Duke Briseo
Florante
Floresca
Narrator
Narrator: Magandang araw sa inyong lahat, Ang kuwento natin ngayon ay tungkol sa pakikibaka at
pagmamahalan noong panahon ng digmaan sa pagitan ng mga Kristiyanong Albaniano at mga Moro.
Sana’y may matututuhan kayo sa kuwentong ito… Pasukin na natin ang mundo ng Florante at Laura.
Unang Kabanata: ANG KABATAAN NI FLORANTE.
Scene 1: Albanya Kingdom
Narrator: Noong unang panahon, sa malayong kaharian ng Albanya, may isang makisig at matapang na
binatang nagngangalang si Florante.
Si Florante ay bugtong na anak nina Prinsesa Floresca at Duke Briseo.
Scene 2: Albanya Throne Room
Narrator: Ang butihing Prinsesa ay anak ng hari ng Krotona at ang mabait na duke ay siyang salamin sa
karunungan sa buong Albanya. Siya ang kasangguni ng hari sa loob ng reyno at siya ay bantog sa
katapangan at walang pangalawa sa kabutihang magpasunod sa anak. Kaya't ang kabataan ni Florante ay
kawangis ng isang malusog na halamang inalagaan sa dilig ng tubig at sikat ng araw.
Scene 3: Labas na Bedroom
Narrator: Ayon kay Prinsesa Floresca, nang sanggol pa lamang si Florante at samantalang sila ay nasa
labas ng siyudad ay may isang malaking ibong buwitre ang biglang dinagit ang bata. Nagpagibik ang
Prinsesa at sa kasisigaw ay dumating si Menalipo at maliksing pinana ang masakim na ibon na noon din
ay namatay.
Scene 4: Acting (Labas na Bedroom)
Florante: Buong kamusmusa'y di na sasalit-in, walang may halagang nangyari sa akin, kundi nang sanggol
pa'y kusang daragitin ng isang buwitreng ibong sadyang sakim.
Florante: Ang sabi ni ina ako'y natutulog sa bahay sa kintang malapit sa bundok at pumasok na lamang
ang ibong pang amoy ay abot hanggang tatlong legwas sa patay na hayop.
Florante: Sa sinigaw-sigaw ng ina kong mutya nasok ang pinsan kong sa Epiro mula, ngala'y Menandro,
may taglay na pana tinudia ang ibo't namatay na bigla.
Scene 5: Hallway
Narrator: Sinabi pa rin na nang nakalalakad-lakad na si Florante at habang nasa bulwagan ng bahay sa
labas din ng bayan ay isa namang arkon ang pumasok na lamang at si nambilat sa dibdib ng bata ang
isang kupidong diyamante.
Scene 6: Forest
Narrator: At nang si Florante ay tumuntong sa ikasiyam na taong gulang ang naging aliwan ay mamana
ng mga ibon sa labas ng burol. Sa kanyang balikat ay nakasakbat ang palaso, samantalang ang busog ay
kalong niya. Kasama sa pag-aaliw ang maraming kababata na siya ang kinikilalang patnubay.
Nahahalughog nila ang mga tabi ng gubat sa paglilibot magbuhat sa pagsasabog ng buhok na ginto ng
araw hanggang sa katanghalian. Sinasagap nila ang malaya at malinis na hangin at sinasamyo ang isina-
sabog na bango ng mga bulaklak.
Scene 7: Acting (Gubat)
Florante: “Sa tuwing umagang bagong naglalatag ang anak ng Araw ng masayang sinag, naglilibang ako
sa tabi ng gubat, madla ang kaabay na mga alagad.”
Florante: “Hanggang sa tingalain ng sandaigdigan. Ang mukha ni Pebong hindi matitigan, ay sinasagap ko
ang kaligayahan handog niyong hindi maramot na parang.”
Florante: "Aking tinitipon ang ikinakalat na masayang bango ng mga bulaklak, inaaglahi ko ang laruang
palad mahinhing amiha't ibong lumilipad."
Narrator: Sa kanyang ginala-gala at lininga-linga, si Florante, kapag nakakita ng ibon, ay maliksing ibibinit
ang pana at busog at sa ganyan ay walang-sala namang natutuhog ang maliliit na buhay sa kaparangan.
