You are on page 1of 1

Ang Pagiging Istrikto

Leodigaria Laud-Reyno
Mananao Elementary School
San Manuel, Isabela

May kakilala akong punong guro. Siya ay matangkad, konserbatibong sosyal kung aking
uriin, mabait at palakaibigan. Malimit siyang hingan ng tulong ng mga guro at kapwa punong guro sa
mga ideyang pampaaralan. Gustong-gusto siya ng mga bata dahil sa pagiging mapagmalasakit niya sa
mga ito. Subalit sabi ng iba siyay napakaistrikto. Ano nga ba ang katangian ng istriktong tao? Sinilip ko
ang diksyunaryo ni Webster at tiningnan ang ibig sabihin nito. Ito ang nabasa ko, strict means
observing and enforcing rules accurately o sa tagalog pagsasagawa at pagpapatupad ng batas ng
tama at sa wastong pamamaraan.

Sa administrasyon ngayon ni Pangulong Aquino, di nga bat ito ang kahilingan niya. Ang
ipatupad ang batas nang tama at sa wastong pamamaraan? Paano tayo makasusunod sa kanyang
Tuwid Na Daan kung hindi natin gawin ang nararapat lalo na kung tayo ang pinuno? Masasabi bang
pagiging istrikto ang pagtupad ng tungkulin lalo na kung hindi inaapakan ang karapatan ng iba? Sa
palagay ko, kapag isinasagawa ng pinuno nang wasto ang pagganap sa kanyang tungkulin, marami ang
magagalit at sasabihing ang pinunong iyan ay napakaistrikto. Kasi naman, mas kakaunti ang taong
gumagawa nang naayon sa batas kaysa sa mga taong may taliwas na pag-iisip sa wastong layunin.

Ang pagiging istrikto ay hindi pagiging malupit at mahigpit. Ang istriktong tao ay iba sa
malupit at mahigpit na tao. Ang malupit ay nananakit hindi lamang sa pampisikal kundi lalot higit sa
damdaming emosyonal. Ang taong kagustuhan lamang niya ang nasusunod ay ang mahigpit. Di
nababali ang desisyon anumang gawing paliwanag at pakiusap ng iba. Kung ano ang naisin at ididikta
niya, iyon ang dapat maisagawa at masunod, dahil kung hindi ito ang masusunod wala kang puwang sa
kanyang pamamahala.

Bilang pinuno, nararapat lamang na maging istrikto. Hindi upang higpitan ang
pinamumunuan upang sumunod kundi upang mailagay sa ayos ang mga batas na dapat ipatupad, na
nagmumula sa mga nakatataas na pinuno ng organisasyon, nang di-inaapakan ang karapatan ng iba.
Ang tagumpay ng lipunan ay nakasalalay sa mga namumuno. Kung ang lider ay panghihinaan ng loob,
ang lahat ay manghihina at ang layunin ay di-maisasagawa. Ang istriktong pinuno ay nag-iiwan ng
magandang ala-ala sa kapwa dahil sa kanyang matiwasay at wastong pamamahala. Ang mahigpit at
malupit na pinuno, sukdulang pagkamuhi ang sa kanyay maaalala. Ang istriktong lider ay mahirap
makalimutan dahil sa kasidhian sa paggawa samantalang ang malupit at mahigpit na lider madalas
kamuhian ng madla.

Sa kapwa ko mambabasa, naway sa kaunting paliwanag na ito ay magkaroon tayo ng
pananaw na isagawa ang nararapat sa ating pamumuno at sa ating pinamumunuan. Ano kaya ang
maaalala sa atin ng ating kapwa, Ang ating pagiging istrikto kaya? o Ang ating pagmamalupit at
paghihigpit sa ating pamamahala na yumuyurak sa pagkatao at karapatan ng iba?

You might also like