You are on page 1of 4

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG FLORANTE AT LAURA

Isang tulang romansa ang “Florante at Laura”. Binubuo ito ng 399 na saknong; may lalabindalawahing
pantig ang bawat taludtod; may apat na taludtod ang bawat saknong; at may tugma. Gumagamit ito ng mga piling
salita, mga simbolo, tayutay, at iba’t ibang pahiwatig.

Isinulat ang akda noong huling daantaon nang pananakop ng mga dayuhang Kastila sa Pilipinas.
Ipinalimbag ng may-akda ang “Florante at Laura” nang makalaya siya sa piitan noong 1838.

KALAGAYAN NG LIPUNAN SA PANAHON NG PAGKAKASULAT

Napakahaba ng panahong sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas, mahigit na tatlong daang taon. Pormal
itong nagsimula noong taong 1565 at natapos noong 1898. Sa haba ng panahong iyon, magkasanib ang
kapangyarihan ng simbahang katoliko at ng pamahalaan sa pamamalakad sa Pilipinas.
Ginamit ng mga Kastila ang krus at espada sa pananakot ng mga katutubo. Pinairal nila sa bansa ang maling
aral ng relihiyon at karahasan. Magkasabwat at pamahalaan at ang simbahan. Ang sinumang hindi susunod sa
among Kastila, tiyak na makakaranas ng kalupitan at kamatayan. Inangkin ng mga mananakop ang malalawak na
lupain. Pinatawan nila ng malalaking buwis ang mga magsasaka hanggang sa isuko na ito sa pamahalaang Kastila.
Ganoon din ang ginawa ng mga prayle. Tinakot nila ang mga Pilipinong nakaririwasa. Magiging dahilan dawn g
kanilang kapahamakan ang kayamanan. Mapupunta sila sa impyerno. Kinamkam ng mga prayle ang kayamanan ng
sambayanan.
Mga mananakop na walang malasakit, walang ginawa kundi magsamantala sa kamangmangan ng mga
katutubo. Pinagkaitan nila ng malayang edukasyon ang sambayanan. Ang kakaunting mayayaman ang kiinailangan
pang mangibang bayan upang makapag-aral. Ang ilan ay nagsikap na matuto sa kabila ng kahirapan ngunit
pinagbitangang mga rebelde. Pinagmalupitan at ginawa nilang alila ang mga mahihirap. Ang kalalakihan ay
pinagsaka ng lupa. Ang kababaihan ay nasa bahay lamang o kaya’y nagsilbi at inangkin ng simbahan.
Ang sumalungat sa kanilang kagustuhan ay parurusahan ng pamahalaan at ng simbahan. Pahihirapan sila
sa mga kuwartel at itatakwil ng simbahan. Walang karapatan. Walang katarungan.
Ganoon ang kinamulatang kalakaran ng ating mga propagandista, ng ating mga bayani. Ganoon din ang
kinamulatang kapaligiran ng dakilang manunulat ng “Florante at Laura”.

EPEKTO NG AKDA PAGKATAPOS ISULAT ANG “FLORANTE AT LAURA”

Mulat na mulat si Francisco balagtas sa naganap sa kanyang lipunan. Malakas ang kanyang kamalayang
panlipunan. Hindi siya tuwirang nagmungkahi ng rebelyon bilang solusyon sa pagmamalabis ng mga Kastila.
Subalit napag-alab niya ang puso ng kanyang mga mambabasa dahilan sa nag-uumapaw niyang pagpapahayag ng
damdamin sa kanyang akda-kapighatian, pagdurusa, pagkabigo, paghimagsik, pananalig, pagmamahal,
pagmamalasakit, at iba pa.

Masasabing ang “Florante at Laura” ay nakaimpluwesiya sa iba pang manunulat tulad nina Jose Rizal at
Apolinario Mabini. Lagi raw dala ni Rizal ang sipi nito saanman siya maglakbay. Marahil nakaimpluwensiya rin ito
sa kanya nang isulat niya ang “Noli Me Tangere” at “El filibusterismo” na may kapareho ring tema at paksa.
Samantala, naisaulo raw ni Mabini ang akda at naisulat ang bersyon nito batay sa edisyon noong 1878.

