You are on page 1of 6

ST. MARY’S ACADEMY OF STA. CRUZ, INC.

(Formerly Holy Cross Academy)


Poblacion, Sta. Cruz, Davao del Sur
SY: 2020-2021

ARALING PANLIPUNAN 7
Aralin 1: Konsepto at Paghubog ng Sinaunang Kabihasnan sa Asya Week # 1

My Learning Targets
 Nasusuri ang paghubog, kalikasan, at pag-unlad ng mga sinaunang pamayanan;
 Nakabubuo ng konklusyon hinggil sa kalagayan, pamumuhay, at development ng sinaunang pamayanan
 Nagbibigay-kahulugan ang konsepto ng kabihasnan.
 Nailalahad ang mga katangian ng kabihasnan.

I. PAGGANYAK

 Paano hinubog at nagawang mapaunlad ng sinaunang tao ang pagkakakilanlang Asyano?


II. PAGLALAHAD NG KONSEPTO

 KONSEPTO NG KABIHASNAN
“Paninirahan sa lungsod” ang orihinal na kahulugan ng kabihasnan o sibilisasyon. Ang kabihasnan ay tumutukoy
sa isang maunlad na kalagayang nalinang ng mga taong naninirahan ng pirmihan sa isang lugar sa loob ng nakatakdang
panahon.
Ang kabihasnan ay unang nalinang sa mga ilog-lambak. Bago pa man natuklasan ang sistema ng pagsulat, ang
mga Asyano sa mga ilog-lambak ng Tigris at Euphrates, Huang, at Indus ay nagsimula nang mamuhay nang pirmihan at
nilinang ang kanilang kabihasnan.
Ang mga pag-unlad na nagawa ng mga tao sa mga panahong ito ay tinaguriang Rebolusyong Neolithic. Ang mga
naging bunga nito ang naging batayan ng makabagong kabihasnan. Ang tao ay nagsimulang mamuhay nang pangkat-
pangkat sa maraming lupain sa daigdig.

Mga Katangian ng Kabihasnan

1. Maunlad na Kasanayang Teknikal


Mula nang matutuhan ng mga tao ang pagsasaka at paghahayupan, naiangat nila ang kanilang kalagayan mula sa
buhay-pangangaso at pag-iimbak ng pagkain tungo sa pagpaparami at pagpapalago ng pagkain at likas na yaman.
Palibhasa’y likas na malikhain, natutuhan din ng mga taong gumawa ng mga palayok gamit ang luwad. Sa isang
pagkakataon, natuklasan nila ang tanso at dito nagsimulang gumawa ang mga tao ng mga kagamitan at sandata gamit ang
kauna-unahang tuklas na metal na ito.
Sa pamamagitan ng paghalo ng tanso at tin, natuklasan din ng mga tao ang paggamit ng higit na matibay na metal,
ang bronze. Ito ay sinundan ng bakal, na higit na matigas at mainam.
Ang mga kagamitang gawa sa mga metal na ito ay natuklasang gamit na ng mga tao sa sinaunang kabihasnan ng
Tigris at Euphrates, Huang, at Indus.

2. Matatag na Pamahalaang may Maunlad na Batas at Alituntunin


Sa kabila ng masaganang kabuhayang alay ng mga ilog ng Tigris at Euphrates, Indus, at Huang, may mga
panahon din namang naging mapaminsala ang mga ito. Ang pag-apaw ng mga ito ay nagdulot ng labis na pagbaha na
nakasira ng mga pananim at ikinabuwis ng buhay ng tao.
Gayundin, ang kawalan ng ulan ay naging dahilan naman ng labis na tagtuyot. Bunga nito, kinailangan ng mga
taong gumawa ng mga dike at kanal upang mapigilan ang pagbaha, magkaroon ng patubig, at maipagpatuloy ang kanilang
pagsasaka sa panahon ng tagtuyot.
Marahil, naisip ng mga tao na ang proyektong ito ay nangangailangan ng masusing pagpaplano. Dahil dito, sila ay
bumuo ng isang pamunuan na siyang mangangasiwa sa mga proyektong ito. Ito ang nagpasimula ng pamahalaang may
pamunuang nagagabayan ng mga batas at alituntuning kailangang sundin.
Ang pamunuang ito ay lumaki at nagmistulang isang pamayanang may sariling pamahalaan. Ito ang nagpasimula
ng mga lungsod-estado. Ang lungsod estado ay isang sistemang pampolitika na binubuo ng isang malayang lungsod na
nakapanghahari sa nakapalibot nitong lupain.

