You are on page 1of 13

MODYUL SA FILIPINO 1

RETORIKA: MASINING NA PAGPAPAHAYAG


(Modyul 4)

Raquel R. Alaman, PhD


Asst. Prof. 4

PAMANTASAN NG SILANGANING PILIPINAS


Pamantasang Bayan, Hilagang Samar
Linggo Pagkilala sa Parirala at Sugnay, Mga Uri ng Parirala at Sugnay,
8-9 Pangungusap na di-ganap at Ganap

Binabati kita sapagkat maluwalhati mong natapos ang nakaraang modyul. Ngayon
naman, panibagong modyul ang iyong haharapin na siyang gagabay sa iyong
pagkatuto. Makababasa ka ng mga tekstong hahamon sa iyong kakayahang mag-isip
at magsuri kasama rin dito ang pag-unawa sa kahulugan ng parirala at sugnay, ang
mga uri ng parirala at sugnay, ang pagkakaiba ng pangungusap na di-ganap at ganap
uri ng pangungusap ayon sa gamit at ang kayarian ng pangungusap. Huwag kang
mabahala sapagkat ang modyul na ito ay sadyang inihanda para sa iyong pagkatuto
kaya simulan mo na!

Ano ang matututunan mo?

Game ka na ba?
Magkasama na naman tayo sa modyul na ito!
Pumalakpak ka muna ng 3 beses bago magsimula.
Ngayon ay handa ka na sa mga bagong aralin. Sa
modyul na ito inaasahang:
1. Mabatid ang kahulugan ng parirala at sugnay.
2. Matukoy ang mga uri ng parirala at sugnay.
3. Mabatid ang pagkakaiba ng pangungusap na
di-ganap at ganap.
4. Mailahad at masuri ang gamit at kayarian ng
pangungusap
5. Mapahalagahan ang gamit ng parirala at
sugnay bilang bahagi ng pangungusap.
Ngunit bago mo simulan ang mga gawain sa modyul na ito, gusto ko munang alamin
ang iyong kaalaman sa pamamagitan ng pang-unang pagsusulit. Huwag kang mag-
alala kung mababa man ang iyong makuha. Ang layunin ko lamang ay masukat ang
iyong kaalaman sa mga araling iyong kakaharapin sa modyul na ito. Kaya’t maging
matapat ka sana sa iyong pagsagot.
Maaari ka nang magsimula.

A. Suriin ang mga sumusunod na pahayag. Isulat ang P kung ito ay parirala, S kung
sugnay, PG kung pangungusap na ganap at PDG kung pangungusap na di-ganap.
____1. Noong nakaraang taon
____2. Kumusta?
____3. Bagong taon na!
____4. Bumabagyo.
____5. Upang lumigaya ka
____6. Palibhasa anak siya ng Pangulo.
____7. Sasama ka ba?
____8. Ilan?
____9. Maligayang kaarawan!
____10. Mga gulay at prutas
____11. Bumili ako ng prutas at gulay.
____12. May naghahanap sa iyo.
____13. Diyos ko!
____14. Sagana sa bitamina
____15. Maraming halaman

B. Sabihin kung payak, tambalan, hugnayan o langkapan ang mga sumusunod


na pangungusap.

______________1. Magmahalan at magbigayan tayo.


______________2. Palaging binabaha ang Catubig at Catarman, Hilagang Samar.
______________3. Bumili siya ng damit, sapatos at pampaganda.
______________4. Ang aso ay tumatahol; ang pusa ay nanghuhuli ng daga.
______________5. Ikaw at ako ay magbabasa ng modyul sa Filipino.
______________6. Ang saging ay masustansya at ito ay napakamura.
______________7. Nang ako’y sumigaw siya ay biglang naglaho.
______________8. Nahulog siya dahil sa sobrang pagmamadali.
______________9. Ang mga aklat at panulat ay inilagay niya sa kahon.
______________10. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
ARALIN 1 Kahulugan at Kaalaman sa Parirala at Sugnay
Uri ng Parirala at Uri ng Sugnay
ARALIN 1
Parirala- Lipon ng mga salita na walang paksa at panaguri subalit nagagamit na
mahalagang bahagi ng isang pangungusap.
Halimbawa: magagandang tanawin
maraming pagkain
sariwang hangin
batang mabait
ulyaning matanda
tungkol sa Covid-19
para sa magpapabakuna
sa silong ng bahay

