ng buhay mo. Kaluluwa niya ang magiging
kabayaran sa iyong kamalian Makoy. Sa paraang ito ay matatahimik ang mga kaluluwang hindi
tumitigil sa paghahanap ng hustisya para sa kanila," saad ni Nay Soling.

Wala akong maisagot sa kanilang lahat. Tanging luha ko ang magbibigay kahulugan sa halo-halo
kong nararamdaman. Pagkamuhi sa sarili sa kamaliang nagawa, sakit, pagkahiya kay ma'am at
kung ano-ano pang emosyon. Gusto ko nalang magpalamon sa lupa para makatakas sa
problemang ito. Subalit biglang sumagot si ma'am.

"Payag ako, kung iyan na lamang ang natatanging paraan ay haharapin ko. Nag-iisa nalang ako
sa buhay at marahil ito narin ang mga kabayaran ko sa paglihim sa tunay na nangyari. Ang
mahalaga ngayon sa akin ay mailigtas si Makoy. Bahala na ang Diyos sa akin nay Soling."

"P-pero ma'am?"
"Makinig ka Makoy! Bata kapa, sayang ang buhay mo at kawawa ang mga magulang mo kung
ikaw ang mawawala. Kaya nay Soling tapusin na natin ang dapat tapusin."

Buo na ang naging pasya ni ma'am. Inutusan ni nay Soling si tatay na magdala ng isang itim na
manok upang ialay din. Pagkatapos ay hindi na kami nag aksaya pa ng oras at tinungo namin
ang Bulwagan ng San Andres. Gabi na ng makarating kami doon. Napakadilim ng paligid,
tanging mga flashlight namin ang nagsisilbing mga ilaw.

Sinimulan na ni nay Soling ang orasyon dahil namimilipit na ako sa sakit na aking
nararamdaman. Inutusan niya si ma'am na gumuhit ng bilog gamit ang uling at magtirik ng
kandila sa loob. Pumasok sila sa loob ng bilog dala ang itim na manok.

"Mga kaluluwang hindi matahimik nakahanda na ang aming alay kapalit ng buhay ng batang si
Makoy. Ito ang itim na manok kunin niyo. Nandito rin si ma'am Santisima na mag-aalay ng
kanyang buhay!" Orasyon ng matanda.

Lumakas ang hangin sa paligid at nadidinig na namin ang mga batang nagtatawanan. Kasabay
ng pagpatay ng kandila ay ang biglang paghandusay ni ma'am sa sahig. Wala na akong
nararamdamang sakit at bigat sa katawan. Tahimik na ang paligid, subalit wala ng buhay si
ma'am ng aming lapitan. Wala na, wala na si ma'am, kinuha na siya ng mga bata. Hindi ko
mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha sa mata. Sana hindi nalang ako nag-aral dito.

Lumipas ang mga ilang araw pagkatapos ng mga pangyayaring iyon ay naging maayos narin ang
lahat. Nalaman ng mga magulang ng mga bata ang mga totoong nangyari sa sunog na naganap
30 taon na ang nakalilipas. Isinalaysay ni aling Paseng sa kanila ang lahat ng mga pangyayari. Ito
ang bilin sa kanya ni ma'am bago paman mawalan siya ng buhay. Ako naman ay nagpatuloy
parin sa paaralan ng San Andres kahit na minsan ay nalagay na sa panganib ang buhay ko. Ang
akin lang ay ang pag-alala ko sa namayapa kong guro na sa maliit na panahon naming
pagkakakilala ay masasabi kong busilak ang puso nito. Samantalang ang bulwagan naman ay
binindisyonan at inaayos na ito upang mapagpatayuan ng bagong gusali.
Nakapagtapos ako sa mababang paaralan ng San Andres. Sa isang taong pagsusunog ng kilay at
kakaibang karanasan dito ay marami akong natutunan. Hindi lang sa pang akademikong aspeto,
higit sa lahat ay kung papano pahalagahan ang buhay ng tao.

"Si Toyang Mayabang"


Magaling magluto si Toyang. Nakarating na siya sa ibat-ibang bansa dahil sa kanyang talento sa
pagluluto. Subalit sa apat na taon niyang pangingibang bayan ay umuwi siya ng Pilipinas dahil
nagsara ang restaurant na kanyang trinatrabahuan sa Canada. Napagpasyahan niyang dito
nalang magtrabaho at siguradong magiging chef siya kaagad sa isang sikat na restaurant.

Pagdating niya ng Pilipinas ay agad siyang naghanap ng pagtratrabahuan. Sadyang Umaayon


ang panahon kay Toyang dahil naghahanap ng kusinera ang tanyag na Kuya K Restaurant sa
Lucena.

