You are on page 1of 6

IKATLONG MARKAHAN

WEEK 1-2
Pagmamahal sa Diyos
1. Naranasan mo na bang magmahal?
2. Kung naranasan mo na ito, ano ang iyong naging pakiramdam?
3. Naging masaya ka ba o kakaiba ang iyong pakiramdam?

Tila hindi mo napapansin ang paglipas ng oras sapagkat doon umiikot ang iyong mundo. Sa pagmamahal, binubuo ang isang
maganda at malalim na ugnayan sa taong iyong minamahal. Sa ugnayang ito, nagkakaroon ng pagkakataon ang dalawang tao na
magkausap, magkita, at magkakilala. Ito ay nagsisimula sa simpleng palitan ng usapan at maaaring lumalim kung patuloy ang
kanilang ugnayan. Mas nagiging maganda at makabuluhan ang ugnayan kung may kasama itong pagmamahal.

Ang tao ang pinaka-espesyal sa lahat ng nilikha dahil hindi lamang katawan ang ibinigay sa kaniya ng Diyos kundi pinagkalooban
din siya ng espiritu na nagpapabukodtangi at nagpapakawangis sa kaniya sa Diyos. Ngunit ang nagpapakatao sa tao ay ang kaniyang
espiritu na kinaroroonan ng persona. Ang persona, ayon kay Scheler ay, “ang pagka-ako” ng bawat tao na nagpapabukod-tangi sa
kaniya. Kaya’t ang espiritwalidad ng tao ay galing sa kaniyang pagkatao. Ito ay lalong lumalalim kung isinasabuhay niya ang
kaniyang pagiging kalarawan ng Diyos at kung paano niya minamahal ang kanyang kapuwa.

Ang espiritwalidad ay pagkakaroon ng diwa kung ang espiritu ng tao ay sumasalamin sa kaibuturan ng kaniyang buhay kasama -
ang kaniyang kilos, damdamin, at kaisipan. Kaya’t anuman ang relihiyon ng isang tao- ito man ay Kristiyanismo, Islam, Buddhismo at
iba pa- ang espiritwalidad ang pinakarurok na punto kung saan niya nakakatagpo ang Diyos.
Ang tao ay naghahanap ng kahulugan ng kaniyang buhay. Mula sa kaniyang pagtatanong kung bakit siya umiiral. Sa harap ng
mga pagsubok o problema na kaniyang pinagdaraanan, marahil nagtatanong ang tao kung may Diyos bang makapagbibigay ng
kasagutan sa kaniyang mga pagtatanong. Dito kailangan niya ang pananampalataya.
Ang pananampalataya ay ang personal na ugnayan ng tao sa Diyos. Isa itong malayang pasiya na alamin at tanggapin ang
katotohanan ng presensiya ng Diyos sa kaniyang buhay at sa pagkatao niya. Isa itong biyaya na maaaring Malaya niyang tanggapin o
tanggihan. Sa pananampalataya, naniniwala at umaasa ang tao sa mga bagay na hindi nakikita. Sa pananampalataya, itinatalaga ng tao
ang kaniyang paniniwala at pagtitiwala sa Diyos. Inaamin niya ang kaniyang limitasyon at kahinaan dahil naniniwala siyang anuman
ang kulang sa kaniya ay pupunuan ng Diyos. Ang pananampalataya, tulad ng pagmamahal ay dapat ipakita sa gawa. Ito ay ang
pagsasabuhay ng tao sa kaniyang pinaniniwalaan.

Ang tunay na diwa ng espiritwalidad ay ang pagkakaroon ng mabuting ugnayan sa kapuwa at ang pagtugon sa tawag ng
Diyos.

