You are on page 1of 11

Ito pala ang unang araw ko sa magiging bago kong bahay at amo.

Hindi ko alam kung


magiging ayos ang buhay ko rito at kung maganda ba ang magiging trato nila sa akin.
Sana oo.

Gusto ko ring makaramdam ng labis na pagmamahal dahil sa dati kong tinitirahan, hindi
man lang ako nabibigyan ng katiting na atensyon. Madalang nga lang ako mapansin
noon. Kilala lang nila ako bilang isang “makulit” na nilalang.

Gayunpaman, naninibago pa rin ako rito sa bago kong titirhan. Tila ba gusto kong
bumalik sa dati kaya iyak pa rin ako nang iyak kahit gabi na at oras na ng tulugan.

Pinapatahan na ako, ngunit ayaw kong tumigil.

Maya maya, kinuha na niya ako rito sa sala. Sino ba ito? Ah, ang bago kong amo.

Dinala niya ako sa kaniyang kwarto. Hinihimas himas, nagbabaka-sakaling hihinto ako
sa pag-iyak. Gusto ko ng ganito. Hindi ko man lang ito naranasan dati.

Hindi nagtagal, kinuha niya ulit ako at pinahiga sa kaniyang kama. Ang lambot. Ngayon
lang din ako nakahiga sa ganito kalambot na higaan. Mula nung una kasi ay sa karton
lang ako pinapatulog.

Tumigil na ako sa kakaiyak. Ikaw ba naman ang patulugin sa malambot na higaan,


hindi ka ba naman tatahan? Tapos hinihimas himas ka pa. Sarap mabuhay dito ha, kimi.

Umaga na pala. Ang himbing ng tulog ko.


Ay, gising na pala itong amo ko. May pagkain na ring naihanda para sa akin. Ang bait
naman niya at ang asikaso. Feeling ko sobrang baby ako rito.

Nagdaan ang tanghalian at hapunan, ganun pa rin siya. Pinapakain ako sa tamang oras
at ang dami pa ng pagkaing binibigay. Tuwing may pupuntahan din siya, lagi niya
akong sinasama.

Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal. Lahat ng mga ginagawa niya para sa akin ay
first time kong nararanasan.

Lumipas ang ilang buwan ngunit wala pa ring nagbabago sa pagtrato niya sa akin. Hindi
katulad ng iba diyan na sa una lang magaling. Siya, consistent. Mas nagiging maalaga
pa nga habang lumilipas ang panahon.

Ang spoiled ko sa kaniya. Kung ano-ano na rin ang binibili niya sa akin.

Hinding hindi ko makakalimutan ang una niyang biniling gamit para sa akin. Damit.
Maganda at kasyang kasya sa akin.

Hanggang sa binilhan niya na rin ako ng mga laruan, iba pang mga damit, medyas,
ribbon, mga clips, at kung ano-ano pa.

Pinupuno niya ako ng pagmamahal at never siya nagkulang sa akin. Sa totoo lang,
sobra sobra pa nga ang kaniyang binibigay.

Thankful ako na sa ganitong klase ng amo ako napunta. Siya ‘yung tipo ng tao na
ituturing ka talagang anak, kaya tinuring ko na rin siya bilang isa kong ina.
Kahit gaano ako kakulit, na sa umaga palang ay sinasabunutan at ginugulo ko na siya
upang siya ay magising, at kahit lagi akong nagkakalat sa bahay, never niya akong
pinagalitan, sinigawan at pinagbuhatan ng kamay.

Masaya ako sa ganitong buhay. Lagi kaming naglalaro. Lagi akong binibigyan ng
atensyon at pagmamahal.

Noong kaarawan ko, binilhan niya ako ng party hat. Naghanda rin siya ng maraming
pagkain. May cake pa at chicken para sa akin. Hindi iniisip na baka wala nang matirang
pera sa kaniya basta mabigyan lang ako ng memorable birthday celebration.

Dumating ang araw na nagkaroon ako ng sakit sa balat o kati-kati. Sobrang worried
siya. Dinala niya agad ako sa clinic upang ipa-check. Binigyan naman ako ng mga
gamot kaya iyon ang pinapainom niya sa akin. Ngunit kahit na gano’n, umiiyak pa rin
siya tuwing nakikita akong naghihirap.

Tuwing nagtatamlay at nawawalan ng gana kumain, sugod agad sa clinic. Kitang kita ko
na ayaw niya akong nagkakasakit.

Minsan naman, kapag ayaw kong kumain, binibilhan niya ako ng masarap na ulam.
Chicken o kaya atay.

Ngunit eto na.

Bigla akong may nararamdaman na kakaiba.

Ilang araw na akong nakakaramdam ng ganito. May ubo at lagnat.


Hindi niya agad napansin dahil wala siya rito sa bahay. Nag-aaral siya kaya minsan na
lang siya mauwi.

Gayunpaman, bago siya umalis ay binilhan niya ako ng ulam na atay. Pinagupitan din
ako. Sumama pang maghatid sa kaniya sa terminal.

