You are on page 1of 7

Republic of the Philippines

Department of Education – Region III


Central Luzon
DIVISION OF CITY OF SAN
FERNANDO

Self-Instructional Packets (SIPacks)


Araling Panlipunan Grade 6
Quarter 4 – WEEK 2
A. Pamantayang Pangnilalaman (Content Standards):
Ang mag-aaral ay naipamamalas ang mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa patuloy na
pagpupunyagi ng mga Filipino tungo sa pagtugon ng mga hamon ng pagiging malaya at umuunlad
na bansa

B. Pamantayan sa Pagganap (Performance Standards):


Ang mag-aaral ay nakapagpapakita ng aktibong pakikilahok sa gawaing makatutulong sa pag-unlad
ng bansa bilang pagtupad ng sariling tungkulin na siyang kaakibat na pananagutan sa pagtamasa
ng mga karapatan bilang isang malaya at maunlad na Filipino

C. Mga Kasanayan sa Pagkatuto/ Most Essential Learning Competencies:


MELC No.2: Natatalakay ang mga pagkilos at pagtugon ng mga Pilipino nagbigay daan sa
pagwawakas ng Batas Militar (*People Power 1)

Aralin: Mga Kaganapan sa Pagwawakas ng Batas Militar at Muling Pagsilang ng Demokrasya


sa Pilipinas (People Power 1)

Sanggunian (References):
Bagong Lakbay ng Lahing Pilipino; Phoenix Publishing House 2018; Mga awtor Ailene G. Baisa-Julian at Nestor s. LOntoc
Learning Competency 2016
AP6 Q4 DLP Week 2-3, 2016- 2017 ( Division of City of San Fernando)
Kagawaran ng Edukasyon. Most Essential Competencies. 2020

D. Layunin (Objectives)

Pagkatapos ng aralin ikaw ay inaasahang:


1. Natatalakay ang mga salik na nagbigay daan sa pagwawakas ng Batas Militar
2. Nabibigyang halaga ang kontribusyon ng “People Power 1” sa muling pagkamit ng kalayaan at
kasarinlan sa mapayapang paraan

Pamamaraan (Procedure)
A. Balik-aral sa nakaraang aralin at/o pagsisimula ng bagong aralin:
Bago magpatuloy sa aralin ngayon, iyong balikan ang nakaraang aralin sa pamamagitan ng pagsagot
sa mga sumusunod na pangungusap. Sabihin kung ang nakaguhit na salita ay TAMA o MALI, at kung ang
iyong sagot ay MALI sabihin/banggitin ang tamang sagot.

1. Si Pangulong Marcos ang nagdeklara ng Batas Militar noong ika-21 ng Setyembre 1972.
2. Sa bisa ng Proclamation No. 1081 ang buong bansang Pilipinas ay napasailalim sa Batas Militar.
3. Ang writ of habeas corpus ang nagbibigay ng karapatan sa mamamayan na sumailalim sa tamang
proseso ng paglilitis.
4. Si Fidel V. Ramos ang tanging pangulo ng Pilipinas na namuno nang higit sa isang termino.
5. Ang pambansang kumbensyon ang hakbang na isinagawa ni Marcos upang maiwasan ang
nagbabantang panganib sa pamahalaan dahil sa mga paghihimagsik, rebelyon,at karahasang
nangyayari sa bansa.

Page 1 of 7
B. Paghahabi sa layunin ng aralin (Panimula)
Narito ang awiting “Handog ng Pilipino sa Mundo” na inawit ng Apo Hiking Society. Narinig
mo na ito? Basahin mong mabuti ang liriko ng awitin. Kung may pagkakataon ka hanapin mo ito
sa “You Tube” at pakinggan ito.
Handog ng Pilipino sa Mundo
(Apo Hiking Society)
Di na 'ko papayag mawala ka muli. Masdan ang nagaganap sa aming bayan.
'Di na 'ko papayag na muli mabawi, Nagkasama ang mahirap at mayaman.
Ating kalayaan kay tagal nating mithi. Kapit-bisig madre, pari, at sundalo.
'Di na papayagang mabawi muli. Naging Langit itong bahagi ng mundo.

Magkakapit-bisig libo-libong tao. Huwag muling payagang umiral ang dilim.