Matatayog ang mga kaisipang kanyang ginamit, gayundin ang mga salita, pahiwatig at simbolo nito. Tunay
na kahanga-hanga ang paraan ng kanyang paglalahad. Kitang-kitang naging palabasa siya ng mga akdang klasiko.
Damang-dama sa kanyang pagsasalaysay ang sidhi ng lahat ng damdaming nais niyang ipahiwatig. Marami sa mga
manunulat noon hanggang sa kasalukuyan ang naimpluwensiyahan ng kanyang estilo ng pagpapahayag.

Klasiko ang akdang ito ni Balagtas. Panghabang panahon. Isang akda itong inangkin ng sambayanang
Pilipino. Punong-puno ng magagandang kaisipan, matulaing paglalarawan at mga aral sa buhay.
TALAMBUHAY NI FRANCISCO BALAGTAS
Si Francisco Balagtas, ay isang kilalang Pilipinong makata at may-akda. Siya ay kinikilala bilang "Prinsipe
ng Manunulang Tagalog" at itinuturing na William Shakespeare ng Pilipinas para sa kanyang kontribusyon at
impluwensya sa panitikang Pilipino. Ang sikat na romantikong pag-iibigan ng ika-19 na siglo, ang Florante at
Laura, ay ang kanyang pinamainam na likha.
Si Francisco Baltazar (na may palayaw na Kikong Balagtas o Kiko) ay isinilang noong Abril 2, 1788 kina
Juana dela Cruz at Juan Baltazar sa Barrio Panginay, Bigaa (na kilala ngayon bilang Balagtas sa kanyang
karangalan), sa lalawigan ng Bulacan. Siya ang bunso ng kanyang mga kapatid na sina Felipe, Concha, at Nicholasa.

Nag-aral si Francisco sa isang parochial school sa Bigaa kung saan pinag-aralan niya ang mga panalangin at
katekismo, at kalaunan ay nagtrabaho bilang houseboy para sa pamilyang Trinidad sa Tondo, Manila kung saan
siya ay pinag-aral ng kanyang tiyahin sa Colegio de San Jose. Noong 1812, nagtapos siya sa degree ng Crown Law,
Spanish, Latin, Physics, Christian Doctrine, Humanities, and Philosophy. Ang kanyang dalawang dating guro na si
Dr. Mariano Pilapil at José de la Cruz na isang bantog na Tondo Poet ang nagturo sa kanya kung paano magsulat ng
mga tula.
Si Magdalina Ana Ramos, ang naging unang pag-ibig ni Kiko

Hinamon ni Jose de la Cruz si Balagtas upang mapabuti ang kanyang pagsusulat, at noong 1835 ay
natagpuan niya ang kanyang musa na si Maria Asuncion Rivera nang lumipat siya sa Pandacan. Nagsalita siya
tungkol sa kanya sa Florante sa Laura bilang 'Celia' at 'MAR'.

Si Balagtas ay pinabilanggo Mariano Capule, isang maimpluwensya at mayamang lalaking kalaban niya sa
pagmamahal kay Celia. Habang nasa kulungan ay isinulat ni Balagtas ang kanyang makasaysayang piraso ng
Florante at Laura na inspirasyon ang mga elemento ng kanyang kasalukuyang buhay.

Ang kanyang tula ay nakasulat sa Tagalog bagaman sa panahong iyon, ang Espanyol ay ang dominanteng
wika sa pagsulat sa Pilipinas. Pinalaya si Balagtas mula sa bilangguan noong 1838 at inilathala niya ang Florante at
Laura noong panahong iyon.

Naging katulong siya sa Katarungan ng Kapayapaan nang lumipat siya sa Balanga, Bataan noong 1840, at
pagkatapos ng labing anim na taon ay naging Major Lieutenant at punong tagasalin ng hukuman.

Dalawang taon matapos niyang makilala si Juana Tiambeng ng Orion, Bataan, sila ay nagpakasal noong
Hulyo 22, 1842. Nagkaroon sila ng labing-isang anak- limang lalaki at anim na babae. Gayunpaman, pito lamang sa
kanila ang nabuhay.

