You are on page 1of 13

Japanimation, Americanization, Globalization:

Pagbuwag sa Wika ng Kapangyarihan sa Pamamagitan


ng Dubbing ng Anime sa Wikang Filipino
Ramilito B. Correa

Sa pagpasok ng taong 2000, isang kaisipan mula sa Kanluran ang


lumitaw upang isulong diumano ang pag-unlad ng lahat ng bansa sa daigdig,
ito ang “globalisasyon.” Ayon sa konseptong ito, ang bawat bansa ay wala
nang hangganan o tatawaging “borderless world” upang ang lahat ng bansa
sa daigdig ay magkaroon ng pagkakataong umunlad. Kaakibat din ng
konseptong ito ang pagpapalaganap ng industriyalisasyon, lalo na ng mga
makapangyarihang bansa sa daigdig tulad ng Japan at America.

Ang usapin ng wika at kultura sa pagsusulong ng sariling identidad ay


sinasaklaw rin ng konsepto ng globalisasyon sapagkat maisusulong din ng mga
makapangyarihang bansa ang kanilang wika at kultura kapag nakapasok na
ang mga bansang ito sa hangganan ng iba pang bansa sa daigdig.

Sa konsepto ng globalisasyon, nakatago ang ideya ng imperyalismo


sapagkat ang mga malalakas at makapangyarihang bansa ay makapaghahanap
ng lugar na maaari nilang paglagakan ng kani- kanilang labis na produkto
kabilang na ang pagpasok ng kanilang wika at kultura.

Lumilitaw na ang konsepto ng globalisasyon ay isang paraan ng muling


pagsusulong ng imperyalismo sapagkat mananaig ang mga
industriyalisadong bansa sa global na kalakalan at ang magiging target ng
kanilang kampanya ay ang mga bansang walang kapangyarihang tumutol tulad ng
mga bansang Third World gaya ng Pilipinas na matagal nang panahong
dumaranas ng pagkaalipin sa mga makapangyarihang bansa tulad ng Japan at
America.

Sa lektyur ng kritiko, nasyonalista at Pambansang Alagad ng


Sining na si Bienvenido Lumbera sa isang Pambansang Seminar Workshap na
itinaguyod ng Departamento ng Filipino, Pamantasang De La Salle–
Maynila, at ginanap noong Mayo 7, 2003 sa Hotel Ivory, Tuguegarao, Cagayan,
tinalakay niya ang paksang “Ang Wikang Filipino at ang Banta ng
Globalisasyon.” Ipinaliwanag niya ang tunay na anyo at pakay ng isang
bayaring intelektwal na umimbento ng pariralang “borderless world” na
itinapal sa mapagsamantalang anyo ng kapitalismo. Sa ganitong anyo
inihaharap sa atin ang globalisasyon na may Utopiang ipinapangako— isang
“mundong wala nang hangganan” at sinasabing sa mundong ito ay
magkakaroon ng pantay na kakayahan ang bawat bansa na kamtin ang
kaunlaran. Subalit salungat umano dito ang tunay na layunin ng
globalisasyon. Ayon sa paliwanag ni Lumbera:

Samakatuwid, ang “globalisasyon” ay pananalakay ng mga


kapitalistang bansa ng Kanluran na naghahanap ng pamilihan para sa

1
kanilang kalabisang produkto. Kunwari’y binubuksan ng mga ito ang
kanilang mga pamilihan sa mga produkto ng mga mahihinang ekonomiya.
Pero sa katunayan, hindi kayang maki- pagkompetisyon ng mahihinang
ekonomiya sa kanila, kaya’t sa kalaunan nilalamon nila ang lokal na
kompetisyon. (2003: 1)

Itinuturing ng maraming makabayan, tulad ni Lumbera, na ang


globalisasyon ay isang maskarang nagtatakip sa tunay na layunin nito—
ang Amerikanisasyon. Subalit sa pagkakataong ito, hindi lamang America
ang maaaring makinabang sa konseptong ito ng globalisasyon. Nagkaroon
din ng malaking kapakinabangan ang Japan sa pamamagitan ng pagbebenta
ng kanilang produkto. Isa sa mga halimbawa nito ay ang anime na naging
mainit na kalakal hindi lamang ng mga bansang nasa Third World, kundi pati
sa mauunlad na bansa sa Europe at America. Dito naman nalikha ang
salitang Japanimation, o ang paghahari ng Japanese animation sa lahat ng
sulok ng daigdig.

Dalawang dambuhalang bansa ang muling sumakop sa mundo sa


pamamagitan ng anime— ang Japan at America. Sa pamamagitan ng
kapangyarihang dala ng wika at TV ay nagawang sakuping muli ng dalawang
bansang ito ang isip, damdamin, at estilo ng pamumuhay. Global ang
produksyon ng anime mula sa Japan. Global din ang wikang Ingles na gamit
ng mga Amerikano. Ang subkulturang anime ng Japan at ang Wikang Ingles
ng mga Amerikano ang dalawang pangunahing elementong dala ng
konseptong globalisasyon sa larangan ng TV.

