You are on page 1of 4

KAMPANA

isang sanaysay ni Clarissa Jean l. Castillo

Grade 8.
Field trip.
Barasoain Church (‘di ko na matandaan and espeling basta ang sabi sa’min ng tour guide kaya daw tinawag
na barasoain church ‘yun ay dahil doon nagtago ang mga rebeldeng Pilipino noong panahon ng Amerikano at
mga suwail ang tawag sa kanila na katunog kuno ng ‘barasoain’, aywan wala rin akong naintindihan).
Kampana.
Nauntog ako.
Tumunog ang kampana.
Tengalang! Tangalang!
TANGAlang! TANGAlang!
Ito ang alamat ng pamagat ng sanaysay na ito—Kampana at kung paano naging TANGAlang sa paaralan, sa
bahay, sa kanto, sa mga hagdan, sa mga nakausling bakal, sa kanal, atbp. si Cla.

BAHAY ang pinakaunang lugar kung saan tayo matututo. Ito din ang naging unang training ground ko sa
pagiging isang dakilang tanga na nagsimula muna sa mga simpleng batang ka-ignorantehan.
Pinaka-una at kinatatawa ko talagang karanasan ay ang unang beses na naghugas ako ng pinggan. Grade 2
pa lang ako nun at halos ‘di ko pa abot ang lababo kaya nakapatong lang ako sa maliit na upuan. Syempre
masipag pa ako nung bata kaya nagpresinta akong maghugas dahil mukang masaya kasi para kang naglalaro ng
tubig at bula. Natapos ko nang puksain ang mga kalabang mikrobyo gamit ang super spongey! Napuno ng
kapangyarihan ng bula ang buong paligid at walang humpay sa pagkuskos ang ating bidang si kamay. Natapos
ang mabulang labanan, oras na para idespatsa ang mga kalaban. Pinagpatong-patong ko sila gamit ang angking
lakas at biglang sumigaw si mama “Claris patuyuin mo muna bago ilagay sa paminganan.” Una, nag-isip ako
kung paano ko mapapatuyo ang mga basang pinggan. Hindi ko matandaan kung saan ko nakita pero bigla na
lang may hawak na akong pamaypay at dahil masunurin akong bata ay ubod ng lakas kong pinaypayan ang mga
basang kalaban. Nangangalay man pero tuloy pa rin ang laban mapakita ko lamang kay mama na nagawa kong
maghugas ng pinggan. Pero hindi ko inaasahan ang susunod na pangyayari. Dumating si mama at nakita ang
paghihirap ko, dahil sa bugso ng damdamin ay hindi niya napigilang—mapatawa. Pinigilan niya ang hirap na
hirap ko ng mga braso at pinagsabihan ako na hindi ganoon ang tamang pagpapatuyo. Kailangan mo lang gawin
ay ilagay silang lahat sa isang planggana at maghintay ng trenta minutos tsaka ilagay sa pamingganan.
Natutong maghugas si Cla?
Noong nagdalaga naman na ako. Grade 9. Madalas ireklamo ni mama ang pagiging tanga ko sa
pamamalengke, hindi ko kasi alam ang pinagkaiba ng petchay sa repolyo, kangkong sa talbos, talbos sa talbos
ng kamote, sariwa at ‘di sariwang isda (‘di kasi ako nakikinig sa Home Economics teacher namin nung
elementarya) atbp. Pero sa dinami-dami ng pinaggagagawa ko, ito ang pinakapaborito ko. Inutusan ako ni
mama na bumili ng baboy sa palengke. Sa una’y nagreklamo ako dahil wala nga akong alam sa pagbili ng
manok at natrauma na ako noong minsa’y nagkamali ako ng nabiling isda na hindi pala sariwa dahil halos
parang may sore-eyes ang mata sa kapulahan. Pero dahil ulam ang nakataya dito, kinailangan ko pa ring
mamalengke at binulyawan na akong “Bumili ka na doon para matuto ka!” Naglakad sa kahabaan ng mga
paninda at sandamukal na mga taong pauwi at papuntang palengke. Maraming nagtitinda sa gilid ng kalsada ng
mga isda at manok pero ‘wag daw ako doon bumili dahil mas malinis kung sa mismong loob ng palengke kung
saan may stall talaga ang mga tindero’t tindera. Pagpasok ko ay bumungad sa akin ang kulay kahel na ilaw,
mga umiikot na plastic na nakakabit sa mga sirang ceiling fan at maingay na mga mamimili. Sa kaliwa ako
dumiretso kung saan naroroon ang mga manok, baboy at isda. Tumigil ako sa isang stall at tumingin sa mga
paninda niya. Itinuro ko ang nasa kanan na mga karne. Nagtanong ako kung may pakpak sila nun pero tumingin
lang sa’kin ang tindero na para bang sinabi kong ang ganda ko at hindi siya makapaniwala. Kinibit-balikat ko
na lang ang reaksyon niyang iyon at sinabing “Kuya ½ po dito, ‘yung pitso po, hiwang adobo.” Chinop.
Nagbayad. Nasuklian. Umuwi na ako. Pagdating ko sa bahay, dala ang ngiti dahil matagumpay akong nakabili
ng manok ay inilapag ko sa mesa kung saan naghihiwa si mama ng patatas. Tinignan niya ang loob at bigla
akong kinurot sa singit. Napa-aray ako ng malakas at nagtaka sa inasal niya. “Baboy ‘to!” Ang katagang
gumuho sa pag-aakala kong tagumpay ang aking misyon. Kaya pala ganun na lang ang pagtataka ng tindero
nung hinanapan ko siya ng pakpak. Pinagsabihan ako ni mama na sa susunod tignan kung mataba-taba ang
hiwa, iyon ay baboy. Kung may pakpak naman at medyo manipis ang karne ay manok iyon. Natutong
mamalengke si Cla?