Kay sarap palang maging Pilipino. Tinig ng bawat tao'y bigyan ng pansin.
Sama-sama iisa ang adhikain. Magkakapatid lahat sa Panginoon.
Kelan man 'di na paalipin. Ito'y lagi nating tatandaan.
(Repeat refrain two times)
[Refrain:] Coda:
Handog ng Pilipino sa mundo, Mapayapang paraang pagbabago.
Mapayapang paraang pagbabago. Katotohanan, kalayaan, katarungan.
Katotohanan, kalayaan, katarungan Ay kayang makamit na walang dahas.
Ay kayang makamit na walang dahas. Basta't magkaisa tayong lahat!
Basta't magkaisa tayong lahat.
(Mag sama-sama tayo, ikaw at ako)

Pamprosesong Tanong:
1. Ano-anong mga damdamin ang nakapaloob sa awitin?
2. Ano – anong mga kaugaliang ipinakita ng mga Pilipino ayon sa awitin?
3. Ano-ano ang mahalagang kaisipan ang iniwan ng 1986 EDSA Rebolusyon sa kasalukuyang
henerasyon?

C. Pag-uugnay ng mga halimbawa sa bagong aralin


Ang pag-iral ng Batas Militar ay tumagal nang mahigit walong taon. Isa-isahin mo ang mga positibo at
negatibong epekto ng Batas Militar sa pamumuhay ng mga Pilipino. Gawin ito nang pasalita.

Positibong Epekto ng Batas Militar Negatibong Epekto ng Batas Militar

D. Pagtatalakay ng bagong konsepto at paglalahad ng bagong kasanayan #1 (Paglinang/


Alamin Mo/Paunlarin)
Sa unang taon ng pamamalakad ng Bagong Republika ay nagkaroon ng bahagyang pag-usad
ang ekonomiya ng bansa. Ito ay bunga di umano ng pangungutang ni Marcos sa mga industriyalisadong
bansa. Sadyang pansamantala lamang ang kaunlarang ito sapagkat makalipas ang ilang taon, partikular
noong 1983 ay tuluyan nang sumadsad ang ekonomiya ng Pilipinas.

Narito ang ilang pangunahing dahilang nagbunsod sa labis na paghihirap ng mga Pilipino.

Pagpaslang kay Dating Senador Ninoy Aquino Jr. at ang Pagkawala ng Tiwala
ng mga Dayuhang Mamumuhunan sa Pilipinas

Page 2 of 7
Ang di makatarungang pagpatay kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong Agosto 21, 1983 ay isa
sa mga nagpabilis sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa. Isa sa pinakamahigpit na kalaban ni Marcos
ay si Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. matapos na ideklara ang Batas Militar, kabilang si Ninoy sa
mga lider ng oposisyon na ipinadampot at ipiniit sa Fort Bonifacio sa loob ng pitong taon at pitong
buwan. Siya’y binigyan ng pahintulot na magpunta sa Estados Unidos upang magpagamot ng sakit sa
puso. Matapos ang tatlong taong paninirahan sa Boston kasama ang kanyang pamilya, muli siyang
nagbalik sa Pilipinas

bagama’t hindi siya pinahintulutan ng pamahalaan dahil sa panganib na maaaring mangyari sa kanya.
Noong Agosto 23, 1983 ay bumalik si Ninoy na kasama ang 28 mamamahayag, dumating siya sa
Pilipinas sakay ng China Airlines. Ngunit hindi pa man siya lubusang nakatutuntong sa tinubuang lupa
ay pataksil siyang binaril habang bumababa sa tarmak ng Manila International Airport na siyang naging
sanhi ng kanyang kamatayan. Pinaghinalaang bumaril sa kanya si Rolando Galman na sinasabing
miyembro ng New People’s Army.

Ang ‘di makatarungang pagpatay kay Ninoy ay nagpasidhi sa galit ng mga Pilipino sa pamahalaan
na nagbunsod sa pagsasagawa ng kabi-kabilang kilos-protesta laban sa rehimeng Marcos. Dahil sa
paglaganap ng kaguluhan, maraming mga namumuhunang dayuhan ang tumigil mamuhunan sa
Pilipinas. Ang mga dayuhang negosyante sa ating bansa ay naglabas na ng kanilang dolyar sa ating
mga bangko at dinala ang mga ito sa sarili nilang mga bansa. Nawalan ng tiwala sa pamahalaan ang
mga negosyanteng dayuhan at Pilipino na mamuhunan sa bansa. Maraming mga bangko ang nawalan
ng pondo at napilitang magsara.

