You are on page 1of 13

BULACAN STATE UNIVERSITY

KABANATA V
ANG PAGHARAP SA PANGANIB AT
KADAKILAAN NI JOSE RIZAL

Panimula:
BULACAN STATE UNIVERSITY

Matapos na muling malayo si Dr. Rizal sa Pilipinas, muling sumagi sa kanyang isipan ang muli nyang
pagbabalik sa bansa. Sa kabila ng maraming kaalamang natamo nya sa kanyang pangingibang-bayan,
tila may kung ano na lang ang humihila kay Dr. Rizal upang bumalik sa kanyang Inang bayan.
Sa yunit na ito ay iyong matututunan ang muling pagbabalik ni Dr. Rizal sa Pilipinas. Hindi lamang
ito simpleng pagbabalik sapagka’t naghihintay sa kaniya ang maraming panganib sa kaniyang buhay.
Inyong matutunghayan ang mga panggigipit na isinagawa ng mga Kastila laban kay Dr. Rizal na siyang
magpapakita rin naman ng kaniyang kadakilaan.

Mga Paksa:
a. Si Dr. Rizal at La liga Filipina
b. Buhay sa Dapitan, Mindanao sa loob ng apat na taon
c. Si Dr. Rizal at pagkakasangkot niya sa kilusang Katipunan
d. Ang paglilitis kay Dr. Rizal
e. Mga huling sandali ni Dr. Rizal
f. Ang labi ni Dr. Rizal makaraan ang pagbitay at ang kanyang bantayog
g. Mga naidulot na epekto ng kamatayan ni Dr. Rizal sa bansa at sa rebolusyon pangkalayaan

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahan na:


1. Nabibigyang puna ang mga kadahilanan sa muling pagbabalik ni Dr.
Rizal sa Pilipinas
2. Nailalarawan ang naging kabuluhan ng bawat oras na inilagi ni Dr. Rizal
sa Dapitan;
3. Naipapaliwanang ang kadahilanan ng pagkakasangkot ni Dr. Rizal sa
Kilusang Katipunan;
4. Naipapaliwanag ang mga kaganapan sa ginawang paglilitis kay Dr.
Rizal; at
5. Nakapag-bibigay ng sariling hinuha sa naging epekto ng kamatayan ni
Dr. Rizal sa mga mamamayang Pilipino at sa mga pagkilos para sa
rebolusyong pangkalayaan.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Si Dr. Rizal at ang La Liga Filipina

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahan na:

1. Natutukoy ang layunin ng pagkakatatag ni Dr. Rizal sa La Liga Filipina;


at
2. Nailalarawan ang mahahalagang kaganapan sa pagkakatatag ng La
Liga Filipina.

Sa araling ito ay iyong matutunghayan ang mga kaganapan kay Dr. Rizal sa kanyang muling
pagbabalik sa bansa at ang kaniyang koneksyon sa La Liga Filipina.
Sa kabila ng maraming banta sa buhay ni Dr. Rizal, hindi niya inalintana ang mga ito para lamang
makabalik muli sa kaniyang Inang bayan. Masidhi ang kaniyang pagnanasang muling makita ang bansang
kanyang nililiyag, maisakatuparan ang kanyang mga iniwan na balakin, at higit sa lahat ay makausap si
Hen. Despujol upang ilatag ang kanyang plano na pagtatayo ng kolonisasyon ng mga Pilipino sa Hilagang
Borneo.
Hunyo 26, 1892 - nang umuwi si Dr. Rizal sa Pilipinas kasama ang kaniyang kapatid na si Lucia at
pansamantalang nanuluyan sa Hotel de Oriente. Sa kaparehong araw din nagtungo si Dr. Rizal sa Palacio
de Malacañan upang makausap si Hen. Despujol sa kabila
ng babala sa kanya ng kaniyang kaibigan na huwag basta
magtiwala kay Hen. Despujol. Nang makausap na ni Dr.
Rizal si Hen. Despujol, hindi sinang-ayunan ni Hen. Despujol
ang balakin ni Dr. Rizal na magtayo ng kolonya ang mga
Pilipino sa Hilagang Borneo.
Hunyo 27, 1892 - bumisita si Dr. Rizal sa kaniyang
mga kaibigan sa Malolos, Bulacan; San Fernando,
Pampanga; Tarlac, Tarlac; at sa Bacolor, Pampanga upang
hikayatin ang mga ito na maging kasapi ng isang samahang
itatatag niya na ang layon ay ang pagbabago.
Hulyo 03, 1892 – nagsagawa si Dr. Rizal ng isang pagpupulong sa tahanan ng kaniyang kaibigan
na si Doroteo Ongjunco upang ipaliwanag ang layunin at mithiin ng isang samahang itatatag niya, ang La
Liga Filipina.
Ayon kay Dr. Rizal, ang mga sumusunod ay ang layunin ng La Liga Filipina:
1. Mapag-isa ang buong kapulungan ng may lakas;
2. Mapangalagaan ang bawat isa sa oras ng kagipitan;
3. Mapaunlad ang edukasyon at komersiyo; at
4. Maisulong ang marami pang mga pagbabago.