PAARALAN ang itinuturing nating pangalawang tahanan. Ito rin ang buong walang pusong tumanggap ng
mga katangahan ko sa buhay. Dito ito nahubog, lumago at lumala.
Elementary. Grade 4. Hindi pa ako pamilyar sa tricycle noon kaya pedicab pa lang ang kadalasang
sinasakyan namin papasok ng Paaralang Elementarya ng Betty Go Belmonte. Dos pesos pa kada bata noon ang
bayad at sampung piso naman kung espesyal o kung mag-isa ka lang. Madalas kong kasabay sa pang-umagang
pasok noon ang mga kapitbahay at kababata kong sina Jonalyn, Arlette at Gerald. Sa tuwing babyahe kami ay
madalas kong tignan ang mga gulong nito at kung paano ito umiikot at napapaandar ang buong pedicab. Isang
pagkakataon na inatake ako ng katangahan kung saan tila nakuha ng umiikot na bilog ang atensyon ko. Habang
pinagmamasdan ko ito sa pag-ikot at patuloy na paggulong ay napatitig ako sa sapatos ko, medyo maalikabok.
May biglang pumasok sa isipan ko na gaya ng bumbilya na umilaw (sa mga napapanood kong kartuns eh
ganun kapag nakaisip ng isang magandang ideya) kaya’t walang anu-ano’y ikiniskis ko ang sapatos sa gulong
ngunit tulad ng inaasahan dahil umaandar ito ay nahagip ang halos kabuuan ng paa ko at hinila ko si Jonalyn na
katabi ko sa upuan at sumigaw sa mamang padyakero na tumigil muna habang umiiyak na sa sakit at pagpigil
na tuluyang mapisat ang malaki kong paa. Buti na lang at pilay lang ang naabot ko. Hindi ko ito sinabi kay
mama dahil malamang papagalitan niya ako kaya’t nung napansin niyag iika-ika ako ay nirason ko na lang na
bunga ito ng pagkadapa. Nasira ang sapatos kong iyon at nalaman din naman ni mama mula kina Jonalyn ang
nangyare at nagtuos ang pwet ko at ang hanger ni mama habang pinapagalitan ako na huwag na itong ulitin pa
kung hindi ay siya na kamo mismo ang puputol sa paa ko. Natutong bumyahe ng ligtas si Cla?
Hayskul. Nagsimula ang lahat noong nauso ang hagdan. Grade 7. Maraming masasalimuot na alaala ang
pinagsaluhan namin. Minsan ay masyadong bulgar at bida bida si hagdan at pinagmamalaki ata ang pagiging
sobrang close namin. Naglalakad kami ng kaklase kong si Nina mula sa kantina na nasa DepEd building sa
Mataas na Paaralan ng Carlos Lukban Albert na nasa tapat ng Ascencion o punerarya at crematory o sunugan
ng bangkay (sosyal ng tawag ano?) at sa tabi ng Holy Redeemer Parish kaya kung may mamatay man sa amin
(huwag naman sana) ay deretso punerarya na at misa sa simbahan. Ayun nga, naglalakad kaming payapa
papasok sa Navarro Building kung saan naroroon ang aming klasrum na kaunting milya lang naman ang layo,
mga isang kahabaan ng soccer field lang naman mula sa DepEd Building kung saan nandun ang kantinang
singliit ng isang klasrum at halos mahigit tatlong libong estudyante ang naguunahan at nagsisiksikang makabili