Noong 1906, sinabi ni Padre Blas M. de Guernica, ang kura paroko ng Bigaa, na nakatala sa Indice
Alfabetico de Libro de Bautismos de Bigaa na bininyagan ang makata noong ika-30 ng Abril taong 1788 sa
pangalang Francisco Balagtas.Noong 1849, inutos ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria na ang bawat
katutubong Pilipino ay magkaroon ng apelyidong Espanyol. Taong 1842, binago ni Francisco Balagtas ang kanyang
pangalan bilang Francisco Baltazar. Si Balagtas ay nabilanggo sa ikalawang pagkakataon noong 1856 nang
ipahayag ang reklamo ng isang kasambahay ni Alferez Lucas, na pinutol niya ang buhok nito. Siya ay napalaya
noong 1860 at ipinagpatuloy ang kanyang pagsusulat ng tula.

Namatay si Balagtas noong Pebrero 20, 1862 sa edad na 74. Ang kanyang huling hangarin ay walang
sinuman sa kanyang mga anak ang sumunod sa kanyang mga yapak sa takot na sila ay dumaan sa parehong mga
paghihirap na kanyang dinanas. Sinabi pa niya na mainam pang maputol ang kanilang mga kamay kaysa ang mga
ito ay maging manunulat.

Si Balagtas ay lubos na pinahahalagahan sa Pilipinas na ang Pilipinong termino para sa debate gamit ang
ekstemporanyong taludtod ay ipinangalan sa kanya: ang balagtasan. Ipinangalan din ang isang paaralang
elementarya sa kanyang karangalan, ang Francisco Balagtas Elementary School (FBES), na matatagpuan sa
kahabaan ng Alvarez Street sa Santa Cruz, Maynila.
BUOD NG FLORANTE AT LAURA

Sa gitna ng isang malawak na gubat sa labas ng kaharian ng Albanya na nababagtas ng ilog Kositong
makamandag ang tubig, ay nakagapos ang isang kaawa-awang tao sa isang puno ng Higera. Siya si Florante, anak nina
Duke Briseo at Prinsesa Floresca. Unti-unting pinapanawan ng buhay si Florante dahil ang gubat ay sadyang
nakakatakot. Mga mababangis na hayop ang gumagala dito, ang huni ng mga ibon ay nakakalunos at ang malalaking
punongkahoy ay tunay na nakakasindak.

Sa isang di sinasadyang pagkakataon, napapunta ang isang Persyanong Moro sa dakong kinalalagyan ni Florante.
Ito ay si Aladin, anak ni Sultan Ali-adab, na nagpaka-layu-layo sa sariling bayan dahil sa sama ng loob sa ginawang pang-
aagaw ng ama sa kanyang kasintahang si Flerida. Nadinig lahat ni Aladin ang mga panaghoy ni Florante tungkol sa
kanyang mga kahirapan at siya ay lubos na naawa. Tinunton niya ang pinanggagalingan ng tinig at nakita ang dalawang
leong naka-akmang pumaslang kay Florante. Mabilis na pinaslang ni Aladin ang mga leon. Kinalagan niya ang gapos ni
Florante at pinagpilitang pahimasmasan siya. Yayamang dumidilim na noon, dinala ni Aladin si Florante sa may dakong
pinasukan nito sa gubat at doon ay magdamag siyang binabantayan. Kinabukasan ay nagkakuwentuhan silang dalawa.