Bawat isang inidibidwal na nagnanais maging kasapi ng samahan ay kinakailangang magbayad


ng membership fee na nagkakahalagang diyes (.10) sentimos lamang piso na gagamitin sa mga gawaing
ilulunsad ng samahan.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Sa pulong na iyon ay nagkita sa unang pagkakataon si Dr. Jose Rizal at si Andres Bonifacio, pormal
na pumili din ng mga opisyales o kawani ang samahan:
Pangulo: Ambrosio Salvador
Kalihim: Deodato Arellano
Ingat-Yaman: Bonifacio Arevalo
Piskal: Agustin Dela Rosa
Ang opisyal na motto ng samahan ay Vnus (unus ang pagkabigkas) Instar Omnium o “pagkakaisa
ng lahat” (VIO).

Buhay sa Dapitan, Mindanao sa Loob ng Apat na Taon


Sa araling ito ay iyong mauunawaan ang naging buhay ni Dr. Rizal sa Dapitan sa kaniyang
pagkakatapon sa nasabing lugar. Bibigyang-pansin din ang kahalagahan ng kaniyang mga ginawa sa
Dapitan.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahan na:

1. Nailarawan ang naging buhay ni Dr. Rizal sa bayan ng Dapitan;


2. Natutukoy ang mga gawaing pinasimulan ni Dr. Rizal sa kanyang
pananatili sa Dapitan;
3. Naiuugnay sa kasalukuyang panahon ang mga makabuluhang ambag
na iniwan ni Dr. Rizal mula sa kanyang mga pagkakatuklas
(discoveries) sa Dapitan.
4. Napapahalagahan ang pagiging huwaran ni Dr. Rizal sa kanyang
pagpapasiyang gawing produktibo ang bawat araw na inilagi niya bilang
isang deportado sa Dapitan.

Ang Dapitan ay isang liblib na bayan na


matatagpuan sa Kamindanawan. Bahagi ito ngayon ng
lalawigan ng Zamboanga del Norte at mayaman sa
kasaysayan. Natuklasan ng mga Kastila ang Dapitan
noong 1629 sa pamumuno ng isang misyonerong
Heswita na si Fray Pedro Guitierrez. Sa bisa ng Batas
Republika Blg. 3811, naging lungsod ang bayan ng
Dapitan sa panahon ng administrasyon ni Pangulong
Diosdado Macapagal noong Mayo 12, 1963.
Makasaysayan ang lungsod ng Dapitan sapagkat dito
namalagi si Dr. Rizal mula noong Hulyo 17, 1892
hanggang Hulyo 31, 1896. Inyong matutunghayan sa
kabuuan ng araling ito ang naging buhay ng ating bayani na
Museo ni Jose Rizal, Dapitan – NHCP
si Dr. Rizal sa kaniyang pananatili sa lugar na ito.
Hulyo 17, 1892 – gabi ng araw na ito nang dumating si Dr. Rizal sa Dapitan lulan ng barkong Cebu.
Siya ay nakatakdang manuluyan sa loob ng kumbento kapalit ng ilang mga kondisyon na iniuutos na
gawin sa kanya. Sa halip, siya ay tumuloy sa tahanan ni Cap. Ricardo Carcinero, pinuno ng pulitiko-militar
ng Dapitan.

