You are on page 1of 2

“ARALIN 9: PAGMAMAHAL NG DIYOS”

Para sa iyo, ano ang ibig sabihin ng love o pagmamahal? Ang tao sa kanyang kalikasan ay may kakayahang magmahal
dahil sa taglay nitong kilos-loob at kung tatanungin ang tao sa kung ano ang ibig sabihin nito marahil iba-iba ang pakahulugan sa
salitang pagmamahal at maaaring nakadepende sa kanilang karanasan kasama na ang antas ng relasyon sa kung paano ito
bibigyan ng depenisyon.
Ang pagmamahal ay isang birtud kung saan naipakikita at naipaparamdam ng isang tao ang kanyang lubos na
kaligayahan at kagustuhang kalingain ang taong mahalaga sa kanya. Sa oras na magawa ito ng tao ay masasalamin sa kaniya ang
pagmamahal niya sa Diyos dahil naibabahagi niya ang kaniyang buong pagkatao, talino, yaman, at oras nang buong-buo at
walang pag-aalinlagan. Ito ang makapagbibigay ng kahulugan at dahilan upang patuloy na mabuhay ang tao sa mundong ito.
Bilang isang Pilipino likas sa atin ang maging mapagmahal sa Diyos. Iba-iba man ang relihiyon ay may pagkakatulad na
paniniwala at ito ay ang bukal na pagmamahal sa Diyos, ang Diyos na lumikha ng lahat ng nilalang at bagay sa mundo dahil siya
ang Diyos ng pag-ibig.
Ang Diyos ay Pag-ibig, ano-ano nga ba ang mga katangian ng dakilang pagmamahal na ito na naging ng sentro ng
pananampalataya ng tao.
1. Ang pagmamahal ng Diyos ay nagbubuklod sa lahat ng tao.
2. Ang pagmamahal ng Diyos ay isang biyaya ng espiritu.
3. Ang pagmamahal ng Diyos ay banal at walang hanggang kaya may forever.
4. Ang pagmamahal ng Diyos ay nakapagbibigay ng lunas o kagalingan at pagbabago sa buhay ng tao.
Atin namang bigyan ng pansin ang kahalagahan ng Pagmamahal ng Diyos. Ang pagmamahal ng Diyos ay may malaki at malalim
na magagawa sa buhay ng tao. Sa bisa at gabay ng pagmamahal ng Diyos ay:
1. Nababago ang kamalayan ng tao. Sa pamamagitan ng pagtitiwala at walang hanggang paglapit ng tao sa Diyos, tayo ay
nagkakaroon ng kaliwanagan ng kaisipan (enlightenment) at paghubog ng karunungan (wisdom). Nakikita, nasusuri at
nabibigyang halaga ang buhay at pagmamahal sa kapwa.
2. Natututong magmahal ng tunay sa kapwa at lahat ng nilikha ng Diyos. Mula sa malalim na ugnayan ng tao sa Diyos,
umuusbong ang karunungan at pag-ibig na nararapat ibigay ng tao sa kanyang kapwa. Ito ay pagtugon sa biyaya ng pag-ibig ng
Diyos na anumang gawin natin sa ating kapwa ay ginawa rin natin sa Diyos.
3. Nagagabayang magpasya at kumilos ang tao batay sa pagpapahalagang moral at pagsasabuhay ng mga birtud. Tumitingkad,
tumitibay at nagkakaroon ng direksiyon ang buhay ng tao sa pagsasabuhay ng mga biyaya ng espiritu ng pagmamahal ng Diyos
tulad ng karunungan at pag-ibig. Nagkakaroon din ng kakayahan ang taong maunawaan, makapagdesisyon at mailapat sa tunay
na buhay ang katotohanan at kabutihan.
4. Nakararanas ang tao ng pagbabalik-loob (conversion of life). Pinatitibay ng pagmamahal ng Diyos ang kakayahan ng isip na
makita ang maling gawi at kilos ng tao upang ito ay maituwid at mapagtanto ang halaga at katwiran ng buhay. Pinagkaloob ng
Diyos ang isip upang makaunawa ng mga bagay-bagay at hinuhubog ang kilos-loob tungo sa bagay na ikabubuti ng tao. Tandaan:
Hindi man natin mapantayan ang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang ating munting pakikipag-ugnayan, pagtitiwala at walang
hanggang pagkandili sa Kanya ay magdudulot ng kabutihan sa ating buhay.
