You are on page 1of 7

TAHANAN NG ISANG SUGAROL

Akdang: Malay

Teorya: Imahismo

Genre: Maikling kwento

Salin ni Rustica Carpio

Ang maputing ulap sa maaliwalas na langit ay matingkad na nakukulayan,


parang bahaghari. Mabilis na papunta sa kanluran ang lumulubog na araw.

Dahil tapos nang magalaba, mabagal na tumayo si Lian-chiao sa tabi ng balon. Sandali
siyang napapikit nang maramdamang tila may mga bituing lumilipad sa harap niya, gustong
mawala ang mga bituing nakahihilo. Si Siao-lan, ang anak niyang babae na tatlong taong
gulang ay hubad na nakaupo sa tabi ng palanggana at naglalaro ng tubig.

“Inay, tapos na po ba kayong maglaba? Ako na ang magsasampay.” Si Ah Yue iyon na


mas matanda kay Siao-lan ng mga tatlo o apat na taon. Nagdidilig siya ng mga gulay na Chai-
sim sa kabilang gilid. Nang makitang tapos nang maglaba ang ina, mabilis siyang tumakbo
para kunin ang mga labada at isampay sa alambreng nakatali sa dalawang poste sa loob ng
kubong walang dingding.

Hindi sinagot ni Lian-chiao si Ah Yue. Tumango lamang siya, nakatayo pa rin at


nakapikit—nagpipilit na mabawi ang lakas. Payat siya at maliit, mga biente-singko anyos, at
nakasuot ng kupas na asul na sam-fu. Medyo nakangiwi ang kanyang mga labi. May pangit at
nangingitim na bukol sa kanyang noo. Halatang napalo siya ng isang matigas na bagay
kamakailan lamang. Malaki ang kanyang tiyan. Madaling mapansing nagdadalantao siya at
malapit nang manganak.

Nang dumilat si Lian-chiao, nakatayo na si Ah Yue sa isang bangkito at isa-isang


isinampay ang mga damit sa alambre. Dahil mataas ang alambre, kailangang tumingkayad
siya at tumingala. Habang minamasdan ang maliit na katawan niyon at ang alanganing paraan
ng pagsasmpay ng mga damit sa alambre, biglang nahabag si Lian-chiao. Mahina niyang
sinabi, “Ah Yue, mag-ingat ka. Baka ka mahulog!”

“Opo!”, sagot ni Ah Yue. Bigla iyong pumihit, nangangambang tumingin at nagtanong,


“Inay, luto nab a ang hapunan? Kung hindi, kagagalitan at bubugbugin na naman tayo ni itay!”

Nakapukaw kay Lian-chiao ang huling sinabi niyon. Bigla siyang kinabahan. Kahit
mayroon pang kaning lamig na natira sa pananghalian, lulutuin pa ang mga gulay. Kapag
walang nakain, pag-uwi ang asawa niyang sugarol, tiyak na may mangyayari. Hindi
sinasadya’y nahipo niya ang namamagang bahagi ng noo. Tuamahip ang kanyang puso.
Nagmamadali siyang naligo sa tabi ng balon at pagkatapos ay tinulungansi Siao-lan sa
paglilinis ng katawan nito. Pinuno niya ang dalawang bald eng tubig at kinarga ang mga ito sa
pingga pauwi.

Ang nakahilis na sinag ng lumulubog na araw ay tumama sa kanyang katawan, sa


malaki at bilog na tiyan, sa dalawang umuugang balde ng tubig sa pingga, sa umiika niyang
paa, at sa hubad na si Siao-lan na naglalakad sa kanyang likuran, palinga-linga.

Pagod na si Lian-chiao sa walang tigil na pagtatrabaho, ngunit hindi siya puwedeng


magbagal ng kilos. Mabilis niyang sinindihan ang apoy sa pugon, hiniwa ang mga gulay,
pinakulo ang tubig, nilinis ang mga kawali at iba pang kasangkapan sa kusina.

