You are on page 1of 5

Ang Dystopiang Filipino sa Pandaigdigang Panitikan

May ilang taon pa lamang ang nakararaan noong 2020 nang ginulantang ang mundo ng

pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit, ang covid19. Sa isang iglap, ang mundo ay

parang nasa loob ng isang akdang dystopia. Lahat ay nasa bingit ng panganib. Nakalockdown

ang buong mundo. Bawat isa ay nasa survival mode. Nakapirmi lamang sa bahay ang mga tao,

nakatutok sa kanikaniyang screen na nilulunod ng mga balita ng pagkamatay ng mga tao sa

Italya, Brazil, India, at sa iba pang mga bansang ang mga bangkay ay tila tumpok ng basurang

iniwan sa kalsada. Social collapse ang isa sa katangian ng panitikang dystopia. Wala nang

maasahan ang tao. Wala na siyang kapag-a-pag-asa.

May pusod na nag-uugnay sa science fiction at dystopia. Masasabing ang ang dystopia

ay inianak ng science fiction. Kung papansinin ang mga pangunahing dystopia gaya ng Brave

New World ni Aldous Huxley, Never Let Me Go ni Kazuo Ishiguro, The Time Machine ni HG

Wells, lahat ay kakikitaan ng elemento ng science fiction at ang common denominator ay

nagmula ang mga otor sa mga first world country na may maunlad na teknolohiya.

Samantala, ang sinasabing unang nobelang dystopia, ang We ni Yevgeny Zamyatin ay

kakikitaan din ng elemento ng sci fi. Ang nobela ay nakaset sa malayong hinaharap na ang mga

tao ay nakatira na sa syudad ng salamin. Ipinoprovide ng estado ang mga pangangailangan ng

mamamayan pero ang kapalit ay ang pagiging disiplinado ng lahat at ang buhay ay tila

mekanisado. Halos ganito rin ang sikat na nobelang dystopia ni George Orwell na 1984 na
walang laya ang mga tao dahil sila ay monitored ng tinatawag na Big Brother. Sabi nga sa unang

mga paragraph at nagset ng tone ng nobela, Big Brother is watching you.

Maaring may pulitikal na implikasyon ang pagbansag ng dystopia sa nobelang We ni

Zamyatin dahil kung iyon ang unang nobelang dystopia, maaaring sabihin na ito na rin ang

nagsilang ng genre na tatawagin ngang dystopia. At ang dystopia bilang larawan ng kawalan ng

pag-asa, ng kahirapan, ng social collapse at inhumane condition ay iniuugnay sa sosyalismong

itinatatag noon ni Lenin sa Russia na dinanas ng otor ng nobela. Samantalang ang pagpapatuloy

naman ni Stalin sa sosyallismo ang inabutan ni George Orwell. Sa dulo ay ibinandila na sa

kanluran na ang mga nobela nilang dystopia ang naglalarawan sa buhay ng mga tao sa bansang

nagtatatag ng sosyalismo bagaman kung susuriing mabuti, ang inhumane condition na isinisisi

ng kapitalismo sa sosyalismo ay ang kondisyong nililikha mismo ng kapital.

Kung ang dystopia ay bunga ng imahinasyong nakaugnay sa siyensya at teknolohiya at

may katangian ito ng survival at inhumane condition at social collapse, idagdag pang

pagdedemonize ito sa mga bansang nagtatatag na alternatibong estado at pamamahalang

taliwas sa kapitalismo, nasa alanganing pusisyon kung ganoon ang Filipinas para

makapagproduce ng panitikang dystopia.

Dahil atrasado ang ating teknolohiya, wala tayong material na kondisyon para

maghinuha sa maaaring patunguhan ng siyensya. Kapnsin-pansin ang kakulangan o ang pagiging

kaunti ng bilang ng science fiction sa bansa na kung mayroon man ay mas malamang na

nakasulat sa ingles ng mga manunulat na filipino na ang impluwensya ng sci fi ay syempre

nagmula rin sa kanluran.