Kung kaya’t, ang pananampalataya ay hindi maaaring lumago kung hindi isinasabuhay para sa kapakanan ng kapuwa.
Naipapahayag ng tao ang kaniyang pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasabuhay nito. Wika nga ni Apostol
Santiago sa Bagong Tipan, “Ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay” (Santiago 2:20). Ibig sabihin, ang mabuting
kilos at gawa ng tao ang siyang matibay na nagpapakita ng kaniyang pananampalataya at pagmamahal sa Diyos.
Anoman ang gawin mo sa iyong kapuwa, ginagawa mo sa iyong sarili. Naipapahayag ang pananampalataya sa Diyos sa
pamamagitan ng relihiyon. Maaaring iba’t iba ang relihiyon at ang pamamaraan ng pagsasabuhay ng pananampalataya, mahalagang
igalang ang mga ito. Magkakaiba man ang turo o aral ng bawat isa, ang mahalaga ay nagkakaisa sa iisang layuning magkaroon nang
malalim na ugnayan ang tao sa Diyos at kapuwa. Ang pananampalataya ay dapat ding alagaan upang mapanatili ang ningas nito.
Naririto ang ilan sa mga dapat gawin upang mapangalagaan ang ugnayan ng tao sa Diyos.

1. Panalangin – Ito ay paraan ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Sa pananalangin, ang tao ay nakapagbibigay ng papuri,
pasasalamat, paghingi ng tawad, at paghiling sa Kaniya.
2. Panahon ng Pananahimik o Pagninilay – Sa buhay ng tao, napakahalaga ang pananahimik. Ito ay makatutulong upang ang
tao ay makapagisip at makapagnilay.
3. Pagsisimba o Pagsamba – Anuman ang pinaniniwalaan ng tao, mahalaga ang pagsisimba o pagsamba saan man siya kaanib na
relihiyon.
4. Pag-aaral ng Salita ng Diyos – Upang lubos na makilala ng tao ang Diyos, nararapat na malaman ang Kaniyang mga turo o
aral.
5. Pagmamahal sa Kapuwa – Hindi maaaring ihiwalay sa tao ang kaniyang ugnayan sa kapuwa. Ito ang isang dahilan ng pag-
iral ng tao, ang mamuhay kasama ang kapuwa.
6. Pagbabasa ng mga aklat tungkol sa espiritwalidad – Malaki ang naitutulong ng pagbabasa ng mga babasahin na may
kinalaman sa espiritwalidad. Ito ay nakatutulong sa paglago at pagpapalalim ng pananampalataya ng isang tao.

Tanong: Alin sa sumusunod na paraan ang iyong nagagawa upang mapalalim ang iyong ugnayan sa Diyos? Ipaliwanag.

Sinasabi sa Juan 4:20, “Ang nagsasabi na iniibig ko ang Diyos, subalit napopoot naman sa kaniyang kapatid ay isang sinungaling.
Kung ang kapatid na kaniyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?”

Mayroon tayong tinatawag na Apat na Uri ng Pagmamahal ayon kay C.S. Lewis.

1. Affection – Ito ay ang pagmamahal bilang magkakapatid, lalo na sa mga magkakapamilya o maaaring sa mga taong
nagkakilala at naging malapit o palagay na ang loob sa isa’t isa.
2. Philia – Ito ay pagmamahal ng magkakaibigan. Mayroon silang iisang tunguhin o nilalayon na kung saan sila ay
magkakaugnay.
3. Eros – Ito ay pagmamahal batay sa pagnanais lamang ng isang tao. Kung ano ang makapagdudulot ng kasiyahan sa kaniyang
sarili. Halimbawa: Mahal mo siya dahil maganda siya. Ito ay tumutukoy sa pisikal na nais ng isang tao.
4. Agape – Ito ang pinakamataas na uri ng pagmamahal. Ito ay ang pagmamahal na walang kapalit. Ganyan ang Diyos sa tao.
Patuloy na nagmamahal sa kabila ng mga pagkukulang at patuloy na pagkakasala ng tao ay patuloy pa rin Niyang minamahal dahil
ang TAO ay mahalaga sa Kaniya. Kung gayon, ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan na tularan ang Diyos. Sikapin natin na mahalin
ang ating kapuwa dahil ito ang palatandaan ng pagmamahal natin sa Diyos na Lumikha.

Tanong: Nagsusumikap ka bang magmahal para sa Diyos? Pangatwiranan.

WEEK 3-4
Paggalang sa Buhay
Mga Isyu na labag sa paggalang sa buhay.