Ang kanyang mga kasama ay mag-uupahan naman sa pagdampot ng mga pinana. Ang mga siit at dawag
ay hindi nila pinapansin kahit na magkasabit-sabit ang kanilang mga damit at masugatan ang balat. Ang
hiyawan at katuwaan ay gayon na lamang kung nasusumpungan ang nalaglag na ibon. Ang kanilang
masayang tinig ay umaalingawngaw sa buong kaparangan.
Florante: "Kung ako'y mayroong matanaw na hayop sa tinitingalang malapit na bundok biglang ibibinit
ang pana sa busog, sa minsang tudla ko'y pilit matutuhog. "Tamang samang lingkod ay nagagawan,
unang nakadampot ng aking mapatay. Ang tinik sa dawag ay di dinaramdam palibhasa'y tuwa ang
nakakaakbay."
Scene 7: River
Narrator: At kung nagsasawa na sila sa pamamana ay nagsisiupo naman sa mga gilid ng batis at
nananalamin sa tila kristal na tubig. Sinasagap ni Florante ang lamig na inihahandog nito, nakikinig sa
matatamis na awit ng masasayang nimpa na ang tinig ay kawili-wiling pakinggan. Pati na ang mga ibong
nagliliparan ay nahihikayat na dumapo sa malalagong sanga ng mga punungkahoy na nangakayungyong
sa batisan upang makinig din sa awit na tila ipinaiilanlang ng mga serapines mula sa mataas na
kalawakan.
Scene 8: Balcony type
Narrator: Gayon man, si Florante ay nagising sa magagandang turo at pangaral ng ama. Ang murang
isipa'y nahubog sa mahuhusay na halimbawa ng duke at ng mapagmahal na ina.
Duke Briseo: "Florante."
Narrator: Ang minsan ay nawika ng kanyang ama.
Duke Briseo: "Ang mga araw ay nalalapit na upang ikaw ay tumuklas ng mga butil na ginto ng
karunungan. Ikaw ay nasa panahon nang dapat mabihisan ang iyong diwa't isip ng karunungan sa buhay.
Kung baga sa halaman ay nalalapit na ang iyong mabulaklak na pagsibol upang sa sadyang panahon ay
magbunga na pakikinabangan ng iyong sarili, ng iyong mga magulang at ng buong bayan ng Albanya."
Florante: Ama kayo po ang masusunod. Ako po'y nakahandang tumalima sa lahat ng iyong minamabuti
para sa akin.
Duke Briseo: "Salamat, anak ko, at nauunawaan mo ang ibig kong sabihin. Kung sa bagay ay mura ka pa
upang ipaliwanag ko sa iyo ang hiwaga ng mundong ito. Bata ka pa upang iparamdam sa iyo ang
pakikibaka sa buhay, ang pakikipagkapwa, ang pakikisama at pakikipamayan."
Florante: "Ama nananabik po ako sa iyong mga sinasabi. Ang dibdib ko ay bukas upang tumanggap ng
iyong mga aral."
Duke Briseo: "Ikaw, anak, ay ipadadala namin sa Atenas, isang siyudad na malaki at malayo sa Albanya.
Ang lunsod na yaon ay batis ng walang hanggang karunungan. Doon pinapanday ang mga panat sa diwa
at doon hinuhubog ang mga kaisipang balang araw ay siyang magiging dakila."
Florante: "Ama, ikinatutuwa ko ang iyong mga sinasabi."
Duke Briseo: "Ang Atenas ay bantog sa mahuhusay na guro. Ang isa sa lalong tanyag ay si Antenor. Siya'y
lahi ni Pitako at isa sa mga marunong sa siyudad ng Gresya at siya ang iyong magiging guro doon."
Florante: "Ama, paano po ang aking ina? Diyata't ako'y mawawalay sa kanya."
Duke Briseo: "Iyan ay isa rin namang suliranin sa loob ng ating tahanan. Isipin lamang ng iyong ina ang
ikaw'y mawalay sa kanyang mga mata, ang malungkot na guniguni'y agad nang nakapananaig."