3. Dalubhasang Manggagawa

Ang ilang pangkat ng tao ay naging bihasa sa paggawa ng mga armas at kagamitang pambahay na gamit nila sa
pang-araw-araw na pamumuhay.
St. Mary’s Academy of Sta. Cruz, Inc. 1|6
Hindi naglaon, ang iba pang pangkat na naninirahan sa mga lungsod-estado ay naging mga artisan o mga
manggagawang may kasanayan sa paglikha ng mga bagay-bagay tulad ng mga alahas, mga kagamitang metal, at iba pang
kagamitan na naging daan upang ang kanilang mga lungsod ay maging sentro ng kalakalan.

4. Maunlad na Kaisipan

Sa pagdaan ng panahon, malinaw na napaunlad ng tao ang kanilang kaisipan, magawa nilang matukoy ang petsa
ng taunang pagbaha sa pamamagitan ng masusing pag-aaral at nabuo nila ang kalendaryong lunar.

5. May Sistema ng Pagtatala

Sa pag-unlad ng mga lungsod, napag-isipan ng mga tao ang kahalagahan ng pagtatala ng mahahalagang bagay na
nagaganap sa kanilang lipunan. Kinailangan nilang itala ang mga buwis, batas, kalendaryo ng mga ritwal, kaganapan at
mga kuwentang kailangan ng mga mangangalakal. Sa pag-usad ng panahon, natutuhan din ng sibilisasyong maglinang ng
sistema ng pagsusulat at iba pang uri ng pagtatala.

Ang Pag-Usbong ng Sibilisasyon

Iba’t ibang produkto at obra maestra ang nagawa ng mga tao na pinakinabangan ng buong pamayanan at
nakarating sa iba pang pamayanan sa pamamagitan ng kalakalan. Ang mga pamayanan na siyang sentro ng pamahalaan,
ekonomiya, at kultura ay lumago at naging mga siyudad. Ang pagsasama-sama ng mga pamayanan na karaniwang bunga
ng pagnanais na magkaroon ng proteksiyong militar ang bumuo sa mga kaharian.

Ang isang pamayanan o kaharian ay nagiging kabihasnan o sibilisasyon kung ito ay nagtataglay ng mataas na
antas ng: pamahalaang sentral, relihiyon, herarkiya sa lipunan, kabuhayan, job specialization, arkitektura, pagawaing
bayan (public works), edukasyon, sining at kultura, may sistema ng pagsulat, at may mga siyudad.

 SINAUNANG PANAHON

Ayon sa mga arkeologo, o mga siyentistang nag-aaral ng sinaunang kasaysayan, ang sinaunang panahon ng
kabihasnan ng tao ay tinatawag na Panahon ng Bato. Ito ay nahahati sa dalawang panahon: Paleolithic o Panahon ng
Lumang Bato at ang Neolithic o Panahon ng Bagong Bato. Ang Panahong Mesolithic naman ang tinatayang panahon ng
transisyon sa pagitan ng Panahong Paleolithic at Neolithic.

Ang mga archeological dig ang pinagmumulan ng mayamang batayan ng sinaunang kabihasnan. Dito nagmumula
ang mga artifact na binubuo ng mga alahas at iba pang gamit na gawang tao. Ang mga fossils o buto nanamg natatagpuan
ditto ang siyang naghahayag ng taas at itsura ng mga ito.

Ang mga ANTROPOLOGO naman ang siyentistang nag-aaral ng kultura at gawi ng mga tao.

Ang kultura ay pamamaraan ng pamumuhay na nagbibigay pagkakakilanlan at kahalagahan ng isang pamayanan.