1. Aborsiyon
Isa sa mga pinakamahahalagang isyu sa buhay ay ang aborsiyon. Ang isyung ito ay may mahabang
kasaysayan at mabigat pa ring pinag-uusapan ng mga mananaliksik at ng publiko – higit lalo sa pagiging moral at
legal nito. Ano ba ang aborsiyon? Bakit ito itinuturing na isyu sa buhay? Ang aborsiyon o pagpapalaglag ay pag-
alis ng isang fetus o sanggol sa sinapupunan ng ina. Sa ilang mga bansa, ang aborsiyon ay itinuturing na isang
lehitimong paraan upang kontrolin o pigilin ang paglaki ng pamilya o populasyon, ngunit sa Pilipinas, itinuturing
itong isang krimen. (Agapay, 2007).

Halimbawa

Isang ina na limang buwan nang nagdadalang-tao ang nagkaroon ng malubhang sakit. Sa pagsusuri ng
mga doktor, nalaman niya na kailangang alisin ang kaniyang bahay-bata ngunit maaari itong magresulta sa
pagkamatay ng sanggol sa kaniyang sinapupunan. Kung hindi naman ito isasagawa, maaaring magdulot ito ng
mga komplikasyon at malagay sa panganib ang kaniyang buhay.
Ano ang nararapat niyang gawin sa sitwasyon na ito?

2. Ang Paggamit ng Ipinagbabawal na Gamot


Pamilyar ka ba sa mga katagang nasa kaliwa? Sino kaya ang maaaring magsabi nito? Tama! Ito ay mga
kataga mula sa isang taong high sa droga. Ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay isa sa mga isyung moral
na kinakaharap ng ating lipunan ngayon. Ito ay “isang estadong sikiko (psychic) o pisikal na pagdepende sa isang
mapanganib na gamot, na nangyayari matapos gumamit nito nang paulit-ulit at sa tuloy-tuloy na pagkakataon.”
(Agapay, 2007) Ang pagkagumon sa ipinagbabawal na gamot ay nagdudulot ng masasamang epekto sa isip at
katawan. Karamihan din ng mga krimen na nagaganap sa ating lipunan ay malaki ang kaugnayan sa paggamit ng
droga. Karamihan sa mga kabataan ay nais mapabilang sa isang barkada o samahan (peer group). Kung hindi sila
matalino sa pagpili ng sasamahang barkada, maaaring mapabilang sila sa mga gumagamit ng droga. Samantala,
ang iba naman ay nais mageksperimento at subukin ang maraming bagay. Iniisip nila na sila ay bata pa at may
lisensiya na gawin ito. Dahil sa droga, ang isip ng tao ay nagiging blank spot. Nahihirapan ang isip na iproseso
ang iba’t ibang impormasyon na dumadaloy dito.

Halimbawa
Inalok ka ng iyong malalapit na kaibigan na sumama sa kanila at subuking gumamit ng ipinagbabawal na
gamot. Ano ang iyong gagawin? Paano mo sila kukumbinsihin na huwag nang ituloy ang kanilang gagawin?
Paano mo ipaliliwanag sa kanila na ito ay isang paglabag sa kasagraduhan ng buhay?

3. Alkoholismo
Tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ang alkoholismo o labis na pagkonsumo ng alak ay may
masasamang epekto sa tao. Ito ay unti-unting nagpapahina sa kaniyang enerhiya, nagpapabagal ng pag-iisip, at
sumisira sa kaniyang kapasidad na maging malikhain. Dahil sa kaibahan ng kanilang pag-uugali at kawalan ng
pokus, nababawasan ang kakayahan sa paglinang ng makabuluhang pakikipagkapuwa ang mga nagugumon sa
alkohol. Ang ilan sa mga away at gulo na nasasaksihan natin sa loob at labas ng ating mga tahanan ay may
kinalaman sa labis na pag-inom ng alak. Kung minsan, nauuwi pa ang mga away na ito sa iba’t ibang krimen. Sa
pagkakataong ito, masasabing naaapektuhan ng alak o alkohol ang operasyon ng isip at kilos-loob ng tao na
naging dahilan kung bakit nakagagawa siya ng mga bagay na hindi inaasahan katulad ng pakikipagaway sa
kapuwa. Kung matatandaan mo, ayon sa Modyul 5, maaaring hindi siya masisi sa kaniyang ginawa dahil nasa
ilalim siya ng impluwensiya ng alak at wala sa tamang pag-iisip, ngunit may pananagutan pa rin siya kung bakit
siya uminom ng alak at gaano karami ang kaniyang nainom. Ang paginom ng alak ay hindi masama kung
paiiralin lamang ang pagtitimpi at disiplina. Bukod sa epekto nito sa ating pag-iisip at pag-uugali, apektado rin
ang ating kalusugan. Maraming sakit sa katawan ang kaugnay ng labis na pagkonsumo nito, tulad ng cancer, sakit
sa atay at kidney. Kung hindi pagtutuunan ng pansin ang mga nabanggit na sakit, maaaring magresulta ito sa
maagang pagkamatay ng isang tao. Bilang nilikha ng Diyos, inaasahan sa atin na isabuhay ang pagpapahalaga sa
kalusugan ng ating katawan - tanda ng pagmamahal sa buhay na ipinagkaloob Niya sa atin.