Ang pugon ay yari sa luwad at may mga gatla na sa iba’t ibang bahagi. Sa tabi ng
pugon ay may maliit na lalagyan ng panggatong. Wala na iyong laman. Kinakailangang
isantabi muna ni Lian-chiao ang sipit ng kalan para manguha ng panggatong. Tumulong si
Siao-lan at may dalang isa o dalawang piraso tuwing papasok, ikinakalat sa lahat ng lugar.
Abala sa gawain si Lian-chiao.Tinanglawan ng liwanag na namumula sa apoy ang mga
guhit ng pagod at puyat sa kanyang mukha. Walang makasisisi sa kanya. Mula alas-sais ng
umaga, nang bumangon siya para maghanda ng almusal, hindi na siya natigil sa paggawa
hanggang ngayon maliban sa sandaling pahinga noong tanghalian. Noong umaga’y nanguha
siya ng mga punla ng palay at itinanim sa bukid, at noong hapon ay nagsibak siya ng kahoy na
panggatong at namitas ng ta-feng-ho isang damong panggamot nagagamitin niyang
pampaligo pagkapanganak. Malapit nang isilang ang sanggol at hindi maaaring hindi siya
handa. Kung hindi niya ihahanda agad ang mga kailanga, anong mangyayari sa bahay kung
bigla na lang siya ipasok sa ospital? Walang alam ang sugarol niyang asawa kundi humilata sa
kama sa kuta ng opyo at magmadyong araw-araw sa Hsiang Chi Coffee Shop. Kung hindi niya
aasikasuhin ang mga bagay-bagay ngayon, sino ang tutulong sa kanya? Bukod sa gawain sa
bahay, kailangan niyang lagyan ng pataba ang mga gulay at pipino na nakatanim sa gilid ng
kanyang bahay, at bunutin ang ligaw na damo. Kung hindi ay bubugbugin siya ng kangyang
asawa kapag nagging masama ang ani. Masakit pa nga ang kanyang noo dahil sa suntok nito
dalawang araw na ang nakararaan dahil nagkamali siyang sagutin iyon.

“Sssst…” Inilagay niya sa kawali ang mga dahon ng kamote. Ang buong bahay ay
napuno ng bango ng nilulutong gulay.

Nakaupo si Siao-lan sa loobg ng bahay, dinidilaan ang mga labi at tinitignan ang
nakatatandang kapatid na nakatyao pa rin sa kuwadradong bangko sa labas.

Di kaginsa-ginsa’y isang tinig na tila tunog ng basag na kampana na nagbuhat sa labas


ng pinto. “Ah Yue! Hindi ka ba natatakot mahulog diyan? Ang taas ng naaakyat mo, ha? Gusto
mo nab a dalawin ang hari ng kadiliman?”

“Itay… Nagsasampay lang ako…”, kiming sagot ni Ah Yue.

Halos kasimbilis ng kidlat, isang parang-kawayang lalaki ang pumasok sa bahay at


sandaling tumayo, galit. “Lintik! Gabi na’y hindi pa luto ang hapunan. Umalis ka ba para
hanapin ang kalaguyo mo?”

“Sandali na lang…maluluto na… Ipiprito ko na lang ang inasinang isda. Pagkatapos…


pagkatapos ay puwede na tayong… maghapunan.” Walang lakas ng loob si Lian-chiao na
tumingala man lamang. Inilagay niya sa isang plato ang pinipritong talbos ng kamote at
naglagay pa ng ilang patak ng langis sa kawali. Bahagyang nanginginig ang kanyang mga
kamay habang hinuhugasan ang inasinang isda. Hindi siya naglakas-loob na tumutol sa ingay
ng kanyang asawa.

Si Li Hua, ang asawa ni Lian-chiao, ay larawan ng isang tunay na manghihithit ng


opyo:payat at matangkad, may maiitim na ngipin at namumulang mga mata. Matapos
nakapamaywang na sinigawan ang bawat isa, nagsimula siyang maghubad, at marahas na
nagtanong, “Handan a ba ang tubig na pampaligo?”

“Ihahanda ko na ang tubig,ihahanda ko na…”

Mabilis niyang itinabi ang siyansi, ibinuhos ang isang kaldero ng kumukulong tubig sa
isang balde na kauuwi lamang niya. Pagkatapos ay binuhat iyon nang dalawang kamay sa
luma at sira-sirang banyo. Yukung-yuko siya dahil sa bigat ng tubig. Umaalog ang malaki
niyang tiyan, at nakangiwi ang maputlang mukha, nagpapakita ng hirap at marahil ay kawang-
pag-sa.