Naranasan mo na bang masaktan? Sa panahong ikaw ay luhaan dahil sa matinding pinagdadaanan, kaninu ka humugot
ng lakas ng loob? Halimbawa, noong pumasok ang taong 2020 ay tila baga tumigil ang ikot ng mundo dahil sa Coronavirus
Disease o COVID-19. Maraming nasaktan at dumanas ng matinding kalungkutan dahil sa pagpanaw ng mahal sa buhay na kahit
sa huling sandali ng paghihirap nito ay hindi man lang nasilayan, humirap ang buhay dahil sa nawalan ng pinagkakakitain o
trabaho, napalayo sa pamilya ng matagal dahil walang pagkakataong makauwi, naging positibo sa sakit na Covid-19 gumaling
subalit napakalaki ng bill na babayaran sa ospital at marami pang iba. Ilan lamang ito sa mga hindi magandang naranasan ng tao
sa panahon ng pandemya subalit sa kabila ng matinding pinagdaanang ito, kanino dapat lumapit, kumapit at humugot ng lakas ng
loob tayong mga tao? Ang mga Pilipino, kahit pa dumanas ng maraming hirap at kabi-kabilang suliraning kinahaharap sa buhay
ay likas na masayahin, bakit kaya? Dahil sa paniniwala natin na “ang pagiging masayahin at palangiti ay nakakapagpalakas ng
loob ng isang tao sa halos alinmang kamalasan at pananagutan ng bawat tao ang kanyang sariling kaligayahan”.
Higit pa sa paniniwalang ito ay ang malalim na pananampalataya na mayroon ang tao sa Diyos. Ang pananampalataya
ay ang personal na ugnayan ng tao sa Diyos. Isa itong malayang pasiya na alamin at tanggapin ang katotohanan ng presensiya
ng Diyos sa kaniyang buhay at sa pagkatao niya. Sa pananampalataya, naniniwala at umaasa ang tao sa mga bagay na hindi
nakikita. Sa aklat ng Hebreo sinasabi na, “Ang pananampalataya ang siyang kapanatagan sa mga bagay na inaasam, ang
kasiguruhan sa mga bagay na hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Ibig sabihin, nagiging panatag ang tao dahil siya ay naniniwala at
nagtitiwala sa Diyos kahit pa hindi niya ito nakikita at mula rito, nararanasan niya ang kapanatagan, ang tunay na kaginhawahan
at kaligayahan.
Narito ang mga pangunahing birtud na dapat isabuhay upang mas mapalalim ang iyong ugnayan sa Diyos, ang
pananampalataya at harapin ang mga pagsubok sa buhay.
Mga Pangunahing Birtud
KAHINAHUNAN - Pagpapakita ng pagiging kalmado sa mga sitwasyon ng kaguluhan at
pagkakaroon ng katahimikan habang nakapagdedesisyon ng tama at positibo.
KATARUNGAN - Walang kinikilinang tao at gumagawa ng desisyon na balanse at tama para sa
lahat ng tao.
KATATAGAN - Tumutulong sa tao upang malagpasan ang mga balakid sa buhay.
PAGTITIMPI - Pagkontrol sa sarili.
PANANAMPALATAYA - Pagtitiwala sa Diyos ng walang pag-aalinlangan.
PAG-ASA - Kaagapay ng mga taong nanghihina dahil sa mga problema sa buhay at
magpapalakas sa bawat indibidwal.
PAG-IBIG/PAGBIBIGAY - Tumutulong sa tao upang maipakita ang kakayahang tumulong at mag-aruga sa kapwa.
Apat na Uri ng Pagmamahal ayon kay C.S. Lewis.
1.Affection – Ito ay ang pagmamahal bilang magkakapatid, lalo na sa mga magkakapamilya o maaaring sa mga taong
nagkakilala at naging malapit o palagay na ang loob sa isa’t isa.
2. Philia – Ito ay pagmamahal ng magkakaibigan. Mayroon silang iisang tunguhin o nilalayon na kung saan sila ay
magkakaugnay.