Ang mga kondisyong ipinagagawa kay Rizal ay nakasaad sa isang liham na ipinadala ni Fray Pablo
Pastells, superior ng ordeng Heswita noong panahon na iyon para kay Fray Antonio Obach, ang
misyonero sa Dapitan. Ito ang mga ss:
BULACAN STATE UNIVERSITY

1. Pagsisisihan ni Dr. Rizal ang lahat ng kanyang ginawa at sinabi laban sa


relihiyong Katoliko at magpahayag siya na magiging tapat sa pagsunod sa
lahat ng kautusan ng pamahalaang España;
2. Siya ay gagawa ng santo ejercicio at confesion general sa kaniyang
dinaanang buhay; at
3. Maging ulirang mamamayan sa simbahang Katoliko at Espanya.

Mapayapa naman ang naging buhay ni Dr.


Rizal sa kaniyang pananatili sa Dapitan. Nagtayo
siya ng sariling bahay at tinawag itong Talisay. Sa
kabila ng mapayapang buhay ay hindi pa rin siya
tinigilan ng mga kaaway sa pamamagitan ng
pagpapadala ng isang bayarang mamamatay-tao at
maniniktik na nagpanggap na kaniyang pinsan
upang bantayan ang bawat kilos nya. Sa huli, hindi
ito nagtagumpay dahil natuklasan niyang isa palang
impostor ang di umanong nagpakilala na pinsan niya.
Sa Dapitan din niya naisulat ang tula na Mi Retiro na patungkol sa kaniyang buhay bilang bilanggo
sa Dapitan na kaniyang iniaalay sa kaniyang pinakamamahal na ina. Nilikha niya rin ang isang awitin na
may pamagat na Himno Al Talisai, awiting alay niya sa mga taumbayan ng Talisay, Zamboanga del Norte.
Dito niya naisakatuparan ang kaniyang hiling na makapagtayo ng isang paaralan. Nagtayo siya ng
isang munting bahay na magsisilbing silid-aralan. Ang pagpapatayo niya ng maliit na eskwelahan sa
Dapitan ay ayon sa kanilang napag-usapan ni Blumentritt sa liham. Sa Dapitan niya lalo napaunlad ang
kaniyang kaalaman sa iba’t ibang disiplina tulad ng panggagamot, pag-aaral, gawaing kalakal, pagsasaka
at iba pa. Natuklasan niya rin ang ibang species ng hayop na kalauna’y ipinangalan din sa kaniya: ang
Draco rizali (butiking lumilipad), Apogonia rizali (maliit na uwang), at ang Rhacophorus rizali (isang ‘di
pangkaraniwang palaka).
Sa aspeto ng pag-ibig, sa Dapitan niya nakilala ang isang babaeng dumating sa kaniyang buhay
na ang ngala’y Josephine Bracken. Sila ay nagsama bilang mag-asawa at nabiyayaan ng isang anak na
lalaki na agad din namang pumanaw ilang oras matapos itong ipanganak. Naging katulong niya si
Josephine sa pagtuturo sa mga bata sa paaralang kaniyang itinayo at maging sa panggagamot. Pinunan
ni Dr. Rizal ng pagmamahal ang asawa nyang ito dahil alam niyang ulilang lubos na si Josephine.
Sinamantala na rin ni Dr. Rizal ang pagkakataong makapagbukas na rin ng isang klinika na tutulong
para sa lahat ng mga taga Dapitan na nangangailangan ng atensyong medikal. Dahil dito, dumating sa
Dapitan ang kaniyang kapatid na si Maria at ang kanyang ina noong Agosto 1893. Isinagawa ni Dr. Rizal
ang pangatlong pagtitistis niya sa mata ng kaniyang ina na naging matagumpay naman, nguni’t nagkaroon
ng implikasyon nang alisin ang bendang nakatakip sa mata nito, isang bagay na hindi nalalaman ni Dr.
Rizal.
Bukod pa rito, sinimulan din ni Dr. Rizal ang pagsasagawa ng maayos na sistema ng patubig sa
Dapitan. Nais niyang ang mga taga-Dapitan ay makagamit ng malinis na tubig na magmumula sa bundok,
kaya sinimulan niya ang paggawa ng patubig sa pamamagitan ng paggamit ng mga kawayan. Hindi
BULACAN STATE UNIVERSITY