Ito ang humuhubog at nagbibigay-kahulugan sa pamumuhay ng tao sa mundo. Ang pag-unlad ng kultura ay nakasalalay
higit sa lahat sa kakayahan ng taong makipagtulungan.
Ang pag-unlad ng tao ay nangangahulugang pag-unlad ng kultura at ng teknolohiya. Ang pag-unlad ng
teknolohiya mula sa paggamit ng payak na mga kagamitan hanggang sa paggamit ng mga komplikadong mga kagamitan
ay naglalarawan ng pag-unlad ng isang kultura.

Panahong Paleolitiko o Lumang Bato

Nagmula ang mga salitang paleolitiko sa mga katagang “paleos” na ang ibig sabihin ay luma at “lithos” na ang
kahulugan ay bato. Samakatuwid, ang Paleolitiko ay ang panahon ng Lumang Bato.
Ang Paleolitiko ay ang panahon kung saan ang pagbabagong-anyo ng tao ay nakita. Ang mga tao sa Paleolitikong
panahon ay gumagamit ng mga magagaspang na mga kagamitang bato. Maliban dito, sa panahong ito rin nadiskubre ang
apoy. Sila rin ay mga nomadiko o hindi nanatili sa isang lugar at ganap na umaasa sa kalikasan. Sila ay nabubuhay sa
pamamagitan ng pangangaso, pamumulot, at pamimitas. Sila ay karaniwang nanirahan sa mga yungib.
Hinahati ang Panahong Paleolitiko sa tatlong bahagi: Lower, Middle, at Upper. Ang panahong Lower Paleolithic
ay sinasabing panahon ng pagbabago ng anyo ng tao. Sa panahong ito tinatayang nabuhay ang Australopithecine.
Ang panahong Middle Paleolithic ay itinuturing na panahon ng pagkontrol ng mga Hominid sa kanilang
kapaligiran. Sa yugtong ito nagsimulang magpahayag ng artistikong-abilidad ang mga tao. Gumuhit sila sa mga bato at
mga pader ng mga yungib. Sa yugto ding ito nagkaroon ng palatandaan ng pagsamba o ritwal panrelihiyon. Ang panahong
St. Mary’s Academy of Sta. Cruz, Inc. 2|6
Upper Paleolithic ay yugto ng pagbuo ng kultura ng mga tao. Sa panahon ring ito umusbong ang mga Cro-Magnon. Sa
panahong ito nagsimulang magbago ang mga gawi, asal, at pamumuhay ng mga tao.

Panahong Mesolitiko
Sa arkeolohiya, ang mesolitiko ay nagmula sa mga salitang Griyego na “mesos” na ang ibig sabihin ay gitna at
“lithos” o bato. Itinuturing ang yugtong ito na kalinangan sa pagitan ng paleolitiko at neolitiko.

Sa pagkatunaw ng mga glacier o malalaking tipak ng yelo noong 10000 hanggang 4500 BCE, nagkaroon ng
malaking pagbabago sa kapaligiran. Nagsimula ang pag-usbong at paglago ng mga gubat.

Naninirahan sa mga tabing-ilog at dalampasigan ang mga taong mesolitiko. Nadagdagan ang uri ng kanilang
pagkain ng mga lamang dagat at lamang ilog. Naging katulong sa pangangaso ang napaamong aso, tanda na humihirap
ang pagkalap ng pagkain sa kapaligiran.

Panahong Neolitiko
Ang salitang neolitiko ay hango sa wikang Griyego na “neo” na nangangahulugang bago at “lithic” na ang ibig sabihin ay
bato. Samakatuwid, ang panahong ito ay panahon ng Bagong Bato. Ang panahong ito ay kakikitaan ng paggamit ng tao
ng ma pulidong kagamitang bato o polished stone tools.

Sa panahong ito natuklasan ng tao ang pagsasaka at pagpapaamo ng mga hayop. Ang malawakang pagsasaka at
pagpapaamo ng mga hayop ay naging tanda na ang tao ay maari niyang linangin ang kanyang kapaligiran at magkaroon
ng ugnayang pagtutulungan sa pagitan ng tao at kalikikasan.