"Sakto talaga ang timing ko! Ipapamalas ko sa kanila ang galing ko sa pagluluto," masayang
sambit niya kahit hindi paman siya nakapag-apply ay tila sigurado na siyang siya ang makukuha.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Toyang at hinanda niya na ang mga requirements na


kailangan lalo na ang resume. Pagdating niya sa loob ng opisina ng mag-iinterbyu ay tumambad
sa kanya ang sampung aplikante. Habang naka upo ang mga ito ay taas noo siyang naglakad sa
harapan at pumuwesto sa unahan. Tinititigan niya isa-isa ang mga ito mula ulo hanggang paa.

"Hay naku! Ang dudugyot naman ng mga taong ito. Mag-aaksaya lang sila ng oras dito dahil
siguradong ako ang mapipili sapagkat galing abroad ako, sa Canada pa!" Pahayag niya sa
kanyang isipan.

"Chona Reyes"

Unang tinawag si Toyang. Pumasok siya sa loob at humarap sa manager ng Kuya K restaurant.
Sa pagtatanong ay naibida niya ang kanyang mga naging karanasan sa labas ng bansa bilang
isang kusinera. Naantig ang manager sa pakikipanayam kay Toyang at malaki ang posibilidad na
siya ang mapipili nito.

Pagkaraan ng dalawang araw matapos ang kanyang pag-aaply ay nakatanggap ito ng tawag
mula sa manager. Nagagalak nitong ipinaalam kay Toyang na sa kanya na ang puwesto bilang
bagong lady chef ng Kuya K restaurant.

"Sir talaga sir?! Thank you so much sir!" Hindi magkamayaw ang tuwa niya ng malaman na siya
nga ang napili na bagong kusinera.

Lunes, ang unang araw ni Chona Reyes sa restaurant ni Kuya K. Ipinakilala siya ng kanilang
manager sa mga staff nila.

"Good morning everyone! Meet our new lady chef, chef Chona Reyes," pagmamalaking
ipinakilala ng manager si Toyang.

Matatamis na ngiting pambungad ang ipinakita ng mga staff sa kanya at ginantihan niya ito ng
isang pangmayamang ngiti na nakataas pa ang isang kilay. Tila kontrabida sa pelikula ang
kanyang datingan.

"Chona, let me introduce to you our staff," dagdag ng manager.


Isa-isang Ipinakilala ng manager ang kanilang mga tauhan sa loob ng restaurant. Si Nathan at
Cathy ang cooker, Kenneth ang dishwasher, serving staff na sina Kaloy, Ryan, Mark, Anna,
Justine, at marami pa siyang ipinakilala kay toyang na hindi niya na na pangalanan.

"Chef Chona hindi na ako magtatagal at may aasikasuhin pa ako. Bago ka palang dito, if may
kailangan ka sila ang mag-aasist sayo," tugon ng manager.

"Thank you sir and don't worry po, siguro alam ko naman lahat ng gagawin ko at sanay na sanay
ako sa mga ganitong sitwasyon," mapagmalaking sagot ni Toyang.

"Okay that's good! So guys start your work and good luck!"

Nagsimula na nga ang trabaho ni Toyang at ng mga staff. Maraming mga kustomer ang
kumakain dito dahil masasarap ang kanilang mga menu na pangmasa ang presyo. Ang putaheng
mas binabalikbalikan dito ay ang chicken sisig na talaga namang kakaiba ang lasa.

"Chef Chona? 15 pcs Chicken Sisig Salo po," sabi ni Anna.

"Okay sure, just give me seven minutes at maluluto ko na ito kaagad," sambit ni Toyang na
parang madali lang sa kanya ang putaheng ito.

"Ah chef Chona, gusto mo ba ituro namin sayo ang mga recipe na kailangan para sa chicken
sisig?" Sabi ni Nathan ang to cooker na dapat ay katulong ni Toyang sa pagluluto.

"Ano? Ako pa talaga tuturuan niyo? Chef ako! Kaya alam ko kung ano ang gagawin ko. Alam mo
mabuti pa maghugas nalang kayo ng pinggan sapagkat sisiw lang ito sa akin at hindi ko na
kailangan ng tulong niyo!" nabigla ang lahat ng madinig ang saad ni Toyang hindi nila akalain na
magagalit kaagad ito sa unang araw ng pagtratrabaho. Namutla si Nathan at Cathy na silang
puntirya ng masasakit na salita ng bago nilang chef.

Natapos ni Toyang ang pagluluto ng chicken sisig sa loob lamang ng pitong minuto. Dinala na ito
Anna, Justine, at Mark sa mga kustomer. Bawat isa sa mga umorder ay iisa ang tanong sa kanila.

"Ah excuse me po, binago na ho ba yung recipe ng chicken sisige niyo?"


" Sir, bat parang nag-iba ang lasa ng chicken sisig niyo?"