4. Euthanasia (Mercy Killing)


Ang euthanasia o mercy killing ay isang gawain kung saan napadadali ang kamatayan ng isang taong may
matindi at wala nang lunas na karamdaman. Ito ay tumutukoy sa paggamit ng mga modernong medisina at
kagamitan upang tapusin ang paghihirap ng isang maysakit. Ang euthanasia kung minsan ay tinatawag ding
assisted suicide, sa kadahilanang may pagnanais o motibo ang isang biktima na wakasan ang kaniyang buhay,
ngunit isang tao na may kaalaman sa kaniyang sitwasyon ang gagawa nito para sa kaniya. Isang halimbawa nito
ay maaaring ang isang maysakit ang humihiling sa isang taong may kaalaman sa mga gamot na bigyan siya ng
isang labis na dosis ng pampawala ng sakit. Ang sakit at paghihirap ay likas na kasama sa buhay ng tao. Ang
pagtitiis sa harap ng mga pagsubok ay isang anyo ng pakikibahagi sa plano ng Diyos. Samakatuwid, hindi
maaaring hilingin ng isang tao na tapusin ang kaniyang paghihirap sa pamamagitan ng kamatayan. Higit na
mabuti kung pagmamahal at pag-aalala ang ibibigay sa kanila, hindi kamatayan

HALIMBAWA
Isang babae ang may nakamamatay na sakit. Sa ospital kung saan siya namamalagi, makikitang
maraming medikal na kagamitan ang nakakabit sa kaniya. Sa ganitong kalagayan, masasabi na hinihintay na
lamang niya ang takdang oras. Isang araw, nakiusap siya na alisin ang lahat ng kagamitang medikal at payagan na
siyang umuwi at mamatay sa kapayapaan. Kung ikaw ang doctor, ano ang iyong magiging pasya?

5. Pagpapatiwakal
Ano ba ang kahulugan ng pagpapatiwakal? Ito ay ang sadyang pagkitil ng isang tao sa sariling buhay at naaayon
sa sariling kagustuhan. Dapat may maliwanag na intensiyon ang isang tao sa pagtatapos ng kaniyang buhay bago
ito maituring na isang gawain ng pagpapatiwakal. Hindi na mahalaga kung anuman ang piniling paraan, hangga’t
naroroon ang motibo. Gayunpaman, may mga tao na kahit tuwirang inilalagay ang kanilang sarili sa panganib, ito
ay hindi itinuturing na kilos ng pagpapatiwakal sapagkat inihahain nila ang kanilang mga sarili sa matinding
panganib para sa isang mas mataas na dahilan. Masasabing magiting na pagkilos ang mawalan ng buhay sa
pagtatangkang pangalagaan ang buhay ng iba. Ang magandang halimbawa nito, ay ang pagsasakripisyo ng ating
mga sundalo at pulis, kung saan nalalagay ang kanikanilang mga buhay sa alanganin sa pagtatanggol sa ating mga
mamamayan mula sa mga masasamang loob. Hindi nararapat ilagay sa sarili nating mga kamay ang pagpapasiya
kung dapat nang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Upang makaiwas sa depresyon at hindi
mawalan ng pag-asa, mahalagang panatilihing abala ang sarili sa mga makabuluhang gawain tulad ng
paglilingkod sa kapuwa at pamayanan. Makatutulong din nang malaki ang pagkakaroon ng matibay na support
system na kinabibilangan ng ating pamilya at tunay na mga kaibigan na makapagbibigay ng saya at pagmamahal
tuwing makararamdam tayo na walang halaga ang ating buhay.

