You are on page 1of 5

Pagbasa ng Kuwento

PUNO NA PARA SA LAHAT


Kuwento ni Grace D. Chong

Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero

“Talaga?! Pwede nating kainin ang lahat ng prutas na gusto natin?!”tanong ni Gadong na pataas-taas ang
kilay.

“Oo! Atis, kasuy, chico, caimito, saging, lahat ng nasa halamanan niya! Habang nililinis natin ang kanyang
bakuran, pwede rin tayong makipaglaro kay Arsab!” sagot ni Teo.

“Arsab? Sino si Arsab?”

“Ang aso ni Apong Cion.”

“At ang kailangan lang nating gawin ay linisin ang kanyang bakuran? Yun lang?!” Nanlaki ang mga
mata ni Gadong.

“Napakalawak ng kanyang halamanan!”

“Ah,” kinagat ni Gadong ang kanyang labi. Di pa siya nakakakita ng isang halamanan, mas lalo nang di pa
nakapaglinis ng isa. Walang ganoong lugar sa Maynila.

“Halos naroon na tayo,” sabi ni Teo, habang ipinihit pakanan ang bisikleta.

“Tumigil kayo!Huwag!Ihinto n’yo yan ngayon din!” hiyaw ng isang tao.

“Si Apong Cion yun!” nangamba si Teo, at pinatulin ang bisikleta. “May problema siya!”

Si Apong Cion, nakatayo na parang isang markang patanong, ay iniaamba ang kanyang walis-tingting

sa tatlong maskuladong

lalaki.

Ang pinakamalaki sa kanila’y may hawak na chainsaw, at ang dalawa nama’y may palakol at gulok.
Nakaparada sa malapit ang kanilang pick-up truck. Umangil si Arsab nang ipuwesto na ng malaking lalaki
ang chainsaw para putulin ang matandang puno ng acacia sa tabi ng tarangkahan ni Apong Cion.

“ Tumigil kayo! Huwag ninyong maputol-putol ang punong ito! Mas matanda pa yan sa bawat isa sa inyo. Ang
yumao kong asawang si Berto ang nagtanim niyan at mananatili yan diyan!” sabi niya sa matinis na boses na
lalong nagpagalit kay Arsab.

ARF!ARF!ARF!

“Di naman sa inyo ang punong ito!” pangangatwiran ng mga lalaki. “ Nasa labas ito ng bakuran ninyo
at kailangan naming putulin para maitayo ang isang poste ng ilaw.
“At di rin naman sa inyo ang punong ito. Ito’y sa Diyos! Ang poste ng ilaw ay pwede doon sa mas
malayo. Walang puputol ng anumang puno! Naiintindihan n’yo?, “ sabi ni Apong Cion, habang walang tigil na
iniaamba ang kanyang walis.

“Manong, mawalang-galang nga po,” sabad ni Teo. “Tama si Apong Cion. Sabi ng tatay ko’y kailangan
nating protektahan at pangalagaan ang mga puno. Ang mga ibon ay gumagawa ng kanilang mga pugad sa
mga ito.”

Sabad ni Gadong, “Ang mga puno’y tumutulong para maiwasan ang mga baha at – global warming!”

“Global WORM… ano ‘yun?! Hahaha!” panuya ng lalaking may chainsaw. “Para kang batang-siyudad ang
garang magsalita! Aba, may utos sa amin si Mr. Makayo! Gusto niyang dalhin namin sa kanya ang kahoy
mamayang gabi at kung hindi’y sisisantihin nya kami!”

“Si Mr. Makayo? Ang may-ari ng Makayo Furniture Shop?” tanong ni Teo.

“Oo, ang boss naming. Ngayon , umalis na kayo para magawa namin ang aming trabaho!”

“Isusumbong ko kayo kay Meyor!” sigaw muli ni Apong Cion.

“Eh di sige!” natawa ang tatlong lalaki. Alam nilang si Apong Cion ay napakatanda na para magkalakas
pang pumunta sa opisina ng mayor.

Matapos mag-isip nang mabilis, sabi ni Teo. “Halika na, Gadong!” at nagbisikleta nang palayo
kasama ang kanyang kaibigan.

“Wala pa ang Meyor,” sabi ng guwardiya ng munisipyo sa mga batang lalaki. “Nasa bahay pa siya.”

