You are on page 1of 14

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko, puta daw ako.

Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila, ako daw ang


pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Di
ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang
kinabukasan ko.
Tara, makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.
Alam mo, maraming lumapit sa akin. Nagkagusto at
naakit. Ang hirap pag lahat sa iyo, virgin eh. Tinanggap
ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Hindi
ko maintindihan ang mga nangyari sa akin. Bukas palad
ko naman silang pinakitunguhan, ni hindi ko nga
itinuring na iba. Iniisip ko na nga lang na kasi di sila taga
rito kaya siguro talagang ganoon.
Tatlong malilibog na foreigners ang nagpyesta sa
katawan ko. Sabi nila na-rape daw ako.
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di
ko makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga
nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Kasi, ibang-iba ang
hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit
niya ako. May mga pagkakaton na nasusuka na ko sa
mga nangyayari sa aming dalawa. Parang ‘pag
humahalinghing siya, nararamdaman ko na nalalason
ako.
Gusto ko mang umayaw, hindi ko makuhang humindi.
Hindi ko din alam kung bakit. Ibang klase din kasi siya
mag-sorry eh, lalo pa at inalagaan niya ako at ang mga
naging anak ko.
Alam mo, parating ang dami naming regalo - may
chocolates, yosi at ano ka! May datung pa!
Nakakabaliw siya! Alam kong ginagamit niya lang ako
pero pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin
natutunan mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa
pa!
Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin.
Sosyal na sosyal kami! Ewan ko nga ba, akala ko
napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na
kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong
pinapatay.
Punyetang buhay! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa
katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming
nagsabi na ang tanga tanga ko. Palayasin ko na daw.
Taon ang binilang bago ako natauhang makinig sa payo.
Iniisip ko kasi na parang di ko kakayanin na mawala siya
sa akin… Sa amin!
Sa tulong ng ilan sa mga anak ko, napalayas ko ang
demonyo pero ang hirap magsimula. Hindi nga ako
sigurado kung nabunutan ako ng tinik o nadagdagan pa.
Masyado na kasi kaming nasanay sa sarap ng buhay na
naranasan namin sa kanya, kaya eto nabaon kami sa
utang. Lubog na lubog kami sa pagkakautang, kulang
yata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang
namin.
Nakakahiya man aminin pero hanggang ngayon, sa
tuwing mabigat ang problema ko, siya ang
tinatakbuhan ko. ‘Yun nga lang, kapit sa patalim sabi
nga nila. Para akong isang aso na nangagat ng amo, na
bumabahag ang buntot at umaamo kapag
nangangailangan.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May
nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kasi
ang isang magandang katulad ko. Ang dating
hinahangaan at humahalina ay nabibili sa murang
halaga. Alam mo maski ganun ang mga nangyari sa
akin, nilakasan ko pa rin ang loob ko. Kailangan makita
ng mga anak ko, na masasandalan nila ako maski ano
pang mangyari.
Maski ano pa ang sabihin ng iba, sinisikap namin na
maging maganda ang buhay namin. Nag-aambisyon
kami at nangangarap. Ayun, may mga anak ako na nasa
Japan, Hong Kong, Saudi. Yung iba nag-US, Canada,
Europe. ‘Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat,
wala naman silbi. Masaya daw sa piling ko, maski amoy
pusali ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang
kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na
nanamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko
para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Eto na
nga ang panahon na halos di na kami makaahon sa
hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa
ginhawa at sarap.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa
kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa
nang palaki! Paano na lang ang mga anak kong naiwan
sa aking puder? At paano na lang ang mga anak kong
nasa abroad? Baka di na nila ako balikan o bisitahin
man lang? Hindi na importante kung laspagin man ang
ganda ko, madama lang ng mga anak ko ang
pagmamahal ko. Malaman nila na ibibigay ko ang lahat
para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa
rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag-
usapan pa rin. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa
salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang
ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling
nga ng mga anak ko eh, namamayagpag kahit saan sila
pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o
mali.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit
sa akin. May malasakit man, nahihilaw pa.
Mabigat dalahin para sa akin, ang katotohanan na ni
minsan ay di kami naging isang pamilya. Halos lahat ng
mga anak ko, galit sa isa’t isa. IIlan ang gusto
magtulungan, naghihilahan pa. Madalas kong
itinatanong sa sarili ko kung naging masama ba akong
nanay para magturingan ng ganito ang mga anak ko?
Kanino bang similya ng demonyo nanggaling ang mga
anak kong maituturing mong may mga pinag-aralan
pero nakakadama ng saya at sarap sa paghihirap ng
kapatid nila? Di ko lubos maisip kung saan impiyerno
nanggaling ang kasikiman ng ilan sa mga anak kong ito.
Sila pa naman ang inaasahan kong magbabangon sa
amin.
Nakakabaliw isipin na natitiis nila ang kalagayan ng
kanilang mga kapatid na halos mamatay sa hirap ng
buhay. Parang di sila magkakapatid sa tindi ng
pagkaganid at walang pagmamalasakit.
Ang di ko akalain ay mismong mga anak ko, ang
tuluyang sisira sa akin. Kinapital ang laspag na ganda
ko. Masaya sila sa mga nabibili nila mula sa
pinagputahan ko. Buong angas nilang pinagyayabang
ang mga pansamantalang yaman at ang kanilang hilaw
na pagkatao sa mga makakakita at makikinig. Talaga
bang nakakalula ang materyal na kayamanan at mga
titulong ikinakabit sa pangalan? Hindi ko maintindihan.
Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga
kilala sarili ko.
Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako
ng mga anak ko. Ilang linggo pa, magbabagong taon na.
Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap-
usapan na ang susunod na pangbubugaw sa akin.

Gagamitin pa nila ang kahinaan ng mga kapatid nilang


alipin sa kalam ng tiyan. Sa tagal ng panahong ganito
ang sitwasyon namin parang eto lang ang sulok na
gagalawan ko. Sana may magtanggol naman sa akin.
Ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: "Ina
ninyo ako! Pagmamahal nyo lang ang kailangan ko!”
Sensya na, ang haba na ng drama ko. Masisira na ang
make up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako.
Malaking bagay sa akin na nakausap kita. Ang tagal
nating nag-usap, di man lang ako nagpapakilala.
Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.
Pilipinas nga pala.

You might also like