You are on page 1of 1

EsP 10 Q3: Modyul 2: Ang Pagmamahal sa Diyos at sa Kapuwa

Most Essential Learning Competencies:


A. Napangangatwiranan na: Ang pagmamahal sa Diyos ay pagmamahal sa kapuwa. Koda: EsP10PB-IIIb-9.3
B. Nakagagawa ng angkop na kilos upang mapaunlad ang pagmamahal sa Diyos. Koda: EsP10PB-IIIb-9.4
Pagtalakay:
Ano ang kahulugan ng buhay para sa iyo? Ang buhay ay maituturing na isang paglalakbay. Sa paglalakbay na ito ay kailangan ng tao ang makakasama upang maging
magaan ang kaniyang paglalakbay. Una, paglalakbay kasama ang kapuwa at ikalawa, paglalakbay kasama ang Diyos.
Ang pagmamahal sa Diyos at sa kapuwa ay ang tunay na pagmamahal. Pamilyar ka ba sa dalawang pinakamahalagang utos? Ito ay ang: Ibigin mo ang Diyos nang buong
puso, isip, at kaluluwa at ibigin mo ang iyong kapuwa tulad ng iyong sarili.
Ang magmahal ang pinakamahalagang utos. Sinasabi sa Juan 4:20, “Ang nagsasabi na iniibig ko ang Diyos, subalit napopoot naman sa kaniyang kapatid ay isang
sinungaling. Kung ang kapatid na kaniyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?” Masasabi lamang ng tao na siya ay
nagmamahal sa Diyos kung nagmamahal siya sa kaniyang kapuwa.
Nakita ni Mother Teresa ng Calcutta ang kaniyang malalim na ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga tao na hindi katanggap-tanggap sa lipunan
tulad ng mga pulubi sa lansangan, mga may sakit na ketong, mga matatandang maysakit na iniwan ng kanilang pamilya, at marami pang iba.
Ayon kay Mother Teresa, ang tunay na pagmamahal ay ang magmahal ng walang hinihintay na anumang kapalit kahit na nahihirapan o nagsasakripisyo ay nagmamahal
pa rin. Ganyan ang ipinakita niyang pagmamahal – isang pagmamahal na ang hinahanap ay makita ang Diyos sa piling ng kapuwang pinaglilingkuran.
May apat na uri ng pagmamahal ayon kay C.S. Lewis:
1. Affection - Ito ay ang pagmamahal bilang magkakapatid, sa magkakapamilya o sa mga taong nagkakilala at naging malapit sa isa’t isa.
2. Philia – ito ay ang pagmamahal ng magkakaibigan at mayroon silang iisang nilalayon na kung saan sila ay magkakaugnay.
3. Eros – Ito ay pagmamahal batay sa pagnanais lamang ng isang tao. Kung ano ang makapagdudulot ng kasiyahan sa kaniyang sarili. Halimbawa: Mahal mo siya kasi guwapo
siya. Tumutukoy sa pisikal na nais lamang ng tao.
4. Agape – Ito ang pinakamataas na uri ng pagmamahal, ang pagmamahal na walang kapalit gaya ng pagmamahal ng Diyos sa tao. Patuloy na nagmamahal sa kabila ng mga
pagkukulang at patuloy na pagkakasala ng tao ay patuloy pa rin niyang minamahal.
Kaya marapat lamang na bawat isa sa atin ay tularan ang Diyos. Mahalin natin ang ating kapuwa dahil ito ang palatandaan ng pagmamahal natin sa Diyos na Lumikha.

You might also like