You are on page 1of 2

Isulong ang Divorce Law Sa Bansa

Bernadeth E. Pocpoc
12-HUMSS

Ika nga ng karamihan bilang rason sa pagbabawal ng diborsyo sa bansa, Ang sinumang
pinag isa ay hindi maaaring paghiwalayin, pero paano kung sinasaktan na lamang nila ang
kanilang mga puso at kinukulong ang mga sarili sa siphayo at pang-aabuso? Tunay na ang
pag-aasawa ay isang mahalagang bahagi ng buhay ng bawat indibidwal. Ngunit, sa kabila ng
pagsusumikap ng mag-asawa na panatilihin ang kanilang pagsasama, may mga pagkakataon na
hindi na maaaring ituloy ang isang mapanakit na pagsasama. Sa Pilipinas, kasalukuyang walang
divorce law, na nagreresulta sa masalimuot na proseso para sa mga mag-asawa na nais
maghiwalay. At para sa akin, bilang isa sa mga kabataang sumusuporta sa patas na kapakanan ng
kababaihan at kalalakihan, lubos akong sumasang-ayon sa pagpapatupad ng divorce sa Pilipinas.

Sa mga biktima ng pisikal, emosyonal, o pang-aabuso sa loob ng pamilya, ang


pagkakaroon ng divorce law ay maaaring magbigay proteksyon at kaligtasan. Ito ay magiging
paraan upang mabawasan ang pagdurusa ng mga naapektuhan at mapanagot ang mga abusadong
asawa. Kaya hindi sapat na rason ang paglalatag ng kung anong kasabihan laban sa
pagpapatupad ng divorce law sa Pilipinas sapagkat hindi natin kontrolado o batid ang sitwasyon
at nararamdaman ng bawat indibidwal na nasa isang mapang-abusong pagsasama. Dahil ang
diborsyo ay maaaring magsilbing taga-sagip sa mga nagtitiis at nahihirapan sa kanilang mga
kinakasama.

Sa pagpapasa ng isang divorce law, magkakaroon tayo ng legal na proseso upang ayusin
ang hiwalayan ng mag-asawa. Makapagbibigay-linaw ito sa mga usaping legal at pinapayagan
ang mga indibidwal na simulan muli ang kanilang buhay. Isang punto pa, isa tayong
demokratikong bansa kaya ang pagkakaroon at pagbibigay ng ganitong kalayaan at karapatan sa
mga Pilipino ay magandang pagnilayan nang mabuksan natin ang ating mga puso sa ganitong
usapin. At higit sa lahat, sa pagkakaroon ng divorce law, ang mga mag-asawa na may malubhang
hindi pagkakasunduan ay maaaring buksan ang pintuan para sa pangmatagalang kaligayahan.
Ang bawat isa ay may pagkakataon na mahanap ang totoong kasiyahan at magkaroon ng mas
matahimik na buhay.

Ang pagpapatupad naman ng diborsyo o divorce sa Pilipinas ay maaaring magsilbing


huling solusyon sa mga pamilya na may malalang problema o pang-aabuso sa loob ng kanilang
pagsasama. Maaring ito ay makapagbigay ng kaligtasan para sa mga indibidwal na naipit sa
isang hindi masayang pagsasama. Bagama't masidhi na ring isinusulong ang pagkakaroon ng
divorce law sa bansa, hindi naman ibig sabihin nito na ito agad ang piliing solusyon ng bawat
indibidwal sapagkat maaari rin namang sumailalim sa ibang proseso ng paghihiwalay ngunit
kung hangad talaga na hindi na magkaroon pa ng kung anong koneksyon sa kinakasama,
naririyan ang paraang hatid ng diborsyo.

Sa kabuuan, ang pagpapatupad ng divorce sa Pilipinas ay isang hakbang tungo sa


pagbibigay-linaw, proteksyon, at kalayaan para sa mga mag-asawa na hindi na maaaring ituloy
ang kanilang pagsasama. Isa itong hakbang patungo sa pagkakaroon ng mas makatarungan at
pantay-pantay na lipunan, kung saan ang kapakanan ng bawat isa ay dapat na pangunahing
isinasaalang-alang. Kaya, nararapat na bigyan natin ng boses ang damdamin ng mga sawing puso
buhat sa hindi mabuting pagsasama. Bigyan natin ng kalayaan at kapanatagan ang bawat isang
humihiling nito.

Isulong natin ang diborsyo sa Pilipinas.

You might also like