You are on page 1of 2

MAMAMATAY TAO.

Alas dose na pala ng madaling araw. Diyos ko po. Gutom na gutom na ko. Tatlong araw
na akong tumatakbo at nagtatago mula sa kanila. Pagod na pagod na ko. Gusto ko ng
magpahinga. Pero hindi. Hindi pwede! Hinahanap nila ako. At kapag nakita nila ako,
ipapakulong nila ako. Pero, saan naman ako magtatago? Napaka makapangyarihan ng
ama ni Leo. Siya ang mayor ng aming probinsya at napatay ko ang kaisa-isa niyang anak!

Wag! Wag niyo kong titigan ng ganyan. Hindi ako mamamatay tao! Pakiusap, maniwala
kayo sa akin! Sinasabi kong hindi ako mamamatay tao.

Ako'y nakikiusap, hayaan ninyo muna akong magpaliwanag.

Ganito kasi yon. Nangyari ang lahat ng iyon sa aming paaralan isang gabi. Pumunta ako
sa aming silid-aklatan para hanapin ang isang partikular na libro, at nakita ko yon.
Masyado akong nalibang sa aking binabasa kaya naman hindi ko na halos namalayan
pa ang oras. Ala sais na pala ng gabi at naku, mukhang ako nalang mag-isa ang natirang
estudyante sa aming silid-aklatan. Sa aking pagkadismaya, nakita kong hinihintay pala
ako ni Leo sa labas. Gusto ko sanang magtago mula sa kanya pero nahuli na ako. Nasa
harapan ko na siya.

"Hi, Brenda! Ihahatid na kita pauwi sa inyo."

Iniling iling ko ang aking ulo. Nakakairita! Nakakainis talaga siya. Palagi na lamang niya
akong pinadadalhan ng mga love letters na nakalagay pa sa kulay rosas na sobre, na
ibinabalik ko naman sa kanya ng hindi binabasa. Madalas din niya akong bigyan ng mga
bulaklak at tsokalate. Sa totoo lang, paborito ko ang lahat ng ito. Gustong gusto kong
kainin ang mga tsokolateng ibinibigay niya, pero, hindi ko gusto yung taong nagbigay ng
lahat ng ito. Kaya naman, tinatapon ko nalang lahat yun sa basurahan. Kailan ba kasi
ako titigilan ng lalaking ito?!

"Ahm, Leo, sandali lang ha. Kung nais mo kong ihatid pauwi sa amin, salamat, pero wag
nalang. Kaya ko naman umuwi ng mag-isa okey? Kaya naman, pwede bang tigilan mo
na ang kasusunod sakin na parang aso?! At isa pa, masyado pa kong bata para makipag
relasyon at magpaligaw, naiintindihan mo ba yon?”

"Pero Brenda, mahal kita. Hindi mo ba ko maintindihan? Kaya kong ibigay ang lahat sayo.
Sabihin mo lang lahat ng gusto mo at ibibigay ko. At Brenda, baka nakakalimutan mo.
Lahat ng gusto ko ay nakukuha ko sa kahit anong paraan. Kaya naman kung ako sayo
ay sundin mo na ang lahat ng gusto ko dahil kung hindi, ha ha ha!"

At nagsimula na siyang tumawa na parang isang baliw. Takot na takot ako sa kanya.
Alam ko na napaka makapangyarihan at maimpluwensya ng pamilya nila, pero hindi ako
nagpatinag.
"Leo, bakit ba napaka yabang mo?! Hindi kita gusto at lalong hinding hindi kita
magugustuhan! Sa totoo nga niyan, ayoko sa katulad mo. Kaya naman, pwede bang
lubayan mo na ako?!"

Pero imbis na lumayo mula sakin, alam niyo ba kung ano ang ginawa nya? Itinulak niya
ako sa pader at sinimulan akong paghahalikan. Humihingi ako ng tulong, pero wala, wala
ni isa man ang tumulong sa akin.

"Tulungan niyo ako pakiusap! Pakiusap! Tulong! Tulong!"

Sinuntok niya ako ng napakalakas sa aking tiyan. Diyos ko! Ang sakit sakit talaga!

Pero bago pa man siya makalapit muli sa akin, nakita ko ang isang kutsilyo mula sa isang
sulok, kaya agad ko itong dinampot.

"Ngayon, Mister Leo Monteverde, subukan mong lumapit muli sa akin, subukan mong
pagtangkaang gahasain muli ako, at hinding hindi kita mapapatawad. Um... um... ahm!"

Hindi ko alam kung ilang beses ko sinaksak ang kutsilyong hawak ko sa kanya. At
pagkatapos, may napansin ako. Dugo, mga dugo, may dugo ang aking mga kamay!

Leo! Leo! Diyos ko! Napatay ko si Leo! Hindi! Hindi ako mamamatay tao! Pinagtangkaan
niya akong gahasain at pinagtanggol ko lamang ang aking sarili. Hindi ko yon lahat
sinasadya! Maniwala kayo, hindi ako isang mamamatay tao! Pero pinatay ko si Leo...!
Pinatay ko siya! Mamamatay tao ako! Ha ha ha! Isa akong mamamatay tao! Ha ha ha!

You might also like