Pagbaba ng Halaga ng Piso

Ang debalwasyon ng piso o ang pagbaba ng halaga nito sa pamilihang pandaigdigan ay isa rin sa
nagpahirap sa buhay ng mga Filipino. Labis na naghirap ang mahihirap na pamilya sapagkat ang
pangyayaring ito ang nagbigay-daan sa pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin at ng langis na
nagpapatakbo sa mga industriya at transportasyon. Dahil sa pagtaas ng halaga ng langis, tumaas din
ang halaga ng mga bilihin tulad ng bigas, asukal, mantika, sabon, tinapay, at iba pang pangunahing
pangangailangan ng mga mamamayan. Noong mga dekada ’70 mas maraming produkto ang nabibili ng
piso, ngunit nang sumapit ang taong 1983 ay halos nawalan na ng halaga ang piso dahil halos wala
nang mabibili sa halagang ito.

Paghahari ng Nepotismo at ang Maluhong Pamumuhay ng Pamilyang Marcos

Sadyang laganap at tahasang nangyari ang anomalya sa ilalim ng administrasyong Marcos.


Ang nepotismo at cronyismo o ang sistema ng pagbibigay ng pabor sa mga kamag-anak at kaibigan ng
Unang Pamilya ay umiral noong panahon ni Marcos. Maraming kritiko ang nagsasabing ang bansa ay
patuloy na lumubog sa pagkakautang na panlabas dahil sa ginawang pagpapayaman ng iilang tao. Ang
malalaking halaga na sana ay nakalaan sa pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan ay pawang
napunta lamang sa mga bulsa ng mga personal na kaibigan o kroni ng pamilyang Marcos. Idagdag pa
rito ang maluhong pamumuhay ng Unang Ginang na si Imelda Marcos na malimit na pumupunta sa iba’t
ibang bansa upang mamili ng mga mamahaling damit, alahas, pabango, at mga sapatos.

Pagpapatayo ng mga Gusaling Di Kailangan

Kapansin-pansing lubos na pinagbuti ng pamahalaan ng bagong Republika ang


pagpapatayo ng malalaking gusaling pambayan na masasabing hindi naman lubos na mahalaga. Sa
unang tingin, dahil sa mga imprastrakturang ipinagawa ng pamahalaan gaya ng mga monumento,
paaralan, plantang nuklear, at iba pa ay iisipin mong umuunlad ang ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit ang
lahat ng ito ay pawang mga panlabas lamang. Sa kabila ng mga nagtatayugang gusaling ipinagawa ng
administrasyong Marcos ay patuloy namang lumulubog sa kahirapan ang mga mamamayan, dahil ang
lahat ng ginugugol dito ay pawang galing din sa mga utang-panlabas ng bansa. Ito ay lubos na
napakinabangan ng mga kroni ni Marcos dahil ang pagpapagawa ng mga proyektong ito ay pinamunuan
nila.

E. Pagtatalakay ng bagong konsepto at paglalahad ng bagong kasanayan #2 (Paglinang/


Alamin Mo/Paunlarin)

Page 3 of 7
Mga Pangyayaring Nagbigay Daan Sa People Power 1

Sa nakaraang aralin ay iyong natuklasan ang naging kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng Bagong
Republika. Lalong sumidhi ang kahirapang dinaranas ng mga mamamayan. Maging ang Amerika at IMF
ay nagkaroon ng pag aalinlangang muling magpahiram ng salapi sa bansa dahil sa krisis na dinaranas
nito. Para makautang muli, nagbigay ng kondisyon ang IMF na kailangang patunayan ni Marcos na may
tiwala pa ang taong–bayan sa kanya. Sa paghahangad ni Marcos na mabawi at mapatunayang malaki
pa

ang tiwala ng mga tao ay ipinahayag niya noong Nobyembre 13, 1985 ang pagdaraos ng isang Snap
Election.

