You are on page 1of 2

ISANG MILYONG HAPUNAN

Ni Bb. Glenda C. Pon-an

September 14, 2009


Ang tulang ito ay naisulat upang imulat ang taong-bayan sa isang talamhak at bulgar na
katiwaliang umiiral sa ating lipunan…..

Sa bawat subo, sa bawat lunok ,magkano kaya ang halaga,


Sa isang marangyang kainan sa bansang Amerika?
Isang milyung hapunan , oh ,sadyang napakamahal yata!
Habang kaydaming mamamayang gutom , wala nang hininga.

Nang napanood ko sa Telebisyon ang ganitong balita,


Naaantig ang puso ko, pinupukaw ng gunita,
Bumalik ang katotohanang sinaksihan ng aking diwa,
Nang mapadpad ako sa paaralang binalutan ng pagkadukha,
Baryong malayo, magsasaka’t katutubo aking nakasalamuha,
Mga batang gutom, nag-aaral kahit walang laman ang sikmura.

Kayo, tulungan nyo akong masagot mga tanong ng aking puso.


Paano ba matututo kung karamiha’y tuyo’t kanin lang ang sinusubo?
Paano ba maging matalino kung hanggang kamote’t saging lang ang kayang iluto?
Paano ba papasa sa NAT kung sustansya ng pagkain hanggang sa turo lang ng guro?
At paano bang, ah ang daming paano? Huwag na lang, baka kayo mapasubo.

Balik na lang tayo sa kasalukuyan,


Lakbayin ang syudad at saksihan ang katotohanan.
Pero ganoon din naman ang dami kong nababalingan.
Pinipilit kong maging bulag sa bulong ng kamalayan,
Ngunit budhi ng aking puso’y dinidilat nang masilayan
Iba’t ibang anyo na aking natunghayan.

‘Yong pulubing palagi kong nadadaanan, sa may labas ng Central High School,
Ang mga tinakasan ng katinuan , sa Mental Hospital nakadungaw may binubulong,
Nag-aagawan at namimilit ang mga Bajao sa paghingi ng tulong,
Nagsusumikap naman ang mga batang lansangan makakuha ng pantawid gutom.
At napansin nyo ba? Ang bangketa’y ginagawa na rin ngayong mansyon?
Marami pa sila, napakarami pa, at maaring dadami pa sa darating na mga taon.
Ah, ang dami kong nakikita, kung sinu-sino pang nasa lansangan,
Nasa labas ng karinderya, pagkaing tira’y inaabangan,
May naghuhukay rin ng basura, Wow Jollibee ! baka nga mayroon pang laman.
Minsan , mabuti ‘t nasikmura ko pang makakain habang aking napagmasdan,
Sa harap, sa labas ng fastfood, aninag ko sa salamin pulubing kabataan!

Ang dami kong katanungan, tulad nyo rin kung ano bang dahilan?
Bakit ba, bakit ba sila nagkaganyan?
Pero wala akong karapatang sila ay husgahan.
Maaring ito nga ang larawan ng kahirapan,
Bunga ng mga sikmurang naghahanap ng laman,
At maghintay na rin sa bunga ng panawagan,
Ng mahal nating pinuno ng bayan?

“ Magtiis at magtipid nang ekonomiya’y yumaman,


Darating ang araw, walang nang magugutom sa bawat tahanan,
Kung kumain man kami, ng isang milyong hapunan,
Katumbas naman nito’y mga negosyanteng dayuhan,
May mauutangang puhunan, sa pag-unlad ng ating bayan!”

Ha,ha,ha……sige, maghintay tayo nang maghintay ,


Huwag lang tayong magpakabusog sa kasakiman,
Huwag lang tayong kumain ng nakaw,
Huwag lang tayong umasang mabuhay sa di pinaghirapan,
Huwag lang tayong umabuso sa posisyong hinawakan,
At huwag tayong mamamatay na maraming masisiyahan!

Mas mapalad nga ako,


May hinihintay pa akong sweldo,
At may karapatan pang magreklamo.
Salamat rin sa Isang Milyong Hapunan ng Pangulo
Dahil dito, aking kamalayang panlipunan ay naisatula ko.

You might also like