You are on page 1of 11

Aralin 3: Ang

Pakikipagsapalaran
at Unang Kataksilan
Panuto: Piliin sa loob ng panaklong ang
kasingkahulugan ng nasalungguhitang salita.
1.Bakit ngayo’y tinitikis (tinitiis, tinitimbang) yaring
dusa?
2.Matagal ding nag-apuhap (nag-isip, naghanap)
ng panagot na marapat.
3.Pagkat ipaglihim nama’y mabubunyag
(malalantad, maitatago) din ang tunay.
4.Maiiwan siya ritong nag-iisa’t lunong-luno
(gulong-gulo, hinang-hina).
5.Ang papuring palamara (taksil, tapat) ay
pagsuyong lason pala.
6. Pikit-mata nang kinagat ni Don Diegong
nagpabulag. (napatango, napasunod)
7. Nagpahuli kay Don Juan’t kay Don
Diego umagapay (sumabay, umalalay).
8. Lumuluhang nanambitang (nakiusap,
nanaghoy) tangkiliking mamatay.
9. Ayaw man sa sama’y nalihis (natuwid,
naliko) sa katuwiran.
10. Naayos ang butong linsad (bali,
durog), kiyas niya’y walang bawas.
BUOD NG SAKNONG 30-399
Tatlong maginoo ang naging prinsipe ng Berbanya sapagkat
pinili nila ang maghari kaysa magpari. Isang araw,
nagkasakit nang malubha ang hari dahil sa masamang
panaginip. Ipinahayag ng manggagamot na manunumbalik
lamang ang lakas ng hari kapag narinig ang mahiwagang
awit ng Ibong Adarna. Inatasan ng amang hari ang
panganay na anak kaya noon din ay nagtungo si Don Pedro
upang hanapin ang lunas.
Tatlong buwang naglakbay si Don Pedro sa Bundok Tabor.
Labis ang pagkamangha niya sa ganda ng kapaligiran
hanggang sa makita niya ang gintong punongkahoy ngunit
wala namang kahit isang ibong dumadapo sa mga sanga
nito.
Dito na namahinga ang prinsipe at napaidlip sa sobrang
pagod. Nataon namang dumating ang ibong Adarna. Umawit
ito ng pitong beses at pitong beses din itong nagpalit ng kulay
ng balahibo. Dahil ugali na ng ibong ito ang magbawas
pagkatapos umawit, napatakan nito si Don Pedro na
nahihimbing at naging bato. Ganito rin ang sinapit ni Don
Diego. Labis na nag-alala ang hari dahil tatlong taon nang
hindi umuuwi ang dalawang anak. Napagpasyahan ni Don
Juan, ang bunsong prinsipe, na siya naman ang maghahanap
at huhuli sa ibon. Hahanapin na rin niya ang kanyang mga
kapatid. Bagaman masakit sa kalooban, pumayag ang mahal
na hari. Naglakbay si Don Juan na taglay ang dasal at
patnubay ng Mahal na Birhen na palagi niyang hinihingian ng
tulong.
Sa kanyang paglalakbay, isang matandang ketongin ang
humingi ng limos sa kanya. Buong-puso niyang ibinigay rito
ang natitirang baong isang tinapay. Bilang kapalit, itinuro nito
ang bahay ng ermitanyong magtuturo sa kanya kung paano
mahuhuli ang kanyang pakay.
Matiwasay ngang nahuli ni Don Juan ang ibon sa tulong ng
matandang ermitanyo. Iniligtas din niya mula sa pagiging
batong-buhay ang dalawang kapatid sa pamamagitan ng
pagbuhos ng tubig na mula sa banga ng ermitanyo.
Habang naglalakbay pabalik sa Berbanya, hindi akalaing
may balak pala si Don Pedro sa bunsong kapatid dahil sa
nadarama nitong inggit. Hinikayat pa niya si Don Diego na
pumayag sa kanyang balak.
Napilitan namang pumayag si Don Diego nang sabihin ng
kapatid na imbes na patayin ay bubugbugin na lamang nila
ang bunsong prinsipe upang sa kanila mapunta ang
karangalan ng pagkakahuli sa ibong Adarna. Gayon nga ang
nangyari. Pinagkaisahan nilang bugbugin si Don Juan,
pinagtatadyakan at pinagsusuntok nila ito hanggang
mapasubsob sa lupa. Inagaw nila ang ibong Adarna at iniwan
nilang hinang-hina ang bunsong prinsipe habang nasa puso
ang kagalakan sa katuparan ng kanilang balak. Sa kasamang
palad, pagdating nila sa kaharian ay ayaw umawit ng ibon sa
harapan ng hari at naging pangit ang hitsura nito.
Sa gitna ng pasakit na dinanas ni Don Juan, taos-puso
siyang nanalangin sa mahabaging Diyos na siya ay pagalingin
kaagad upang makabalik sa kaharian ng Berbanya.
Kaagad umawit ang ibong Adarna nang dumating si Don
Juan sa kaharian. Inilahad ng ibon sa kanyang awit ang
naging kapalaran ni Don Juan sa kamay ng kanyang mga
kapatid. Nanumbalik ang lakas ng hari ngunit nagliliyab naman
sa galit ang kanyang kalooban nang malaman ang kasamaan
nina Don Pedro at Don Diego. Sa kabila niyon, hiniling ni Don
Juan sa amang mahal na patawarin ang mga kapatid.
Pinatawad sila ng hari sa kondisyon na hindi na muling
gagawa ng masama.
Mga Gabay na Tanong
1.Ano ang kinahinatnan ng hari pagkatapos niyang
managinip?
2. Anong solusyon ang iminungkahi sa kalagayan ng
hari?
3. Isalaysay ang naging kapalaran ng tatlong prinsipe
sa paghahanap ng lunas.
4. Ilahad ang malupit na sinapit ng bunsong prinsipe.
Bakit kaya niya sinapit ang ganitong
kapalaran?
Pangkatang Gawain
PANUTO: Alalahanin ang isang napanood na
bahagi ng teleserye o telenobela sa telebisyon
na natutulad sa pangyayari sa Ibong Adarna na
natutuhan mo ngayon. Irole play/Idrama mo ito.
Pagkatapos ay Ilahad ito at ipaliwanag mo kung
paano ito natutulad sa isang pangyayari sa
kabanata ng “Ibong Adarna”. Ibahagi rin ang
naging damdamin mo habang pinanonood mo
ang partikular na pangyayaring iyon.

You might also like