Araw-araw niya rin akong kinakamusta sa kaniyang mga magulang. Palagi rin
nagtatanong kung nakakain na ba ako.

Talagang ako ang una niyang iniintindi kahit na alam kong siya ay hindi naman
kumakain nang maayos doon.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, unti-unti na akong nanghihina.

Paglipas ng ilang araw, dumating na siya ulit sa bahay. Hindi na ako katulad ng dati na
wagas kung siya’y salubungin tuwing umuuwi siya. Kasi nga, hindi ko na kaya. Sobrang
nanghihina na ang katawan ko. Nag-umpisa na nga rin akong manginig nginig.

Kita ko sa mga mata niya ang labis na pag-aalala. Kaya naman kahit kabababa niya pa
lang ng mga gamit niya at hindi pa nakakapagpalit ng damit, naisipan niya na agad na
idala ako sa clinic.

Noong nandoon na kami, nalaman namin na mayroon akong malalang sakit.

Sakit na walang lunas.

Walang kasiguraduhan kung makakasurvive, pero binigyan pa rin ako ng isang gamot
at isang vitamin upang lumakas ang aking resistensya.
Pag-uwi sa bahay, pinakain at pinainom niya agad ako. Walang oras na hindi niya ako
tinitingnan at chinecheck. Pagdating ng tulugan, nakatabi pa rin ako sa kaniya. Ngunit
ang ganitong klase ng sakit ay bawal sa malalamig. Ang ginawa niya, nagpatay siya ng
electric fan kahit na alam kong hindi siya sanay sa gano’n. Siya kasi ‘yung tipo ng tao
na ayos lang malamigan nang sobra, huwag lang mainitan.

Nakatulog naman siya. Maya’t maya nga lang nagigising. Nag-aalarm pa ng madaling
araw matingnan lang kung ayos pa rin ba ako.

Pagsapit ng umaga, mag-aayos agad ‘yan ng kakainin ko. Tapos papainumin ng gamot.

Limang araw nang ganiyan ang gawain niya. Puro pag-aasikaso sa akin ang ginagawa.

Tuwing gabi, nakikita ko siyang umiiyak. Sobra siguro siyang nasasaktan at naaawa sa
kinahinatnan ko. Nakakatulog siya sa kakaiyak habang yakap ako.

Pero ngayong araw, mayroon silang pupuntahan ng kaniyang mga kamag-anak. Gusto
nga akong isama kaso hindi naman p’wede. Baka mas lalong lumala ang aking
karamdaman.

Sumapit ang ika-3 ng hapon. Dumating siya. Tiningnan lang ako saka pinakain at pina-
inom na rin ng gamot.

Pagkatapos ng isang oras, bumalik din siya doon sa pinuntahan niya.

Mag-isa ko lang sa bahay. Nandoon silang lahat.

Namimiss ko na sila lalo na ang nanay ko. Sana umuwi na sila.


6 pm.

7 pm.

8 pm.

9 pm.

10 pm.

Ilang oras na ang nagdaan ngunit wala pa rin sila.

11 pm.

Finally, dumating din sila.

Pagdating na pagdating, sa akin agad siya pumunta. Nilinis ang mga kalat ko sa sala at
pati na rin sa kwarto. Pagkatapos, dinala niya na ulit ako sa kwarto. Pinakain ulit at
pinainom ng gamot.

Sigurado akong naging masaya ang maghapon niya ngunit pag-uwi, babagsak din agad
ang mga luhang maghapon pinigilan. Punong puno ng sakit.

Katulad nung nakasanayan niyang gawin sa akin, hinimas himas niya ulit ako. Ngunit
alam kong nasasaktan siya dahil hindi na ako ganun sa dati. Marami nang nagbago.

Dati, gustong gusto ko kapag hinihimas ako. Hihirit pa kapag tumigil siya sa paghimas.
Mangangalabit at magmamakaawang sige pa, ituloy niya pa.
Ngayon, hindi ko na magawa ‘yon. Natutulog na lang ako at walang reaksyon. Patuloy
sa pagnginig ang katawan at halos hindi na makahinga.

Kinabukasan, wala talaga siyang balak palabasin ako ng kwarto. Kaso gusto kong
lumabas e. Gusto kong libutin ang buong bahay na isang taon ko ring tinirahan.

Sa kusina, sa sala, sa cr, sa kabilang kwarto.

Pati nga hallway pinuntahan ko. Pinabalik lang ako ng aking nanay dahil baka raw kung
saan na naman ako mapunta.

Maya maya, naisipan ko ring pumunta sa bahay ng kaniyang lola. Tambayan ko rin kasi
iyon. Ngunit habang papunta, nasalubong ko ang aking nanay. Sinabihan niya akong
huwag maglalakad masyado dahil baka mapagod ako. Kaya naman binuhat niya ako
pauwi sa bahay namin.

Pagkatapos, binaba niya ako sa lamesa dahil paiinumin na naman ako ng gamot. Noong
pagkabitaw niya sa akin, nasubsob ako. Para bang walang wala na akong lakas upang
maitayo nang mabuti ang aking mga paa.