Sa sanaysay ni Toshiya Ueno—isang kritiko, media activist, at


associate professor ng Chubu University—na “Japanimation and Techno-
Orientalism,” tinalakay ang labis na interes ng iba’t ibang tao sa bawat
sulok ng bansa sa Japanese subculture na Manga (tawag sa komiks sa
bansang Japan na karaniwang pinagkukunan ng mga panooring anime)
at Japanimation (coined word ng salitang Japan at animation). Ayon kay
Ueno (2003: 1), ang penomenang ito ng pagkahumaling ng iba’t ibang tao sa
bawat sulok ng mundo sa anime ay walang dudang epekto ng
globalisasyon at ng information capitalism.

Dagdag pa ni Ueno, akin ang pagbibigay-diin:

Under the Fordist economic system of the past, globalization meant


nothing more than “Americanization,” and media entertainment were
supplied by Disney animations. However, we must now consider
seriously the fact that the post-Fordial social environment of
globalization will include Japanimation and ponder its meaning. In
other words, the strategy of this cultural movement is the effect
of the Sub- imperialism. According to Kuan-Hsing Chen, the sub
empire is secondary dependent empire which has hegemony much
more in culture and economy than military system. And this new version
of imperialism uses sub- culture in general. (2003: 1)

Kabilang din sa mga tinalakay ni Ueno (4) ang Japanese capitalism


bilang isang ganap na maunlad at makapangyarihang sistema ng
produksyon sa America, Europe, at Asia. Kung ang salitang orient ay nilikha
ng mga taga- Kanluran, ang techno-orientalism ay nilikha naman ng mundo
ng information capitalism. Ang Japan ay minsan ding tinawag ni Jean Baudrillard
na isang satelayt sa loob ng isang orbit. Ang Japan ayon naman kina Morley at
Rovins ay nakikita bilang kinabukasan ng teknolohiya. Ang techno-
orientalism ay manipyuleytor ng mga komplikadong sistema tungkol sa
Japan, kung saan ang bansang ito ay magiging sentro ng pagkainggit ng iba
pang kultura at mga bansa.

Nagbigay ng babala si Ueno na kailangang gumawa ng paraan ang


alinmang bansang papasukin ng techno-orientalism na tuluyang
makapagpapaalis sa umiiral na kultura ng isang bansa, lalo na sa maliliit na
bansa. Sa ganitong paraan, ang maliliit na bansang ito ay hindi tuluyang naging
puppet o robot ng kapitalistang Japan.

Sa huli, nagtagubilin si Ueno ng ganito (7):

Japanimation is traveling through the cultural diaspora into the


world, and is translated, communicated, and misunderstood.
It should be cited the passage from Donna Haraway’s A Cyborg
Manifesto: “There is no way to read the following list from a
standpoint of “identification,” of a unitary self. The issue is dispersion.
The task is to survive the diaspora.” If the image of shell and suit in
cyborg has been moving, it is not vain to discover the “automated
other” in various expressions and in global information capitalism
itself. It is another way to “animate” the other and the minority.

Samakatuwid, importanteng mapag-aralan natin ang babalang ito ni


Ueno tungkol sa konseptong dala ng Japanimation. Mahalaga ang pagkakaroon
ng mga pag-aaral tungkol sa malawakang pagpasok ng anime sa bawat sulok
ng mundo lalo na sa mga bansang Third World tulad ng Pilipinas upang
maisalba ang pagbabagong inihahatid sa kultura ng panooring ito lalo pa at
tumutulong ang wikang Ingles sa pagpapalawak nito sa proseso ng pagsasalin
na tinatawag na dubbing.

Sa sanaysay naman ni Jiwon Ahn na “Animated Subjects: On the


Circulation of Japanese Animation as Global Cultural Products,” tinalakay ang
konseptong ipinakilala ni Fredric Jameson tungkol sa karakteristiks ng
postmodernong naglalarawan sa pagkawala ng nature at unconscious. Ayon
kay Ahn—isang propesor sa Division of Critical Studies, School of Cinema–
Television, University of Southern California—ang konseptong ito ni Jameson
ay maipaliliwanag nang ganito:

3
Although deeply vague, it seems to me that Jameson’s
conceptualization of a new subjectivity that is both mediatized and
emancipated in the postmodern environments can be revealing
about the cultures of globalization. That is to the extent that
postmodernism is considered as the cultural logic of late capitalism,
which Jameson later relates more specifically with the term
globalization. (2003: 1)

Ipinaliwanag din ni Ahn kung paanong ang Japanese animation ay


lumaganap sa iba’t ibang kulturang rehiyonal, lalo na sa local cultural
practices ng South Korea at Taiwan. Tinalakay din ni Ahn kung paanong ang
anime ay naging isang global media product na nakapasok sa silangan at
kanlurang bansa ng Europe; sa hilaga at timog America, kasama na ang United
States, at marami pang bansa sa Asia, tulad ng Taiwan, Hong Kong, at Thailand.

