You are on page 1of 3

Si Diwayen, Noong Bago Dumating ang mga Espanyol

Kuwento ni: Augie Rivera

Naglalambitin si Diwayen sa punong kaymito nang dumating ang libo-libong balang. Halos
dumilim na ang kalangitan. Nakakapangilabot ang ugong ng mga ito habang sinasalanta ang palayan
at iba pang pananim na dalawang araw na lang ay handa na sanang anihin. Agad sumirko pababa si
Diwayen.
“Kailangan malaman ito ni Ama,” aniya sabay lilis sa kanyang malong at karipas ng takbo
pauwi.

Poot daw ng diwatang Lalawon ang nagdulot ng mga balang, ayon sa haka-haka ng marami.
Ngunit ay tiyak, hudyat iyon ng taggutom sa malayong bayan nina Diwayen. Dahil walang ani,
nagkaroon na matinding kakulangan sa pagkain. At nang magpatuloy pa ito sa loob ng maraming
buwan, napilitan ang maraming pamilya na gawing gaon o pansangla ang kani-kanilang mga anak
para lang makautang ng ikabubuhay.
“Magsisilbi ka muna sa tahanan nila Datu Bulawan, ‘yung datu sa kabilang bayan,” paliwanag
ng ama ni Diwayen habang tinatalian ang balutan ng kaniyang mga damit.
Tahimik namang sinusuklay at nilalangisan ng kaniyang ina ang buhok niyang halos lampas-
baywang.
“ Paghusayan mo ang trabaho roon, anak, “ dagdag pa nito.
“Hanggang kailan po ako roon, Ina?” usisa ni Diwayen.
“Kapag nakaipon na kami ng pambayad ay tutubusin ka naming agad, “ buntong hininga ng
kanyang ama.

Sa gulang na siyam na taon, isa na si Diwayen sa pinakabatang alipin ng datu. Bahagi ng


kanyang tungkulin ang tumulong sa paglalaba, paglilinis, paghuhugas ng pinggan, paghahabi, at iba
pang mga gawaing bahay. Minsan, habang nag-iisis ng sahig na kawayan, nasulyapan niya ang datu
habang kausap ang kanyang mga tagapayo. Kapansin-pansin ang sari-saring tato nito sa iba’t-ibang
bahagi ng katawan, na ayon sa isang nakatatandang alipin, ay tanda raw ng kagitingan at katapangan
ng datu sa pakikidigma.
“Mukha naman siyang mabait,” ani Diwayen, “lagi lang nakakunot ang noo.”
Sa gabi tuwing dinadalaw ng lungkot si Diwayen, taimtim niyang pinapatugtog ang kanyang
tolali, isang uri ng plawtang hinihipan sa ilong. Marahil, umaasa siyang tatangayin ng hangin ang
kanyang malamyos na pagbati patungo sa kanyang ama, ina, at tatlong nakbabatang kapatid na lalaki.

Isang araw, di sinasadyang nagawi si Diwayen sa isang tagong silid sa loob ng bahay. Nandoon
si Prinsesa Lunhaw, isang walong taong gulang na binukot. Binukot ang tawag sa mga anak ng datu na
hindi lumalabas ng bahay. Itinatago sila ng datu at hindi pinapatapak sa lupa.
“ Sa wakas !May makakalaro na rin ako!” ang masayang sigaw ng prinsesa.
Nagkasundo agad ang dalawang batang babae. Inilabas ng prinsesa ang kanyang mga laruan.
Naglaro din sila ng kunggit, isang larong gumagamit ng sigay na tulad ng sungka. Kinuwentuhan
naman ni Diwayen ang prinsesa ng kanyang mga kapana-panabik na karanasan sa kagubatan, lalo na
kapag nangangaso sila ng kaniyang ama.

Mula noon, naging masayahin na uli si Diwayen. Bihira na siyang makaramdam ng


pagkabagot sa kaniyang mga gawaing-bahay. Agad niyang tinatapos ang mga ito upang makapaglaro
agad sila ng Prinsesa Lunhaw. Ngunit minsan, wala na siyang oras na makapaglaro at makapaglibang.
Tambak kasi ang mga gawain sa kusina, lalo na kapag may piging o may darating na mga bisita ang
datu mula sa iba pang lupain.

Isang gabi,napansin ni Datu Bulawan na tila nagmumukmok ang anak na prinsesa.