Uri ng Parirala

1. Pariralang Pang-ukol – pinangungunahan ng mga pang-ukol na sa, ng, para sa,


para kay, tungkol sa at iba pa.
Halimbawa: sa pook
para sa batas
para kay Laura
ng Maynila
2. Pariralang Pawatas- binubuo ng pawatas ng pandiwa at layon nito.
Halimbawa: maghabol sa bata
manghuli ng isda
umiwas sa sakit
◄Ang pawatas ay binubuo ng salitang-ugat at ng panlapi. Halimbawa: ang
pawatas na umawit ay binubuo ng salitang-ugat na awit at panlaping um, at ang
pawatas na magluto ay binubuo ng salitang-ugat na luto at panlaping mag. Ang
mga ito ay walang panahunan.

Ang mga halimbawa ng anyong pawatas ay ang mga sumusunod:


umarte itapon
maglaba tawagin
manggupit

3. Pariralang Pandiwa – binubuo ng pandiwa at ng layon (ang bagay na isinasaad


ng pandiwa) nito.
Halimbawa: nagtanim ng palay
nanghuli ng isda

4. Pariralang Pang-abay - binubuo ng pang-abay at ang tinuturingan nito.


Halimbawa: a. Lumakad nang patalikod (patalikod-pang-abay, lumakad-tinuturingan
ng pang-abay na pamaraang patalikod)
b. maagang dumating (maaga-pang-abay, dumating-tinuturingan
ng pang-abay na pamanahong maaga)
c. naligo sa ilog (ilog-pang-abay, naligo- tinuturingan ng pang-abay na
panlunang ilog)

Sugnay – Kalipunan din ng mga salita na may paksa at panaguri, maaaring may
buong diwa at maaari ring wala. May dalawang uri ng sugnay: sugnay na makapag-
iisa at sugnay na di-makapag-iisa.

◄sugnay na makapag-iisa – tinatawag ding punong sugnay o malayang sugnay


sapagkat nagbibigay ng buong diwa. Ito rin ang payak na pangungusap.

Halimbawa:
Masaya ako sa Bagong Taon.
Sakit na nakakamatay ang kanser.
Kumain tayo ng maraming prutas at gulay.

◄sugnay na di-makapag-iisa – tinatawag ding sugnay na pantulong. Ito ay walang


buong diwa sa kaniyang sarili kaya dapat pang sumama sa isang punong sugnay
upang magkaroon ng buong kaisipan. Ito ay pinangungunahan ng mga pangatnig na
nang, kung, sapagkat, dahil sa, upang, kapag, pag,

Halimbawa:
dahil kailangan nila ito
nang siya’y dumating
upang makaiwas tayo sa mikrobyo
kapag tumila ang ulan

ARALIN 1 Pagsasanay
Gawain 1
A. Pagsusuri. Suriin kung ito ay pariralang pang-ukol, pariralang pawatas, pariralang
pandiwa, o pariralang pang-abay.
1. ayon kay Leo 6. alinsunod sa batas
2. nagtampisaw sa putikan 7. umutang ng gatas
3. manggipit ng kapwa 8. para sa mga mahihirap
4. magbayad ng utang 9. tunay na maganda
5. umalis nang palihim 10. talagang magaling

B. Suriin ang mga sumusunod na pangungusap. Lagyan ng isang salungguhit ang


punong sugnay at dalawang salungguhit sa katulong na sugnay.