lamang pansariling kapakanan ang inisip ni Dr. Rizal sa kaniyang pagkakabilanggo sa Dapitan, binigyang
halaga niya rin ang kapakanan ng mga mamamayan sa nasabing lugar sa pamamagitan ng kaniyang mga
pinasimulang gawain sa bayan.
Ipinakita rin ni Dr. Rizal ang kaniyang kaalaman pagdating sa negosyo. Maging sa aspetong
pinansyal ay mayroon siyang kaalaman kung papaano gugugulin ang perang mayroon siya. Ang
kasanayan sa pag-imbento ng isang makinang kahoy ang isang paraan upang siya ay magkapera, ang
makinang kahoy na ito ay kayang lumikha ng 6,000 piraso ng tisa sa isang araw. Si Ramon Carreon na
isang negosyanteng taga-Dapitan ang kaniyang naging kasosyo.
Sa kabuoan, apat na taon nanatili si Dr. Rizal sa bayan ng Dapitan.

Si Dr. Rizal at ang Pagkakasangkot niya sa Kilusang Katipunan


Tatalakayin sa araling ito ang mga kaganapan na nagbigay daan sa pagkakasangkot ni Dr. Rizal
sa kilusang Katipunan o ang KKK ANB.

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahan na:

1. Natutukoy ang layon ng pagkakatatag ng kilusang Katipunan ng 1892; at


2. Naiisa-isa ang mga kadahilanan ng pagkakasangkot ni Dr. Rizal sa
kilusang Katipunan.

Kung ating babalikan ang ating pinag-aralan sa Kasaysayan ng Pilipinas, matatandaang naitatag
ang Kataastaasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan noong Hulyo 07, 1892. Ang
samahan ay naitatag sa tahanan ni Deodato Arellano sa Calle Azcarraga, Tondo, Maynila kung saan si
Arellano ang nahalal na lider ng samahan. Kabilang din sa mga nagtatag ng samahan sina Andres
Bonifacio, Teodoro Plata, at Ladislao Diwa, samantalang si Emilio Jacinto naman ang Utak ng Katipunan.
Apat na taon na pinaghandaan ng Katipunan ang binabalak nilang panghihimagsik. Sa loob ng
apat na taong paghahanda, pinagsumikapan ni Andres Bonifacio na lumawak ang samahan at dumami
ang maging kasapi ng Katipunan mula sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. Inatasan ni Andres Bonifacio
si Pio Valenzuela na magtungo sa Dapitan, Mindanao upang kanyang maging emisaryo o kinatawan sa
layuning isangguni kay Dr. Rizal ang balaking nilang paghihimagsik.
Agad pinuntahan ni Dr. Pio Valenzuela si Dr. Rizal sa Dapitan upang agad na ibalita ang binabalak
na panghihimagsik laban sa mga Kastila naging kasama niya ang isang kunwaring pasyente na nais
magpagamot kay Dr. Rizal.
Si Dr. Valenzuela ay mula sa Polo, Bulacan (Lungsod ng Valenzuela ngayon) na isinugo ni Andres
Bonifacio upang ibalita kay Rizal ang mga plano. Sinabi ni Dr. Rizal kay Valenzuela na tiyakin lamang ng
BULACAN STATE UNIVERSITY