at maitawid ang gutom sa loob ng trenta minutos na break time. Unang hakbang ko sa hagdan ay maayos pa
ang lahat, magkasundo pa kami ni pareng hagdan. Ngunit hindi ko inaasahang bibiguin niya ako sa
pangawalang hakbang. Nagmahal. Nasaktan. Nadapa. Nasubsob. Tumayo. Ipinagpatuloy ang buhay nang
nakatakip ang kamay sa mukha. Ang walang hiya kong kaklase na si Nina ay halos maisuka na lahat ng kinain
niyang Pancit Canton habang naglalakad kami sa kakatawa. Bakit ako na walang ginagawa ang laging
napapahamak samantalang siya ay kumakain pa ng pancit sa daan pero ligtas na nakaakyat ng ta-tatlong baitang
lang na hagdan. Ang masama pa ay napakaraming nakakita dahil wala atang dugo ng pagiging mahiyain ang
kapalaran at nataong break time at maraming papasok at palabas na mga estudyante na malamang sa hindi ay
nasaksihan ang karumal-dumal na eksena ko kanina. Masaya na ang hagdan na ipamuka sa lahat na close kami
na sa sobrang close ay subsob ang muka ko sa pangatlong baitang. Pinagsabihan ako ni Nina na sa susunod daw
kasi wag lang sa gitna o eye level ako nakatangin, matuto ding tumingin sa ilalim kung may hagdanan ba sa
nilalakaran ko para ‘di na nasasakatan. Natutong umakyat ng hagdan si Cla?
Marami din akong alaala kasama ang mga English terms at English words. Grade 8. Nagsimula ang lahat
noong pinapagawa kami ng essay ng English teacher naming si Sir Munez. Sa pagkakataong ito ay si Nina uli
ang kasama ko sa kadahilanang magkatabi kami sa sitting arangement naming tuwing English time at
napakaswerte ko talaga tuwing kasama ko ang babaeng ‘yon dahil nagkataong nasa likuran lang namin ang
basurahan at napakaganda ng amoy lalo na kapag humahangin, grabe. Dahil pareho kaming hirap sa wikang
Ingles ay tanungan kami ga ng ‘ano bang tagalog nito?’ o ‘ano ngang english ng ano?’ at marami pang iba.
Kinalabit akong muli ni Nina sa pang-isang libong pagkakataon at nagtanong, “Cla ano bang english ng
kalbo?” Pero dahil hindi ko rin alam ay wala ako nasagot sa kanya. Nagkataon namang nasa likuran namin si
Mark at magtatapon ng basura kaya narinig niya ang tanong ni Nina. “Bald, english ng kalbo,” pahabol na sagot
ni Mark. “Aaaah Nina Bald Hair daw,” buong pagmamalaki kong sagot sa tanong ni Nina. Pero imbes na ngiti
at pasasalamat ang matanggap ko ay halakhak ang sagot nilang dalawa sa akin at maging si Rose-Anne at
Sharmaine na nasa harapan namin ay natawa sa sinabi ko. “Bald na nga may hair pa. Kalbo na may buhok!”
ang katagang nagklaro sa mga bumabagabag na tanong sa’king isip sa kung bakit ba sila biglang natawa. Napa-
aaaaaah na lang ako at natawa din sa sarili. Sa dulo ay muntikan na kaming hindi makapagpasa ng essay namin
dahil halos maubos ang oras sa pigil na katatawa at paulit-ulit na pagbanggit ng ‘Bald Hair’. Natutong mag-
Ingles si Cla.
Ilan pang mga katangahan ko ay ang mga sumusunod:
✔ Nauntog sa pader