1. Makakapasa ka kung mag-aaral ka ng iyong aralin.


2. Nagdarasal ako nang tumawag si Nimfa.
3. Malubha ang kanyang karamdaman dahil sa Covid-19
4. Magdasal tayo upang mawala na ang epidemya.
5. Magpapabakuna ako kung magpapabakuna ang kalihim.
Pangungusap na di-ganap
ARALIN 2 at Ganap na Pangungusap

ARALIN 2
Pangungusap – Ito ay isang bahagi ng balarila. Sa pangungusap ginagamit ang
bawat bahagi ng pananalita. Sa pamamagitan ng pangungusap, nailalahad ang
naiisip at nararamdaman. Sadyang napakahalaga nito sa ating wika sapagkat ito ay
nagsisilbing sandata sa pagpapahayag.
◄Ang pangungusap/diskors ay salita o lipon ng mga salita na nagpapahayag ng
buong diwa o kaisipan. Ito ay may paksa na siyang pinag-uusapan at may panaguri
na siyang nagsasabi hinggil sa paksa.
◄Ang pangungusap ay maaaring isang sambitla na may panapos na himig sa dulo.
Ang panapos na himig sa dulo ay nagbabadya na naihatid na o naibigay na ng
nagsasalita sa kausap ang mensaheng gusto niyang ihatid. (Santiago, Alfonso O.)
Halimbawa: Takbo!
Tabi po!
Umuulan na!
Magandang gabi po!
Maligayang kaarawan!

Dalawang Pangkalahatang Uri ng Pangungusap

1. Pangungusap na di-ganap- anumang salita o lipon ng mga salita na walang


simuno at panaguri basta’t may diwa o mensaheng ipinaaabot ay maaaring
magpakilos sa kapwa dahil nauunawaan ito.

Uri ng Pangungusap na Di-Ganap

1. Eksistensyal- may bagay na umiiral sa himig/tono ng pangungusap sa tulong ng


katagang may o mayroon. Na kahit dalawa o tatlong mga salita ang ginamit may
diwang ipinaabot.

Halimbawa: May tumatakbo.


Mayroong panauhin.
May batang naglalaro.
2. Sambitla- Ito’y isa o dalawang pantig ng salita na nagpapaabot ng diwa/kaisipan.
Kadalasan isang ekspresyon ang pahayag.
Halimbawa: Yehey!
Yahoo!
Walastik!
3. Penomenal- Nagsasaad ng oras o panahon
Halimbawa: Madilim na.
Bukang liwayway na.
Bagong taon na.
Bumabagyo.
4. Pagtawag- ang pagbanggit o kaya’y pagtawag sa pangalan ng isang tao ay may
sapat na kahulugang ipinaaabot. Ang tinatawagan ay agad lalapit dahil baka may
iuutos ang tumawag.
Halimbawa: Luis! Maria! Hoy!
5. Pautos
Halimbawa: Tumigil ka! Takbo!
6. Paghanga
Halimbawa: Ang ganda! Kay galing! Ang lawak!
7. Nagpapahayag ng matinding damdamin
Halimbawa: Naku! Aray! Wow!
8. Nagsasaad ng pagbati o pagbibigay galang na naging bahagi na ng ating
kultura.
Halimbawa: Magandang umaga po.
Salamat po.
Tao po.
9. Panagot sa tanong
Halimbawa: Uuwi ka na ba? Opo.
Sasama ka? Ayoko.
10. Pagpapaalam
Halimbawa: Paalam na po./Paalam!
Aalis na ako!
11. Pakiusap
Halimbawa: Puwede ba? Sige na!
12. Pasukdol
Halimbawa: Ubod ng sungit! Hari ng yabang!
13. Pamuling Pagtatanong
Halimbawa: Ano ka mo? Alin? Ilan?
14. Pampook
Halimbawa: Nasa Catubig. Nasa Laoang Nasa Gamay

2. Pangungusap na Ganap- binubuo ng paksa at panaguri. Ang paksa ay tinatawag


ding simuno ng pangungusap sapagkat ito ang pinag-uusapan.

Ang panaguri ay ang bahagi ng pangungusap na nagsasaad o nagbibigay ng


impormasyon hinggil sa paksa ng pangungusap.

Halimbawa: Dumating na ang dayuhang mang-aawit.

