You are on page 1of 2

Sundiata: Ang Epiko ng Sinaunang Mali

Sundiata: An Epic of the Old Mali, salin sa Ingles ni G.D. Pickett


Saling-buod nina Kristine Mae N. Cabales at Ma. Disalyn C. Gale

I.
Ang epiko ay isinalaysay ng griot (tagapagsalaysay at tagapangalaga ng mga tala ng
kasaysayan) na si Djeli Mamadou Kouyate. Sinimulan niya ito sa pinagmulan ng angkan ni
Sundiata at ang mahahalagang pangyayaring nagbigay-daan sa tagumpay niya at pag-usbong
ng imperyo ng Mali. Ang kaniyang ama na si Maghan Kon Fatta ay hari ng Niani, isang nayon
sa kanlurang Africa. Isang manghuhulang mangangaso ang nagpropesiya sa hari na
magkakaroon siya ng anak na magiging dakila sa lahat. Subalit, ito ay mangyayari lamang kung
magkakaroon siya ng isang pangit na asawa. Kinalaunan, may dalawang mangangaso na
inihandog si Sogolon Kadjou sa hari bilang asawa at napagtanto niyang ito ang babaeng
tinutukoy sa hula. Gantimpala siya sa mga mangangaso nang iligtas nila ang isang lupain mula
sa isang kakila-kilabot na toro. Dahil sa kabutihang ipinakita nila sa isang matandang babae ay
itinuro nito ang sikreto ng toro at pinapili rin sila ng hari ng lupain ng kanilang babaeng
maiibigan. Ipinayo ng matandang babae na piliin ang pinakapangit na dalaga. Pinakasalan nga
ng hari si Sogolon ngunit tumanggi ang huling magkaroon ng anak. Nagdalantao lamang ito
matapos mapalayas sa katawan niya ang ispiritung sumapi sa kaniya. Isinilang niya si Maghan
Sundiata o kilala rin bilang Mari Djata, ang bayani sa epikong ito.

II.
Hindi naging madali ang kabataan ni Sundiata. Sa kaniyang pagkabata, dalawang matinding
pagsubok ang hinarap niya: una, ay ang unang asawa ng amang hari na si Sassouma Bérété
na nagkakalat ng mga mapanirang kuwento tungkol sa kaniya upang mailuklok ang anak, at
ikalawa ay ang hindi pa rin niya paglalakad nang normal o pagiging lumpo sa kabila ng
pagtuntong sa ikapitong taong gulang. Sa kabila ng kaniyang kakulangan, kinakitaan siya ng
ama ng karunungan kaya naman iniregalo nito ang anak ng sariling mananalaysay na si Balla
Fasséké. Ngunit, marami pa rin ang nagduda na siya nga ang tinutukoy ng propesiya. Namatay
ang kaniyang amang hari at hinirang ng unang asawa, katuwang ang matatanda, ang panganay
na anak na si Dankaran Touman na maging tagapagmana ng trono ng yumaong hari.

III.
Dumating ang isang pagkakataon na pumunta si Sogolon sa tahanan nina Sassouma upang
manghingi ng dahon ng baobab. Pinagtawanan siya ni Sassouma dahil halos lahat ng ina sa
buong nayon ay ipinangunguha ng kanilang mga anak ng dahon at sanga habang siya ay isang
kaawa-awang ina na hindi man lamang matulungan ng lampang anak. Umuwing luhaan si
Sogolon at kinagalitan ang noo’y kumakaing si Sundiata na pitong taong gulang pa lamang.
Tinanong siya ng bata kung ano ba ang kaniyang nais. Ang tinuran ng matandang ginang ay
ang buong puno ng baobab, sapagkat nagsasawa na siya sa pang-aalipusta ni Sassouma at ng
iba pang kanayon na hindi naniniwala sa propesiya. Nais ni Sogolon na magkaroon ng sariling
puno ng baobab sa kanilang bakuran.

IV.
Ipinatawag ni Sundiata ang kaniyang katiwalang si Balla Fasséké. Binilinan niya itong
magpagawa ng isang tungkod na gawa sa pinakamatibay na bakal sa kanilang nayon. Agad
naman itong pinagkaabalahan ng isang panday. Naniniwala sila na ito na ang panahong idinikta
ng propesiya. Nang magawa na ang kaniyang tungkod ay nagtangka nang tumayo at maglakad
si Sundiata. Laking gulat ng lahat nang makitang nakalalakad na ang inakala nilang isang
batang lumpo na hindi kailanman maghahari sa kanilang bayan. Nagkaroon din ng kakaibang
lakas si Sundiata nang mga oras na iyon at nabunot niya nang mag-isa ang puno ng baobab na
inialay sa ina. Labis na nagalak si Sogolon. Hindi lang dahil sa mayroon na siyang sariling puno
ng baobab sa kaniyang bakuran, kundi dahil malaki na ang posibilidad na magkakatotoo nga
ang propesiya patungkol sa kaniyang anak.