Partikular niyang tinukoy ang anime na Pokemon (4) bilang pick-


pocketing monster idol ng kulturang global. Tinalakay ni Ahn ang tagumpay na dala
nito bilang komersyal na panoorin sa domestik at internasyonal na merkado.

Pinatunayan ito ni Dana Lewis, isang kritiko sa anime, nang


paghambingin niya ang mga anime na dala ng dalawang bansa at kung
paano ito nakaimpluwensya nang malaki sa kultura at pamumuhay ng tao
sa lahat ng sulok ng daigdig. Ganito ang paliwanag niya sa kanyang artikulong
“Night of the Otaku!”

Today, children and young men and women across Asia, Europe
and Latin America consume Japanese anime as part of their daily
TV fare. But for Japanese animation companies, the American market
remains the Holy Grail—land of Tom and Jerry, land of Mickey Mouse.
It’s like Nomo and Irabu dreaming of playing in the Major Leagues: If
Japanese cartoons can triumph in America, they’ve really arrived.
(1997: 1)

Dagdag pa ni Lewis,

“Anime has joined the cultural lingua franca of Generation X,


whether it be snippets in music videos by Matthew Sweet or Michael
Jackson, or vaguely anime-like characters on rock concert
posters, skateboarder T-shirts and the Walls of East Village coffee
shops in New York. Every big college campus has its anime club.
Youth bibles like Wired and Mondo 2000 review hot manga and
anime titles. Cable TVchannels like the Sci-Fi Network and MTV
feature animation specials.” (1)

Sa ganitong katibayan ay malinaw na ipinakikita ang dalang penomenon ng


panooring ito.
Dinetalye rin ni Lewis (2–4) ang malalaking kumpanya ng America na
gumastos ng milyun- milyong dolyar para lamang magkaroon ng video rights sa
pagpoprodyus at pagpapalabas ng anime kabilang ang Central Park Media, AD
Vision, Zro Limit Productions, Disney Co., at Buena Vista.

Ang anime, bilang komoditi ng Japan, ay naging isang mabentang produkto


sa pagpapalaganap ng globalisasyon. Nagamit ito ng Japan upang makilala at
mapanatili ang kanilang subkultura sa buong daigdig. Ngunit dahil sa hindi
lingua franca ng daigdig ang wikang Nihonggo, muli na namang nakinabang
ang mga Amerikano sa pagbili ng mga produktong ito na ida-dub sa wikang Ingles
upang mapanatili ang paghahari ng kanilang wika para sa konseptong
globalisasyon.

Dahil naman sa konseptong ito ng techno- orientalism na dulot din ng


globalisasyon, nilamon ng panooring anime, na karaniwan ay dubbed sa Ingles,
ang lokal na produksyon ng TV at pelikula sa iba’t ibang sulok ng Europe,
America, at Asia, at sa mga bansang third world tulad ng Pilipinas.

Dahil sa konseptong ito ng “borderless world,” hindi naging ligtas sa


pananakop ng anime ang industriya ng TV sa Pilipinas, isang bansang may
mahinang ekonomiya at may lokal na produksyon ng mga panoorin. Sa
kasalukuyan ay may ganito nang palabas ang halos lahat ng Filipino channel
kabilang ang GMA7, ABS-CBN 2, Studio 23, QTV 11, RPN 9, IBC 13, at ABC 5.
Bawat istasyon ay naghahangad na magkaroon ng palabas na anime para sa
mas mataas na reyting kung kaya’t ang tagapamahala ng alinmang network ay
hindi nag- aatubiling kumuha at magpalabas nito.

Ang Japanimation o ang malaganap na pagbebenta ng Japan ng


panooring anime sa lahat ng sulok ng mundo, ay bahagi pa rin ng kanilang
sariling pagkilos sa ipinakikilalang ideya ng globalisasyon. Ang pag-dub sa
anime gamit ang wikang Ingles ay isang paraan naman ng imperyalismo
ng mga taga-Kanluran, lalo na mga Amerikano upang makinabang sa
kapangyarihan ng kanilang wika ayon na rin sa ipinakilala nilang konsepto ng
“borderless world” o globalisasyon.

Gaano Ka-Global ang Anime?

Sa “Animated Subjects,” nagbigay si Ahn ng mga tiyak na detalye kung


gaano ka-global ang anime (2003: 2–4).