Ang paksa o simuno ng pangungusap- Ang dayuhang mang-aawit


Ang buong panaguri ng pangungusap- dumating na
Ang tiyak na paksa- mang-aawit
Ang dayuhan ay panuring (pang-uri) ng simunong mang-aawit.
Ang ang ay pantukoy na pang-isahan na ginagamit upang tukuyin ang “dayuhang
mang-aawit.” Kapag pinagsama, “Ang dayuhang mang-aawit”- ang buong
simuno o paksa ng pangungusap.
Ayos ng Pangungusap

1. Karaniwang Ayos- nauuna ang panaguri kaysa paksa. Hindi lantad ang
pangawing na ay.
Halimbawa: Maganda ang ninang ko.
May bagong kotse si Randy.
Maraming dalang modyul si Rica.
2. Di-Karaniwang Ayos- nauuna ang paksa sa panaguri. Lantad ang pangawing
na ay.
Halimbawa: Ang ninang ko ay maganda.
Si Randy ay may bagong kotse.
Si Rica ay maraming dalang modyul.

Uri ng Pangungusap Ayon sa Gamit

1. Pasalaysay o Paturol-nagpapahayag ng isang pangyayari. Ginagamitan


ng bantas na tuldok.
Halimbawa: Siya ay natatakot lumabas ng bahay.
Ang edukasyon ay kayamanan.
2. Pautos- nagsasaad ng utos o pakiusap. Ginagamitan ng kuwit kung may patawag,
at may tuldok sa hulihan.
Halimbawa: Lani, bigyan mo nga ako ng modyul.
Kunin mo ang prutas sa labas.
3. Patanong- Nagsasaad ng katanungan. Ginagamitan ng bantas na pananong.
Halimbawa: Umunlad pa kaya ang ating bansa?
Mahirap ba ang pag-aaral ngayon?
4. Padamdam- nagpapahayag ng masidhing damdamin. Ginagamitan ng bantas na
padamdam sa hulihan.
Halimbawa- Panginoon, Salamat po!
Ang galing mo!

Uri ng Pangungusap Ayon sa Kayarian

1. Payak- ito ay binubuo ng isang sugnay na makapag-iisa o nagbibigay ng isang


kaisipan lamang.

Halimbawa: a. Malamig ang panahon.


b. Natatakot akong magpabakuna.
2. Tambalan- binubuo ito ng dalawa o mahigit pang sugnay na makapag-iisa at
pinag-uugnay ng mga pangatnig.
Halimbawa: a. Ang maamong ibon ay dumapo sa malaking punongkahoy ngunit ito
ay binaril ng walang awang lalaki.
b. Mahal ko ang aking kapatid kahit siya ay malikot.
c. Ako ang nagsaing at siya ang naglaba.
3. Hugnayan- Ito ay binubuo ng isang sugnay na makapag-iisa at ng isa o mahigit
pang sugnay na di-makapag-iisa.
Halimbawa: a. Kung magsisikap ka, magtatagumpay ka sa buhay.
b. Dumating ang mga panauhin nang umalis kami.
c. Siya ay nadapa dahil sa balat ng saging.
4. Langkapan- binubuo ito ng dalawa o higit pang sugnay na makapag-iisa at ng isa
o higit pang sugnay na di-makapag-iisa.
Halimbawa: a. Nahinto ng pag-aaral si Elma at siya ay namasukan na lamang bilang
isang katulong sa tindahan sapul nang mamatay ang kanyang ina.
b. umuunlad ang bawat bansa at natatamo ang kapayapaan sa buong
mundo kapag laging nagtutulungan ang mga ito.
c. ang leon ay kinikilalang hari sa kagubatan sapagkat ito’y sagisag ng
ng bangis ng mga hayop na sadyang kinatatakutan maging ng mga
tao.

Ngayong nabatid mo ang tungkol sa mga pangungusap na ganap at di-ganap,


handa ka na bang sagutin ang susunod na gawain? Isaalang-alang mo ang iyong
natutunan. Masasagot mo iyan. Suriin mo.

Aralin 2 Mga Pagsasanay


Gawain 1
A. Isulat sa patlang kung anong uri ng pangungusap ayon sa gamit ang mga
sumusunod: Nasa ibaba ang pagpipiliang sagot.

___________1. Marami ang natatakot na magpabakuna.


___________2. Masaya ka ba sa pag-aaral mo ngayon?
___________3. Kain na.
___________4. Napakahusay niya!
___________5. Cleta, bumili ka ng asukal.