V.
Nakarating kay Sassouma ang balitang nakalalakad na ang pitong taong gulang na anak ni
Sogolon. Nalaman niya rin na nagtataglay ito ng kakaibang pisikal na lakas. Dala ng
paninibugho, takot, at galit ni Sassouma sa mag-inang Sundiata at Sogolon, pinaalis niya ito sa
kaharian kasama ang kanilang kaanak. Dito na nagsimula ang pakikipagsapalaran ni Sundiata
sa daigdig. Sa kanilang paglalakbay ay mayroong mga taong nagpakita kagandahang-loob,
samantalang mayroon ding nagpakita ng kalupitan sa kanila. Nakilala ni Sundiata ang iba’t
ibang tao at natutuhan ang iba’t ibang kultura. Madalas siyang kasama ng kaniyang nakilalang
maestro, si Moussa Tounkara, isang heneral sa Mema. Tinuruan siya nito ng maraming
pilosopiya sa buhay at iba’t ibang paraan ng pakikidigma, partikular ang pamamana. Naging
mahusay na mandirigma si Sundiata.

VI.
Sa kanilang paglalakbay, nabalitaan niya ang unti-unting pananakop ni Soumaoro Kanté ng
mga lungsod sa Mali at ang malupit niyang pamamahala rito. Siya rin ay isang haring
gumagamit ng itim na mahika. Nang mapasailalim sa malupit na hari ang Niani, ipinahanap si
Sundiata sa Ghana upang hikayatin na agawin ang trono at maging hari. Dala ng kaniyang
pagkahabag para sa sariling bayan, at sa pagpupumilit na rin ng mga taong dati ay hindi
naniniwala sa propesiya, nagpasiyang bumalik si Sundiata sa Niani upang kalabanin at agawin
ang trono mula sa masamang hari. Kahit sumama ang loob ni Moussa Tounkara sa pasyang ito
ay benendisyunan pa rin siya nito sa kaniyang paglalakbay at ginawaran ng unang hukbo ng
mga alipin.

VII.
Nagpatuloy sa paglalakbay si Sundiata pabalik sa kaniyang bayan. Sa pagtigil niya sa bawat
nayon ay mayroong mga mamamayan na nais umanib sa kaniyang hukbo. Untiunti ay naging
malawak ang populasyon ng kaniyang mga mandirigma at ang kanilang hukbo ay itinuring na
mapanganib at hindi matalo-talo. Kahit naging matagumpay si Sundiata sa kaniyang mga
nakaraang laban, hindi niya mapabagsak ang hari sapagkat taglay nito ang makapangyarihang
mahika na nagpoprotekta rito. Kaya napilitang lumapit ni Sundiata sa mga diyos na
magkakaloob sa kaniya ng mahikang tatalo sa hari. Pagdaka’y gamit ang mahikang
ipinagkaloob sa kaniya, nakagawa ang kanilang hukbo ng isang mahiwagang pana na siyang
sumugat at nakapagpabagsak sa hari. Nakatakas ito at nagtago sa mga kuweba ng Ghana
nang ilang araw. Kasa-kasama ni Sundiata si Fakoli, pamangkin ni Soumaoro na ipinagkanulo,
sa pagtugis sa huli. Matapos ang kaniyang tagumpay, tinalo ni Sundiata ang mga haring tapat
sa hari. Nagbalik siya sa Niani at itinatag ang imperyo ng Mali. Hinati niya ito sa mga pinunong
nangakong maglilingkod sa kaniya.

VIII.
Winakasan ng mananalaysay ang epiko sa pagpupugay sa kadakilaan ni Sundiata at ang
pamamayagpag niya sa ginintuang panahon ng Imperyong Mali. Binigyang-diin niya na ang
Mali at ang mga taong bumubuo nito ay hindi magwawakas at patuloy na tatatak sa susunod na
mga henerasyon ang kanilang kasaysayan. Ipinaalala niya na bagamat ang kasaysayan ay
matatagpuan sa lahat ng dako, ang mananalaysay pa rin ang nakaaalam ng lahat.

-Wakas-

You might also like