Nagkwento si Florante ng kanyang naging buhay. Kinakitaan daw siya, mula nang pagkabata, ng mga katangiang
pangmaharlika; isinalaysay niya kung paano muntik nang madagit siya ng isang buwitre kung hindi lamang napana ito ng
kanyang pinsang si Menalipo, na taga-Epiro; binanggit din niya ang paghatid ng isang ibong arkon sa kanyang dibdib ng
isang kupidong diyamante. Ipinadala siya sa Atenas upang doon ay mag-aral. Dito ay nadatnan niya si Adolfo, anak ng
Konde Sileno na taga-Albanya din, na hinahangaan ng mga guro at mga kamag-aral dahil sa katalinuhan niya at pagka-
uliran sa pagkilos at pananalita. Labing-isang taong gulang lamang noon si Florante at si Adolfo ay labing-tatlo na; ngunit
sa loob ng anim na taong masugid na pag-aaral, nadaig ni Florante si Adolfo sa karunungan at kagalingan. Hindi naglaon
at lumabas ang likas na pagkatao ni Adolfo. Kinasuklaman niya ang mga tagumpay ni Florante. Kaya nga sa isang dulang
itinanghal, sa halip na sundin ang hinihingi ng papel, tinotohanan niyang saksakin si Florante. Mabuti na lamang at
nailigtas siya ni Menandro, pamangkin ng kanyang gurong si Antenor. Kinabukasan din ay pinauwi si Adolfo sa Albanya.

Namalagi pa ng isang taon si Florante sa Atenas. Samantala, nakatanggap siya ng masamang balita mula sa
kanyang ama na namatay ang kanyang mahal na ina. Kahit na siya ay nagdadala ng malaking sama ng loob, hinintay pa
niya ang pasiya ng kanyang ama. Dumating lamang ang isang sulat makatapos ang dalawang buwan na nagsasabing
umuwi na si Florante sa Albanya.

Ipinatawag ni Haring Linseo ang Duke Briseo sa Albanya sapagka't ang kaharian ng Krotona ay sinalakay ng
hukbo ng Persiyanong Heneral Osmalik. Sa unang pagkikita ng Haring Linseo kay Florante, itinanong agad nito kung sino
si Florante. Sinabi nitong napanaginipan daw niya ang taong mamumuno sa hukbo ng Albanya laban sa kaaway at ito'y
kamukhang-kamukha ni Florante. Ipinakilala ng Duke ang kanyang anak sa hari. Nagsipagpulong ang mga pinuno at
napagpasiyahang si Florante nga ang magdadala ng hukbo ng Albanya. Samantala, sa palasyo ay napukaw ang puso ng
binata ng magandang anak ng hari, si Laura. Namalagi ng tatlong araw si Florante sa palasyo; nguni't naging kasintahan
lamang niya si Laura pag-alis na niya. Ito ay nagpabaon ng luhang tanda ng pagmamahal niya sa binata.

Nakasagupa nina Florante ang mga kalaban; limang oras na naglaban sina Florante at Osmalik. Hindi nagtagal,
bangkay na itinanghal ang ganid na Persiyano. Nanatili pa ng limang buwan si Florante sa Krotona. Labis siyang nanabik
kay Laura kaya't nagdumaling bumalik sa Albanya. Sa kanyang pagdating, ikinagulat niya ng husto nang makitang
bandila na ng mga Moro ang nagwawagayway sa kaharian ng Albanya. Pinatigil niya agad sa paanan ng isang bundok
ang kanyang hukbo. Nakita niya dito ang isang babaeng pupugutan na lamang ng ulo ng mga kalaban. Kanyang mabilis
na sinagip ang inuusig. Anong laking pagkamangha nang makita ng lahat ang babae: si Laura! Nagsipagtakbuhan ang
hukbo ng kalaban, napinamumunuan pala ni Aladin. Nabawi ang palasyo nina Floranate at nailigtas ang mga
ibinilanggo : sina Haring Linseo, Duke Briseo at Adolfo.

Hindi pa halos natatahimik ang kaharian ng Albanya ay may isang hukbo na naman ang sumalakay; ito ay ang
hukbong pinamumunuan ni Miramolin. Sa madugong paglalaban ay nagapi nina Florante ang mga kalaban. Nguni't may
sunod-sunod pang mga hukbo ang nagtangkang sumalakay sa kaharian. Labimpito silang lahat; at lahat din sila ay
pawang natalo ni Florante!

Habang nasa Etolya si Florante, nakatanggap siya ng sulat buhat sa monarka ng Albanya na nagsasabing
madaling magbalik sa Albanya. Nabigla si Florante pagdating niya. Tatlumpung libong sandatahan ang dumakip sa
kanya at dali-daling ipiniit siya sa bilangguan. Hindi niya alam na sa mga pakana ni Adolfo ay napatay pala nito ang
mahal na hari maging ang Duke Briseo at ito ang siyang umagaw sa trono. Ikinulong si Florante nang labing-tatlong
araw; pagkatapos ay ipinag-utos na igapos siya sa gitna ng kasindak-sindak na gubat upang doon ay masila ng
mababangis na hayop. Magdadalawang araw na siya sa gubat na iyon.