Sumagitsit sa kawali ang inasinang isda dahil sa init ng mantika.

“Masusunog na ang inasinang isda. Hindi mo ba naaamoy? Napakabagal mong kumilos.


Wala kanga lam kundi kumain!” Walang tigil sa pagmumura sa asawa si Li Hua habang ang
babae’y papunta sa banyo.

Nagtago sa isang sulok ng bahay ang dalawang bata, nanginginig sa takot. Hindi sila
nagkalakas-loob na magsalita. Kabisado na nila ang nangyayari, baka natalo na naman sa
sugal si Li Hua.
Pagkatapos kumain at habang pinupunasan ang nagmamantikang nguso, kinuha ni Li
Hua ang lalagyan ng tsa. Humigop siya ng kaunting tsa at pagkatapos ay, “Pwe!”, lumura sa
lupa. Niligis ng kanan niyang paa ang malapot na laway sa sahig.

Inaakalang aalis na naman ang lalaki, mabilis na ibinaba ni Lian-chiao, na kumakain pa,
ang mangkok at chopsticks, at nagkakandautal na, “Ama ni Ah Yue, aalis ka na naman?
Ako’y…”

“Ano? Hindi ako aalis!” Napakalakas ng boses ni Li hua. “Natalo ako ng biente dolyar
ngayong hapon sa Hsiang Chi Coffee Shop. Bakit hindi ako babalik para makabawi ang natalo
sa akin? Pag hindi ako nanalo ngayong gabi hindi ko na tatawagin ang sarili kong eksperto sa
madyong!”

“Puwede bigyan mo ako ng ilang dolyar? Nag-order ako ng dalawampung itlog kay
Ying… Malapit na akong manganak. Kailangang bumili ako ng ilang itlog para lutuin sa luya at
alak.” Minasdan ni Lian-chiao ang malaki niyang tiyan. Masyadong mahina at mababa ang
kanyang boses.

Nang marinig na kailangan niya ng pera, biglang nagtaas ng kilay si Li Hua. Lalong
pumula ang mga mata niyang dati nang namumula. Ibinuka niya ang bibig, ipinakikita ang
dalawang hanay ng bungi-bungi at maiitim na ngipin. “Hindi! Hindi! Sinong may sabi sa iyong
bumili ka ng masarap ba pagkain kung wala kang pera? Kung kaya mong mag-order, bakit
hindi mo kayang magbayad?”

Lumura na naman sa sahig ang lalaki at dinilaan and nguso. Humakbang ang mahahaba
niyang binti at lumabas ang tila-kawayan niyang katawan.

Nakatayo sa gitna ng bahay si Lian-chiao, nakabuka ang medyo laylay na bibig,


natitigilan at hindi makakilos.

Mahangin at maginaw nang gabing iyon. Habang nakahigang walang tinag sa matigas
na higaang kahoy, hindi makatulog si Lian-chiao. Naglalakbay ang kanyang isip. Kahit pago na
pagod siya at mabigat na ang mga mata pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, gising na
gising pa rin ang kanyang isip.

Ang mga lumipas na pangyayari ay parang ulap sa bundok na mabagal na


pumapailanglang sa lambak, naaanod, naaanod—kasinggaan ng usok. Sa lahat ng mga taong
patay na o buhay pa, ang larawan ng kanyang ina ang namumukod na lumalantad. Sa
kagustuhang magkaapo kaagad, pinag-asawa nito ang tila bulaklak na anak niya—si Lian-
Chiao na kinse anyos pa lamang noon. At ang masama pa, sa kasabikang magkaroon ng
mainam na buhay pagtanda niya, at laban sa payo ng mga kamag-anak at kaibigan nila, pinili
niya para maging manugang si Li Hua, na anak ng noo’y isang mayamang negosyante. Lahat
ng kanyang pag-asa ay nabigo. Isang taon pagkaraang makasal si Lian-chiao at lumipat ng
bahay, ang ina’y namatay sa kanser sa dibdib. Paano niya malalaman na dahil sa
ipinagkasundong kasal, mawawala sa kanyang anak ang katahimikan at kaligayahan sa buong
buhay nito?