Iyan ang mga tanong ng mga kustomer sa mga serving staff nila. Parang hindi sila na sarapan sa
luto ni Toyang. Nabahala ang kanilang mga serving staff sa mga komento ng mga kustomer at
baka hindi na maging mabenta ang pinakapaboritong putahe sa kanilang restaurant. Kaya
naman ipinaabot ni Justine kay chef Chona ang mga hinaing nga mga kustomer.

"Chef, sabi ho ng mga kustomer natin na nag-iba raw ho ang lasa ng paborito nilang chicken
sisig," sambit ni Justine.

"Naku! Naninibago lang sila kasi ngayon lang sila nakatikim ng lutong abroad, mga purita
hmmm!"

Hindi nakasagot si Justine sa maanghang na sinabi ni Toyang. Talaga ngang nilamon na siya ng
kayabangan sa kanyang mga pag-aasal. Halos lahat ng kanyang mga katrabaho ay hindi
nagustuhan ang kanyang pagmamaliit sa kakayahan nila. Para siyang boss ng restaurant na
walang pakialam sa opinyon ng iba.

Sa mga sumunod na araw ay napansin ng mga staff na wala ng masyadong kumakain sa


restaurant nila. Simula nang dumating si Toyang ay naging matumal ang mga kustomer na
pumapasok. Hindi nga yata nila gusto ang luto ni chef Chona.

Napagdesisyonan nila Cathy at Nathan na hindi na muna pumasok sapagkat halos wala silang
ginagawa dahil inaako lahat ni chef Chona. Saktong sa araw ng kanilang pagliban dumating ang
suki ng restaurant, si Ma'am Nathalie Deguzman. Isang mayamang negosyante na paboritong
menu din ang chicken sisig ng Kuya K restaurant. Alam na alam niya ang timpla ng chicken sisig
dahil ito rin ang kanyang binabalikbalikan dito. Medyo mataray din ang ugali ni ma'am Nathalie
pero napapalitan ito ngiti sa tuwing nakakain na ng paborito niyang pagkain.

"Chef, isang order po ng chicken sisig para kay ma'am Nathalie, galingan niyo po," wika ni Kaloy.

Mataray lang na tiningnan ni Toyang si Kaloy. Parang nagalit ito sa pagdududa ni Kaloy sa
kanyang pagluluto. Hindi pinansin ni Kaloy ang masungit na chef nila. Mas kinakabahan pa ito sa
magiging reaksyon ng kanilang suki na si ma'am Nathalie.
Natapos na ang pagluluto ni Toyang. Inihatid na ni Kaloy ang pagkain sa mesa ni Nathalie.
Kabadong-kabado siya sa magiging resulta. Hindi niya iniwas ang tingin sa negosyante.

"Hindi ito ang lasa na gusto ko! Sino ang nagluto nito? Palitan mo ngayon iyan at na-istress na
ako!"

Nagalit ang suki nilang si Ma'am Nathalie. Dali-daling kinuha ni Kaloy ang pagkain. Nanginging
pa ang mga kamay nito sa kaba. Pumunta siya kaagad sa kitchen at sinabi kay Toyang ang
malaking problema. Oo malaki, dahil bukod sa hindi nagustuhan ng espesyal nilang kustomer
ang lasa ay hindi pa pumasok ang kanilang mga cooker.

"Che? Pinapalitan po ni ma'am Nathalie ang luto niyong chicken sisig," namumutla habang
ipinapaalam ni Kaloy ang problema.

"Ano? Eh sino ba iyang Nathalie nayan?! Bahala siya kung ayaw niyang kumain, paalisin mo!
Ang sarap-sarap ng luto ko, gaga siya!" galit na tugon ni Toyang.

"Ah Kaloy pakisabi kay ma'am maghintay lang ng mga sampung minuto ako nalang ang
magluluto," matapang na sumingit si Kenneth sa usapan, an dishwasher ng restaurant.

"Hoy magiting na dishwasher ng restaurant, ano naman ang alam mo sa pagluluto aber?! Baka
haloan mo ng sabon ang pagkain at mahilo yang Nathalie nayan! Sumasabat kapa sa usapan.
Dishwasher kalang at hanggang diyan ka nalang!" Panggigil na sabi ni Toyang sa dishwasher na
nag magandang loob lang naman pero walang kasiguraduhan kung marunong ba itong magluto.

"Hindi niyo po kasi gagawin kaya ako nalang, total tapos na po akong mag hugas," magalang na
sagot ni Kenneth.