3. Eros – Ito ay pagmamahal batay sa pagnanais lamang ng isang tao. Kung ano ang makapagdudulot ng kasiyahan sa kaniyang
sarili. Halimbawa: Mahal mo siya dahil maganda siya. Ito ay tumutukoy sa pisikal na nais ng isang tao.
4. Agape – Ito ang pinakamataas na uri ng pagmamahal. Ito ay ang pagmamahal na walang kapalit. Ganyan ang Diyos sa tao.
Patuloy na nagmamahal sa kabila ng mga pagkukulang at patuloy na pagkakasala ng tao ay patuloy pa rin Niyang minamahal
dahil ang TAO ay mahalaga sa Kaniya.

Ang buhay na pananampalataya ay may kapangyarihang magbigay sa tao ng katuparan ng kanyang mga naisin, pag-asa
at pangarap. Ito ay nasisimula sa pag-ibig ng Diyos sa atin at lumalago kung natutuhan na nating ipalaganap sa pamamagitan
ng paglilingkod sa kapwa. Nakikita sa gawa kung anong uri ng pananampalataya mayroon ang isang tao. Sa pananaw
ngnakakarami, “ang totoong pag-unlad ay iyong higit na nagpapahalaga sa uri ng buhay na hindi lamang pampisikal kundi pati
na rin pang-espiritwal”. Ang ating buhay-ispiritwal ay dapat
pagyamanin at alagaan upang patuloy na umunlad at tumibay. Ang ugnayan natin sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya
sa dapat alagaan. Katulad ng dalawang taong nagmamahalan, kailangan alagaan nila ito upang mapanatili ito. Narito ang ilan sa
mga dapat gawin upang mapangalagaan ang ugnayan ng tao sa Diyos.
1. Panalangin- Ito ay paraan ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Sa pananalangin,ang tao ay nakapagbibigay ng
papuri, pasasalamat, paghingi ng tawad, at paghilingsa Kaniya. Kung hindi natutupad ang hinihiling sa panalangin, huwag agad
panghinaanng pananampalataya dahil may dahilan ang Diyos kung bakit hindi Niya ibinibigay sa tao.Maaring hindi pa dapat ito
mangyari o makakasama ito sa taong humihiling.
2. Panahon ng pananahimik at pagninilay- Sa buhay ng tao, napakahalaga angpananahimik. Ito ay makatutulong upang
ang tao ay makapag-isip at makapagnilay. Mularito mauunawaan ng tao ang tunay na mensahe ng Diyos sa kaniyang buhay.
Makatutulong ito upang malaman ng tao kung ano ang ginagawa niya sa kaniyang paglalakbay, kungsaan siya patutungo.
3. Pagsisimba o Pagsamba – Anuman ang pinaniniwalaan ng tao, mahalaga ang pagsisimba o pagsamba saan man siya
kaanib na relihiyon. Ito ang makatutulong sa tao upang lalo pang lumawak ang kaniyang kaalaman sa Salita ng Diyos at
maibahagi ito sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kaalaman na napulot sa pagsisimba/pagsamba.
4. Pag-aaral ng Salita ng Diyos – Upang lubos na makilala ng tao ang Diyos, nararapat na malaman ang Kaniyang mga
turo o aral. Tulad ng isang tao na nais makilala nang lubos ang taong kaniyang minamahal, inaalam niya ang lahat ng
impormasyon ukol dito. Hindi lubusang makikilala ng tao ang Diyos kung hindi siya mag-aaral o magbabasa ng Banal na
Kasulatan o Koran.
5. Pagmamahal sa Kapwa – Hindi maaaring ihiwalay sa tao ang kaniyang ugnayan sa kapwa. Ito ang isang dahilan ng
pag-iral ng tao, ang mamuhay kasama ang kapwa. Hindi masasabi na maganda ang ugnayan ng tao sa Diyos kung hindi
maganda ang ugnayan niya sa kaniyang kapwa. Mahalagang maipakita ng tao ang paglilingkod sa kaniyang kapwa
6. Pagbabasa ng mga aklat tungkol sa espiritwalidad – Malaki ang naitutulong ng pagbabasa ng mga babasahin na may
kinalaman sa espiritwalidad. Ito ay nakatutulong sa paglago at pagpapalalim ng pananampalataya ng isang tao.

You might also like