Katipunan na sila ay totoong handa at may sapat na armas upang labanan ang mga Kastila nang sa
gayo’y huwag silang mabigo sa kanilang hangarin.
Bukod pa rito, ipinabatid ni Dr. Valenzuela kay Dr. Rizal ang balak na itakas siya ng Katipunan
mula sa Dapitan bago sumiklab ang himagsikan, nguni’t hindi ito inayunan ni Dr. Rizal at sinabing
kawalang-galang at ‘di pagkamaginoo sa laban ang pagtakas. Sa halip, sinabi ni Dr. Rizal kay Dr.
Valenzuela ang balak nyang paglilingkod bilang isang manggagamot sa Cuba at upang malaman na rin
ang taktikang pandigma na ginamit ng Cuba laban sa Espanya.

Ang Paglilitis kay Dr. Rizal


Sa araling ito ay iyong matutunghayan ang isinagawang paglilitis kay Dr. Jose Rizal. Ang
panggigipit ng mga Kastila kay Dr. Rizal na kailanma’y ‘di niya ninasang talikuran at kakitaan ng
karuwagan. At ang mga detalyeng may kinalaman sa nalalabing araw niya sa mundo.

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahan na:

1. Natutukoy ang mga dahilan ng pagkakasakdal kay Dr. Rizal sa


hukuman;
2. Nailalarawan ang mahahalagang kaganapan sa naging paglilitis kay Dr.
Rizal; at
3. Nailalapat sa kasalukuyang mga isyu ang usapin patungkol sa ‘di pantay
na pagtingin at hatol ng batas sa bawat indibidwal.

Maraming mga kasamahan si Dr. Rizal ang nakaranas din ng panggigipit ng mga Kastila upang
paaminin na may kinalaman si Dr. Rizal sa pagkakatatag ng Katipunan. Isa na ang kaniyang kapatid na
si Paciano na nakaranas ng matinding kagipitan nguni’t nanatiling matatag siya sa pagtatanggol sa
kapatid.
Nobyembre 29, 1896 nang simulan ang paunang imbestigasyon na tumagal ng limang araw sa
pangunguna ni Col. Francisco Olive. Ang resulta ng nasabing imbestigasyon ay nakarating kay Oidor
Rafael Dominguez, ang huwes-panghukom sa Fuerza Santiago.
Ang mga ebidensyang lumitaw na ginamit laban kay Dr. Rizal ay mga dokumentong tulad ng tula,
talumpati, nota, at mga liham. Kaagad na gumawa si Dominguez ng buod ng kaso na syang isusumite
kay Hen. Blanco at Huwes Nicolas dela Peña. Napagdesisyunan ng korte na isailalim si Dr. Rizal sa court
marshall, ito ang sistemang isinasailalim sa mga kasapi ng sandatahang lakas o mga taksil sa Espanya.
Nangyari ito kahit hindi naman nararapat sapagka’t si Dr. Rizal ay isa lamang ordinaryong mamamayan.

Ang resulta ng imbestigasyon ay ipinarating agad kay Dr. Rizal at siya ay pinapili ng isang abogado
na magtatanggol sa kaniya. Napili niya si Teniente Luis Taviel de Andrade. Sa loob ng kanyang selda ay
binasa ni Andrade na kanyang abogado ang kasong kinakaharap ni Dr. Rizal. Mga kaso tulad ng sedisyon,
BULACAN STATE UNIVERSITY