Pagpipiliang Sagot:
Pasalaysay, Patanong, Pautos, Padamdam

B. Tukuyin kung payak, tambalan, hugnayan o langkapan ang mga sumusunod na


pangungungusap. Isulat ang sagot sa patlang.

___________1. Hindi sila nag-aaral ng leksyon kaya hindi nakapapasa sa pagsusulit.


___________2. Dahil gustong magkapera, nagnakaw siya ng alahas subalit nahuli
ng pulis at ikinulong.
___________3. Kung gusto mong magtagumpay, magsikap ka.
___________4. Ang mga mag-aaral at guro ng UEP ay nagtutulungan
upang matamo ang pagkatuto.
___________5. Tumalab ang aking pangaral sa aking mga mag-aaral.

mo ba ang mga gawain? Pumunta sa pahina na may susing sagot. Iwasto kung
tama ang iyong sagot. Kung hindi nakuha ang lahat ng sagot, pakaisipin na kahit
mababa ang iskor ay ‘’ok. lang’’ bumawi na lamang sa sunod na gawain. Kaya mo
yan!
BUOD

Ang pangungusap/diskors ay salita o lipon ng mga salita na nagpapahayag ng


buong diwa o kaisipan. Ito ay may paksa na siyang pinag-uusapan at may panaguri
na siyang nagsasabi hinggil sa paksa. Ito ay maaaring isang sambitla na may
panapos na himig sa dulo. Ang panapos na himig sa dulo ay nagbabadya na naihatid
na o naibigay na ng nagsasalita sa kausap ang mensaheng gusto niyang ihatid.
May dalawang pangkalahatang uri ng pangungusap: pangungusap na di-ganap
at pangungusap na ganap. Ang pangungusap na di ganap ay salita o lipon ng mga
salita na walang simuno at panaguri na may diwa o mensaheng ipinaaabot na
maaaring magpakilos sa kapwa dahil nauunawaan ito. Ang pangungusap na ganap
ay may paksa at panaguri na nagsasaad ng buong diwa. Ito ay may dalawang ayos:
karaniwan at di-karaniwang ayos. Ito rin ay may apat na gamit: pasalaysay o paturol,
patanong, pautos at padamdam. Apat naman ang kayarian nito:
payak,tamabalan,hugnayan at langkapan.
Samantala, ang parirala ay lipon ng mga salita na walang paksa at panaguri
subalit nagagamit na mahalagang bahagi ng isang pangungusap. Ang sugnay
naman ay kalipunan din ng mga salita na may paksa at panaguri. Maaaring may
buong diwa at maaari ring wala. May dalawang uri ng sugnay: sugnay na makapag-
iisa at sugnay na di-makapag-iisa.

Mga Mungkahing Babasahin

 Arrogante, J. A. RETORIKA (Masining na Pagpapahayag). Mandaluyong City:


National Bookstore, 2008.
 Cantre, M. C. Ang Masining na Pagpapahayag (RETORIKA). Quezon City:
Lorimar Publishing Inc., 2013.
 Cruz, C. J. Pamahayagang Pangkampus sa Bagong Milenyo. Manila: Rex
Bookstore, 2003.

Sanggunian:
 Deogracia DC Santos et.al,2015, Masining na Pagpapahayag Mindshaper Co,
INC, Intramurous Manila
 Bendalan, Nilda, 2018, RETORIKA, Wiseman’s Book Trading, INC, Quezon
City.
 Victoria Vasil, 2015, Masining na Pagpapahayag, Ateneo De Naga University.
 Alejo, Carmelita T. etal. 2005.Pagbasa At Pagsulat Tungo Sa Pananaliksik. C
& E Publishing, Inc.
 Casanova, Arthur P. at Ligaya Tiamson Rubin. 2001. Retorikang
Pangkolehiyo. Rex Bookstore, INC: Quezon City.
 Author, Evelyn B. 2015. Masining na Pagpapahayag.Ateneo De Naga
University Press.Ateneo Ave. Naga City.
 Komisyon sa Wikang Filipino. English-Tagalog Dictionary. Commission on the
Filipino Language. ERH printing. San Mateo, Rizal. 2005
 Villafuerte Pat V. at Bernales Rolando A. 2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga
Teorya at Praktika. Mutya Publishing House Inc, Balubaran Valenzuela City.
PANGWAKAS NA PAGTAYAYA