Panahong Metal
Ang Panahong Metal ay may pangunahing katangian na kung saan ang tao ay nagsimulang gumamit ng
kagamitang metal. Nahahati sa mga sumusunod na yugto ang panahong ito batay sa uri ng metal na ginamit: Panahon ng
Tanso, Panahon ng Bronse, at Panahong Bakal.

Ang panahong ito ay kakikitaan rin ng pagpapalawak ng sakop ng mga pamayanan at pagiging komplikado at
sopistikado ng kultura. Ang Asya sa Panahong Bakal ay kakikitaan ng mga pangyayari ng pananakop at pagtatag ng mga
imperyo. Ang dinastiyang Achaemenid ng Imperyo ng Persya na itinatag ni Haring Cyrus the Great ay naghari sa Gresya
at Turkiya sa Ilog Indus at Gitnang Asya noong ikaanim hanggang ikaapat na siglo BC. Sa paghina nito, nagawang
masakop ito ni Alexander the Great. Ang Imperyong Romano ay namahala sa bahagi ng Kanlurang Asya. Ang
dinastiyang Saleucido (Saleucid), Partian at Sassanian ng Persya ay namayani sa kanlurang Asya sa maraming siglo

III. PAGPAPALAWIG NG MGA KONSEPTO

Ang pag-usbong ng mga kabihasnan ay dumaan sa mahabang proseso ng pag-oorganisa ng mga sistemang
panlipunan. Ang kooperasyon ng mga mamamayan at ang kahusayan ng mga pinuno sa paggawa at pagpapatupad ng
sistemang panlipunan ang susi sa maayos na sibilisasyon. Ang kultura, relihiyon, kalakalan, at edukasyon naman ang
siyang nakapagpapaunlad sa mga sibilisasyong ito.

Ang bawat yugto sa kasaysayan ng tao ay nag-iiwan ng bakas na tumutuloy hanggang sa mga sumunod na
henerasayon. Ang taglay niyang talino at likas napag-uusisa ay nagbigay-daan sa pagtuklas niya ng maraming bagay na
nagdulot ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay at sa lipunang kaniyang kinabibilangan. Ang mga pagbabago
namang ito ang nagtutulak sa tao upang patuloy na linangin ang sariling kakayahan nang sa ganoo’y makaagapay sa mga
darating pang hamon ng buhay.

IV. PAG-UGNAY

a. Ignacian – Pangunahin at Kaugnay na Kahalagahan: Nasyonalismo


- upang mapahalagahan natin ang ating pagkatao ay dapat mahalin natin ang lugar na kung saan tayo nabuhay.
Ang Pilipinas ay parte ng Asya kaya naman kailanagan natin matutunan ang kabihasnan ng Asya.

b. Panlipunang Oryentasyon
- Ang pagpapalaganap ng kultura ng Asya ay napakahirap lalo na’t nasa kanlurang bahagi ka ng mundo
(western countries), Ngunit bilang isang Asyano isang tngkulin mo na ipalaganap an gating kultura. Kaya naman
gagagwa tayo ng paraan upang magampanan ang ating tungkulin.
St. Mary’s Academy of Sta. Cruz, Inc. 3|6
c. Liksyon sa Ibayong Disiplina: MAPEH/FILIPINO

- sa aralin natin ngayon ay maiiugnay natin sa ating personal na pag-unlad. Dahil sa mga nangyari noon di lang
ang mundo ang nagbago kundi ang tao sa kabuuan. Kaya naman mahalaga talaga napapg-aralan natin ating
kasaysayan

d. Biblikal na Pahayag: Lucas 16:9 – “Gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa
inyong kapwa”

Ang mga kayaman sa mundo lalo na sa Asya ay hindi natin pagmamay-ari kaya naman gamitin natin ito sa ng
mabuti gaya ng pag-alaga at paggamit ng tama kagaya sa ating mga ninuno.