at ilegal na pagtatatag ng isang samahan na di umano’y may balak pabagsakin ang pamahalaang Kastila
at Simbahang Katoliko.
Ang susunod na pagliiltis ay nakaiskedyul sa Disyembre 26, alinsunod kay Hen. Camilo Polavieja,
ang pumalit kay Hen. Blanco. Si Sr. Enrique de Alcocer y de vaamonde ang itinakdang mag-uusig at
maghaharap kay Rizal sa lupon at siyang babasa ng buod ng kaso at magiging sentensya nito.
Maayos na ipinahayag ni Ten. De Andrade ang kaniyang talumpati upang ipagtanggol ang
kaniyang kliyente na si Dr. Rizal. Sa abot ng kaniyang makakaya ay pinagsikapan niyang mapatunayan
na walang kasalanan si Dr. Rizal. Sa kasamaang palad, hindi nabigyan ng matuwid na paghatol si Dr.
Rizal, may sentensya na para sa kaniya bago pa maganap ang paglilitis. Sa madaling salita, isang huwad
na paghatol ang naganap, isang palabas lang ang paglilitis na nangyari. Hindi man lang siya nabigyan ng
pagkakataong maiharap ang testigo laban sa mga paratang sa kanya. Binigyan siya ng pagkakataong
mailahad ang kaniyang katuwiran ngunit nagbingi-bingihan lamang ang mga hukom.
Lumabas din agad ang hatol sa kaniya. Pinagtibay ni Gob. Hen. Polavieja ang hatol na parusang
kamatayan. Nakatakda ang pagbibitay sa Disyembre 30 na gaganapin sa Bagumbayan, Maynila kung
saan maraming tao ang makakasaksi sa pagbitay sapagkat maraming namamasyal sa pook na iyon.

Mga huling Sandali ni Dr. Rizal


Sa araling ito tatalakayin ang mga kaganapan sa huling sandali ng Buhay ni Dr. Rizal bago ang
pagsasakatuparan ng itinakdang paarusang Kamatayan.

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahan na:

1. Natatalakay ang mga huling sandali ni Dr. Rizal sa loob ng bilangguan;


2. Nailalarawan ang mga naging kaganapan sa pagpatay kay Dr. Rizal sa
Bagumbayan; at
3. Napahahalagahan ang mga isinakripisyo ni Dr. Rizal para sa Inang-Bayan.

Sa nalalabing sandali ni Dr. Rizal ay marami pa siyang tinapos na gawain. Mababanaag ang
kahinahunan sa mukha ni Dr. Rizal, tila ‘di siya nakakaramdam ng kaba at takot.
Sunud-sunod ang mga dumalaw kay Dr. Rizal sa bilangguan, mga kamag-anak at mga naging
guro. Inalayan siya ng panalangin ng mga naging guro niya sa Ateneo at hinikayat na magbalik-loob na
sa Simbahan (ipinakalat ng mga fraile ang balitang siya’y isang erehe at pilibustero). Dinalaw din siya ng
ilang mga mamamahayag upang kapanayamin. Hindi pa din nawawaglit sa mukha ni Dr. Rizal ang
kahinahunan.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Kaunting oras na lamang ang nalalabi sa buhay ni Dr. Rizal nguni’t nagawa pa niyang sumulat ng
mga liham para sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Sinulat niya ang kaniyang huling tula na
inumpisahan niya noong Disyembre 12, 1896 at tinapos na lamang nitong Disyembre 29, 1896.
Disyembre 29, 1896 nang dalawin si Dr. Rizal ng kanyang ina at mga kapatid. Humingi ng tawad
si Dr. Rizal sa ina dahil sa lahat ng pasakit, pag-aalala, at pagsuway sa utos at bilin ng ina. Sa kanilang
pagyayakapan ay agad silang pinaghiwalay ng isang guardia civil. Isa-isa namang pinapasok sa loob ng
kanyang selda ang mga kapatid niyang babae at ibinilin sa mga ito ang kaniyan mga gamit. Ang kanyang
silyang yantok ay kaniyang ibinilin kay Narcisa. Ang kaniyang panyolito naman ay para sa kaniyang
pamagngkin na si Angelika. Kay Josefa naman ang sapatos na may nakasilid sa loob nito. At ang huli,
kay Trinidad niya iniabot ang lutuang alcohol kung saan nakalagay sa loob nito ang isang tulang walang
pamagat at tungkol sa pamamaalam ang nilalaman. Kalaunan, ang walang pamagat na tula na ito ay
nakilala bilang Mi Ultimo Adios.
Ika-30 ng Disyembre, 1896
Alas 3:00 ng umaga – si Dr. Rizal ay nakinig ng misa, nangumunyon, at nangumpisal. Pagkatapos
nito’y sumulat siya ng liham para sa pamilya at kapatid na si Paciano pagkatapos niyang mag-agahan.
Bandang 5:00 ng umaga – dumating si Josephine Bracken kasama si Josefa. Ikinasal ni Fray
Balaguer si Dr. Rizal kay Josephine sa mga nalalabing oras ni Dr. Rizal at pinagkalooban ng regalo ang
asawa ng isang aklat.
Mag-iika 6:30 ng umaga – kailangan nang magtungo ni Dr. Rizal sa Bagumbayan kasama ang iba
pa. Apat na sundalo ang nasa harapan niya, napapagitnaan siya ng kanyang abogado na si Ten. Andrade
at nina Fray March at Fray Villaclara. Nakadamit siya ng itim mula ulo hanggang paa at may hawak na
rosaryo.
Sa kabila ng kanyang nalalapit na kamatayan, mababanaag pa din ang kahinahunan sa mukha ni
Dr. Rizal. Sinuri ni Dr. Felipe Ruiz Castillo ang kaniyang pulso at namangha na kalmado si Dr. Rizal
sapagkat normal ang pintig nito. Patunay lamang na hindi kinakabahan at hindi natatakot si Dr. Rizal.
Ayon sa tala ng kasaysayan at pananaliksik, may mga kahilingan si Dr. Rizal sa kaniyang pagbitay, ito
ay ang mga sumusunod:
1. Huwag siyang patatamaan sa mukha.
2. Huwag siyang lalagyan ng piring sa mata.
3. Huwag siyang babarilin ng nakatalikod.
4. Hangga’t maaari ay huwag mga Pilipinong voluntarios ang babaril sa kanya.
5. Kalagin ang pagkakatali ng kanyang mga braso.
6. Patatamaan siya sa puso at dibdib.
7. Ibigay ang kanyang bangkay sa mga mahal niya sa buhay.