Ayon sa kanya, katulad ng napag-alaman na natin, ang anime at


manga ang dalawa sa pangunahing anyo ng kulturang popular. Sa
katunayan, kung pagbabatayan ang istatistiks, umaabot sa 23% ng
babasahin o materyal na nakalimbag sa bansang Japan ay manga; mahigit sa
250 programang tungkol sa animation ang isinasahimpapawid sa telebisyon
kada linggo; umaabot naman sa 1,700 (short o feature length) na pelikula

5
tungkol sa animation ang naipoprodyus bawat taon, at umaabot naman sa
2,200 ang napapanood na anime sa telebisyon bawat taon. Sa madaling
salita, anim na bagong palabas ang naipoprodyus araw-araw na siyang naging
dahilan kung bakit ang bansang Japan ang numero unong prodyuser ng
animated video at mga programa sa telebisyon na umaabot sa 65%
kabuuang produksyon sa buong mundo.

Dahil sa popularidad na dala ng anime, tinatayang umaabot sa


kalahati ng buong box office sales ng Japan bawat taon ang kinikita nito. At
ang isa sa naging kawili-wili rito ay ang pagkahumaling ng maraming
tagahanga sa bawat sulok ng mundo.

Bagaman nakapagtataka na ang isang papaunlad na kulturang


lokal na anime ay naililipat sa malawak na tagapanood at
tagasubaybay sa iba’t ibang dako ng daigdig, maaari pa ring sabihin na ang
mga texto ng anime ay nakapaglakbay na sa iba’t ibang hangganan ng
kulturang pambansa bilang isang napakahalagang media commodity.
Malinaw ang pagdami ng mga tagahanga at tagasubaybay ng anime lalo na
sa South Korea at Taiwan, mga dating kolonya ng Imperyong Japan; gayundin
sa iba’t ibang bansa sa Asia, tulad ng Hong Kong, Thailand, at iba pang mga
bansa sa South East Asia; mga bansa sa hilaga at kanlurang Europe; at sa
hilaga at timog America.

Maaaring ibigay na halimbawa ang bansang Italy nang sumikat dito ang
Candy Candy na sinulat ni Yumiko Igarashi noong dekada ’80. Nang matapos
ang Japanese series nito, ang mga Italyanong prodyuser ay kinailangan pang
umupa ng mga artistang lokal para lamang maipagpatuloy ang serye. Ang South
Korea, ayon sa isang report noong taong 2000, ang ikatlo sa pinakamalaking
prodyuser ng anime sa buong mundo, kasunod ng Japan at America. Halos
95% ng kanilang output ay gawa ng dayuhan at wala ni isa sa 400 animation
studios sa bansang ito ang nagkaroon ng komitment na gumawa ng domestic
shows. Noong 1995, ang gobyerno ng mga Koreano ang nagsimulang
sumuporta sa industriya ng anime sa kanilang bansa dahil sa pagkilala sa
komersyal na potensyal nito. Upang higit na lumaki ang lokal na produksyon ng
anime, nagbigay ang gobyerno ng maraming insentibo sa mga lokal na
manggagawa nito tulad ng mababang buwis, maliit na interes sa pautang, at iba
pang ikabubuhay.

Sa “Night of the Otaku” (1997: 2-4), tinalakay ni Lewis kung gaano


kalawak ang produksyon ng anime sa America at kung anu-anong kumpanya
ang nangangasiwa sa pag-dub ng anime sa Ingles bilang panibagong package
sa mga masugid na tagahanga at tagasubaybay ng anime.

Si John O’Donnel, ang may-ari ng Central Park Media (CPM), ang isa sa
tatlong nagmamay-ari ng pinakamalalaking kumpanya na bumibili ng
Japanese animation videos, pagkatapos ay idina- dub sa Ingles upang ibenta
sa mga Amerikanong tagahanga ng anime at sa iba pang rental video chains.
Ang katalog ng CPM mail order anime video ay umaabot sa 200 titulo. Sa
pakikipag-tie up sa higanteng Internet provider na America On Line o AOL , libu-
libong kopya ang naibebenta nila sa loob lamang ng isang araw.

Ayon naman kay John Ledford, presidente ng AD Vision, isa sa


kalabang kumpanya ng CPM, bumebenta ang anime sa America, sa video pa
lamang, ng humigit-kumulang sa $75–$160 milyon bawat taon.

Ang Zro Limit Productions na pag-aari ni Yutaka Maseba ang pangunahing


prodyuser ng anime na dubbed sa Ingles. Sa katunayan, binayaran umano sila
ng AD Vision ng halagang $500,000 para lamang makuha ang video rights
ng Evengelion. Maging ang Disney Co., at ang katuwang nitong kumpanya sa
video distribution na Buena Vista ay nagprodyus na rin ng anime na dubbed sa
Ingles para imarket sa Kanluran—ang Momonoke Hime—na nagbigay kay
Hayao Miyazaki ng inisyal
na bayad na $10–30 milyon.