I. Kilalanin ang mga sumusunod. Isulat sa patlang ang sagot.


_________1. Ito ay may paksa at panaguri at nagsasaad ng buong diwa.
_________2. Ito ay isang sambitla o kataga na may diwang ipinahahayag.
_________3. Pangungusap na binubuo ng dalawang sugnay na makapag-iisa at isa
o mahigit pang sugnay na di-makapag-iisa.
_________4. Nauuna ang paksa sa panaguri.
_________5. Nauuna ang panaguri sa paksa.
_________6. Ito ay binubuo ng dalawa o mahigit pang sugnay na makapag-iisa.
_________7. Ito ay walang buong diwa sa kaniyang sarili kaya dapat pang sumama
sa isang punong sugnay upang magkaroon ng buong kaisipan.
_________8. Lipon ng mga salita na walang paksa at panaguri subalit nagagamit
na mahalagang bahagi ng isang pangungusap.
_________9. Ito ay nagsasaad ng oras o panahon.
_________10. Ang nagsasaad o nagbibigay impormasyon tungkol sa paksa.

II. A.Pagsusuri sa kayarian ng pangungusap. Sabihin kung payak, tambalan,


hugnayan o langkapan ang mga sumusunod na pangungusap.

__________1. Magandang pasyalan ang Silvino Lobos.


__________2. Maraming talampas at ilog sa Lope de Vega at Brgy. Getigo, Hilagang
Samar.
__________3. Si Tata Selo ay aksidenteng nakapatay samantalang si Agor
ay sadyang ipinagtanggol ang sarili.
__________4. Sinuman ay matututo kung talagang magsisikap sa pag-aaral.
__________5. Siya ang matalik kong kaibigan.

B. Panuto: Sa isang modelong pangungusap na binuo, ilipat ito sa uri ng


pangungusap ayon sa gamit. Pasalaysay, Pautos, Patanong, Padamdam. Dagdagan
o bawasan ng salita kung kailangan.

*Mag-aral tayong Mabuti kung ang nais nati’y magandang buhay/kinabukasan.

Pasalaysay: _______________________________________________________
_________________________________________________________________

Pautos: ___________________________________________________________
__________________________________________________________________

Patanong: _________________________________________________________
__________________________________________________________________

Padamdam: ________________________________________________________
__________________________________________________________________
III. A. Pagsusuri sa mga uri ng parirala. Sabihin kung ito ay pariralang pang-ukol,
pariralang pawatas, pariralang pandiwa, o pariralang pang-abay.
1. kumuha ng gamit
2. mangputol ng sanga
3. lumangoy sa ilog
4. tungkol sa epidemya
5. talagang magaling

B. Suriin ang mga sumusunod na pangungusap. Lagyan ng isang salungguhit ang


punong sugnay at dalawang salungguhit sa katulong na sugnay.

1. Maamo ang ibon kung hindi sinasaktan.


2. Masarap ang ubas at ito ay masustansya.
3. Tumigil siya sa pagsusugal upang may maipakain sa pamilya.
4. Nang tumila ang ulan, ako ay nasa bahay na.
5. Sakaling umuwi siya sa Pebrero, sasaya ang aking pinsan.

IV. Suriin ang mga sumusunod na pahayag. Isulat ang P kung ito ay parirala, S kung
sugnay, PG kung pangungusap na ganap at PDG kung pangungusap na di-ganap.
____1. Inay!
____2. Sa ilog.
____4. Lumilindol.
____5. Nang siya’y lumayo
____6. Kain na.
____7. Ano?
____9. Maligayang Bagong Taon!
____10. Sina Dr. Rhea O. Daclag at Dr. Magea A. Robis ay kapwa mababait at
magagaling na manggagamot sa bayan ng Catarman.

You might also like