Ang Pagtawag Ng Snap Election


Noong ika-7 ng Pebrero 1986 idinaos ang Snap Election o Biglaang Eleksiyon. Si Ferdinand E.
Marcos, sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL.) Ang kanyang katunggali ay si Corazon
“Cory” C. Aquino (asawa ni Benigno Aquino) ay di ninasang pumasok sa pulitika. Subalit marami ang
sumuporta sa kanya dahil sa paniniwalang siya ang karapat-dapat na kandidatong lumaban kay Marcos.
Sa pamamagitan ng isang milyong pirmang kinalap ng Corazon Aquino for president Movement (CAPM)
si Cory ay napapayag na lumaban kay Marcos. Sa panahon ng pangangampanya ni Marcos ginamit ang
islogang “Marcos Pa Rin at Marcos- More than Ever” ang kanyang ginamit. “Tama Na Sobra Na Palitan
Na” ang ginamit naman ni Corazon Aquino, ng kanyang partido United Nationalist democratic
Organization (Unido Party). Ang kanyang miting de avance na ginanap sa Luneta Park ay dinaluhan ng
tinatayang 500, 000 libong tao na nagpamalas ng suporta sa kanya. Ang COMELEC ang opisyal na
namamahala sa bilangan tuwing eleksiyon ay nakahimpil sa Philippine International Convention Center
samantalang ang NAMFREL o National Citizen’s Movement for Free Elections a pinamunuan ni
Jose Concepcion, isang mangangalakal ay nakahimpil sa La Salle Green Hills. Sa pagbibilang ng boto
ay parehong gumamit ng computer ang dalawa subalit nakapagtatakang magkaiba ang itinatalang
resulta ng mga ito. Si Marcos ang nanguna sa COMELEC at si Cory Aquino ang sa NAMFREL. Pagsapit
ng ikasampu ng gabi noong Pebrero 15, 1986 ang mga taong nagbibilang sa COMELEC na may hawak
ng resulta ng boto ay nag walk-out sa pangunguna ni Linda Kapunan dahil sa umano’y pandaraya. Sa
gitna ng kaguluhang ito sa bilangan ay iprinoklama ng Batasang Pambansa noong ika- 16 ng Pebrero
1986 na sina Ferdinand Marcos at Arturo Tolentino ang mga nagwagi sa eleksiyon at may lamang na
higit sa limandaang libong boto laban sa mga katunggali nito. Samantala ayon sa NAMFREL sina Cory
Aquino at Salvador Laurel ang mga nagsipagwagi sa halos 800,000 boto. Ito ay nagdulot na malaking
insulto sa mga Pilipino sapagkat hayagang nagkakaroon ng dayaan sa oras ng bilangan. Dahil sa
resultang ito ay hinikayat ni Corazon Aquino ang mga mamamayang Pilipino na magprotesta. Isang
kampanya ng di pagsunod o civil disobedience ang inilunsad ni Cory upang paralisahin ang rehimeng
Marcos.

ANG 1986 EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION

Nagtagumpay ang taong bayan sa pagpapatalsik kay Marcos sa loob ng pitumpu’t pitong (77)
oras. Nagsimula ang mapayapang rebolusyon noong Pebrero 22 ng sina Minister Juan Ponce Enrile ng
Tanggulang Pambansa at Heneral Ramos ay nanatili sa Kampo Aguinaldo at nagpatawag ng press
conference upang ibalita ang kanilang pagkalas sa rehimeng Marcos. Pinangunahan ni Juan Ponce
Enrile ang di pagkilala kay Marcos bilang Commander in Chief ng Sandatahang Lakas at isiniwalat ang
mga katiwalian sa naganap na halalan kaya napatunayang hindi totoong nanalo si Marcos sa eleksyon.
Kinatigan naman at sinuportahan ng mga pari, seminarista, at madre na pinangungunahan ni Jaime
Cardinal Sin, at mga taong bayan naimpluwensyahan nina Agapito “Butch” Aquino kapatid ng napaslang
na Benigno Aquino. Sa pamamagitan ng Radio Veritas ay nanawagan sila sa mga mamamayang
suportahan ang mga taong tumiwalag sa pamahalaan.

Sa pangyayaring ito ay nanawagan din si Marcos sa telebisyon, nakiusap siya sa dalawang


sumuko at itigil na ang kanilang ginagawang paglaban sa pamahalaan. Subalit hindi sila natinag sa
kanilang ginawang desisyon. Nang mga sumunod na araw, libo-libong mga tao ang nagkapit-bisig na
pumunta sa EDSA (Epifanio delos Santos Avenue) upang ipadama ang pakikiisa sa panawagan nina
Cardinal Sin, Enrile, Ramos, Aquino, at iba pa. Ang mga madre, pari, lalaki walang armas, at kababaihang
kasama ang kanilang mga anak ay nagsama-sama sa EDSA, hinarang nila ang mga tangkeng ipinadala
ni Marcos at umupo sa harap. Dito ganap na nagsimula ang tinaguriang People Power sa EDSA o EDSA
1.