Isinalaysay naman ni Aladin ang kanyang mga karanasan. Siya ang anak ng balitang Sultan Ali-adab. Napadpad
siya sa gubat dahil sa matinding sama ng loob sa kanyang ama. Ang kanyang kasintahang si Flerida ay ninasang agawin
sa kanya ng sariling ama. Sa tindi ng pagnanasa ng sultan, naghanap ito ng dahilan upang masarili ang dalaga. Sa
pamamagitan ng pagsisiyasat, natuklasan nitong nagpunta sa Persya si Aladin at iniwan ang kanyang hukbo sa Albanya.
Kaya nang maagaw ni Florante ang Albanya at matuklasan niyong si Aladin ay umurong sa labanan, ipinalagay ni Sultan
Ali-adab na iyon ay isang pagkamakasalanan, at hinatulang pugutan ng ulo ang sariling anak. Nguni't nang gabi ding
iyon, tumanggap si Aladin ng isang mensahe na siya ay ipinatatapon sa ibang lupa. Ang bilin ay huwag na siyang babalik
sa Persya kung nais pa niyang mabuhay. Ang paglilibot niya ay may anim na taon na ngayon.

Habang nagku-kwentuhan sina Florante at Aladin, nadinig nila ang pag-uusap ng dalawang tao. Ang isa ay
nagsasalaysay kung paano nalaman nitong ipapapatay ang kasintahan nitong nasa bilangguan. Dahil dito pumayag itong
makasal sa hari. Pinawalan naman ang kasintahang nabibilanggo. Noong gabing iyon ay tumakas ito sa pagbabalatkayo
bilang isang gerera. Madaming taon na ito ngayong naglalagalag, haggang sa magkita ang dalawa sa pook na ito.
Samantala, dahan-dahang nilapitan nina Florante at Aladin ang nagsisipag-usap. Anong laking tuwa nang makita nilang
ang nagsisipag-usap ay walang iba kundi sina Laura at Flerida!

Ikinuwento ni Laura kung ano ang nangyari sa kanya. Sinabi niya kung paano naagaw ni Adolfo ang trono, kung
paano pinugutan ng ulo ang hari. Sinabi din niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante sa Etolya upang ipaalam ang mga
nangyayari sa Albanya nguni't ito ay hindi nakaabot kay Florante. Samantala, natapos na noon ang limang buwang
taning ni Adolfo kay Laura upang mapag-aralan ang handog na pag-ibig nito. Wala nang paraang nalalabi kay Adolfo
upang mahimok si Laura; kaya't sa kailaliman ng gabi ay pinilit nitong dalhin siya sa gubat upang doon ay siraan ng puri.
Siya namang pagdating sa gubat ni Flerida. Nakita niyon ang kabuktutan ni Adolfo. Sa isang pagsibat niyon ay napatay
agad si Adolfo.

Habang nagpapalitan ng kani-kanilang karanasan ang apat, nagsidating sina Menandro, kasama ang buong
hukbo ng Albanya. Pinaghahanap nila si Adolfo upang maibalik ang dating katahimikan ng Albanya. Nagsipagsigawan
ang buong hukbo sa tuwa nang makita ng lahat na buhay sina Florante at Laura. Ipinagbunyi nilang lahat ang
magkasintahan. Pagkaraan ay nagbalik silang nagsisipagbunyi sa palasyo. Hindi nagtagal at nakasal sina Florante at
Laura. Itinanghal na hari ng Albanya si Florante; si Laura, ang reyna. Sina Aladin at Flerida naman ay pinag-isang dibdib
din matapos mabinyagan upang maging ganap na Kristiyano. Bumalik silang dalawa sa Persya nang mamatay ang Sultan
Ali-adab, at doon sila ay namuno sa sariling kaharian.

You might also like