Mabilis na pumunta sina Teo at Gadong sa bahay ng meyor.

“Bakit kayo narito?” angil ni Senyo, ang pakialamero at nagmamarunong na katulong sa bahay ng
meyor.

“Manong!”bulalas ni Teo. “Kailangan naming makausap agad si Meyor.

“Manong!”bulalas ni Teo. “Kailangan naming makausap agad si Meyor! May mga lalaking puputol ng
puno!”

Ang mata ng katulong ay sumulyap sa kaliwa’t kanan, tulad ng gawi ng taong natatakot o may
kasalanan.

“Ha! Ano naman ang napaka-importante diyan? Ang mga tao’y lagi namang nagpuputol ng puno.”

“Kaya nga’t binaha ang Umingan noong bagyong Ondoy!” sabad ni Gadong. “Kung magpuputol ka
pa ng mga puno, malulunod na tayong lahat sa susunod na baha!”

“Mga bata, huwag n’yo akong pangaralan!” reklamo ni Senyo. “Ano naman ang konting baha? Wala ‘yun.
Alis na! Di pwedeng istorbohin ang meyor.”

“Ah, pero siguradong gusto ng meyor na malaman ang mga importanteng bagay tulad ng pagputol sa
isang matandang puno!”

“Hindi,”pilit ni Senyo, “hindi kayo pwedeng makipagkita sa kanya ngayon.”


“Sige na naman, Manong!” nagmakaawa si Teo.

“Shhh!” saway ng katulong.

“Manong, making ka naman!” sabi ni Teo sa matinis na boses.

“Di ba kayo natatakot sa Global Warming?!” tanong ni Gadong sa matinis na boses din.

“Global WORM… ano yun?! Hahaha!At sino ka ba?” tanong ni Senyo kay Gadong.

“Isang propesor na taga ibang bayan?!”

“Ibig sabihin ng GLOBAL WARMING ay painit ng painit ang temperatura sa buong mundo.

Di magtatagal, mamamatay ang mga tanim at hayop at pati na rin ang mga tao –” paliwanag ni Gadong.

“Uy, wikang banyaga yan!” pangungutya ni Senyo.

“Aba!” nanggaling sa loob ng tarangkahan ang boses. “Ano ba ang ingay d’yan?”

Si Meyor Belisario pala. Naka-suot ng bata de baño at pinupunasan ng tuwalya ang kanyang basang
buhok.

“Meyor, Ser!” sabi ni Teo.

“Paumanhin po sa pag-istorbo sa inyo,

pero. . .”

“O, Mateo!” ngumiti ang meyor

nang makita ang kanyang batang kaibigan. “ Senyo, bakit di mo ako tinawag agad?”

“Meyor, Ser!” sabi agad ni Teo. “Si Apong Cion po’y galit na galit! May tatlong lalaki. . .”

“Eh ano naman ang bago? Si Apong Cion ay laging galit! Hahaha!”

“Hindi po, Meyor, Ser! “ Ngayon po’y kailangan niya talagang magalit!”

“Bagalan mo ang pagsasalita, iho. Bakit nagagalit si Apong Cion ngayon?

“Kung hindi n’yo sila pipigilan ngayon din, Ser, puputulin ng mga lalaki ang kanyang matandang
puno ng acacia!” bigay-diin ni Teo.

Ano?!” Umakyat nang sampung decibel ang boses ng meyor. “Walang sinuman ang pinapayagang pumutol
ng anumang puno sa bayang ito. Hindi maaari habang ako ang meyor!”

“Sabi nila’y inutusan daw sila ni Mr. Makayo! At dahil nag-utos daw kayo na magtayo doon ng poste
ng ilaw.”

“Nag-utos ako ng maglagay ng poste sa lugar ni Apong Cion, pero hindi ko inutos na magputol ng mga
puno! Tatawagan ko ang tindahan ng mga kasangkapan, “ sabi niya, habang papasok sa bahay. Pagkatapos
ay lumabas siya agad, “Wala doon si Mr. Makayo. Mas mabuti pang sumama na ako sa inyo!”
“Mahal, may tawag ka,” nagmamadaling lumabas ng bahay ang asawa ng meyor, hawak ang kanyang
kumikililing na cellphone.

“Ah, ang gobernador,” sabi ng meyor, matapos sulyapan ang screen ng kanyang cellphone. “Senyo,
sumama ka sa mga bata. Sabihin mo sa mga magnanakaw ng puno na ipinadala kita para pigilin sila.