Umiyak na naman siya. Mula paggising niya, umiiyak na siya.

Sa sobrang awa sa akin, nagmadali na siyang bilhan ako ng karagdagang gamot. Kung
saan saan lang naghagilap ng pera.

Noong ayos na, pumunta na sila ng clinic ng kaniyang ama. Naiwan ako sa sala mag-
isa. Sa pwesto kung saan una akong nilagay nung unang dating ko sa bahay na ito.
Ang tagal nila makarating. Pinipigilan ko na lang makatulog. Hindi ko maidukdok ang
aking ulo.

Nang makauwi na sila, wala rin silang nabiling gamot. Sarado nga pala ang mga clinic
ngayong araw.

Nadatnan niya akong hindi makadukdok kaya naman ang ginawa niya, tinanggal niya
‘yung lalagyan ko ng pagkain, sabay sabing “Tulog ka na”. Pagkatapos, nagpaalam ulit
siya sa akin na lalabas siya at kukuha raw ng pagkain ko.

Ang tagal niya. Gusto ko na talagang matulog at magpahinga.

Sinusubukan ko pa rin namang lumaban pero hindi ko na talaga kaya.

Siguro oras na para sundin ko ang sinabi niya. Matulog. ‘Yung hindi na gigising kahit
kailan.

Gusto ko pa siyang makasama ngunit kahit anong laban ang gawin ko, wala na talaga.
Hindi ko na kaya. Alam kong masasaktan siya dahil iiwan na siya ng nag-iisang kasama
niya sa lahat ng bagay. Kung tutuusin, ang ikli lang ng pinagsamahan namin pero
ginawa niya akong mundo kaya siguradong mahihirapan siya kapag ako ay nawala.

Unti unti na akong nawawalan ng hininga.

Nang siya ay dumating at nakitang hindi na ako nanginginig at naghihingalo, agad agad
siyang lumapit sa akin. Hindi alam ang gagawin at tila tumigil ang mundo.

Binuhat niya ako. Tiningnan kung humihinga pa ba.


“Papa, papa! Tingnan niyo nga si Teddy!” ani niya.

Lumapit naman agad sila at agad ding tiningnan ang aking kalagayan.

“Wala na, anak.”

Siya ay isang strong na tao. Hindi siya umiiyak basta basta sa harap ng mga magulang
niya. Hindi niya pinapakitang siya ay nasasaktan at nahihirapan na, ngunit ngayon,
kitang kita ng buo niyang pamilya ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha sa mata
niya.

Alam na niyang wala na siyang magagawa para mabuhay ako, pero sinubukan pa rin
niyang painumin ako ng dahong gamot na pinapainom niya sa akin.

Patuloy siyang sinasabihang wala na, hindi na ako makakasurvive. Ngunit patuloy din
ang paggawa niya ng lahat ng kaniyang makakaya upang buhayin pa ako. Hindi siya
nawawalan ng pag-asa.

Ngunit tama sila, wala na ako. Hindi na ako makakasurvive pa.

Ngayon ay nakakandong ako sa kaniya. Gustong gusto ko ‘yung ganito, ‘yung


kinakandong at binubuhat niya ako na parang baby.

Napakaswerte ko sa kaniya. Mula una hanggang sa huli kong hininga, hindi niya ako
pinabayaan. Pinuno niya ng pagmamahal ang buong buhay ko.

Pagmamahal na walang makakapantay.

Kung maililigtas lang ako ng pagmamahal, siguro mabubuhay ako magpakailanman.


Sabi nila, lahat ay may katapusan. Lahat ay lilipas din. Ngunit ako, naniniwalang hindi
matatapos at lilipas ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Hindi na niya ako ulit makikita
sa kaniyang mga mata, pero alam kong mananatili naman ako sa kaniyang puso at
isipan habambuhay, dahil ang pagmamahal niya sa akin ay walang hanggan.

Ito ang saloobin ng isang alagang hayop na tinuring bilang isang tunay na tao, kahit
maikling panahon lamang nabuhay sa mundong ito.

Sa aking amo na tumayo bilang aking ina, salamat sa pagmamahal na walang hanggan
at sa panghabambuhay na memorya. Ito ay aking babaunin sa aking pupuntahan kahit
wala ka na sa aking tabi.
Paglisan
Isinulat ni: Anne Jersey A. Castillo

Buhay ay nabigyan ng kulay


Mula nang ika’y dumating sa aking buhay
Mundo’y nagkaroon ng sigla
Nalagyan din ng musika

Ngunit sa iyong paglisan


Ako ay labis na nasaktan
Nag-iwan ng malalim na sugat
Puso’y mananatiling may lamat
Ikaw ang unang inibig at inalagaan
Kaya hinding hindi ka malilimutan
Mga nabuong alaala at pinagsamahan
Hindi mabubura sa puso’t isipan kailanman

Patuloy na maniniwala at aasa


Na tayo’y muling magkikita at magkakasama
Sa pangalawang pagkakataon, wala nang lilisan
Magsasama hanggang sa dulo ng walang hanggan

You might also like