“Ama, bakit po ba kailangan na magtrabaho si Diwayen? Wala na siyang inatupag kundi
trabaho. Wala na tuloy siyang panahong makipaglaro sa akin!” dabog ni Prinsesa Lunhaw.
“Ganoon talaga, anak…”
“ Si Diwayen ay isang alipin. Ganiyan talaga ang kaayusan dito sa atin-may iba’t ibang klase ng
tao, may iba-iba ring tungkulin,” paliwanag ni Datu Bulawan.
“At ikaw, ang tungkulin mo ngayong gabi ay…ngumiti. Sige na, isang matamis na ngiti?”
lambing ng datu sa anak, Ngunit nanatiling nakasimangot si Prinsesa Lunhaw.

Kinabukasan, sa pagpupumilit ni Prinsesa Lunhaw, ay pumuslit sila ni Diwayen para mamasyal


at maglaro sa kagubatan.
“Umuwi na tayo!Siguradong pagagalitan ako ng mahal na datu ‘pag nalamang dinala kita
rito!” Sabi ni Diwayen habang hinihila sa braso ang prinsesa.
“Wag kang mag-alala!May pulong ang ama kong datu sa kabilang bayan,” paniniyak ng
prinsesa. “ Tama ka, Diwayen! Ang sarap palang maglaro rito! At kumaripas siya papasok sa loob ng
kagubatan.

Kung saan-saang sulok ng gubat nagtago si Prinsesa Lunhaw. Halos mamaos na si Diwayen ay
hindi pa rin lumalabas ang pilyang prinsesa.
“Prinsesa Lunhaw! Nasaan ka na? Kapag hindi ka lumabas… hindi na ako makikipaglaro sa
iyo!”
Maya-maya lang, narinig niya itong tumatawag: “Diwayen! Diwayen! Tulungan mo ako!”

Nasukol pala ng isang mabangis na baboy-ramo ang prinsesa.


“Wag kang gagalaw. Ako’ng bahala!” tarantang sigaw ni Diwayen. Pumulot siya ng isang
Matulis na sanga at sinimulang bugawin ang naglalaway-laway na kalaban. Ngunit mukhang nayamot
lang at hindi natakot kay Diwayen ang baboy-ramo. Patuloy pa rin itong sumugod sa umiiyak na
prinsesa.

Agad-agad na isinabit ni Diwayen ang sanga . At sa isang iglap, nakabulagta na sa lupa ang
hayop, iigik-igik habang nakatusok sa likod nito ang matulis na sanga.

Sumambulat ang galit ng datu ng malaman ang buong pangyayari. Katakot-takot na bulyaw
ang inabot ng kaniyang mga tauhan. Binagyo naman ng pangaral si Prinsesa Lunhaw. Wala itong
nagawa kundi umiyak at humingi ng tawad sa ama.

Samantala, nang harapin naman ng datu si Diwayen:


“Patawarin ni’yo po ako mahal na datu…hindi ko po dapat sinamahan ang mahal na prinsesa
sa kagubatan,” paumanhin ng batang alipin habang nakayuko, na tila naghihintay ng bulyaw ng datu.
Sa halip, nagwika itong: “ Mapanganib ang ginawa ninyong pagpuslit ng anak kong prinsesa…
ngunit mas mapanganib ang ginawa mong pagliligtas sa kanya!Kahanga-hanga ang pinakita mong
katapangan at malasakit sa aking anak, Maraming salamat!
Tanging ngiti ang naisukli ni Diwayen sa datu.
“Bilang pagtanaw ng utang na loob,” patuloy ng datu, “Ipagkakaloob ko sa iyo ang iyong
Kalayaan! Malaya ka na Diwayen!” Nang gabing iyon, nagpatawag ng isang malaking piging si Datu
Bulawan. Ngunit wala na sa kusina si Diwayen- kasama na siya sa hapag! Dumagsa ang masarap na
pagkain at inumin. May nagsasayawan, may nagtutugtugan, at may nag-aawitan- lahat ng iyon ay
bilang pasasalamat sa kaligtasan ni Prinsesa Lunhaw at pagpupugay sa kadakilaan ni Diwayen.
“ Maraming salamat uli, ha,” bulong ng batang prinsesa.
“ Walang anuman,” sagot ni Diwayen. “ Basta, kahit na magkalayo na tayo , magkaibigan pa
rin tayo, ha?” sabay ihip sa tainga ng prinsesa. At kapuwa sila napabungisngis.
Kulay-ginto muli ang mga palayan nang dumating si Diwayen sa kanilang bayan. Hindi na niya
maalala kung gaano katagal siya Nawala. Ngunit ang mahalaga ay nagbalik na siya, at kapiling niyang
muli ang kanyang buong pamilya.
Mula noon, naging paboritong kuwento ng matatanda ang nangyari kay Diwayen- kung
paano tinubos ng isang batang alipin ang sariling Kalayaan sa pamamagitan ng kanyang katapangan at
dakilang kalooban.

You might also like