Nagbuntung-hininga nang malalim si Lian-chiao. Nanlabo ang kanyang mga mata dahil
sa luhang napigil ang pagpatak. Ngayon, ang taong lumilitaw sa isip niya ay ang kanyang
asawa, ang walang silbi at tila kawayang siLi Hua. Winaldas niyang lahat ang manang iniwan
ng ama niya. Marami siyang bisyo: pagsusugal, paglalasing, paghithit ng opyo, pagpunta sa
bahay-aliwan…eksperto siya sa lahat ng ito. Ang pinakamalakas na dagok kay Lian-chiao ay
ang pagkamapamahiin ni Li Hua. Naniniwala ito sa manghuhulang nagsabi na pulos babae ang
isisilang ni Lian-chiao at hindi ito kailanman maghahatid sa kanya ng yaman o suwerte. Sa
madaling sabi, si Lian-chiao ang pinanggagalingan ng kasawiang-palad. Dahil dito,
napakasama ng pakikitungo niya kay Lian-chiao.

Walang magawa si Lian-chiao kundi tahimik na pagtiisan ang hindi makatwiran at kung
minsan ay malupit na pakikitungo nito sa kanya. Kung nagkaroon siya ng lakas ng loob na
magmaktol at mangatwiran, mandidilat agad iyon, at luluraan sa mukha mismo, humihiyaw,
“Ikaw ang sumpa ng pamilya! Sinong may sabi sa iyong magpakasal ka sa akin? Luka-luka!
Kung gusto mong lumayaw, puwede ka nang lumayaw ngayon din. Alis! Alis! Sinong pumipigil
sa iyo?...”

Tumulo sa pisngi ang luha ni Lian-chiao. Dahan dahan siyang bumaling.

Nasipa na nina Ah Yue at Siao-lan ang kumot. Mahimbing na natutulog ang dalawa,
magkayakap. Kinuha ni Lian-chiao ang kumot at itinakip sa kanila. Pumikit siya ngunit hindi pa
rin makatulog. Nag-aalala siya. Malapit na siyang manganak. Makukunan kaya siya? Mahirap
sabihin. Sa kabila ng kanyang pagbubuntis, kailangan niyang magbuhat ng mabibigat na
bagay—kasimbigat ng animnapu o pitumpung katies araw-araw. Mga ilang araw pa lang ang
nakararaan ay bumagsak siya habang nagsisibak ng kahoy na panggatong. Sino ang
gagarantiyang hindi naapektuhan ang bata sa loob ng kanyang tiyan? Halimbawang malaglag
ang bata, at mamatay siya, sino ang humahalinghing, “Ang tiyan ko…masakit…dalhin agad…
dalhin ninyo ako sa ospital…”

“Ano? Ngayon na? Mananalo ako sa larong ito. Sandali. Pung! Ang galing! Ang gandang
pitsa ito. Ito talaga ang kailangan ko. Ha, ha! Quadruple! Unang apat, pangalawang apt…isang
libo dalawang daan at walumpu at dalawang libo limang daan at animnapu!”

Malaki and panalong iyon. Nagsimula siya sa ilang chips lamang ngunit ngayon ay isang
bunton na ang nasa harap niya. Tuwang tuwa si Li Hua at hindi niya mapigil ang kakatawa,
maluwang na maluwang ang nangingitim na bibig. Habang sinasamsam at inaayos ang mga
chips, ngumiti siya sa taong nakaupo sa harap niya. “Ha, ha, Lumpong Chun! Napakagaling
nitong siyamnapung libong galing sa iyo! Napakagaling! Ha, ha…”

“Ai-yo…yo…”

“Hoy lumakad ka na. Manganganak na ang misis mo!, may humimok kay Li Hua.

Walang magawa si Li Hua kundi hilingin sa isang miron na maglaro para sa kanya. Galit
na tinignan niya si Lian-chiao at nag-aatubiling tumayo. Pumayag ang maybahay ng towkay na
ipaarkila sa kanya and Morris Minor nito sa dalawang dolyar bawat oras, at dodoblehin sa gabi.

Tinulungan ng maybahay si Lian-chiao na makasakay sa kotse. Si Li Hua, na umuungol


pa ay nagpunta sa kasilyas sa likod ng kapihan.