Pagpasok ng Anime sa Pilipinas

Maaaring isipin o sabihin na ang Japanese anime sa Pilipinas ay kailan


lamang nakilala o nakapasok sa TV. Subalit noon pa mang mga unang taon
ng dekada ’70 ay nakolonya na ng “dambuhalang panooring” ito ang Philippine
TV. Kung isasama pa natin ang cartoons mula sa Kanluran, lalo na mula sa
America, halos 70 taon na nating kasalamuha at kahalubilo ang animation sa TV.
Ilan pa rin marahil sa mga dahilan kung bakit hindi natin gaanong napuna kung
gaano na katagal ang presensya at impluwensya ng anime sa Pilipinas ay sapagkat
hindi natin alam ang ideya ng anime at ang mga napapanood natin ay may mga
pamagat na Ingles.

Dahil wala tayong ideya sa hitsura at kaibahan ng anime, ipinapalagay


nating mga pangkaraniwang cartoons lamang ito.

Taong 1976-1977, ipinalabas ng GMA 7 ang pinakapopular na kwento ng


isang mecha o robot, ang Voltes V. Ito ay isang robot na nilikha nina Dr. Smith at
Dr. Armstrong bilang tagapagtanggol ng daigdig sa mga mananakop na
tagaibang planeta sa pamumuno ni Prince Zardos. Minamaniobra ang robot na ito
ng mga piling earthlings na sina Steve Armstrong (“Cruiser”/Kenichi Gou),
pinuno ng Voltes team; mga kapatid niyang sina Big Bert Armstrong
(“Panzer”/Daijorou) at Little John Armstrong (“Frigate”/Hiyoshi); at, ang mga
kasamang sina Mark Gordon (“Bomber”/Ippei) at Jamie Robinson
(“Lander”/Megumi). Halos kasabay din nitong ipinalabas ang hindi padadaig
sa kasikatan na Daimos. Sa RPN 9, dating kapatid na istasyon ng IBC 13,
ipinalabas naman ang Mazinger Z, Balatak, Mekanda Robot, at UFO
Grendaizer sa pareho ding taon. Ang mga kwentong ito tungkol sa robot
ay may pareho- parehong time slot sa hapon, sa iba’t ibang araw, mula Lunes
hanggang Sabado.

7
Sa mga hitsura ng mga tauhan ng palabas na ito, tulad ng Voltes team
at nina Richard at Erika ng Daimos, kapansin-pansin na ang kakaibang estilo
ng pagkakaguhit/pagkakadrowing sa kanila, kumpara sa mga karakter na gawa
ng Kanluran na napapanood natin bilang cartoons mula sa Hanna- Barbera, Walt
Disney, at Looney Tunes, ang tatlo sa pinakamalalaking Amerikanong
prodyuser ng cartoons sa America, kung hindi man sa buong mundo.

Dahil sa karahasang ipinapakita ng mga panooring ito, hindi natapos


ang pagpapalabas nito noong huling mga taon ng dekada ’70 dahil sa utos noon
ng dating Pangulong Ferdinand Marcos habang umiiral ang batas militar sa
Pilipinas. Maaalala rin na ang karamihan sa mga batang ito na pinagkaitan ng
Voltes V, at iba pa, ang nag- People Power para patalsikin ang diktador na
nagpatigil ng paborito nilang palabas.

Halos 30 taon ang naging pagitan ng pagpapalabas nito, kung kaya’t


ang mga dating bata na sumusubaybay dito ay naglalaro na sa edad na 30-40 sa
kasalukuyan.

Taong 1979-1980 nang lumitaw naman ang mga bagong istorya ng


anime. Ang Candy Candy, na ipinalabas ng IBC 13, ay kwento ng isang
batang babaeng nakikipagtunggali sa kanyang buhay, hanggang sa
matagpuan ang tunay niyang mahal. Kasabay nito ang Paul in Fantasy
Land ng GMA 7, na kwento naman ng isang lalaking inihihinto ang oras sa
mundo habang nakikipagsapalaran sa ibang dimensyon na punung-puno ng
pantasya at mahika. Sandata ni Paul ang isang magic yoyo. Isa rin sa mga
sinusubaybayan noon ang Nobody’s Child, na kwento ng isang batang lalaki
na may masalimuot na pakikipagsapalaran sa buhay.

Inakala natin noon na galing sa America ang ilang anime dahil sa mga
titulong Ingles nito. Isang halimbawa ang Voltron, Go Lion sa Japan.
Maaaring hinalaw lamang ito sa Voltes V dahil sa tema at banghay nito.
Kasaysayan din ito ng limang tagapagtanggol ng daigdig sa kasamaan sa tulong
ng isang dambuhalang robot na nabubuo naman mula sa limang mecha
lions. Una rin itong ipinalabas sa IBC 13. Ang American TV network na Hanna-
Barbera, ang bumili sa karapatan ng anime, at ang network ding ito ang
nagsusuplay ng English dubbing para sa anime na ito. Si Peter Keefe ang
executive producer nito; siya rin ang responsable sa ilang matagumpay na
cartoons, tulad ng Teenage Mutant Ninja Turtles.