Ipinuwesto si Dr. Rizal sa isang malawak na parisukat na naliligiran ng mga sundalo. Siya ay binasbasan
ng isang prayle na kung saan ay ipinahalik sa kanya ang isang krus. Tinutulan ng isang prayle na huwag
syang barilin ng nakatalikod, sapagkat traydor o taksil lamang ang binabaril ng nakatalikod.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Handa na ang walong sundalong Pilipino na kikitil sa buhay ni Dr. Rizal, sa likod ng mga Pilipinong
sundalo na ito ay may walo namang sundalong Kastila na may dala ring baril kung sakaling di magwang
barilin ng mga sundalong Pilipino si Dr. Rizal.
Sa kabila ng isang paligid na tahimik, umalingawngaw ang tinig na nagsasabing:
“Peliton… Cargen… Apunten…”
Habang binabanggit ang mga katagang iyon ay binanggit naman ni Dr. Rizal ang mga katagang:
“Consummatum Est!”
Ibig sabihin ng mga katagang binitawan niya ay “naganap na”. Umalingawngaw naman ang tinig
na:
“Ajunte… Fuego!”
Pagkatapos mabanggit ang mga salitang iyon ay binaril na ng tuluyan si Dr. Rizal. Bumagsak ang
kanyang katawan sa lupa na nakaharap ang mukha sa dakong sinisikatan ng araw. Lumapit ang isang
kapitan kay Dr. Rizal at binaril siya sa dibdib gamit ang isang revolver upang tiyaking patay na si Dr. Rizal.
Eksaktong 7:03 ng umaga – binawian na ng buhay si Dr. Rizal. Ang mga elite at kontra-rizal ay
nagsigawan ng katagang “Viva España! Muerte a los traidores! Viva!”