Bagamat hindi na gaanong humihilab ang tiyan niya,balisa si Lian-chiao. Bigla siyang
nakakita ng ilaw ma mabilis na papalapit sa dako nila. Bahagyang kumislap ang munting ilaw,
dahil marahil sa hangin. Habang papalapit iyon ay nakita niya si Ah Yueng pangku-pangko ang
nakababatang kapatid. Kapwa sila umiiyak at namumula na ang kanilang mga mata.

“Ah Yue, Ah Yue! Bakit dinala mo rito ang kapatid mo? Sisipunin kayo!” Lumabas sa
kotse si Lian-chiao, nilapitan ang maliliit na batang babae, hindi malaman kung ano ang
gagawin.

Humagulgol ng iyak si Siao-lan… Kaagad siyang inaliw ni Lian-chiao.

Habang pinapahiran ang luha a ilong, marahang nagssaita si Ah Yue, “Nagising ako sa
iyak ni Siao-lan. Hinahanap niya ang nanay. Hindi ko Makita si nanay sa bahay. Naisip kong
baka narito kayo, kaya dinala ko siya dito…”

Nang malaman ni Ah Yuen a papunta sa ospital ang kanyang ina, kumbot ng kaunti ang
ilong nya at ang bibig niya ay lumaylay sa mga sulok. Luhaan ang mga mata niya.

“Kokak,kokak…”Umiiyak ang mga palaka sa mga pilapil sa gawing kaliwa ng maliit na


kalsada. Binasag ng malungkot nilang pagkokak ang katahimikan ng gabi.

Muling bumugso ang hangin. Tuluyan nang namatay ang ilaw sa gasera. Si Lian-chiao at
ang lahat ng bagay sa kanyang paligid ay dagling nakulong sa kadiliman. Hindi siya
makasulong at hindi din siya makaurong ilang sandal siya tumayo roon, walang tinag at hindi
malaman ang gagawin. Parang hinihiwa ng isang matalim na kutsilyo ang tiyan niya.
Natutuliro siya at nahihilo. ”Kras.” Nalaglag ang gasera mula sa nanginginig niyang mga
daliri,nagkapira-piraso. Hindi na maisip ni Lian-chiao kung ano ang nangyayari. Sinapo niya ng
dalawang kamay ang kanyang ulo, nagpupumilit na manatili siyang nakatayo.

Pagkalipas ng ilang sandali, medyo nanumbalik ang lakas ni Lian-chiao at unti-unting


nasanay ang mga mata niya sa dilim. Lumakad siyang muli, mabagal, hindi matatag. Kung
ilang beses na halos madapa siya dahil sa madulas na kalsada. Madalas siyang huminto dahil
sa sumusumpong na sakit. Tatayo siya, yuyuko ng mababa hanggang ang sakit ay humupa…
ngunit ilang sandal lamang.

Narating din sa wakas ni Lian-chiao ang Hsiang Chi Coffee Shop. Napakaliwanag s loob
at maingay: ang kalantog ng mga pitsa ng madyong sa mesa, ang maingay na boses ng mga
sugarol, umuungol o tumatawa…

Nanghihinang itinaas ni Lian-chiao ang kaliwang kamay at kumatok sa pinto.

Marahil ay buhos na buhos ang mga isip ng tao sa pagsusugal, o baka naman
napakahina ng katok niya. Walang lumapit para buksan ang pinto. Hindi na matiis ni Lian-
chiao ang sakit, at kumatok uli siya ng buong lakas.

Isang matabang babae ang nagbukas ng pinto. Iyon ang maybahay ng may-ari ng
kapihan. Si Lian-chiao na nakasandal ng mabuti sa pinto ay bumagsak sa loob.

Noon una ay nagulat ang matabang babae sa pagpasok niya. Ngunit nang matanto niya
kung sino ang babae, maliksi niya itong tinulungan at inakay papasok.

Si Li Hua, na dadampot na lamang ng pitsa ay namangha rin s pagdating ni Lian-chiao.


Ngunit nakapagpigil siya at mabagsik na nagtanong, “Anong nangyari? Bakit gabing-gabi na
ay narito ka pa? Pung! Teka, teka! Red Center ba ‘yon? Ha! Maganda!” Magaganda ang pitsa
niya at medyo ninenerbyos siya, matamang nakatingin sa mesa.