Page 4 of 7
Ang Kabayanihang Ginagampanan ng mga Filipino sa Rebolusyon sa EDSA

Sa pamumuno ni Hen. Artemio Tadiar ay dumating sa EDSA ang isang convoy na kinabibilangan
ng tatlong batalyong sundalo. Ang misyon nila ay gawin ang pinag-uutos ni Marcos, ang salakayin ang
Camp Aguinaldo, subalit sila ay sinalubong ng napakaraming tao sa panulukan ng EDSA at Ortigas.
Nakaharap nila roon ang mga kapwa nila Filipino nang tahimik na nagdarasal at umaawit. Sa halip na
salubungin ng galit ang mga sundalo ay inabutan nila ang mga tao ng rosaryo, bulaklak, at pagkain. Dahil
dito hindi nagawa ng mga sundalo ang ipinag-uutos sa kanila.

Kinaumagahan, Pebrero 24, naramdaman na ang katapusan ng rehimeng Marcos sapagkat


marami sa mga tropang sundalo ang hindi sumunod sa kanya nang utusan niyang paalisin ng mga ito ang
mga taong bayan sa palibot ng mga kampo. Sa halip, marami sa kanila ang pumanig sa taong bayan. Ito
ang mga pangkat nina Heneral Felix Brawner ng Unang Brigada ng Scout Ranger ng Philippine Army,
Koronel Antonio Sotelo ng Philippine Air Force, Commodore Tagumpay Jardiniano, puno ng Naval
Defense Force, ang buong 15th Strike Wing sa Sangley Point, mga piloto ng Fifth Fighter Wing na
nakabase sa Basa Air Base, Pampanga, at ang 800 strong command sa Clark Air Base na
pinamumunuan ni Koronel Romeo David.

Ang Pagwawakas at Resulta ng Rebolusyon


Ang mapayapang rebolusyon ay nagwakas noong Pebrero 25. Ito rin ang araw ng proklamasyon
kay Gng. Cory Aquino at Salvador Laurel bilang Pangalawang Pangulo sa harap ni Mahistrado Vicente
Abad Santos na ginanap sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan. Ang pamilyang Marcos ay tumakas sa
Malacañang, tinatayang 9:30 ng gabi, lulan ng tatlong helicopter patungong Clark Air Base kung saan
sinalubong sila ng mga mamamayang sumisigaw ng “Cory, Cory, Cory.” Mula sa Clark Air Base kasama
ang mga kapanalig ay inilipad sila ng isang eroplano papuntang Hawaii. Kinabukasan, Pebrero 26, lahat
ng pasilidad ng komunikasyon ay nagpahayag ng tagumpay at bagong pag-asa para sa mga Filipino at sa
bansang Pilipinas.

F. Paglinang sa Kabihasnan (Pagyamanin)


Suriin ang mga pahayag. Layan ng puso ( ) ang patlang kung ang pahayag o sitwasyon ay
makakabuti sa ekonomiya ng bansa at tatsulok naman ( ) kung hindi.

___1. Patuloy na tumataas ang mga pagpapahalagang moral ng mga Pilipino


___2. Dinidisiplina ang mga opisyal ng pamahalaan na nasasangkot sa korapsyon at anomalya.
___3. Nagtutulungan ang mga Pilipino, mayaman o mahirap sa paglutas ng mga problema ng
bansa.
___4. Pagkawala ng tiwala ng lokal at dayuhang negosyante sa ekonomiya ng bansa.
___5. Pagkakaroon ng mga kalamidad o sakuna sa bansa.
___6. Ang pagiging matigas ng ulo ng mga Pilipino.
___7. Pagtangkilik sa mga produktong dayuhan.
___8. Pagsasagawa ng mga rally o demonstrasyon.
___9. Pakikiisa ng mga pribadong mamamayan at mga negosyante sa mga programa ng pamahalaan.
___10. Pagkawasak ng mga pananim sa iba’t ibang rehiyon.

G. Paglalapat ng aralin sa pang-araw-araw na buhay (Gawin mo/Aplikasyon)


Performance Task – 15 puntos
Ang mga pangyayari sa EDSA ay nabalita sa buong mundo, bagay na hinangaan ng maraming nasyon.
Sadyang kahanga-hanga ang kabayanihan, katapangan, at pagkakaisang ipinamalas ng mga Pilipino
makamit lamang muli ang inaasam-asam na demokrasya at katarungan.