Ang Labi ni Dr. Rizal Makaraan ang Pagbitay at ang Kanyang Bantayog
Sa araling ito, tatalakayin ang iba pang mga kaganapan matapos mamatay si Dr. Rizal mula sa
hatol ng inhustisya. Mga kaganapang may kinalaman sa mga pangyayari sa kaniyang labi ang
pagtutuunan ng pansin.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Pagkatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahan na:

1. Naipaliliwanag ang mga kaganapan matapos ang naging pagbitay kay Dr.
Rizal;
2. Natatalakay ang mga di makataong sinapit ng labi ni Dr. Rizal; at
3. Nasusuri ang kahalagahan ng kanyang bantayog sa iba’t ibang panig ng
mundo.

Isang bagay na ikinababahala ng mga Kastila ay ang pagiging bantog ni Dr. Rizal, kaya minarapat
nilang itago mula sa awtoridad ang kaniyang bangkay maging sa kaniyang pamilya. Inilibing nila sa isang
sementeryo sa Paco, Maynila ang kanyang bangkay. Itinago nila ang bangkay baka sakaling nakawin ito
ng mga Katipunero at gamiting propaganda sa paghihimagsik.
Nang nabubuhay pa ang bayani ay hiniling niya sa kanyang ina na hingin agad mula sa awtoridad
ang kaniyang bangkay, ngunit bigo ang kanyang ina. Ang kanyang kapatid na si Narcisa naman ang
gumawa ng paraan sa pamamagitan ng pagkasabwat sa isang guardia civil upang malaman ang lugar na
kinahihimlayan ng labi ni Dr. Rizal. Nalaman na lang nila ang bangkay ay nakalibing sa isag sementeryo
sa Paco, Maynila at may tanda na nakalagay na R. P. J. na baliktad na inisyal nga pangalan ni Dr. Rizal.

Agosto 17, 1898 – naipalibing ng pamilya Rizal ang bangkay ni Dr. Rizal sa disenteng
pamamaraan. Nang kukunin ang bangkay niya sa sementeryo sa Paco, napag-alamang inilibing si Dr.
Rizal ng walang kabaong at tila hinagis ang kanyang bangkay na pabaliktad. Natagpuan nila itong buto
na agad at inilagak sa tahanan ng kanyang ina.
Ang kaniyang pangalan ay isinama sa mga binitay noong Enero 11, 1897 kasama ang tatlo pang
miyembro ng La Liga Filipina. Hanggang sa kamatayan ay binalot nila sa kasinungalingan si Dr. Rizal.
BULACAN STATE UNIVERSITY

Disyembre 30, 1912 – ang bangkay ni


Dr. Rizal ay inilipat sa Bagumbayan kung
saan sya binaril. Dito siya pormal na inalayan
ng bantayog dahil sa kaniyang kabayanihan.
Ang kaniyang buto ay nasa loob ng
monumento na idinisenyo ni Richard
Kissling. Ang disenyo ng monument ni
Kissling ang siyang nagwagi sa patimpalak
ng mga arkitekto na gagawa ng monumento
ni Dr. Rizal, ito rin ang naging opisyal na
disenyo ng mga matatayog na monumento ni
Rizal sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang Iniwang Bakas ni Dr. Rizal


Mula sa pagkamulat ni Dr. Rizal hanggang sa kaniyang kamatayan ay natikman niya ang bagsik
ng hustisya sa kaniyang bayan mula sa kamay ng mga mananakop.
Hindi batid ng mga Kastila na may kapalit ang kanilang ginawa. Sunod-sunod na mga pag-aalsa ang
naganap sa Pilipinas ilang taon matapos mamatay si Dr. Rizal. Dumagdag pa sa kaba ng mga Kastila ang
pag-aalsang nagaganap noong panahon na iyon sa Cuba at ang unti-unting paghina ng kanilang pwersa
laban sa mga Amerikano.
Si Dr. Rizal ay tunay na kamangha-mangha. Ang kaniyang iniwang bakas sa atin ay hanggang
ngayo’y nananalaytay sa ating diwa. Kilala siya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa maraming parte pa ng
daigdig. Dalubhasa rin na maituturing dahil sa mataas na antas ng kaalaman na taglay niya sa iba’t ibang
larangan. Higit sa lahat, naging tanglaw siya sa panahong ang Pilipinas ay nilulugmok ng kadiliman.

You might also like