V. TALASANGGUNIAN

Ramirez, Neofidel Ignacio B. Araling Panlipunan 7 Sandigang Kasaysayan ng Asya. Manila: Aklat at Dunong
Publishing, Inc., 2017.
Samson, Maria Carmelita B. et. al. Kayamanan Araling Asyano Batayan at Sanayang Aklat sa Araling
Panlipunan: Manila: REX Book Store, Inc., 2017.
Lopez, Jodi Mylene M. at Vargas, Hernes, P. Kronika 7 Araling Asyano. Makati City: Don Bosco Press,
Inc., 2018.

Prepared by: Checked by:


ANGELIQUE A. RAFAELA, LPT EDMOND G. BALBOA, LPT
Teacher Academic Coordinator

Verified/Noted by: Approved by:


S. MARIA RUFEL S. PALARCA, RVM S. MA. YOLANDA D. CAPIÑA, RVM

Office In-charge School Principal

St. Mary’s Academy of Sta. Cruz, Inc. 4|6


ST. MARY’S ACADEMY OF STA. CRUZ, INC.
(Formerly Holy Cross Academy)
Sta. Cruz, Davao del Sur
ARALING PANLIPUNAN 7
PANGALAN: _______________________________ PETSA: _________________
BAITANG/PANGKAT: ___________________ Week # 1
Topic: Konsepto at Paghubog ng Sinaunang Kabihasnan sa Asya

Gawaiin 1: Paghihinuha: Basahin at suriin ang sumusunod na pahayag.

Darwin’s “On the Origin of the Species of Man”

“It is not the strongest of the species that survives, nor the most intelligent, but the one most responsive to
change. In the struggle for survival, the fittest win out at the expense of their rivals because they succeed in
adapting themselves best to their environment.”
- Charles Darwin

1. Ano ang ibig ipahiwatig ni Darwin sa kanyang pahayag?

2. Ano ang naging kaugnayan ng pahayag ni Darwin sa patuloy na pagtatagumpay sa buhay ng tao?

3. Naniniwala ka ba sa pahayag na ito? Ano ang iyong paninindigan tungkol sa inihayag ni Darwin?
Ipaliwanag ang sagot.

Pamantayan: Nilalaman (Pagpapaliwanag at Patotoo)– 10 puntos


Organisasyon at Presentasyon – 5 puntos

St. Mary’s Academy of Sta. Cruz, Inc. 5|6


GAWIIN 2
A. Ang kinabibilangan mong komunidad ay sibilisado. Magtanong sa mga miyembro ng pamilya o mga kapitbahay na
malapit sa inyo na nakakatanda magsaliksik ng mahahalagang impormasyon tungkol sa iyong komunidad.
Patunayang sibilisado ang kinabibilangan mong komunidad sa pamamagitan ng pag-iisa-isa sa mga katangian ng
iyong lugar bilang isang kabihasnan.
Pamantayan: Nilalaman (opinyon/argumento at patotoo) – 10 puntos
Organisasyon at Presentasyon – 10 puntos
Grammar at Mekaniks (spelling, indention,
capitalization, punctuation) – 5 puntos

Katangian ng Kabihasnan Patunay at Paglalarawan na Mayroon Nito sa Iyong Komunidad


halimbawa: Makikita sa aming pamayanan ang naglalakihang factory. Ito ay
Maunlad na Kasanayang Teknikal patunay ng maunlad na pamumuhay ng mga taga-Sta.Cruz sa mga trabahong
handog ng mga gusaling ito. Nagiging madali o convenient ang pamimili ng mga
tao maging sa pagtataguyod ng kani-kanilang negosyo.

Matatag na Pamahalaang may


Maunlad na Batas at Alituntunin

Dalubhasang Manggagawa

Maunlad na Kaisipan (Literasi o


Edukasyon)

May Sistema ng Pagtatala

Sa iyong palagay, maliban sa mga nabanggit na katangian ng kabihasnan, ano pang katangian ang dapat taglayin ng isang
pamayanan upang ito ay tawaging sibilisado. Ipaliwanag.
__________________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________

St. Mary’s Academy of Sta. Cruz, Inc. 6|6

You might also like