Mag-isip ka ng mumunting paraan na maipakikita mo ang iyong kabayanihan at wagas na


pagmamahal sa Inang Bayan upang mabigyang-halaga ang kontribusyon ng People Power 1.

Itala ang iyong sagot sa loob ng mga kahon.


Iskor: Tatlong puntos (3) sa bawat paraan na maitatala/maisusulat.

Rebolusyon sa EDSA ng 1986


Page 5 of 7
H. Paglalahat ng Aralin (Tandaan Mo/ Pagyamanin at Isaisip)
Nalaman mo ba ang mga dahilan kung bakit ang ekonomiya ng bansa noon ay humina at tuluyang
bumagsak at ang mga naganap sa EDSA na Mapayapang Rebolusyon na siyang nagbigay daan upang
maibalik sa Pilipinas ang demokrasya. Ilahad mo kung paano naibalik sa ating bansa ang ating
demokrasya o kalayaan. Gawin ito nang pasalita.

I. Pagtataya ng Aralin (Natutuhan Ko/Isagawa) – Lingguhang Pagsusulit (Written Work)


Panuto: Basahing mabuti ang mga pahayag at kilalanin kung ano tinutukoy nito. Bilugan ang LETRA ng
tamang sagot. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.
1. Ito ang partidong kinabibilangan ni Cory noong siya ay kumandidato bilang pangulo ng bansa.
a. Nacionalista c. Liberal
b. Lakas d. UNDO

2. Siya ang pangalawang pangulo ni Corazon Aquino sa nangyaring Snap Election.


a. Arturo Tolentino c. Salvador Laurel
b. Fidel Ramos d. Jose Concepcion

3. Sa mga araw na ito nangyari ang makasaysayang Rebolusyon sa EDSA.


a. Pebrero 16-19, 1986 c. Pebrero 22-25, 1986
b. Pebrero 19-22, 1986 d. Pebrero 24-27,1986

4. Siya ang Chief of Staff ng Sandatahang Lakas na tumiwalag sa administrasyong Marcos.


a. Juan Ponce Enrile c. Arturo Tolentino
b. Fidel Ramos d. Salvador Laurel
5. Ito ang ahensiya ng pamahalaang opisyal na namamahala sa bilangan tuwing eleksiyon.
a. NAMFREL c. CAPM
b. COMELEC d. National Election Movement
6. Ito ay nangangahulugang isang mapayapang paraan ng pagtutol sa mga ipinatutupad ng
pamahalaan at di pagtangkilik sa mga serbisyong ibinibigay nito
a. coup d’etat c. mapayapang demonstrasyon
b. civil disobedience d. Lakas ng Bayan

Page 6 of 7
7. Ito ang nagpatuloy sa pagbibilang ng boto nang umalis sa kani-kanilang puwesto at tungkulin
ang mga miyembro ng COMELEC.
a. NAMFREL c. Batasang Pambansa
b. National Election Movement d. CAPM
8. Dito tumungo ang pamilyang Marcos kasama ang kanilang malalapit na kaibigan noong sila ay
umalis sa Pilipinas.
a. Australia c. Singapore
b. China d. Hawaii

9. Sa kanya nanumpa si Pangulong Corazon Aquino bilang pangulo ng bansa.


a. Claudio Teehankee c. Andres Narvasa
b. Hilario Davide d. Vicente Abad Santos

10. Ito ang uri ng pamahalaang umiral matapos mapabagsak ang rehimeng Marcos.
a. aristokrasya c. monarkiya
b. demokrasya d. awtokrasya

J. Karagdagang Gawain at Remediation


Basahin ang bawat pahayag at lagyan ng tsek (/) ang patlang kung ito ay mga tungkuling dapat
gawin ng mga Pilipino at ekis (x) naman kung hindi.
_____1. Ipagtanggol ang bansa sa lahat ng oras.
_____2. Tangkilikin ang mga produktong galing sa ibang bansa nang higit sa mga
gawang Pinoy.
_____3. Sundin ang mga batas ng pamahalaan
_____4. Samantalahin ang kahinaan ng kapwa
_____5. Magsikap upang mapaunlad ang sarili

Page 7 of 7

You might also like