You are on page 1of 2

PANUTO: Balikan natin ang isang bahagi ng kasaysayan at gamitin natin bilang

lunsaran at halimbawa ng tekstong argumentatibo. Basahin at tukuyin kung ano


ang proposisyon ng teksto, mga panig na inilalahad, at pananaw ng may-akda sa
proposisyong itinampok.

Pagpapalibing kay Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani,Hindi Dapat


Pahintulutan

Hindi pa ako nabubuhay noong panahon ng Batas Militar, ngunit hindi ibig sabihin nito
na wala na akong karapatang magsalita tungkol dito. Isinilang ako ilang taon matapos
ang EDSA People Power 1, na nagpatalsik sa malupit na diktadura ni Ferdinand
Marcos. Lumaki akong nagtatamasa ng mga pribilehiyo ng isang demokratikong bansa.
Malinaw sa akin kung paanong ang matagal na panahong monopolyo sa kapangyarihan
ni Marcos at ng kaniyang mga crony ay may kaakibat na paglabag sa mga karapatang
pantao—karapatang mabuhay nang mapayapa, magpahayag, mamahayag, magtipon-
tipon, at kahit matulog nang mahimbing sa gabi. Ngayong planong ilibing ng
kasalukuyang administrasyon si Marcos sa
Libingan ng mga Bayani (LNB), ilan pang pangalan at alaala—mga patay na at buhay
pa—ang patuloy na yuyurakan at parang sariwang sugat na bubudburan ng asin?

Libo-libong buhay ang nawala, marami ang hindi pa nahahanap ang labi hanggang sa
kasalukuyan. Maraming kabataan ang biglang naglaho at tinawag na “desaparecido.“
Sayang at sana ay naging produktibong mga mamamayan sila sa kasalukuyan. Ayon
sa mga kamag-anak na naiwan ng mga desaparecido, ”Buti pa si Marcos, may
bangkay.“

Ayon sa mga tala ng kasaysayan, ipinasara ng pamahalaan ang mga estasyon ng


radyo, telebisyon, at pahayagan pagkatapos ideklara ang Batas Militar. Lahat ng
tumututol at tumutuligsa sa mga gawain ng Rehimeng Marcos ay karaniwang dinarakip
ng mga pulis o sundalo at pinarurusahan. Maituturing na bangungot ang naging
karanasan ng mga naging biktima ng kamay na bakal ng diktadura, sapagkat
nakaranas sila ng pisikal at sikolohikal na pang-aabuso sa pamamagitan ng torture,
rape, water treatment, at iba pang di-makataong paraan ng pagpaparusa. Ito ay batay
sa mga salaysay ng karanasan nina Prof. Judy Taguiwalo, kasalukuyang DSWD
Secretary; Ricky Lee at Lualhati Bautista, na mga premyadong manunulat; Joel
Lamangan, na isang mahusay na direktor; at Bonifacio llagan, na isang kilalang
dramatista.

Kahit pa patuloy na itinatanggi ng Pamilya Marcos ang kanilang mga kasalanan, naitala
naman sa mga pagsasaliksik at imbestigasyon ang lawak at lalim ng ginawang pang-
aabuso ni Marcos sa kaniyang kapangyarihan sa panahon ng diktadura. Sa dami ng
naging biktima at sa laki ng iniwan niyang utang panlabas ng bansa, hindi siya karapat-
dapat na ilagak sa lugar kung saan nakahimlay ang mga itinuturing na ”bayani“ ng
bansa. Ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay malaking dagok sa
mga kaanak ng mga naging biktima ng Batas Militar, na patuloy na humihingi ng
katarungan para sa mga inabuso, nawala, o pinatay nilang mahal sa buhay. Hindi,
kailanman, dapat magkaroon ng puwang sa sagradong lugar na iyon ang isang malupit,
abusado, at diktador na pinuno. Ito ang dapat maunawaan ng kasalukuyang
pamahalaan—na hindi kailanman maitatama ang isang pagkakamali sa pamamagitan
ng paggawa ng isa pang pagkakamali.
PANGALAN: ___________________________________________________
BAITANG: ____________________________________________________

1. Proposisyon ng teksto

2. Mga panig na inilahad

3. Pananaw ng may-akda sa proposisyon

You might also like