“Opo, Ser,” sagot ni Senyo,

habang pasakay sa kanyang bisikleta.

“Darating ang Meyor makikita ninyo!” Mas malakas pa sa dati ang boses ni Apong Cion. Nagsimula na ang
mga maskuladong lalaki sa kanilang gawain.

ZWHEEEENG!ZWHEEEENG!

“ Paki-hinto n’yo yan!” sigaw ni Teo. “Di papayag ang meyor na putulin ang punong ‘yan. Manong Senyo,
pakisabi sa kanila ang sinabi ng meyor!”

“Waaah!” pangungutya ng mga mamumutol-puno. “Kausapin mo si Mr. Makayo. Magkaibigan sila


ng meyor.”

“Pero kausap lang naming ang Meyor!” sagot ni Teo.

Zwheeeeng, Zwheeeeng. . . . tili ng lagari.

“Huwag n’yong putulin ang puno!” sabay-sabay na sigaw ni Teo , Gadong at Apong Cion.

“Huwag n’yong putulin ang puno!” alingawngaw ng isang malaking boses sa may likuran.

Paglingon nila, nakita nila si Mr. Makayo sa kanyang truck, nakadikit ang tenga sa kanyang cellphone.
“Naiintindihan ko po, Meyor Belisario. Alam ko, Ser. Pero sinabi ni Senyo. . . Opo, si Senyo. Sinabi niya okey
lang putulin. . .”

“SENYO??!!” sa sobrang lakas ng boses ni meyor ay kinailangang ilayo ni Mr.Makayo ang cellphone
sa kanyang tenga.Narinig nilang lahat ang susunod na mga sinabi ng meyor.

“Hindi si Senyo ang Meyor, kundi ako! Kailanman ay wala akong pinahintulutang pagputol ng anumang puno.
Pakausap sa kanya! Ngayon din!”

Iniabot ni Mr. Makayo ang cellphone kay Senyo.“SENYO! Bumalik ka sa bahay ngayon din!” bulyaw
ng meyor, habang kinakapos sa paghinga.

Mas mabilis pa sa kidlat na nagbisikleta palayo si Senyo. Sabi ni Mr. Makayo sa kanyang tauhan, “Okey ,
ikarga na sa inyong truck ang mga kasangkapan at umalis na tayo!”

Pagkaalis ng mga lalaki, suminghal si Apong Cion, “Ang mga puno’y handog ng Diyos sa mga tao at sa lahat
ng buhay na nilikha! Wala, walang sinuman ang sisira sa mga ito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na
nagtaas ako ng boses sa buong buhay ko!”

Napangiti si Teo, dahil alam niya kung paanong laging tumataas ang boses ni Apong Cion, sumisinghal at
bumubuga, tinatakot ang lahat ng pilyong bata na nagnanakaw ng kanyang mga prutas.

“Ano ang nginingiti mo?” tanong niya kay Teo. “Ah alam ko na. Gusto mo ng mga prutas ko, di ba?”
“Tama po, Apong Cion. Pwede po ba kaming . . .”

“Walang libre para kaninuman. Kailangang pagtrabahuhan mo ito!” reklamo ng matandang babae.

“Opo, Aling Cion. Lilinisin namin ang inyong halamanan. . . “

“Okey, Teo, ikaw lang!” Pagkatapos ay binulyawan niya si Gadong. “Hindi kita kilala.”

Namutla si Gadong. “A-ako po’y. . .”

“Si Gadong po’y kaibigan ko na taga-Maynila,” sabi ni Teo, na nakangiti.

“Ah, okey. Ang kaibigan ni Teo ay kaibigan ko rin! Gadong, kasing sipag ka ba ni Teo?” tanong niya.

“E-eh. . .”napautal si Gadong.

Sabad ni Apong Cion, “Ngayon, Teo, ano pang tinitingnan mo?! Heto!” sabi niya sa magaralgal na boses,
habang iniaabot ang kanyang walis-tingting.“Kilos na!”

“Halika na, Gadong, halika na Arsab, kilos na tayo!” tawag ni Teo, palukso na papuntang halamanan
at sumisigaw ng “Woot, woot!"

Bakit “Puno para sa Lahat” ang pamagat ng kuwento?

You might also like