WEEK 5-6
PAGMAMAHAL SA BAYAN
Paagmamahal sa Bayan
Ang pagmamahal sa bayan ay ang pagkilala sa papel na dapat gampanan ng bawat mamamayang bumubuo rito.
Tinatawag din itong patriyotismo, mula sa salitang pater na ang ibig sabihin ay ama na karaniwang iniuugnay sa salitang
pinagmulan o pinanggalingan. Ang literal na kahulugan nito ay pagmamahal sa bayang sinilangan (native land).
Ang pagsasabuhay nito ay sa pamamagitan ng marubdob na paggawa ng trabahong pinili o ibinigay, aktibong
pakikilahok sa interes ng mayorya o kabutihang panlahat, pagsawata sa mga kilos na di makatarungan at hindi moral
(Institute for Development Education Center for Research and Communication). Kadalasang iniuugnay ang patriyotismo
sa nasyonalismo ngunit hindi magkasingkahulugan ang dalawang ito. Ang nasyonalismo ay tumutukoy sa mga
ideolohiyang pagkamakabayan at damdaming bumibigkis sa isang tao at sa iba pang may pagkakaparehong wika, kultura,
at mga kaugalian o tradisyon. Iba ito sa patriyotismo dahil isinasaalang-alang nito ang kalikasan ng tao. Kasama rin dito
ang pagkakaiba sa wika, kultura, at relihiyon na kung saan tuwiran nitong binibigyang-kahulugan ang kabutihang
panlahat.

Ang Kahalagahan ng Pagmamahal sa Bayan


Ang pagmamahal sa bayan ay mahalaga. Walang sinuman ang ligtas sa pagsasabuhay ng responsibilidad na ito,
dahil ang tao ay umiiral na nagmamahal at sumasakatawang-diwa. Ito ay nangangahulugan na tayo bilang tao ay umiiral
sa mundo kasama ang ating kapuwa. Para maunawaan mo kung gaano kahalaga ang pagmamahal, gawin nating
halimbawa ang sumusunod:
Una, ano ang mangyayari sa isang pamilya kung hindi kinakikitaan ng pagmamahal ang bawat miyembro nito?
Maaaring ang mag-asawa ay magkahiwalay, ang mga anak magkaniya-kaniya at sa pagtanda ng mga magulang, walang
kakalinga sa kanila. Magulo at nakalulungkot, di ba?
Ikalawa, ano ang mangyayari sa grupo ng manlalaro kung hindi nila ipinamalas ang pagmamahal sa kapuwa
manlalaro nila sa kanilang koponan?
Maipapanalo ba nila ang grupo? Di ba lagi mong naririnig ang salitang puso sa tuwing kinakapanayam ang
manlalaro na nagbigay nang malaking puntos upang ipanalo ang koponan?

Naririto ang ilang bagay na magpapakita ng kahalagahan ng pagmamahal sa bayan.


1. Ang pagmamahal sa bayan ay nagiging daan upang makamit ang layunin.
2. Pinagbubuklod ng ppagmamahal sa bayan ang mga tao sa lipunan.
3. Naiingatan at napahahalagahan ng pagmamahal sa bayan ang Karapatan at dignidad ng tao.
4. Napahahalagahan ng pagmamahal sa bayan ang kultura, paniniwala at pagkakakilanlan.

Mga Paglabag sa Pagsasabuhay ng Pagmamahal sa Bayan Balikan natin ang awiting “Ako’y Mabuting Pilipino.” Tugma
ba ang mensahe nito sa pagsasabuhay ng pagmamahal sa bayan? Kung ang sumusunod na tanong ay bahagi ng pagsusulit,
maipapasa mo kaya ito o may masasagot ka ba sa mga ito?