✔ Napagkamalang kendi ang alkampor (‘yung nilalagay sa damit pampabango)

✔ Sabi ng kaklase ko na may kahirapan daw sa US sabi ko naman wala namang puberty dun. (poverty;puberty)

✔ Nakapasok sa isang Catholic School at tuloy tuloy na naglakad habang binibigkas sa speaker ang 3 pm prayer
kung saan lahat nakatigil dapat.
✔ Nakarating sa Joseffa Jara High School noong District PressCon namin sa pamamahayag o journalism at dahil
‘di pamilyar sa lugar ay sa cr ng lalaki nakapasok.
✔ Nakatapak ng tae.

✔ Napagkamalang simbahan ang Sancturium sa may Sto. Domingo ata banda ‘yun at buong lakas ko pang
sinigaw sa mga kaklase kong kasama sa jeep papunta doon mismo dahil ayaw nilang maniwala na alam ko
kung ano ang Sanctuarium. Simbahan nga kasi ‘yon.
✔ Nagluto ng spaghetti na dikit dikit ang noodles sa pag-aakalang dapat muna hugasan iyon bago lutuin at nagtae
pagkatapos.

Sa kabila ng lahat ng katangahan ko sa buhay ay hanggang ngayon tanga pa rin ako. Tanga sa pamamalengke. Tanga
sa Ingles. Tanga sa paglalakad. Pero isa lang ang natutunan ko sa lahat ng iyon. Isa lang talaga sa napakaraming
katangahang iyon. Ang katangahan ay hindi naman masamang bagay, para sa’kin kasi—ito ay pagkakamali at
pagkatuto sa nakakatawang paraan. Higit ko itong nanaisin kaysa sa mga masasalimuot na pangyayari pa tayo
matututo. Ang Kampana, sa bawat tunog nito sa tuwing magsisimula na ang misa upang paalalahanan ang mga
tao na magbigay ng oras para sa Panginoon. Gayundin na nagsisilbing hudyat sa akin sa bawat TANGAlang!
TANGAlang! Nito ay pagpapaalala sa mga nagawa ko na patuloy itong gawing aral at—tawanan

Ang mahalaga ay kung maalala man natin ang mga pagkakamaling iyon, hindi lang tayo pa mapapa-AHHH kundi
mapapa-HAHAHA.
BIONOTE

Si Clarissa Jean Castillo o mas kilala sa tawag na Cla ay nagtapos sa Paaralang Elementarya ng Betty Go Belmonte at
Paaralang Sekundarya ng Carlos Lukban Albert. Kasalukuyang siyang nag-aaral sa Polyteknikong Unibersidad
ng Pilipinas sa kursong Hummanities and Social Sciences o HUMMS bilang mag-aaral sa Senior High. Isang
photojournalist noong nasa elementarya at gayundin sa sekondarya. Ipinanganak sa Lungsod ng Quezon at
panganay sa tatlong magkakapatid.

You might also like