You are on page 1of 1

Ang pag-unlad ng kultura ng tao at ang kaniyang masalimuot na pamamaraan ng pamumuhay sa isang estadong

lungsod ay tinatawag na sibilisasyon. Nagmula ang terminong sibilisasyon sa terminong latin na “ civitas “ na
nangangahulugang- lungsod “ civilis ” na nangangahulugan namang - ng mga mamamayan.
Samakatuwid, ang sibilisasyon ay ang masalimuot na pamumuhay sa lungsod.
Sa kabilang banda, ang KABIHASNAN naman ay isang terminolohiya ng mga Pilipino sa higit na mataas na antas ng
pamumuhay. Batay ito sa salitang ugat na “ bihasa “ na ang kahulugan ay eksperto o magaling. Kung gayon, ang
kabihasnan ay pamumuhay na nakagawian at pinipino ng maraming pangkat ng tao. Sa mas maka-Asyanong pananaw,
ginagamit ang terminong kabihasnan upang tukuyin ang pagiging bihasa o espesyalisasyon ng isang lipunan sa mga
gawaing pangkabuhayan tulad ng pangangaso, pangingisda, pagsasaka, pagpapalayok, pakikipagkalakalan, gawaing
pangkabuhayan, gawaing pang-industriya at panteknolohiya.
May mga batayang salik sa pagkakaroon ng kabihasnan. Ito ay ang pagkakaroon ng organisado at sentralisadong
pamahalaan, masalimuot na relihiyon, espesyalisasyon sa gawaing pang-ekonomiya at uri ng lipunan, mataas na antas ng
kaalaman sa teknolohiya, sining, arkitektura at sistema ng pagsulat.
Yugto ng Pag-unlad ng Pamumuhay ng mga Unang Asyano
Natuklasan ng tao ang Panahong Bato na nahahati sa dalawa:
1) Paleolitiko (Lumang Bato) - hango sa dalawang terminong Latin na “palaios” na nangangahulugang luma at ang
“lithos”ay bato.
2) Neolitiko (Bagong Bato)- hango sa dalawang terminong Latin ang “neos” na ang ibig sabihin ay bago at ang “lithos”
ay bato.
Ang Pag-unlad ng tao sa iba`t ibang panahon
A. Panahong Paleolitiko
 Nomadiko (walang permanenteng tirahan)
 Umaasa sa kanyang kapaligiran
 Namuhay sa mga yungib at puno
 Nangangaso, nangingisda at nangangalap ng mga bungang-kahoy
 Gumamit ng mga balat ng hayop at mga dahon ng puno bilang kasuotan
 Nakakalakad na ng maayos at may pisikal na katangian
 Gumamit ng magagaspang na bato mula sa kaniyang kapaligiran
 Nakatuklas ng apoy
B. Panahong Mesolitiko
 Nagsilbing transisyon na panahon sa Kulturang Neolitiko.
 Nagsimula ang pagkatunaw ng mga glacier, umusbong ang mga kagubatan, mga ilog at dagat.
 Nanirahan ang mga taong mesolitiko sa pampang.
 Nadagdagan ang mapagkukuhanan ng pagkain.
C. Panahong Neolitiko
 Gumamit ng matalas, makinis at matulis na kasangkapang yari sa bato.
 Natutong magsaka at mag-alaga ng hayop.
 Namuhay sa permanenteng lugar.
 Naging malikhain gaya ng paghahabi ng tela, paggawa ng lutuan, basket, palayok at gamit sa bahay.
 Nakaimbento ng bangka bilang unang anyo ng transportasyon.
 Nakabuo ng angkan, tribo, komunidad at maliliit na pamayanan dahil sa pagdami ng miyembro ng pamilya.
D.Panahon ng Metal
 Gumamit ng mga bagay na yari sa metal (tanso o copper).
 Gumawa ng mga mamahaling bagay gaya ng alahas at kagamitang pandigma.
 Nakaimbento ng bronse (pinaghalong metal na tanso at lata).
 Nakalikha ng mga kagamitang pansaka gaya ng araro at kagamitang panlaban o mga armas na may matatalim na
bahagi.
 Lumikha ng mga simpleng dike, kanal at irigasyon upang magsilbing sistema ng patubig.
 Natuklasan ang bakal.
 Gumawa ng kagamitang yari sa bakal bilang sandata.
 Natutong maghabi at mag-ukit sa mga kahoy.
 Nakipagkalakalan gamit ang sistemang barter at barya.
 Gumawa ng mga sasakyang pandagat para sa kanilang kalakalan.

Ang kasalukuyang sistema ng pamumuhay ng mga Asyano at ng daigdig sa kabuuan ay likha ng mayaman at
maunlad na sinaunang kabihasnan at sibilisasyon ng mga sinaunang Asyano at ng mundo. Isang malaking impluwensiya
ang kapaligiran sa paghubog ng mga sinaunang kabilhasnang ito. Karaniwang sumibol ang mayayaman at maunlad na
kabihasnan sa mga lambak-ilog dahil sa mga depositing banlik (silt) na nagmula sa mga ilog tuwing umaapaw ang mga
ito. Pinatataba ng mga banlik na ito ang mga lupain kung kaya naging akma ang mga lupain para sa pagsasaka. Sinasabing
ang pagkatuto ng mga sinaung mamamayan ng pagsasaka ang naging hudyat ng pag-unlad ng sibilisasyon ng tao.
Ang patuloy na pag-akma ng tao sa kaniyang kapaligiran ang lalong nagpaunlad sa kaniyang nasimulang kabihasnan.
Mula sa payak na pamumuhay, ang mga pagbabago sa kapaligiran ng tao ay naging daan sa komplikado at
masalimuot na pamumuhay sa lipunan. Malaki ang pagkakaiba ng sistema ng pamumuhay ng mga sinaunang Asyano sa
makabagong panahon. Gayunpaman, ang ano mang kaunlaran at makabagong sistema ng pamumuhay sa kasalukuyang
panahon ay bunga ng matalino at maparaang pag-akma ng mga sinaunang Asyano sa kanilang kapaligiran.

You might also like