1. Kung ang mahalaga lang sa iyo ay ang iyong pamilya at hindi ang iyong kapuwa: Masaya ka ba? Matututo ka ba?
Uunlad ka ba? Magiging ganap ka ba? Kaya mo ba, kung ikaw o kayo lang?

2. Nag-aral ka ba nang mabuti? Naisagawa mo ba ang trabahong nakaatang sa iyo? Kung ikaw ay nasa ibang bansa, anong
kilos ang naisagawa mo na upang masabing ipinagmamalaki kang mamamayan ng bansa? Ilang beses mo na bang
ipinahiya ang bansa sa iyong mga makasariling mithiin? Ilang beses mo na bang ikinahiya o itinagong ikaw ay Pilipino?

3. Bakit ayaw mong tumulong sa iba? Bakit ayaw mong sumunod sa kanila bilang iyong pinuno? Bakit ayaw mong
makilahok at makialam sa mga pagkakataong kailangan ka? Bakit nagkikibit-balikat ka lang?

4. May nakita kang nangyaring krimen, sasabihin mo ba ang nakita mo kahit na may banta sa iyong buhay?

5. Ano na ang nagawa mo para sa bansa? Ilang pirasong pinagbalatan na ng candy ang iyong pasimpleng itinapon sa kung
saan-saan? Ilang pampublikong pag-aari na ba ang iyong sinulatan na kahit walang pahintulot (Vandalism)? Kailan ka pa
naging miyembro ng demolition team ng inyong munisipalidad upang sirain at wasakin ang mga ari-ariang mula sa buwis
ng taong bayan? May pagkakataon na ba, na naging inspirasyon ka sa iba upang gumawa ng tama at mabuti?

6. Kailan ka huling nagdasal? Ipinagdasal mo ba ang buong miyembro ng pamilya? Ang iyong kapitbahay? Ang iyong
kaibigan? Ang iyong kaaway? At higit sa lahat, ang iyong bayan? Naisasabuhay mo ba nang tama ang iyong pagganap
bilang mananampalataya?

WEEK 7-8
Paggamit ng Kapangyarihan at Pangangalaga sa Kalikasan
Paggamit ng Kapangyarihan
“With great power comes great responsibility.” Naaalala mo ba ang pangungusap sa itaas? Nasubukan mo
na bang humawak ng isang tungkulin na sa iyong tingin ay mahirap gampanan? Totoo dahil nangangailangan ito
ng katapatan. Pagaralan naman natin ang isa pang isyu na hahamon sa iyong pagkatao na maging mapanindigan
sa tungkuling ipinagkatiwala sa iyo – ang isyu tungkol sa kapangyarihan. Ang kapangyarihan ay kakayahan
upang ipatupad ang isang pasiya, kapasidad upang maka-impluwensiya sa saloobin at paguugali ng iba, at
lumikha ng panukala na makabubuti sa lahat. Maipamamalas ito sa pamamagitan ng posisyon, organisasyon at
pagiging lider ng isang grupo.

MGA ISYU SA PAGGAMIT NG KAPANGYARIHAN

Narito ang ilan sa mga isyung may kinalaman sa paggamit ng kapangyarihan.

1. Korapsyon. Ito ay isang sistema ng pagnanakaw o pagbubulsa ng pera. Tumutukoy ito sa espiritwal o moral na
kawalan ng kalinisan at paglihis sa anumang kanais-nais na asal. Ang taong may malinis na puso at tapat ang
talagang karapat-dapat magsilbi sa lipunan. Maipakikita ito sa pamamagitan ng pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa
pandaraya.

2. Pakikipagsabwatan (Kolusyon). Hindi maililihim ang pagkakaroon ng ganitong isyu sa ating lipunan. Ano
nga ba ang pakikipagsabwatan? Ito ay iligal na pandadaya o panloloko, halimbawa ay ang pagtatakda ng mga
presyo, limitahan ang mga oportunidad, pagtatakda ng sahod, mga kickback, pandaraya sa halalan sa
pamamagitan ng iligal na panghihimasok sa proseso ng isang halalan at sa pagbilang ng boto, pagsupil at
pagpaslang ng mga katunggali, pagbili o panunuhol ng mga botante. Nangyayari ang mga gawaing ganito dahil sa
kagustuhan ng isang tao na mapaunlad ang pansariling kapakanan. Bakit nga ba maraming nakatataas sa lipunan
ang gumagawa ng mga ganitong bagay? Bakit mali ang mga ganitong gawain? Paano kaya ito maiiwasan?