Sa kabilang banda ay nasa atin ang inhumane condition at social collapse. May pahayag

ang Nobel Laureate na si Gabriel Garcia Marquez na mapalad ang mga manunulat sa 3 rd world

dahil hindi na nila kailangang mag-imagine dahil nasa harap na nilang ang mga kundisyon na

hindi sukat akalain. Totoong nasa atin na ang karanasan. Wala pang pandemya ng covid ay

survival mode na ang mga tao. Kakarampot ang sahod at walang katiyakan sa trabaho ang

marami. Ang problema sa alitan ay idinudulog ng mga tao sa Face to Face sa halip na pag-

usapan sa barangay. Ang kalusugan ay ikinukonsulta sa Youtube kay Willie Ong sa halip na

direktang ipagamot. Ang batas at hustisya ay inilalapit kay Tulfo sa halip na sa pulis at korte. Sa

bansang ito pagkagat ng dilim ay bumubulagta na lang sa mga kalye at bangketa ang mga

pinaghihinalaang tulak o adik. Ang gobyerno na dapat nagpoprovide ng mga serbisyong

panlipunan ay abala sa pangrered-tag sa mga kritiko at pandarambong sa savings at pension ng

mga mamayan gamit ang Maharlika Funds. Ang pamilya ng diktador na isinuka natin noong

1986 ay kinain nating muli at iniluklok sa pagkapangulo. Mayroon pa bang mas didystopic pa

dito?

Sabi ng kaibigan at kwentistang si Mixkaela Villalon na isa sa mga nagsusulat ng scifi at

dystopia sa Filipinas, ang driving force ng dystopia ay ang takot na namamayani sa loob ng isang

panahon. Dagday niya, kung susuriin ang lahat ng post-apocalyptic zombie genre ay palagi

nitong nirereflect ang social fear of its time. Halimbawa nito ay ang Night of the Living Dead

noong 1968 na ang takot ay sa usapin ng race o mas ispesipiko sa black people. Noong 2002

naman ang 28 Days Later na ang fear ay rampaging virus at government control. At itong World

War Z ay takot sa open borders at migrants.


Tumpak ang pagsusuri ni Villalon, at kung ilalapat pa sa mga sikat na dystopia, ang We

ay takot sa pagkawala ng identidad. Ang 1984 ay takot sa surveillance ng gubyerno. Ang Never

Let Me Go ay takot sa posibilidad ng cloning at labis labis na advancement ng teknolohiya. Ang

Handmaid’s Tale ni Margaret Atwood ay takot sa muling subjugation ng kababaihan at pag-

igting ng patriyarka.

Nasaan kung gayon ang kolektibo nating takot? Para tuloy dumadagdag pa ang usaping

ito sa mga balakid para makapagproduce ng panitikang dystopia. Nangangahulugan ba na ang

kawalan natin ng nobelang dystopia na nakasulat sas filipino ng kawalan rin natin ng takot?

Syempre hindi. Ang kasaysayan ng bansa ay kasaysayan ng takot at pananakot. Mula pa noong

dumating ang mga kastila ay ikinulong nila ang mga tao sa maliliit na pamayanan ng probinsya

at nanganak ito ng makitid na rehiyonalismo. Ang mga indibidwal ay tinakot gamit ang

relihiyon, ang impyernong naghihintay sa kabilang buhay. Dahas ang ginamit na panakot sa

panahon ng kano, ganoon din sa panahon ng hapon, sa panahon ng batas military at gera

kontra droga ni Duterte. Kung takot at takot lamang din ay sadyang napakayamang bukal ng

Filipinas para sa panitikang dystopia.

Siguro ay hindi lamang natin matimpla nang tama ang paglikha. Dahil dystopic na ang

ating buhay, mas naging pangunahin na sa mga manunulat ang magsulat ng realismo para

ihayag at itala ang ating kalagayan. May element na ito ng dystopia bagamat dahil ikinakahon

pa sa ngayon ang dystopia bilang spekulatibo, ay hindi ito kinikilala bilang parte ng panitikang

dystopia. Ang mga manunulat naman sa ingles ay maaaring tiwalag naman sa karansan ng

ordinaryong mamamayan at kung gayon ay mauuwi ang akda sa entertainment at spekulasyon.


Sa aking palagay, higit nating mapapaunlad ang lilikhaing panitikang dystopia kung

maipagsasanib natin ang mga danas ng lipunang hikahos at ang imahinasyon sa maaaring

tunguhin ng ano mang atrasadong teknolohiyang mayroon tayo ngayon. After all ang mga

manunulat ng first world ay nagsspeculate lamang maging mahirap, ang iniespeculate nila ay

realidad natin. At sa palagay ko, kung atin pang matutukoy ang mga struktura at sistemang

pinag-uugatan ng dystopic nating pamumuhay, ito ang mag-iiba sa mga panitikang naghaharaya

lamang. Ito ang magiging tatak at kontribusyon ng dystopiang filipino sa pandaigdigang

panitikan ng masalimuot na genreng ito.

You might also like