Florante: "Siya nga po, ama. Ikinalulungkot ko rin naman na mapawalay sa inyo."
Duke Briseo: "Batid ko ang pagmamahal at pagtingin sa iyo ng iyong ina. Ikaw ay bugtong na bugtong sa
amin Florante. Ikaw ay ang kaisa-isang bunga ng aming pag-iibigan. Ikaw ay ang ilaw naming mga
magsisipanghina. Ikaw ang aming pag-asa, aming pag-ibig at ang aming buhay."
Florante: "Salamat, ama ko. Kayong dalawa ni ina rin ang tangi kong liwanag at gabay sa oras ng
kadiliman."
Duke Briseo: "Dahil diyan kung kaya't dapat nating pagtiisan ang lahat. Ang kapangyarihan ng luha ay
dapat nating pawalang kabuluhan dahil kung tayo'y patatangay sa kalungkutang lilikhain ng pagkakalayo
ay hindi mo matatagpuan ang tagumpay, Florante."
Florante: “Opo, naiintindihan ko ama at pangako ko sa inyo ni ina na hinding-hindi ko kayo bibiguin.”
Scene 9: Balcony type
(Ang pag-uusap ng mag-ama ay sandaling natigil nang lumapit sa kanila si Prinsesa Floresca. Naunawaan
agad nito ang paksa ng salitaan sapagka't ang bagay na iyon ay nasabi na sa kanya ng Duke.)
Duke Briseo: "Mabuti at naririto na ang iyong ina,"
Prinsesa Floresca: "Ibig kong tayo'y magkaharap-harap yayamang ito ay suliranin ng buong tahanan.
Marahil ay ukol ito sa pag-aaral ni Florante sa Atenas. Ang bagay na iyan ay totoong napakasakit sa aking
kalooban. Isipin mo na lamang na ang pinakamamahal natin ay malayo sa ating mga mata, kahit sinong
magulang ay lubhang makakaramdam ng matinding sakit at pighati.
(Hindi agad nakapagsalita ang Duke. Isang buntung hiningang malalim ang hinugot sa kanyang dibdib.)
Prinsesa Floresca: "Bakit hindi natin paturuan na lamang sa ibang guro sa loob ng tahanan? Sa ganyan ay
hindi pa mahihiwalay sa ating piling si Florante?"
(Ang mga mata ng Duke ay hindi binabawi sa magagandang bulaklak)
(Nakikita rin niya ang mga paruparong naglipad-lipad na umaaligid sa mga bulaklak)
Duke Briseo: "May katwiran ka, giliw kong Floresca. Subali't ang pag-aaral sa loob ng tahanan ay di-
gaanong mabisa na katulad ng pag-aaral sa paaralan na pinagtitipunan ng karamihan. Dito sa Albanya ay
maaari rin naman siyang makapag-aral, datapwa't isipin mong ang Atenas ay siyang lundo ng matatayog
na karunungan. At hindi ba ang paglalakbay-bayan ay isa na ring karunungan? Ang karanasan sa pagla-
lakbay ay hindi mapapantayan ng karunungang nahahagilap sa mga dahon ng aklat. Kaya't umaasa akong
higit na makabubuti sa ating anak ang siya'y maipadala natin sa Atenas."
Prinsesa Floresca: "Briseo. Hindi nga ako mangyayaring sumalansang sa ikabubuti ni Florante. Siya'y
hinihintay ng isang maningning na kinabukasan at hindi ko hangad na maging sagabal sa kanya kung
kaya't lulunukin ko ang pait na ipaiinom sa akin ng kapalaran alang-alang sa kinabukasan ni Florante at
ng buong Albanya."
(Ang mukha ni Prinsesa Floresca ay biglang sinapot ng kalungkutan.)
Florante: "Ina. Diyata't matitiis kong lumuluha ka? Diyata't maaatim ni ama na ako'y ihiwalay sa iyo?"
Prinsesa Floresca: "Anak,"
Narrator: Ang payo ng Prinsesa na sa mga mata niyang nahihilam sa luha ay nalaglag na ang mga perlas
na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso.