Ang Robotech naman ay unang ipinalabas sa GMA-7. Halos alam ng


lahat na ito ay ibinatay lamang sa anime na Macross. Pinatutunayan lamang
nito na ang anime ay lumitaw na nang sakupin ng American cartoons ang mga
channel na lokal sa TV sa Pilipinas.

Ang Astroboy ay una namang ipinalabas ng RPN-9. Ito ay tungkol sa


isang batang robot na may pambihirang kapangyarihan at kakayahan at
emosyon. Nagsisikap siyang mamuhay na katulad ng karaniwang tao at
nagnanais na tanggapin siya bilang robot na maaasahan ng sinuman. Ginagamit
lamang niya ang kanyang kapangyarihan upang pairalin ang katarungan at
protektahan ang sangkatauhan, at maging ang mga tulad niyang robot.

Sa kasalukuyan, panandaliang nanahimik o pansamantalang


nagpahinga ang Philippine TV sa pagpapalabas ng anime dahil sa pagpasok
ng Chinovela at Koreanovela. Gayunpaman, ang anime ay hindi tuluyang
nawala sa Philippine TV sapagkat sa panahong ito pumaimbulog ang ABS- CBN
2 nang isahimpapawid ang mga anime na may mga dramatikong tema.
Dito na rin nagsimulang lumaganap ang mga anime na dubbed sa
Tagalog/Filipino.

Noong mga unang taon ng dekada ’90, unang ipinakilala sa ere ng ABS-
CBN ang Cedie: Ang Munting Prinsipe, mula sa librong The Little Fauntleroy.
Ang anime na ito ay pumukaw sa mga puso at damdamin ng mga batang Pilipino.
Dahil sa potensyal ng mga uring ito ng anime, sinundan ng ABS-CBN 2 ang
Cedie ng mga patok na patok na panoorin tulad ng Sarah: Ang Munting
Prinsesa, A Dog of Flanders, Si Maria at ang Pamilya Von Trapp, at marami
pang iba. Halos lahat ng mga anime na ito ay batay sa mga nobela. Ang Sarah,
na ipinalabas noong kalagitnaan ng dekada ’90, ay batay sa nobelang The
Little Princess, katulad din ng Flanders na ibinatay sa nobelang may
kaparehong pamagat. Ang Si Maria at ang Pamilya Von Trapp naman ay
ibinatay sa musical play na The Sound of Music.

Noong mga huling taon ng dekada ’80 hanggang sa mga unang taon
ng dekada ’90, ipinakilala ng RPN 9 sa Philippine TV ang Dragonball Z, ang
kauna-unahan at itinuturing na pinakapopular na anime noong mga panahong
iyon. Dito na tuluyang lumitaw sa paningin ng mga Pilipino ang malinaw na
pagkakaiba ng anime at ng tipikal na cartoon. May dalawang malinaw na
distinsyon dito: 1) napakagandang paraan ng animation , na siyang
nagbigay-daan sa Dragonball Z ng mahuhusay na fighting scenes, na hindi
kailanman nakita ng mga Pilipino sa American cartoons; at, 2) higit na
malinaw na banghay o plot na hindi rin nakikita sa mga American cartoons.
Isinahimpapawid ng RPN 9 ang Dragonball series sa loob ng pitong taon at
naging positibo ang tugon dito ng mga Pilipinong manonood, kahit pa nga dubbed
ito sa Ingles at muling pinatakbo ng RPN 9.

Ang iba pang channel sa TV ay nakapagbahagi rin


ng mga anime na pumatok sa Pilipinong manonood. Ang ABS-CBN 2 ay may
Magic Knight Rayearth, na dubbed sa Filipino.

Ipinakilala ng ABC 5 ang Sailormoon, na dubbed din sa Filipino. Ito


ay sinulat ng Haponesang si Takeuchi Naoko. Tanyag siya sa pagsusulat ng
manga o komiks. Nagsimula ang Sailormoon bilang isang manga bago
tuluyang ipinalabas sa telebisyon. Pangatlo ito sa mga pangunahing
seryeng isinulat ni Takeuchi Naoko at itinuturing na pinakapopular sa lahat ng
kanyang mga isinulat na manga. Una itong lumitaw noong Pebrero1992 bilang

9
isyu ng magasing Nakayoshi na lumalabas buwan-buwan hanggang sa matapos
noong Marso 1997.

Naging matagumpay din ang IBC 13 at di naglaon ang GMA 7 sa


pagsasahimpapawid ng Ghost Fighter [YuYu Hakusho], na dubbed din sa
Filipino. Ang Ranma 1/2, na karaniwang pinapanood ng mga Pilipino sa
VCR, ay naging matagumpay din sa Philippine TV sa pamamagitan ng RPN 9,
pagkatapos ay na-dub sa Filipino ng GMA 7.