Tinulungan ng maybahay ng towkay si Lian-chiao na maupo sa silyang rattan. Sapo ng


dalawang kamay ni Lian-chiao ang kanyang tiyan, “Ah Yue, huwag kang umiyak. Mabait ka di
ba? Alagaan mong mabuti and kapatid mo. Uuwi ang nanay pagkaraan ng dalawa o tatlong
araw. Pagkahatid sa akin sa ospital, uuwi ang tatay ninyo…” Habang inaaliw si Ah Yue,
napaiyak na rin si Lian-chiao. Hindi niyang makayang isipin na aalis siya ng mga ilang araw,
iiwan ang dalawang munting bata sa bahay na walang mag-aalaga sa kanila.

Ibinaba ni Ah Yue ang nakababatang kapatid at sa pagitan ng mga hikbi, “Inay,


dadalawin ko kayo bukas, kasama ang kapatid ko. Sasabihin ko kay Itay na isama kami roon.
May isa pang dolyar sa aking lata ng sigarilyo. Dadalhin ko iyon para magamit mo muna…”

Magiliw na hinawakan ni Lian-chiao ang munting ulo ng anak. Hindi siya makapagsalita
dahil sa pag-aalala.

Lumabas si Li Hua. Kinagalitan ang dalawang bata gaya ng dati. Pagkatapos ay


pumasok sa kotse, binuhay ang makina at pinatakbo.

Patuloy ang madyong sa Hsiang Chi. Ang gabi ay ginulo ng mga tunog ng pitsa, “Khe-
ta… khe-ta…” at paminsan minsan ng malakas na pung!

Malamig na kumislap ang mga bituin sa langit. Malakas ang ihip ng hangin. Isang
munting ilaw ang mabagal na kumikilos sa daan. Si Ah Yue, pangko sa likod ang umiiyak at
inaantok na kapatid, mabagal at atubiling naglalakad patungo sa kanilang luma at hungkag na
bahay…
ANG AMA

Salin ni Mauro R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang
takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang
araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa’y inuuwi ng ama – malaking supot ng
mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng
ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo
sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng
kaniya-kaniyang parte ang lahat – kahit ito’y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga
pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa
maliliit.

Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang
babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat
ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na
nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay
maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.

Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng
kaluwagang-palad nito – sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit
guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila’y
masayang nakiupo sa kanila’t kumain ng kaunti.

Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo’y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama;
ang katunaya’y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at
nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo’y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi
ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga
daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga
bata’y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking
kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng
kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan
ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya’t mahihiya itong lumabas upang maglaba sa
malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa
kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na
pag-ungol mula sa kanilang ama at sila’y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.

Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong
ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila’y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na
parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib
sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit
siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at
matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay,
namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa
kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman
siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa
mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay
parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito’y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi
pa iyon huminto, ito’y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay
haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang
kabuwisitan.

Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang
trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng
dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng
ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito
nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang
gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.

Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak
habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo
doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang
makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay
dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong
inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang
balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang
matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di’y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng
kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay,
kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang
makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa
pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo’y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na
ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa
sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya’t madalamhati siyang
nagtatawag, “Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!” Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng
gulod – payat, maputla, at napakaliit – at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno
niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-
bahay, na ang iba’y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, “Maaring lasenggo nga siya
at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata”.

Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang
naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng
kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya
ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang
pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila.
Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang
muli ang mga bote ng beer.

Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit
na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita,
pero iyon ba’y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang
kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng
pinakamatandang lalaki’y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho
Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, ‘yong katulad ng minsa’y ibinigay
nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay
nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya’t
nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang
lumabas ito ng kanyang kwarto.

Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating


ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman.
Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang
yaman na wari’y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila
maririnig ng ama. “Tingnan natin kung saan siya pupunta.” Nagpumilit na sumama ang kambal at ang
apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at
sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo’y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila
napuna.

Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang


hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang
pahikbing nagsalita, “Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga
ito. Sana’y tanggapin mo.” Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa
pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay
nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa
katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay
dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas
nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.

You might also like