Prinsesa Floresca: "Sundin mo ang iyong ama sapagkat dakila ang kanyang hangarin para sa iyo. Isa pa,
siya ang pangulo ng ating tahanan kung kaya't matuwid na tayo'y tumalima sa kanya."
Florante: "Nguni't. Ina, diyata't tatalikod akong luhaan ka? Diyata't aalis ako na sa iyong dibdib ay
namimiyapis ang kapanglawan?"
Prinsesa Floresca: "Florante,"
(At pinahid ni Prinsesa Floresca ang mga luhang nagpapadilim sa kanyang paningin.)
Prinsesa Floresca: "Tingnan mo ako sa mata, hindi ba’t masaya na ako ngayon. Tingnan mo, wala na ang
mga luhang nagpapaluwag sa aking paghinga."
Florante: "Ina. kaybuti mo sa amin ni Ama. Pinag-aralan mong ngumiti sa kalungkutan upang siya'y
pagbigyan."
Prinsesa Floresca: "Hindi anak ko. Ang buhay ko man ay ihahandog ko kung sa iyong ikadadakila. At saka,
may katwiran ang iyong ama. Ikaw ay nag-iisa naming anak. Ang dugo mo ay dugong mahal. Ang iyong
nuno ay hari sa Krotona. Kailangang tumuklas ka ng karunungan. Marapat lamang na maghanap ka ng
kabantugan.”
Florante: "Ina, totoo ba ang iyong sinasabi?"
Prinsesa Floresca: "Oo, anak"
(At isang masayang ngiti ang pinamilaylay ni Prinsesa Floresca sa kanyang mga labi.)
Prinsesa Floresca: "Nguni't kung malayo ka kaya sa aming piling ay magunita mo pa ang iyong ina?"
Florante: "Bakit naman, Ina? Sa ibabaw ng lahat ay ikaw ang laging mabubuhay sa aking gunita. Naroon
man ako sa kabila ng dagat, kumita man ako ng kahit gaanong kalaking kabantugan, tagumpay o anuman,
ay asahan mo, Ina, na sa aking pagbabalik sa tahanang ito ay ikaw rin ang aking hahanapin at
paghahandugan ng lahat."
Scene 10: Balcony type
Narrator: Hinaplos ng Prinsesa ang malagintong buhok ni Florante.
Prinsesa Floresca: "Florante, pagpalain ka nawa ng Diyos. Sana ay sa pag-aaral mo'y mapanuto ka nawa
at umani ng walang hanggang tagumpay."
Florante: "Salamat, ina ko. Gagawin ko ang lahat alang-alang sa iyo. Magsisikap ako sa pagtuklas ng
karunungan upang ako'y ipagkapuri mo. At ikaw, ang iyong pag-ibig at pag-mamahal ang papatnubayan
ko sa aking paglayo."
Narrator: Niyapos ni Prinsesa Floresca ang anak na noon ay umiiyak na rin at pinupog nang maapoy na
halik ng pagmamahal.
Scene 11: Garden
Narrator: Nang magkahiwalay sila, si Prinsesa Floresca ay nagtuloy sa kanyang silid. Si Florante nama’y
dali-daling nag-pumanaog at hinanap ang kanyang ama sa halamanan. Dinatnan niya itong nakaupo sa
isang luklukan at malungkot na pinanonood ang nag-imbay-imbay na mga bulaklak
Florante: "Ama” (happy way) Narito ka pala."
Duke Briseo: "Oo, anak. Sa mga bulaklak na iyan ay pinalilipas ko ang mga sandali ng kapanglawan.
Nababatid kong nabibiyak ang dibdib ng iyong ina dahil sa iyong pag-alis. Hindi ko siya masisisi. Siya'y
naghirap at nagtiis sa iyo. Mahal ka niya Florante. Isang pagmamahal na walang makaka- tumbas sa
sangkalupaan."
Florante: "Nguni't. Ama, si Ina ay hindi na nalulungkot ngayon. Masaya na siya, oo at nakangiti na siyang
umalis at ako'y pinupog pa ng halik."
Duke Briseo: "A, anak ko." (Ang nakangitig tugon ng ama)
Duke Briseo: "Talagang ganyan ang anyo ng isang ina. Kahit nadudurog sa kalungkutan ay hindi
nakapagpapahalata. Natatalos niyang daramdamin natin kung siya'y maiwan mong may luha sa mata.
