MASUNURIN

You might also like

You are on page 1of 4

MASUNURIN

Araw ng Lunes, maagang nagising ang magkapatid na sina Miko at Rinrin. Ngayon ang

unang araw ng kanilang pasukan sa paaralan ng San Gregorio. Agad silang pumunta sa kusina

at nakita ang kanilang ina na naghahanda ng paborito nilang almusal, pandesal na may

palamang keso.

“Nanay, puwede po ba akong tumulong sa paghahati ninyo ng pandesal at keso?"

tanong ni Rinrin sa kanyang ina.

“Anak, delikado ang paghawak ng kutsilyo. Huwag na huwag mong gagalawin ito dahil

maaari kang masugatan, pati itong kalan ha. Tandaan ninyong nangangailangan ng patnubay

ng mga nakatatanda ang mga bagay na ito,” paalala ni Aling Nena.

“Opo Nanay!” sabay na tugon ng magkapatid.

Matapos makakain ng almusal ay naghanda na ang dalawang bata sa kanilang

pagpasok.

“Miko, bago ka maligo ay ilagay mo muna sa mataas na lugar ang mga gamit na panlinis

ha, iyong multi-purpose cleaner, liquid detergent, at disinfectant, delikadong maabot iyan ng

iyong kapatid,” tumango si Miko bilang pagtugon.

Pumasok na si Miko sa loob ng banyo at naalala ang sinabi ng kanyang ina tungkol sa

mga gamit na panlinis. "Kailangan kong ilagay ang mga ito sa mataas na lugar para hindi

maabot ni Rinrin," at nagpatuloy na siya sa kaniyang paliligo.

1
“O, handa na ba kayong dalawa?” tanong ni Mang Bert na kanilang ama. “Tara na at

ihahatid ko na kayo sa paaralan.” Nagsimula nang maglakad ang mag-aama patungo sa

paaralan.

Sa kanilang paglalakad, may nakita silang mga pahalang na linya at gayun din ang poste

na may dalawang ilaw, pula at berde.

“Tatay, ano po ang mga iyan?” tanong ni Miko sabay turo sa mga pahalang na linya at

ilaw.

Hindi pa nakakasagot ang kanilang ama ay akma nang tatakbo si Rinrin upang tumawid.

“Bip, Bip”, malakas na preno at busina ng motorsiklo. Niyakap ni Mang Bert ang anak na si

Rinrin. "Naku! Sa susunod ay sa tamang tawiran ka dapat dumaan,” kasunod ay pagturo niya

sa pahalang na linya na tawiran ng mga tao. “Opo, Tatay” tugon ni Rinrin.

"Tandaan ninyo na dapat tumingin sa kaliwa at kanan bago kayo tumawid maging sa

ilaw na iyon na tinatawag na pedestrian lights, kapag kulay pula ang ilaw nito ay kailangan

nating maghintay na huminto ang mga sasakyan bago tayo tumawid, kapag berde naman ay

hudyat na ito na maaari na tayong tumawid dahil ang mga sasakyan naman ang hihinto. Palagi

kayong maging mapagmatiyag sa paligid upang hindi kayo mapahamak,” tumango ang

dalawang bata bilang pagtugon.

“Mga anak ako ang susundo sa inyo mamaya ha, huwag na huwag kayong sasama sa

hindi ninyo kakilala,” paalala ng kanilang ama nang makarating sila sa paaralan.

“Opo, Tatay magiging mabait po kami,” sabi ni Miko. Ang magkapatid ay nagpunta

na sa kani-kanilang silid-aralan.

2
“Magandang umaga mga bata!” bati ni Binibining Maria sa kanyang mga estudyante

mula sa Grade 1. "Ngayong araw ay gagawa tayo ng mosaic gamit ang diyaryo na inyong

gugupit-gupitin. Maging maingat sa paggamit ng gunting dahil maaari kayong masugatan dahil

ito ay matalim,” paalala ng kanilang guro. Naalala ni Rinrin ang paalala ng kanyang ina.

“Teacher! Kagaya din po sa paggamit ng kutsilyo. Sabi ni Nanay kailangan daw ng patnubay

ng matanda sa paggamit nito.” “Tama Rinrin!” sabi ng kanyang guro. Nagpatuloy ang mga

bata sa kanilang ginagawa.

Natapos na ang klase at sa wakas, "Uwian na!" masayang sambit ni Rinrin.

Naging maingat na si Rinrin sa kanyang paglalakad at naging mapagmasid na rin sa kanyang

paligid. Napangiti ang kanilang ama dahil sinusunod ng magkapatid ang mga bilin nilang mag-

asawa.

"Nanay! Nandito na po kami!" masayang sabi ni Miko.

"Kumusta mga anak?” masayang pagsalubong ni Aling Nena. “Ayos lamang po Nanay.

Marami po kaming natutunan mula sa paaralan. Kailangan po na maging maingat ako sa

paghawak ng matatalim na bagay kagaya ng gunting. Natutunan ko rin po sa aming paglalakad

na huwag basta basta tatawid sa kalsada kailangan kong maging mapagmasid sa aking paligid.”

nananabik na sabi ni Rinrin.

Nagkuwento ang mga bata sa kanilang nanay at tatay sa mga nangyari sa kanilang

maghapon. “Tatay, Nanay pasensiya na po kung hindi ako naging masunurin sa pagtawid sa

kalsada kanina,” paghingi ng tawad ni Rinrin. “Huwag kang mag-alala anak, basta sundin

lamang ang aming mga bilin upang hindi kayo mapahamak,” paalala ng ama sa anak. “Opo

Tatay, paumanhin po ulit. Akin pong tatandaan ang inyong bilin ni Nanay,” tugon ni Rinrin.

3
“Miko at Rinrin, palagi ninyong iisipin na sa pagsunod ninyo sa inyong mga magulang

makakaiwas kayo sa mga sakuna o disgrasya. Ang mga paalalang ito ay para sa ikabubuti ninyo

dahil ayaw namin kayong masaktan.” sabi ni Mang Bert.

“Alam po naming mahal na mahal ninyo kami at nakabubuti lamang ang inyong gusto

para sa amin,” nakangiting sabi ni Miko at nagpatuloy na sila sa pagkain ng hapunan na

inihanda ng kanilang ina.

Simula noon palagi nang inaalala ni Rinrin ang bilin ng magulang upang hindi na

maulit ang nangyari sa kanya. Kasabay ng paglaki ng magkapatid, baon nila ang bilin ng

magulang saan man dako sila magpunta.

Aral ng Kwento: Ugaliing sumunod sa nakakatanda dahil ang pagsunod sa kanila ay pag-iwas

sa kapahamakan.

ESP - 1. Nakapaglalarawan ng iba’t ibang gawain na maaaring makasama o makabuti sa

kalusugan

1.1 nakikilala ang iba’t ibang gawain/paraan na maaaring makasama o makabuti sa

kalusugan (EsP1PKP- Id – 3)

MELC 8 - Nakapagpapakita ng paggalang sa pamilya at sa kapwa sa pamamagitan ng:


b. pagsagot ng may “po at “opo”

You might also like