Sa GMA 7 naging ganap na matatag ang istatus ng anime sa Philippine


TV. Nakita ng istasyong ito ang potensyal ng mga palabas na anime sa
pagpapataas ng kanilang mga reyting. Kaya’t sa pamamagitan ng kanilang
islogan na “We are Anime,” muli nilang ibinabalik ang mga anime na labis na
tinangkilik ng maraming Pilipino tulad ng Ghost Fighter, Lupin III,
Dragonball Z, Slamdunk, at Knockout na inilagay nila sa primetime slots.
Ipinalabas din ng GMA 7 ang popular na serye ng Gundam (Gundam W at
Gundam G). Nagsisilbing modelo ang GMA 7 sa pagsasahimpapawid ng mga
panooring anime na malapit sa puso ng mga Pilipino lalo pa na karamihan
dito ay dubbed sa Filipino.

Ang Proseso ng Pag-angkat ng mga Anime mula sa Ibang Bansa


Patungong Pilipinas at Kung Paano Ito Idina-dub sa Filipino

Dala ng penomenong dulot ng anime sa iba’t ibang panig ng daigdig,


nagkaroon ng interes ang America upang magamit ito sa pagpapalaganap ng
kapangyarihang taglay ng wikang Ingles. Dahil Ingles ang kinikilalang lingua
franca ng daigdig, ginamit ang Ingles bilang midyum na wika sa anime sa
pamamagitan ng prosesong tinatawag na dubbing. Samakatuwid, ang mga
karakter ng anime na likha ng Japan ay napapanood na nagsasalita sa
wikang Ingles. Kung minsan naman, sa mga dambuhalang istasyong dayuhan
tulad ng AXN, gumagamit ito ng dalawang sistema sa paggamit ng Ingles,
ang dubbing at subtitling. Kung hindi man dubbed sa Ingles ang mga sikat na
palabas na anime, subtitled naman ito sa Ingles. Sa madaling salita, kung hindi
naririnig ang Ingles sa ibinubuka ng bibig ng mga karakter sa anime, nababasa
naman ito sa ilalim ng TV screen o maging sa wide screen. Halos lahat ng
English- dubbed anime ay karapatang-ari ng American TV networks, tulad
halimbawa ng Hanna- Barbera, na siyang bumibili sa karapatan ng anime at
nagsusuplay ng English dubbing para sa anime na ito sa buong sulok ng
mundo.

Sa Pilipinas, ang palabas na anime na kanilang inaangkat buhat sa ibang


bansa ay karaniwan nang synched o dubbed sa Ingles. Sa madaling salita,
binibili ito ng malalaking Philippine TV network, tulad ng ABS-CBN 2 at GMA
7, sa America halimbawa na ang American TV network na Hanna-Barbera.
Kung may mga pagkakataong ang nakuha o nabiling produkto ay hindi
synched o dubbed sa Ingles, nagbabayad ang local networks na ito ng mga
Pilipinong may sapat na kaalaman sa Nihonggo upang isalin ito sa Ingles
patungong Filipino, o kaya’y tuwiran itong isalin sa Filipino.

Ang Ghostfighter, halimbawa, ay isinalin ng Telesuccess Productions


mula sa wikang Nihonggo patungo sa wikang Ingles. Ang Ingles na bersyon ay
tinatawag na The Poltergeist Report. Mula sa Ingles ay muli itong isinalin sa
wikang Filipino.

Ang Pagbuwag sa Wika ng Kapangyarihan sa Pamamagitan


ng Dubbing ng Anime sa Wikang Filipino

Sa pagpasok ng anime na ito sa Philippine TV, napanatili nito ang taglay


na kasikatang natamo sa iba’t ibang panig ng daigdig. Subalit ang naging
kaibahan lamang, ang Ingles, na wika ng kapangyarihang ginamit dito sa
pamamagitan ng dubbing , ay nabigong magamit ng mga kapitalistang
Japan at America. Sa halip, muli itong nilapatan ng boses (dubbed) gamit ang
wikang Filipino dahil sa ito ang wikang mas nauunawaan at ginagamit ng
nakararaming Pilipino. Sa produksyon ng lokal na TV shows, mahalaga ang
paggamit ng wikang mas nauunawaan ng nakararaming manonood kaya’t
hindi nagawang sakupin ng wikang Ingles ang nakararaming Pilipino. Sa
Philippine TV, nawala sa poder ang makapangyarihang wikang Ingles at
nanaig ang wika ng masa.

Ang pagsasalin sa wikang Filipino ng mga anime na dubbed sa Ingles ay


isang proseso ng pagsasalokal at pagsasakatutubo ng mga panooring inilalatag
ng imperyalistang dayuhan. Lumilitaw na nagkakaroon ng kapangyarihan ang
masang Pilipino, at ang lipunang Pilipino sa kabuuan, kung anong wika ang dapat
na gamitin sa mga panooring anime.