Kaybuting ina! Alang-alang sa iyo at sa pagbibigay-loob sa akin ay sasarilinin ang mga kalumbayan."
Florante: "Ama. Kung gayo'y bakit po ako aalis?"
Duke Briseo: "Hindi ka nga dapat umalis nguni't kailangang ikaw ay matuto. Hindi ka nga dapat mawalay
sa aming piling, nguni't kailangang ikaw'y tumuklas ng kabantugan."
Florante: “Gayon ba ama ko?”
Duke Briseo: "Oo, Florante. At hindi mo ba nagugunita ang aking maikling tulang binibigkas sa iyo?
Nalimutan mo na ba ang tulang yaon?"
Florante: "Bakit? hindi naman. Ang totoo'y malimit ko pa ngang bigkasin yaon maging sa gitna ng mga
kaparangan."
Duke Briseo: "Nauunawaan mo na ba ang kahulugan ng tulang yaon?"
Florante: "Hindi gaanong lubos, ama ko. Subali't hindi ba iyon ay mga pangaral ng isang magulang sa
kanyang anak?"
Duke Briseo: "Mabuti't nauunawaan mo pala. Ang tulang yaon ay hindi lamang dapat matanim sa iyong
isip kundi dapat din namang maukit sa kaibuturan ng iyong puso."
Florante: "Bakit ama ko? Ano ba ang tunay na kahulugan niyon?"
Duke Briseo: "Yaon ay mga gintong aral ng isang magulang sa kanyang anak. Kung masusunod mo ang
ibig sabihin niyon ay hindi ka mapapalungi katulad ng ibang mga batang lumalaking mangmang at walang
kabuluhan."
Florante: "Hindi ba ganito ang tulang yaon? Pakinggan mo at aking bibigkasin."
Duke Briseo: "Bigkasin mo anak at nang aking mapakinggan."
(Si Florante ay tumayo sa harap ng kanyang ama at saka binigkas ang mga saknong na malaon na ring
itinuturo sa kanya.)
Florante:
"Pagibig anaki'y aking nakilala, di dapat palakhin ang bata sa saya, at sa katuwaa'y kapag namihasa, kung
lumaki'y walang hihinting ginhawa,
Sapagka't ang mundo'y bayan ng hinagpis mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib. lumaki sa tuwa'y
walang pagtitiis, anong ilalaban sa dahas ng sakit?
Ang taong magawi sa ligaya't aliw, mahina ang puso't lubhang maramdamin, inaakala pa lamang ang
hilahil na daratna'y di na matutuhang bathin.
Para ng halamang lumaki sa tubig, daho'y nalalanta munting di madilig, ikinaluluoy ang sandaling init.
gayon din ang pusong sa tuwa'y maniig.
Munting kahirapa'y mamalakhing dala, dibdib palibhasa'y di gawing magbata. ay bago sa mundo'y
balang kisap-mata, ang tao'y mayroong sukat ipagdusa.
Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad sa bait at muni't sa hatol ay salat; masaklap na bunga ng maling
paglingap, habag ng magulang sa irog na anak.
Sa taguring bunso't likong pagmamahal ang isinasama ng bata'y nunukal ang iba'y marahil sa kapabayaan
ng dapat magturong tamad magulang."
Duke Briseo: "Anak ko, kahanga-hanga ka sa aking mga mata. Nananalig akong ang mga talatang iyan ay
dadalhin mo hanggang sa huling tibok ng iyong buhay."
Florante: "Ama ko."
Florante: "Alang-alang po sa inyo at sa aking ina. Pagmamabutihin ko ang aking pagtuklas ng karunungan
sa Atenas."
Narrator: Ang mag-ama'y magkapiling na umupo sa isang luklukan at habang sinasagap ang malamig na
hangin at minamasdan ang mga sariwang bulaklak ay taimtim na pinakikinggan ang ipinaliwanag ni Duke
Briseo.
Narrator: At diyan po nagtatapos ang unang kabanata ng Florante at Laura.
-THE END -