Pinabayaan ni Toyang si Kenneth sa pagluluto ng chicken sisig. Pursigido ang dishwasher sa


paghahanda ng pagkain. Matapos ang sampung minuto ay tinawag na nito si Kaloy. Pagdating ni
Kaloy sa kitchen ay parang may naalala siyang amoy na matagal niya nang namimiss. Ito yung
amoy ng masarap na chicken sisig na luto ng dati nilang chef na si chef Rolly na pumunta na sa
Amerika dahil kinuha ng malaking kompanya upang maging kusinero sa ibang nasyon.
"Si Kenneth ba talaga ang nagluto nito?"

Hinatid ni Kaloy ang pagkain pabalik sa mesa ni ma'am Nathalie. Ngayon magaan na ang
kanyang nararamdaman. Wala na ang pangamba kanina. Maya-maya pa ay dumating ang
kanilang manager. Lumapit ito kay ma'am Nathalie.

"Hmmm sarap, ito ang gusto kong chicken sisig! Mabuti ay bumalik ang dating lasa," nagagalak
na komento ng negosyante.

"Ma'am bakit po, ano po bang problema sa lasa kanina?" Tanong ng manager.

"Eh kasi kanina iba yung lasa niya. But now, masarap na! Ito yung chicken sisig na
binabalikbalikan ko dito sa inyo," dagdag ni ma'am Nathalie.

"Thank you ma'am! It's our duty to serve you a delicious food," pahayag ng manager

Sumulpot si Toyang.

"Ah ma'am siya nga pala ang bagong lady chef namin dito. Siya po ang nagluto ng paborito
niyong pagkain. Si chef Chona," pagmamalaki ng manager kay toyang.

Ngumiti lamang si Toyang kahit alam niyang hindi siya ang nagluto nito. Tinaasan niya ng kilay si
Kaloy dahil baka sabihin nito ang too.

"Nice to meet you chef, ano ba ang sikreto mo sa masarap na chicken sisig na ito?" Tanong ni
Nathalie kay Toyang.

"Ah eh secret la po iyon ma'am. Kasi baka malaman ng iba hehehe,"

Biglang sumabat sa usapan si Kaloy at sinabi niya na hindi totoo na si chef Chona ang nagluto ng
chicken sisig na nasarapan ni ma'am Nathalie.

"Ah ma'am, sir. Mawalang galang na po at nakisawsaw ako sa usapan niyo. Ang totoo po niyan
ay hindi si chef Chona ang nagluto ng chicken sisig na iyan. Ang niluto niya po ay iyong una na
hinanda ko sa mesa na hindi nagustuhan ni ma'am. Si Kenneth po ang nagluto ng pangalawa
kasi po nagalit si chef na ibinalik ang kanyang niluto sir. Absent din po ang dalawa nating cooker
kasi halos inaako ni chef lahat ng gawain sa pagluluto. Kaya naglakas loob po si Kenneth na
lutuin nalang ang chicken sisig dahil umayaw ang lady chef na magluto ulit"

Kita sa mukha ni Toyang ang galit at kaba habang isinalaysay ni Kaloy ang nangyari sa kanyang
manager at sa harap ng isang espesyal na kustomer. Nagalit at nabigla ang manager kaya
pinatawag niya si Kenneth kung totoo ba ang pinagtapat ni Kaloy.

"Kenneth totoo ba ang lahat ng sinabi ni Kaloy na ikaw ang nagluto ng chicken sisig at hindi si
chef Chona," tanong ng manager.

"Opo sir ako po. Pasensya na sir, hindi naman po sir sa inaagawan ko ng trabaho si chef Chona
pero nag-alala lang po ako baka kasi hindi na bumalik si ma'am Nathalie. Ayaw po kasing
magluto ulit ni chef kaya ako nalang po yung nagtry. Kasi kahit papano po ay may natutunan
ako kay chef Rolly"

"Wala kang dapat ipagpasensya Kenneth dahil tama ang ginawa mo. Ipinakita mo sa amin na
hindi habang buhay dishwasher kalang. Kaya ngayon ay gagawin kitang bagong chef ng branch
na ito. At ikaw naman Chona, ikaw na ang magiging helper o dishwasher ng restaurant na ito.
Pumuli kalang sa dalawa, kung ayaw mo tanggal kana!" Pahayag ng manager ni Toyang na lubos
ang pagkamuhi sa kanya.

"Ano? Ipapalit niyo sa akin ang dishwasher lang?! Nakakalimutan niyo yatang naging kusinera
ako sa abroad!"

"Edi bumalik ka sa abroad at ayaw na kitang makita rito!"

Walang nagawa si Toyang sa naging desisyon ng kanilang manager. Nawalan siya ng trabaho
dahil sa kanyang ugali na mapagmataas at mayabang. Ngayon ay hindi niya alam kung saan
makakahanap ng matinong trabaho na tatanggap sa kanyang ugali. Samantala si Kenneth
naman ay natupad na ang kanyang pangarap na magin kusinero. Hindi niya man ito inasam
subalit kusa itong ibinigay sa kanya.

You might also like