Ang pangunahing dahilan sa pagsasa-Filipino ng mga panooring ito ay ang


makakuha ng mas mataas na reyting sa mga manonood. Ayon kay Jose Mari
Abacan, program manager ng GMA 7, “For a TV station, rating is eveything!”
At dahil Filipino ang wika ng masa, at ang masang Pilipinong manonood ang
nagpapataas ng reyting ng anumang palabas sa TV, nagkakaroon ng
kapangyarihan ang manonood na masang Pilipino upang gamitin ng TV ang
wikang higit na ginagamit at naiintindihan nila.

Ang pagsasalin sa wikang Filipino ng mga panooring dayuhan, tulad ng


anime ay hindi lamang pagsasakatutubo kundi pagbuwag din ng walang
kapangyarihang wika ng masa sa makapangyarihang wika ng nasa poder.

Ang mga anime na ito, bilang produktong global ng Japan na


ibinebenta sa iba’t ibang panig ng mundo, sa pamamagitan ng TV gamit ang
proseso ng dubbing, sa bisa at kapangyarihan ng wikang Ingles na wikang global
ng mga Amerikano ay nawalan ng kapangyarihan nang pumasok ito sa
Philippine TV.

Ang tinamong tagumpay ng bawat panooring anime sa Pilipinas ay

11
bunga ng pagda-dub nito sa wikang higit na naiintindihan ng marami, ang wikang
wala sa kapangyarihan ngunit nagiging mabisang midyum sa pagpapataas ng
reyting ng isang istasyon sa telebisyon. Binubuwag ng wikang Filipino, na
wika ng masa, ang kapangyarihang taglay ng wikang Ingles sa
pamamagitan ng dubbing. Sa Pilipinas, malinaw ang kapangyarihan taglay ng
Filipino sa Philippine TV. Malinaw ang taglay na kapangyarihan ng masa na
gamitin ang kanilang wika, ang wikang Filipino, at sa paraang ito’y
napapaimbabawan ang makapangyarihang wikang Ingles kapag ang isang
panooring dayuhan tulad ng anime bilang komoditi ay ibinebenta na sa
Pilipinong manonood bilang mga mamimili. Sa ibang bansa, sapat na ang
subtitling upang maibenta ang anime bilang panoorin. Subalit sa Pilipinas,
upang maging mabenta ang isang palabas ay kailangang isalin ito sa Filipino
sapagkat tumataas ang reyting ng alinmang TV network kung wikang Filipino ang
ginagamit. Sa pagsasalin ng anime sa wikang Filipino sa pamamagitan ng
dubbing, pumapasok pa rin ang pagpapahalaga sa sariling kultura sapagkat
magkakambal ang wika at kultura. Mangyari pa, ang wikang Filipino ay
kakambal ng kulturang Pilipino. Ganito ang taglay na kapangyarihan ng wikang
Filipino.

May malawak na kapangyarihang taglay ang Japanimation sapagkat


nagawa nitong pasukin ang apat na sulok ng mundo upang maibenta ang
produktong anime. May malawak ding taglay na kapangyarihan ang
Amerikanisasyon dahil sa wikang Ingles na ginagamit sa dubbing at subtitling ng
produktong anime. Ang konseptong ito ng Japanimation at Amerikanisasyon
ay bunga ng ideyang hatid ng globalisasyon. Gayunpaman, sa pagpapasok ng
anime sa Pilipinas at sa pagda- dub ng panooring ito sa wikang Filipino,
nabubuwag ng wika ng masa (Filipino) ang wikang global at wika ng
kapangyarihan (Ingles).

SANGGUNIAN

Ahn, Jiwon. “Animated Subjects: On the Circulation of Japanese Animation


as Global Cultural Products.” 2003.
<http://www.umanitoba.ca/faculties/arts/English/
media/workshop/papers/ahn_paper.pdf>
Cirulnick, Bryan. History of Anime: Osamu Tezuka. 2003.
<http://www.tapanime.com/info/ history.html>
Kinsella, Sharon. Universal Orientalism for Future Global Citizens?
1999. <http:// www.animeresearch.com>
Lent, John A. Animation in Asia: Appropriation, Reinterpretation, and
Adoption or Adaptation. 2000.<http://www.latrobe.edu.au/
screeningthepast/firstrelease/fr1100/jlfr11c.rtf>
Lewis, Dana. Night of the Otaku! or Can Anime Conquer the World? 2002.
<http:// www.animeresearch.com>
Lumbera, Bienvenido. Ang Wikang Filipino at Ang Banta ng Globalisasyon.
Binasang Papel sa Pambansang Seminar Workshap 2003 sa Taguyod
ng Departamento ng Filipino, Pamantasang De La Salle–Maynila.
Hotel Ivory, Tuguegarao, Cagayan, 2003.
MMX. The History of Anime in the Philippines. 2000.
<http://www.geocities.com/naivegirlat20/ info4.htm>
Patten, Fred. A Capsule History of Anime. 2003.
<http://www.awn.com/mag/issue1.5/articles/ patten1.5.html>
Ueno, Toshiya. Japanimation and Techno- Orientalism. 2003.
<http://www.t0.or.at/ueno/ japan.htm>

13

You might also like