3. Ang bribery o panunuhol ay isang gawain ng pagbibigay ng kaloob o handog sa anyo ng salapi o regalo
pamalit sa pabor na ibinigay ng tumanggap. Ang mga suhol na ito ay bahagi ng pagtatakip sa ginawang
katiwalian ng isang taong may puwesto sa pamahalaan. Ito ay isang krimen. Ang iba pang mga halimbawa nito ay
pagbibigay ng malaking tip, regalo, diskuwento (discount), libreng tiket, pagkain, espesyal na anunsiyo,
pamamasyal sa iba’t ibang lugar, kickback/payback, paglalaan ng malaking pondo sa isang proyekto, magandang
alok sa kontrata, donasyon, mga kampanya para sa kontribusyon, fundraising at sponsorship, lihim na komisyon
at promosyon (mataas na posisyon o ranggo).

4. Ang kickback ay bahaging napupunta sa isang opisyal mula sa mga pondong itinalaga sa kaniya. Isang
halimbawa nito ang paghiling ng isang opisyal ng pamahalaan sa isang negosyante na magbigay ng trabaho sa
isang kamag-anak ng opisyal na kumokontrol sa mga regulasyon na umaapekto sa negosyo. Mayroon ding mga
katiwalian sa ating pansariling buhay. Ang mga pangyayaring nagaganap sa ating lipunan ay isang malinaw na
repleksiyon ng iba’t ibang pansariling katiwalian. Ang pagiging tagapangalaga ng dignidad ng tao ay dapat
maging permanenteng bahagi ng ating pakikipagkapuwa. Ito rin ay isang panghabambuhay na proseso ng
pagpapatibay ng katatagang moral tungo sa ultimong kabutihan.

6. Ang nepotismo ay ang lahat ng paghirang o pagkiling ng kawani sa pamahalaan, maging pambansa at sa alin
mang sangay o ahensiya nito, kabilang ang mga korporasyon na ari o kontrolado ng pamahalaan, na igagawad sa
kamag-anak na hindi dumaraan sa tamang proseso.

PANGANGALAGA SA KALIKASAN

Sa kuwento ng paglikha, binigyan tayo ng Diyos ng kapangyarihan na alagaan ang kalikasan at hindi
maging tagapag-domina nito. Bilang natatangi sa lahat Niyang nilikha, pinagkalooban ng Diyos ang tao ng
kapangyarihang gawin ang nararapat sa kalikasan ngunit nabigyan ito ng ibang pakahulugan. Ang
kapangyarihang ipinagkaloob sa tao ay nakita niya bilang isang karapatang gamitin ang kalikasan nang walang
pakundangan at naaayon sa kaniyang kagustuhan.

Hindi kailanman isinaalangalang ng tao na ang kapangyarihan niya na gamitin ang kalikasan ay may
kaakibat na pananagutan. Tinalakay sa Modyul 4 na malaya tayong gawin kung anuman ang nais nating gawin.
Samakatuwid, may kalayaan tayong gawin o gamitin ang kalikasan. Ngunit dapat nating isipin na ang paggamit sa
kalayaan ay napapalooban ng paggawa ng mabuti. Mabuti ang paggamit sa kalikasan, ngunit kung ito’y nauuwi sa
pagmaltrato at hindi na tumutugon sa kabutihang panlahat, ang kalayaang ginagamit mo ay hindi tunay na
kalayaan.

