You are on page 1of 5

ASH WEDNESDAY

UNANG PAGBASA

Joel 2, 12-18

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel

Sinasabi ngayon ng Panginoon:

“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,

kayo’y mag-ayuno, managis at magdalamhati.

Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang.”

Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.

Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,

mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;

laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.

Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.

Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.

Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;

iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,

tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.

Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,

pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.

Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,

manangis kayo’t manalangin nang ganito:

“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.

Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,

‘Nasaan ang inyong Diyos?’”

Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.

Ang Salita ng Diyos


SALMONG TUGUNAN

Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan

kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,

sang-ayon sa iyong kagandahang-loob

mga kasalanan ko’y iyong pawiin,

ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!

Linisin mo sana ang aking karumhan

at ipatawad mo yaring kasalanan!

Poon, iyong kaawaan

kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,

laging nasa isip ko at alaala.

Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,

at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Poon, iyong kaawaan

kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,

bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.

Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;

ang Espiritu mo ang papaghariin.


Poon, iyong kaawaan

kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,

ibalik at ako ay gawin mong tapat.

Turuan mo akong makapagsalita,

at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Poon, iyong kaawaan

kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

IKALAWANG PAGBASA

2 Corinto 5, 20 – 6, 2

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko:
makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na
makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong
sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,

Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!

Ang Salita ng Diyos.


PANALANGIN NG BAYAN

Miyerkules ng Abo

Patnubay sa Misa

Sa pagsisimula natin ng Panahon ng Kuwaresma, alalahanin natin ang ating mga pagkukulang, ang
karahasan ng tukso, at ang pangangailangan natin ng tulong ng Diyos.

Baguhin Mo ang aming puso, O Panginoon!

Nawa’y ang Simbahan ay walang takot na manawagan sa lahat para sa pagbabalik-loob at mag-akay sa
kanila sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, manalangin tayo!

Nawa’y lahat ng ating mga pinuno sa bayan at sa simbahan ay magdulot ng inspirasyon sa pamamagitan
ng kanilang kababaang-loob, kalinisan, at katapatan, manalangin tayo!

Nawa’y lahat ng mga magulang, guro, at katekista ay makapag-punla sa kabataan ng katapatan sa


tungkulin ayon sa motibong matuwid at marangal at hindi para mapuri ng balana, manalangin tayo!

Nawa’y lahat ng nang-aapi sa kapwa sa pamamagitan ng kanilang kapusukan, kasakiman, at kalupitan ay


magtigil na sa kanilang masasamang gawi at matutong gumalang at magmahal sa kanilang kapwa,
manalangin tayo!

Nawa’y lahat tayo’y magsimula sa Kuwaresmang ito tigib ng kababaang-loob, pagsisisi sa ating mga
kasalanan, at kapasiyahang magbagong-buhay, manalangin tayo!

Panginoong Diyos, sa Iyo’y dumudulog kaming nagsisisi sa aming mga kasalanan at tapat na
naghahangad ng pagbabago sa puso at isipan. Nawa ang aming buhay ay tuwinang maging pagbibigay-
puri sa Iyo. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

You might also like