Ang tunay na pangangalaga sa kalikasan ay pagpapakita ng paggalang sa kabutihang panlahat na siya


namang layunin kung bakit nilikha ng Diyos ang kalikasan. Marapat ding tandaan na ang lahat ng bagay na
nilalang ng Diyos kabilang na ang tao ay magkakaugnay. Kung kaya’t anuman ang mangyari sa isa ay maaari
ding maganap sa iba o kaya naman makaapekto sa iba.
Ang pangangalaga sa kapaligiran at sa kalikasan ay isang pananagutang panlipunan. Ang pananagutang
ito ay nangangahulugang nararapat nating isaalang-alang ang anumang epektong ginagawa natin sa kalikasan.
Maaaring tayo ang maging biktima ng mga maling gawaing ito.
Ang pangangalaga sa kalikasan ay kinakailangang gawin at sundin hindi lamang sa ating pansariling
dahilan kundi para sa susunod na henerasyon. Naging kaisipan natin na may kapangyarihan tayong gamitin ito
ayon sa paraang gusto natin. Ginagamit natin ang ating kalikasan at kapaligiran na animo’y isang kasangkapan na
hindi inaalala kung may maaapektuhan o wala. Minsan, walang habas ang ginagawa nating paggamit at wala ring
pag-iingat na parang hindi ito mauubos. Nagkaroon tayo ng kaisipan na tayo ang sentro ng mundo, na ang lahat
ng bagay na nakapalibot sa atin ay para sa ating pansariling kapakanan lamang. Para bang ang kalikasakan ay “at
our own disposal.”

Ang etikang pangkalikasan ay nagbibigay sa atin ng dalawang mahalagang tanong na kailangang


sagutin natin kaugnay ng mga pangyayaring nagaganap ngayon sa ating kalikasan: Ano ang mga tungkulin natin
bilang tao sa kalikasan na ating tinitirhan, at bakit? Ang pagsagot sa unang tanong ay maaaring masagot sa
pamamagitan ng pagsagot sa pangalawang tanong. Bakit mayrooon tayong pananagutan at tungkulin na
pangalagaan ang ating kalikasan?

Ang tungkulin natin na pangalagaan ang ating kalikasan ay nakaugat sa katotohanang lahat tayo ay
mamamayan ng iisang mundo, dahil nabubuhay tayo sa iisang kalikasan. Ang tungkulin nating ito ay hindi
lamang para sa mga taong namumuhay sa kasalukuyan sa panahong ito kundi higit sa mga taong maninirahan dito
sa susunod na panahon at henerasyon.

Mga Isyu sa Maling Pagtrato sa Kalikasan

Maraming mga pagmaltrato at paglabag ang ginagawa ng tao na tuwirang taliwas sa pangangalaga sa
kalikasan. Isa-isahin natin ang mga ito at pagkatapos ay suriin mo ang iyong sarili kung kabilang ka sa mga
kabataan na gumagawa rin ng mga ito.

1. Maling Pagtatapon ng basura. Dahilan sa komersiyalismo at konsiyumerismo, nagkaroon ang tao ng


maraming bagay na nagiging patapon o hindi na maaaring magamit. Resulta? Walang habas ang ginawang
pagtatapon ng basura kung saan-saan na lamang.

2. Iligal na pagputol ng mga puno. Ang mga puno at iba pang halaman ang siyang tagapagbigay sa atin ng
napakahalagang hangin na ating hinihinga upang mabuhay tayo at iba pang mga hayop.

3. Polusyon sa hangin, tubig, at lupa. Ang dalawang suliraning nabanggit sa itaas ay nagdudulot ng polusyon.

4. Pagkaubos ng mga natatanging species ng hayop at halaman sa kagubatan.

5. Malabis at mapanirang pangingisda. Ang malabis at mapanirang pangingisda ay nagbubunga ng pagkawala


ng mga likas na yamang kailangan ng mga tao para sa kanilang ikinabubuhay.

6. Ang pagko-convert ng mga lupang sakahan, iligal na pagmimina, at quarrying.

7. Global warming at climate change. Ang malawakang pagiiba-iba ng mga salik na nakaaapekto sa panahon na
nagdudulot nang matinding pagbabago sa pangmatagalang sistema ng klima ay ang tinatawag na climate
change.

8. Komersiyalismo at urbanisasyon. Ang komersiyalismo ay tumutukoy sa paguugali ng tao at mga kilos na


nagpapakita nang labis na pagpapahalaga na kumita ng pera o kaya ay pagmamahal sa mga materyal na bagay sa
halip na ibang mga pagpapahalaga.

You might also like